Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14


Chapter 14

Dapat marahil na inasahan na ni Dulce na sa buong bahay niya, ang siyang lugar na katutuwaan nang husto ni Baba ay ang workshop niya. Tanging ang kanyang ama ang nakapasok doon. Nais niyang manatili ang lugar na iyon bilang kanya lamang. At dahil mentor niya ang tatay niya, ito lang ang pinapayagan niyang makita ang trabaho niya kahit hindi pa iyon tapos. Ayaw din niyang naiistorbo siya kapag naroon na siya sa bahaging iyon.

Ngunit sumilip si Baba kanina at ngayon, mag-iisang oras na silang magkasama sa workshop. Bagaman hindi lahat ng kagamitan doon ay alam nitong gamitin, mabilis nitong natutunan ang mga iyon sa pamamagitan ng instruksiyon niya. Kailangan niyang aminin na bumilib siya sa kakayahan ng lalaki pagdating sa kahoy. Hindi lahat ng lalaki ay magagawa ang ginagawa nito. Making furniture was an art on its own. Ang bawat kurba at disensyo ay maselang gawin. Hindi por que karpintero ang isa ay kaya nang gumawa noon. Iba ang skills na kailangan sa larangang iyon.

At marahil dapat na naisip na niyang bagay kay Baba ang paggawa ng muwebles. Ang kontrolado at maingat nitong paggalaw ay indikasyon na roon. It was a pleasure seeing him work a wood into art. Hinubad nito ang kamiseta dahil mainit doon at ngayon ay pinapadaan nito sa tistisan ang isang antigong narra. Kung naiba-iba ito, marahil hindi na siya mapakali. Antique wood was expensive and hard to find.

Kahit anong pilit niya ritong magsuot ng protective goggles ay ayaw nito. Ang banayad na paggalaw ng muscles sa abs at pecs nito ay sapat na upang maisip niyang masarap marahil kumuha ng butong pakwan habang pinagmamasdan ito. O marahil mas masarap tambakan ito ng kahoy sa gayon ay hindi na ito umalis sa puwestong perpektong nakasentro sa mga mata niya sa pagkakapuwesto niya sa isang mababang silya. Ano kaya ang iisipin sa kanya ng kanyang ina na heto siya, hindi na nagawang itago ang pagmamasid niya sa isang lalaking half-naked? Marahil nakurot na niyon ang singit niya. But what the hell was she supposed to do? Watching him inspired her. Isa pa, mukha namang normal na normal lang ang ginagawa niyang pagmamasid, lalo na at nagkunwa siyang wala na siyang ibang gagawin at kailangan niyang makatiyak na tama ang ginagawa nito.

"Magtitiwala ka ba sa aking tapusin ito?" baling nito sa kanya, nakangiti. "Alam kong may design ka na pero may nakita akong mga tabas na kahoy doon na puwedeng gamitin dito."

Nagkunwa siyang napukaw ang interes niya, kahit ang totoo ay halos hindi pumasok sa isip niya ang sinabi nito. Inabot nito ang sketchpad niya, saka tumabi sa kanya sa mababang upuan. Ipinaliwanag nito ang plano nitong gawin sa mga kahoy, gumuhit ng sarili nito.

Noon nito nakuha nang buong-buo ang atensiyon niya. The man can draw and he can draw well! Kahit ang sukat ay itinala rin nito doon, maging ang mga mumunting konsiderasyong hindi basta-basta naiisip ng ordinaryong tao na walang alam sa paggawa ng muwebles.

"Baba, paano ka natuto ng ganito? Kahit ako, ilang ulit na pumalpak dahil hindi ganito kapulido ang plano ko noong una. Of course now I know better. Look at this. Kahit ang lalim na paglalagyan ng kutson ay tama ang sukat."

"Lalo ba akong naging guwapo sa paningin mo?" panunudyo nito, nakangisi.

Napairap siya. "Baba, seryoso ako."

Nagkibit ito ng balikat. "Kumuha ako ng ilang unit sa engineering, pero hindi ako natapos. Isa pa, ako ang gumawa ng mga upuan sa parlor ni Macario. Ako halos lahat ang gumawa noon para makatipid sa tao. Ang binili lang niya ay 'yong mga silyang may hydraulics."

"But this is gorgeous," komento niya sa iginuhit nitong chaise lounge.

"May ginawa rin akong ganyan para kay Macario. Maarte 'yon, eh."

"Why are you being so humble? This is amazing work, Baba. Truly. Show me how we'll make this one."

Nakangiting tumango ito. Kinuha nito ang mga retaso at sinimulang tabasin ang mga iyon. Magkatulong nilang ginawa ang iginuhit nito. Dalawang oras at natapos nila iyon, bagaman wala pang finishing.

"You and I can make a fortune," sambit niya, nakalagay ang mga kamay sa baywang habang pinagmamasdan ang hindi pa kinis na chaise.

"Nalipasan ka na ng gutom."

"Hindi nga. Totoo talaga."

Lumapit sa kanya, inabot ang kanyang kamay at hinigit na siya patungo sa pinto. Tama ito, nalimutan na nilang kumain, kanina pa sila sa workshop. Pinainit nito ang siningang na ito ang nagluto. Siya na ang naghain.

"Para na rin tayong mag-asawa nito, Dulce," sambit nito. "Pinag-iisipan mo na ba kung puwedeng mangyari ang ganoon?"

Bigla siyang napatingin dito. Nakatutok ang atensiyon nito sa kalderong umuusok. Tama ba ang dinig niya? O baka dahil biglang dumagundong ang tibok ng puso niya sa una nitong pangungusap ay nalunod na niyon ang pangalawa nitong sinabi. Bakit hindi ito tumitingin sa kanya? Seryoso ba ito?!

"I-ikaw? N-naiisip mo ba ang ganoon?" lakas-loob na tanong niya kahit parang ayaw niyang marinig ang maaari nitong itugon. Bakit naman kasi ganoon ang tanong nito? Nagpapa-cute ba ito, nangliligaw? O bakit parang higit pa sa panliligaw dahil pag-aasawa na agad ang tinutukoy nito.

"Napakasuwerte ko siguro kung ikaw ang mapapang-asawa ko."

Muntikan na siyang mapanganga rito. Seryoso ang lalaki, walang nanunudyong ngiti sa labi. Muli, nalunod siya sa lakas ng tibok ng puso niya. What was she going to say? What in the world was she supposed to say?!

Nagpasya siyang daanin sa biro ang lahat. "Mabuti naman at alam mo. Aba, noon pa sinasabi na sa akin ng nanay ko na pinakamasuwerteng lalaki na sa mundo ang mapapang-asawa ko."

Salamat at hindi na nito itinuloy pa ang paksa. Na-pressure siya doon pero hindi siya nagpahalata. Kaswal ang mga kilos niya hanggang sa kanilang pagkain. Nagtanong ito kung may balak pa siyang bumalik sa Santa Fe na tinugon niya ng, "Oo naman."

"Paano kung talagang hindi mo na makita ang hinahanap mong tao?"

Batid niya kung ano ang puntirya ng tanong na iyon—kung siya ba ay babalik pa sa lugar na iyon para rito. At batid niya sa puso niya na kung may imbitasyon, sa kabila ng lahat, oo at babalik siya. Ngunit marahil ay mas maganda kung ito ang dadalaw sa kanya sa Maynila. O mas maganda siguro kung huwag na itong manatili sa Santa Fe. Baka mas maganda kung ibebenta na nito ang lupa nito at bibili na lang ng bago na mas malapit ang lokasyon at hindi magulo.

"Babalik ako sa Santa Fe, puwede bang hindi?" aniya. Umasa siyang nahuhulaan na nito ang ibig niyang sabihin. Sakaling hindi, idinagdag niya, "May nakilala ako doong pogi, paano akong hindi babalik... kung iimbitahan naman ako, 'di ba?"

"Paano kung sabihin sa 'yo noong pogi na 'wag ka nang umalis sa Santa Fe?"

Hindi siya agad nakatugon. May isang bagay na siyang nanguna sa isip niya. Umukit iyon doon, hindi mawala—ang mga bagay na nanatiling misteryo tungkol kay Baba. At sa totoo lang ay hindi pa rin niya alam kung nais niyang malaman ang buong kuwento nito. She was scared to know the truth somehow. What if it was so terrible that she couldn't bear to be with him anymore? Not even to share a cup of coffee?

Ngunit batid niyang kailangan niya iyong itanong dito. "Baba, noong nagdedeliryo ka, maraming bagay kang sinabi, mga bagay tungkol sa 'yo." Hindi niya magawang salubungin ang mga mata nito kaya ginalaw-galaw niya ng kutsara ang pagkain sa pinggan niya. "Alam kong hindi mo siguro gustong pag-usapan. Naiintindihan ko 'yon. Nasa 'yo ang lahat ng karapatang itago o sabihin ang mga bagay tungkol sa 'yo. Pero kung nagiging seryoso ang usapan natin, at gusto mo ng seryosong sagot, puwes, ito 'yon—hindi ako sasabak sa mundo kung saan hindi malinaw sa akin kung sino ang kasama ko."

Muli ay tumingin siya rito, pinagmasdan kung ano ang magiging reaksiyon nito. Tahimik lang ito, hindi umiimik. Ipinagpatuloy niya ang pagkain kahit nawalan na siya ng gana. Mukhang ganoon din ito kaya nagligpit na rin siya mayamaya. Napansin niyang nagtimpla ito ng kape.

Nang matapos siyang maglinis ay isinilbi nito iyon sa kanila. "Pagod ka na ba o may oras ka para makinig sa isang mahabang kuwento?"

Kumabog ang dibdib niya. Natagpuan niya ang sariling nauupo sa tapat nito sa kitchen counter. Naghintay siya sa sasabihin nito na agad dumating.

BAHAGYANG nanikip ang dibdib ni Baba. Ayaw na niyang maalala ang mga pangyayari ngunit sa sandaling iyon, parang bumukas ang isang libro—ang libro ng buhay niya. At wala siyang magawa kundi ang isalaysay ang nilalaman niyon sa babaeng may kakayahang iparamdam sa kanya na maganda pa rin ang buhay.

"Hindi ko alam kung ilang taon ako noong dalhin ako ni Ka Abel sa itaas ng bundok, sa hukbo nila. Siya lang ang nagbigay sa akin ng edad ko, pero siguro tama ang sinabi niya sa akin na apat na taon ako noon. Wala ako masyadong naaalaa sa dati kong buhay, maliban sa nanay ko. 'Baba' ang tawag niya sa akin kaya noong itanong sa akin ni Ka Abel kung ano ang pangalan ko, iyon ang sinabi ko. Tinuruan ako ni Ka Abel na bumasa, sumulat, magkuwenta, gumamit ng baril... Higit sa lahat, tinuruan niya ako ng mga idolohiya sa buhay na naging armas ko. Ang pinakamalaking armas ko para ipaglaban ang paniniwalang hindi ako nabigyan ng pagkakataong isipin para sa sarili ko kung tama o mali.

"Ang sabi ni Ka Abel, napatay daw sa sagupaan ang nanay ko. Biktima raw ng mga sundalo ng mga Villacorte. Kaya masama ang gobyerno dahil pinapatay nila ang mga inosente at kabilang ako sa mga naapektuhan, sa naulila nang ganoon na lang. Ang mga Villacorte at ang private army nila ang may kasalanan sa lahat."

Pinagmasdan niya si Dulce. Walang pagkailang na nakasulat sa mukha nito. Aminado siyang umasa siyang ganoon ang magiging reaksiyon ng dalaga. Ayaw niya ng awa. At marahil matutunaw siya kapag may nakita siyang pagkatakot sa maganda nitong mukha, bagaman marahil hangal siya kung aasahan niya iyon.

Nagpatuloy siya sa salaysay. "Minsang kasama ko si Macario maghanap ng makakain sa gubat, dumating ang mga sundalo ng Villacorte. Patay lahat ng kasamahan namin sa kampo. Kami lang ni Macario ang nabuhay. Ginawa akong sundalo ng mga Villacorte, kapalit ng buhay namin ni Macario. At noong umpisa puro galit at paghihiganti ang nasa isip ko. Para akong robot na ginagawa lang ang bawat utos sa akin. Hanggang sa unti-unti kong nakita na hindi rin pala tama ang mga kinamulatan kong idelohiya.

"Nalaman kong break away group ang samahan namin, mga rebelde sa mga orihinal na rebelde." Mapakla siyang tumawa. "At kung tutuusin, iniligtas ako ng mga Villacorte sa isang maling buhay na mula sa maling idelohiya—para lang gawing tau-tauhang bayaran para sa mali ring gawain nila. Pero wala akong alam sa mundo, wala akong pinag-aralan. At kailangan kong buhayin si Macario."

Pinisil ng babae ang palad niya, inudyukan siyang magpatuloy na siyang ginawa niya. Nais niyang tapusin na ang kuwento. Ayaw na niyang balikan ang mga panahong iyon. "Dumating ang panahong naisip kong sa kabila ng lahat, maganda pa rin ang mundo. Nagkaroon ako ng mga pangarap, pangarap na makaalis sa Santa Fe, bumuo ng buhay na malayo sa gulo.

"Umalis kami ni Macario sa Sante Fe. Beinte-tres ako noon. Batang-bata pa, pero matanda nang masyado para pumasok ng grade one." Dama niya ang pait sa bibig niya. "Pero may high school diploma na ako, may bagong katauhan, salamat sa mga Villacorte. Kumuha ako ng magtuturo sa akin habang inaasikaso ang lupang nabili ko sa Cavite. Meron akong maliit na farm doon. Isang taon akong nag-aaral sa sarili ko sa tulong ng tutor, tuwing gabi nasasabik tapusin ang assignment na bigay ng tutor."

Sa wakas, nagawa niyang ngumiti sa alaala. Noong una ay nahiya siya sa lalaking guro na kinuha niya, ngunit sa huli ay ninais niyang ipakita ritong kaya niya.

"Pumasok ako sa college pagkatapos noon. Engineering. Diyos ko, dumugo ang utak ko." Natawa na siya, nilingon ang babae na nakangiti na rin sa puntong iyon. "Sa totoo lang, hindi matataas ang grade ko pero pasado naman. Iyon lang, naisip ko agad na hindi iyon ang kursong para sa akin. May farm ako, bakit gusto kong maging engineer? Nag-shift ako sa Agriculture. Ayos naman. Natapos ko rin."

Bahagya siyang nabigla nang ikulong nito ang kanyang mukha sa mga palad nito, saka siya hinagkan sa pisngi. "I'm so proud of you!"

May kasiyahang nabuo sa puso niya. "May isa pa kayang halik kung sasabihin kong cum laude ako?"

"Awwww..." anitong tila nakakita ng cute na kuting. Muli siya nitong hinagkan at napatawa siya nang malakas. Aminado siyang magaan kasama ang babae dahil na rin simple ang kaligayahan nito. At nais niya ang ganoon sapagkat simpleng tao lang siya na natutuwa sa mga mumunting bagay.

Ang problema ay ang reaksiyon ng katawan niya sa dalaga. Tulad ngayon. Wala siyang nais gawin kundi ang tikman ang mga labi nito. Marahil masarap ding tikman ang leeg nito at dibdib. Nais niyang tahakin ang daan pababa sa katawan nito, walang palampasin ng tikim kahit isang pulgada ng balat nito.

Kung alam lang sana ng dalaga ang matinding pagtitimpi niya sa araw-araw na magkasama sila.

Hinaplos nito ang kanyang pisngi saka marahang idiniin ang daliri nang dalawang ulit sa kanyang labi sa gawing tila aliw na aliw sa kanya.

"What else?" anito. "Tell me more. I love it when these lips tell me secrets." Muli nitong sinalat ang kanyang mga labi.

Ang malambot nitong daliri ay kay sarap ilarawang-diwang nakalapat sa kanyang balat, sa kabuuan niya, ipinapadama sa kanya ang init na nadarama niya para rito.

"Baba? Bakit ka bumalik sa Santa Fe?"

Ang katanungang iyon ay tila tunog ng kampana sa tainga niya. Sinagot niya iyon sa pinakasimpleng paraang kaya niya, "May mga bagay akong kinailangang ayusin, mga bagay na mula sa nakaraan. Hindi ko inaasahan na magtatagal ako nang ganito." Hindi niya naawat ang sariling hagurin ang malambot at mabangong buhok ng babae. "Tama na ang usapan, Dulce," aniyang inilapit ang mga labi sa tainga nito. "Maraming bagay na mas masarap gawin kaysa diyan."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro