Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1

Isang Bagong Panimula

Sa isang tahimik at masayang nayon, nagsisimula ang araw nang puno ng kasiglahan. Masasaya ang mga tao, naglalabasan mula sa kanilang mga bahay na may ngiti sa mga labi. Ang paligid ay puno ng buhay at kulay, at ang mga tunog ng tawanan at masiglang usapan ay umaalingawngaw sa bawat sulok ng nayon. Ngunit sa gitna ng kasiyahan, may isang batang lalaki na payak at nakaririmarim ang suot—punit ang damit at halatang uhaw sa awa at kalinga.

Siya si Zendu, isang ulila na walang alam tungkol sa kanyang pinagmulan. Lumapit siya sa isang tindahan ng mga metal sa pamilihan, umupo at nagmamasid sa mga panindang bihira niyang makita. Habang nakatingin sa mga kalakal, napansin niya ang isang bato na anyong susi, nakasabit sa gilid ng tindahan at tila napaglumaan na dahil walang pumapansin dito. Natanaw niya ang kalesang parating, at mabilis na nagsitabi ang mga tao upang magbigay daan. Ngunit hindi alintana ni Zendu ang parating na mga bisita; napako ang kanyang tingin sa mahiwagang batong anyong susi.

Pagbaba ng kalesa, lumabas ang isang binatang kulay puti ang buhok at kasunod ang isang matandang mahaba ang buhok na kulay itim. Pareho ang kulay ng kanilang damit sa kanilang buhok—puti at itim, na lalong nagbigay ng kakaibang dating sa mga tao sa paligid. Agad na bumalot ang bulung-bulungan sa mga tao sa kanilang presensya. Ang kanilang awra ay puno ng kapangyarihan at misteryo, ngunit wala silang pakialam sa mga usap-usapan ng mga taganayon.

Habang pumapasok ang dalawa sa tindahan, lumapit si Zendu sa batong kanyang nais bilhin. Agad na nagsalita ang may-ari ng tindahan, isang matandang mabait ang mukha at tila sanay na sa mga pangungulit ng mga bata.

"Eho, anong atin?" tanong ng matanda habang abala sa pag-aayos ng mga paninda.

Nagdalawang-isip si Zendu, ngunit hindi niya naiwasang ituro ang bato. "Gusto ko po sana bilhin ang batong iyon..." Nahihiyang itinuro niya ito, at ang mukha niya'y puno ng pag-asa. Ngunit agad siyang napayuko. “Kaso po, kulang po ang pera ko...”

Napatawa ang matanda. “Eho, ibibigay ko sa'yo ito ng libre, pero sa isang kondisyon: tulungan mo akong ayusin ang mga paninda ko.”

Tumango si Zendu, kahit na ramdam ang pagod mula sa kakapulot ng mga bakal sa basurahan para may pangkain. Sinimulan niyang tulungan ang matanda, at makalipas ang ilang minuto, natapos nila ang gawain. Ngiti ang kapalit ng matanda sa kanya, at masayang inabot ang bato. Buong kasiyahan niya itong tinanggap, damang-dama niya ang sayang hatid ng simpleng bagay na iyon.

Pagliko niya ay naglaho bigla ang bato, at ang kanyang katawan ay nabalot ng kakaibang enerhiya. Napatigil siya, humawak sa dibdib at unti-unting lumuhod, ramdam ang sakit na dulot ng hindi maintindihang init sa puso niya. Wala ni isa mang tumulong, dahil ayon sa batas ng bayan, walang dapat tumulong kung hindi mo kadugo. Ngunit sa pag-ikot ng daan, napansin ng dalawang dayuhang sina Lapu, isang matandang kilala bilang pinuno ng kanilang grupo, at ang binatang si Nero, ang kalagayan ni Zendu.

Hinawakan siya ni Lapu, at sa isang iglap, nawala ang kanyang malay.

“Isama natin siya sa tahanan natin. Walang nagmamalasakit dito, kaya tiyak akong ulila siya,” sabi ni Lapu.

Agad siyang binuhat ni Nero at isinakay sa kalesa. Habang bumibiyahe, ramdam ni Lapu ang kakaibang enerhiya mula sa bata. Alam niya agad na may espesyal sa batang ito, bagama't hindi niya matukoy kung ano ang taglay nitong kapangyarihan.

“Pinuno Lapu, mukhang mas marami na tayo,” wika ni Nero.

Tumango si Lapu. “Oo, at siya ay tatawagin nating Zendu.”

Ngumiti si Nero. “Magandang pangalan, Pinuno Lapu. Tiyak kong magugustuhan ng bata.”

Sa wakas, nakarating sila sa tahanan ng mga tagapagsanay sa mahiwagang lugar ng Kiries. Sa pagbaba nila mula sa kalesa, sinalubong sila ng isang puting pusa na nag-“meow” sa harap nila. Nagising si Zendu at humanga sa paligid. Ngiti ang bumati sa kanyang mukha, ngunit agad niyang tinanong ang matanda, “Nasaan po ako? Sino po kayo?”

“Nandito ka sa Kiries,” paliwanag ni Lapu, at sa isang iglap, lumapit ang pusa kay Zendu, at isang malakas na liwanag ang bumalot sa paligid ng pusa, hanggang sa ito ay naging isang dalagang nakangiti.

Namangha si Zendu. “Wow, ang ganda mo naman, Ate!” sabi niya na may kasamang inosenteng papuri.

Napatawa ang dalaga at tinanong ang Pinuno. “Pinuno Lapu, sino itong bata?”

“Siya si Zendu, isang ulila. Nais ko siyang samahan dahil nakikita kong siya ay katulad natin,” paliwanag ni Lapu.

Ngumiti si Zendu, ngunit pilit na pinipigilan ang pagluha. Damang-dama niya ang kaligayahan ng pagkakaroon ng isang pamilya. Inisa-isa niyang kilalanin ang bawat isa.

"Ako si Lapu, ang pinuno ng Guild ng Kiries," pakilala ni Lapu.

Sumunod ang binata. “Ako si Kuya Nero Frost.”

“Ako naman si Ate Mila,” dagdag ng dalaga.

Sa pagpasok nila sa loob ng guild, naramdaman ni Zendu na ito na ang panibagong simula ng kanyang buhay. Dito, hindi lamang siya tinanggap bilang kasamahan kundi bilang tunay na bahagi ng kanilang pamilya. Sa araw na iyon, natupad ang kanyang simpleng hiling—ang magkaroon ng isang tahanan at mga taong magmamahal sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro