Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Halik sa Hangin

Ang ikli ng panahon na binigay sa amin
Pag-ibig na para lang isang halik sa hangin

Kinapa ko ang tabi ng aking kama, umaasang nasa tabi ko siya ngunit tanging unan ko lang ang aking nadama. Pagmulat ko ng aking mga mata, nakita ko ang bakanteng ispasyo ng kama sa aking tagilidan. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala na wala na siya.

Tumayo ako at dumiretso sa kusina upang mag-umagahan. Ngunit nang makita ko ang upuan kung saan siya laging nakapuwesto ay nawalan na ako ng gana.

Nilibot ko ang aking paningin sa loob ng aming bahay, bawat sulok ata nito ay may alaala ako kasama siya dahil dito lamang talaga kami naglalagi. Hindi kasi kami mahilig lumabas ng bahay. Masaya na kasi ako nang kasama ko siya. Ngunit ngayon, napakalungkot na rito at tila ba wala ng kabuhay-buhay.

"Samahan mo ako."

Hindi pa rin maalis sa aking isipan ang huling pangungusap na narinig ko mula sa kaniya. Kung sinamahan ko lang sana siya noong araw na iyon ay kasama ko pa rin siya hanggang ngayon. Naipagtanggol ko sana siya sa mga walang hiyang nanakit sa kaniya.

Ngunit wala, tapos na. Wala akong nagawa para iligtas siya. Ang tanging nagawa ko lamang ay ipakulong ang mga nang-holdap at pumaslang sa kaniya. Kung p'wede lang sana na patayin ko rin sila ay ginawa ko na. Ngunit hindi talaga patas ang mundo.

Kasalanan ko nga siguro ito. Mas mabuti na lang din na mawala na rin ako. Gusto ko na ring makasama sya. Hindi ko na kayang magtagal pa sa mundong ito. Hindi ko na rin kinakaya ang konsensya ko.

Sandali lang nabuhay ang pusong ito
At ngayon nagdurugo
Dahil nga ngayon wala na ako doon
Sa piling niya mayroon
Pag-asa pa ba

Dali-dali akong bumaba sa basement para kumuha ng lubid. Kumuha ako ng upuan at tinungtungan ito para maitali ko ang lubid sa isa sa mga bakal ng hagdanan. Nangangatal pa ang aking mga kamay habang itinatali ito nang mahigpit.

Nagdadalawang-isip pa ako kung ipapasok ko ang aking ulo sa loob ng itinali kong lubid ngunit hindi ko namalayan na unti-unti ko na palang ginagawa ito.

Tumayo ako nang tuwid habang nakatungtong pa rin sa silya. Pinagmasdan ko sa huling pagkakataon ang bahay na pinag-ipunan naming dalawa. Napakasaya siguro namin kung nandito lamang siya kasama ko.

Sana lang ay magkaroon
Isa pang pagkakataon
Na ibalik pa ang kahapon
Nung kasama ko siya

Mapait akong ngumiti bago ituloy ang binabalak ko. Sisipain ko na sana ang silya na siyang pinagtutungtungan ko ngunit may biglang kumatok sa pintuan.

Sino naman kaya ang bibisita sa akin nang ganitong kaaga?

Hindi ko na lang ito pinansin at hinanda ko na ang aking sarili sa pagsipa ng silya. Ngunit lalong lumakas ang katok sa pintuan kaya minabuti ko na munang tingnan kung sino ba iyon.

Muntik pa akong madulas sa pagbaba at matuluyan sa pagkakasakal sa lubid ngunit nagawa ko namang maka-alis dito.

Mahapdi ang aking leeg dahil sa pagkakagasgas ng lubid. Tiniis ko na lang muna ang sakit at dumiretso na ako sa pintuan. Dahan-dahan ko itong binuksan at tumambad sa akin ang taong laging laman ng aking mga panaginip.

"Anton," nakangiting bati niya sa akin.

Napa-awang na lang ang aking bibig at sinampal ko ang aking pisngi. Hindi ako nananaginip. Ramdam ko pa rin nga ang sakit sa aking leeg.

"Isabel," tugon ko sa kaniya habang nangangatog ang aking katawan dahil hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakikita.

Hinahawakan ko ang kaniyang kamay at naramdaman ko ang init mula rito. Buhay siya? Buhay si Isabel?

Sabik na sabik na akong makasama siya
Gusto kong humalik sa labi at mga pisngi niya

Suot niya ang puting dress na suot niya rin bago siya mamatay. Tila wala ring nagbago sa kaniyang mukha at postura. Naka-braid pa rin ang kaniyang mahabang buhok na umaabot sa kaniyang bewang. Siya nga talaga ang Isabel ko.

"May na-holdap na pasahero sa sinasakyan kong jeep pero hindi na siya nanlaban kaya natangay lahat ng mga gamit niya," saad niya sabay pasok sa loob ng bahay. "Kung ako 'yon, hindi ako papayag na kukuhanin lang nila ang mga gamit na pinaghirapan kong bilhin."

Nagdire-diretso siya sa salas at umupo sa sofa. Sumunod naman ako sa kaniya at umupo sa tabi niya. "Pero mas mahalaga ang buhay, Isabel," tugon ko sa kaniya.

"Ngunit buhay at pagod din natin ang pinambili natin ng mga gamit na iyon, Anton. 'Yong laptop ko, 'yong cellphone ko, lalong-lalo na itong wedding ring natin na pinaghirapan mong bilhin," sabi niya habang pinapakita ang singsing na nakapasok sa daliri niya.

Hindi na ako nakipagtalo pa. Lumapit na lang ako nang husto sa kaniya para mayakap siya nang mahigpit.

"Na-miss mo agad ako no?" palokong tanong niya sa akin.

"Sobra," tugon ko at tinignan ang kaniyang maamong mukha. "'Wag mo na akong iiwan."

Ngumiti siya at niyakap ako nang mas mahigpit. Niyakap ko ulit siya na para bang wala ng bukas. Kung panaginip lang ito ay ayaw ko nang magising.

"Anton, bakit nga ba hindi mo ako sinamahan?" Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at tumingin nang diretso sa aking mga mata.

Napaiwas ako ng tingin habang nag-iisip ng aking sasabihin. "M-May meeting kasi 'di ba ako noon?" nauutal na tugon ko.

"Nang kayo lamang dalawa?" Nawala ang saya sa kaniyang mga mata at napalitan ito ng mapususok na tingin.

Oo na, inaamin kong nagkamali ako pero natukso lang din ako. Pasensya na, hindi ko sinasadya.

"Isabel, I'm sorry." Hinawakan ko nang mahigpit ang kaniyang mga kamay. Naramdaman ko ang panglalamig nito, nawala na ang init na naramdaman ko mula rito kanina. "Ang sabi kasi ni Kyla ay kasama din daw namin ang directors. Nagulat din ako nang makita kong siya lamang ang nasa loob ng hotel room."

"Pero pumasok ka pa rin sa loob, Anton." May galit na sa tono ng kaniyang pananalita. Napa-urong ako dahil sa lakas ng kaniyang boses. "Ginawa mo ba 'yon dahil hindi kita mabigyan ng anak sa loob ng apat na taon nating pagsasama?"

Napaluhod na ako sa harap niya habang magkadaop ang aking mga palad. "Hindi, Isabel, hindi," saad ko habang patuloy sa pag-iling. "Patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya." Nauubusan na ako ng hininga dahil sa lakas ng kaba ng aking dibdib. Nagsimula na ring tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko. Kahit ako ay hindi pa rin makapaniwala na nagawa ko iyon sa kaniya.

"Mahal na mahal kita, Isabel. Babawi ako," halos mabaliw na saad ko sa kaniya. "Sabihin mo lang sa'kin kung anong gusto mo."

Tumayo siya sa harapan ko at yumuko palapit sa aking mukha. Napakalapit na ng aming mga mukha ngayon sa isa't isa at nakita kong nangingitim ang gilid ng kaniyang mga mata. Hinawakan niya ang aking mukha gamit ang malalamig niyang kamay. Ngumisi siya at itinuro ang kaniyang puso.

"Nakikita mo ba ito, Anton? Dito nila ako sinaksak ng pitong beses dahil ayaw kong ibigay itong wedding ring na ito sa kanila." Nanlaki ang aking mga mata nang makita kong may tumutulong dugo mula sa kaniyang puso.

Napakasakit ng dinaranas ko ngayon
Para bang ako'y sinaksak at sa puso ko'y binaon
Ang pinakamahaba at makalawang na balisong
Para din wala ng buhay ang katawan ko

"Sobrang sakit, Anton." Unti-unti siyang napaupo sa sahig at hindi niya na rin napigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha. "Tapos nalaman ko lang na may nangyari sa inyo ni Kyla noong araw na iyon." Hinawakan niya ang puso niyang patuloy pa rin sa pagdurugo. "Ang sakit, Anton."

Lumakad ako nang nakaluhod papunta sa kaniya at dali-dali ko siyang niyakap. "Sabihin mo, Isabel. Sabihin mo lang kung anong gusto mo at gagawin ko. Patawarin mo ako. Patawarin mo ako," paulit-ulit na sabi ko sa kanya habang kumakayat na ang kaniyang dugo sa palibot namin.

Di ko na yata talaga kaya manatiling ganito
Naubusan nako ng luha umiiyak ng dugo
At kahit masama sana maunawaan mo po
Ayoko lang na masaktan sa tuwing maaalala ko

Hinarap ko siya at nagtagpo ang aming mga mata. "Patawarin mo ako, Isabel," pagmamakaawa ko sa kaniya. "Anong p'wede kong gawin para mapatawad mo ako?," humahagulhol na sabi ko.

Ngumiti si Isabel at pinunasan niya ang aking mga luha. "Samahan mo ako."

Hinalkan ko siya sa kaniyang noo. Pinunasan ko rin ang kaniyang mga luha kasabay ng pagtango ko.

Ang ikli ng panahon na binigay sa amin
Pag-ibig na para lang isang halik sa hangin

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro