Kabanata 11
Ang huling pagsasanay.
Third Person Point of View
Pangalawang araw na simula nang hindi magising si Zendu, at ang buong kampo ay balot ng pagtataka. "Bakit hindi pa rin nagigising si Zendu?" tanong ng mga kasamahan. Ngunit ang tanging paliwanag ng dalawang pinuno ay ang matinding pagod na dinanas ng binata mula sa nakaraan Araw sa pag gamit ng kapangyarihan.
Sa kalagitnaan ng tahimik na gabi, ang lahat ay nalulon na ng antok, maliban kay Pinunong Apo at Mila, na parehong hirap mapanatag ang diwa. Kahit anong pikit ng mata ay tila ayaw dumating ng antok.
Lumabas si Pinunong Apo mula sa kanyang silid, tahimik na tinahak ang madilim na landas patungo sa hardin. Ang malamig na hangin ng gabi ay humaplos sa kanyang balat, ngunit hindi niya iyon ininda.
Samantala, si Mila ay nakaupo sa gilid ng pintuan ng kanyang silid, nakayuko at tila nag-iisip ng malalim. Napaangat ang kanyang ulo nang marinig ang mahinang yapak patungo sa hardin. Tumayo siya nang marahan, siniguradong hindi makakagawa ng ingay, at sinundan ang pinagmulan ng mga yapak.
Paglabas niya ng silid, sinalubong siya ng malamig na hangin ng gabi, kaya’t agad siyang yumakap sa sarili. “Sino kaya ang lumabas?” mahinang bulong niya sa sarili habang naglalakad. Sa bawat hakbang, naramdaman niya ang kakaibang enerhiya na bumabalot sa hangin. Nang marating ang hardin, narinig niya ang tunog ng espada na tila may nagsasanay.
Dali-daling tumakbo si Mila patungo sa kinaroroonan ng tunog. Bumungad sa kanya ang malungkot na mukha ni Pinunong Apo na abala sa pagsasanay. Tumigil ang matanda at bumaling sa kanya, dala ang mabigat na titig na tila may dalang lihim.
“Oh, Mila. Gising ka pa? Maaga tayong aalis bukas,” sabi ni Pinunong Apo habang umupo sa damuhan, hawak pa rin ang kanyang espada.
Hindi agad nakasagot si Mila. Ngumiti muna siya bago sinabing, “Pasensya na, Pinuno. Hindi po ako makatulog, kahit anong gawin ko.” May bahagyang kaba sa kanyang boses habang palapit sa pinuno.
“Ganun ba? Pareho lang pala tayo,” sagot ni Apo na bahagyang ngumiti. “Ang mabuti pa, mag-usap na lang tayo sandali tungkol sa ating paglalakbay bukas.”
Ngumiti si Mila, ngunit halata ang kanyang pag-aalala. “Salamat po, Pinuno. Kanina po’y kinabahan ako nang makita kita. Akala ko kung sino na…”
Napatawa si Apo, ngunit agad din siyang naging seryoso. “Huwag kang laging kampante, Mila. Tandaan mo, sa bawat segundo, bawat minuto, maaaring hindi mo alam na kalaban ang kaharap mo. Paano kung isa siyang gumaya ng mukha ko?”
Napatigil si Mila at nag-isip nang malalim. Tama ang sinabi ng pinuno. Tumango siya at sumagot, “Salamat po sa inyong payo, Pinuno. Malaking tulong po iyon sa akin.”
“Walang anuman. Bukas, maghanda ka. Ang daan patungo sa kaharian ay puno ng mga nagtatago sa dilim. Laging mag-ingat.”
_
Samantala, si Zendu ay nasa gitna ng isang mabangis na laban sa mundo ng panaginip. Sa harap niya ay ang isang halimaw na apoy, may nagbabagang katawan at isang nakakakilabot na matang nagbabanta sa bawat galaw niya.
Nagsimula nang magpakawala ng mga bolang apoy ang halimaw, mabilis at sunod-sunod, na parang ulan ng apoy. Umatras si Zendu, hawak ang kanyang espada, at iniharang ito upang harangin ang bawat atake. Ngunit sa bilis ng mga apoy, hindi siya makahanap ng pagkakataon upang makaganti.
“Ang bilis niya!” sigaw ni Zendu sa isip niya habang patuloy ang pagdepensa. Habang tumatagal, mas lalong bumilis ang mga atake ng halimaw. Nagawa niyang umikot sa gilid ng halimaw at umatake sa likod nito gamit ang espada, ngunit tila walang epekto ang kanyang mga hampas.
Biglang nagwala ang halimaw, umiikot nang mabilis habang naglalabas ng apoy sa paligid. Tinamaan si Zendu at tumilapon siya, tumama sa lupa, at bahagyang nawalan ng malay. Napapikit siya habang iniinda ang sakit, ngunit pilit niyang pinilit bumangon.
“Hindi pa tapos!” sigaw niya, sabay dura ng dugo at punas sa bibig gamit ang palad. Hinawakan niya ang espada at biglang lumabas ang apoy sa kanyang likuran, nagmistulang mga pakpak na nagbigay sa kanya ng bilis at lakas.
Lumipad siya patungo sa halimaw na may ngiti sa labi. Sa isang iglap, nakaharap na niya ito. Mabilis niyang winasiwas ang espada, ngunit hinarang ng halimaw ang kanyang atake gamit ang bolang apoy. Tumalon si Zendu paatras, napipilitang mag-isip ng bagong estratehiya.
“Kainis! Kanina pa tayo naglalaban!” galit na sigaw niya.
Nagdesisyon siyang gamitin ang key ng magic. Sa isang kumpas ng kanyang kamay, biglang lumitaw ang mga bulalakaw sa itaas ng halimaw. Isa-isa itong bumagsak, sumasabog sa bawat tama. Napa-atras ang halimaw, ngunit patuloy itong nagpakawala ng apoy.
Sa huli, nanghihina na ang halimaw. Lumapit si Zendu, hawak ang espada na nag-aapoy nang mas maliwanag kaysa kanina. Sa isang malakas na hagis, tumama ang espada sa puso ng halimaw. Sa wakas, naglaho ito, at unti-unting nawala ang apoy nito.
Pagkatapos ng laban, lumitaw ang isang phoenix sa harap niya.
“Maligayang bati, Zendu. Nalampasan mo ang aking pagsubok. Bago ka bumalik sa realidad, tanggapin mo ang regalong ito,” sabi ng phoenix. Lumitaw ang isang bote na naglalaman ng kumikislap na pulang likido.
“Ito ang apoy ng phoenix. Inumin mo ito, at magiging tao kang apoy sa loob ng isang oras,” paliwanag ng phoenix. “Ako si Cyra.”
Kinuha ni Zendu ang bote at ngumiti. “Salamat, Cyra.”
Sa ngiti sa kanyang labi, alam niyang mas lalong lumakas ang kanyang kakayahan.
Alam ni Zendu sa kanyang sarili na darating ang araw na magagamit niya ang regalong ibinigay sa kanya ng kagalang-galang na Cyra, lalo na kung sakaling malagay sa alanganin ang kanyang buhay. Ang bote na naglalaman ng nag-aalab na liwanag ay hindi lamang isang simpleng regalo—ito ang magiging sandigan niya sa oras ng matinding panganib.
Habang hawak ang bote, naramdaman niya ang init na tila bumabalot sa kanyang palad, nagbibigay ng kakaibang lakas at tapang. "Sa oras na dumating ang pinakamadilim na sandali, hindi ko aatrasan ang hamon," bulong niya sa sarili, puno ng determinasyon.
Umiikot sa katawan ni Zendu ang apoy ng phoenix, nag-aalab at sumasayaw na tila buhay. Ramdam niya ang init na sumiksik sa bawat hibla ng kanyang pagkatao, ngunit kasabay nito ay ang unti-unting paglapit ng isang hindi maipaliwanag na kadiliman.
Ang liwanag ng apoy ay tila naglaho sa gitna ng anino, at bago pa man siya makapagsalita o makakilos, nilamon siya ng kadiliman. Ang lahat ng kanyang naririnig ay ang tunog ng nagbabagang apoy na bumalot sa kanya, habang ang malamig na dilim ay gumagapang papasok sa kanyang diwa. Sa huling sandali bago siya tuluyang nilamon, naramdaman niya ang matinding enerhiyang pumuno sa kaniya,isang enerhiyang hindi niya pa nararanasan kailanman.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro