Brain Control
ISANG sakit ang sumasalot sa buong bayan ng Kardusa. Lahat ng mga dinadapuan nito ay nangingitim ang balat, naninilaw ang mata at kumikilos na parang hayop.
Tila nakalimutan na ng mga ito ang pagiging tao. Hindi na nakapagsasalita, nakatatayo at nakalalakad. Sila'y palagi na lamang gumagapang sa lupa na parang ahas.
Nagsimula ang sakit na ito nang may mapadpad na kakaibang mga insekto sa kanilang lugar. May pagkakahawig sa lamok ang mga ito pero ang kaibahan, hindi sila dumadapo o nangangagat sa balat, kundi pumapasok sa loob ng katawan at doon naninirahan.
Nagkalat na ang mga insektong ito sa buong lugar. Kahit saan lumingon ay puwedeng makakita nito. Kaya nga marami sa iba ang hindi na halos lumalabas sa kanilang tirahan. Ang iba naman ay naglalagay ng pantakip sa bibig at tainga upang hindi pasukan.
Higit pa sa lason ang naidudulot ng mga insektong ito sa oras na makapasok sa katawan ng tao. Kung saan man sila nagmula ay walang nakakaalam.
Si Dr. Velasquez, ang tanging duktor na may sariling clinic sa lugar ay wala ring magawa para gamutin ang mga dinapuan ng kakaibang sakit.
Kumuha siya ng blood sample sa isang pasyente. Doon niya napag-alaman na habang tumatagal, ang dugo ng taong apektado ng sakit na ito ay naninigas na parang jelly.
Maaari na dapat ikamatay ng isang tao kapag naging kasing tigas ng jelly ang dugo nito. Pero ang ipinagtataka niya, bakit nananatili pa rin itong buhay? At kumikilos na parang hayop?
Iba't ibang test ang ginawa niya sa naturang pasyente. Hanggang sa matagpuan niya kung saan banda sa katawan namumugad ang mga insektong ito. Nakita niya itong nakadapo sa utak ng tao.
Dinala niya ang pasyente sa isang malaking ospital na may kumpletong kagamitan. Mula roon, nakita niya kung paano binabago ng mga insekto ang anyo at kilos ng isang tao.
Ang mga maliliit na insektong ito ay mayroon palang mahabang bibig na kasing tulis ng karayom. Itinutusok nila ito sa utak at nagpapasok doon ng isang unknown chemicals na kumokontrol sa isip ng tao.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ang taong apektado nito ay nawawala sa sarili at iniisip nila na sila'y isang hayop o ahas. At ang pangingitim ng kanilang balat ay maaaring side effects din ng kagat ng insektong ito.
Nakakuha sila ng isang pirasong insekto at ikinulong sa isang maliit na bote. Pinag-aralan din nila ang insektong ito na kasing laki nga ng isang lamok.
Kung dumapo ito sa isang tao, hindi malalaman ng taong iyon na ang insektong ito ay isa palang salot at hindi pangkaraniwang lamok lamang.
Binigyan nila ng scientific name ang naturang insekto at tinawag ito bilang "Controphelasus", na ang ibig sabihin ay "brain control insects".
Sinubukang operahan ang naturang pasyente at tinanggal ang lahat ng mga nakadapong insekto sa utak nito.
Nang mabuksan nila ang ulo ay parang mga lamok na nagsiliparan palayo ang mga Controphelasus. Buti na lang at nakasuot ng proteksyon ang mga duktor kaya hindi sila napasukan ng mga ito.
Makalipas ng ilang araw, ang naturang pasyente ay unti-unting bumuti ang lagay at nagbalik sa normal. Nakakapagsalita na muli ito, nakakakilos nang normal at nanumbalik ang dating daloy ng dugo.
Doon natuklasan si Dr. Velasquez na hangga't nakadapo sa utak ng tao ang mga Controphelasus ay mananatiling ganoon ang kanilang kalagayan.
Sa wakas at nakadiskubre din siya ng paraan para masagip ang biktima ng mga insektong ito.
Ngunit may isa pa siyang suliranin.
Sa bayan ng Kardusa, libu-libo na ang mga taong apektado ng mapaminsalang insekto. At araw-araw ay nasa libo rin ang nadadagdagan.
Paano naman kaya nila ooperahan isa-isa ang mga taong ito? Ang mga biktimang dinadapuan ng naturang sakit ay hindi nauubos, bagkus ay lalo pang nadadagdagan sa bawat patak ng oras.
Siguradong hindi kakayanin kahit ng isang malaking ospital na gamutin ang lahat ng mga ito. Ayaw mang sabihin ng iba ngunit tila isa nang malaking epidemya ang kasong ito na sumisira sa buong bayan.
Ang asawa ni Aling Sonya na si Alfred ay isa sa mga napasukan ng Controphelasus. Noong gabing iyon habang nanunuod sila ng telebisyon ay bigla na lang daw naglipana sa kanilang sala ang inaakala nilang mga lamok.
Ang ilan sa mga ito ay naramdaman ni Alfred na pumasok sa kanyang ilong. Kahit anong singa ang gawin niya ay hindi sila lumalabas. Hinayaan na lang niya noong una dahil sa pag-aakalang mamamatay rin ito.
Pero sa pagdaan ng sumunod na mga araw ay naging katulad na rin si Alfred ng iba pang mga biktima. Umaarte na rin siya na parang ahas at nangitim ang buong balat na daig pa ang sinunog.
Isang buwan nang nasa ganoon ang kalagayan ni Alfred. Hindi ito namamatay pero habang tumatagal ay palala nang palala ang lagay nito.
Hanggang sa dumating ang araw na bigla na lang itong nagwala. Hindi na malaman ni Aling Sonya kung ano ang gagawin para pakalmahin ang asawa.
Ilang minuto ang itinagal ng pagwawala ni Alfred. At pagkatapos, biglang nanginig ang buong katawan nito na parang kinukuryente.
Habang nasa ganoong kalagayan ang lalaki, napansin ni Aling Sonya na tila may lumalabas sa puwit nito.
Sinubukan niyang hubarin ang salawal ng lalaki. At doon niya nakita ang higanteng mga bulate na isa-isang lumalabas sa puwit ng lalaki. Sa sobrang laki ng mga ito, kahit na sino ay talagang masisindak dito.
Nagsisigaw si Aling Sonya at napasampa sa sofa. Mangiyak-ngiyak siyang pinagmamasdan ang naghihirap na asawa.
Pagkalabas ng malalaking bulate sa katawan ni Alfred, doon na ito huminto sa pangingisay at tumirik ang mga mata.
Nang makalabas ang mga bulate sa bahay ay doon pa lang nilapitan ni Aling Sonya ang kanyang asawa. Sinubukan niyang pakiramdaman ang dibdib nito.
Laking gulat niya dahil tumitibok pa ang puso ng lalaki. May hininga pa ito pero hindi gumagalaw. Kahit anong gising niya rito ay hindi ito nagkakamalay. Para bang ang diwa nito ay paralisado.
Nakarating kay Dr. Velasquez ang balita tungkol kay Alfred. Hindi lang iyon ang ikinasindak niya. Dahil kada oras, sunod-sunod ang ibinabalita tungkol sa mga biktimang nilabasan na rin ng bulate sa katawan.
Lalo pang tumitindi ang lagim na idinudulot ng mga Controphelasus sa bayan ng Kardusa. Parang gusto na nitong burahin ang existence ng mga tao roon.
Isang bagay ang muling natuklasan ni Dr. Velasquez.
Kapag pala nagtagal at hindi naagapan ang sakit na dulot ng Controphelasus, ito ay magbubunga ng malalaking bulate sa katawan ng biktima. At sa oras na lumabas ang mga bulate, magiging paralyzed na ang katawan nito.
Hindi na maganda ang nangyayari. Talagang hindi na maganda. Hindi niya alam kung isa na nga ba ito sa mga senyales ng nalalapit na katapusan ng mundo. Huwag naman sana.
Isang bayan pa lang ang sinalot ng mga insektong ito pero ganoon na katindi ang idinulot na pinsala. Paano pa kaya kung makarating na rin ito sa iba pang lugar? Pati sa buong bansa? O sa buong mundo?
Nakipagtulungan si Dr. Velasquez sa mga duktor ng iba't ibang malalaking ospital. Gumawa sila ng malaking research team para alamin ang mga nilalang na may kakayahang kumontrol ng isip.
Isa sa mga natagpuan nila ay ang paksa tungkol sa mga parasites na kung tawagin ay Nematomorpha at Cordyceps.
Ang Nematomorpha, na kilala rin sa katawagang Horsehair Worm, ay isang uri ng parasite na pumapasok sa katawan ng mga insekto.
Nagbubuga sila ng kemikal sa utak ng insekto para utusan itong maghanap ng tubig at lunurin ang sarili.
Kapag ang insekto ay nalunod na sa tubig, doon lalabas sa katawan nito ang napakahabang Horsehair Worm. Isang napakahaba at napakanipis na bulateng malikot kumilos.
Ang Cordyceps naman ay isang uri ng parasitic fungi na may kakayahan gawing zombie ang isang insekto. Sa oras na malanghap ng insekto ang nasabing fungi ay kokontrolin nito ang isip nila.
Mapipilitan ang insektong infected ng Cordyceps na umakyat sa tuktok ng puno at ikagat doon ang sariling bibig. Doon unti-unting babawian ng buhay ang insekto at tutubuan ng spores sa ulo.
Ang mga spores na ito ay dadami at kakalat para kumitil pa ng ibang insekto. Ang bangkay naman ng mga infected na insekto ay tutubuan ng makakapal na puting himulmol.
Ang mga parasites na ito ay naging halimbawa ng mga duktor na kasamahan ni Dr. Velasquez para ikumpara sa Controphelasus na sumasalot sa bayan ng Kardusa.
Sa kanilang teorya, habang tumatakbo ang panahon ay nag-e-evolve na rin ang mga parasites at nakakapag-produce ng bagong parasitic species. Mga bagong uri ng parasites na puwede na ring kumontrol sa isip ng tao.
Pagkatapos pag-aralan ng mga duktor ang kakayahan ng Controphelasus pati ng iba pang parasites, nagsagawa sila ng mga gamot na pupuksa sa mga ito.
Ang gamot na ito ang magtataboy sa virus na kumapit sa katawan ng tao. Isa itong spray na kapag nalanghap ng tao ay palalayasin nito ang mga Controphelasus na nakadapo sa utak.
Napakatapang ng amoy ng spray na ito na kahit anong parasites ay ikamamatay ito at pilit na lalayuan.
Sa paraang iyon, matatanggal ang mga Controphelasus sa katawan ng tao nang hindi na nangangailangan ng operasyon.
Nang makagawa ang mga duktor ng sapat na supply ng Anti-Controphelasus Spray, nagbalik sila sa bayan ng Kardusa kasama si Dr. Velasquez.
Handa na silang iligtas ang buhay ng maraming tao laban sa mapaminsalang mga parasites na ito.
Subalit pagkarating nila roon, hindi inaasahang eksena ang sumalubong sa kanila.
Ang mga taong infected ng Controphelasus ay tuluyang nagbago ang anyo. Naging ahas ang kanilang mga balat at lumalakad na parang zombie.
Lahat ng tao na kanilang madaanan ay brutal nilang pinupugutan ng ulo para kuhanin ang utak.
Nagkakagulo ang mga tao sa lugar. Kanya-kanya sila ng takbo at palahaw. Isang tumatakbong ale ang hinarang ni Dr. Velasquez at tinanong kung paano iyon nagsimula.
Ayon sa ale, pagkatapos daw labasan ng malalaking bulate ang biktima, mapa-paralyze ito sa loob ng ilang araw at magiging ahas ang kulay ng balat. Doon ito babangon at maghahanap ng utak para kainin.
Hindi napaghandaan ng mga duktor at scientist ang bagay na iyon. Sinubukan nilang gamitin sa mga infected ang Anti-Controphelasus Spray, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na ito tumatalab.
Hanggang sa napag-alaman nila na tuluyan nang nilamon ng virus ang utak ng mga ito. Kapag hindi natanggal sa lalong madaling panahon ang mga nakadapong Controphelasus sa utak ng tao, ang epekto ng virus nito ay magiging permanente na magpapabago sa anyo ng biktima.
Sa pagkakataong iyon, kahit tanggalin pa ang mga insekto sa loob ng katawan nito ay hindi na ito magbabalik sa dating anyo at pag-iisip. Habang buhay na itong mauuhaw sa utak at magiging halimaw.
At kapag nasobrahan sa pagkabusog ang infected dahil sa dami ng kinaing utak, kusa na rin itong babawian ng buhay at sasabog ang tiyan.
Isang masibang infected ang nakita nilang pinakyaw ang lahat ng nakuhang utak. Sa sobrang kabusugan ay nabilaukan ito at bumulagta na lang sa lupa. Doon sumabog ang tiyan nito at nagkalat ang mga lamang-loob.
Napaatras sina Dr. Velasquez nang sugurin sila ng iba pang infected. Wala na silang magawa para sagipin ang mga ito. Tumakbo na lang din sila gaya ng iba pang mga tao.
Sa pagkakataong iyon, ang epidemya na dinala ng Controphelasus ay tuluyang winasak ang buong bayan ng Kardusa.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro