Kabanata 6
ILANG ORAS NA YATANG nagtitigan sina Aurea at ang mama niya pero wala pa ring salitang lumalabas sa bibig niya. Paano ba niya sisimulan?
"Ano ba, Aurea? Hihintayin mo bang matunaw ako sa harap mo? Ano bang sasabihin mo?"
Inabala niya kasi ang mama niya habang nagtutupi ito ng mga damit nila sa kwarto nito. Naka-Indian sit siya sa gilid ng kama katabi ng mama niya.
"Ma," basag niya sa wakas.
"Ano nga?" prolong na tanong ng mama niya, may himig na nang kaunting iritasyon.
Itinuloy pa rin nito ang pagtutupi.
Malalim siyang huminga. "Ma, hindi na muna ako uuwi sa atin ng tatlong buwan," deretsong sabi niya.
Naitigil ng mama niya ang ginagawa at naibaling ang mukha sa kanya. Aurea's mother gave her a skeptical look na para bang nagbitaw siya ng joke na hindi man lang nakakatawa.
Actually, 'di naman talaga nakakatuwa ang sinabi ko. Napangiwi siya sa isip. I-explain mong mabuti, Aurea Feliz!
"Ganito kasi 'yon Ma," she continued dahil mukhang hindi magre-react ang mama niya hangga't hindi niya binubuo ang kwento. "May nakita kasi akong lumang kwintas sa ilalim ng kama ni Lolo Pol. Sinuot ko 'yon kasi maganda. Tapos may na-meet akong matandang babae sa labas ng university na muntik nang masagi ng papalapit na lalaking naka-motorsiklo at nakita niya 'yong kwintas kong suot."
Napahawak siya sa kanyang leeg at bahagyang nagtaka nang wala siyang makapang kwintas doon. Oo nga pala. Hindi pa 'yon naibabalik sa kanya ni Tor. Hindi niya tuloy maipakita sa nanay niya as a proof na hindi siya humahabi ng kwento.
"Nasaan ang kwintas?" taas kilay na tanong ng mama niya.
"Na kay Tor," sagot niya na hindi man lang nag-iisip.
"Sino naman ang Tor na 'yan?"
"Mahaba pong kwento. Pero kasi 'yong real owner ng kwintas ay gusto akong ipakasal sa apo niyang lalaki. Kasi 'yong kwintas na 'yon ninakaw raw mula sa pamilya nila. Family heirloom, gano'n. Tapos ngayon, bakit nga napunta 'yon kay Lolo Pol? Imposible naman pong ninakaw 'yon ni Lolo, 'di ba?"
Sa ekspresyon ng mukha ng mama niya, parang 'di nito na-gets ang explanation niya. Napakamot siya sa batok. Kaya nga 'di siya naging writer kasi 'di siya marunong magkwento. Dederetsahin na nga lang niya.
"Ma makikipag-live-in ako—" Napangiwi at napasinghap siya nang hampasin siya ng mama niya ng hanger sa braso. "Ma naman!" Hinaplos niya ang nasaktang braso. Siyempre, naka black spaghetti strap lang siya.
"Anong live-in, live-in 'yang sinasabi mong bata ka?!"
"Actually, 3-months trial marriage po talaga 'yan."
"Pumayag kang magpakasal sa 'di mo kilala?!" asik ng mama niya.
"Well, technically, hindi pa naman kami ikakasal," pagrarason pa niya. "Mag-li-live-in muna kami ng tatlong buwan. Kung magki-click kami 'di may instant manugang ka na. Pero kung hindi, uuwi po ako ng bahay at wala pa po kayong manugang—aww!" Pinalo na naman siya nito ng hanger sa kaliwang braso naman.
"Hindi ako papayag!"
"Pumirma na po ako."
"Bahala ka sa buhay mo. Basta hindi ako papayag sa kabaliwan mong 'yan. Lusutan mo 'yan bago pa kita itulak sa bintana, Aurea Feliz. Walang inang papayag sa ganyang kalokohan. Ni hindi ko pa nga nakikita ni anino ng lalaking kakasamahin mo."
"Kapag 'di n'yo ako papayagan, kukunin nila ang stall ng banana cue n'yo at 'yong dalawang galon ng samalamig."
Marahas na huminga ito at dinuro siya. "Tama nang isang tanga sa bahay na 'to, Aurea."
"Sino po?" inosente niyang tanong.
"Ako. Pero dahil umambag ka pa, dalawa na tayong tanga."
Natawa si Aurea. "Ma naman, ayaw mo 'yon? Dalawa na tayong tanga—aray!" This time, kurot naman sa tigiliran ang nakuha niya. Pambubugbog naman pala ang makukuha niya sa pagiging honest sa mama niya. Kaloka! "Ang sakit na, ha? Buti nga ako, honest ako sa 'yo. Hindi ko itinatago 'to sa 'yo kasi ayaw kong magsinungaling at alam kong 'di mo ako papayagan."
"So dapat maging masaya pa ako sa mga kalokohan mo, ha?"
"At least, well-informed ka."
"Ano bang klaseng utak ang mayroon ka at ang tigas ng bungo mo?"
"Para 'tong tanga." Aurea chuckled. "Kailan ba kasi lumambot ang bungo—oh!" Mabilis niyang pinagkrus ang dalawang mga braso sa harap bilang depensa. "Nakakarami ka na. Child abuse na 'yan—aww!" Pero napalo pa rin siya ng mama niya. Ang exposed niyang hita ang pinalo. Siyempre, naka-denim shorts lang siya.
"Ano bang makukuha mo sa pagpayag mo riyan, ha? Paano kung masamang tao ang mga 'yon? Paano kung pagsamantalahan ka ng lalaking 'yon, ha? Hindi ako papayag! Pagpuyo diha, Aurea!"
"Hindi ko masasabing mabait talaga sila pero mapagkakatiwalaan po sila kaysa sa atin."
"Bakit ba nabigyan ako ng anak na katulad mo?"
Sa mukha pa lang ng mama niya ay alam niyang stressed na stressed na ito sa kanya. Alam ni Aurea na kahit saang anggulo tingnan ay mali talagang i-insist pa niya 'yon pero gagawin naman niya 'yon dahil sa Lolo Pol niya. Hindi naman siya literal na magkakaroon ng relasyon kay Tor. Gusto lang niyang mapalapit sa mga Velez para malaman kung ano nga ba ang totoong kwento sa likod ng misteryosong compass na kwintas na napunta sa pamilya nila.
"Ma, trust me. I know what I'm doing. Saka feeling ko kailangan ko 'tong gawin para kay Lolo Pol." This time, walang halong kalukohan at naging seryoso siya. "Dati ko pa sinasabi sa 'yo na simula nang mamatay si Lolo ay nararamdaman ko pa rin siya. Na nandito lang siya pero ayaw niyang magpakita. Feeling ko may kwento ang kwintas na itinago ni Lolo Pol. Gusto niyang madiskubre ko 'yon. Pero hindi ko 'yon magagawa kapag 'di ako nakipag-ugnayan sa mga Velez."
"Lagi kong sinasabi sa 'yo na huwag kang mangialam sa problema ng mga kaluluwang lumalapit sa 'yo. Ikapapamahak mo 'yan."
"Pero, Ma." Inabot ni Aurea ang kamay nito. "Si Lolo Pol kasi 'to. Hindi rin ako matatahimik kung hindi natin siya matutulungan. Hindi ko alam kung bakit hindi ko siya nakikita pero nararamdaman ko pa rin siya. Pero malakas ang kutob ko na kailangan niya ang tulong ko... natin." Mapait siyang ngumiti pagkatapos.
Sandaling nag-isip ang mama niya. Halata pa rin kasi sa mukha nito na hindi talaga ito kumbinsido sa gusto niya. Kahit sinong ina naman. Kabado rin naman siya sa balak niyang pasukin pero naniniwala siya sa gut feeling niyang mababait ang mga Velez. Hindi pa naman siya pumapalya sa mga pakiramdam niyang ganoon.
"Kailangan ko munang makilala ang Tor na 'yan at 'yang sinasabi mong matandang babae na may-ari ng kwintas," sa wakas ay sagot ng mama niya. "Dalhin mo sila sa bahay at nang makausap ko."
INALALAYAN NI AUREA SI LOLA RITA paakyat ng grand staircase nilang niluma na ng panahon at anay. Katulong niya si Tor sa pag-alalay sa matanda. Nakasunod sa kanila ang personal nurse ng matanda na si Linda.
"Pasensiya na po talaga, Lola, hindi po natuloy 'yong plano naming elevator sa bahay. Kinulang po sa budget. Na-invest lahat doon sa stall ng banana cue ni Mama," magiliw pa niyang kwento.
Natawa lang si Lola Rita. She saw how Tor's eyebrows furrowed with her joke. Ayaw pang tumawa, eh. Pangit ka-bonding.
"It's okay, hija, malakas pa naman ako."
Umangat ang tingin ni Lola Rita sa malaking wooden picture frame ni Lolo Pol sa landing ng hagdanan sa second floor. It was still in sepia color, lumang-luma na talaga. Nakabarong pa lolo niya riyan. Naiisip niya minsan na puwede ng props sa horror movies ang portrait ng Lolo Pol niya.
"Is that your Lolo Pol, hija?"
"Yes, Lola, siya po ang boss ng bahay na 'to," sagot niya sa matanda. "Dalawa lang po ang anak ni Lolo. Si Tito Pio at ang mama ko, si Lourdes. Pero sa ngayon, kaming dalawa lang ni Mama ang nakatira sa malaking bahay na 'to at ilang mga santo sa ibaba ng bahay kung saan dating nanggagamot si Lolo Pol noong nabubuhay pa siya."
"Aurea, nandito na ba sila?" Boses 'yon ng kanyang ina.
Naabutan nila ang mama niya na naghahanda ng pagkain sa mahabang mesa sa second floor. Actually, ang bahay nila, literal talaga na luma. Luma in a sense na isa talaga itong ancestral house kung saan ang interior ng bahay ay may malalaking bintana o tagusan ang hangin at ilaw. Mga malalaking ventanilla pa.
Ang second floor ng bahay ay puro mga silid at may limang kuwarto. Dalawa sa kanyang kaliwa at tatlo sa kanyang kanan. Malaki ang sala na pumagitna sa dalawang panig ng mga silid, puwede pang takbuhan. Kumikinang pa ang kahoy na sahig. Malamang, pinag-floor wax at pinaglampaso siya ng kanyang magaling na ina kaninang umaga.
Ang gitna ay ang kanilang salas. May sofa, dalawang pang-isahang sofa, at center table na yari din sa kahoy. Nakaharap din doon ang isang electric fan nila. Kumakain sila sa katapat na panig ng salas. Nandoon ang pang-walong upuang mesa. Sa ibaba sila nagluluto dahil nandoon ang dirty kitchen at ang isa pang banyo. May banyo rin sa itaas, wala talaga 'yon sa orihinal na plano ng bahay pero pinagawaan ng Lolo Pol niya para 'di na sila bumaba pa lagi.
"Magandang hapon, Lourdes," masiglang bati ni Lola Rita. "Linda, ibigay mo sa kanila ang regalo natin sa kanila."
Bisita ba ito o pamamanhikan? Si Aurea na ang tumanggap ng basket ng mga prutas mula kay Linda dahil siya naman ang malapit.
Ngumiti naman si Lourdes sabay punas ng mga kamay sa suot nitong apron. "Magandang hapon. Pasensiya na at medyo magulo pa ang bahay namin. Halikayo, tumuloy kayo."
Wow naman, kumikinang na nga ang sahig at mga muebles madumi pa rin? Paano ang standard natin sa kalinisan, Lourdes? Ang plastik din talaga ng mama ko minsan, eh. Kaya mahal na mahal ko 'to, eh.
Lumapit si Lourdes niya para igiya ang mga bisita sa mesa kung saan may inihanda itong pinaypay na saging. Specialty nito, 'yong niligo sa harina para magdikit ang mga hiniwa nitong mga saging kapag nilubog at niluto sa kumukulong mantika at madaming asukal. May dalawang pitsel para sa tubig at orange juice na rin.
Favorite 'yon ng kanyang mama kaya alam niya. May binili rin pala itong mga sandwich at peanut butter. In all fairness, pinaghandaan. Hindi halatang galit na galit pa ito sa buong angkan ni Tor noong isang gabi at sa mga 'di makatotohanang desisyon niya sa buhay. Mabilis ang turn of events sa mama niya.
Dumulog silang lahat sa mesa. Tumulong na rin si Aurea sa pagbibigay ng snacks sa mga bisita. Nakakainis lang dahil napapansin niya kasing pasimple siyang sinusundan ng tingin ni Tor. Para bang hinihintay nitong magkamali siya o mabuhusan niya ito ng juice. He was even giving her sly eyes and a lopsided smile.
"Sinabi nga nitong si Aurea na gusto mo raw kaming makausap muna," basag ni Lola Rita maya-maya. "Naisip ko na tama nga naman. Dapat ay kinausap muna kita bago kami nagdesisyon nang ganoon. Pasensiya na, Lourdes." Lola Rita smiled regretfully towards her mother.
"'Yon nga ang punto ko, pero saka na natin pag-usapan at kumain na muna tayo."
"Mabuti pa. Gutom na rin kami."
Pasimple namang binawasan ni Tor ang mga nilagay niyang pinaypay sa plato ni Lola Rita at pinalitan 'yon ng isang sandwich. Napansin 'yon ng mama niya at nakita niya ang pasimpleng pagngiti nito.
Naks! Naka-pogi points si Tor. 'Yon din talaga ang napansin ko, Tor is thoughtful—discreetly nga lang. I believe he's not the showy type of person.
Pagkatapos mag-snacks ay naupo sina Lourdes at Lola Rita sa mga upuang naka-display malapit sa malalaking ventanilla na tanaw ang kalsada ng Guadalupe at ang puno ng mansinitas sa harap ng bahay nila. May sinabit na rin silang iilang orchid flowers sa magkabilang hamba ng mga ventanillas.
"When was this built?" Tor asked, naramdaman niya ang presensiya nito sa likod. His warm breath fanned on her exposed neck.
Hindi na niya kailangan lingunin ito dahil agad din itong lumipat ng tayo sa tabi niya. Ibinaling na lamang niya ang mukha rito.
"Around 1910," sagot niya.
Ang mga kamay ni Tor ay nasa mga likod nito. "Wala kang balak i-tour ako sa buong bahay?"
Tinitigan niya ito. "Okay ka lang? Ano tingin mo sa bahay namin, museum?"
Umangat ang isang gilid ng labi nito sa isang malokong ngiti. He didn't look like he was mocking her, but it seemed like an amused smile.
"Your house is interesting." Akala niya ay iiwan na siya nito pero hindi niya namalayang nakahawak na pala ito sa pupulsuhan niya. Mahina siya nitong hinila sa isa sa mga silid sa kanan niya. "I want an educational tour from Ms. Aurea Feliz Feliciano."
Ay grabe!
Pumasok silang dalawa sa dating silid ni Tito Pio. "As you can see po, Atty. Tor, ang bahay po namin ay hanggang dalawang palapag lang po," aniya na may kasama pang irap. Pero 'di naman siya pinansin. "Itong kuwarto na 'to ay sa Tito Pio ko pero sa Negros na siya nakatira. Ang ibaba po ay ang lumang silid ni Lolo Pol kung saan po siya nanggagamot. Para din 'yong lumang chapel dahil nandoon ang iba pang mga koleksyon niya ng mga santo. You are not allowed to go inside maliban sa amin ni Mama at ni Tito Pio."
"Why?"
"Hello? Bawal nga, eh. Para lang din 'yang batas."
"Whatever."
Rude! Rude!
"Anyway, nasa ibaba ang dirty kitchen," pagpapatuloy niya nang makalabas sila sa silid. "Ang isa pang banyo at laundry area namin. So 'tong buong second floor po namin ang sala, dining area, at row of rooms. May dalawa sa kanan mo. May tatlo sa kaliwa mo. At doon sa pinakadulo ang extension kung saan ang ikalawang banyo," explain pa niya na may kasamang action. Nagmukha pa siyang traffic enforcer.
Tumawid sila ng sala. She skipped Lolo Pol's room muna. Dumeretso sila sa tatlong silid sa tapat.
"Ito, kuwarto 'to ni Mama. Itong sa gitna, akin. At 'yong sa dulo, guest room sana 'yon kaso ginawa na lang naming storage room sa ngayon. Kapag may bisita ay sa kuwarto nina Tito Pio at Lolo Pol sila mag-stay."
"I want to see your room."
Hindi sila pumasok talaga sa mga silid. Bahagya niya lang binubuksan ang mga pinto at tamang silip lang din naman ang ginagawa ni Tor. Humarang siya sa pinto ng silid niya kahit na nabuksan na niya 'yon.
"Hindi!" Marahas na umiling si Aurea. "Bawal. Magulo."
"Naglinis ka ng buong bahay pero 'di mo nilinis ang kuwarto mo?"
"Bawal, ayoko." Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Tor gently moved her away from the door saka ito tuluyang pumasok sa kuwarto niya.
"'Nak ng!" Sinundan niya ito sa loob. "Alam mo bang invasion of privacy 'tong ginagawa mo? Trespassing?"
"Let me hear the grounds of your allegations, Aurea." Iginala nito ang tingin sa paligid. "How can you say that I trespassed your room?"
"I didn't allow you."
"Who opened the door?"
"Ako."
"Why did you open the door?"
"Para makita mo 'yong loob."
"Did I ask you to open the door for me?"
"Hindi."
Kaswal na naupo ito sa gilid ng kama niya, crossing his legs. Sabay abot ng isa sa mga makapal niyang libro sa mesita.
"Now tell me," dagdag nito nang hindi iniangat ang mukha sa kanya. Busy na ito sa pagbubuklat ng mga pahina ng libro. "Did I open your room on my own?"
Binalikan niya lahat ng mga tanong at sagot niya. Namilog ang mga mata niya nang ma-realize ang mga sagot niya. Napamaang siya. Putik 'yan!
There was a smug smile on his face nang iangat nito ang mukha sa kanya. Mukha ng taong wagi.
"Ang daya mo!" akusa niya rito.
"You know what they always say? The most powerful way to win an argument is by asking questions. It can make people see their flaws in their logic." Ibinalik nito ang libro sa itaas ng bedside table. "So, think carefully next time."
Tumayo ito at inabala naman ang sarili sa pagtingin sa pader. May printed pictures siya ng sarili, ng pamilya, at favorite quotes niya. Para 'yong mural collage sa isang panig ng pader ng silid niya.
Pero hindi pa rin maka-move-on si Aurea sa naging takbo ng usapan nila kanina ni Tor.
Hindi eh. May mali talaga si Tor. He moved her—meaning, there was force sa pagpasok niya sa kuwarto ko. Kaso hindi ko agad naisip 'yon dahil pinaikot niya ako sa palad niya sa mga tanong niya sa 'kin kaya hindi ako nakapag-isip nang maayos. Shuta 'yan!
"Your room is not that messy," baling ni Tor sa kanya.
Naputol ang pag-a-analyze niya sa isip.
"Oo, kasi wala naman gaanong gamit," sagot niya, may himig na kaunting inis sa boses niya.
Maliban sa single bed niyang luma, luma ring two-door closet, working table, at mesita, bintana lang ang malaki sa kwarto niya. At ayaw na niyang makipag-argumento kay Tor dahil hindi pa rin siya mananalo.
"Cute ka pala noong bata ka."
Wait! Ano raw? Tama ba 'yong narinig niya? But Tor didn't give her the chance to react. Pagkatapos ng comment nitong cute siya noong bata ay lumabas na ito ng kwarto niya. Napag-trip-an lang yata siyang i-compliment ni Tor.
Sinundan niya ito at halos sabay silang napatingin kina Lola Rita at sa mama niya na hanggang ngayon nag-uusap pa rin.
"Last room 'yong sa Lolo Pol ko," basag niya rito. She walked past him. Nauna siyang pumasok sa loob ng malaking silid ng lolo niya. Bukas lahat ng mga malalaking bintana kaya ramdam ang malakas na hangin sa loob.
"Hindi n'yo naisip na ibenta 'tong bahay?"
Umiling siya. "Mahalaga ang bahay na 'to sa pamilya namin. Kapag binenta namin 'to, feel ko iisa-isahin kaming patayin ni Lolo Pol." Tumawa si Aurea pagkatapos.
"Tell me about your Lolo Pol. Kanina mo pa siya binabanggit, but you're not giving me the details."
Naglibot si Tor sa buong silid. Tinitingnan ang picture frames at gamit na naka-display pa rin sa lumang kwarto. Hinahawakan at inaangat ang ibang bagay na nakakakuha ng atensyon nito at tinitingan nang mas malapit saka nito 'yon ibinabalik sa orihinal nitong posisyon.
Dumungaw siya sa bintana. Agad na naramdaman niya ang paghalik ng mabining hangin sa kanyang mga pisngi. Maganda ang panahon sa labas. Maaliwalas pero hindi mainit siguro dahil na rin sa malaking puno ng mansinitas sa labas ng bintana ng kuwarto ni Lolo Pol.
"Isang faith healer ang lolo ko," simula niya. "Quack doctor kung sabihin ng iba. Hindi naman lahat naniniwala sa kanya pero ang mga tao sa Guadalupe ay malaki ang tiwala sa kanya. Ang pamilya kasi namin ay kilalang mga manggagamot. Kumbaga, kung kayo, a family of lawyers. Kami, pamilya kami ng traditional healers."
"Nanghuhula rin siya katulad mo?"
Tumabi ito sa kanya, bahagyang nakaharap ang katawan sa kanya. Tor leaned one arm on the frame of the window.
"Oo, pero hindi talaga siya naka-focus doon. Mas naka-focus siya sa panggagamot."
"Tulad ng?"
"Tulad ng mga usog at kapag may nagkakasakit dahil nakagawa ng kasalanan sa mga engkanto o 'yong mga ibang elemento na namamahay sa mga puno o mga maliliit na bundok-bundok na lupa sa likod bahay. Minsan 'yong mga nababarang. Napapagaling niya 'yon."
"At 'yon ang pinagkukunan n'yo ng pera?"
"Hindi naman. Si Lolo kasi hindi naman siya tumatanggap ng bayad. Kasi bawal daw 'yon. Pero may paniniwala rin kasi na kapag 'di ka nagbigay ng kahit anong token of gratitude, 'di ka raw gagaling. So, in return, nakakatanggap kami ng mga donasyon o mga regalo. Mga pagkain, gulay, prutas, isang sakong bigas, at kung ano-ano. Kahit papaano, may nakakain din kami."
"At gumagaling sila?"
"Oo, pero laging sinasabi ni Lolo Pol na gumagaling ang mga tao dahil sa paniniwala ng mga ito na gagaling ito at siyempre sa taimtim na pagdadasal sa Diyos. Useless lang din kasi kung magpapagamot ka tapos 'di ka naman naniniwala."
"If that's the case, what's your other source of income?"
Sa pagkakataon na 'yon, ginaya niya ang position ni Tor. Magkaharap na sila ngayon at parehong nakasandal ang isang braso sa hamba ng bintana.
"Noong nabubuhay pa si Lola Hosepina, sabi ni Mama, nananahi raw si Lola, tapos naglalako rin daw sila ng mga gulay. Si Lolo Pol, kung 'di raw siya nanggagamot ay tumatanggap ng trabaho sa paggawa ng mga rebultong santo. So hindi lang sa panggagamot umiikot ang buhay nila noon."
Tumango-tango lang si Tor. Ibinaling nito ang tingin sa labas. Dalawang braso na nito ang nakasandal sa hamba ng bintana.
"You can always visit your mother anytime," basag nito maya-maya. "Sabihan mo lang ako kapag uuwi ka."
She nodded.
Siyempre kapag pumayag ang mama niya.
Akmang aalis siya nang magsalita ulit si Tor. "Wait." Ibinalik niya ang tingin dito. Nakaharap na ito sa kanya.
"Bakit?"
"I believe this is yours."
May dinukot ito sa bulsa ng pantalon nito. Umangat ang nakakuyom na kamay nito at pumalawit ang kwintas nang ibuka nito ang mga kamay. It was the compass necklace.
"Hindi sa akin 'yan."
"Lola already told me everything."
Napalunok siya nang lumapit ito nang husto sa kanya. Umangat ang dalawang kamay nito at tila payakap na isinuot sa kanya ang kwintas sa kanyang leeg. They were too close to each other. She could both hear their contradicting heartbeats. Malakas at tila hinahabol ang sa kanya. Habang kalmado naman ang tibok ng puso ni Tor.
Napahawak siya sa pendant ng kwintas.
"The necklace is yours now."
Agad din itong lumayo sa kanya—bahagya lamang dahil nang iangat niya ang mukha rito ay sobrang lapit pa rin nila. Parang hangin lang yata o langaw lang padadaanin ni Tor sa pagitan nila. Nakayuko ito sa kanya habang nakatingala siya rito.
"Naniniwala ka sa sinabi ng lola mo tungkol sa kwintas?"
Nakalimutan niya kasing ikwento ang tungkol sa kwintas the last time. Kinailangan niyang umalis agad dahil nakalimutan niyang may isa-submit pa siyang assignment at kailangan pa niyang bumalik ng university.
Malalim itong huminga at sa pagkakataon na 'yon, tuluyan nang lumayo sa kanya.
"Well." Tor crossed his arms over his chest. "I can't conclude unless proven right, so I'll give her the benefit of the doubt for now. We will see."
"Mahal na mahal mo talaga ang lola mo, 'no?"
"At least we have something in common."
Napangiti si Aurea.
Naibaling niya ang tingin sa labas. Natigilan siya nang makita ang Lolo Pol niya mula sa kabilang kalsada. Puti ang lahat ng suot nito at nakatingin sa kanilang dalawa ni Tor. Hindi ito nakangiti. Hindi rin naman ito mukhang galit.
"Lolo?" usal niya, may himig ng pagkagulat.
Nang kumurap siya ay bigla na lamang itong nawala. Marahas at may diin na napahawak siya sa hamba ng bintana at halos ilabas na ang kalahati ng katawan mula roon para silipin ang bawat lugar na kayang abutin ng kanyang mga mata. Pero wala na talaga ito. Bigla na lang naglaho.
"Lolo!" sigaw niya.
"Aurea, are you okay?" Sumilip din sa labas si Tor. "Sinong lolo ang tinutukoy mo?"
Hindi niya pinansin si Tor. Bigla siyang nabahala. Masaya siya na nagpakita sa kanya ang Lolo Pol niya pero nangangamba rin siya. Simula nang mamatay ito ay 'yon pa lang ang unang pagkakataon na nagpakita ito sa kanya nang malinaw. Hindi niya maiwasang isipin na baka nga totoo ang gut feeling niya.
May kakaiba sa compass na kwintas—isang lihim o pangyayari sa nakaraan na naging dahilan ng pagpili ng kwintas sa kanya.
Napatingin siya sa mukha ni Tor. His face expressed confusion. Still, Tor seemed like he was ready to ask her anytime if she wasn't that messed up as of the moment.
Ngayon lang talaga naging mas malinaw sa kanya ang lahat. Noong una, iniisip pa niyang nasisiraan na siya ng bait pero ngayong nagpakita sa kanya ang lolo niya, mas tumibay ang pakiramdam niyang may dapat talagang siyang malaman sa nakaraan at maaring may koneksyon talaga ito sa kwintas at sa pamilyang Velez.
Ang tanong, anong mission ko sa buhay ng isang Kale Thomas Velez?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro