Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

4 Pinky

"Mabuti na rin ang ganito, Kennie," si Estrel. "Tama naman sina Mike."

Kahapon pa ako nakalabas sa ospital. Narito ngayon si Estrel at Tita Mila sa bahay namin. Hindi ko pa kasi masyadong magagamit ang kaliwa kong kamay dahil sa malaking paso. May balot pa nga. Tinutulungan nila akong iligpit ang mga gamit nina Papa. Tapos na kaming iligpit ang mga damit at personal na gamit na naiwan ni Ate Racquel.

Pansamantala ko munang ilalagay sa bodega para mas malaki ang espasyo at may mapaglagyan ng mga gamit ang staff ng MonKho sa mga kuwarto.

"Oo nga, iha. Minsan, hindi dapat pinapairal ang pride. Kailangan nating maging praktikal. Wala namang masama sa offer nila," si Nanay Mila.

"N-naisip ko na rin po naman yun. Ano lang, di lang kasi ako sanay na may ano, may ibang kasama sa bahay, lalo't di ko naman ganun talaga mga kilala , tapos l-lalaki pa," sagot ko.

Napabuntung-hininga sila. "Kunsabagay."

Tinapik ako ni Estrel sa balikat, "Isipin mo na lang, magiging maingay na dito. Parang gaya dati na maraming tao."

Malungkot akong napangiti. Naalala ko noong vice-mayor pa si Papa. Palagi talagang may mga tao dito. Mga taga-munisipyo, mga taong humihingi ng tulong, mga kaibigan ng pamilya...

Napailing ako nang lihim.

Kaibigan...

Nawala silang paunti-unti noong tumanggi si Papa na tumakbo sa pagiging mayor. Ang kalabanin ang mayor ngayun dito. Ang nakaupong punungbayan na kapartido n'ya, last term na. Hindi na maaring kumandidato.

Si Papa kasi ang sikat na pambato sa kalaban ng partido nila. Siya lang ang nag-iisa ang body guard sa mga opisyal ng munisipyo. Bodyguard na ang totoong trabaho ay driver talaga.

Wala s'yang kaaway sa salungat sa ibang pulitiko dito na may mga banta sa buhay. Tahimik lang kasi ang pamilya namin. Madaling lapitan at madaling kausap basta hindi lihis sa itinakda ng batas.

Nawalan ng oras ang political party nina Papa na maghanda para sa ibi-build up na mayoralty candidate kaya natalo sila.

Tinawag nilang duwag si Papa.

Yung iba, pinagkalat na nabayaran ng kabilang partido ang ama ko.

Na pakitang-tao lang daw ang prinsipyo.

Na ang biglaang pagkamatay ni Ate Racquel ay isang karma sa pagsira n'ya sa tiwala ng taong-bayan.

Hindi nila alam ang tunay na dahilan kung bakit.

Akala namin ay tapos na ang isyung yun pagkaraan nang tatlong taon.

Pagbalik ko, saka sila gumawa ng mga konklusyon. Konklusyong mabigat na sinalo ko lahat dahil ang sabay na pagkamatay ni Papa at Mama ang dahilan nang muli kong pagpapakita sa Bataan.





"Akala mo kung sinong mahinhin noon. May anak na pala."

"Aba eh ke bata-batang ina!"

"Malamang kaya 'yan biglaang pinag-aral sa Maynila, kasi buntis!"

"Pwedeng sa Maynila naglandi!"

"Mana sa ina!"

"Kaya siguro di na kumandidato si Vice, para di makalkal ang baho ng pamilya."

"Tayo pa tuloy ang nasakripisyo dito imbes na may matino taoyng mayor na sana."

"Mga kabataan talaga! Kung susumahin sa edad nung bata, high school pinagbuntis ni Roqueña!"

"Bakud na bakod ni Vice ang mga dalaga n'ya. Di ko nga mapormahan si Racquel noon. yun pala, yung bunso ang madadale."

"Putsa! Nahihiya akong lapitan dati si Kennie kasi balak daw mag-madre tapos...tsk!"





Lahat nang iyun, tahimik kong iniyak sa loob nang malaki pero hungkag naming bahay. Hungkag dahil kami na lang ni Gelo ang nakatira dito... at wala na ang iba naming gamit.

Wala naman kaming makabagong gamit dahil sa simple lang kami sa kabila nang pagiging vice-mayor ni Papa. Pero may mga antique kaming gamit na minana pa sa mga lolo at lola namin. Wala na yun pagbalik ko.

Hindi ko yun inaasahan. Walang binabanggit sina Papa.

Si Estrel lang ang nanatiling kakampi ko. Sa kabila nang hindi ko pakikipagkominika sa kanya sa panahong nagtatago kami ni Ate Racquel, madali n'yang tinatanggap ang paliwanag ko na pinoprotektahan kasi namin si Gelo.

Isang bagay lang ang hindi ko maipagkatiwala kay Estrel. Ang pangalan ng tatay ng anak ko.

Nang una ay naghinanakit s'ya pero pinaunawa ko,





"Malaking bagay na sa akin na nanatili kitang kakampi, Estrel. Kapag sumulpot ang tatay ni Gelo, ayokong madadamay ka sa gulo. Tama nang nawalan ako ng kapatid at magulang. Hindi ko na papayagang pati ang pangalawa kong pamilya ay madadamay. Kayo yun ni Nanay Mila."





Saka kinuwento ni Estrel na ang mga antique naming gamit ay pinagbili dahil na-stroke pala si Papa. Doon nagkakilanlan kung sino ang mga totoong nagmamalasakit at mga kaibigan.

Tumulong sila sa paraan nang pagbili ng mga antique na gamit namin. Wala naman kasing trabaho si Mama. Una pa lang ay sa bahay lang siya para alagaan kami. May hika siya. Yun ang namana ko.

Si Papa naman ay isang abogado sa PAO ng munisipyo. Abogadong hindi yumaman bagaman naging kilala dahil di nga nasisilaw sa pera.

Medyo malaki ang agwat ng edad nila ni Mama. Gaya nang malaki ang agwat ng edad namin ni Ate Racquel.

Anak ni Mama si Ate sa unang asawa. Anim na taon si Ate nang magpakasal ang mga magulang ko. Trenta na si Mama at kuwarenta y tres naman si Papa noon.

May pailan-ilan naman raw na tumulong pero yung mga mahihirap din na natulungan ni Papa. Mga wala ring sinasabi sa buhay.

At ang pailan-ilan na yun ang s'ya ring mga kumutya sa akin nang malaman ang tungkol kay Gelo.

Kasalanan ko raw kaya inabot ng malas ang mahusay sanang lider ng bayan namin.

May ilang nagtangkang manligaw sa akin sa mga unang buwan ko mula pagbalik. Panliligaw na hindi ko nagustuhan dahil ramdam ko na dahil ang cheap ng tingin nila sa akin.

Si Sir Mar lang ang totoong nakitaan ko ng pagpupursige. Lamang, masyado pang maaga para masabi ko ang totoo n'yang intension at katapatan sa panliligaw sa akin. Kaya kahit naging crush ko s'ya noong una, mas nanaig sa akin na unahin ang pag-aaral ko at ang bigyang atensyon ang pangangailangan namin ni Gelo.

Isa pa, baka may masabi na naman ang mga tao sa paligid namin. May ilang kadalagahan dito na may gusto kay Sir Mar. At ang pinakamatindi, may kaya ang pamilya n'ya.

Kota na ako sa pangmamaliit sa akin ... sa aming mag-ina.

Hindi nakakamatay ang pagiging single parent!

"Huwag mo na masyadong isipin ang bad sides., Kennie. Mas lamang naman ang good side sa magiging set up n'yo. Isa pa, may banyo dito sa itaas na hiwalay. Basta kayo ni Gelo, sa ibaba."

"Kulang na tayo sa box," si Nanay Mila.

"Teka, kukuha ako sa ibaba. Nagpadala na sina Mike kanina," sabi ni Estrel.

Kaninang umaga dumating ang mga trabahador na gagawa sa likod-bahay. Pinagawa yun dati ni Papa para sa mga staff n'ya na kailangang mag-overnight dito. At minsan, sa mga nakikitulog lang lang na kung sino dahil walang matutuluyan.

Mga tao raw yun sa hardware ng pamilya Montecillo gaing sa kabilang bayan. Kapag natapos na ang paggawa sa likod pati ng mga double decks para sa mga kuwarto doon at dito sa second floor, dito na tutuloy ang staff ng MonKho. Sa isang araw ang target date nila.

Kaya sobrang busy kami. Mabuti na lang na matagal ko nang ibinaba sa dating maid's quarter ang mga gamit ko. Dun lang kami ni Gelo natutulog. Sapat ang laki noon dahil tatlo ang kasambahay namin dati. Hindi ako kampante na aakyat-panaog si Gelo sa may kataasan naming hagdan papunta sa second floor kung saan naroroon ang dati kong kuwarto. Isa pa, malapit yun sa kusina at banyo. Ilang habang lang rin sa sala.

Nang makalabas ang kaibigan ko, "Kennie, wala ka bang balak ibenta na lang itong bahay n'yo at kumuha nang mas maliit?" sabi ni Nanay Mila.

Umiling lang ako, "Para ho kay Gelo ang bahay na ito. Alam n'yo namang di ako makakauwi sa probinsya ni Mama dahil naroon ang dati n'yang asawa."

Hindi maganda ang paghihiwalay ni Mama sa tatay ni Ate Racquel. Battered wife si Mama at tinakasan lang ang lalaki. Dito s'ya napadpad sa Bataan kaya sila nagkakilala ni Papa. At dun nadiskubre ni Papa na hindi nakarehistro ang kasal ni Mama sa unang asawa kaya nagawang magpakasal naman ng mga magulang ko. Hindi na bumalik si Mama sa Tuguegarao dahil nagalit din ang mga lolo at lola ko sa pagpapakasal n'yang muli. Dapat daw ay inayos na lang ang relasyon sa unang asawa.

"Kunsabagay," pagsang-ayon ng nanay ng kaibigan ko. "Isa pa, marami pa ring gamit na naiwan sina Vice. Di ito magkakasya sa maliit na bahay. Mukhang wala kang balak ipamigay itong mga damit nila."

Ngumiti ako nang matipid. "Meron naman ho. Ano lang, di pa lang ako handa. Nami-miss ko rin kasi sila."

Totoo naman yun. Ipamimigay ko rin ang mga damit nina Papa, Mama at Ate Racquel. Sayang naman kung maluluma o masisira lang sa pagkakaimbak. Maraming tao ang mas makakagamit ng mga ito. Iiwan ko lang ang ilan na sa palagay ko ay may sentimetal value at maari ko pang magamit.

Iniisip kong gawin yun sa darating na Pasko. By that time, may lakas ng loob na siguro ako para makaharap uli si Sister Linda. Doon ko ipapamahagi ang mga damit namin. Ayokong ibenta o ipamigay sa mga naririto sa paligid namin. Mahirap nang may masabi na naman sila.

Napagtanto ko kasi. Kahit gaano karaming kabutihan ang ipakita mo, mas hinuhusgahan ka ng tao sa iisang mali na ginawa mo.

Napalingon kami sa may pinto.

May mabilis na papaakyat. Mahigit sa isang tao.

Sigurado akong isa si Gelo dun. Ang ingay eh.

Kausap si Estrel.

"Oh, nasa'n yung box?" tanong ko pagbungad nila sa pinto ng kuwarto nina Papa.

Hinanap ng mata ko si Gelo. May nginunguya ito.

"Magliligpit pa tayo sa dating opisina ni Vice sa ibaba. Dun daw si Mike, di ba?" dugtong nii Nanay Mila.

"Eh, ito. Dala ni Sir Mar," turo n'ya sa likod n'ya.

Ayun nga ang lalaki. Seryoso ang mukha at tila may pagtatanong sa mata. Napakunot-noo tuloy ako mula sa pagkakaupo naming ni Nanay Mila sa sahig.

"Sir... uhm... Mar, wala ka bang duty ngayon?" tanong ko nang ibaba n'ya sa sahig ang mga kahon.

Umiling s'ya, "Naka-leave ako hanggang sa isang araw."

"Di ka ba kailangan sa apartelle ngayon?"

"Kaya na nila dun. Operational na naman maliban sa fourth floor. Mas kailangan mo ng tulong dito."

"Marami namang tao sina Mrs. Montecillo na pinadala para—"

"Isa pa yun kaya ako nagpunta dito," putol n'ya sa sasabihin ko. "Dun ba talaga sa dating tanggapan ni Vice matutulog si Engineer? Pareho kayong sa ibaba?"

Nagkatinginan kami ni Estrel.

May bahagyang diin sa mga salita ni Sir Mar. Mabuti at biglang sumungit si Gelo.

"Mama, gusto mo po?"

Dun ko lang napansin na may maliit na plastic s'yang hawak na nakatago sa likod. Doughnuts. Malamang pasalubong ni Sir Mar. Mas pinili kong sagutin ang anak ko kesa ang may lamang tanong ni Sir Mar.

"Okay lang ako, anak," nakangiti kong sagot. Baka makahalata si Gelo sa tensyong namumuo ngayon dito. "Teka, bakit ang dungis mo?"

"Nakita ko s'yang nakikigulo sa likod bahay," sambot uli ni Sir Mar. "Hinahayaan s'ya ni Engr. Montecillo at mga trabahante na maglaro ng putik at hinahalong semento."

Tumaas ang kilay ko, "Andyan si Mike?"

Ang alam ko kasi, buong araw itong busy. Umuwi na si Aris sa Maynila kahapon kaya binalik na sa kanya ang trabaho sa construction site nila. Ang lalaki na rin ang nagpa-follow up sa imbestigasyon sa pag-atake sa kanya sa tulong ng mga tauhan ni Rob.

Hindi ko pinansin ang patagong pag-asim ng mukha ni Sir Mar. Ibinaling ko ang mata kay Estrel na sinagot ang tanong ko.

"Pinatawag ni Tita Dolly, para mas mapadali ang paggawa sa ibaba. Andun naman ang assistant engineer ng MonKho sa site."

Si Tita Dolly, ang mommy ni Mike. Yun na rin ang pinatatawag nito sa akin. Mas pinili ko na lang na Mrs. Montecillo kapag iba ang kausap ko patungkol sa kanya. Kapag ang babae na ang kausap ko, saka ko lang s'ya tinatawag na ganun.

Baka kung ano na naman kasi ang isipin ng mga makakarinig.

Gaya na lang ni Darcy na dumating kahapon sa ospital bago ako ma-discharge. Napatirik nga ang mata ni Estrel nang patago.

Dinadalaw raw ako gayung di naman kami close. Ang huling usap nga namin bago ang sunog, tinarayan pa ako nang pasimple.





"Ang harot talaga ng babaeng 'yan," asar na bulong ni Estrel nung naghahanda na kami at hinihintay lang ang discharge papers ko. "Buti nga sa kanya. E di nahilaw ang mukha ng hitad nung barahin s'ya ni Tita Dolly."

Nakagat ko ang labi para mapigilan ang matawa. Kasi nga, tinanong ng babaeng Montecillo ang anak ni Mang Donald kung sino talaga ang pinuntahan sa ospital. Kung ako raw ba talaga o si Mike. Napaka-obvious naman kasi na nagpapapansin sa seksing damit at dikit nang dikit sa lalaki.

May kamalditahan ang may edad na babae. Hindi umubra si Darcy.

Mabuti at mabait sa akin ang mommy ni Mike, at halatang magiliw kay Gelo. Napansin yun ni Darcy at nahuli ko ang pagtalim ng tingin n'ya sa akin.Lalo na nang ang mag-inang Mike at Dolly ang naghatid sa amin nina Estrel gamit ang isang mamahaling SUV.

Di ko na lang pinansin ang pag-asim ng mukha nila ni Sir Mar na siyang napilitang maghatid sa anak ni Mang Donald pauwi.





"Mama, gusto ko maging katulad ni Tito Mike. Naggagawa sila po ng bahay," tila nangangarap na singit ni Gelo. "Papagawa ako ng malaking bahay mo po sa malayo na may miming pul."

Ngayon pa lang, nagkukwenta na ako sa isip sa magiging tuition ni Gelo kung kukuha s'ya ng engineering course.

Naku, ano ba 'yan, Roqueña! Elementary at high school muna. Napangiti ako.

"Bakit ka pa lalayo, meron na kayong bahay dito?" si Sir Mar.

Nawala ang kinang sa mata ng anak ko. Ngumuso ito, "Ayoko dito po. Niaaway nila ang Mama ko."

Naalarma ako.

"Ano?"

"Sino ang may sabi?"

"Saan mo nakuha 'yan?"

Sabay-sabay pa naming tanong sa kanya nina Estrel at ... si Mike.

Kaya napalingon kami sa pinto.

Kunut-noo rin ang lalaki.

"Gelo boy," umpisa ni Sir Mar. "Saan mo narinig yun?"

Biglang ayaw magsalita ng anak ko. Natakot yata.

"Baby," marahan ko s'yang hinawakan sa braso. "Hindi magagalit si Mama. Kanino mo narinig 'yan?"

Umiling s'ya at yumuko. Nakanguso. Suminghot.

Nagpipigil ito ng iyak.

"Baby," ulit ko sa mas malumanay na salita."Sige na."

Umiling s'ya uli, "Ayaw ko po, Mama. Baka niaaway ka nila lalo kapag nikausap mo sila."

Sila?

May umahong paghihimagsik sa dibdib ko lalo't may tumulong luha sa sahig.

Umiiyak nang tahimik ang anak ko!

"Indi ka naman lalaban eh. Nitatahimik ka lang lagi. Tsaka baka magkasakit ka uli. Tsala baka babalik yung niaaway sa inyo ni Tito Mike. Ayaw ko ikaw dun mapunta uli sa ostipal."

Parang nilamukos ang puso ko lalo na sa sumunod na sinabi ni Gelo, "Niloloko 'ko nang klasmeyts ko tsaka... tsaka... nung ano po... nung mga ... Di ba, Mama, 'kaw yung Loque... uhm... Roqueña?"

Nagpunas s'ya ng luha.

"Oo, bakit?"

Umiling uli si Gelo,"Basta po. Nisasabi ko sa kanila... nasa malayo ang Papa ko kasi... kasi... alam ko... di mo din alam kung asan sya."

Napahawak ako sa tapat ng puso ko. Naninikip ang panghinga ko sa naririnig kay Gelo.

Ang mga hinanakit n'ya sa kapwa na hindi n'ya sinasabi sa akin... para protektahan din ako.

Nanlabo ang mata ko sa luha. "Angelo..."

Napahugot ako nang malalim na hininga.

"Kennie, oh."

Napatingin ako sa inabot ni Estrel. Ang inhaler ko. Sumenyas ako para tanggihan yun. Ayokong maging dependent sa Ventolin. Bago ang sunog, bihira ko na gamitin yun. Pang-emergency na lang talaga.

Ganun din ang mosyon na ginawa ko kay Sir Mar na planong lumapit sa akin.

"A-ayos lang ako," tapos huminga ako nang malalim nang padahan-dahan para kalmahin ang sarili.

Kakabigin ko sana si Gelo payakap sa akin. Kailangan ako ng anak ko.

Para lang mapatingala kay Mike na mabilis at malalaki ang hakbang palapit kay Gelo.

Nag-squat s'ya sa harap ng bata para magpantay ang mukha nila.

"Sabihin mo sa akin, Michael Angelo," seryoso n'yang sabi.

Umiling uli ang anak ko.

Inangat ni Mike ang baba ni Gelo sabay, "Halika sa ibaba. Pag-usapan nating dalawa. Ako'ng bahala."

Kumibut-kibot ang labi ng bata, at halos pabulong na sinabi, "W-wag mo po sasabihin kay M-mama ha?"

Nanlaki ang mata ko.

Aba't—

"Masasakit uli ulo n'ya tas di s'ya makakatulog iisip-isip."

Tumulo na talaga ang isang luha ko. Sa batang edad nya...?

Walang salitang mamutawi sa labi ko habang nanonood at nakikinig sa kanila.

"Sige. Pinky promise," iniumang ni Mike ang hinliliit.

Ginaya s'ya ni Gelo at pinagkawit ang daliri nila.

Kailan pa natuto ang anak ko ng pinky promise?

Wala kaming nagawa nung yumakap ang mga braso ng anak ko sa leeg ni Mike at kinarga s'ya ng lalaki palabas sa kuwarto.

"Hala ka, Roqueña. Pinagpalit ka na yata ng anak mo," birong pabulong ni Estrel para gumaan ang atmospera.

Mula sa malapad na likod ni Mike na pababa na sa hagdan, nagawi ang mata ko sa lumingong si Sir Mar sa amin.

Kitang-kita ko ang pagngangalit ng bagang n'ya.

At ang mga matang puno ng inggit at selos.

================

Don't forget to comment and vote!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #b5yhsmd