Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 24: Inevitable


      "Gabbie, 'yong patient mo raw sa room 412 walang kasama ngayon. Nag-code blue 'yong isang patient sa floor, walang nurses na available. Ikaw na lang ang sumundo, okay lang?" pukaw sa kanya ni Ma'am Cheng habang inaalalayan niya paupo sa wheelchair ang pasyente niyang katatapos lang sa therapy. "Sige, Ma'am, tapusin ko lang po 'to," sagot niya. Nang maisigurong maayos nang nakaupo ang pasyente, tinawag niya ang kaanak nitong naghihintay sa waiting area ng center.

      Matapos mai-turn over ang kanyang pasyente sa kasama nito, mabilis siya nagtungo sa mini pantry ng center upang uminom ng tubig. Pakiramdam niya kasi made-dehydrate na siya sa tindi ng pagod niya. Mag-aalas-onse pa lamang ng umaga, pero pakiramdam niya, maghapon na siyang nagtrabaho dahil sa hirap na dinanas niya sa kanyang dalawang naunang pasyente. Mga bagong pasyente kasi. Tapos parehas na doble ang laki ng katawan sa kanya at magkapareho ring stroke patients kaya hirap talaga siya sa therapy.

      Wala sa sarili siyang napasandal sa kalapit na dingding, pumikit at doon naghabol ng hininga. Hindi pa nangangalahati ang araw, pagod na siya. Pero magandang senyales 'yon. Dahil kapag pagod siya, mabilis siyang makatulog. At kapag mabilis siyang makatulog, wala siyang oras para mag-isip.

      Agad siyang nagmulat ng mata. Ngayon pa lang ayaw na niya nang tinutumbok ng isip niya. Dalawang linggo na niyang iniiwasan ang pag-iisip. O mas tamang sabihin na dalawang linggo na niyang sinasanay ang sarili na h'wag isipin si Phoenix. Kapag kasi hinahayaan niya ang sariling mag-isip, nag-uumpisa siyang manghinayang at paulit-ulit siyang nasasaktan. Pinakawalan na niya si Phoenix, dahil 'yon ang tama. At ngayon, 'yon ang dapat ang niyang panindigan.

      Nagbuga siya ng marahas na hininga at itinapon sa basurahan ang walang laman na bote ng mineral water. Nag-stretching siya nang kaunti upang hamigin ang sarili. Nasa trabaho siya, dapat nagko-concentrate siya.

      Lumabas na siya ng therapy center upang sunduin ang susunod na pasyente niya. Nilampasan niya ang elevator nang marating niya ang lobby ng ospital at tinumbok ang staircase.

      Marami na talagang nagbago sa kanya mula nang maghiwalay sila ni Phoenix. Umiiwas na siya sa enclosed space. Ayaw na rin niya sa sasakyan na Hummer. Pati nga pagtingin sa langit tuwing gabi, iniiwasan na rin niya. Pati nga 'yong paborito niyang chicken joy, sinumpa na niya. Bakit kasi may joy ang pangalan no'n e hindi naman na siya masaya 'pag kumakain siya no'n?

      Napairap siya nang wala sa oras. Noon, simple lang ng buhay niya. Pero mula nang magmahal siya, marami nang nagbago. Tama nga ang sabi ni Aling Amelen, 'yong bff ni Aling Lolita na matandang dalaga. Kapag daw nasaktan ang isang tao, nagbabago.

      Nanulis ang nguso niya. So dahil ba nasaktan siya, gagayahin na rin niya sa Aling Amelen na hinayaan na lang na mag-expire ang obaryo dahil niloko ng dyowa nito noon na kargador sa pier?

      Para namang hindi ayos sa kanya 'yon. Ang chaka naman ng buhay niya 'pag ganon. Siguro, makaka-move on din siya.

      Pagdating ng next century, sagot ng isip niya, imbyerna.

      Napairap siya. Balik na naman sa pagko-kontrabida ang lohika niya. At bago pa man siya tuluyang maimbyerna, nagmamadali siyang umakyat ng hagdan at dumiretso sa kuwarto ng pasyente niya.

      Hinihintay niya ang pagbubukas ng elevator sa 4th floor nang tumunog ang cellphone niya. Mabilis niya iyong inilabas at tinignan. Tumatawag si Brandy. Patamad niya iyong sinagot.

      "Sa'n ka Gabbie girl?" mabilis na tanong nito.

     "Nasa 4th floor. Sinundo ko 'yong pasyente ko," kaswal niyang sagot. Noon naman bumukas ang elevator kaya tinulak niya papasok ang wheelchair ng pasyente niya. Walang laman ang elevator kaya doon siya pumuwesto sa bandang likuran.

      "Girl, kahit na anong mangyari, h'wag kang dadaan sa 3rd floor!" natatarantang sabi ni Brandy.

      "Anong h'wag dadaan sa 3rd floor? Sira ka ba? Ako ba may hawak ng ruta nitong lift! Ano 'to, piko? Lulundagan namin ang 3rd floor?" nagtataray na sagot niya bago pinindot ang ground floor at close button ng lift. Nang umandar ang lift mula siyang nagtaray. "Tigil-tigilan mo nga 'yang drama mo. Busy ako, Brandon!"

      "Girl, may zombie apocalyse sa 3rd floor!" sigaw ng kaibigan sa kabilang linya. Lalong nalukot ang mukha niya. Subalit bago pa man niya matalakan ang kaibigan, tumigil na sa 3rd floor ang elevator at unti-unting bumukas ang pinto niyon.

      Awtomatikong bumaliktad ang mundo ni Gabbie nang tumambad sa kanya ang bulto nina Phoenix at Penny─ magkahawak-kamay na naghihintay ng lift. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Nakasimpleng bestida si Penny. Halata na ang maliit na umbok ng tiyan nito. Nakakapit ang kamay nito sa braso ni Phoenix. Habang si Phoenix naman, hindi kumukurap na tumitig sa kanya.

      Agad na tinambol ng kaba ang dibdib niya. Ni sa hinagap, hindi niya naisip na may ganitong eksena siyang kakaharapin. Pakiramdam niya, nakorner siya at wala siyang ibang choice kung hindi ang pagmasdan ang dalawang dahilan kung bakit siya nasasaktan. Pakiramdam niya lalong sumikip ang kinaroroonan niyang elevator nang tuluyang sumakay doon sina Phoenix at Penny. Pumuwesto ang mga ito sa mismong harapan niya, malapit sa controls.

      Nananadya ba talaga ang tadhana? Sinusubok ba talaga ang katatagan niya? Bakit pa? Anong sense? Nagparaya na nga siya tapos heto siya ngayon naii-stress!

      Napakadaya!

      Sinaway niya ang nagpa-panic na isip. Kailangan matatag siya. Kailangan, hindi niya ipapahatalang apektado pa siya. Kaya lang mukhang hindi niya kaya. Mabilis na nagre-replay sa isip niya ang mga panahong magkasama pa sila ni Phoenix─ sa penthouse, sa SGU, at sa San Gabriel. Ume-echo rin sa tainga niya ang mga pangakong binitawan nito sa kanya maging ang mga pangarap nila habang nakatingin silang dalawa sa kalawakan.

      Nanginginig siyang nagyuko. Humigpit na rin ang kapit niya sa push handle ng wheelchair.

      Hindi niya kaya. Hindi niya kaya!

      "Excuse me," anang pamilyar na boses. Pasimple siyang nag-angat ng tingin. Alanganing pumasok ng lift si Brandy at tumabi sa kanya. Makahulugan itong tumingin sa kanya at humawak sa braso niya.

      Ilang sandali pa, umandar na ang lift.

      "My feet are sore," ani Penny maya-maya.

      "I'll give you a massage later," sabi ni Phoenix.

      "Thank you, baby," ani Penny na humilig pa sa braso ni Phoenix.

      Umiwas siya ng tingin at pasimpleng humugot ng hininga. Pakiramdam niya, may bumubugbog sa puso niya at nahihirapan siyang huminga.

      "Tuloy kayo mamaya?" pukaw ni Brandy sa kanya.

      "H-ha?" aniya pabulong, lukot ang mukha.

     Minulagatan siya ni Brandy, inginuso ang dalawang nasa kanilang harapan. Iminuwestra ng labi nito ang salitang drama. "'Di ba may dinner kayo mamaya ni Andrew?"

      Nalukot ang mukha niya. "Sino?" walang tunog niyang sabi.

      Lalong nanlaki ang mga mata ng bakla. Mananakal na 'ata.

      "H-ha? A-ano... ano... o-oo, m-mamaya," alanganin niyang sagot, nakangiwi.

      Umirap ang bakla. Hindi 'ata kuntento sa sagot niya. "Si Dr. Laverio, pagbigyan mo din daw, girl. At saka sina Michael, Angelo, Donatello at lalo na si Natoy na talagang mahal na mahal ka, nakapila din. Kaloka ka, ha? Iba talaga kasi kapag natural ang ganda. Hindi nag-eeffort pero pinipilahan," komento pa nito, nagmamalaki.

      Nagbuga ng marahas na hininga si Phoenix. Pasimple naman niyang hinila ang laylayan ng uniform ni Brandy. Lalong napairap ang bakla at nalukot ang mukha.

      Nagpapasalamat siya na wala nang iba pang sumakay sa 2nd floor at napabilis ang biyahe nila. Kulang-kulang isang minuto lang silang nanatili sa loob ng lift. Pero pakiramdam ni Gabbie, iyon na 'ata ang pinakamahabang isang minuto sa buong buhay niya.

      Nang marating nila ang lobby, unang lumabas sina Phoenix at Penny. Nanghihinang napasandal sa dingding ng elevator si Gabbie pagkatapos. Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Noon lamang siya kasi nakahinga nang maayos. Pakiramdam niya nahigop ang lahat ng lakas niya dahil sa eksenang katatapos lang. Maya-maya pa, nasaksihan niya ang masuyong pag-alalay ni Phoenix sa paglalakad ni Penny. Parang kailan lang, siya ang nasa puwesto ni Penny. Parang kailan lang siya ang iniingatan. Parang kailan lang, siya ang pinapangakuan. Parang kailan lang, siya ang mahal.

      Parang kailan lang... pero ngayon hindi na.

      Nangingilid ang luhang natutop niya ang bibig at wala sa sarili siyang napahikbi.

      "Girl, aaray pero hindi bibigay ha?" alo ni Brandy sa kanya, habang hinahagod ang likod niya.

      Si Brandy na ang nagtulak ng wheelchair ng pasyente niya palabas ng lift. Ito na rin ang nag-explain na kaya naroon sa ospital sina Phoenix at Penny dahil nagpacheck up ang huli kay Dr. Angel Pedroza, ang head ng OB-Gyne Department ng ospital. At dahil hindi pa maayos ang huwisyo niya, hinatid na siya ni Brandy hanggang sa therapy center. Panay ang patak ng luha niya habang nagta-trabaho. Hindi na niya talaga kaya doon, kailangan niyang lumayo.


*****


      "'Yong work visa mo na lang ang hinihintay natin. In 2 or 3 weeks, puwede ka na sigurong umalis, Gabbie," ani Ms. Anette, ang kakilala niya sa agency. Maaga siyang nag-out dahil nag-paalam siya kay Ma'am Cheng na dadaan sa agency.

      Matapos niyang makipaghiwalay kay Phoenix, itinuloy niya ulit ang pag-aaply patungong Dubai. Naging mabilis ang proseso ng papeles niya dahil tinutukan talaga 'yon ni Ms. Anette. Lalo pa at ilang documents at placement fee na lang ang kulang sa kanya. One hundred fifty thousand na lang ang ibinalik niya sa inutang niya kay Mac. 'Yong isandaang libo, ginamit niya bilang placement fee.

      Tipid siyang ngumiti, hindi niya alam kung matutuwa siya o ano sa ibinalita ni Ms. Anette. Ang alam niya, dapat natutuwa siya. Pangarap niya 'to e─ ang makapag-abroad. Pero bakit gano'n? May isang parte ng puso niya na ayaw nang matuwa─ nag-aaalinlangan, puno ng agam-agam.

      "Bakit parang hindi ka masaya?" pukaw sa kanya ni Ms. Anette.

       Nahihiya siyang ngumiti. "M-masaya po ako," nahihiya niyang sagot, pilit ang ngiti.

      "H'wag kang mag-alala, well protected ng agency ang mga pinapadala namin na workers doon. Si Madam Mariam mismo ay personal na kakilala ang may-ari ng ospital kung saan ka papasok. Kaya wala kang dapat na ipag-aalala," dugtong pa ni Ms. Anette. Ang Madam Mariam na tinutukoy nito ay ang may-ari ng agency.

      Sandali pa siyang nakipag-chikahan sa babae bago siya nag-paalam. Pauwi na siya nang makatanggap siya ng tawag kay Mac. Inaaya siya nitong lumabas, may sasabihin daw ito sa kanyang importante. Kaya imbes na umuwi, jeep pa-Maynila ang sinakyan niya.


*****


Alas otso ng gabi

      Maingay sa tainga ni Gabbie ang matinis na boses ng babae na kumakanta sa videoke. Kung hindi lang siya nahihiya sa may-ari ng ihawan kung saan sila naroon ni Mac ngayon, kanina pa niya pinasakan ng trapo ang bunganga ng babaeng kumakanta sa katabing KTV Bar. Napairap siya nang wala sa oras nang muling pumintig ang sentido niya dahil sa pagkanta ng babae. Lalong tumitindi ang pagkahilo niya dahil sa naririnig niyang noise pollution!

      Lintek talaga!

      Umoo siya sa pag-aaya ni Mac dahil gusto niyang mag-liwaliw. Pero wala sa plano niya ang mabasagan ng eardrums!

      Tumungga siya sa bote ng beer na nakasilbi sa harap niya. Inubos niya ang laman niyon, at nang ibaba niya ang bote sa mesa, umorder pa siya ng isa.

      "Hoy, kung makainom ka parang wala nang bukas a," sita sa kanya ni Mac, manghang nakatitig sa kanya.

      "Problema mo ba?" naiirita niyang sagot bago nag-shoot ng ilang piraso ng mani sa bunganga niya.

      Tumaltak si Mac. "Hoy Kulasa, hindi kita inaya na lumabas para magpakalasing ka. 'Di ba sinabi ko sa 'yo may sasabihin ako sa 'yo. Pero sa ganyang klase ng paglalaklak mo, kahit sabihin ko pa sa 'yo kung saan nakatago ang kamayanan ni Yamashita, hindi mo talaga maaalala."

      Sasagot na sana siya nang masinok siya. Natawa siya. Sinisinok siya, ewan niya kung bakit. Sakto namang dumating ang inorder niyang beer. Tinungga niya iyon na agad na nakapangalahati. Dumighay naman siya pagkatapos. Natawa na naman siya. Lintek! Parang tatay lang kapag nakainom!

      "'Langya naman Kulasa e! Ba't ka ba naglalasing?" ani Mac, kunsomido na, inagaw pa ang bote ng beer niya.

      "Kasi gusto ko... period!"

      Napapalatak ulit si Mac, sandali siyang pinakatitigan. Tinitigan din niya ito, may halong duling nga lang 'yong kanya. Nararamdaman niya, malapit na siyang masenglot.

      "Uwi na nga tayo. Sa susunod na lang kita kakausapin," ani Mac, aburido.

      Marahas siyang umiling na lalo lamang nagpadagdag ng pagkahilo niya. "Hindi, dito pa tayo. Dami pang pulutan o!" tutol niya.

      "Hindi! Uuwi na tayo! Bad shot na naman sa ako kay Tatay nito!" Bumulong-bulong si Mac nang hindi niya maintindihan bago tumayo at kinausap si Kuya Kurt, ang anak ng may-ari ng ihawan. Ipinilig niya ang ulo nang muling dumoble ang tingin niya kay Mac. Nang umayos ang paningin niya, muli niyang inabot ang bote ng beer na inilayo sa kanya ni Mac at sinaid ang laman niyon.

      Paglapag niya nang bote sa mesa, pakiramdam niya, nakalutang na siya. Muntikan na nga siyang matumba sa upuan buti na lang naagapan siya ni Mac.

      Ilang sandali pa, inalalayan siya nito sa pagtayo bago iginiya papunta sa owner nito. Maingat siyang naglakad dahil tumitindi na talaga ang hilo niya. Kaya lang bago nila marating ang sasakyan nito, pumailanlang uli ang nakakairitang boses ng babae.

      In another life, I would be your girl
      We keep all our promises, be us against the world      
      In another life, I would make you stay
      So I don't have to say you were the one that got away
      The one that got away

     Nagpanting ang tainga niya. Nananadya 'ata ang babaeng may sa boses palaka! Nahihilo man at dumodoble ang tingin, pilit siyang tumigil sa harap ng KTV Bar, namaywang at naghandang mangaral. Papataray na sana siya kaya lang pinigil siya ni Mac.

      "Kulasa naman e! H'wag ka nang magkalat!" sita ng kaibigan.

      "Sandali lang nananadya 'ata e. Inaano talaga ako. Paisa lang! Kokonyatan ko lang vocal chords niya!"

      Nagbuga ng marahas na hininga si Mac bago walang sabi-sabing isinampay siya sa balikat nito. Natahimik siya sa gulat. Lalong tumindi ang hilo niya at nagbabanta ng pagbaliktad ang sikmura niya.

      "Lintek ka, Macario! Lintek ka!" nanghihinang angil niya sa kaibigan.

      Ilang sandali pa, idineposito siya ni Mac sa passenger's seat ng owner nito. Ni-recline nito ang upuan, kinabitan siya ng seatbelt at pinayakap sa kanya ang bag niya.

      "Umayos ka na Gabbie, please lang," si Mac ulit, naglalaro na sa inis at pag-aalala ang tinig.

      Maya-maya pa, lumarga na sila. Awtomatiko siyang napapikit.

      Pakiramdam ni Gabbie, idinuduyan siya habang nasa biyahe. Kaya lang ayaw matulog ng isip niya. Nakapikit siya subalit mulat na mulat ang diwa niya. Nahihilo lang siya subalit malinaw na malinaw sa kanya ang sitwasyon─ ang sitwasyon niyang nagmamahal pa subalit nagparaya na. Siya na ang nagbigay, siya na nga ang nawalan, tapos siya pa rin ang nasasaktan? Napakadaya talaga ng tadhana!

      Kumirot ang dibdib niya nang muli niyang maalala si Phoenix. Naramdaman niyang muli ang sakit na pilit niyang tinatakasan araw-araw. Durog na durog na ang puso niya pero bakit gano'n? Paulit-ulit pa rin ang sakit at tila ayaw siyang lubayan!

      Ilang sandali pa, napahikbi na siya bago tuluyang bumulalas ng iyak.

      "Gabbie, bakit?"

      Hindi siya makasagot. Nagpatuloy lang siya sa pag-iyak habang nakapikit. Nitong nakaraang dalawang linggo, hindi siya nagsalita. Kahit na anong tanong sa kaniya ng tatay niya o ni Mac, hindi siya nagsabi. Sinarili niya ang sakit na dulot ng kanyang kabiguan at pang-aalipusta ng populasyon ng mga chismosa, hindi lang sa barangay nila kundi pati na rin sa ospital.

      Sinarili niya ang lahat dahil akala niya, kaya niya. Siya si Gabriela e. Matapang. Walang inuurungan. Pero hindi pala. Hindi niya kaya.

      At pagod na pagod na siyang magtapang-tapangan. Gusto niyang magpakatotoo sa sarili niya kahit ngayon lang. Kahit ngayong gabi lang, sana puwede siyang maging mahina.

      Naramdaman niyang tumigil ang biyahe nila ni Mac. Gusto niyang magmulat kaya lang mabigat na ang mga talukap niya.

      Naramdaman niya ang yakap ni Mac, maya-maya. "Mahal mo pa?"

      "S-sobra. Sobra-sobra pa," sagot niya sa pagitan ng paghikbi. "Kaya lang... hindi na kami puwede. Hindi na puwede, Mac. H-hindi na." Tuluyan na siyang humagulgol.

      Siguro kung nabalian siya ng buto o napilayan, baka makayanan pa niya. Pero hindi ang ganito. Hindi ang ganitong klaseng sakit na paulit-ulit─ walang lunas kung hindi ang paglimot at paglipas ng panahon.

      Maya-maya pa, niyakap siyang muli ng pamilyar na mga bisig. Tahimik siyang inalo ni Mac. Hinagod nito ang likod niya. Maingat na tinuyo ng mga daliri nito ang luha niya sa pisngi. Manaka-naka rin nitong hinaplos ang kanyang ulo habang bumubulong ng 'di niya maintindihan.

      Maya-maya pa, tumigil na siya sa pagsigok. Kumalma na rin ang dibdib niya.

      "Inaantok na 'ko," pagod na bulong niya. Muling hinaplos ni Mac ang ulo niya.

      "Tulog na, Gabbie. Matulog ka muna," ani Mac, bago siya kinintalan ng halik sa noo.

      Napangiti siya bago tuluyang nagpahila sa antok.###

2812words/10:59pm/06282020

#AccidentallyInLoveHDG
#BeStrongPhoebbie

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro