Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 39: Iba't Ibang Sungay

MASIGLANG nagsasayawan ang mga tao sa loob ng club na iyon. Ngunit ang masaya nilang mga sandali ay naputol nang biglang sumuka ang isang lalaki. Lango na ito sa alak at parang sasabog na sa labis na pamumula pero ayaw pa ring tumigil sa pag-inom at pagsayaw.

Umabot sa puntong napaaway na ito sa mga taong nabugahan nito ng suka. Dahil doon ay inawat na ito ng mga bouncer at pinalabas ng club. Wala nang nagawa ang lalaki. Pinagmumura na lang muna nito ang harap ng club bago ito umalis.

Sa sobrang kalasingan ay hindi na nito alam kung saan nai-park ang sasakyan nito. Masyado nang madilim sa paligid at wala na ring lakas para makuha pa ang cellphone sa bulsa. Hindi na rin nito namalayan ang yabag ng mga paa na sumusunog sa likuran nito.

Ilang sandali pa, bumulagta na sa lupa ang lasing na lalaki matapos itong paluin ng malaking bato sa batok. Dahil sira ang CCTV sa bahagi ng lugar na iyon ay walang nakakita sa nangyari.

Inilapag naman ng matangkad na lalaking nakaitim sa tabi ng sasakyan ang katawan ng lasing na iyon. Ilang sandali pa, nagbukas ang pinto ng sasakyan at tumambad doon si Donya Glavosa kasama ang iba pang mga tauhan ni Aaron sa loob.

Pinagmasdan ng donya ang katawan. "Okay na 'to. Dalhin mo na sa likod." Mabilis na sinunod ng lalaki ang kanyang utos. Mabilis din nilang nilisan ang lugar na iyon pagkatapos maisagawa ng pakay.

WALANG reaksyon si Donya Glavosa nang mapanood sa balita kinabukasan ang pagkakatakas ng Dragon Breath founder na si Aaron Raymundo sa Saint Gregorio Bilibid Prison. Hindi lang daw ito basta nakatakas. Pumaslang din daw ito ng anim na pulis sa loob ng emergency room at hinack din ang system ng buong building.

Dahil dito, mahihirapan daw silang i-trace ngayon ang bawat galaw nito sa labas. Naka-connect kasi sa system nilang iyon ang lahat ng mga surveillance na nakakalat sa iba't ibang panig ng Saint Gregorio para ma-monitor ang lahat ng mga taong nakakatakas o nakakalabas sa loob ng bilibid prison.

Bukod doon, nabura rin umano ang lahat ng records nito pati ang ilang mamahalagang dokumento na magpapatunay sa mabibigat nitong kaso. Maging ang mga hard copy ay nasunog din.

Sadyang napakagaling daw ng ginawa ni Aaron para makatakas sa SG Bilibid Prison na itinuturing pinakamalaki, pinakamahigpit at pinaka-high tech na kulungan sa buong bansa. Naging sisiw lang dito ang tumakas nang ganoon at mang-hack ng isang napakalaking system.

Pagkatapos ng balitang iyon, agad niyang tinawagan via video call ang lalaki sa dummy account na ginawa nito para sa kanya. Doon sila nag-uusap gamit ang pekeng pangalan upang hindi ito ma-trace ng kahit na sino roon.

"Kumusta naman ang magaling kong tauhan d'yan?"

"Heto, nagpapahinga lang muna ako sa maliit na headquarters namin dito, Madam. Napagod ako sa biyahe, eh! Sobrang init ba naman doon sa malaking kahon na pinagtaguan ko! At ang haba pa ng nilakbay ng barko, ah! Ilang araw akong nagtitiis sa amoy ng pawis ko! Pero mission accomplished naman, Madam!"

"Good to hear that. Kung makakapunta ka sa San Francisco, nandoon 'yung bahay na tinirhan ko noon. Property ko na rin iyon. Ibibilin kita sa caretaker ko roon kung gusto mong tirhan iyon para makilala ka niya."

"Aba, sureness 'yan, Madam! Pero ayoko munang lumabas-labas ngayon. Mahirap na, eh. Kailangan ko muna talagang mag-lie low rito."

"Sige. Ako naman kasalukuyan ko nang ginagawa ang parte ko rito."

Nang marinig ang boses ni Felipe at ng mga tauhan nito, agad na niyang tinapos at ibinaba ang tawag. Lumingon muli siya sa TV at nilakasan ang volume nito. Hinintay lang niyang makalabas ang mga ito bago siya naging komportable muli sa pagkakaupo.

TUMATAGAKTAK na sa pawis si Maria Elena pero sige pa rin ang suntok niya sa punching bag. Nasa isang gym sila ngayon ni Evandro at dito siya sinasanay ng lalaki sa martial arts. Itinuro na muna nito ang ilang mga basic moves na kailangan niyang malaman.

Nang maramdaman ng lalaki na medyo napapagod na siya ay kusa siya nitong pinahinto. "Pahinga muna tayo, mahal, para hindi ka mabigla. Here's your water." Saka nito inabot sa kanya ang isang bote ng tubig.

Mabilis niyang ininom iyon at naubos agad niya ang kalahati. Napalapit naman siya sa whole-body mirror at pinagmasdan ang sarili habang pinupunasan ng panyo ang pawis sa pang-ibabaw na katawan.

Medyo nanibago siya nang kaunti sa hitsura niya ngayon. Nakabagsak muli ang kanyang buhok at kaunti lang din ang makeup dahil hindi naman siya puwedeng mag-Marilyn Monroe looks doon.

Isang pink na activewear ang kanyang suot. Nagmukha siyang prinsesa na pilit isinabak sa gitna ng bakbakan dahil sa damit na iyon. Habang si Evandro naman ay manipis na sandong puti ang suot na pinarisan ng maikling shorts na nagpalitaw sa maskuladong hugis ng mga hita nito.

Pagkatapos punasan ang pawis ay naupo siya sa tabi ng asawa at napalingon muli sa buong paligid.

Hindi tuloy niya maiwasang ma-insecure sa ilang mga babaeng nagwo-workout doon. Buti pa sila nakakabuhat na ng mga dumb bells at ibang heavy equipment. Samantalang siya humihingal na agad sa mga warm up exercise pa lang.


Buti na lang ay hindi pa rin nawawala ang kanyang kagandahan kahit ganoon ang suot niya ngayon. Lalo pa ngang lumitaw ang pagka-sexiness ng overall body niya dahil sa activewear na iyon.

Kapag napapatingin siya sa mga mata ng ilang kalalakihan doon, lagi niyang nahuhuli ang mga ito na nakatingin sa kanyang bewang, dibdib, makinis na balat at napakaamong mukha.

Kahit kasama niya ang asawa, hindi pa rin niya maiwasang kabahan at mailang dahil sa titig pa lang ng mga ito, parang dini-discriminate na siya. Tila sinasabi sa kanya na nagsasayang lang daw siya ng oras dahil hindi naman daw siya nababagay rito.

Muling tumayo si Evandro at pinagmasdan ang sarili sa salamin. Napasulyap na rin siya roon. Tulad niya ay naliligo na rin ito sa pawis kaya bumabakas na ang batu-batong katawan sa puting sando nito.

Pagkatapos doon ay muli naman itong lumapit sa kanya. "Do you feel better now? Can we work it out again?"

Tumayo agad siya at tumango rito. Kahit pagod na siya ay ayaw pa rin niyang sumuko. Determinado talaga siyang lumakas at matutunan ang fighting skills na mayroon ang asawa.

Tuwang-tuwa naman ito nang makita siyang muli na sumuntok sa punching bag. "Mukhang ayaw mong magpaawat, ah."

"Kailangan ko talagang gawin ito. Gusto kong makagawa ng malaking pagbabago sa sarili ko. Nais ko ring lumakas gaya mo, mahal," malambing ang tinig na sabi niya rito.


"I understand." Saka tumango-tango ang lalaki. "Pero kapag lumakas ka na, saan mo naman gagamitin iyan? Sa mga kapatid mo ba?" natatawang usisa nito.

"Siyempre para na rin sa sarili ko. Para 'pag may panganib man, kaya ko ring ipagtanggol ang sarili ko."

"That's good. Pero, ano ba ang nagtulak talaga sa 'yo para gawin iyan?"

"Siyempre ikaw." Napangiti siya sa pagkakataong iyon.

Natawa naman ang lalaki na tila kinilig sa sinabi niya. "Did I really inspire you to be physically strong?"

"Yes!" Saka niya mas nilakasan ang pagsuntok sa punching bag. "Noon pa man nangangarap na akong magkaroon ng fierce side. 'Yung matapang na version ng sarili ko. Minsan kasi, parang nakakasawa rin maging mabait. May mga pagkakataon na parang gusto ko ring bumuo ng ibang pagkatao na malayong-malayo sa nakasanayan ng marami sa akin."

"Alright, I get it. Pero bakit mo naman gustong gawin iyon? Para i-impress ang ibang tao?"

"Hindi naman sa magpa-impress lang. Gusto ko lang kasi ipakita na may itinatago rin akong lakas. Na may ibubuga rin ako sa ibang bagay. Basta, ayokong maging good girl palagi sa paningin ng iba. Dahil parang doon nila ako mas dini-discriminate," aniya habang inaalala ang paraan ng pagtingin sa kanya ng ibang kalalakihan sa gym kanina.

Nilapitan siya ng lalaki sa pagkakataong iyon. Napahinto naman siya sa pagsuntok nang tapikin nito ang likod niya.

"I'm so thankful that I am able to inspire you to become what you want to be. I understand your struggles and insecurities. That's why I don't want you to worry from now on because I am here to help you achieve your goal. I will make you stronger. We will be stronger together." Saka nito iniangat ang kamao sa kanya.

Nabawasan ang nararamdamang insecurities ni Maria Elena dahil doon. Mas lalo tuloy siyang ginanahan sa ginagawa ngayon dahil sa pagpapalakas ng loob nito sa kanya.

"Salamat talaga, Evandro. Sobrang saya ko dahil ikaw ang naging asawa ko," sabi na lamang niya rito at muling ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa. Tila proud na proud naman sa kanya ang lalaki habang pinagmamasdan siya.

PAGKATAPOS bitawan ni Maria Isabel ang high notes na bahagi ng kantang iyon ay pinalakpakan naman siya ng producer niyang nasa kabilang bahagi ng room. Nakikita niya ito sa malaking transparent glass window na naghihiwalay sa recording room na kinaroroonan niya ngayon.

Iyon ang unang araw niya sa recording studio para simulan ang kanyang next album na nakatakdang ilabas sa susunod na taon. Lahat ng mga kantang ipapaloob dito ay pawang mga Ingles.

Ito ang kauna-unahang niyang full length English album. Ito kasi ang nauuso ngayon sa bansa. Maraming mga OPM singers ang nagpapakitang-gilas na rin sa pagbuo ng mga kantang puwedeng isabak sa international charts.

Sa dami ng mga album na kanyang nagawa, halos lahat ng mga tracks doon ay puro Tagalog. Nasa dalawa o tatlo lamang ang English. Ngayon lang niya masusubukang gumawa ng isang full English album kaya iba ang excitement niya.

Isang kanta ang natapos nilang i-record sa araw na iyon. Pagkatapos niya sa recording studio ay ipinahinga agad niya sa bahay ang boses.

Naging mapili ulit siya sa mga kakainin at iinumin para mapanatili niya ang energy ng kanyang boses. Kailangan ay manatiling stable ang vocal cords niya upang hindi makaapekto sa pagbitaw ng matataas na mga nota.

Dalawang bagay lang ang ginagawa ngayon ni Maria Isabel sa kanyang daily routine. Nag-aasikaso sila ng wedding ni Ronaldo sa umaga, at nagre-record naman siya ng kanta sa gabi.

Napansin kasi niya na mas sumisigla ang boses niya kapag alas-dose na ng hatinggabi. Kaya iyon na rin ang oras ng pagpunta niya sa studio para mag-record.

TANGHALI na nagising si Maria Lucia. Sa dami ng ginawa nila kahapon sa taping pati sa mga lugar na kanilang pinuntahan ng nobyo ay bumagsak sa pagod ang katawan niya. Ngayon lang niya namalayan na napahaba pala ang kanyang tulog.

Pagkabangon sa kama, cellphone agad ang hinarap niya. Nakita niyang maraming mga text messages si Nathan tungkol sa new schedule ng mga susunod na tapings nila. Hindi na muna niya ito ni-reply-an dahil nakaramdam agad siya ng gutom.

Nakita niya ang maulap na kalangitan sa oversized glass window. Napakapayapa ng umagang iyon. Parang ayaw pa niyang bumangon.

Pero may naalala rin siya. Tanghali na nga pala. Dapat ay may pagkain na agad siya roon gaya ng mahigpit nilang bilin sa mga katulong nila. Kapag tinanghali sila ng gising ay kailangan silang dalhan ng pagkain doon para hindi na nila kailangang bumaba.

At ang patakarang iyon na pinatupad ni Maria Isabel ay hindi nasunod ngayong araw na ito. Napilitan na tuloy siyang bumangon para maghanap ng katulong. Napansin niyang medyo tahimik din ang buong bahay.

Umuusok na sa galit ang ulo niya nang makarating ng kitchen area. Wala talaga siyang nadaanang katulong kahit isa. Nakalimutan na yata ng mga ito ang rules and regulations nila ng panganay na kapatid.

Hanggang sa makarinig siya ng mabagal na yabag ng mga paa. Hinanap niya ito. Si Aling Susan ang bumungad sa kanya na may hawak na vacuum at patungo pa lang sa kitchen. Sa sobrang bagal nitong kumilos ay siya na ang lumapit dito.

"Hoy, tanda! Ano'ng ginagawa mo! Nasaan ang ibang maid dito!"

Napahawak sa dibdib ang matanda sa labis na pagkagulat sa kanya. "P-pasensiya na po, Ma'am Lucia. N-nasa labas po sila may pinagagawa sa kanila si Don Felipe."

"So, sino na lang ang nandito? Ikaw lang?"

"A-ako lang po ang naiwan dito sa ngayon para maglinis!"

Napatapik si Maria Lucia sa ulo. "Santa madre de la mierda naman, tanda! Makakalimutin ka na bang talaga?"

Mangiyak-ngiyak na si Aling Susan sa patuloy na pagtaas ng kanyang boses. "B-bakit po, Ma'am Lucia. A-ano na naman po ba ang nagawa ko..."

"Kaya naman pala wala pang pagkain sa kuwarto ko, ikaw pala ang nandito ngayon! Esto es muy frustrante! Hindi ba't kabilin-bilinan sa inyong lahat ni hermana, kapag na-late kami nang gising ipagdadala n'yo agad kami ng pagkain sa kuwarto!"

"Humihingi po ako ng tawad, Ma'am Lucia. N-nawala na po sa isip ko iyon dahil sa dami ng gawain ko rito ngayon. Pasensiya na po talaga."

"So, nakalimutan mo nga talaga! Dios mio! Ano pa ba kasi ang ginagawa mo rito? Sa edad mong 'yan dapat nasa bahay ka na lang at inaalagaan ng pamilya mo! Ni hindi mo na nga magawa nang maayos ang trabaho mo rito! Nagiging pabigat ka na lang! Sayang lang ang pinapasahod namin sa 'yo!"

Napaluhod na ang matanda at tuluyang umiyak. "Patawarin n'yo po ako, Ma'am Lucia. Huwag po kayong mag-alala. Magluluto na po agad ako... Ipaghahanda ko na po kayo..."

"So, ngayon, hindi ka pa pala nakakaluto? Ni wala pang pagkain dito?" Hindi na napigilan ni Maria Lucia na itulak ang ulo ng matanda hanggang sa masubsob ito sa sahig.

"Never mind! Ako na lang ang magpe-prepare ng pagkain ko! Baka malagyan pa ng mabahong pawis mo!"

Lalong lumakas ang pag-iyak ng matanda. "Ma'am Lucia... A-amo ko po kayo... Pero huwag n'yo naman po sana gawin ito..."

Higit pang umiinit ang ulo niya kapag nagsasalita ang matanda. Nilapitan na niya ito at sinabunutan ang buhok.

"Wala rito ang paborito mong amo. Wala rito si Maria Elena. Kaya dapat lang na gawin mo nang maayos ang trabaho mo, kung ayaw mong mapalayas dito! Kilala ko ang pamilya mo, Tandang Susan! Alam kong special child ang mga anak mo. At walang ibang puwedeng bumuhay sa kanila kundi ikaw lang. Kapag tinanggalan kita ng trabaho, sabay-sabay kayong mamamatay sa gutom! Itatak mo 'yan sa kukote mo! Kaya ngayong wala rito ang paborito mong amo, ayusin mo ang trabaho mo!"

Patuloy na umiyak ang matanda. Daig na nito ang pagtangis ng isang bata. Paulit-ulit itong sumambit ng sorry sa kanya.

Hindi na niya pinansin ito. Kumuha na lang siya ng makakain sa refrigerator nila. Pagkatapos ay iniwan na niya roon ang matanda na patuloy sa pag-iyak.

PATULOY ang malawakang demolisyon sa iba't ibang barangay ng Las Iglesias. Sabay-sabay nang pinawawasak ni Don Felipe ang lahat ng basurang mga gusali at kabahayan na ayaw na niyang makita. Hindi na niya alintana ang daing ng mga residenteng nawalan ng tahanan.

Kung saan-saan na sila nagkakalat. Nagsimula na ring magprotesta ang iba. Kaya naman nakipagkasundo uli siya sa mga lokal na media para hindi iyon ilabas sa publiko. Malaking halaga ang pilit niyang ibinayad sa mga ito para panatilihin ang maganda niyang imahe.

Ang mga bayarang media naman ay walang ibang binabalita sa TV kundi ang magagandang nagawa ng gobyerno. Gaya na lamang ng pagpapalinis nila sa maruruming mga lugar at ang promotion ng Golden Project na sinasabing magbabangon sa probinsya nilang nasa laylayan.

Ang dating mga komunidad na punong-puno ng mga basura ay unti-unti na ngang luminis ngayon, gaya ng mga kalsada sa Brgy. Sto. Tomas. Tulong-tulong ang buong government team ni Felipe para ipatupad ang malawakang cleaning sa iba pang mga lugar na pinamumugaran ng tambak-tambak na basura.

Nang sumunod na araw, sumali mismo si Don Felipe sa kanyang team para sa malawakang clean up drive na gagawin nila sa ilog ng Las Iglesias. Nakasama pa niya sa iisang bangka ang mismong Mayor na kaalyado rin niya sa nakaraang eleksyon.

Pagkaandar ng kanilang bangka, una nilang nilibot ang maruruming bahagi ng ilog sa mga gilid-gilid. Pagkatapos nilang makapulot ng saku-sakong mga basura doon, nagtungo naman sila gitnang bahagi ng ilog kung saan malinis-linis ang tubig.

Itinapon doon ng ilan sa kanyang team ang kaunting mga basurang kinuha nila kanina. Habang sa kabilang bangka naman ay abalang kumukuha ng video ang mga kasama nilang media.

Nang maikalat na sa paligid ang mga basura, doon tumulong si Don Felipe para pulutin itong muli gamit ang malalaki nilang mga net. Sa bawat pulot niya sa basura, panay ang kuha sa kanya ng pictures at videos.

Pagkatapak naman nilang muli sa lupa, sinalubong sila ng iba pang mga media na naghihintay roon. Nagpaunlak siya ng maikling interview tungkol sa cleaning operation na isinagawa nila kanina.

May mga nagtanong pa sa kanya kung bakit daw sila nagtapon doon ng basura pagkatapos ay kukunin ding muli.

Ang sagot naman niya: "Ah, it's just for publicity. Para may photos tayo. Pero we are very serious naman sa paglinis sa ilog pati na rin sa buong mga komunidad ng ating bayan. Lalo na't isa ang mga basurang ito sa nagdudulot ng mga sakit sa ating pamilya. Kaya naman bago ko pasimulan ang Golden Project, nais kong maging malinis muna ang buong kapaligiran at kalikasan. Wala po kayong dapat ipag-alala!"

Pagkatapos ng kanilang cleaning operation ay nagtungo naman siya sa opisina ni Mayor Salbino para mapag-usapan ang iba pa nilang plano sa maliliit na komunidad ng Las Iglesias.

MAKALIPAS ang isang buwan, muli raw nadakip ng mga pulis si Aaron Raymundo. Natagpuan umano itong nagtatago sa isang maliit na bayan sa Saint Gregorio. Ang masaklap pa roon, nagpapanggap daw ito na walang maalala at umaarte na parang hindi alam ang nangyayari.

Hindi pa rin tapos ang trabaho ng mga pulis dahil sa pagkakatakas ng iba pang kasabwat ni Aaron na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin. Pero ang mahalaga, nahuli na nilang muli ang matinik at mabangis na drug leader na ito.

Tuwang-tuwa naman si Donya Glavosa nang mapanood ang balitang iyon. Bakas na bakas ang ngiti ng tagumpay sa buo niyang mukha.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro