Pugot-Ulo
Naalala ko noong bata ako. Disyembre ng taon at may Simbang-gabi. Sumama kami kay nanay um-attend ng misa.
Dahil malikot at pasaway akong bata noon, imbes na pumasok sa loob ng simbahan ay inaya ko ang mga pinsan kong pumunta ng Auditorium. Nakakaantok kasi atsaka may pailaw silang inilagay doon kaya napagpasyahan naming mamasyal.
Habang naghahabulan kami sa malapad na semento ng basketball court ay napalingon ako sa paaralan namin. Magkalapit lang kasi ang Simbahan, Paaralang Elementarya at Auditorium ng baranggay namin.
Mula sa kinatatayuan ko ay nababanaag ko ang classroom ng guro namin na taga-amin din. Sabi kasi nila, haunted ang paaralan dahil na rin sa may malaking puno ng Acacia sa likod ng H.E building.
Tinitigan ko ang pasilyo nang paaralan. Ipinasingkit ko pa nga ang mga mata ko para maaninag kung meron mang white lady o mga hindi nakikita ng tao. Wala akong third eye. Trip ko lang talagang alamin kung meron nga.
Kaso, wala naman akong nakita kaya hinayaan ko na lang. Bumalik ulit ako sa kinaroroonan ng mga pinsan ko at muli kaming naghabulan. Nang mapagod ay tumayo ako sa tabi at pinagmasdan na lang sila. Bale lima kami, sinama ko ang bunso kong kapatid kasi naglilikot sa loob ng simbahan.
Tinignan kong muli ang pasilyo ng paaralan. Biglang nanindig ang balahibo ko na hindi ko maintindihan. Ang akala ko, malamig lang na hangin na dumapi sa aking mga braso. Naka-jacket naman ako pero iba talaga ang dulot ng malamig na hangin.
Hindi pa din inaalis ang tingin sa pasilyo ng biglang manlaki ang mga mata ko nang may sumulpot na isang lalaki. Nakasuot ito ng damit pang-pari. Yung kulay brown na usong sinusuot ng mga kaparian noong mga panahon ng kastila? 'Yun, ayon yung suot niya.
Nagsimula na namang magtayuan ang balahibo ko. Natulala ako sa pangyayari. Hindi makagalaw. 'Yung lalaking nakita ko, hindi siya naglalakad, alam kong lumilitaw siya dahil dire-diretso lamang ang katawan niya. Ikinusot ko ang mga mata ko dahil baka namamalikmata lang ako, pero hindi.
Mas lalo akong natakot nang sa pagdaan niya sa isang posteng may ilaw ay bigla na lamang nawala ang ulo nito. Isang paring pugot ang ulo na ngayon ang siyang nakikita ko. Gusto kong sumigaw sa sobrang takot. Alam kong trip ko lang alamin kung meron ngang mga multo pero hindi ito ang gusto kong makita.
Dire-diretso lamang itong dumaan sa pasilyo hanggang sa umabot ito sa puno ng Acacia na nasa kabilang dulo sa likod ng silid-aralan ng terror naming guro.
Nang mawala ang lalaki ay tinignan ko ang mga pinsan ko. Para silang mga tuod na hindi gumagalaw. Alam kong nakita din nila ang nakita ko. Nagkatinginan kami bago nagsitakbuhan pabalik ng simbahan.
-FIN-
•Note; This story is based on Author's true ghost experience•
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro