
Kabanata 11
SA loob ng mansion ng mga Ricarte, abala sa pagbabasa ng libro tungkol sa medisina si Agueda. Upang maupos ang hinala ng kanilang ama, minabuti ng dalaga na manatili na lamang sa loob at gugulin ang kaniyang sarili sa pag-aaral. Sa loob ng dalawang araw, napirmi rin sa mansion si Esteban na siyang pinagtataka naman niya. Batid niyang maraming ginagawa ang kanilang ama sa negosyo ngunit mula nang umuwi ito ay hindi na niya itong nakitang lumabas. Hinuha niya ay binabantayan sila nito.
Hindi na rin nakakalabas-labas si Artemio sa kaniyang silid bilang utos ng kaniyang ama. Bagama't nais niyang magtungo ng kampo upang kumustahin ang kaniyang mga kasama, hindi niya maaaring gawin iyon. Humiling ang kaniyang ama sa pinuno ng guardia sibil na magtalaga ng iilang mga tagabantay sa paligid ng kanilang mansion. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang inaasal nito.
Dahil sa mga bantay, pahirapan na kung sakaling tumakas man sila. Walang ibang ginawa si Artemio sa loob ng kaniyang silid kundi ang magbasa rin ng libro sa abugasya. Sumasakit na ang kaniyang ulo sa labis na pag-aaral. Nais na niyang lumabas at makita si Agueda.
Samantala, hindi naman lubusang naiintindihan ni Agueda ang kaniyang binabasa. Naglalakbay ang kaniyang isip sa malayo. Nangangati na ang kaniyang paa na umalis at magtungo sa bundok. Sigurado siyang nag-aalala na sa kanila si Ka Miyong. Ayaw niyang lumipas na naman ang isang araw nang wala siyang naririnig na kahit na ano mula sa kaniyang mga kasama.
Hindi na nakatiis pa ang dalaga. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at mabilis na niligpit ang mga librong ginamit niya. Nasipat niya sa bintana na papalubog na ang araw. Nais niyang tumakas sa pagkagat ng dilim. Batid niya ang mga guardia sibil na nagbabantay sa labas ng mansion. Kung mag-iingat siya, kayang-kaya niya itong lusutan.
Pagkatapos nilang maghapunan, agad siyang nagpaalam sa kaniyang ama na maaga siyang magpapahinga. Hindi naman ito nagtanong pa at hinayaan na lamang siya. Mabilis siyang nagbihis ng itim na camisa de chino at kumuha ng isang tela upang takpan ang kaniyang mukha. Tulad ng karaniwan niyang ginagawa, tinali niya rin ang kaniyang buhok at itinago ito sa ilalim ng sombrero. Nag-ipit rin siya ng isang rebolber sa kaniyang likuran kung sakali mang kakailanganin niya ito. Batid niyang magagalit si Artemio sa kaniyang gagawin ngunit hindi na siya mag-aabalang sabihan ang lalaki. Nais niyang umalis nang walang kasama. Higit na magtataka ang kanilang ama kung dalawa silang mawawala sa mansion.
Binuksan ni Agueda ang malaking binata sa kaniyang silid. Dumungaw siya sa ibaba upang pag-aralan ang paligid. Nasa ikalawang palapag siya ng mansion. Walang tao kaya't agad siyang tumalon mula rito. Tahimik naman siyang lumapag sa lupa at mabilis na nagtago sa likod ng puno. Nang mapansin niyang walang ibang nakakita sa kaniya, mabilis siyang tumakbo sa bakuran. Mataas ang bakod na pumapaligid sa mansion kaya't kailangan niya pang akyatin ang isang puno ng manga upang makasampa rito. Napangiti si Agueda nang mapagtanto niyang walang guardia sibil ang nagbabantay madilim na bahagi na kaniyang kinaroonan. Malaya siyang nakatawid ng bakod ng hindi nahuhuli.
Agad siyang naglakad palabas ng eskineta. Nadaanan niya ang mga guardia sibil na nagbabantay sa tarangkahan ng mansion ngunit hindi na siya nag-abalang lingunin pa ito. Sisiguraduhin niyang hindi mapapansin ng kaniyang ama ang pagkawala niya. Babalik rin naman siya bago sumikat ang araw.
Binaybay ni Agueda ang daan papunta sa bundok. Siniguro niyang walang nakakakita sa kaniya nang pumasok siya sa kakahuyan. Hindi niya alintana ang dilim ng kaniyang nilalakaran. Kabisado niya ang bundok kaya't makakarating siya sa kanilang kampo ng hindi gumagamit ng sulo bilang gabay at liwanag.
Halos kalahating oras rin siyang naglakad nang matanaw niya ang bahay ni Ka Miyong sa 'di kalayuan. Tulad ng inaasahan, maliwanag pa rin ang paligid nito na pinapalibutan ng lampara sa bawat sulok. Napangiti siya nang makita ang batang si Benito na naglalaro sa labas. Akmang tatawagin na niya sana ito ngunit biglang nahuli ng kaniyang mga tingin ang isang taong nagtatago sa likod ng isang malaking puno. Nakasuot ito ng purong itim na damit at nakatakip rin ang mukha, mistulang nagmamanman sa lugar.
Gumapang ang matinding kaba kay Agueda. Sa kilos at suot pa lamang ng lalaki, nahinuha na niya kaagad na isa itong espiya. Dahan-dahan niyang hinugot ang dala niyang rebolber ngunit bago pa man niya ito tuluyang nailalabas, biglang napatingin sa kaniyang gawi ang lalaki. Nagtagpo ang kanilang mga mata. Sandaling napatigil si Agueda. Pamilyar sa kaniya ang mga tingin nito. Hindi siya maaaring magkamali. Ang lalaking iyon rin ang kaniyang nakainkwentro noong gabing papatayin niya na sana ang Gobernador-Heneral Lubaton. Anong ginawa ng taong iyon sa kanilang kampo?
Nabalik sa reyalidad ang dalaga nang biglang tumakbo palayo ang lalaki. Hindi na siya nagsayang ng oras at kaagad itong hinabol. Hindi niya nilulubayan ng kaniyang tingin ang lalaki habang tumatakbo. Kung totoo ngang isa itong espiya, manganganib ang kanilang kilusan oras na malaman ng mga dayuhan kung nasaan ang kanilang kuta. Sigurado rin siyang nakita ng lalaking iyon ang itsura ng kaniyang mga kasamahan. Kailangan niya itong mahuli.
Lumusot sa kakahuyan ang lalaki at tinahak ang daan papunta sa kabilang bundok. Halos hingalin na si Agueda sa kakatakbo ngunit hindi siya tumigil at patuloy itong sinundan. Nabuhayan siya ng loob nang mapagtanto niyang tumakbo ang lalaki papunta sa isang matarik na dalisdis. Isang matayog na talampas ang naghihintay sa kanila sa dulo ng daang ito kaya't alam niyang wala nang kawala ang lalaki. Mahigpit niyang hinawakan ang kaniyang rebolber at lakas loob itong sinundan.
Naningkit ang kaniyang mga mata nang makita ang lalaking nakatayo sa dulo ng bangin. Isang rebolber rin ang hawak nito at nakatutok sa kaniyang direksyon. Aaminin ni Agueda na nahirapan siyang hulihin ito. Magaling itong tumakas kahit na hindi nito kabisado ang lugar.
Humakbang si Agueda upang lapitan ito. Kapwang nakatutok ang mga baril nila sa isa't isa. Biglang bumalik sa alaala ng dalaga ang nangyari noong gabing iyon. Ito rin ang eksena noong una nilang nakita ang isa't isa.
Biglang nagsalubong ang kilay ng lalaki habang nakatitig ito sa kaniya. Batid ni Agueda na nakilala na rin siya nito. Hindi niya makakalimutan ang mga malalalim at matatapang nitong tingin.
Kahit na kalahati lamang ng mukha ang nakikita nila sa isa't isa, kapwa nilang alam na hindi ito ang una nilang pagtatagpo.
"Anong kailangan mo? Bakit mo ako sinusundan?" tanong ng lalaki.
Naningkit ang mga mata ni Agueda nang marinig ang boses nito. Kakaiba ito kumpara sa kaniyang inaasahan. Mapanglaw ngunit kalmado.
"Hindi ba't ako dapat ang magtanong sa iyo,'yan? Bakit mo minamanman ang bahay na iyon? Espiya ka ba ng mga dayuhan?"
"Hindi ako kalaban," sagot nito.
"At sa tingin mo, maniniwala ako sa iyo?"
Umigting ang panga ng lalaki. "Alam kong ikaw rin ang nakaengkwentro ko noong gabing namatay ang Gobernador-Heneral. Batid kong nais mo rin siyang patayin noong mga oras na iyon ngunit inunahan lamang kita. Pinatay ko ang kalaban mo, hindi ba't magandang senyales iyon na hindi ako kaaway."
"Hindi ako naghahanap ng kakampi," tugon ni Agueda. "Hindi ko rin hiniling na may tumulong sa akin noong gabing iyon. Kaya kong asintahin sa ulo ang Gobernador-Heneral nang mag-isa."
Tumango-tango ang lalaki. "Matapang ka. Nakikita ko ring magaling ka sa pamamaril. Saan naman natutunan ng isang indiong katulad mo ang kakayahang iyan?"
"Huwag mong ibahin ang usapan. Uulitin ko, bakit mo minamatyagan ang bahay na iyon kanina? Anong pakay mo doon? Sagutin mo ako kung ayaw mong kumalat ang utak mo sa lupang kinatatayuan mo ngayon."
"Baka nakakalimutan mong nakatutok rin ang baril ko sa ulo mo. Huwag mo akong pagbabantaan dahil kaya ko ring patayin ka sa isang kisapmata lamang."
Nagsukatan ng tingin ang dalawa. Kapwang walang nais magpatalo sa kanila. Hindi hahayaan ni Agueda na makawala ang lalaking ito. Base sa pananamit nito, alam niyang hindi ito isang Pilipino. Para sa kaniya, kalaban ang lahat ng mga dayuhan. Isa pa, nagsisimula pa lamang ang kanilang paghihimagsik. Hindi niya hahayaang may humadlang sa kanilang mga layunin.
"Bakit hindi na lamang tayo magkasundo?"
Umangat ang kilay ng dalaga sa tinuran ng binata. "Anong ibig mong sabihin?"
"Halata namang wala pa sa atin ang gustong mamatay. Bakit hindi na lang natin ibaba ang ating mga baril at hayaan ang isa't isa. Kalimutan natin ang gabing ito. Iwaglit mo na rin sa iyong isipan ang nangyari noong una tayong nagkita. Maghiwalay tayo na parang walang nangyari."
"Sa tingin mo ba bubuhayin pa kita?" nangangalaiting sabi ng dalaga.
"Sinabi ko na sa iyo na hindi ako isang kalaban. Bakit ganoon na lamang ang iyong pagnanais na patayin ako? May nakita ba akong hindi ko dapat makita?" Ngumisi ito.
Hinigpitan ni Agueda ang hawak niya sa kaniyang armas. "Tumahimik ka!"
Nahimigan naman ng lalaki ang biglaang pagbabago ng ugali ng kaniyang kaharap. Nakuha na niya kaagad ang nangyayari.
"Ah, may kinalaman ka rin ba sa naganap na barilan sa plaza? Huwag mong sabihin sa bahay na iyon ninyo itinago ang taong pumatay sa Gobernador-Heneral?"
"Kapwa nating alam dalawa na hindi siya ang pumatay sa Gobernador-Heneral," giit ni Agueda.
"Ngunit pareho rin nating ayaw mahuli—"
"Espera, escucho algo aquí!"
Napatigil silang dalawa nang biglang may sumigaw sa 'di kalayuan. Sunod-sunod na yapak ang kanilang narinig papunta sa kanilang kinaroroonan. Napalingon si Agueda at naaninag ang paparating na mga guardia sibil. Namuo ang kaba sa kaniyang dibdib nang matanaw ang liwanag sa mga dala-dala nitong sulo. Hindi niya akalain na makakarating ang mga ito sa bundok. Ngunit bago pa man sila tuluyang matunton nito, nagulat si Agueda nang bigla siyang hilain ng lalaking kasama. Sabay silang nagtago sa likuran ng kalapit na puno.
"Ano bang gina—"
Hindi natuloy ni Agueda ang kaniyang sasabihin nang biglang tinakpan ng lalaki ang kaniyang bibig gamit ang kamay nito. Nanlaki ang mata ng dalaga nang mapagtanto ang nakakaasiwang posisyon nilang dalawa. Nakasandal ang likuran niya sa malaking katawan ng puno habang nakaharap naman sa kaniya ang lalaki. Hindi siya makagalaw sa kaniyang puwesto. Pinagmasdan niya ang binatang maya't mayang sumisilip mula sa kanilang pinagtataguan. Nasa malayo ang mga mata nito at pawang kinakabahan sa mga taong nasa paligid. Kita niya ang mga pawis na namumuo sa gilid ng noo ng lalaki. Kahit na kalahati lamang ng mukha ang kaniyang nakikita, hindi maitatago ang nakakahalina nitong itsura.
Napaigtad si Agueda nang bigla itong tumingin sa kaniya. Mabilis niyang iniwas ang kaniyang mata at pinilit ang kaniyang sarili na huwag salubingin ang mga titig nito. Batid niyang pinagmamasdan rin siya ng lalaki. Gustuhin man niyang itulak ito palayo ngunit hindi niya maaaring gawin iyon. Kaunting galaw lamang sa kanilang pinagtataguan ay siguradong matutunton sila ng mga guardia sibil.
Tiniis ni Agueda ang ganoong sitwasyon hanggang sa umalis na ang mga nagroronda. Nahihiyang naghiwalay ang dalawa sa isa't isa. Napansin ng dalaga na itinago na ng lalaki ang hawak nitong rebolber. Bumuntong hiniga na lamang siya at ginaya ito. Muli niyang inipit ang kaniyang armas sa kaniyang likuran.
"Uulitin ko, hindi ako kalaban," panimula ng lalaki. "Wala akong balak hadlangan ang kung ano mang nais ninyong gawin laban sa mga dayuhan."
Pagkuwa'y napatingin si Agueda sa kaniya. "Kung hindi ka nga kalaban at wala kang kahit na anong koneksyon sa mga dayuhan. Anong ginagawa mo sa labas ng bahay kanina?"
Humugot ng malalim na hininga ang binata. Napatingin siya sa paligid. Masyadong delikado kung mananatili pa sila rito.
"May tamang oras at lugar para iyong katanungan. Bakit hindi tayo magkita bukas ng gabi sa plaza?"
"Ano?"
"Pareho nating alam ang sekreto ng isa't isa. Kailangan nating mag-usap ng lalaki sa lalaki?"
Sumama ang tingin ni Agueda sa kaniya. "Paano ka naman nakakasiguro na papayag akong makipagkita sa'yo?"
Ngumisi ito. "Hihintayin kita."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro