Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologue

I am warning you, this is a typical light highschool teen fiction romance. You still have the chance not to continue reading this :))
- Acheloisly

______________________________

Chain of Dysphoria #1:
Into the Last Page
Written by: Acheloisly
______________________________

PINAGKAKATITIGAN ko ang sarili ko sa harapan ng salamin subalit kahit saang anggulo ay hindi ko nakikita ang sarili ko na kilala ko.

Bakit nga ba kinailangan kong bumalik muli rito? Mas tama atang itanong ko kung saan ba dapat ako magsimula pabalik sa nakaraan? Malalim akong napabuntong hininga at napaiwas ng tingin sa salamin. Halos hindi ko na pinag-isipan ang napakaraming bagay, ang alam ko lang ay babalik ako para sa kapakanan mo, kahit na ang kapalit pa ng kilos na gagawin ko ay siyang tuluyang pagkawala ng sarili ko.

Saan at kailan nga ba ako dapat na magsimula? Saan nagsimula lahat ng ito?

Mariin kong naipikit ang mga mata ko, kasunod niyon ay ang pagpitik ng daliri ko. Nang muli kong maimulat ang mga mata ko ay alam kong nakabalik na ako kung saan nagsimula ang lahat, kung saan ka nagsimulang mawala sa akin.

Araw iyon ng elementary graduation natin. Nasa magkaibang school tayo; sa private school ka nag-aaral samantalang nasa public school naman ako.

Tulala lang akong nakatingin sa stage, malakas ang musika para sa graduation march habang isa-isang tinatawag ang pangalan ng bawat batang magtatapos. Nabaling ang atensyon ko sa batang babaeng balisa hindi kalayuan sa akin. Nakagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko, ako ang batang iyon.

Alam kong masaya dapat ako sa araw ng graduation kasi sa susunod na pasukan ay sa ibang school na ako papasok at magkakaroon ng bagong mga kaibigan. Ngunit sa mga oras na iyon ay gusto ko na lang umuwi dahil wala akong magulang man lang na kasama sa pag-akyat sa stage.

Walang perfect attendance, walang conduct award, walang honorable mention o kung anumang special award. Gagraduate ako dahil pinalad akong makapasa subalit hindi pinalad na magkaroon ng suportadong mga magulang para samahan akong magmartsa paakyat sa entabladong iyon.

"Drayton! N-Nasaan na ba kayo?!"

Ahh, muntik ng mawala sa isip ko. Ikaw at si Auntie Freya nga pala ang binubulabog ko noon na samahan ako sa graduation, kahit na ang venue ng graduation ninyo ay isang kilometero ang layo sa amin. Subalit dala ng pagiging makasarili ko ay nauwi lamang sa trahedya ang araw na sana ay mahalaga sa iyo.

["Napakaiyakin mo talaga! Umiiyak ka na naman ano? Ang pangit-pangit mo umiyak, tumigil ka na!"] Pangungutya mo sa akin mula sa kabilang linya kung kaya't lalo lang bumuhos ang mga luha ko. ["Nasa jeep na kami ni mama, okay? Papunta na kami dyan, huwag ka ng umiyak!"]

Ang magulo kong make-up noon na ang nanay lang ng kaklase ko ang nag-ayos, ay lalo lang nagulo dahil sa kaiiyak ko. "Promise pupunta kayo?"

["Promise! Sige na. Hintayin mo na lang kami ni mama! Ililibre kita ng ice candy mamaya, kaya hintayin mo kami ah!"]

Kahit papaano ay nagawa ng sumilay ng mga ngiti sa labi ko. Ayaw ni mama pumunta sa graduation ko kasi may importanteng lakad daw siya, si Papa naman, tiyak na nasa ibang bubong na naman. Ngayon din ang graduation ng kapatid ko sa labas, duda akong hindi siya pumunta roon eh salutatorian ng klase iyong kapatid ko sa labas. Samantalang ito ako, ang mahalaga ay nakapasa at gagraduate na.

Nagdaan ang mga segundo, minuto hanggang sa pangalan ko na ang tawagin sa stage. Walang Drayton na dumating, pinako mo ang pangako mo na dadating kayo ni Auntie Freya para samahan akong umakyat sa stage.

Sa huli ay teacher ko lang ang kasama kong umakyat sa stage.

May kasamang mga magulang lahat ng mga kaklase ko, iyong iba buong pamilya pa ang kasama, may iba na naghanda pa at iyong iba ay kakain daw sa labas mamaya. At ako? Uuwi na lang ako, may magagawa pa ba ako? Bibili na lang ako ng siomai at kikiam sa kanto mamaya!

"LUNES!" Kakauwi ko lang at papasok pa lang ako sa bahay ng umalingawngaw ang sigaw ng kutong-lupa kong kaibigan na si Klint. Hingal na hingal pa siya bago lumapit sa akin. "Si Tantan at A-Auntie Freya..." nahihirapang aniya habang habol-habol pa rin ang hininga niya.

Nagtataka at nag-aalala naman na akong nakatingin sa kanya ngayon. "B-Bakit?" May nangyari ba? Kapag nangako sa akin si Drayton lagi niyang tinutupad iyon, kaya bakit nga ba hindi sila nakapunta ni Auntie Freya sa graduation ko?

"S-Sumama ka na lang sa akin!" Sambit niya at dali-dali akong hinatak papunta sa sakayan ng tricycle.

Suot-suot ko pa rin ang toga ko. Nawala na sa isip kong ibalik kanina dahil nauna na akong umalis matapos kong makuha ang pekeng diploma ko. Nagtataka at nalilito akong napatingin sa hospital sa harapan namin pagkababa ng tricycle.

"Anong gagawin natin dito?" Nagtatakang tanong ko kay Klint.

Inilingan lang niya ako at dali-daling hinila papasok sa emergency room, hinabol pa kami ng guard dahil wala kaming kasamang guardian subalit sanay kaming dalawa sa takbuhan kaya natakasan namin ang guard.

Napatigil lang kami sa pagtakbo nang makita kita sa dulong kama sa loob ng emergency room. Mayroong benda na nakabalot sa ulo mo habang tulala kang nakatingin sa kawalan. Sa kanang bahagi ng kama mo ay naroroon si Lola Solidad na mayroong hawak na rosaryo at taimtim na nagdadasal.

"Drayton..." Usal ko sa pangalan mo pagkalapit ko sa iyo. Hindi ko agad nakuha ang atensyon ko kung kaya't kinailangan ko pang tawagin ka ulit. "D-Drayton... anong nangyari sa'yo?"

Ibinaba mo lang ang blanko mong tingin sa akin. Walang imik kang nakatingin sa akin hanggang sa muli ka na namang tumitig sa kawalan.

"Naaksidente iyong sinasakyan nilang jeep ni Auntie Freya..." nadinig kong usal ni Klint kaya namimilog ang mga mata kong napalingon sa kanya. "Yakap-yakap ni A-Auntie si Tantan kaya hindi malala iyong mga sugat na tinamo niya p-pero si A-Auntie..." nahihirapan ng ituloy ni Klint ang sinasabi niya hanggang sa mag-unahan na sa pagtulo ang mga luha niya habang nakatingin sa iyo na tulala pa rin.

"K-Klint... nasaan si Auntie F-Freya?"

"Monday, wala na si Auntie." Saad ni Klint at doon na rin tuluyang bumuhos ang mga luha ko.

Hindi, hindi totoo ito!

Napakabait ni Auntie Freya sa akin, siya ang laging nagbabantay at nag-aalaga sa akin, kung pupwede nga lang ay sana siya na lang ang mama ko. Kaya bakit... paanong wala na si Auntie Freya?

Nablanko na ang utak ko. Namalayan ko na lang ang sarili ko na tumakbo patungo sa iyo at umiiyak ka na niyakap. "D-Drayton..." Tulad ng dati ay sa iyo ko na naman ibinuhos ang mga iyak ko.

Ang kaibahan lang ngayon ay hindi ko maramdaman iyong mga kamay mong humahaplos sa likod ko para patahanin ako o iyong boses mo na lagi akong pinapakalma.

Wala akong ka-ide-ideya na sa mga oras na iyon ay unti-unti ka na rin pa lang nawawala.

Labing-isang taong gulang pa lang tayo ng mamatay ka at wala akong kamalay-malay noon. Nagawa mo pang manatili sa tabi ko sa loob ng anim pang mga taon subalit hindi ko alam na matagal ka na pa lang nawala. Kung kaya't ito ako, babalik ako sa nakaraan at magbabakasakaling mailigtas pa kita; baka sakaling bumalik ka pa, Drayton.

─────⊱◈◈◈⊰─────

INTO THE LAST PAGE
Date Started: December 27 2022
Date Ended: February 10 2023
First Revision: June 17 2023
Status: Completed
Genre: Teen Fiction
Language: Filipino
©All Rights Reserved 2022
Written by: Acheloisly 

🎀.'+ Please bare with me, revisions hasn't done yet thus this book contains multiple grammatical and technical errors. Thank you!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro