Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 59

|Kabanata 59|


Hindi ko na alam kung anong klaseng kaba ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko na pilit kong kinakalma kasabay ang pag-asa at tiwalang tama ang gagawin ko at magtatagumpay ako. Maraming mangyayari at alam kong mapapahamak ako kapag nagging palpak ang kinahinatnan nito. Ngunit, mananatili ang kagustuhan kong gawin ang bagay na ito dahil nais ko nang makita si Joaquin.

Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa akong sulat na natatanggap mula sa kaniya. Tinatanong ko si Isay kung naipadala niya ba ang mga liham ko at sigurado naman siyang naipadala niya iyon. Hindi ko rin naman kailangan na pagdudahan pa si Isay dahil alam kong ginagawa naman niya ang mga pinapakiusap ko sa kaniya. Mas lalo tuloy na bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa isang bagay na pumasok sa aking isipan.

Paano kung bumitaw na si Joaquin?

Hindi. Mabilis akong umiling. Hindi siya susuko. Nangako siya sa akin na hinding-hindi niya gagawin iyon. Hindi ko pa alam kung ano ang kanilang sitwasyon ngayon kaya hindi ako maaaring maghusga at bimitaw ng mga salitang hindi ako sigurado. Isa lang ang paraan para malaman ko ang kasagutan sa aking mga tanong. Iyon ay ang pagpunta ko sa kanila.

Inayos ko na lang ang may kalakihang bolso na hawak ko habang inilagay ang maliit kong pitaka na naglalaman ng sapat na pera upang magamit ko sa buong byahe ko. Hindi ko alam kung ilang araw ba akong mananatili roon, pero ang alam ko ay isa o isa't kalahating araw ang byahe papunta roon. Alam kong hahanapin talaga ako ng husto ng mga tao sa pamamahay na ito pero sana magkaroon pa ako ng sapat na oras upang makita at makausap si Joaquin bago nila ako matagpuan.

Isinuot ko na ang bolso at dinala ang mahabang kumot sa may gilid ng higaan upang itali iyon sa poste nito. Hindi ako maaaring lumabas mula sa pinto dahil sarado naman iyon at hindi na ako magkakaroon pa ng dahilan para palabasin nila ako rito dahil hindi na tumatanggap si Ama ng dahilan at palusot. Kaagad ko nang inihulog ang kabilang dulo ng kumot sa labas ng bintana. Dumungaw ako sa baba at nakitang hanggang sa may itaas ng hagdan ang naabot ng kumot.

Tama kaya itong dadaanan ko? Hindi ba ako mababalian nito? Sigurado akong kinaumagahan ay malalaman kaagad nilang umalis ako kapag nakita nila ang kumot na ito. Pero naman kasi pareho lang din na mangayaring malalaman nilang umalis ako dahil padadalhan naman nila ako ng pagkain. Syempre pagbukas nila ng pinto makikita nilang walang tao, edi mabubuking din na wala ako. Isa pa, paano nga ako makakalabas sa pinto ng ganitong oras na hindi sila binubulabog. Nakakandado sa labas ang pinto at nakay Dueña ang susi.

Nang muli kong sinilayan ang daan ko pababa ay tila nahulog ang puso ko. Mataas iyon at panig uradong bagsak sa lupa ang kahihinatnan ko. Maaari pang bali at pasa ang makuha ko at hindi sagot sa aking mga katanungan. Sinubukan ko na lang munang hilahin ang kumot at nagpabigat upang subukan kung hindi ba siya luluwag at matanggal. Bumuntong-hininga ako bago lumapit muli sa may bintana kasabay ng paggulo ng isip ko sa maraming mga bagay.

Kaya mo ito, Chestinell.

Huminga ako ng malalim sabay bitbit sa isang lamparang gagamitin ko paalis. Napapikit ako ng maigi bago mahigpit na humawak sa kumot at tumuntong na sa bintana. Kahit anong gawin kong pagpapakalma sa puso ko ay hindi ko magawa. Dahan-dahan na lang akong lumambitin kasabay ng malalalim na paghinga. Naging mahigpit ang pagkapit ko sa kumot nang nakabitin na ako sa ere.

Pechay, Chestinell, ang bigat mo!

Nanlaki naman ang mga mata ko nang marinig kong tumunog ang higaan na tinalian ko sa kumot. Mas lalo pa tuloy na bumilis ang tibok ng puso ko nang isiping mahuhulog ako sa hagdan at puro bali sa katawan ang natamo. Kaagad akong napailing habang nanginginig na pinapadaos-dos ang sarili pababa. Hindi pa naman ako nakakalahati ng pagbaba. Nangangawit na nga ang mga braso kong nakakapit dahil hindi ko akalaing ang bigat ko na pala. Umiling uli ako. Dahil lang iyan sa dala mo.

Mabilis na lang akong kumilos at kaagad na bumaba mula roon. Ilang sandali pa ay bumitaw na ako sa kumot at tumalon pababa sa hagdan. Muntik pa akong matapilok at gumulong ng tuluyan pababa kung hindi lang ako nakahawak sa poste ng hagdan. Umayos ako ng pagtayo at inayos ang aking damit at dala. Napangiti tuloy ako nang tumingala sa aking silid. Nililipad ng mahinang hangin ang nakabitin na kumot mula sa aking bintana. Phew, unang hakbang pa lang ito ng pagtakas ko pero bakit parang ang hirap na?

Inilibot ko na lang ang tingin ko sa buong paligid. Dama ko ang malamig na hangin at namayani sa tahimik na paligid ang ingay at tunog ng mga kuliglig. Walang katao-tao sa buong Casa Del Veriel maliban sa akin na nakatayo sa harap ng pinto ng mansion. Mahimbing nang natutulog ang lahat ngayon dahil lampas alas-nuebe na. Sana walang magigising bago ako makaalis dito dahil kung hindi, patay ako.

Napabalik ako sa diwa ko nang maalala ko ang oras. Kailangan ko na palang makaalis dito dahil hahabulin ko pa ang huling barko na aalis. Lalayag ang barko ng alas-diyes ng gabi, at iyan ang huling barkong aalis mula rito sa San Luisiano araw-araw. Hindi ako sigurado kung dadaan o hihinto sa Marinduque pero iyan lang ang tanging paraan ko upang makapunta kay Joaquin.

Napalinga-linga naman ako sa paligid. Hindi ko na tuloy alam kung saan ako dadaan. Ang plano ko kanina noong ako ay nasa itaas pa ay dumaan sa tagong tarangkahan sa likod ng mansion. Pero ngayong nasa baba na ako ay naisip ko kung gaano ka dilim doon sa kagubatan kung doon ako dadaan kahit pa may dala akong lampara—na ngayon ay hindi pa nakasindi dahil magbbibigay lang ito ng pansin.

Pero nakakatakot talagang dumaan sa kagubatan ngayon lalo na't gabi na. Pechay, nakakatakot nga noong umga kami dumaan, paano na lang ngayong malalim na ang gabi? Baka kung ano pa ang makasalubong ko sa daan at maging sanhi pa iyon ng maaga kong kamatayan. Hindi naman katanggap-tanggap na pinagdaanan ko na ang lahat-lahat mamamatay lang pala ako sa kagubatan. Hello, nasaan ang hustisya roon?

Inaninag ko naman doon sa tarangkahan sa harap. Hindi ko alam kung makadaan ba ako roon dahil baka may nagbabantay na mga gwardya. Dahil iyon lang ang tanging daan ko papunta sa bayan. Kapag sa kagubatan pa ako dadaan ay mas malayo-layo pa iyon. Haish, kung bakit pa naman kasi may mga gwardya riyan?

Maingat na lang akong bumaba ng hagdan at tahimik na tumakbo papalapit sa tarangkahan. Pero, teka nga lang, maglalakad ako papunta sa sentro ng bayan? Ah, pechay naman oh! Hay, mamaya na nga lang iyan. Mas mahalagang makalabas muna ako rito bago ko problemahin ang sasakyan ko.

Umiling na lang ako at tumingin sa may labas habang nakatago sa isang punong malapit sa tarangkahan. Napasingkit naman ang mga mata ko at tinanaw kung mayroon bang taong nakabantay roon. Nanlaki naman ang mga mata ko at napalinya ang aking labi nang may naaninag akong gumagalaw. Mayroon ngang tao. Kainis. Napanguso na lang ako at tinignan kung ilan sila.

"Goryo, aalis muna ako." Isang lalaki ang nagsalita. May tinawag siya kaya ibig sabihin dalawa sila.

"Bakit? Saan ka pupunta? Huwag mo nga akong iwan dito," tugon pa niyong Goryo.

"Tawag ng kalikasan," may irita pa sa boses nito. "Huwag ka nga maging duwag diyan. Babalik ako kaagad. Maparusahan pa tayo ng Don kapag walang bantay rito."

"Sige na nga. Bilisan mo. Nakababagot kaya rito."

Narinig ko naman ang yabag ng mga pang papaalis at papalayo mula sa tarangkahan. Ilang metro na lang ang layo ko mula roon at nakitang nakatayo ang isa sa may gitna habang nakatanaw sa labas habang magkahawak ang kaniyang mga kamay sa kaniyang likuran. Bumuntong-hininga naman ako habang nakatingin sa kaniya. Paano ko naman iyan paalisin diyan? Aatakihin ko ba?

"Goryo!"

Walang isang segundo nang napayuko ako at nagtago nang marinig ang boses ng isa na bumalik. Napasilip naman ako at nakitang papalapit siya sa kaniyang kasama. Lumingin naman si Goryo sa kaniya na halatang nagtaka dahil ang bilis niyang bumalik.

"Samahan mo na lamang ako sa likod. Katakot naman baka may makasalubong pa ako roon," sabi pa niya kaya natawa ako ng kaunti.

Oh ha, gwardya nga natakot na nasa Casa Del Veriel lang kami. Paano na lang kung sa kagubatan pa? Ay baka maihi pa iyan sa pantalon.

Natatawa naming umiling si Goryo at sinapak naman siya ng kaniyang kasama. Nagmadali pa silang umalis dahil kailangan na raw niyang gumamit ng palikuran. Umiiling na lang akong pinagmasdan silang patakbong naglakad papunta sa gilid ng mansion–sa imbakan. Bumuntong-hininga naman ako at napatingin sa buong paligid ko at napatakbo na papunta sa tarangkahan.

Naroon ang mabilis na pagtibok ng puso ko habang dahan-dahan na tinanggal ang pansara kasabay ng paghiling na hindi pa sila babalik at walang makakakita sa akin. Bumuga naman ako ng hangin nang unti-unti at maingat kong binukssan ang tarangkahan, sapat na upang kumasya ako. Mabilis kong pinulot ang lampara na aking dala at lumabas na. Mula sa labas ay binalik ko sa dating pagkasara iyon.

Kumakabog ang puso kong sinulyapan muli ang buong lugar at mabilis na tumalikod at tumakbo papalayo. Patuloy lang ang naging pagtakbo ko hanggang sa hindi ko na matanaw at makita ang Casa Del Veriel. Ginamit ko lang din ang liwanag ng buwan at iilang mga ilaw mula sa mga posteng nakatayo ilang metro ang layo mula sa isa't isa.

Napatigil ako sa pagtakbo nang maramdaman ko na ang tibok ng puso ko sa buo kong katawan. Kinalma ko na ang sarili ko at hinabol ang paghinga. Hindi ako maaaring mapagod ng husto sa kakatakbo at baka mawalan pa ako ng malay sa gitna ng kalsada. Baka hindi ko pa magawa ang dapat kong gawin.

Lumingon ako sa dinaanan ko. Tanging kislap na lang ng mga ilaw ang nakita ko mula sa mga tahanang naroon sa hindi kalayuan kabilang na ang sa amin. Tinanaw ko naman ang sentro ng bayan na nasa baba at ganoon din, mga lamparang nagkikislapan sa dilim. Huminga na lang uli ako ng malalim bago naglakad muli. Sinindihan ko na rin ang lamparang dala ko at niyakap ng husto ang makapal na belong nakatapis sa aking katawan at ulo.

Ang dilim at ang lamig ng paligid. Naroon din ang pangamba ko habang naglalakad at panay ang tingin ko sa buong paligid at baka may mga taong sumusunod sa akin. Hindi ko lubos akalaing makakalakad ako papunta sa sentro ng bayan at gabi pa, nag-iisa sa daan, at hindi na alam kung nasaang parte na. Hinugot ko naman ang kwintas sa aking leeg at inaninag ang oras. Alas-nuebe y medya na.

Ibinalik ko na sa loob ang kwintas at mabilis na naglakad. Kailangan kong makarating doon ng hindi pa magkukwarenta dahil sigurado akong mahuhuli na talaga ako. Napatakbo na muli ako habang binabagtas ang malubak at madilim na daan. Pupuntahan kita, Joaquin. Hintayin mo ako.

Kumalabog naman ang puso ko nang makarinig ang ingay mula sa hindi kalayuan. Kulang na lang ay lumabas ang aking kaluluwa habang inikot ang tingin sa buong paligid upang hanapin kung saan iyon nanggaling. Mas lalo pa akong kinabahan nang naging papalapit ang tunog na tila ba'y yabag ng kabayo at ikot ng gulong ng karwahe. Mas narinig ko pang ang ingay na iyon mula sa aking dinaanan at hindi mula sa sentro ng bayan. Pechay, sinusundan na nila ako? Ang bilis naman!

Napatakbo na ako sa gilid ng kalsada at mabilis na pinatay ang sindi ng lamparang dala. Nagtago na ako sa may taniman ng tubo, sapat upang hindi ako makita. Mas lalo pa tuloy akong kinabahan nang inisip kong baka may humablot sa akin mula ito sa loob ng taniman. Hoo! Tama na, masyado na akong nag-iisip ng mga bagay-bagay.

Hinintay ko na lang na dumaan ang karwahe upang malaman ko kung sino ang sumusunod sa akin. Lagot talaga ako kapag si Ama 'yan mismo. Baka hindi na ako makaabot pa sa kasal at bawian na ako ng buhay rito mismo sa gitna ng taniman. Napaatras naman ako kaunti nang matanaw ko na sa hindi kalayuan ang papalapit na karwahe–ay kalesa pala ito dahil bukas ang harap. Sino naman kaya iyang nagmamaneho niyan?

Tinitigan ko ng maigi ang tao dahil parang nakita ko na siya rati. Pamilyar ang kaniyang may edad na pigura. Nakatingin lamang ako sa kaniyang hanggang sa dumaan siya sa harap ko habang kinikilala siya. Kaagad naman na nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko siya. Kinakabahan pa rin at nanginginig pa nga ang aking mga kamay at tuhod na lumabas mula sa tubuhan at tinignan ang papalayong kalesa. Siya na lamang ang tangi kong pag-asa ngayon.

"Mang Tomas!" pagtawag ko sa kaniya habang hinihiling na marinig niya ako. "Mang Tomas!" muli kong sigaw nang hindi siya huminto. Kumakabog ang puso kong sumunod sa kaniya habang tumatakbo. "Mang Tomas!" Nanginginig pa ang aking boses nang tawagin ko siya uli.

Nang sandaling iyon ay napahinto nang bigla ang kalesa kaya mabilis ako napatakbo. Nakita ko naming napasilip siya sa likuran mula sa kaniyang inuupuan. Napahawak pa siya sa may haligi ng kalesa nang makitang may papalapit sa kaniyang tumtakbo. Nang tuluyan akong nakalapit ay naaninag ko na lang ang pagdudugtong ng kaniyang mga kilay. Hinahabol ko ang aking hininga at ngumiti sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang unti-unti niyang napagtanto kung sino ang nasa kaniyang harapan.

"Binibining Martina?" bulalas niya.

Napahawak naman ako sa aking dibdib habang dahan-dahan na huminga ng malalim. "Magandang gabi po, Mang Tomas. Ako nga po ito, si Martina."

Nang marinig niya iyon ay dali-dali siyang napababa sa kaniyang inuupuan at nababahalang lumapit sa akin. Napatingin pa siya sa daan na kaniyang pinanggalingan at muling tumingin sa akin ng may pagtatakang nabakas ko sa kaniyang mukha kahit pa madilim sa paligid.

"Anong ginagawa mo rito, Binibini? Malalim na ang gabi at kayo ay nasa labas pa't nag-iisa," turan niya.

"Aalis po ako ng San Luisiano, Mang Tomas. Maaari po ba akong makisakay hanggang sa sentro ng bayan?" Mas lalo tuloy na nagdugtong ang kaniyang mga kilay nang marinig ang sinabi ko. Maya-maya pa ay mabilis siyang tumango saka tinulungan akong sumakay sa kalesa. Nagmamadali naman siyang sumakay at bumalik sa kaniyang pwesto at pinalakad na muli ang kabayo.

"Maaari ko bang matanong, Binibini, kung bakit kayo aalis sa bayan?" muli niyang tanong.

Mas lalo ko pang niyakap ang aking belo at umusog paharap. "Mayroon po akong pupuntahang mahalaga, Mang Tomas," sagot ko. "Kayo po, babalik po kayo sa inyong tindahan?"

"Mahalaga nga yata ang iyong patutunguhan at sa kalagitnaan ka pa ng gabi umalis," komento niya. "Ako nama'y aalis din. Pupunta ako sa isla ng Maniuaya. Bibisitahin ko ang aking Ina na magdiriwang ng kaniyang kaarawan."

"Talaga po?" napatango-tango ako. "Pakibati na lang po ako sa inyong ina, Mang Tomas."

"Maraming salamat, Binibini. Makakaasa ka," aniya. "Oo nga pala, nasaan ang iyong taga-silbi? Wala ka bang kasama sa iyong lakad? Hindi ka rin nagpahatid sa inyong kutsero," usisa naman niya kaya napangisi ako.

"Ay, eh kasi po...tumakas ako sa amin," tawa ko pa. Nakita ko naman siyang napailing kaya mas natawa ako.

"Sinasabi ko na nga ba eh. Kaya pala hindi ko man lang maisip kung saan ka nanggaling at bigla ka na lamang na lumitaw," aniya pa. "Saan ka ba pupunta at kailangan mo pang tumakas sa inyo?"

"Pupuntahan ko po si Joaquin," sagot ko. Nagdugtong naman ang mga kilay ko nang biglang napahinto ang kalesa. Lumingon naman siya sa akin na mas lalo kong ipinagtaka.

"Si Joaquin, kamo? Iyong ginoong kasama mo tuwing pumaparoon sa akin tindahan?" paglilinaw niya. Kinakabahan man ako ay dahan-dahan akong napatango. Huminga naman siya ng malalim at tumingan na sa harap at pinatakbo na muli ang kabayo.

"Opo, Mang Tomas. Matagal na ksai akong walang balita sa kaniya o sa kaniyang pamilya at nag-aalala po ako kaya pupuntahan ko sila at bibisitahin."

"Naku, tiyak akong pagagalitan ka talaga ng iyong ama kapag nalaman niya ito," aniya saka nagpatuloy na sa paglakad. "Ngunit hindi talaga ako labis na makapaniwalang mangyayari iyon sa kanilang pamilya. Kahit ako ay nais ko ring alamin ang kanilang kalagayan ngunit natatakot akong may makaalam at baka pati ako at ang aking pamilya ay idawit sa kanila. Mabuti na lamang at may kaibigan siyang katulad mo na maalalahanin."

Napatigil ako sa paglalaro ng aking pulseras na nasa aking palapulsuhan nang marinig ang kaniyang sinabi. Hindi ko tuloy alam kung alam niyang magkasintahan kami ni Joaquin dahil baka nakwento nito sa kaniya o hindi niya talaga alam. Napahinga na lang ako ng malalim at tumango. Mas mainam sigurong hindi ko na lang sasabihin ang totoo.

"Kayo po, Mang Tomas, kailan po ang alis ninyo? At saka ano po ang sasakyan ninyo?" kuryoso kong tanong.

"Ngayong gabi ang alis ko, sasakay ako sa bapor na aalis ngayong alas-diyes. Kailangan kong makaabot sa biyahe at baka maiiwan pa ako at makita ng mga gwardya pagkatapos ipatupad ang toque de queda. Ikaw, saan ka magpapalipas ng gabi?"

Napangiti ako nang marinig ko ang kaniyang tugon. "Pareho po tayo. Aalis din po ako ngayong gabi nang kinabukasan ay wala nang makakakita sa akin dito."

"Ganoon ba? Sumabay ka na lang sa akin nang hindi ka na mahirapan pa. Mabuti na lang ang nagkita tayong dalawa at matutulungan pa kita. Nakakatuwa naman," wika niya kay mas lalo pa akong napangiti.

"Maraming salamat, Mang Tomas. Hindi ko iyan tatanggihan," tugon ko. Napatingin naman ako sa reko sa aking leeg. Labinlimang minuto na lang bago mag alas-diyes. Sana ay makaabot pa kami.

"Bibili tayo ng bilyete mo sa may daungan. Huwag kang mag-alala dahil mabilis lang iyon. Ako na ang bahala at maghintay ka na lang dito sa kalesa." Sa tingin ko ay ticket ang ibig niyang sabihin.

"Sige po, Mang Tomas. Maraming salamat ulit." Hindi nawala sa aking mukha ang malapad na ngiti habang binabagtas naming ang tahimik na daan papunta sa bayan. Laking pasasalamat ko at nakita ko si Mang Tomas dahil baka kung hindi pa ay nasa daan pa rin ako at tumatakbo. Mabuti na lang talaga at nagkita kami at hindi na ako mahihirapan pa.

Ilang minuto pa ay nakarating na kami sa sentro ng bayan. Kaunti na lang ang mga tao sa paligid at kadalasan niyon ay mga gwardya na parito't paroon. Mas lalo ko namang itinakip at niyakap ang belo sa aking mukha at katawan upang hindi ako makita ng mga dumaraan. Katulad din ng sabi ni Mang Tomas, kailangang hindi ako makita kung nais kong walang makaalam na nagpunta ako rito ngayong gabi.

Mas pinabilisan niya na ang kalesa papunta sa daungan. Huminto naman siya sa tapat ng isang maliit na tindahan. Iyon yata ang tindahan ng mga bilyete sa barko. Bumaba naman kaagad siya tinanguan ako bilang senyas na manatili lang ako sa kalesa at siya na ang bibili. Nginitian ko naman siya saka ako umatras ng kaunti upang hindi ako makita ng mga tao.

Hindi nagtagal ay bumalik na si Mang Tomas. Nakangiti naman niyang itinaas ang bilyete na kaniyang hawak. Mas malaki ang naging ngiti ko nang makita ko iyon. Dahan-dahan akong tumango at inisip na makikita ko na sa wakas si Joaquin.

"Halika na, Binibini. Kailangan na nating pumunta sa bapor," aniya kaya mabilis akong bumaba ng kalesa dala ang aking bolso. "Iwan mo na lamang iyang lampara mo. Babalikan natin iyan kapag nakabalik ka na rito."

Tumango ako at hinintay siyang makuha ang kaniyang iilang dala. Naglakad na kami papunta sa daungan at may kasabay pa kaming iilang mga tao na sa aking palagay ay mga pasahero rin kagaya namin. Tahimik lang naming binagtas ang daan patungo sa barko. Hindi naman nawala sa aking isipan ang araw na tumakas ako mula sa mansion upang maabutan ko ang papaalis na sina Joaquin. Ang bigat ng puso ko noong araw na iyon na hindi ko na nga maintindihan. Ngayon naman ay tumakas ako sa aming mansion upang puntahan si Joaquin.

"Magandang gabi."

Napabalik ang aking diwa nang marinig ko ang boses ni Mang Tomas na binati ang lalaking nagbabantay sa bukana ng barko. Siya yata ang nag-uusisa sa mga sumasakay na pasahero. Maya-maya pa ay ibinigay na ni Mang Tomas ang aming mga bilyete na siyang tinanggap naman ng lalaki. Tumingin naman siya kay Mang Tomas at napatitig kaya mas lalo kong tinakpan ang aking mukha na halos mata na lamang ang nakikita. Iniwas ko rin kaagad ang aking mga mata at kinalma ang sarili nang bumaling sa akin ang lalaki. Sana hindi ako makilala.

"Kasama ko siya," turan ni Mang Tomas. Tumango naman ang lalaki na tumgin sa kaniya at bumaling uli sa akin. "Maaari bang ilahad ang iyong mukha, Binibini? Para sa kapakanan ng mga sumasakay sa barkong ito."

Kumakalampag na ang puso ko sa kaba nang sabihin niya iyon. Kaagad ko namang ikinalma ang aking sarili nang maalala kong hindi naman gaanong kilala o nakikita ng mga tao ang mukha ni Kristina kaya sigurado akong hindi ako kilala ng lalaking ito. Dahan-dahan na lang akong tumango at tinanggal ng kaunti ang belo mula sa aking mukha. Ilang segundo pa ay tumango na ang lalaki hudyat na maayos na ang lahat. Mabilis naman akong lumapit kay Mang Tomas at dumiretso na kami sa unang palapag ng barko.

Katamtaman lang ang laki ng barko pero hindi ko naman siya matatawag na magarbong barko sa panahong ito dahil simple lamang siya. Tatlo raw ang palapag ng barko na ito ayon kay Mang Tomas. Ang ibabang palapag ay doon sa ilalim kung saan naroon ang mga kagamitan at ang makina na pinapaandar gamit ang mga uling at vapor na tinawag ni Mang Tomas na sa tingin ko ay steam. May mga pasahero rin daw roon na sasakay. Nasa unang palapag naman kami, ang nasa itaas ng ibabang palapag. Maayos naman ang kondisyon dito at mahangin din, ngunit masalimuot at masikip ng kaunti. Sa ikalawang palapag naman ay naroon ang kapitan ng barko at pinakamaayos na akomodasyon ng barko.

"Mang Tomas, magkano po pala ang bilyete ko?" tanong ko sa kaniya habang nakatambay kami sa gilid at nagpapahangin habang naghihintay na umandar ang barko.

Mabilis naman siya umiling. "Huwag na, Binibini. Isipin mo na lamang na iyon ang aking pagtulong sa iyong makarating sa paroroonan mo."

Nakakahiya man kay Mang Tomas ay hindi na ako nagpumilit pa. "Maraming salamat po."

Tumango siya at umiling. "Walang anuman, Binibini," aniya saka tumingala sa kalangitan. Ginaya ko rin siya at pinagmasdan ang kalangitan na puno ng mga bituin at ng malaki at maliwanag na buwan.

"Hinuha ko'y hindi ka lamang kaibigan ni Joaquin," biglang sabi niya kaya napatingin ako sa kaniya. Naroon ang pagdugtong ng aking ga kilay habang nakatingin sa kaniya na hindi man lang binawi ang atensyon mula sa kalangitan. "Mayroon kayong relasyon, hindi ba? Magkasintahan kayo?" tanong niya pa at ngayon ay nakatingin na siya sa akin.

Napatitig ako sa kaniya ng ilang sandali. Iniisip ko kung paano niya nalaman o nasabi ang tungkol doon ngunit hindi naman nawala sa aking isipan ang posibilidad na maaaring sinabihan siya ni Joaquin. Naroon man ang kaunting pagtataka ay dahan-dahan akong tumango. Napangiti naman siya saka bumalik na uli ang tingin sa kalangitan.

"Tama nga ang aking palagay. Ang ganiyang mga bagay ay hindi maaaring makalampas sa aking mga mata," aniya habang nakatingin na sa akin. "Nakita ko kung gaano tumingin si Joaquin sa iyo noong araw na dinala ka niya sa aking tindahan."

Bumalik naman ang lahat ng alaala ko noong araw na iyon. Masaya kaming magkasama habang namamasyal sa buong bayan. Sino ba naman ang mag-aakalang darating ang araw na magkakahiwalay kami?

"Nakikita ko rin kung gaano ka tumingin sa kaniya," dagdag niya pa. "Ngunit, sa kabila ng inyong mga tingin at pinapahiwatig ng mga mata ay hindi pa rin nawawala ang iilang nararamdaman na nakatago sa likod ng mga iyon na pilit ikinakaila."

Nagdugtong naman ang mga kilay ko dahil sa narinig. Gumulo tuloy ang isipan mo at nabagabag sa kaniyang sinabi kasabay ng pag-andar ng barko. "Anong ibig niyo pong sabihin?"

Humarap naman siya sa akin habang nakapatong ang kaniyang braso sa sandalan sa barko. "Tatanungin kita, Binibini. Ano ang tunay mong nararamdaman kay Joaquin? Iniibig mo nga ba talaga siya? Minamahal mo ba siya ng tunay?"

Sa mga sandaling iyon ay napatitig na ako sa kaniya habang nakataas ang aking kilay. "Ano po ang ibig niyong sabihin? Pinapahiwatig niyo po bang hindi ko mahal si Joaquin? Na hindi totoo ang nararamdaman ko para sa kaniya?"

Napangiti naman siya na mas lalong nagpataas ng kilay ko. "Wala akong sinasabing ganiyan, Binibini. Ngunit...Ngunit maaari mo iyang itanong sa iyong sarili. Usisahin mo ang iyong nararamdaman, Binibini."

Kaagad akong napailing dahil sa kaniyang sinabi habang tinanaw ang bayan ng San Luisiano na nasa may hindi kalayuan na, iniilawan ng mga nagkikislapang mga lampara. "Hindi na po kailangan na usisahin ang sarili ko, Mang Tomas. Nakikita naman po iyon sa aking mga ginagawa. Tumakas po ako sa amin upang puntahan siya sa lugar na hindi ko kabisado. Sinuway ko ang aking ama at ginawa ko ang lahat upang makita at makausap siya. Siguro naman po ay sapat na iyon upang patunayan ko kung ano ang tunay kong nararamdaman para sa kaniya."

"Walang duda ang lahat ng iyong mga ginawa, Binibini, at hanga ako sa iyong tapang. Ako'y walang karapatang sabihing hindi mo nga iniibig si Joaquin, hindi naman sa ikaw ang aking tinutukoy, ngunit hindi naman batayan ang ginagawa ng isang tao upang patunayang iyon nga ang ating nararamdaman para sa kaniya," wika niya kaya napalingon ako sa kaniya. "Minsan kasi pinaniniwala ng mga tao ang kanilang sarili na iyon nga ang kanilang nararamdaman. At upang patunayan iyon ay gumagawa sila ng mga bagay na sa tingin nila'y magpapatunay nga na totoo ang kanilang nararamdaman. Kaya sa huli, niloloko lamang nilang ang kanilang sarili at nasasaktan sila."

"May mga taong ganoon po?"

"Mayroon, Binibini. May mga taong sinasabi nilang hindi nila nagugustuhan o mahal ang isang tao kaya gumagawa sila ng paraan upang iwasan iyon ngunit ang totoo niyan ay kabaliktaran pala. Ginagawa nila iyon dahil may ibang natatakot na baka masaktan at may iba naman na nangangamba na baka hindi pareho ang nararamdaman ng taong iyon. Kaya sa huli sila lang din ang dahilan kung bakit sila nasasaktan, dahil hindi sila naging matapang upang harapin at aminin ang totoo nilang nararamdaman. May iba ring naniniwalang mahal nga nila ang isang tao kahit hindi naman kaya sa huli pinarurusahan lang din nila ang kanilang sarili. Natatakpan ng takot, walang kasiguraduhan, at pagkalito ang totoo nating nararamdaman dahil mas nangingibabaw ang mga bagay na pinaniniwalaan natin dahil iniisip nating iyon ang totoo, kahit hindi naman."

Wala na akong nagawa kung hindi ang titigan na lamang si Mang Tomas. Alam kong sa edad niya marami na siyang mga natututunan sa buhay ngunit bakit parang iba na ang kaniyang mga sinasabi. Hindi ko na tuloy alam kung ano ang itutugon ko sa kaniya dahil ang lahat ng mga sinabi niya ay naging dahilan ng paggulo ng isipan ko.

"Naalala mo ba ang itinanong mo sa akin noong una kang nagpunta sa aking tindahan?" Napakunot naman ang aking noon ang inalala kung ano ang ibig niyang sabihin. "Tinanong mo sa akin kung bakit hindi ako nag-asawa," nakatawang aniya.

"Ah, oo. Iyan nga po ang tanong ko. Ngunit ang sabi po ninyo ay mahabang kwento po iyon," tugon ko kaya naman ay tumango siya.

"Mahabang kwento nga iyon, Binibini. Ikukwento ko iyon sa iyo kapag muli na tayong magkikita sa San Luisiano." Napanguso naman ako sa kaniyang tugon na ikinatawa niya ng mahina. "Kailangan mo nang matulog, Binibini. Mahaba pa ang magiging araw mo bukas kaya kailangan mo ng lakas."

Tumango na lang ako saka niya ako iginiya sa may mga maliliit na espasyo na parang silid. Pinapasok niya ako roon at naghanap naman ako kaagad ng mapipwestuhan. May iilang mga kababaihan na naroon na nag-uusap at may mga nagpapahinga na rin. Doon na lang ako nagpunta sa may malapit sa bukana niyon at humiga na sa may kaliitan na higaan na kasya lang ang isang tao. Habang sinusubukan kong matulog ay iniisip ko naman ang sinabi ni Mang Tomas at napatanong tuloy ako sa sarili ko.


Mahal ko nga ba talaga si Joaquin o hindi?




Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro