Kabanata 2
Ang Pagkamulat ng Kapangyarihan
Apat na taon ang nakalipas nang mapasali ang batang si Zendu sa Kiries, isang kilalang guild sa Magna. Sa murang edad, nagsimula siyang maglingkod bilang tagasulat ng mga mahahalagang impormasyon para sa mga misyon ng kanilang grupo. Hindi siya sanay sa pakikipaglaban noong una, ngunit sa pagdaan ng mga taon, natutunan niya ang sining ng sandata at depensa upang kaya niyang protektahan ang sarili sa kanyang paglalakbay.
Sa kasalukuyan, nakaupo si Zendu malapit sa labasan ng kanilang guild, tahimik na nag-iisip. Walang magawa habang hinihintay ang kanyang guro, si Lapu. Kung pagmamasdan, malaki na ang pinagbago ni Zendu. Ang kanyang kutis ay maputla, may matangos na ilong, buhok na kulay bughaw, at mga matang itim na nagtataglay ng lihim na kabatiran. Sa unang tingin, maiisip ng mga taga-ibang bayan na siya’y isang bampira.
Sa paglipas ng oras, naalala niya ang unang beses na pumasok siya sa guild. Noon, hindi pa siya bihasa sa paggamit ng sandata, ngunit kung may sining na tunay niyang napagtagumpayan, ito’y ang paggawa ng mga potion at ang pagsasanib ng mga sangkap nito — isang talento na hindi matatawaran.
Bigla siyang naabala ng tawanan at pag-aasaran ng dalawang miyembro ng guild — sina Ate Mila at Kuya Nero. Ang dalawa ay laging nag-aaway at nagtatalo pagkatapos ng bawat misyon. Sa tuwing magbabalik sila mula sa isang misyon, lagi silang nagtuturuang kung sino ang nagkamali.
"Maligayang pagdating! Kamusta ang misyon?" Masayang bati ni Zendu.
"Pasalamat ka at nakauwi tayo nang buo," pananakot ni Mila.
"Yabang mo, Mila! Wala ka namang naiambag sa misyon," biro ni Nero.
Hindi siya pinansin ni Mila at humarap kay Zendu. "Pasensya na kung hindi ko nasagot agad. Siyempre, tagumpay ang misyon, pero hindi sinasadyang may nadapa kanina," sabay ngiti ni Mila.
Napatawa si Zendu habang nanlaki ang mga mata ni Nero sa narinig.
"Grabe ka naman, Mila! Sama mo!" sagot ni Nero, sabay kamot ng ulo.
Habang nagkukulitan sila, lumapit ang kanilang pinuno, si Lapu.
"Kamusta kayong lahat?" bati nito.
"Mabuti naman po," sabay-sabay nilang sagot.
"Inyong sundan ako," mahinang utos ni Lapu.
Pagdating nila sa hardin ng guild, bumungad sa kanila ang mga sandata, potion, panangga, at iba pang kagamitan. “Apat na taon ng pagtitipon ng pondo sa bawat misyon. Ginamit ko ang pondo upang bilhin ang mga kakailanganin natin. May natira pang pera para sa ibang pangangailangan. Natutuwa ba kayo?"
Napanganga sila sa sorpresa, sabay-sabay na tumango. Si Zendu naman ay di makapaniwala sa kanyang nakikita.
"Oh, bakit nakatayo ka pa? Lumapit ka rito," ngiting saad ni Lapu.
Nagising si Zendu sa pagkagulat at dahan-dahang lumapit sa mga sandata.
"Bago kayo pumili ng inyong sandata, kailangan niyong ipakita ang inyong lakas at husay sa pakikipaglaban. Dito natin malalaman kung saan kayo nararapat,” sabi ni Lapu.
Nagsimula silang mag-ayos sa paligid ng hardin, ginawang isang maliit na arena para sa kanilang pagsasanay. Ginamit ni Nero ang kanyang kakayahan upang makagawa ng pader na yelo, na matutunaw lamang sa sikat ng araw.
"Ako naman!" sigaw ni Kiros, na pinalalim ang lupa at pinagdikit-dikit upang maging matibay na sahig.
Habang pinapanood ni Zendu ang kanyang mga kasama, naisip niya, "May kakayahan kaya ako na gaya nila?"
Napansin ni Lapu ang pangarap ni Zendu na magkaroon ng sariling kapangyarihan. "Ito na siguro ang tamang panahon para maturuan siya sa pagtawag ng kanyang susi," bulong ni Lapu sa sarili.
Habang tahimik na nakaupo si Zendu sa damuhan, lumapit si Lapu nang hindi niya namamalayan.
"Gusto mo bang matawag ang susi mo?" tanong ni Lapu nang seryoso.
Napaligon si Zendu, nagtataka. "Paano ako magkakaroon ng key na mula sa mga diyos, Lapu? Sabi sa kasaysayan, tanging ang mga piling nilalang lamang ang pinagkalooban nito."
Tumawa si Lapu. "May kutob akong may susi kang nakatago sa iyong kalooban. Hindi mo lang alam kung paano ito tawagin."
Nag-isip si Zendu, nababalot ng pananabik. Ano kaya ang kanyang kapangyarihan?
Nagkaroon siya ng lakas ng loob at nagtanong, "Pwede po ba ako magpaturo kahit kanino?"
"Oo, ngunit tandaan mo, gamitin ang iyong kapangyarihan para sa kabutihan, at lagi mong isipin ang kapakanan ng lahat,” wika ni Lapu, sabay talikod at lumakad palabas ng hardin.
Dali-daling lumapit si Zendu kina Nero at Kiros, ngunit abala ang mga ito sa pag-aayos ng paligid. Walang sumagot sa kanyang pagtawag.
“Ah, baka kay Ate Mila o kay Malaya na lang ako magpaturo.”
Pumunta siya kay Mila ngunit abala rin ito sa paggawa ng lalagyan ng mga sandata. Sinubukan niya ring hanapin si Malaya sa loob ng guild, ngunit hindi niya ito makita.
Naglakad siya palabas ng guild, nagmumuni-muni upang maibsan ang lungkot. "Buhay nga naman," buntong-hininga niya, sabay pulot ng isang maliit na batong kulay pilak na tinatawag na roclak at karaniwang makikita sa kagubatan ng Magna, ang bayan kung saan nakatayo ang guild ng Kiries.
Naglakad siya patungo sa isang puno na kilala bilang Kenius Word Tree, ang puno ng kaalaman. Naglalaman ito ng mga lihim ng bayan ng Magna. Sa ilalim nito, tumingin siya sa mga dahon, kung saan nakasulat ang pangalan ng mga guild at ang kanilang mga kakayahan:
Venus: May kakayahang manggamot.
Flyer: May kakayahang gumawa ng mga panangga.
Lavania: May kakayahang makaramdam ng enerhiya ng kalaban.
Kiries: Taglay ang talino at talento para makaunawa sa damdamin ng nakapaligid. Mania: Mabilis at mabagsik na pang-atake.
Sa kanyang pagbabasa, namangha si Zendu sa lakas ng bayan ng Magna. Habang malapit na siyang bumalik sa guild, may nakita siyang maliit na liwanag sa isang bulaklak. Napagpasyahan niyang lapitan ito, at sa hindi inaasahang pangyayari, ang liwanag ay lumutang at pumasok sa kanyang dibdib.
Naramdaman niya ang parehong sakit na naramdaman apat na taon na ang nakalilipas, nang maramdaman niya ang kakaibang enerhiya sa kanyang katawan. Sa kabila ng hirap sa paghinga, sinikap niyang maglakad pabalik sa guild.
Sa pintuan pa lamang, namutla siya at nanghina. Unti-unting dumilim ang kanyang paningin, hanggang tuluyan siyang nawalan ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro