6 Pakialam
Nag-alangan na tuloy akong magpatulong pa.
"Uhm, ako na lang po, Tito," singit ni Gelo na tiningnan ang dalawang lalaki tapos hinawakan na ako sa braso. "Ako po lagi nitutulong kay Mama. Mabilis lang kami. Di s'ya aaray kasi nipraktis namin ilang gabi na po."
Lihim akong napangiti sa inakto ng anak ko.
Alam n'ya.
Alam n'yang hindi na makakaangal ang dalawa sa sinabi n'ya.
Totoo rin ang sinabi ni Gelo. Magaan kasi ang kamay n'ya.Isa pa, gamay namin ang isa't-isa.
Tahimik na nanood ang dalawang lalaki.
Patay-malisya kong niligpit ang pinagpalitang gasa at gamot ko sa mesa pagkatapos.
"Tito —"
"Gelo boy—"
Nagkasabay na pagsalita ng anak ko at Sir Mar. Sabay din silang huminto.
"Po?" tingala sa kanya ng bata.
Ramdam ko kung ano ang sasabihin ng bisor ko. Nilalaru-laro n'ya kasi ang susi ng kotse n'ya sa daliri. Medyo nag-iisip na ako nang tamang dahilan para tumanggi. Ayokong umasa s'ya sa isang bagay na walang kasiguraduhan sa parte ko. Lalo't napapansin ko ang parang pag-level up ng mga aksyon ni Sir Mar sa pakikitungo sa akin nitong mga nakaraang araw.
Pero mas kinabahan ako sa magiging reaksyon ni Mike.
Kahit di n'ya sabihin, alam ko pinoprotektahan kami ng inhenyero sa paraang alam n'ya. Naiintindihan ko na pakiramdam nito ay nadawit ako sa isang gulo nang dahil sa nangyaring sunog at responsible s'ya doon.
Ang di ko lang masakyan ay kung bakit pati si Sir Mar ay tila mainit ang dugo n'ya. Wala akong alam na pinakitang masama sa kanya ang assistant manager ng Enrico.
"Uhm, sige. Ano ba sasabihin mo?" pagbibigay ni Sir Mar sa anak ko.
"Eh ano po ... si Tito Mike," saka bumaling ito sa pinatutungkulan. "Nayon mo po ako hahatid sa iskul? Yung pingki pramis mo po?"
Bahagyang napabuka ang bibig ko sa narinig.
May usapan silang ganun?
"Oh, ngayon mo na ba gusto?" tanong pabalik ni Mike.
"Ako na lang maghahatid sa inyo," biglang singit ni Sir Mar.
"Uhm, nag-pingki pramis na si Tito Mike po."
"Yup!" may kasamang malapad na ngiting salo ni Mike.
Nakita ko ang patagong pagkuyom ni Sir Mar sa hawak na susi ng sasakyan n'ya.Tumikhim ang lalaki.
"Eh di, next time, ako naman ang magpi-pinky promise na maghahatid—"
"Amin ni Gelo ang pinky promise, Mr. Belmonte," putol n'ya."Mag-isip ka nang iba para sa inyo."
"Mike!" mahina kong saway.
"What? I'm just stating a fact," patay-malisya n'yang sagot sa akin.
Di ko malaman kung paano ko s'ya sasawayin pa. Halata kasing naasar na si Sir Mar.
"Mama, baka mahuli na ako po," tinagtag ni Gelo ang laylayan ng blouse ko.
"Ah... eh..."
"Common, angel," biglang binuhat ni Mike ang anak ko tapos bumaling sa akin. "Where's his bag?"
"Uhm.. .sandali."
Nagmamadali kong kinuha ang hinahanap n'ya sa narra naming sala set.
Paglapit ko, inabot n'ya sa akin ang susi ng bahay na binigay ko kaninang umaga bago sila umalis ng staff n'ya.
"Napa-duplicate ko na ang mga 'yan. Kami lang ng assistant engineer ko ang may kopya. Inihabol ko bago kayo umalis dahil wala kang gagamitin pagkahatid mo kay Gelo. Baka wala si Nanay Mila kung dadaan ka dun pag-uwi para lang makapasok dito."
Pasimple kong nakagat ang labi.
Oo nga. Nawala yun sa isip ko. Na kina Estrel ang duplicate copy ko sa bahay.
Magkakasunod kami palabas sa gate matapos masigurong naka-lock ang bahay.
"Sir... Uhm... Mar, ano, pasensya na," mahina kong sabi dahil kami ang nahuhuli.
"Tsk."
Yung lang ang sagot n'ya. Ewan ko pero kahit ayoko, nakaramdam ako nang hindi kaaya-aya sa reaksyon n'yang yun. Para kasing pinalalabas n'yang may kasalanan ako sa kanya.
Dinedeposito ni Mike si Gelo sa backseat nung mapapiksi ako dahil hinawakan ni Sir Mar ang kamay kong may benda.
"Kennie, hindi ako kampante na puro lalaki ang kasama n'yong mag-ina sa malaki n'yong bahay," ang sabi.
Pasimple kong hinila ang kamay ko pero di n'ya binitawan. Napangiwi ako dahil nadiinan n'ya ang sugat ko dun.
"Ah, Sir... uhm.. Mar. Yung kamay –"
"...lalo at nariyan si Engr. Montecillo. Hindi maganda ang reputasyon ng Manilenyong yan dito."
"K-kaya nga sila narito. Para may kasama kami," hinila ko uli ang kamay ko dahil di n'ya pinansin ang tahimik kong pagdaing.
Natigil lang yun dahil may nakita akong emosyon sa mata ni Sir Mar sa ginawa ko.
"Hindi tamang...tsk, Kennie, alam mo naman ang usapan sa'yo at kay Gel–"
Natigilan s'ya nung biglang tumalim ang tingin ko sa kanya.
Nasaktan ako sa sinabi ng lalaki. Ngayon ko lang narinig sa kanya ang bagay na yun. Akala ko, wala s'yang pakiaalam sa mga sinasabi tungkol sa akin. Sa amin ni Gelo.
"Wala akong pakialam sa mga tao dito. Wala naman silang itinulong sa kabila nang paglilingkod ni Papa sa kanila."
"H-hindi na—"
"Kennie, halika na!"
Napalingon kami kina Mike.
Mabigat na naman ang mga mata nito na nakatingin sa amin lalo at pasimple kaming naghihilahan ni Sir Mar sa kamay ko.
Pabigla ko tuloy nahila ang kamay ko dahil bumaba ang tingin n'ya sa kamay naming at may panlilisik sa mata ni Engineer na di ko maintindihan kung bakit parang natakot ako.
"A-aray..." mahina kong daing sabay himas sa nasaktang palad.
"Damn it!"
Malalaki ang hakbang ni Mike papunta sa amin kaya pasimple ko na s'yang sinalubong at iniwan si Sir Mar sa kinatatayuan n'ya sa labas ng gate.
"H-halika na, Mike."
Nagtalo ang loob ng lalaki. Narinig n'ya ang piping pakiusap sa tono ko na huwag s'yang magpadalus-dalos.
"Bakit ba kasi di ka pa naupo sa harap?" mahina n'yang sita.
"A-akala ko kasi ikaw lang ang—"
"Eh saan ka pupunta ganyang nag-lock ka ng bahay? May lakad ba kayo ni Belmonte?"
Oo nga naman. May punto s'ya pero teka nga muna...
"Wala. Tsaka bakit ka ba nagagalit?" mahinahon kong sita.
"Eh kung makaasta, akala mo kung sino s'ya sa loob ng bahay n'yo at sa inyo ni Gelo. Manliligaw mo lang yan, di ba?Ganyan ba talaga 'yan sa iyo?Tss."
"Eh... "
Shocks! Napansin din pala n'ya. Wala tuloy akong maisagot.
Lalo at may ilang mata na sa mga kapitbahay ko ang nakatingin sa amin.
Saka ko napansin, halatang nagtatalo kami ni Mike sa tabi ng kotse n'ya.
"Kennie, may problema ba?"
Nilingon ko si Sir Mar at inangat ang kamay ko para pigilan pa s'ya na lumapit.
"Hindi.Wala."
Saka lang binuksan ni Mike ang pinto sa upuang tabi ng driver.
"Ako na," sabi ko nung ikakabit n'ya pa ang seatbelt ko pero di n'ya ako pinansin.
Seryoso lang ang mukha at walang sinabi.
Nailang tuloy ako kasi ang lapit ng mukha n'ya sa akin. Tapos langhap na langhap ko yung pabango n'ya na sigurado akong mamahalin.
Di na lang ako kumibo nung tumuwid s'ya sa pagkakatayo at isara ang pinto ng kotse. Dumaan s'ya sa harap papunta sa driver's seat.
Napatingin na lang ako sa side mirror.
Sumakay na si Sir Mar sa kotse n'ya. Halatang padabog n'yang sinara ang pinto ng kotse n'ya.Kunot ang noo nito na nakatingin sa amin.
Wala akong imik sa biyahe. Hinayaan kong ang dalawang Micheal Angelo ang mag-usap.
Di ko inawat ang anak ko na magkuwento sa lalaki tungkol sa mga kaibigang naiwan sa Batangas.
Ayoko mang maraming malaman sa amin si Mike, di ko kayang sirain ang excitement sa boses ni Gelo habang nagkukuwento. Mababakas din kasi na name-miss n'ya ang mga kalaro dati.
Napagtanto ko, malungkot si Gelo ditto sa Bataan.
"Gusto mo, puntahan natin minsan mga kalaro mo sa Batangas? Malapit na naman ang bakasyon?"
Bgila akong napalingon kay Mike.
"M-mike... hindi—"
"Sige po! Sige po! Pingki pramis?"
Inangat ng lalaki ang hinliliit sa balikat n'ya. Ikinapit ni Gelo ang kanya doon.
Santisima! Nag-'blood compact' na naman sila!
"Teka muna!" sansala ko. "H-hindi pwedeng—"
"Mama! Ni-pingki pramis na kami ni Tito Mike!" angal agad ni Gelo.
Pinigilan koang maasar. Mamaya ko na lang pagsasabihan si Mike.
Pakiramdam ko, nabalewala ako sa eksena.
Anak ko si Gelo!
Natahimik kami dahil nagkabit ng Bluetooth earphones ang lalaki matapos mag-ring ng cellphone n'ya.
Assistant engineer n'ya ang kausap.Nagbigay s'ya ng instructions.
Sa usapan nila, nalaman ko na pupunta rin pala ang lalaki sa ospital para alisin ang sinulid sa tahi n'ya sa gilid ng ulo.
Paghinto sa tapat ng daycare, lahat ng mga nanay at teacher ni Gelo na nasa labas, napatingin sa amin. May pagtataka sa mga mata kung sino ang sakay dahil tinted ang sasakyan.
Parang ayoko yatang bumaba.
Kaya lang hindi naman pwede lalo at umikot na si Mike at buksan ang pinto sa side ko tapos ang pinto para kay Gelo.
Napabuga ako ng hangin sa bibig bago bumaba.
"Tss."
Napatingin ako kay Mike, "Bakit?"
Kapit n'ya si Gelo sa kamay at mahinang nagsalita.
"Ako dapat ang magtanong n'yan. Bakit natitiis mong magtagal dito? Not healthy for your son."
"Ha?"
"Ayaw mo kasing tingnan ang mga reaksyon ng mga dinatnan natin. Di ko malaman kung inggit ba sila sa inyo o talagang ... ewan!" pigil na asar n'yang sabi.
Tama ang sinabi n'ya.
Pagtingin ko sa tinutugpa naming daycare, nahinto ang ilan sa pagbubulungan.
Pero lahat sila, may kakaibang malisya ang kinang sa mga mata.
"Gud apternun, pitser!"
Napatingin ako kay Gelo. Ngayon ko lang narinig ang ganung tono sa kanya.
Gaya sa boses, may pagmamalaki sa mukha ng anak ko habang magkakapit-kamay sila ni Mike.
Ngumiti ang gurong binati. Ngiti na ngayon ko lang rin nakita sa kanya.
Dalaga ito. Ka-batchmate ni Ate Racquel.
May ilang nanay doon na namumukhaan ko mula sa dalawang eskwelahan kung saan kami nag-aral dating magkapatid.
Ang ilan, mga dalaga na naghatid ng mga pamangkin o batang kamag-anak.
Alam ko yun. Nakikita ko sila kapag nasa university ako. Yung iba, kapag papasok ako sa Enrico. Natataunan ko sila sa Mang Donald's Eatery.
Di na ako nagtaka na yung iba ay tila pa-cute na ngumiti kay Mike. May ilang nag-ipit pa ng buhok sa tenga.
Ilan sila sa nagbansag sa lalaki na Hunk sa Mang Donald's.
At di na rin ako nagtaka sa patago nilang pag-irap sa akin. May ilan pa nga na ngumuso.
Mga reaksyon na nawala.
Nagpalipat-lipat sila ng tingin kay Gelo at s lalaki.
Tapos, ayun...nagbulungan.
Ni hindi ikinubli o pinigilan ang tawag ng tsismisan.
Tumikhim si Mike.
"Good afternoon po," ang bati n'ya.
Naglaro sa imahinasyon ko ang mga napanood kong teen stories. Yung mga babaeng obvious na napabuntunghininga tapos namula ang mukha.
Ganun na ganun ang itsura nila.
Gusto kong matawa.
Yung akala mo ay nagtapat sa kanila ng pagtatangi si Mike gayung bumati lang bilang paggalang.
"Huwag kang mag-iisip nang negatibo sa iyong kapwa, Roqueña."
Biglang sumagi sa isip ko ang bilin na yun ni Sister Linda.
Mabilis kong pinalis ang lihim na pamimintas sa mga babaeng dinatnan namin. Mali ito. Mali.
"Hinatid lang namin ni Kennie," tipid n'yang ngiti sa guro.
Saka s'ya bumaling sa akin. Kinuha ang maliit na schoobag bago isukbit sa likod ni Gelo.
"Go, angel. Be nice and good, okay?" nag-squat pa s'ya sa harap ng anak ko para magpantay sila ng mukha. "Mamaya, gusto kong makita yung star stamp sa kamay mo ha?"
Inangat pa ni Mike ang maliit na daliri. Naganap uli ang 'blood compact' nila.
"Pingki pramis po!" may yabang na sagot ni Gelo.
Pabirong ibinunggo ng lalaki ang kamao sa baba ni Gelo tapos tinapik sa ulo.
Sa mga hindi nakakakilala, aakalaing mag-ama talaga sila.
Natigilan ako sa tinatakbo ng utak ko.
Hindi tama ito.
Oo, magkahawig sila. Pero hindi talaga eh!
Kaya lang...
Gusto kong ipilig ang ulo.
Ni hindi nga ako naalalang balikan ng anak ko para humalik at mgpaalam. Masigla s'yang pumasok sa classroom nila.
Hindi ko na s'ya tinawag pabalik. Mas gusto kong umalis na kami.
Kung kami lang sana ni Gelo, kaya kong balewalain ang mga tao dito. Pero yung narito si Mike?
Nasu-suffocate ako sa malisyosong tingin at ismiran ng mga tao.
"M-mike, tara na," mahina kong yaya.
"Engineer," tawag nung isang babae. "Kumusta ka na?"
"Nabalitaan namin ang nangyari sa apartelle. Mabuti nakaligtas ka," salo agad nung isa.
"Ah, pasalamat nga ako kay Kennie," turo sa akin ni Mike.
Saglit lang akong tiningnan ng mga kausap n'ya tapos, "Hindi kami nakadalaw. Mahigpit yung security sa kuwarto mo."
"Ah... eh... oo nga. Sig--"
"Bakit si Darcy pinayagan?"
"What? No. Si Kennie ang dinalaw n'ya."
Ah, kaya pala! Para di siguro mapahiya, sa kuwarto ko na lang nagpunta ang babae noon.
"Ay, ganun ba?" ang sabi nang ilan sa kanila.
Halatang natuwa o natatawa sila sa nalaman.
"Balita kasi, ikaw raw ang dinalaw n'ya at nagtagal pa dun. Kaya nga ang akala namin, kayo na--"
"Excuse me. We really have to go," putol ni Mike sa sasabihin pa. "Kennie, let's go."
Nagbago uli ang mga ekspresyon sa mukha ng mga babae.
May ilan pa akong narinig na nagbulungan na putul-putol pagtalikod namin.
"Tingin ko talaga, anak ni Engr Monte..."
"Kaya siguro sa bahay na nila tumira kunwari lang..."
"Paano si Mario?"
"... manedyer o may-ari ng malaking kumpanya?"
"Iba talaga kapag maaga maglandi. Madali lang kung..."
"Pera-pera lang..."
"EXCUSE ME? And you were saying...?!" biglang bumalik ang lalaki.
Napatigil sila sa buo at may bahid na galit na pagtatanong ni Mike.
Napipilan sila.
"I owe Kennie my life. She's from this place. You should be proud to have someone like her for sacrificing herself, and even the future of her son, just to save a stranger," napailing si Mike. "What a shame!"
Walang nakakibo. May mga namula ang mukha at may namutla.
Kasabay nang mabilis na pagkabog ng puso ko ang mainit na pakiramdam na bumalot dun. Init na umakyat sa mata ko.
"M-mike, halika na," tinagtag ko ang manggas ng polo shirt nya.
Ayaw ko s'yang hawakan kasi ... ewan ko. Siguro para di na makadagdag pa sa pag-uusapan dito.
Kaso, si Mike na mismo ang kumapit sa siko ko at iginiya papasok sa kotse.
Di na naman ako nakakibo nung kinakabit n'ya ang seatbelt ko.
Galit kasi s'ya. Kitang-kita sa mata n'ya.
Nung i-start n'ya ang kotse, di ko napigilang hawakan s'ya sa braso para pigilan.
"Mike..."
"Oh?"
"K-kunin natin uli si Gelo. Baka kung ano'ng--"
"Subukan nila. Hindi magsisinungaling si Gelo sa akin."
Biglang dumagsa ang selos sa dibdib ko. Ibig n'yang sabihin...
"Hey, don't get offended. That's not what I mean," tinapik n'ya ang kamay ko sa braso n'ya. "I think the right word is maglihim. May ilang bagay na nililihim ang anak mo sa iyo dahil ayaw ka n'yang masasaktan. He's really bright."
"Gaano ka kasigurong di s'ya magsisikreto sa iyo?" naroon pa rin ang pigil na selos sa akin.
Inangat n'ya ang kanang kamao na nakalabas ang maliit na daliri.
Ang pinky promise nila.
"Di pa rin ako kumportable."
"Let him be. Gelo can handle it. He's a brave boy. You should be proud."
Tapos nagmaniobra na s'ya paalis. Di ko maiwasan lingunin ang daycare.
"Hey, chill," sabi n'ya uli. "Naroon ang teacher. Responsibilidad n'ya ang mga estudyante n'ya."
"Eh kasi..."
"Kung hindi ka pala kumportable, dapat noon pa kayo umalis dito sa Bataan."
"Ha?"
Napunta na sa kanya ang atensyon ko.
"Look, Kennie. You think I don't know anything?"
"Ano?!"
"I mean, at least I heard stuff. From people, sa Mang Donald's, sa apartelle mismo, ngayon sa school ... at mismong kay Gelo."
Napahawak ako sa tapat ng dibdib ko sabay kagat sa labi.
Pati si Gelo...
Nag-init na naman ang mata ko.
"Noon pa mang bago kami dito sa project. Hindi ko lang alam na ikaw yun. Di naman kasi ako interesado sa mga ganyang bagay para pag-aksayahan pa ng panahon..."
Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ko sa narinig.
Lungkot dahil ganun pa rin pala. AKala ko kahit papaano, humupa na.
Saya, dahil may katulad ni Mike na walang panghuhusga.
"...pero ngayon may pakialam na ako."
Dumagundong ang puso ko pero di ako nagpahalata.
Nanahimik na lang ako at nahulog ang pag-iisip para kay Gelo.
Hanggang sa mapansin kong,
"Mike...?"
"Samahan mo na lang ako sa ospital. Ipapatanggal ko ito," turo n'ya sa parteng may maliit na tahi sa ulo.
"Eh..."
"Sandali lang yun. Then, let's drop by at Enrico Apartelle. Ikaw na ang mag-follow up about your SSS benefits. May sapat na oras pa tayo para sunduin si Gelo."
"Si Sir Mar na raw ang--"
"Kaya nga ikaw na ang mag-follow up na personal. Nagkakaroon nang maraming dahilan ang isang yun na magpunta sa bahay anytime. Paano kung wala kang kasama dahil nasa trabaho kami tapos si Gelo nasa school?"
May punto s'ya.
Isa pa, yung gamit sa locker ko nung huli akong mag-duty.
Muntik akong mapatapik sa noo. Siguradong bulok na yung agahan ni Gelo na binili ko nung madaling-araw bago ang sunog.
Tama ang sinabi ni Mike. Wala pa nga kaming kalahating oras sa ospital. Nakadaan pa nga kami sa pharmacy para bumili ng dagdag n'yang reseta para sa antibiotics.
Pagdating sa Enrico, ramdam ko ang pigil na kilig ng receptionist na naka-duty dahil kasama ko nga si Mike.
"Huy, Kennie," bulong sa akin matapos akong kumustahin. "Kakainggit ka naman."
"Ha?"
"Si Engr. Hunk, kasama mo sa bahay n'yo."
Natawa ako. Alam ko kasing crush na crush nilang tatlong receptionists ang lalaki.
"Oo, kasama pati mga staff."
"Ay, oo nga. Harang!"
"Harang?"
"Ikaw naman. Ang slow mo," pinalo pa ako nang mahina sa braso.
Saka ko na-gets ang ibig n'yang sabihin.
"Ay naku, hindi! Walang ganun!"
"Hmp! Ewan ko sa 'yo! Kung sabagay paano na si Sir--"
Napatikom ang bibig n'ya habang nakatingin sa kanang side sa likod ko. Kaya tiningnan ko.
Si Sir Mar.
Bago pa makasalita ang lalaki, hinawakan na ako ni Mike sa siko. May kausap ito kani-kanina sa phone.
"Kennie, halika na sa admin office," ang sabi.
Nakayuko yung receptionist.
Kita n'yang masama ang timpla ng mukha ng assistant manager namin.
"Kennie, hintay!"
Eto na nga at humahabol na.
"Ano'ng ginagawa mo dito? Dapat nagpapahinga ka, di ba?" ang tanong na sumabay sa paglakad namin.
Napagitnaan nila ako ni Mike.
"Uhm, ano. May itatanong lang ako sa admin."
"E di sana, itinext mo na lang sa akin."
"Nabasag ang phone ko nung sunog. Naupuan ko."
"Ah, kaya pala."
"Ha?"
"Di kita matawagan. Di ka naman kasi nagre-reply sa text basta-basta."
"Tss."
Napatikhim ako sa ginawi ni Mike.
Halatang sumama ang loob ni Sir Mar nung marinig n'ya ang pakay ko sa HR matapos kong makipag-usap doon.
"Sinabi ko naman sa iyo na ako na ang personal na nagpapaasikaso."
"Ano, kaya nga kasi, S-sir. Nakakaabala sa trabaho mo dito. Ano, nagpupunta ka pa sa bahay kahit ano, uhm..." nahihirapan akong ipaliwanag.
"Yun ba talaga?" nasa tono n'ya ang di paniniwala.
Pasimple pa ngang tinapunan ng tingin si Mike.
"Oo. Tsaka, ano. Yung gamit ko sa locker."
"T-teka. Magre-resign ka?"
"Hindi. May pagkain kasi ako dun bago yung sunog."
Sumama pa s'ya sa locker area.
Pare-pareho kaming napatakip sa ilong pagkabukas ng locker ko.
Nagpatawag ng janitor si Sir Mar para tulungan akong linisin ang locker ko, pero walang nagawa ang lalaki nang si Mike ang kumuha at nagdala ng backpack ko na may lamang pinagpalitan ko ng damit nung huling duty ko.
Gustuhin mang sumama pa ni Sir Mar palabas, pero pinatawag s'ya sa admin office.
May ilang staff si Mike na nakita namin sa kanto ng likuan papunta sa Mang Donald's. Binusinahan n'ya ang mga ito na kumaway naman pabalik. Isa na run ang foreman nila.
"Maaga pa naman. Meryenda muna tayo," yaya n'ya. "Samahan natin sila. Makikibalita rin ako about sa site."
Pumayag na ako.
Ayos na sana kahit pinagtitinginan kami sa kantina ni Mang Donald, kaso isang bagay ang nakalimutan ko.
Sa kalagitnaan ng pagmimeryenda namin, may tumayo sa tapat ng table namin nina Mike at nung foreman.
Napatigil nga ang dalawang lalaki sa pag-uusap tungkol sa building na tinatayo nila ilang kanto mula rito.
Napatingala ako at napapahiyang napaiwas ng tingin.
Si Darcy, walang abug-abog na iniyakap ang isang braso sa balikat ni Mike tapos hinalikan ang lalaki sa pisngi.
"Mike, baby. Buti okay ka na talaga. Di kita nakausap nang ayos nung nasa ospital ka eh. Ang tapang kasi ng mother mo," may kaartehang sabi. "Tapos di ka naman gumagawi dito paglabas mo."
Tumikhim si Mike, pati yung foreman.
Dahil iniwas ko ang tingin sa mga kaharap, nagawi ang mata ko sa ilang staff nina Mike sa kabilang table.
Pasimpleng nagtakip ang ilan sa kanilang bibig para itago ang pagngisi.
Tsk! Mga lalaki talaga!
"Oh, teka. Bakit kasama mo ito?"
Kaya napatingin ako kay Darcy.
Ako nga ang tinutukoy n'ya kasi sa akin s'ya nakaturo tapos nakausli ang nguso.
===============
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro