42 Yabag
Kennie's POV
"Masama ang loob ko sa iyo, Kennie," malumanay na sabi ni Tita Dolly. "Pero hindi ako galit. Gaya ni Michael, hindi ako naniniwala na hindi mo na mahal ang anak ko. Alam ko na may mabigat kang dahilan para umatras sa kasal n'yo."
Nagpakayuku-yuko ako, pigil ang luha.
Narito kami ngayon sa emergency room, naghihintay ng kumpirmasyon na mailipat si Mike sa ospital na malapit sa bahay ng pamilya Montecillo.
Dinala kasi namin s'ya sa pinakamalapit na ospital mula sa kumbento. Hindi namin kayang gamutin ang sugat n'ya sa noon a patuloy sa pagdugo. Yun rin kasi ang dating tahi n'ya nang masunog ang Enrico Apartelle.
Isa pa, kahit walang-malay ay nangangaligkig na s'ya sa ginaw. Hindi namin alam kung gaano na s'ya katagal na nababad sa ulanan nang makita ko mula sa bintana ng silid ko.
Oo, kita mula roon ang harap ng kumbento kaya alam ko na gabi-gabi doon si Mike. Gabi-gabi ko ring tahimik na iniiyakan ang desisyon ko habang tinatanaw s'ya.
Ako na rin ang naglakas loob na tumawag kay Tita Dolly para ipaalam ang nangyari sa anak nila. Bumalik pa nga ako sa parking sa simbahan dahil wala kay Mike ang cellphone at susi ng kotse n'ya. At tama ako. Naiwan sa kotse n'ya yun na hindi rin naka-lock ang pinto.
Sina Sister Linda na sana ang maghihintay kina Tita Dolly pero ibinilin ng ina ni Mike na hintayin ko sila. Nais nila akong makausap. Ayoko man, sa palagay ko ay tama lang na sa kanila ko ipaunawa na sabihan si Mike na tumigil na.
"Kung mahal mo si Gelo, ganun din kami... ganun din ni Michael. Kaya sana, hindi ka nagpadalus-dalos sa ginagawa mo ngayon. Sana sinabi mo kay Michael ang nasasaloob mo para pareho n'yong harapin ang problema. Ginagawa lahat ng anak ko ang lahat para mabawi ang bata dahil yun ang magpapaligaya sa iyo, sa inyong tatlo," napahikbi ang babae. "Nakuha ni Michael ang ugali ko, Kennie. Mabait lang ako sa taong gusto ko. At isa ka na dun. Kaya ayokong mapalitan ang gaan ng loob ko sa iyo ng galit. Ayokong matulad ka sa mga manugang ko sa mga kuya ni Michael na malayo ang loob ko. Masakit sa akin na makitang nagkakaganyan ang anak ko."
Hinaplos nito ang paa ni Mike na may benda. Tulog ito gawa ng ilang gamot pati anaesthesia dahil tinahi ang sugat sa gilid ng ulo. Ganun na rin siguro dahil mataas na ang lagnat nito.
Kanina, dinagdag ng doctor, may sprain ito sa paa. At nang ipa-x-ray ay sinabing may dati na itong crack sa buto doon.
Si Tita Dolly ang nag-abiso na mayroon nga gawa na naaksidente ang lalaki sakay nang dating kotse ilang taon na ang nakakaraan.
Hindi pa rin ako nagsasalita. Umiiyak na rin ako gaya n'ya.
May sasabihin pa sana s'ya sa mga hinanakit sa akin nang lumapit ang nurse para sabihing maililipat na si Mike at isasakay na sa ambulansya.
"Kennie, iha..." malumanay na tawag ni Tito Pab.
"Po?"
"Mas mapapabilis ang paggaling n'ya kung ikaw ang magbabantay sa kanya."
Mariin kong nakuyom ang mga palad sa kandungan. Nagtatalo ang kalooban ko.
Napakunot-noo ako nang malapit na sa numero ng kuwartong sinabi ni 'Nay Mila kung saan s'ya naka-confine. Hindi ang kuya ni Estrel ang nakita kong naroroon kundi si Harold gayong ilang buwan pa lang ang nakakalipas mula nang bumalik s'ya sa Middle East para sa bagong kontrata.. Nakaupo ito sa isa mga upuang malapit sa regular private rooms. Halatang puno ito nang lungkot at panlulumo.
Inilibot ko ang mata sa paligid. Wala si Estrel. Lalo akong sinaklot ng takot.
Malala ba talaga si 'Nay Mila?
"H-harold..." tawag ko sa kanya.
Hinubad ko ang suot na sunglasses na Christmas gift ni Mike, at baseball cap na binili ko noong bago mag-Pasko.
Nag-angat s'ya ng ulo mula sa pagkakayuko, sapo ang noo. Galing sa pag-iyak.
Kinakabahan akong lumapit, "B-bakit narito ka?"
"Ikaw... bakit ka narito?" balik-tanong n'ya.
"Uhm... si 'Nay Mila. Dadalawin ko. S-si...Estrel ba? Ayos na ba kayo?"
Mapait s'yang ngumiti, "Kaya nga naririto ako sa labas. A-ayaw n'ya akong kausap. H-hindi ako ang kailangan n'ya."
Mariin akong napakagat sa labi.
Mabuti na rin na hindi ko sinabi kay Mike na pupunta ako rito. Maliban sa hindi pa rin pala tapos si Estrel sa kahibangan n'ya, ay naririto si Harold.Hindi ko alam kung ano ang mangyayari ganyang halatang mahal na mahal pa rin ng lalaki ang kaibigan ko.
Ayan nga at iniwan ang trabaho sa abroad.
"Uhm, s-sige. Papasok muna ako para makumusta si 'Nay Mila," paalam ko saka tumayo na.
Kumunot ang noo n'ya, "Si Nanay?"
Ganun na ang tawag n'ya sa ina ni Estrel.
"Oo. B-bakit? Malala na ba talaga? Mukhang maayos naman s'ya nung m-makausap ko sa phone."
"Tinawagan ka?"
Tumango ako.
Nagbaba ito ng tingin sabay humugot ng hininga, "S-sige. Sasama ako. B-baka sakaling makinig na si Estrel k-kapag ... kapag dalawa na tayong kumausap sa kanya."
Nilingon ko si Harold, "Kailangan bang operahan si 'Nay Mila at ayaw pumayag ni Estrel?"
"Ganun ba ang sinabi sa iyo?"
Umiling ako. "Uhm, hindi. Ano, pinapupunta ako ni 'Nay Mila. Gusto n'ya raw ako makausap ng personal. Medyo naalarma ako kasi sabi n'ya nga di sya makaalis ng ospital. Uhm, kaya ganun ang naiisip ko ngayon. B-bakit, hindi ba?"
Tumikhim lang ito at tila may pagsuko sa mukhang napailing.
"H-halika. Punta na tayo," sa halip ay sagot.
Kinabahan na talaga ako.
Kaba na napalitan nang malaking pagtataka dahil pagpasok namin sa kuwarto na hindi naka-lock, si 'Nay Mila, nagtitimpla ng kape sa lamesitang katabi ng hospital bed.
May nakahiga roong iba. Hindi ko kaagad nakilala dahil sobrang payat at may oxygen mask pa.
"K-kennie... a-anak..." gumaralgal agad ang boses ng matanda."A-ang kaibigan mo."
Napabuka ang bibig ko. Hindi ako makapaniwala kaya lumapit agad ako sa kama.
Si Estrel nga. Nangilid ang luha ko.
"'N-nay...ano'ng nangyari?"
Tahimik na umiyak ang matanda. Napaluha na rin ako. Kasi iisiping bangkay na si Estrel sa pagkakatulog n'ya. Halos di makita ang paggalaw ng dibdib sa paghinga.
"A-ano raw po ang sakit n'ya?"
Umiling lang ito.
"Wala?"
Umiling lang uli.
"Eh... bakit s'ya naririto? At...at bakit g-ganyan ang kundisyon n'ya?"
"Sa puso," si Harold ang sumagot.
Nilingon ko ito. Namumula rin ang mata sa pagpigil ng iyak.
"S-sa puso? Kailangan ba n'ya ng pampaopera? Tutulong ako."
"H-hindi operasyon ang kailangan n'ya anak," sagot ni 'Nay Mila sa pagitan ng pag-iyak.
"Eh...ano po? Ano raw po ang gamot?"
"Ikaw... ikaw ang makakatulong sa k-kaibigan mo, Kennie."
"P-po? Bakit ako?"
"K-kennie, anak..."
"T-teka, 'Nay," napaatras ako dahil akala ko ay matutumba ang matanda.
Pero napatda ako nang lumuhod s'ya sa harap ko, hawak ang kamay at hinahalikan.
"'Nay... teka..'Nay," napaiyak na talaga ako. "Hindi n'yo naman po kailangang gawin 'yan. Tutulong po ako sa abot nang makakaya ko."
Pero hindi s'ya tumayo. Basta umiiyak ito. Nabasa na nga ng luha n'ya ang kamay ko.
"'Nay naman. Tumayo kayo d'yan," pilit ko s'yang inaalalayan pero ayaw n'ya.
"Kaya mo ba talagang i-ibigay, Kennie?" sambot ni Harold.
Napatingin ako rito. Umiiyak na rin ito nang tahimik. Diretsong nakatingin sa akin.
"O-oo naman. Kahit hindi n'yo na bayaran. 'Nay, tumayo ka na d'yan," hila ko uli.
"Hindi pera ang kailangan ng anak ko, Roqueña," sa wakas ay nagsalita uli ito.
Wala sa loob na napahawak ako sa puso ko.
"H-heart donor b-ba?"
Panginoon ko! Iisa lang ang puso ko! Paano na si Gelo at si M--
"Si Mike. Si Mike ang kailangan ni Estrel, a-anak," napahagulgol na ang matanda.
Napatda ako. Gustong tumili ng utak ko sa pagtanggi.
"'Nay..." nanginig ang boses ko. "H-hindi pwede."
"Kaya mo ba'ng mamatay si Estrel, Kennie?" tanong uli ni Harold. "A-ako kasi... hindi ko kaya. K-kung magiging masaya s'ya kay... s-sa iba. K-kung yun lang ang paraan para ganahan uli s'yang mabuhay,ibibigay ko na kay Estrel ang k-kalayaang gusto n'ya."
"P-pero...ako ang mahal ni Mike, Harold. At mahal ko rin s'ya. M-magkaiba yun."
"Kaya nga, anak... kaya nga nagmamakaawa na ako. Para sa kaibigan mo," sumisinok na si 'Nay Mila. "Mula nang umalis kayong dalawa, tumamlay na si Estrel. Kalat ang balita na sa pagbabalik n'yo ay kasal na kayo. Hindi na 'sya kumain."
Nasimulan ko ring mag-alala dahil namumula na rin ang mukha nito. May alta-presyon ang matanda. Baka ma-stroke ito at mauna pa kay Estrel.
"...Huwag ka sanang maghihinanakit sa akin, Kennie. Ina lang ako.Ina na nagmamahal sa kaisa-isang nak na babae."
"'N-nay..." para nang may nakabara sa lalamunan ko. Nahihirapan akong huminga sa pagpipigil na mapahiyaw at di mapaiyak. "Ngayong malayo na sa akin si.. si G-gelo...kay Mike na umiikot ang mundo ko."
"Si Mike na ang nagingbuhay ni Estrel, anak. Kung magpapakasal kayo, para mo na ring tinaggalan ng hangin ang kaibigan mo. Kennie..." humalik muli s'ya sa kamay ko. "Nagmamakaawa ako sa iyo. Para kay Estrel."
Napahagulgol s'ya, gayun na rin ako.
"Kennie..."
Tiningnan ko uli si Harold.
"Hinihika ka na."
Saka lang ako binitawan ni 'Nay Mila dahil kailangan kong kunin ang inhaler sa bag ko. Tinulungan s'ya ni Harold tumayo at inalalayang maupo sa higaan ng bantay.
Tahimik lang kami habang hinihintay ang pag-epekto ng Ventolin sa sistema ko.
Nahahapo akong napaupo sa monobloc chair sa tabi ng kama ni Estrel. Pinagmamamasdan ko sila.
Hinihimas ni Harold ang likod ni 'Nay Mila para patahanin at pakalmahin ang matanda. At pasimpleng pinupunasan ang sariling luha.
Nakakapanghinayang.
Magkasundo ang dalawa. Boto ang matanda rito para kay Estrel. Lamang, ang kaibigan ko ang may problema.
Problema na damay kami ni Mike.
Nang lumuwag na ang pakiramdam ko, "Uhm, aalis na po ako, 'Nay. Pakisabi kay Estrel, dumalaw ako."
"K-kennie... anak..."
Hindi na ako lumingon. Basta dire-diretso lang ako palabas.
Patawarin ako ng langit. Pero sa tanang-buhay ko, ngayon lang ako magdadamot.
Dumaan muna ako sa public toilet para maghilamos.Paglabas ko roon at mapadaan sa lobby, may ilang nakatingin sa akin.
Tingin na may rekognisyon kaya isinuot ko uli ang sunglasses at baseball cap na gamit ko kanina pagpasok dito.
Hindi ko hinubad ang sunglasses kahit nasa kotse na ako. Mahahalata ng driver na si Kuya Oscar na galing ako s pag-iyak.
"Ma'm, okay lang po kayo?"
Ayan na nga at nagtanong. Di ko kasi napigilan ang pagsinghot.
"Uh, oo. Ano, medyo hinika kasi ako sa loob," inangat ko ang inhaler ko."Ano, Kuya, 'wag mo na lang babanggitin kay Mike na dito ako nagpa-check up hinika pa ako. Mag-aalala pa yun ganyang nasa Iloilo s'ya, okay lang po?"
Napakamot ito sa ulo, "Eh, sige, Ma'm."
Kaso, hindi pa rin mawala sa isip ko ang itsura ni Estrel. Tapos si 'Nay Mila.
At naaawa ako kay Harold.
Lalo akong nakunsens'ya dahil ang akala ko na kukulitin nila ako ay hindi nangyari.
Walang text o tawag akong natanggap mula kay 'Nay Mila o kay Harold na maaring hingin ang numero ko sa matanda.
Pilit kongmang itinatago kay Mike ang bumabagabag sa akin, alam kong nahahalata n'ya. Di lang ako ako masyadong tinatanong.
Pangalawang araw na mula nang manggaling ako sa patagong pagpunta sa Bataan, hinanap ko sa internet ang number sa ospitaa at tinawagan gamit ang landline nina Mike sa kuwarto ko. Nagpakonekta ako sa nurses station sa fourth floor kung nasaan ang kuwarto ni Estrel.
Hinintay ko lang makaalis si Mike papunta sa trabaho. Huling araw ng opisina sa taong iyon.
"Uhm, kaibigan ako nung nasa room 405," umpisa ko. "Itatanong ko lang sana kung kumusta na yung pasyente."
"Naku, eh, hindi kami maaring magsabi. Confidential po ang records ng mga pasyente," sagot ng nurse.
"Uhm, hindi ko namaninaalam yun. Ano kasi, galing pa ako sa ano... sa T-tarlac. Baka discharge na s'ya kapag dumalaw ako bukas," pagdadahilan ko.
"Ah.. ganun ba? Ano kasi, andito pa yung pasyente. Actually, dalawa na sila."
"Ha? S-si 'Nay Mila? Milagros --""
"Oo,yung nanay. Tumaas ang presyon kahapon. Hindi pa rin stable hanggang ngayon. Mas maganda nga kung dadalaw ka o mga kaibigan n'yo, miss. Yung nobyo lang ng kaibigan n'yo ang nag-aasikaso. Papauwi na rin daw yung panganay na-- Teka, miss, eto yung nobyo, kausapin mo."
"Ha? Ah eh..."
"Hello?"
"Uhm..."
Nabosesan ako nito. Nanginig agad ang boses ni Harold.
"K-kennie...maawa ka naman!"
Napahikbi na ako.
"Hindi lang kay E-estrel... pati na si Nanay," umiiyak na si Harold. "K-kausapin natin si Engr. Montecillo.O kahit ako na ang makiusap sa kanya. B-basta lumayo ka na lang."
Hikbi ang naging sagot ko.
"I-isa pa...u-usap-usapan dito ... kaya dinala si Gelo ng tatay n'ya sa ibang bansa, nalaman n'ya na magpapakasal pa rin kayo. A-alam n'ya na babawiin n'yo pa rin ang bata. Kung...kung lalayo ka, maaring bumalik sila dito. Walang bisa sa ibang bansa ang lisensya ni Dr. Garcia."
Napasinghap ako, "Saan mo nakuha ang b-balitang 'yan?"
"Nurse ang pinsan ko sa bayan nila. Sa mismong ospital k-kung saan nagtatrabaho ang mag-asawang Garcia dati. Naka-leave lang ang tatay ng pamangkin mo. Pero... pero nagpa-plano na magtrabaho doon kahit hindi doktor."
"G-gelo..." mahina kong nasabi.
"K-kennie, please. Kung anu-anong sakit na ang kumakapit kay Estrel. Hindi na kakayanin pa ng katawan n'ya. At kapag ... kapag nangyari yun, ano sa palagay mo ang mangyayari kay Nanay?"
Iyak lang ako nang iyak.
"K-kennie...?"
Huminga ako nang malalim. Ilang ulit.
"S-sabihin mo k-kay Estrel...m-magpagaling na s'ya. M-magpataba s'ya ul--"
Di ko na natapos ang sasabihin ko. Napahagulgol na ako.
Kumurap-kurap ako para labanan ang pag-akyat ng init sa mga mata ko.
Mahiwaga talaga ang pagkakagawa ng Diyos sa tao. Kasi, gabi-gabi akong umiiyak pero hindi pa rin maubus-ubos ang luha ko.
Kung hindi lang mortal na kasalanan sa langit ang kitlin ang sariling buhay, baka ginawa ko na. Isa sa dahilan na di ko matanggap na gagawin ni Estrel.
"Kennie, iha?" malumanay na untag ni Tito Pab at Tita Dolly.
Nakatayo na ang mag-asawa dahil inaayos na ang strap sa kama at katawan ni Mike para ilipat sa ambulansya.
Umiling akong nakayuko pa rin.
"W-wala na pong dahilan p-para magpakasal kami, T-tito... T-tita. N-nasa tunay na magulang na n'ya si Gelo."
"Hindi ba't kasama nga iyan sa plano n'yo kapag kasal na kayo?" Si Tita Dolly. "Ang bawiin ang bata?"
"A-ayokong matali s-si Mike sa i-isang panghabambuhay na pagsasamang i-isa Iang ang... ang..." naitakip ko ang isang palad sa bibig.
Napahagulgol kasi ako. Ganyang alam ko na kasinungalingan ang kasunod na lalabas sa bibig ko.
"Siguraduhin mo ang mga sinasabi at magiging pasya mo, Roqueña," seryosong sabi ni Tito Pab. "Dahil kami nang mga magulang ang sumusundo sa iyo. Kapag hindi ka sasama sa amin, kami na ni Dolores ang magbabawal kay Michael na habulin ka pa."
Sa pagkakataon yun, ramdam ko na ang hinanakit sa akin ng mag-asawa. Di ko na napigilan ang paghikbi. Halos bumaon ang kuko ko sa sariling palad.
Naglakas-loob akong humingi ng pabor, "M-maari po bang iwan n'yo kami saglit ni M-mike?"
Nagpalitan ng tingin sina Tito Pab at Tita Dolly.
Nabanaag ko ang lungkot sa ma mata nila sa kabila nang pagpayag. Alam nila kung bakit ko yun sinabi. Ang babaeng Montecillo pa nga ang naghawi pasara ng kurtinang dibisyon ng mga kama sa emergency room.
At naunawaan rin yun ni Sister Linda at dalawa pang taong simbahan na kasama naming nagtakbo kay Mike dito sa ospital.
Narinig ko pa na pinigilan nila ang mga medic lumapit.
Nang sa palagay ko ay sapat na ang pagkabribado naming dalawa, saka ko nilapitan si Mike. Pinagmasdan ang mukha n'ya.
May tumulo uling luha sa mata ko.
Medyo nahumpak ang pisngi n'ya. Nanlalalim ang mata sa kakulangan malamang sa tulog. At kahit walang itong malay ngayon, halatang aburido.
Yumuko ako at hinalikan s'ya sa noo.
"A-ayoko sana, Angelo. K-kung nahihirapan ka, g-ganun din ako. Ngayon lang ako nakaranas magmahal... kaya lang... kaya lang..."
Naimpit ko ang pag-iyak. May tumulong mga luha ko sa pisngi n'ya.
Buong pagsuyo ko yung pinalis. Kinabisa sa palad ko ang hulma ng mukha n'ya gaya nang pagkabisa ng mata at puso ko sa hitsura n'ya.
May tumulo uling luha ko sa nakasara n'yang talukap. Pinunasan ko uli habang patuloy na nakatunghay sa kanya.
"...M-may buhay na nakasalalay.... mga b-buhay na maaaring m-maisalba. At p-para na rin sa iyo. P-para matupad mo ang isang pinky promise sa m-madaling paraan."
Di ko napigilan, niyakap ko s'ya at saglit na sumandig sa dibdib n'ya. Doon saglit akong umiyak.
Hahanap-hanapin ko ito. Ang yakap n'ya. Ang dibdib n'yang sandigan ko kapag pinaghihinaan ako ng loob. Nang iiyakan, mapagsusumbungan.
"S-sana naririnig mo ako, dahil wala a-akong lakas ng loob na sabihin sa iyo ito nang gising ka."
Ilang ulit akong huminga nang malalaim. Para kasi akong hihikain.
"Mahal na mahal kita," bulong ko. "I-ikaw lang. Wala nang k-kasunod."
Napasigok ako.
"Huling hiling ko lang... ibalik mo sa bahay ng mga Dayrit si Gelo, Mike. I-ikaw ang may kakayahang tuparin ang pangako ko kay Ate Racquel. At... at ito na ang pinakamaitutulong ko. Para h-hindi ka na m-mahirapan. S-sana, bigyan mo nang pagkakataon ang kaibigan ko. Pagkakataong mabuhay, sila ni 'Nay Mila."
At sa huling pagkakataon, dinampian ko s'ya ng halik sa labi. at muling ibinulong, "Mahal kita."
Saka ko pilit inayos ang sarili bago hawiin uli pabukas ang kurtina.
Tumikhim si Tito Pab, "Do you understand what I said earlier, Kennie? I'm giving you the last chance."
Sa pagkakataong ito, tiningnan ko na silang mag-asawa sa mga mata. Malungkot akong tumango.
"Nauunawaan ko po. M-maraming salamat po sa lahat at pasens'ya na po sa abala."
Tatalikod na sana ako nang pigilan ako ni Tita Dolly sa braso, "Paano ang mga ari-arian mo? Ayokong si Michael pa ang mag-aasikaso noon. Maalala ka lang n'ya. Maawa ka sa anak ko."
Napayuko ako, "Kay Gelo po ang lahat nang iyon. Kakausapin ko po si Atty. Marquez para humingi ng legal advice na hindi maaabala ang anak n'yo. Huwag po kayong mag-alala. Pasens'ya na po uli."
Yumukod ako sa kanila bilang paggalang bago tuluyang tumalikod papunta kina Sister Linda.
Ayokong lumingon kahit gustung-gusto ko. Lalo at narinig ko ang impit na paghikbi ni Tita Dolly.
Alam ko, sinaktan ko rin ang babae. Dahil minahal na ako nito bilang mamanugangin n'ya.
Tumila na naman ang ulan kaya nilakad lang namin pabalik sa kumbento. Tahimik kaming lahat maliban sa tunog nang pagsinghot ko at masinsing paghikbi.
"Roqueña," si Sister Linda.
Paglingon ko ay may inabot siya aking maliit na bimpo at ang inhaler ko. Saka ko naalala, naiwan ko sa ospital ang tuwalyang pinamunas ko kay Mike.
Hayaan mo na, Kennie. Maliit na bagay yun kumpara sa sakit na dinulot mo sa kanya... sa kanila ... sa sarili mo.
Nang gabing yun, kinausap ako ni Sister Linda at Father Laurel. Iisa ang mensahe.
"Kahit itanggi mo sa lahat maging sa sarili mo, alam ng Panginoon ang laman ng puso mo, Roqueña. Hindi lang ikaw ang bumaling sa pagmamadre dahil sa sugatang puso. Maglimi ka at kilalanin ang sarili. Walang pipigil sa iyo kung nais mong manatili rito o sa tabi ni Mike. Mananatiling bukas ang pinto ng simbahan sa kung ano ang magiging desisyon mo sa mga darating na araw. Ang kalayaang magpasya ang pinakamagandang biyaya ng Diyos sa atin na kahit Siya ay hahayaan ka kung saan mo gusto, anak."
Buong magdamag akong umiiyak. Kinabukasan, hindi na muna ako pinalabas dahil hinihika ako. At nang umigi na ang pakiramdam ko nang sumunod na araw, nagpunta ako sa opisina ni Father Laurel para makitawag.
"Alright, I will draft a document stating that the SPA you granted to Mike is invalid," si Atty. Marquez. "Pati na rin ang pagsasalin sa pangalan ng mga ari-arian n'yo sa pangalan ni Gelo pagdating n'ya sa edad na beinte uno."
"S-salamat."
"So, who will look after your properties? Pati ang kikitain sa upa sa bahay at sa resort?"
"Uhm...h-hindi ko alam eh," matapat kong sabi. "M-may mairerekomenda ka bang mapagkakatiwalaan, Attorney?"
"My lawfirm can look after it, but of course, there's a fee."
"A-ayos lang. Magkano po ba?"
Narinig ko ang pagtawa n'ya, "Huwag mo na akong pino-po. You're making me feel old. and Ralph will do."
"A-ah.. eh... sorry. Uhm, so ano nga... paano ba yun, R-ralph?"
"Twenty-five percent of the total earnings of your properties per month, is it fine with you?"
"S-sige. Ang importante, m-may mababalikan si Gelo pagdating ng panahon."
Narinig ko ang paghinga nito nang malalim, "Kennie?"
"Oh?"
"Are you sure about what you're saying? About what you want to happen?"
Di ako nakakibo agad. Siguro ay naramdaman n'ya na personal masyado sa akin ang tanong n'ya, s'ya na rin ang nag-iba ng usapan.
"Anyway," tumikhim ito. "You have to be here to sign the documents once they're done."
"Kailan ba?"
"Give me until next week."
"Sige."
Pero, hindi ako nakarating sa opisina n'ya. Nawaglit sa isip ko, tapos wala rin akong tawag na natanggap muli kay Ralph.
Binuhos ko kasi ang atensyon ko sa maraming gawain sa kumbento. May mga bagong bata na dumating. Isa pa, may mga activities na kailangang puntahan sa labas.
Sinadya kong pagurin ang sarili dahil ayokong mag-isip pagdating ng gabi. Kaya lang, hindi ko minsan mapigilan ang sarili na bago matulog ay ilang minuto akong sisilip sa bintana mula sa ikatlong palapag ng kumbento.
Wala na roon ang nakagawian ko nang tanawin.
Ang kotse ni Mike.
Siguro nga, tagong parte ng puso ko, umaasam pa rin ako na babalik s'ya. Palagi ko na lang pinapaalalahanan ang sarili na tigilan ko na. Na nagdesisyon ako. Na dapat ay asahan ko na ang ganito. Tutal ay ako ang lumayo. At ang mga magulang na mismo ni Mike ang nagsalita na puno ng hinanakit sa akin.
Hindi ko lang kasi maiwasan. Nakasanayan ko na kasi. Na maging masaya na makita lang s'ya, kahit ang silhuweta lang niyang palakad-lakad sa paligid ng simbahan o tapat ng kumbento.
Pabayaan mo na s'ya, Roqueña.
Hindi tamang itali mo s'ya sa iyo ganyang sinaktan mo na s'ya at sinabing mas nais mong mag-madre. Bigyan mo s'ya nang pagkakataon na lumigaya sa ibang paraan... sa piling ng iba.
Bigyan mo nang hustisya ang kapalit na sakit sa ginawa mo.
Bigyan mo nang pagkakataon ang kaibigan mo at si 'Nay Mila... dahil yun naman talaga ang layunin mo kaya ka tumalikod sa kasal n'yo.
Malay mo... si Mike at Estrel talaga.
Marahan kong hinawi pasara ang kurtina sabay hingang malalim.
Kumusta na kaya si Gelo?
Si Estrel?
Si 'Nay Mila?
Si... si Michael Angelo Montecillo?
Tumingin ako sa kalendaryong nakasabit sa ulunan ng kama ko.
Ganito pa rin ako. Magtatatlong buwan na.
Sana... sana kung hindi man sila kasing-saya gaya nang inaasam ko, at least di kagaya nang nararamdaman ko.
Dinaramdam ang lungkot sa gabi na pilit kong itinago kapag umaga. Nagmamaskara nang tipid na ngiti sa harap ng mga bata, in-house volunteers, mga madre at kapwa ko 'aspirant'.
Sabi nga nila, pumayat daw ako.
Ang hirap kasing kumain nang magana. Minsan nga ay pinipilit ko na lang. Na-trauma ako sa sinapit ni Ate Racquel na nagpatalo sa depresyon.
Kinuha ko ang rosaryo sa mesitang katabi nang higaan ko.
Tahimik akong lumuhod at nagdasal. Pagdarasal na gabi-gabing may kakambal na luha. Pigil na pigil ko ang mapahikbi. Dalawa kaming 'aspirant' na umuokupa sa silid na ito. Kanina pa tulog si Sister Mona.
Pagkatapos kong magdasal, inut-inot akong tumayo. Saglit akong naupo sa gilid ng kama at tiningnan ang oras.
Napangiti ako nang malungkot. Pasado alas-dose na nang hating-gabi.
Alam kaya n'ya?
Di ko maiwasang itanong sa isip.
Humudyat na ang pagtuntong ko sa edad na beinte-dos.
"Maligayang kaarawan, Roqueña," pabulong kong bati sa sarili bago nahiga.
Nagkaroon kami nang simpleng handa kinaumagahan. Siyempre, para yun sa mga bata talaga.
Pagkatapos mananghalian, nagpalit ako nang bagong labang jumper dress na karaniwang suot naming mga 'aspirant'.
Ngayon ang hiniling kong araw ng pahinga. Gusto kong makakita ng dagat. Gusto kong maalala sina Papa at Mama.
Ang isipin na di ko man natupad ang pangako tungkol kay Gelo ay nasa proseso ako ngayon na ituloy ang dati naming pangarap na makapag-madre ako.
Isa pa, ilang linggo na lang kasi, magpapasa na ako ng sulat kina Sister Linda para sa intensyon kong maging postulant. Magpapalit uli ako 'uniform'.
May dala akong sapat lamang na pamasahe papunta sa Pasay. Nagbaon na lang ako ng pagkain.
Nalibang ako sa paglalakad-lakad sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Minsan ay nauupo ako sa gilid para tanawin ang dagat. May ilang kalalakihan nagtangkang magpakilala pero agad na lumayo nang makitang may hawak akong rosaryo o kaya naman ay kapag nagpakilala akong Sister Kennie.
Medyo lumayo ako sa Mall of Asia. Ayokong matanaw ang mga ganitong lugar.
Naalala ko s'ya. Lalo akong nalulungkot.
Kaya napadpad ako sa bandang PICC. Dumistansya rin ako sa Star City dahil si Gelo naman ang naalala ko nung magpunta kami dati sa Enchanted Kingdom kasama si Tita Dolly.
Sa may malapit sa breakwater ako pumuwesto para hintayin ang paglubog ng araw. Nang magsimulang lumatag ang dilim, lumipat ako sa isang malapit na poste para magbasa ng Bibliya.
Nawala sa isip ko ang oras. Kung hindi pa may lumapit na batang marungis at kalabitin ako,
"'Te, pengeng lima."
"Uhm... wala akong ekstrang pera. Pero," kinuha ko ang natitira kong tinapay sa bag. "Ito na lang."
Sumimangot ang bata.
Napangiti ako, "Mas mabubusog ka rito kesa sa mabibili nang limang piso. Saktong pamasahe lang talaga ang meron ako eh. Malayo pa ang uuwian ko. Sige na, kunin mo na. Pati itong tubig ko."
Inabot ko na rin ang bottled water na bawas nang kalahati. Kinuha naman n'ya yun.
Napabuntung-hininga na lang ako na basta ito tumakbo palayo na hindi nagpapasalamat.
Tumayo na ako at pinagpag ang pang-upo.
Wala akong suot na relo pero tantiya ko ay lampas alas-otso na.
Malamang ay nag-aalala na sina Sister Linda kaya nagmamadali akong naglakad.
Namrublema ako dahil di ko kabisado ang lugar lalo na at latag na ang dilim. Malayu-layo pa ang sakayan, sa pagkakaalala ko.
Tinawid ko ang di mataong parking lot sa PICC para hindi na ako umikot. Kakain kasi ng oras papunta sa dinadaanan nung mga bus sa EDSA extension.
Dun ako sasakya padiretso sa Quezon City.
Saglit akong natigilan.
May lalaking nakasunod sa akin. Sa isang mabilis na paglingon, nakita ko na matangkad ito. Mukha namang maayos manamit base sa silhuweta n'ya.
Medyo madilim kasi dahil natatakpan nang mayayabong na puno ang liwanag na galing sa mga hilera ng poste doon.
Binilisan ko ang paghakbang. Kinipit ang telang shoulder bag sa kilikili ko.
Panginoon ko!
Narinig ko na na bumilis rin ang mga yabag nang sumusunod sa akin.
Diyos ko, huwag naman po! Ilayo N'yo po ako sa kapahamakan!
Ang pipi kong panalangin sa kabila nang kabog ng dibdib at pangangatog n tuhod ko.
Sana mali ang kutob ko.
Haharap na sana ako sa kanya para sabihing wala akong pera o kahit ano na maaring pakinabangan pero may natanaw ako sa kabilang bloke na dalawa uli na lalaki na nakasandal sa isang parang SUV.
Hinawakan ko na ang laylayan ng jumper dress ko sabay tumakbo sa direksyon nila para humingi ng tulong. O kahit maalarma lang ang sumusunod sa akin na may ibang tao.
Pagtakbo na huminto rin dahil dumiretso nang tayo ang dalawang lalaki na hihingan ko rin sana ng tulong.
Papunta rin sila sa direksyon ko.
Mali ako ng akala.
Magkakasama sila dahil sumenyas ang dalawang lalaki sa nakasunod sa akin.
Bago ko pa maibuka ang bibig para magpagibik, may yumakap na sa likod ko kasabay ang palad na may hawak na tela na tumakip sa bibig ko.
Mike, tulungan mo ako!
Yun ang hiyaw ko na nanatili na lang sa utak ko.
===============
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro