Kabanata IX
ISANG buwan ang lumipas na tuwing breaktime at uwian, gitara ang hawak ni Chamuel, kaharap ang notebook niyang naglalaman ng mga kantang sinulat niya. Kinalyo ang kaniyang mga daliri, kumikirot dahil sa tagal niyang hindi pagtugtog ng gitara. Ngayon niya na lang ulit ito dinampot mula sa kwarto niya, inaalikabok na ang lalagyan sa ilalim ng kama. Ganoon din ang sitwasyon ni Raphael, ngunit mas malala dahil hindi naman talaga niya hilig ang pagtugtog ng gitara kahit pa noon. Sinasabayan niya lang si Chamuel sa mga kagustuhan nito.
"Raph naman. Bakit hindi ka nagsabi? Nagsusugat na daliri mo, o!" Hinawakan ni Chamuel ang palad ni Raphael nang makita niya ang panunugat nito. Bahagya niya itong linapit sa kaniya para suriin kung malala ba ito. Ramdam ni Raphael ang gaspang ng mga daliri ni Chamuel, lalo na ang kalyong natamo sa pag-eensayo. Agad na binawi ni Raphael ang kamay niya at napatingin sa paligid.
"Asan ba first aid kid mo?" Linibot niya ang mata sa kabuuan ng kwarto ni Chamuel. Silang dalawa lang ang andoon. Pumunta siya rito para turuan ni Chamuel tumugtog ng gitara. Ngunit, mukhang mauudlot pa dahil sa daliri niya. "Ilang araw, gagaling din 'yan. H'wag mo na masyadong alalahanin." aniya. Umalis siya sa kama at tumungo sa drawer ng study table ng kaibigan. Bago niya pa ito buksan, inunahan siya nito.
"Ako na," giit ni Raphael. Akmang kukunin na niya ang first aid kit nang unahan ulit siya ni Chamuel sabay inosenteng ngumiti. Napawi ang inis ni Raphael at hinayaan na lang ang kaibigan sa gusto nito. Umupo si Chamuel sa kama at sinenyasan siyang tumabi rito.
Hindi mapigilang isipin ni Raphael na paniguradong isa ito sa mga sinaryong nababasa ni Chamuel sa mga nobela tungkol sa pag-ibig. Natigilan siya. Bakit naman niya ihahalintulad ang sitwasyong ito sa mga ganoong sinaryo? Umiling siya at umupo sa tabi ni Chamuel. Ngunit, hindi niya ito hinayaan sa gusto nito. Kinuha niya ang betadine at bulak para siya na mismo ang maglagay. Akmang aagawin ulit ito ni Chamuel sa kanya nang iiwas niya ito.
"Ako na nga. Kulit mo," ipinagpatuloy niya ang pagdampi ng betadine sa daliri. Kaya naman niya ang kirot sa daliri niya. Kung hindi sinabi ni Chamuel, hahayaan niya lang na magsugat ito. Malayo iyon sa bituka.
Napabuntong-hininga si Chamuel. "Nag-guilty ako. Kaya ka may sugat diyan dahil sa'kin."
"H'wag mo na ngang alalahanin. Malapit na yung petsa ng una nating performance, o. Ta's ngayon ka pa mag-guilty? Dati pa sana," natatawang sambit ni Raphael.
Napakamot na lang sa ulo si Chamuel. Hindi pumasok sa isip niya noon ang posibilidad na mahihirapan si Raphael sa pag-eensayo ng gitara. Mabilis naman itong matuto dahil may kaalaman na rin, ngunit hindi rin maiiwasan ang pagsusugat ng daliri nito tulad ng kanya. Ang pagpupursigi para kay Aries lang ang laman ng isip niya kung kaya't hindi na niya napansin ang sitwasyon ng kaibigan.
"Sorry," bulong ni Chamuel, nakapatong ang braso sa kandungan, nakatingin sa kaniyang mga daliri na pinaglalaruan.
Napangiwi si Raphael, pero hindi dahil sa hapdi. Wala sa oras niyang nasipa ng mahina ang paa nito. "Anong sorry? Kung gusto mong magsorry, siguraduhin mong magtagumpay ka sa pagkuha ng puso ni Ate Aries."
Inangat ni Chamuel ang tingin kay Raphael bago tumawa ng marahan. "Kaya 'yan. Pakiramdam ko nga, hulog na hulog na siya sa'kin."
Inismiran siya ni Raphael. "Kaya pala abang ka nang abang ng reply niya sa mga chat mo kahit ilang oras na 'yon nasa inbox niya?" Ang paghihintay ng mensahe mula kay Aries ang gawain ni Chamuel bukod sa pag-eensayo para sa banda. Pang-aasar ang natatamo niya mula sa mga kaibigan dahil kahit anong paghihintay niya ay walang dumarating. Kung mayroon man, mga tipid na salita lang ito.
Hinablot ni Chamuel ang stuffed toy niyang penguin at hinampas sa mukha ni Raphael. Napahalakhak siya nang makitang natumba ang kaibigan kahit hindi naman ganoon kalakas ito. Inalis ni Raphael ang stuffed toy sa mukha niya at hinawakan ito nang mahigpit, binabalak na maghiganti, ngunit natigilan nang makita ang malaking ngiti ni Chamuel sa labi, tila natutuwa sa kalokohang ginawa. Iyan nanaman. Umuusbong muli ang pakiramdam na hindi niya lubos maunawaan. Isinambaliwala ito ni Raphael at tinuloy ang pagbato ng unan sa mukha ni Chamuel. Sinubukan niyang saluhin ito pero nahulog na sa sahig.
Tumigil lang sila nang tumawag na ang mama ni Raphael. Pinapauwi na siya. Agad na inayos ni Raphael ang gamit niya at binitbit ang gitara bago magpaalam kay Chamuel. Balak sana ni Chamuel tapusin ang kantang sinusulat pagkatapos niyang turuan si Raphael ng gitara, ngunit imbis na ang music notebook ang kunin, kinuha niya ang nobelang kabibili niya lang. Pang-inspirasyon lang.
"Inspired ang gitarista at vocalist natin, a?" sabi ni Vince habang inaayos ang set-up ng beatbox niya. Si Muriel dapat ang vocalist nila, ngunit tumanggi na ito dahil hindi niya kakayanin pagsabayin ang pag-eensayo sa play at sa banda.
"Syempre. Pupunta siya mamaya, 'di ba?" Hindi mapigilan ni Chamuel ang pagngiti ng malawak habang hawak ang mikropono. Bumibilis ang tibok ng puso niya iniisip pa lang na manonood si Aries sa gig nila. Naglakas loob siyang ayain ito nung isang araw para sa una nilang gig sa Timothy's Bar, isang bagong bukas na bar hindi kalayuan sa kanilang paaralan. Kahit ilang beses na silang nag-uusap sa personal at sa chat, hindi pa rin nawawala ang pagkakatuliro niya kapag kausap si Aries. Kung may ipagmamalaki man siya, iyon ay nakayanan na niyang kausapin ito ng diretso kahit nanginginig sa kaba.
"Kaya dapat galingan mo. Hindi yung nagmumuni-muni ka nanaman na andiyan siya at nakikinig sa'yo," asar ni Raphael.
"Malas kung hindi pala pinayagan ng magulang," komento ni Ian, nakaupo sa harap ng drumset niya.
"Barrinuevo, e. Talagang strict ang mga magulang niyan. Pero parang mas may kalayaan siya kumpara do'n sa kapatid niya. Nakikita ko mga post niya sa social media, e. Nakagagala pa. Samantalang yung kapatid niya, puro libro ang nasa stories," sabi naman ni Vince.
Binalingan sila ng tingin ni Chamuel. "May kapatid pala siya?"
Umangat ang kilay ni Ian. "Hindi mo alam? Akala ko pa naman tambay ka sa account no'n."
Napakamot ng batok si Chamuel. "Tambay nga, pero... parang wala naman akong nahahagilap na post niya kasama ang kapatid niya. Pati nga yung mismong pamilya niya."
"Sila siguro yung tipong mayaman na lowkey. Bukod kay Ate Aries siguro," sabi ni Raphael. Madalas, hindi naglalaan ng oras ang mga mayayaman sa pagpopost sa social media dahil mas mayroon pang mahalagang bagay na pagtuonan ng pansin bukod doon. Hindi nila nais magyabang ng kanilang karangyaan at mas gusto ang tahimik na buhay, malayo sa kaguluhan sa social media.
Salungat no'n si Aries. Buhay na buhay ang kaniyang mga social media. Lagi niyang sinisigurado na ayon sa kasalukuyan ang mga nilalagay niya roon, kung kaya't ang pagpunta niya sa hindi gaanong kilala na bar ay pinost niya. Hindi ito nakatakas sa mga tsismosang kamag-aral nila Chamuel. Alam nila ang pangako ni Aries sa kanya na pupunta siya sa gig ng banda niya. Ang mga nag-aabang ng nangyari sa kanilang storyang pag-ibig ay dumalo sa bar para abangan ang kanilang pagtugtog. Iisang tanong lang ang nasa isip nila: "Ano kaya ang maiibubuga ng lalaking nakakuha ng interes ng isang Aries Barrinuevo?"
"Congrats sa performance niyo!" masayang salubong sa kanila ni Aries. Tumingkad lalo ang kaniyang kagandahan dahil sa suot na simpleng kulay ube na dress na may maliliit na puting bulaklak bilang disenyo. Nakasunod naman sa kanya ang mga kaibigan, apat na babae at isang lalaki na matalim ang tingin kay Chamuel, ngunit hindi niya ito napansin dahil kay Aries lang nakatuon ang atensyon niya.
Ngiting kabado si Chamuel. Dumadagundong ang dibdib na para bang nag-aabang ng hatol sa korte. Ito na ang oras ng katotohanan. Ilang linggo siyang nag-ensayo para sa araw na ito. Kung siya lang ang masusunod, hihingi pa siya ng mas mahabang oras, ngunit pinayo sa kanya ni Vince at Ian na hindi tumatagal ang interes ni Aries sa lalaki kaya gawin na niya ang lahat ng makakaya niya sa maikling panahon na binigay nito.
"Nagustuhan mo ba?" tanong ni Chamuel, tinatapik ang sahig gamit ang paa, naghihintay ng sagot. Maraming tenga rin ang nag-aabang ng sasabihin ni Aries. Bukod sa mga tsismosa, mayroon ding mga lalaki na hinihiling na magkaroon ng pagkakataon kay Aries.
"Ayos naman, pero... 'yon na 'yon?" nakangiwing sambit ni Aries. Bumagsak ang balikat ni Chamuel, pero sinubukan niya pa ring panatiliin ang ngiti sa labi. Kabilaang asaraan ang natanggap ng banda, halos lahat ay nanggaling sa kanilang mga kamag-aral. "Pero maayos naman para sa isang bandang kasisimula lang. Hindi ko lang..." Pinasadahan niya ng tingin si Chamuel. "...tipo," Matamis siyang ngumiti bago magpaalam sa kanila.
Na-estatwa sa pwesto si Chamuel, tulala at hindi makaimik. Pinanood niya si Aries maglakad paalis ng bar, nakangiti habang nakikihalubilo sa mga kaklase't kaibigan, na akala mo'y hindi nag-iwan ng isang durog na puso na nais lamang ay pasayahin siya. Gusto niya pa sana niyang habulin si Aries, balak linawin ang mga salitang binitawan nito. Ibig sabihin ba no'n, wala na talaga?
Inakbayan siya ni Vince, nakapikit ang mata habang mabagal na iniling ang ulo. "Isang puso nanaman ang nasawi dahil sa isang Aries Barrinuevo."
Nakamasid si Raphael sa gilid, hindi mainitindihan ang mararamdaman dahil sa nasaksihan. Malungkot dapat siya para sa dinanas ng kaibigan. Rineject siya at napahiya sa harap ng maraming tao. Ngunit, gumaan ang loob niya nang malamang hindi tagumpay si Chamuel sa kaniyang pag-ibig. Bakit?
Sa kalawakan, maraming mga sikretong hinihintay na matuklasan at mabunyag. Ang tanging hiling ni Raphael ay tulungan siya ng mga talang sagutin ang tanong na bumabagabag sa kaniya noon pa man.
★★★
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro