Chapter 1
"I'M ALL out of lab! I'm so los widawt you..." Wala nang pakialam si Flora kahit mali-mali ang bigkas niya sa mga salita. Lalong wala na siyang pakialam kahit wala siya sa tono. Panay lasing na ang audience niya. Kahit ano pa ang gawin niyang pagkanta ay tiyak na papalakpak ang mga ito.
Painom lamang ng isang kalaro niya sa bilyar ang kasiyahan nilang iyon. Nasa karinderya-bilyaran-videoke na iyon sila kung saan sa umaga ay isa siyang kusinera-tindera. Iyon ang kanyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan, kahit pa nga madalas ay absent siya roon.
Marami kasi siyang raket. Mula sa pagiging kusinera, dumarayo rin siya ng bilyar. Minsan ay beauty contest pa. Kapag may laban din ang baklang pinsan niyang si Karding aka Dina para sa Miss Gay o sa amateur singing contest ay sinasamahan niya ito. Kapag may nabalitaan itong pa-beauty pageant para sa mga babae, siya naman ang sinasamahan nito.
Si Dina ang best friend niya. Sa iisang bahay sila isinilang. Mag-best friends din ang mga ina nila na magpinsan din. Sabay raw na umiri ang mga ito noong ipinapanganak sila kaya sanggol pa lamang sila ay magkasama na sila.
Hindi masasabing maalwan ang buhay nila. Ang kanilang ama ay sabay na umalis. Ang kanyang ama ay nagtungo sa ibayong dagat pero nakatagpo yata ng sirena sa karagatan kaya hindi na nagbalik pa pagkatapos anakan nang pito ang kanyang ina. Ang ama naman ni Dina ay umalis, patungo sa langit. Lima namang magkakapatid ang mga ito.
Huling nakatanggap ng liham mula sa kanyang ama ang kanyang ina noong siya ay sampung taong gulang. One year old pa lamang ang bunso nila noon. Maayos daw ang kalagayan nito sa Holland at hindi na babalik pa.
Ni hindi nila alam kung nasa Holland pa rin ito. Baka nag-stopover lamang doon ang barko. Sa selyo lamang nila nalamang nasa bansang iyon ito pero wala namang return address na nakalagay. Ni hindi nga ito nagpaliwanag kung bakit hindi na ito babalik pa.
Dahil nasa Cebu ang mga kamag-anakan ng kanyang ama at hindi sila kailanman nagkaroon ng sapat na pera para makapunta roon ay nakontento na lamang silang sulatan ang mga tiyahin niya roon. Ni minsan ay hindi sila nakatanggap ng tugon. Bumalik ang lahat ng sulat sa kanila nang hindi man lang nabubuksan.
Malamang ay wala na rin doon ang mga kamag-anakan ng kanyang ama. Pero sa tagal ng panahon ay umaasa pa rin ang kanyang ina na babalik ang kanyang ama. Siya ay hindi na umaasa. Masasabi niyang masamang ama ang tatay niya at masamang asawa rito.
Paano nito nakuhang ni hindi na alamin man lang ang kalagayan nila? Alam nitong pito silang magkakapatid at walang ibang susuporta sa kanila. Walang trabaho ang kanyang ina, paano nito nakuhang gawin iyon?
Sa tulong ng isang tiyahin niya ay nakapagtapos siya ng high school. Hindi na siya nag-college. Kumuha na lang siya ng technical course na hindi rin niya natapos. Nagtrabaho na lang siya. Natuto siyang rumaket sa kung saan-saan. Maging sa Maynila ay nakakadayo siya para sa mga raket nilang magpinsan.
Kung hindi nga lang sadyang masarap siyang magluto at atraksiyon siya sa Choleng's Karinderya, malamang na matagal na siyang nasibak sa trabaho sa pagliban niya roon basta may raket siya. Pero malakas nga ang loob niya dahil wala nang makukuhang ibang tulad niya ang may-aring si Chona, anak ni Aling Choleng. Matagal na kasing pumanaw ang matanda.
Nasa tapat ng isang pabrika ang Choleng's. Doon nagsisikain ang mga empleyado roon. Kapag absent siya roon, makita pa lang ng mga ito ang pagkain ay nahuhulaan na kaagad na hindi siya ang nagluto. Kapag ganoon ay lumilipat kaagad sa katabing mga karinderya ang mga ito.
Kapag si Chona mismo kasi ang nagluto ay kulang sa kulay ang mga pagkain at tuyot pa. Ang karne, tingin pa lang ay mukhang matigas na. Hinding-hindi ipinagkakatiwala ni Chona ang pagluluto sa iba. Sila lamang ang nagluluto roon. Kahit sa ibang kasamahan niya roon ay hindi nito ipinagkakatiwala ang pagluluto, samantalang sa tingin niya ay mas marunong pa ang mga iyon dito.
Pero alam niya—at ipinagyayabang niya—na ang mga luto niya ay sadyang kakaiba. May talento siya sa pangungusina. Mabilis siyang makapag-isip ng putahe. Bukod doon ay sadyang mahusay siyang makisama sa mga customers. Kaya nga hayun, naudyukan lang niya ang isang tagapabrikang magpainom dahil bagong sahod ay kaagad na nagbigay iyon.
Malaki naman na ang kita ni Chona ngunit wala itong iniaabot sa kanya kahit singkong duling. Napakakuripot nito. Malayung-malayo ito sa ugali ng ina nito na naabutan pa niya roon. Ang husay niya sa pangungusina ay nakuha niya sa ina nito. May limang taon na rin kasi siya sa Choleng's.
Gaya ng inaasahan niya, masigabong palakpakan ang pumailanlang pagkatapos niyang kumanta. Nag-bow pa siya, saka nag-alok ng pulutan sa mga ito. Mas gusto niyang malaki ang kitain ni Chona sapagkat kapag ganoon ay hindi siya masyadong sinesermunan nito kapag lumiliban siya. Hindi kasi siya papasok sa isang araw. May pa-Miss Gay sa kabilang bayan at kasali si Dina. Siyempre ay hindi siya kailangang mawala. Kapag ito ang kasali at nanalo, anumang premyo nito ay seventy-thirty ang hatian nila. Kapag siya naman ang kasali, ganoon din ang hatian nila. Matagal na nilang napagkasunduan iyon.
At sa tuwina, parating may puwesto sila sa mga paligsahan. Bihasa na sila sa pagsali sa mga ganoon. Lahat na yata ng aberya ay naranasan na nila. Mula sa pagkaiwan ng evening gown, hanggang sa paggamit ng mumurahing makeup na humuhulas. Sa mga ganoong pagkakataon ay alam na alam na nila ang gagawin.
Bandang alas-diyes ay inianunsiyo na ni Chona na magsasara na sila. Pinagbigyan na nga raw sila nito dahil karaniwang sarado na sila nang alas-nuwebe. Dapat lamang sapagkat alas-tres pa lamang ng madaling-araw ay nagsisimula na siyang magluto roon. Mula alas-tres ay gising siya hanggang sa tanghalian ng mga trabahador.
Sa hapon ay nakakatulog siya sa maliit na silid sa likod ng karinderya. Alas-singko uli ang gising niya at hanggang alas-diyes ay tumatao siya roon, naglilista ng bibilhin sa palengke at kung anu-ano pa.
In fairness naman kay Chona, parating iginigiit nito na magpahinga siya sa hapon. Dapat lang dahil baka mamatay na siya sa pagod sa oras ng trabaho niya roon. Sa tagal ng panahon na ganoon ang sistema ay nasanay na rin siyang hindi tuluy-tuloy ang tulog niya.
Sa totoo lang ay sawang-sawa na siya sa araw-araw na ginagawa niya. Ayaw niyang habang-buhay maging kusinera-serbidora, pero sa ngayon ay kailangan niyang magtiis. Pinag-aaral niya ang apat pang kapatid niya. Sa tatlong kapatid niya na nakapagtapos na ng high school ay isa lamang ang nakakatulong niya sa pagtaguyod ng pamilya. Ang dalawa ay mga walang utang-na-loob na pagka-graduate ng high school ay mga nagsipag-asawa na. Si Amy nga ay may laman na ang tiyan nang umakyat sa entablado upang kunin ang diploma. Si Rick ay nakabuntis isang buwan pagkatapos ng graduation.
Ang mga ito ay sa kanila pa rin nakatira hanggang ngayon, kasama ang pamilya ng mga ito. Mabuti na lamang at malaki-laki ang bahay nila. Iyon lamang ang iniwan sa kanila ng magaling niyang ama.
"Salamat, Danny, ha?" aniya sa nagpainom. Namumungay na ang mga mata nito. Kaunti lang ang ininom niya dahil alam niyang bukas ay maaga pa ang gising niya.
"Walang ano man. Basta ikaw, Flor!"
Hindi na siya tumulong sa pagliligpit at naunawaan naman siya ni Chona. Nagbilin itong huwag siyang mahuhuli bukas ng umaga. Tumango lang siya at umuwi na. Nang makarating sa bahay nila ay natigilan siya. Naroon si Prospero, ang baklang pinsan niya na sa Maynila nakatira.
Higit na maalwan ang buhay nito kaysa sa kanila, pero sa ilang ulit na pagbisita niya sa bahay ng mga ito ay batid niyang hindi rin masasabing may-kaya ang mga ito. Mahirap din ang mga ito. Iyon nga lang, hindi sobrang hirap. Sila ang nasa kategoryang iyon.
Kung tutuusin ay mabait ito. Ang kaso lang, wala na itong ginawa kundi pagsabihan siya at si Dina. Sa opinyon kasi nito ay kulang sila sa sipag. Ikalawang pinsan lang ng ama nito ang mga ina nila ni Dina. Ang balita niya ay manager na ito ngayon ng parlor na pag-aari naman ng pinsan nito sa ina.
"Prospie," aniya rito. Iyon ang palayaw nito.
"Kumusta?"
"Okay naman. Nadalaw ka?"
"May bakanteng puwesto sa parlor. Baka ikako interesado kayo ni Dina. Kung ako sa 'yo, tatanggapin ko na. Malaking tulong iyon sa iyo. Wala pa nga raw si Dina. Nasaan ba ang isang iyon?"
"Nanghiram siguro ng gown. May laban siya sa isang gabi. Manood ka."
Umismid ito. "Kailan ba ninyo titigilan 'yang ganyan? Sinabi ko na sa inyong walang kinabukasan 'yang napili n'yong trabaho."
Hindi na niya mabilang ang pagkakataong ipinaliwanag nila rito ni Dina na hindi totoo iyon. Kung tutuusin ay mas malaki pa ang kita nila sa ganoong raket kaysa sa pagtatrabaho niya sa karinderya.
Isang panalo lang niya, kung maka-first place siya, kikita na siya ng tatlo hanggang limang libong piso. Wala naman siyang gastos doon sapagkat ang gown niya ay hiram lang at hindi renta. May bading na sponsor sila ni Dina. Kaibigan na rin nila iyon at nakatuwaan nang magpahiram sa kanila ng gown nang libre sa mga pinarerentahan nito. Masaya na itong mabola nilang magpinsan na ang gown nito ang nagpapanalo sa kanila.
At pagdating sa pambobola, walang tatalo sa kanila ni Dina. Isa lang yata ang hindi nila kayang bolahin—si Prospie. Ang sabi ni Dina ay ikinahihiya ng mga kabaklaan ang masyadong pagiging pormal nito.
Ganunpaman ay mataas ang respeto nila rito. Kahit kasi mahilig itong magpaulan ng sermon sa kanila ay mabait ito. Kapag mayroon din lamang, kahit pa nga hirap din sa buhay, ay nakukuha pang mag-abot nito sa mga ina nila. Makailang ulit na rin nilang naarboran ito ng makeup at wig. Kahit sabihin pang tutol ito sa ginagawa nila ay hindi rin ito makatanggi kapag hinihingan nila ng mga pangkikay na gamit nito.
"Sa karinderya ka pa rin ba?" tanong nito.
Tumango siya.
"Si Dina? Wala pa ring trabaho?"
"Naghahanap ng pupuwestuhan namin..." Hindi na niya itinuloy ang pagpapaliwanag nang makitang walang tigil itong umiling-iling. Kung de-roskas ang ulo nito, malamang na tumilapon na iyon mula sa leeg nito.
Ang tanging trabaho kasi ni Dina ay humanap ng laban—beauty pageant para sa kanya o para dito, singing contest para dito, laban ng bilyar para sa kanya, o kahit na anong puwedeng pagkaperahan nila. Mahusay itong maghanap. Ang pinakatrabaho nitong solo nito ay ang pagtuturo sa mga grupong nais magsayaw—halimbawa ay sa eskuwela, mga matatanda sa Rotary Club o kahit na anong club, at iyong mga magde-debut. Hindi kalakihan ang kita nito sa ganoon dahil hindi naman mga big-time ang kumukuha rito.
"Mabuti ka pa, kahit paano, may trabaho sa karinderya. Si Dina, tsk, talaga naman."
"Sobra ka naman, Prospie. Hindi naman lilipas ang isang buwan na wala kaming napupuwestuhan. Mahina na ang dalawang puwesto isang buwan sa amin. Kalimitan, tatlo o apat." Totoo iyon. Kahit kasuluk-sulukang bahagi ay nagagawa nilang dayuhin basta may pa-contest.
"Kahit na."
Hindi na lamang siya umimik. Mayamaya ay dumating na si Dina. May dala itong gown. Mukhang bago.
"Prospie, kumusta?" anito.
"May trabaho raw sa Maynila. Baka raw gusto natin," aniya rito.
"Sige, pag-iisipan ko." Mukhang ni hindi man lang iyon dumaan nang husto sa isip nito. Binalingan kaagad siya nito. "Flora, may napaka-shalang balita akong dala!"
"Ano?"
"Sa wakas, magkakaroon na rin ng Miss Barangay dito sa pesteng barangay natin!" bulalas nito. Ang totoo, ang tanging hindi niya yata nasasalihan sa bayan nila ay ang Miss San Dionisio sapagkat ang magkakalaban doon ay ang mga representante ng bawat barangay ng buong munisipalidad. Nagkataon lang na noong nakaraang taon ay inabot nang siyam-siyam ang pagrereklamo ng natalong barangay chairman kaya sa gulo ng barangay ay hindi na naayos iyon. Sa mga nakalipas na taon naman, palibhasa ay kurakot ang chairman nila, kumukuha na lang iyon ng representante at hindi na nagpapa-contest pa para tipid daw.
Mukhang sadyang mahusay ang bagong chairman nila. Magkakaroon na ng patas na paraan ng pagkuha sa lalahok sa patimpalak para sa contest ng buong munisipalidad. Pulang-pula ang hasang niya. Matagal na nilang puntiryang magpinsan ang patimpalak na iyon. Hindi lamang dahil malaki talaga ang budget ng munisipyo para sa premyo kundi dahil na rin kasama sa premyo ang mga gift cheques ng maliliit na kainan, tindahan ng damit, grocery, gas station, at ang sikat na appliance center sa kanila. Ang habol naman niya roon ay ang premyong libreng paaral ng munisipyo.
Ang nanalo noong isang taon ay nabigyan ng full scholarship. Subalit dahil nakapagtapos na ito ng pag-aaral ay napunta ang scholarship sa kapatid nito. Iyon ay napakalaking bagay sa kanya. Gastos lahat ng munisipyo. Sagot naman ng isang NGO ang allowance sapagkat magiging representante rin ng NGO na iyon ang mananalo.
"Kailan ba kayo magsasawa sa ganyan?" nakaismid na wika ni Prospie.
"Ikaw naman," tanging nasabi niya, nasa isip ang pa-Miss Barangay. Diyos ko, sana manalo po ako.
"Malaki ang chance mo!" ani Dina.
Totoo iyon. Kahit maraming dilag sa kanilang lugar, alam niyang nakakaangat siya sa karamihan dahil na rin sa karanasan niya sa pagsali. Kahit sabihin pang sa ginagalawan niyang mundo ay panay mga low-class ang nakakasama niya, lutang naman ang angking ganda niya sa mga ito.
Una, maputi siya sa karaniwan. Makinis din ang kanyang balat. Salamat at nagmana siya sa kanyang ina. Pangalawa, matangkad din siya sa karaniwan. Five-five siya. At pangatlo, ilang taon na ang training niya. Ang lahat ng mga posibleng maitanong sa paligsahan ay saulado na niya ang pinakamagandang sagot. Napag-isipan na nila noon pa iyon ni Dina.
"Baka naman may bagong makeup ka, Prospie," ungot niya rito.
Nalukot ang mukha nito pero iniabot pa rin sa kanya ang kikay kit nito. Napapalakpak siya sa nakitang mamahaling gamit nito. Mukhang sosyal na talaga ito ngayon.
"Kung sa parlor kayo magtatrabaho, maraming ganyan."
"Pag-iisipan namin, pangako."
"'Eto, ikinuha na kita ng application form."
Halos sunggaban niya iyon mula sa pinsan. Sa mga sumunod na sandali ay sinagutan na niya iyon nang maigi. Nasa kapirasong papel na iyon ang kinabukasan niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro