47 Selebrasyon
Inabot ako ng takip-silim sa paglalagi sa tabing-dagat. Doon sa naging paborito kong batuhan malapit sa resort na sakop pa rin ng lupa namin.
Sa totoo lang, ayoko pang umuwi. Mas payapa ang mundo ko rito. Malayu-layo sa mga guests ng resort, at mga ilang kababayan ko na nasa kabilang bahagi kung saan ginawang bukas para sa publiko.
Dito, totoong mag-isa ako. Akma lang. Kapag lumayo ako rito sa batuhan, pareho lang rin naman. Ang pagkakaiba, may mga tao sa paligid ko...pero yung pakiramdam, mag-isa pa rin.
At ang isa ko pang dahilan, nagsabi nung nakaraang araw si Sir Mar na babalik.
Ayoko.
Oo, dumalaw s'ya sa akin. Saglit ko lang pinakiharapan. Hindi kasi tama sa pakiramdam. Kaya paraan ko rin ito para iwasan s'ya.
Natawa ako nang pagak.
Kasi, nagtatago ako sa kanya, tapos si Mike ganun din sa akin.
Ibang klase rin ang ikot ng mundo. Minsan mabait sa iyo, minsan, galit.
Napatingala ako sa langit.
Panginoon, saan po ba ako nagkamali ng desisyon? Naging masama ba akong kapatid kay Ate Racquel? Anak kina Papa at Mama? Sa Inyo?
Agad din akong humingi ng tawad sa Diyos sa tinatakbo ng isip ko. Mali na kwestyunin ko Siya sa nais N'yang mangyari sa akin.
Napatingin ako sa hawak kong cellphone. Lampas kalahati na ang bawas ng baterya. Palagi ko itong hawak.
Nag-aabang.
Baka sakaling mag-text o tumawag si Mike.
At habang ginagawa yun, pilit kong sinusubukang hanapin pa rin si Estrel sa FB. Siguro, naka-block ako. Gaya ni Mike.
Pareho ko silang hindi makita doon.
Nakahiyaan ko namang mag-send ng friend requests sa mga kaibigan ng lalaki para ma-view ko ang laman ng mga profiles nila.
Kahit sa picture lang, makita ko si Mike sana. Hinanap ko nga s'ya sa ilang business magazines sa internet. Wala namang malapit na kuha. Pero pinagtyagaan ko na.
Kahit sino sa kanilang magkakaibigan, mukhang mailap sa mga write ups kahit may kinalaman sa negosyo. Sila yung tipong tahimik na mayaman.
Kumulam ng tyan ko.
Ayoko talagang umuwi pa kaya nagdesisyon akong pumasok sa resort. Hindi ko pa nasusubukang kumain sa restaurant nila. Halos di man ako gumastos sa pagkain sa bahay dahil palaging nagtitira ang mga taga-MonKhAr para sa akin, may mga pagkakataon na sa labas ako kumakain. Naghahanap kasi ako nang makakausap. Para makasagap ng balita.
So far, medyo successful naman ako. Nalaman ko na pinatay raw ang mayor namin dito kaya ang vice ang pumalit. Walang linaw ang kaso. Kasunod ang pagkamatay ng tatay ni Dra. Emily Garcia. Naisip ko kung umuwi ba si William at Gelo sa Pilipinas sa pangyayaring yun. Hinanap ko ang balitang yun sa internet, pero wala. Basta ang nakalagay lang ay namatay sa atake sa puso ang kinamatay ng kongresista. Hindi nga headline.
Ang pinagkaabalahan ko nitong mga nakaraang araw ay ang pagpaplano sa pagpapaayos ng bahay at lupa na para kay Ate Racquel na dating inaangkin ng tiyuhin ko. Lampas tatlong buwan na raw mula nang umalis ang ito roon. Napapailing na lang ako. May nagmagandang-loob na magkuwento sa akin na si Mike raw ang nagpaalis rito halos mag-iisang taon na. Pero binigyan naman ng palugit na makahanap nang malilipatan. Hindi nila alam kung saan na nakatira ang pinsan ni Papa.
Hanggang doon lang ang ikinuwento sa akin.
Balak nga raw yung ipaayos ni Mike, sabi naman ni Allan, nang ungkatin ko. Lamang ay naging abala ito nang mga nakaraang buwan.
Kaya ako na ang mag-aasikaso. Tutal ay pinawalang-bisa ko na ang SPA ni Mike.
Kailangan na talaga naming makapg-usap ng lalaki. Nasa kanya pa rin ang mga passbook at investment certificates na may kinalaman sa properties namin, ayon kay Ralph. Kakailanganin ko ang pera para maipagawa ang bahay ni Ate.
Pakiramdam ko ay nawawalan ako ng saysay rito. Para lang akong tambay sa bayan namin. Naghihintay ng grasya. Paano, nung isang araw na mag-withdraw ako ng pera sa ATM, nadagdagan ang laman nun.
Sabi ni Ralph ay hindi s'ya ang may gawa nun. Kaya nagkaroon ako nang panibagong pag-asa.
May pakialam pa rin si Mike. Kaya nga lang, ayun nga. Hanggang doon lang. Walang tawag kahit text. Di ko mahagilap.
Naiinip ako, sa totoo lang. Naisip ko mag-negosyo, kaya lang wala rin akong alam sa ganun. At kung dito ako magtatayo, ano namang negosyo? At may tatangkilik ba ganyang iniiwasan ako dito?
Naisip kong maghanap ng trabaho, pero saan?
Tumingin na ako sa Jobstreet. Ang pinakamalapit ay sa labas ng bayan namin. At mababa ang offer sa isang katulad kong walang karanasan sa pormal na trabaho.
Isa pa, inaabangan ko nga ang pagpunta ni Mike. Dahilan na gusto ko s'yang puntahan sa Maynila ay di ko magawa. Baka magkasalisi kami.
"Good evening po," magalang na bati nung isang staff sa resort.
Kilala na ako nito. Si Allan ang naging daan para malaman ng mga staff at management ng resort na sa pamilya namin ang lupang kinatatayuan ng resort.
Bumati ako pabalik at pumunta sa resto ng resort.
Sa pandalawahang mesa ako pumuwesto at agad naman akong inestima roon. May dalawang pagkakataon na may mga turistang lalaki ang nagtangkang magpakilala. Wala namang kaso sa akin pero hanggang doon lang. Hindi ko pinaunlakan na ibigay ang cellphone number ko.
Nag-text na ako kay Allan at Foreman na nasa resort ako. Sinabi nga nila na kagagaling lang ni Sir Mar doon pero hindi nagtagal nang sabihin nila na hindi nila alam kung saan ako nagtungo at kung anong oras uuwi.
"Hindi namin binigay ang number mo, Kennie. Wala ka namang abiso," ang sabi ni Allan.
"Okay, salamat."
Naglakad-lakad pa ako sa tabing-dagat pagkatapos. Hanggang may makasalubong akong isang pamilyar na bulto.
"Sabi ko na, naririto ka lang," si Sir Mar.
"Nagpapahangin lang."
Di s'ya umimik. Basta sumabay lang sa akin sa paglalakad. Mabuti na rin yun kesa ang ungkatin n'ya pa na sinasadya ko s'yang iwasan.
Di rin ako nakatiis kaya nagsimula ako ng usapan, "Nakabisita ka na ba sa anak mo nyan bago ka nagpunta rito?"
Napakamot ito sa batok, "Mamaya pa bago ako umuwi."
"Baka magalit yung nanay."
"Nasa trabaho pa yun. Ayokong pumunta sa kanila na wala s'ya dun. Masungit ang lola ng anak ko."
Natawa ako. "Kahit ako, susungitan kita. Di mo pinakasalan ag anak ko eh."
"May iba kasi akong gusto, noon pa."
"E bakit mo sinipingan?"
Nagkibit ito ng balikat, "Wala eh. Na-depress ako. Akala ko, wala ka na talaga."
Nawalan tuloy ako ng kibo.
"Kennie..."
"Hhmm..."
"Yayayain sana kitang lumabas."
"A-ayoko, Mar."
"Si... Mike pa rin ba?"
"Hindi yun ang dahilan ko," paiwas kong sagot. Nabanggit ko sa kanya na hindi pa rin kami nagkakausap. At mukhang mag hinuha na s'ya na galit sa akin ang lalaki kaya hindi nagpapakita. "Mas mainam na ayusin mo muna ang pamilya mo."
"Maayos naman ang set up namin."
"S'yempre, ganun ang sasabihin nung babae. Pride n'ya rin yun kung ipipilit n'yang pakasalan mo s'ya. Peor sigurado ako, umaasa rin yun."
"Ikaw nga ang gusto ko eh."
"Alam mo ang sagot ko d'yan mula pa noon."
"Ikaw, Kennie. Umaasa ka pa rin ba kay Mike?"
Masakit na tanong pero makatotohonan. Kaya matapat akog sumagot.
"Ipinapasa-Diyos ko na lang. Pero, susubukan ko. Si Mike ang palaging lumalaban para sa amin noon. Ako ang nagtulak sa kanya palayo. Panahon naman siguro para ako naman ang sumubok na ilaban yung sa amin."
"Paano kung may malaman ka tungkol sa kanya?"
"Gaya nang...?"
"Basta."
Nagdududang tiningnan ko ito, "Mar... may mga nangyari noong nasa loob ako ng kumbento. Ano ang alam mo na di ko alam."
Umiwas s'ya ng tingin sabay nagkibit ng balikat.
"Ewan ko kasi kung advantage o disadvantage sa akin. Sana maintindihan mo ako."
Tumango ako. Naiintindihan ko s'ya. Mahirap pilitin ang isang tao na may pinoprotektahang interes.
Alam ko yun. Galing ako doon nang mga panahong pinoprotektahan ko si Estrel at 'Nay Mila. Hindi nagawa ni Mike na mapaamin ako.
Ngayon ko nararamdaman ang sitwasyon ni Mike noon.
"Hayaan mo na. Malalaman ko rin yun sa tamang panahon," sabi ko na lang sa kanya.
Nagtagal pa kami doon nang halos kalahating oras. Hinayaan ko s'yang magkuwento tungkol sa nilipatang trabaho na bilang area sales manager nang isang kilalang appliance manufacturer. Sa kanya ko nalaman na nakapag-asawa na si Darcy at sa Aurora na nakatira. Nagkuwento rin s'ya tungkol sa anak. Kita ko na mapagmahal itong ama. Lamang ay iniiwasan n'yang mapag-usapan ang nanay ng bata.
"Nagkita rin pala kayo," sabi ni Foreman pagpasok ko sa gate.
Nakita ito na galing ako sa kotse ni Mar dahil hinatid ako nito pauwi. Sinabihan ko na lang na huwag na bumaba dahil gagabihin sa daan ganyang bibisita pa sa anak.
"Nagbakasakali na nasa resort ako. Ayun," sagot ko lang.
"Tumawag si Mike.Sinabi na tulungan ka naming maglipat ng kuwarto sa dati mong silidsa itaas kung gusto mo."
Sumikdo agad ang puso ko. Lamang, agad ring nanamlay.
Bakit di ako ang direkta n'yang tawagan?
"S-sige. Pwede ba sa Biyernes bago kayo lumuwas sa Maynila?"
"Walang problema. Magpapaiwan ako nang apat na tao sa umaga para iakyat yung kama mo at mga gamit."
Kaya ganun nga ang nangyari. Di naman ako natatakot sa bahay namin kahit malaki. Isa pa, sa second floor din naman yung guestroom na inookupa ni Allan at Foreman. Mag-isa nga lang ako ngayon sa buong bahay dahil Linggo. Bukas pa nang umaga ang balik ng mga taga-MonKhAr.
Kaya lang, para akong lalong nalungkot. Binalot ako ng nostalgia sa loob ng dati kong silid. Noong buhay pa sina Papa, Mama at Ate Racquel.
Kung sana ay naririto si Gelo.
Bigla akong napadilat at agad na tiningnan ang kalerdaryo sa cellphone ko.
Birthday ni Gelo sa isang araw!
Agad akong nagbukas ng FB para hanapin si William doon. Ipapaabot ko ang pagbati sa bata kahit man lang sa pamamagitan ng ama.
Kaso, no search result.
Oo nga pala. Noon pa ako b-in-lock ng lalaki. Kasabay nang pagpapalit nito ng numero.
Hindi bale. Maghahanda ako kahit dito lang sa bahay. Magseselebra kami ng mga taga-MonKhAr bukas, at aalis ako sa mismong araw ng kaarawan ni Gelo.
Bagaman si Allan at Foreman alng ang nakakakilala sa pamangkin ko ngayon dito, natuwa ang mga tauhan nila nang maghanda ako nang espesyal na hapunan. Nahuli ko ang ilan sa kanila na makahulugang nagkatinginan nang sabihin ko kung bakit ako naghanda. Lalo na nung para akong maiiyak nang sabihin ko kung sino si Gelo sa buhay ko. Wala kasi akong mapagsabihan nang nararamdaman ko ngayon.
Tinapik ako ni Allan at Foreman sa balikat.
"Hayaan mo. Maaayos din ang lahat," ang halos magkatulad nilang sabi.
Sana nga, ang pipi kong pagsang-ayon.
Nag-abiso ako na mamamasyal ako kinabukasan at baka gabihin sa pag-uwi. Plano ko kasing pumunta sa mga Garcia. Yun ang hindi ko pinaalam kina Foreman.
Naalala ko ang sinabi noon ni Harold. Ganyang pumasok ako sa kumbento, maaring bumalik na sa Pilipinas si William at Gelo.
O kung hindi man ay pupuntahan si Dra. Emily Garcia. Aalamin ko kung bakit ninais n'ya akong makausap noon. At makikiusap na rin na kung may komunikasyo s'ya sa asawa, ay maari kong mahingi ang numero ng lalaki. Gusto kong mabati si Gelo kahit man lang sa telepono.
Wala akong mapagpipilian sa ngayon. Hindi ko makausap si Mike para makabalita. At miss na miss ko na ang pamangkin ko.
Kaya pag-alis nila, nagpalipas pa muna ako nang isa pang oras bago naghanda naghanda paalis. Papasok pa lang ang sinasakyan kong dyip sa balwarte ng mga Garcia at mga Abellana, naumpisahan na akong kabahan. Parang may nagmamasid sa akin.
Inayos ko ang pagkakaladlad ng buhok para bahagyang maitago ang mukha ko. Nagdesisyon akong dumiretso muna sa malaking mall sa bayan ng mga Garcia. Bibili muna ako nang may kalakihang sun glasses at cap. Gagamitin ko para kahit papaano ay maitago ko ang mukha. Isang paraan upang maiwasan na mabilis akong makilala. May kalahating oras pa bago ang pagbubukas ng mall kaya pasimple akong nagtanong sa mga sidewalk vendors, at inalam kung paano ang pagpunta sa bagong ospital na dapat sana ay MonKhAr noon ang gagawa. Saka ko nadiskubre na hindi natuloy ang paggawa noon. Pundasyon lang raw ang nagawa.
Magtatanong pa sana ako kung nakauwi na ba sa Pilipinas sina William at kung kumusta na ang pamilya Garcia at Abellana nang,
"Kennie?!"
Wala sana akong balak lumingon kaso hinawakan na ako sa balikat nang tumawag sa akin at pinaharap sa kanya.
"M-mar... uhm... ano'ng ginagawa mo rito?" patay-malisya kong tanong.
Hinatak na n'ya ako palayo sa mga taong naghihintay na rin sa pagbubukas nung mall bago,
"Ikaw ang bakit naririto?"
"N-namamasyal lang. Ano kasi... ano..." di ko malaman kung paano ipapaliwanag. Kaya iniba ko ang usapan. "Magche-check ka ba sa outlet at tao n'yo dito?"
"Oo, pero hindi ka dapat nagpunta sa lugar na ito."
"B-bakit? Bawal ba? Hindi naman ako gumagawa nang--"
"Halika. Ihahatid kita pauwi," hila ako nito sa kamay.
"T-teka lang, Mar."
"Kennie, huwag matigas ang ulo. Mas ligtas ka sa lugar n'yo."
Sinamantla n'ya ang pagkabigla ko kaya madali na lang n'ya akong nadala sa kotse n'ya.
"G-gusto ko lang sana makita kahit saglit si Gelo at batiin. Wala naman akong balak na manggulo."
"Tsk! Ngayon nga pala birthday n'ya, ano?"
"O-oo. Mar... bakit? Lampas isang taon na naman. Tsaka ganito ko gusto magselebra."
Napapalatak na naman ito. "Basta. Tara, samahan na lang kita mamasyal."
"Eh..."
"Kennie, hindi ka pupuwede rito. Hindi mo pa rin ba alam?"
"Ang alin?"
Napabuga uli ito nang marahas tapos in-start na ang kotse.
"Mar, ano na? Ano yung dapat kong--"
"Dapat kayong magkausap ni Engr. Montecillo! Tangnang, napepeligro ka sa--- tsk!"
"Sabihin mo na kasi!" nawawalang pasensya at pag-asa ko na ring sabi. Paano ay nagmaneho na s'ya palayo sa mall. Sa direksyong papalabas sa bayan ng mga Garcia. "Walang kumakausap sa akin nang matino at walang sumasagot sa mga tanong ko sa bayan namin, kahit sa loob ng bahay ko!"
Napaiyak na ako sapo ang palad sa mukha.
Pinisil n'ya lang ako sa balikat at tinuloy ang pagmamaneho. Napahagulgol na lang ako. Hinayaan n'ya ako.
Tumigil kami sa tabing dagat sa sumunod na bayan bago ang sa amin. Kalmado na ako pero wala pa rin kaming kibuan. Bagaman si Sir Mar ang nararamdaman kong mas kakampi ko ngayon, ayoko muna s'yang kausapin.
"Kennie... ayokong sa akin manggaling," umpisa n'ya. "Sabihin mo nang naduduwag ako. Oo, aaminin ko yun. Hindi lang dahil maimpluwensya ang mga Montecillo, lalo na ngayon. Hindi lang dahil may anak ako na sinusuportahan. Kasi... Kennie...ayokong bitawan ang pagkakataon ko ngayon sa iyo. Akala ko kasi, wala na. Pero lumabas ka sa kumbento."
Naiiyak ako, kasi napakamakasarili n'ya. Isang kakamping kalaban pa rin. Kasi may alam s'ya at ayaw sabihin sa akin. Batid ko yun dahil inamin na n'ya sa akin nung huli kaming magkita. At heto uli ngayon.
"Kennie, sige. Sasabihin ko sa iyo, hindi lang lahat. Pero may kundisyon ako."
"A-ano?"
"Sabay nating i-selebra ang kaarawan ni Gelo. Pasyal lang tayo tapos nood ng sine."
Napamaang ako sa kanya.
Napakamot ito sa batok, "Oo na. Sinasamantala ko ang sitwasyon. Pero, kasi... kesa mag-isa ka. Tsaka, nag-text na ako sa superior ko na di ako makakapasok na."
Nakunsensya naman ako. Lamang natatabunan ng kuryosidad sa sasabihin n'ya ang di pagkapaniwala na may mga taong katulad n'ya. Yung kahit sa mali o maliit na paraan ay mananamantala nang pangangailangan ng iba.
Naalala ko n naman si Estrel. Magkaiba lang ng sitwasyon ngayon, pero mapanamantala pa rin sa kapwa. Gagawin ang lahat, makuha lang ang gusto.
"Don't worry. Ihahatid kita pauwi bago mag-alas nueve ng gabi. Sa labas na rin tayo maghapunan."
Mariing naglapat ang bagang na pumayag ako. Kaya nag-mall kami. Sa bayang ito na nga lang, hindi kina William.
Wala akong imik sa byahe. Halata namang napipilitan lang ako kaya di na rin nagsalita pa si Sir Mar. Nagpatugtog na lang s'ya para madisimula ang tensyon sa pagitan namin.
Sana maulit muli
Ang mga oras nating nakaraan
Bakit nagkaganito
Naglaho na ba ang pag-ibig mo?
Sana'y maulit muli
Sana bigyan pansin ang himig ko
Kahapon, bukas, ngayon
Tanging wala ng ibang mahal
Nangilid agad ang luha ko nang mapakinggan ang liriko ng awiting yun ni Leah Salonga. Agad akong pumaling sa kanan ko, tinanaw ang dinadaan namin. Baka kasi makita ni Sir Mar. Kaso, di ko na napigilan ang pagtulo nun habang patuloy ang kanta.
Kung ako'y nagkamali minsan
'Di na ba mapagbibigyan
O giliw, dinggin mo ang nais ko
Napasinghot ako, sabay pahid sa pisngi.
Ito ang tanging nais ko
Ang ating kahapon sana maulit muli
Napatingin ako kay Sir Mar dahil pinatay n'ya ang tugtog kahit di pa tapos. Madilim ang mukha nito na bahagyang napapailing pa.
Mabuti na rin ang ginawa n'ya dahil napigil nun ang pagiging emosyonal ko. Yun nga lang, medyo nag-alangan ako sa reaksyon n'ya. Naalala ko ang sinabi ni Ralph.
"You are too trusting, Roqueña. Be careful still. You've been in a situation that you put your trust on someone but got something bad in return."
Kaya sa paglalakad namin sa mall, naglagay ako nang distansya sa amin. Nahalata n'ya yun at di ako nakaimik nang si Sir Mar na mismo ang humawak sa siko ko. Hanggang sa bumili s'ya ng ticket sa sinehan. Pinili n'ya ang isang action movie. Di ko tuloy maiwasang ipagkumpara sila ni Mike. Apat na beses na kaming nanood ng sine noong panahong kakukuha pa lang sa amin kay Gelo, kaya madalas kaming lumabas para ilayo ang isip sa lungkot. At sa apat na pagkakatong yun, titanatanong ni Mike kung ano ang gusto kong panoorin. At yun nga ang papasukin naming sinehan.
Inunawa ko na lang si Sir Mar. Dala marahil nag pag-iyak ko kanina sa kotse, kaya hindi na n'ya ako tinanong. Malamang sa hindi, love story ang pipiliin ko. At tiyak na maiiyak na naman ako.
Hindi ako sanay sa lamig. Lumaki ako na walang aircon sa bahay, at nanatili sa kumbento na electric fan lang ay sapat na. Kaya di ko mainom ang softdrinks ko dahil lalo akong giginawin. Naka kaswal lang akong blusa at pantalong maong. Ayokong ipahalata kay Sir Mar ang nararamdaman. Kay Mike lang ako sanay na inaakbayan o yayakapin ako kapag malamig.
At na-appreciate ko naman ang kasama ko ngayon. Hinubad nito ang suot na manipis na hooded jacket.
"Ito oh," alok n'ya. "Giniginaw ka na yata."
Mahina akong nagpasalamat. Hindi ko muna hinubad kahit makalabas kami sa sinehan.
Hindi ako maluhong tao, lalo pa sa lampas isang taon ko sa kumbento, nasanay ako sa kasimplehan. Dalawang panali sa buhok at isang headband lang ang binili ko. Tinuloy ko ang pagbili ng sun glasses, at isang may kalakihang scarf na pantakip sa ulo. Mas gusto koi to kaysa sa cap. Magagamit ko sa ibang pagkakataon para mapuntahan si Gelo.
Mas nagtagal kami sa pagbili ng gamit para sa anak ni Sir Mar. Ilang laruan at damit ng batang lalaki. Mag-aanim na buwan pa lang ang anak nito.
Wala naming problema sa akin yun. Ang totoo, naaaliw nga ako. Naalala ko ang mga bata sa kumbento, lalo na si Gelo nung baby pa ang pamangkin ko.
Ano kaya ang pakiramdam kung totoong anak ko na ang pinamimili ko?
"Kain na tayo," yaya n'ya.
Tumango ako, at kusang lumabas ang suhestyon sa akin kung saan kakain. Gusto n'yang sa isang restaurant kami kumain pero,
"Paborito ni Gelo ang Jollibee," sabi ko.
Kaya pumayag na s'ya.
Inorder ko ang paborito doon ng pamangkin ko para sa akin. Ginaya ako ni Sir Mar. Si Gelo ang naging usapan namin. Nung baby pa ito hanggang sa mga panahong nasa akin pa s'ya. Pareho naming iniiwasan ang paksa nung panahong dumating si Mike sa buhay naming 'mag-ina' hanggang makuha na ito ni William.
"M-mar..."
"Oh?"
"M-may balita k aba kay Gelo?" di ko na natiis magtanong.
Papunta na kami sa kotse n'ya sa pay parking area ng mall.
Nagkibit-balikat lang s'ya. Di ko tuloy malaman kung oo yun o hindi. Susundan ko pa sana nang pagtatanong pero napalingun-lingon uli ako.
Ayun na naman ang pakiramdam ko na may nagmamasid sa akin, o sa amin.
"Kennie, bakit? Ilang beses na kita napapansin mula kanina."
Para na rin s'yang naalarma. Umikot na rin ang mata sa paligid ng parking.
"Uhm, wala," sabi ko na lang. "Ano, hindi lang kasi ako sanay na maraming tao."
Yun na lang ang naisip kong dahilan. Tutal ay may mga kasabayan kami ngayon na papaalis na rin. Pinagbukas pa ako ng pinto ng kotse ni Mar bago s'ya umikot sa driver's side.
Nagkakabit ako ng seatbelt nang inis itong napabulong, "Anak ng...?!"
Yung maroon na SUV sa side n'ya, inunahan kaming umabante paalis sa parking slot, tapos ay huminto pahalang sa harap ng kotseng sinasakyan namin.
Binuksan ni Sir Mar ang bintana sa side n'ya at sumungaw.
"Hoy, iabante mo yan!" ang pagalit na sigaw. "Hindi kami makaalis dito!"
Hinawakan ko na ito sa balikat para awatin. Bumukas kasi ang pinto ng SUV sa driver's side na nasa kabila. Matangkad yung bumaba dahil kita kong lampas ang ang kalahati ng ulo n'ya sa bubong ng SUV. Hindi ko lang masyadong kita ang mukha dahil sa bandang likod nung lalaki ang ilaw sa parking.
"Mar, tama na. Baka may dalang baril yun—"
Di ko na natapos ang sasabihin. Dumaan na ang sakay niyong lalaki sa harap ng kotse kaya naliwanagan s'ya ng headlight.
Nangatal ang baba ko, kasabay nang panlalaki ng mga mata.
Hindi sa ganitong pagkakataon na gusto kong magkita kami. Na kasama ko pa man din si Sir Mar.
At kahit ang kasama ko, halatang nagulat... o natakot?
Para akong naparalisa kung hindi pa malakas na kinatok ni Mike ang bintana sa side ko.
"Lumabas ka d'yan, Roqueña!" ang galit na sabi.
Lalo akong nanigas.
Yumuko si Mike para sipatin kami nang husto sa loob. Bigla kong binitawan ang balikat ni Sir Mar dahil dumako ang nanliliit na mata doon ni Mike.
"Baba!" ulit n'ya.
Saka ako nakakilos.
"Kennie...?" awat naman ni Sir Mar sa braso ko nung buksan ko ang pinto ng kotse n'ya. "Iiwan mo ako?"
Saka naman nagtalo ang loob ko. Siya ang kasama ko pagpunta rito. Napakawalang-kwenta ko naman kung—
Napaigtad ako nung marahas na bumukas ang pinto ng kotse.
Si Mike na ang nagbukas nun, "And why would she stay in your car, you asshole?" ang sarkastikong balik nito.
"Nagde-date kami!"
Napamata ako kay Sir Mar, "T-teka lang. Hi—"
"Kennie, may usapan tayo," giit ni Sir Mar.
"You're dating, huh?" singit ni Mike sabay mahigpit na hinawakan ako sa braso.
Yung tuwang dapat ay nararamdaman ko ngayon dahil nagkita kami muli ay natabunan nang matinding kaba dahil nang lingunin ko uli si Mike para itanggi ang sinasabi ni Sir Mar ay ang nag-aakusa n'yang mata sumalubong sa akin.
"A-angelo, h-hind—"
"Obvious ba?! Heto nga at pauwi na kami," salo ni Sir Mar.
Akmang dudukwang si Mike para hablutin ang dati kong bisor pero ihinarang ko na ang katawan ko sa pagitan nila. Hirap man dahil nakaupo pa rin ako sa passenger side.
"Angelo... tama na, please. Ayoko ng gulo," naiiyak kong pakiusap.
Halos hindi ko na makita ang mata n'ya sa tinitimping galit. Ilang ulit s'yang huminga nang malalim at nagtagis ang panga.
"Ayaw mo sa gulo, ha, Roqueña? Bakit lumabas ka pa sa kumbento ha?"
"A-angelo, kasi... kasi... gusto ko sanang..." di ko maituloy ang sasabihin.
Naiilang ako na narito si Sir Mar na maririnig ang isang pag-uusap na dapat ay kami lang ni Mike ang makaririnig.
"Ayaw mo sa gulo pero umeentra ka ganyang naghahanda na ng kasal n'ya ang kupal na 'yan!" gigil n'yang duro kay Sir Mar, tapos tiningnan uli ako nang masama.
"Ha?!" gulat na napatingin ako sa dati kong bisor.
Halatang guilty ito. Umilap ang mata.
"M-mar...?"
"Their marriage license was just submitted a day before you came back, Roqueña. And awaiting to be out anytime this week!"
"Hindi ko pakakasalan si Camille ngayong narito na uli si Kennie!" pabulyaw na depensa ni Sir Mar. "Si Kennie pa rinang pipiliin ko!"
Saka ako binalingan ni Mike, "Ano ngayon ang gagawin mo, ha? Naging ugali mo na ba talaga ang sumira ng kasal ha?" sumbat pa n'ya.
Kusang tumulo ang luha ko, "H-hindi ko alam. Saka, hindi naman kami namasyal para--Aay!"
Hinila na ako ni Mike Palabas sa kotse. Muntik pa nga akong madapa dahil natapakan ko ang nalaglag na shopping bag na kanina ay kandong ko lang.
"Putang--" napahinto sa pagmumura at tangkang pagbaba sa kotse n'ya si Sir Mar.
Kasabay na napaiyak na ako sa likod ni Mike.
"Huwag... Angelo, huwag," awat ko.
Kasi may ipinatong itong baril sa hood ng kotseng pinanggalingan ko.
"Subukan mong sumunod, Belmonte," pagbabanta ni Mike. "Tang-ina ka! Nangako ka na ng kasal sa nanay ng anak mo! Magpakalalaki ka!"
Di na nga tuminag sa loob ng kotse n'ya si Sir Mar. Mahigpit lang na kinapitan ang manibela ng sasakyan n'ya. Matalim ang mata na sinundan kami ng tingin nang hatakin na ako ni Mike papasok sa SUV.
Tahimik lang akong naupo sa passenger seat. Wala akong masabi pa.
Natutuliro pa ako.
Nabigla ako sa nalaman tungkol kay Sir Mar. Bagaman dama ko na sinsero s'ya sa sinabing ako pa rin, ayokong maging hadlang na mabuo ang pamilya n'ya. Isa pa, di ko naman s'ya pipiliin.
At ang pinakamatinding dahilan ay ang presensya ni Mike.
Saka ako napatingin sa kanya.
"P-paano mo nalaman na n-narito ako?"
"Does it matter?" patamad n'yang sagot.
Ni hindi inalis ang tingin sa daan habang nagmamaneho.
"Pinasusundan mo pa rin ba ako?"
"Zip it, Roqueña! I'm trying to calm myself because I'm driving."
"Kasalanan ko ba? Wala kang pasabi. Bigla kang--"
"So, gusto mo yung may abiso ko para maitatago mo sa akin ang kalokohan mo? Kaya ka ba lumabas ng kumbento para makipagkita kay Belmonte, ha?!" mataas na boses n'yang sabi.
"Hindi totoo yan! Ikaw ang dahilan kaya ako bumailk!" mariin kong depensa.
"Tss! You think I'll believe you, huh? Sino ba ang ka-date mo ngayong birthday ni Gelo, ha?" ang sarkastiko n'yang balik.
"Nangako s'yang sasabihin ang mga gusto kong malaman. Lahat nang tao sa paligid ko, tikom ang bibig. Hindi naman kita mahagilap. Humingi lang si Sir Mar ng kundisyon na--"
"So kasalanan ko pala, tsk! Tangna, kasalanan ko pala na umalis ka. And suddenly you came back then simply want to know how things are because everything looks right after you left us in a big fucking mess! Tangna. Sorry ha!"
Hindi ako makadepensa sa panunumbat ni Mike. Mahigpit kong kinipkip sa dibdib ang shopping bag ko.
"I-ikaw naman talaga ang dahilan kaya ako lumabas sa k-kumbento," mahina at naiiyak kong sabi.
"Tss!" saglit akong tinapunan ng tingin. "Pinapaalala ko lang sa iyo, Roqueña. Pinamigay mo na ako kahit ilang beses akong nakiusap sa iyo. Nadisgrasya na ako at lahat, pero wala."
Mas kalmado man na s'ya ngayong magsalita, napahikbi pa rin ako sa sinabi n'ya.
"Don't act remorseful now. Do you still remember what I told you the nightI abducted you?"
Tumango ako.
"So what makes you think I'll take you back, huh?"
Di ako sumagot.
"And don't act so surprise because what you answered to me that night before you finally turned your back on me is still echoing in my ears. Na maiintindihan mo kung magagalit ako sa iyo hanggang sa huling hininga ko."
"I' m sorry... I'm sorry talaga. M-mali ako, inaamin ko," ang tanging naisagot ko sa pagitan ng pag-iyak.
"Tss, whatever."
Di na uli s'ya nagsalita hanggang sa huminto kami sa isang foodchain.
"Bibili lang ako nang maiinom. At maghilamos ka sa CR. Ayokong ganyan ang itsura mo pagdating sa bahay."
"H-hindi na. Didiretso na lang ako sa kuwarto ko."
"Marami pa tayong pag-uusapan."
Napabuntung-hininga ako nang malalim.
"Huwag matigas ang ulo, Roqueña. Ayokong makita ka ni Gelo na ganyan."
Dahan-dahan akong napatingin sa kanya.
=====================
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro