Seven
Nakalimutan na siya ni Kody. Wiling-wili na ito sa pakikipagkuwentuhan kay Vivienne. Parang gusto niyang kutusan kanina ang babae nang maabutang nakikipag-inuman na kay Kody. Nang magkita sila kanina sa kitchen ng Club Infinity ay pinakiusapan niya si Vivienne na samahan muna si Kody sa booth nila. Mukhang magkasundo na ang dalawa.
Sa ngayon ay bilang na niya kung ilan na ang naiinom ni Kody. Nakakalima na ito. Panay na rin ang tawa at hampas nito ng kamay sa upuan.Kung nagkataong matigas ang upuan sa booth nila ay lamog na ang kamay ng dalaga. Kailangan na niyang awatin ito sa pag-inom bago pa humandusay sa kalasingan.
"Kody, awat na. Marami ka nang naiinom," aniya.
Nilingon siya ni Kody sa namumungay na mga mata. Ngumiti ito at pinisil ang magkabilang pisngi ni Jeff. "Hindi pa ako lasing."
"Surprisingly, hindi nga. Pero papunta ka na doon." Ilang bote ba ang kayang itumba ng babaeng 'to?
"Ito naman talaga ang purpose kung bakit ko hiniling sa 'yo na dalhin mo ako dito, di ba?" Ikinumpas pa ng dalaga ang kamay. "Para makalimutan ko ang ginawa ng hayop mong kapatid."
"Let her be, Jeff. If she's too hammered to go home, she can always spend the night at my office," si Vivienne.
"Hindi. Uuwi ako sa bahay namin. Ihahatid ako ni Jeff. He's my superman, you know." Sinundan iyon ng pagak na pagtawa ni Kody. "Do you think I should let him, Vi?"
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Muling natawa si Kody. Pabigla nitong inakbayan si Jeff na may kasamang hatak. "He's always been there for me. Kahit noong binigo ko siya at 'yong gago niyang kuya ang pinili ko."
"K-Kody, ano ba? Hindi ako makahinga!" protesta ng binata pero hindi man lang lumuwag ang pagkakaipit ni Kody sa leeg niya.
"Look at him," kinurot ni Kody ang pisngi ni Jeff, "he's handsome, considerate, mabait, matalino, lahat na nasa kanya."
"Right," sang-ayon ni Vivienne.
"Pero shunga siya, alam mo ba 'yon Vi?" patuloy ni Kody, "dahil nagtitiyaga siya sa akin kahit alam niyang wala siyang mapapala." Patulak nitong binitiwan si Jeff na ngayon ay habol ang paghinga.
"I guess he must love you that much."
"Kaya nga saksakan siya ng katangahan."
"I'm here, damn it! Don't talk as if I'm air!" sikmat ni Jeff.
"Kaya nga siguro kami magkasundo. Kasi pareho kaming tanga. Siya dahil sa dami ng babaeng nagkakandarapa sa kanya, sa akin pa siya nagkagusto. Ako, sa dami ng pagpipilian, kuya niyang gago ang pinili ko. Birds of the same feather, flock together huh?" Sinundan iyon ng dalaga ng paglagok sa beer na hawak.
"Mas tanga ka kung babalikan mo si Jax," sabi ni Vivienne.
"No. Wala pa naman ako sa ganoong level ng katangahan. Tama na ang minsan. Ayoko nang magbulag-bulagan."
Unti-unting nangilid ang mga luha sa mata ni Kody. Naikuyom ni Jeff ang mga kamao. Lagi na lang ba siyang magiging helpless sa tuwing nasasaktan si Kody? Pero ano'ng magagawa niya bukod sa damayan ito? Hindi niya kayang pagalingin ang anumang sugat sa puso ng dalaga kung ayaw nito. Kay Kody pa rin manggagaling ang pagpapasya.
Hanggang sa nauwi sa paghagulgol si Kody. Nagkatinginan sila ni Vivienne. Mahinang tumango ang babae at dahan-dahang tumayo. Bago siya nito nilampasan ay isang tapik sa balikat ang iniwan ni Vivienne. Naiwan siyang nakatingin sa babaeng parang pinupunit ang dibdib kung makaiyak.
Napabuntung-hininga siya. Umusog siya palapit kay Kody at masuyong hinawakan ito sa braso. Nang tumingala ang babae ay nakita niyang basa sa luha ang pisngi nito. Walang salitang dinala ni Jeff sa dibdib ang ulo ni Kody. Patuloy ito sa pag-iyak habang siya ay nagkasya na lang sa paghagod sa likuran nito, gaya ng dati.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro