Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Part 3

HINDI perpekto ang mga kapatid ko pero nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa kanila. Pero hindi ko alam na ang pagmamahal na iyon ang magdudulot para abusuhin nila ako.

Isang araw ay may dumating na lamang na isang babae na may dala-dalang lalaking sanggol. Nagpakilala itong dating kasintahan ni Kuya Amboy at ang bata ay anak nilang dalawa. Nagmakaawa ang babae na kuhanin namin ang bata dahil may nakabinbin siyang aplikasyon sa Japan kaya hindi na niya maaalagaan ang bata.

"Kuya, ano'ng plano mo? May anak ka na pala. Hindi naman na puwede iyang ganiyan na lagi kang umiinom. May anak ka nang binubuhay." Nais ko sanang sabihin iyon nang mahinahon ngunit hindi ko na napigilan ang sarili ko. Medyo uminit ang ulo ko nang naabutan ko siyang umiinom pagkagising ko. Maghahanda sana ako pagpasok sa trabaho.

"Ano ba'ng pakialam mo, Leslie? Iinom ako kung gusto kong uminom." Ibinagsak niya sa lamesa ang boteng hawak. Lumikha iyon ng ingay.

"At saka kahit naman ako uminom nang uminom eh nandiyan ka naman." Ngumisi si Kuya na may kasamang panunuya. "Bubuhayin mo naman ang anak ko tulad ng pagbuhay mo kay Jewel, hindi ba? Alam ko namang hindi mo siya pababayaan."

Gusto ko sana siyang sagutin ngunit napalabi na lang ako. Tinalikuran ko na lang siya at tinungo ko ang banyo nang may mabibigat na hakbang.

Tama naman si kuya sa sinabi niyang hindi ko pababayaan si Jayjay, ang pamangkin ko sa kaniya pero bakit gano'n na lang kadali sa kaniya na iasa ang lahat sa akin? Sabagay, hindi ko rin naman siya masisisi. Kita naman niya kasi kung gaano ko kamahal ang pamangkin naming si Jewel.

LUMIPAS ang mga araw. Wala pa ring pagbabago. Tuloy pa rin sa dating gawi si kuya. Tuluyan na nga niyang hinayaan sa akin ang pag-ako sa responsibilidad kay Jayjay. Ako na ang sumasagot ng diaper at gatas ng huli. Inaalagaan ko rin siya kapag uwian na at kapag naman nasa trabaho ako eh iniiwan ko siya kay Ate Pats.

"Ate, ibili mo na kasi ako ng latest model ng iPhone," pamimilit sa akin ni Julia. "Iyong classmates ko, naka-iPhone sila. Hindi naman puwedeng magpahuli ako."

Nagngitngit ang ngipin ko nang palihim. Ako nga itong nagtitiyaga sa cellphone na laging nagpapatay-buhay at basag-basag ang screen tapos siya pa eh gusto ng iPhone?

"Hindi puwede," pagmamatigas ko sa kaniya. "Wala tayong budget para diyan. Kung gusto mo, bibilhan na lang kita ng RealM—"

"Yuck! Ate, seryoso? Paggagamitin mo ako noon? Never! iPhone ang gusto ko. That's final." Akma niya akong tatalikuran.

"Huwag mo akong tatalikuran, Julia. Tandaan mo, nasa poder kit—"

"Yun na nga, ate. Nasa poder mo ako so tungkulin mong pagbigyan ang mga pangangailangan ko."

"Hindi pangangailangan ang iPhone. Luho iyan."

"Ewan ko sa 'yo, ate. Mabuti pa'y maghanap na lang ako ng sugar daddy!"

Pabagsak ko na lang na iniupo ang sarili ko sa upuan. Gusto kong maluha  pero kailangan kong magpakatatag. Hindi ako dapat magpagupo sa katigasan ng ulo ng kapatid ko. 

"LESLIE, pasuyo muna kina Jayjay at Jewel, ah. May pupuntahan lang ako," ani Ate Pats nang madatnan ko sa sala. Posturang-postura siya at may kakapalan ang make up.

"Saan ka pupunta, ate?"

"Diyan lang. May kikitain lang." Nag-apply siya ng lipgloss sa mga labi.

Hindi na ako nakapagtanong pa dahil tumunog bigla ang cellphone niya. May nagre-request sa kaniya ng video chat. Agad niya naman iyong sinagot.

"Yes, honey. I'll go there. Wait for me. I'll just ride a taxi."

Sinipat ko ang kausap niya. Mukhang foreigner.

"Ate, sino 'yun?" pag-uusisa ko sa kaniya.

"Ah, wala. Kaibigan ko." Hindi nakawala ang pamumula ng pisngi niya nang sabihin niya iyon. Hindi ako naniwala. Alam kong ang pagtinging inuukol niya sa kausap niya ay higit pa sa isang kaibigan.

Kung ganoon man, hindi tama iyon. Kasal pa rin siya baligtarin man ang mundo. Gusto ko siyang sansalain at pigilan pero hindi ko na ginawa. Natatakot akong mangyari din sa amin ni ate ang gusot na mayroon kami ni Kuya Amboy.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro