3 Settled
Bago pa may makasagot sa sinabi ni Rob, sumingit si Gelo sa usapan.
"Mama, m-may nang-aaway po sa 'yo? Di ka nila bati?" inosente n'yang tanong.
Otomatikong hinaplos ko ang ulo n'ya para itago ang saglit at pailalim na tingin kay Rob.
Napatikhim ang magkakaibigan.
"Wala, anak. Ano lang... uhm..." naghahagilap ako nang tamang sasabihin.
"Ipagtatanggol kita, Mama," buong kumbiksyon n'yang pahayag. "Papaluin ko s'ya ng gitara!"
Gusto kong mahindik sa tinatakbo nang murang isip n'ya.
Mahinang natawa sina Mike at Aris.
"Ang tapang naman," sabi ni Mrs.Montecillo na hinaplos s'ya sa ulo. "Pero masyadong ka pang maliit. Huwag ka muna mag-isip ng mga ganyang bagay, okay?"
Tumango man si Gelo pero, "Basta po walang aaway sa Mama ko."
"Wala naman, anak," paniniguro ko sa kanya.
"At hindi pamalo ang gitara," singit ni Mike. "Halika dito. Ituturo ko kung paano 'yan gamitin."
Napakunot-noo ako. Marunong s'yang maggitara?
"Alam ko po. Gan'to yun eh. Nikikita ko sa tibi," pagyayabang pa ng anak ko habang pinaraan ang mga daliri sa strings ng gitara. "Di ba?"
Natawa lalo si Mike. Ganun din si Aris.
"Nitatawanan n'yo 'ko!" maktol ni Gelo.
"Halika nga kasi dito," salo ni Mike na nagpipigil ng tawa. "Tuturuan kita. Yung maganda ang tunog."
Halatang ayaw maniwala ng bata sa kanya. Kahit ako, medyo iskeptikal.
"Go ahead, Gelo," si Mrs. Montecillo na ang nangumbinsi. "Si Tito Mike and Tito Aris, magaling sila maggitara. Nagko-concert nga sila."
Concert?
"Concert? Ano po 'yun?"
"Si Tita talaga. Di naman concert," sambot ni Aris. Tapos tumingin sa anak ko. "May banda kami. Alam mo 'yun?"
Tumango si Gelo, "Yun may maggigitara, tsaka papalo sa drams tsaka may nipapiyano tsaka may kakanta po, di ba?"
"Yun. Ganun. May ganun kami."
"Talaga po?!"
Kahit ako, medyo nagulat sa narinig. Wala kasi sa itsura nila. Mas mukha silang professionals na mayayabang.
Mayabang ba ang ganyan, Roqueña? Tumatanaw nga ng utang na loob at di kayo pinababayaang mag-ina.
Saway ng isip ko.
I mean, may aura ng otoridad na tila mabilis lang sa kanila ang mag-utos. Tsaka ano, mukhang di mapagkakatiwalaan pagdating sa babae. Lalo na si Mike. Naririnig ko sa mga usapan ng mga staff nila kapag nasa apartelle. At yun nga, si Darcy, isa na dun sa mga nai-date n'ya.
Ano ba ang aasahan mo? May ipagyayabang namang itsura at pigura. Isa pa, mga galing sa mayamang pamilya. Natural na sa kanila ang mag-utos dahil may pambayad para mag-utos. Ayan nga at may-ari ng kumpanya.
Napanguso ako sa isip. Kunsabagay.
Itinaboy ko ang negatibong takbo ng utak ko. Hindi tama na mag-isip ako nang masama sa kapwa. Lihis ito sa kinalakhan paniniwala na si Sister Linda ang nag-impluwensya sa akin. Siya ang paborito kong madre sa simbahan dito sa amin mula pa noong bata ako. Nasa Maynila na ako noon ay may komunikasyon pa kami. Ako na rin mismo ang tumigil sa pakikibalita sa kanya paglipat namin sa Batangas. Nahihiya ako sa kanya na hindi na matutuloy ang sinabi ko na gusto kong maging katulad n'ya.
Iyun ay dahil kay Gelo.
At kahit bumalik na ako sa Bataan, hindi pa ako nagpapakita kay Sister Linda. Si Estrel at Nanay Mila ang nagsasama kay Gelo sa pagsimba. Ako naman ay sinasamantala ang paglilinis sa bahay, paglalaba at pag-aaral kapag Linggo.
Nasa akin pa rin ang rosaryo at huling birthday card na pinadala ng paborito kong madre. Nakasulat doon ang mensahe na palagi n'yang nababanggit :
Manatili kang positibo sa isip at gawa, Roqueña. Palagi mong tandaan na ang tao, nakikita mo man silang gumagawa nang masama, kahit napakaliit lang ay may tago silang kabaitan sa puso.
Na-guilty ako. Ilang pagkakataon nang hindi ko nagagawa ang bilin n'ya. Gaya na lang ngayon.
Ang pagtipa sa gitara nang isang sikat na kanta ang nagpabalik sa akin s kasalukuyan.
Nakakatawa mang tingnan dahil masyadong maliit ang gitara ni Gelo para sa malaking bulto ng katawan ni Mike, mas na-focus ako sa pagtugtog n'ya ng gitara.
Mahusay nga s'ya.
Napangiti ako sa nakitang kinang at excitement sa mata ng anak ko habang nanonood. Pumalakpak pa nga nung tapusin lang ni Mike ang kanta sa unang chorus.
"Wow!" ang malakas na sabi tapos, "Turuan mo po ako!"
Naisapo ko sa noo ang may bendang palad.
"Angelo!" saway ko lalo na at naupo na agad s'ya sa tabi ni Mike, puno ng pag-asam ang mukha.
"Well, you can add that up to the benefits you will get if MonKho will rent in your place."
Heto na naman si Rob.
"Oo nga, iha," susog ni Mrs. Montecillo. "Kayang maipaayos ang bahay sa likod n'yo sa tatlo o apat na araw."
"Ah ...eh... pag-iisipan ko ho muna."
"Kennie," marahan akong hinawakan sa braso ng mommy ni Mike. "Kahit ito na lang ang tanggapin mong pagtanaw na utang ko sa iyo bilang ina nang iniligtas mo."
"Uhm... ano kasi..."
Biglang may phone na nag-ring. Kay Aris.
"Excuse me," ang sabi tapos lumabas.
"Sayang ang oras at maari mong kitain. At isipin mo ang seguridad n'yong mag-ina habang nagpapagaling ka pa at may imbestigasyon. Pipilitin naming tapusin agad ito," salo uli ni Rob.
Nape-pressure ako.
"Bigyan n'yo ako nang oras para--"
Hindi ko natapos ang sasabihin dahil bumukas ang pinto.
Si Sir Mar. May dalang plastic ng prutas at bulaklak.
"Kennie!"
Muntik akong mapangiwi kasi mabilis s'yang lumapit sa kama tapos ay yumakap sa akin. Mabuti at naiharang ko ang braso kong may benda sa pagitan namin.
"A-aray..." mahina kong daing pakunwari.
Hindi naman talaga naipit. Ginawa ko lang dahilan para bumitaw s'ya agad sa akin.
"Ah... sorry," paumanhin n'ya. "Kumusta na ang pakiramdam mo?"
Nailang ako sa tipo ng titig at tono na aakalaing nobyo ko s'ya na sobrang nag-aalala.
Tumikhim si Mrs. Montecillo.
Nahiya ako dahil napaatras yata ang babae mula sa pagkakaupo sa tabi ng kama dahil sa biglaang paglapit ni Sir Mar.
"Uhm... pasensya na po," sabi naman ni Sir Mar.
"Yeah, right," matabang na sabi ni Mike. "My mom almost fell off the bed when you carelessly approached the patient."
Namula nang bahagya ang mukha ni Sir.
"Manliligaw ka lang naman ni Kennie, kung makayakap ka..." dugtong na napapalatak pa.
Napamulagat ako. Ang bilis naman ng balita!
"Masama bang mag-alala nang husto sa isang nililigawan, Engr. Montecillo?" may bahagyang bigat sa tono ng lalaki.
"Uhm, n-nag-sorry na naman s'ya," salo ko sa sitwasyon.
Nahuli ko ang pigil na simangot sa mukha ni Mike. Bumaling ako sa mommy n'ya.
"Pasensya na po, Ma'm," hingi ko na rin ng dispensa.
"It's alright. Just be careful next time, young man," kalmadong sagot ng babae na tumingin sa assistant manager namin.
"Sorry ho uli," ang sabi tapos napatingin kay Gelo.
Nakita ko na natigilan s'ya na mapansing nakaakbay dito ni Mike habang nakakapit ang anak ko sa hita ng lalaki na kandong naman ang gitara.
"Gelo boy," tawag n'ya. "May pasalubong ako sa iyo."
Medyo alumpihit ang bata na lumapit. Isa pa ito sa dahilan kaya di ko maisip na sagutin si Sir Mar. Mas matagal nang kilala ni Gelo ang manliligaw ko. pero ayun at mas kampante s'ya kay Mike, maging kay Aris at Mrs. Montecillo.
Naalala ko tuloy nang manggaling sa bahay si Sir Mar at binisita kami halos isang buwan na ang nakakaraan.
"Oh, bakit nakasimangot ang baby boy ko?" lambing ko kay Gelo.
Kakasara ko lang pinto matapos naming ihatid mag-ina si Sir Mar sa gate.
"Mama, si Tito Mar po ba ang Papa ko?"
"Ha? Hindi ah!"
"Eh, magiging Papa ko ba s'ya?"
Maryosep! Saan ba nanggagaling ang mga tanong ng batang ito?
"Teka lang ha. May kinalaman ba 'yan kung bakit ka nakasimangot, anak?"
Umiling sya pero nag-iwas ng tingin.
Nagsisinungaling ang anghel ko.
"Michael Angelo."
Ngumuso s'ya.
"Ayaw ko s'ya maging Papa, Mama."
Naalarma ako.
"Bakit? May sinabi ba s'ya sa iyo na hindi maganda?"
Iling ang naging sagot n'ya.
"Sinaktan ka ba o may nakita kang ginawa n'ya na di mo nagustuhan?"
Iling lang uli. "Mabait naman s'ya po sa 'kin."
"Eh bakit nga?"
Ngumuso uli, "Basta po. Ewan ko rin, Mama."
Naisip ko, baka nagseselos si Gelo na mahahati ang atensyon ko. Siguro nga, may mga batang ganun na imbes masabik sa isang father figure, mas gugustuhing masolo ang atensyon ng ina.
Mabuti na rin yun. Nagkakaroon man ako ng mga crushes, mababaw lang.
Wala akong planong mag-asawa.
Kaso, heto. Kitang-kita ang pagkagiliw ng anak ko sa ibang lalaki. Lalo na kay Mike.
Ayun na naman ang kakaibang kaba sa akin.
Hindi Hindi talaga! Imposible! Natural, kilala ko ang tatay ni Gelo.
Pero magkakamatayan kami bago n'ya makuha ang bata sa akin!
Sa ganitong pagkakataon, basta may kinalaman kay Gelo, nakakalimutan ko ang maging positibo.
"Teng yu po," malumanay na sabi ng anak ko nang tanggapin ang box ng doughnuts.
Paborito n'ya yun kaya palaging ganun ang bigay ni Sir Mar sa ilang beses na alam ng lalaki na magkikita sila, o bibisita sa bahay.
Ewan ko kung tama ang obserbasyon ko ngayon. Dati naman, kahit nagpahayag s'ya na hindi n'ya gustong maging Papa si Sir Mar, masigla s'yang nagpapasalamat sa lalaki kapag binibigyan s'ya ng doughnut.
At ilang beses ko na ring sinabihan na huwag nang dumalaw, nagpupunta pa rin ang lalaki sa bahay once a week. Minsan dalawa pa nga. Ang dahilan ko nga, wala akong interes at oras para sa pakikipagrelasyon. Maliban kay Gelo, busy rin ako sa trabaho at pag-aaral. Isa pa, nagkikita naman kami sa apartelle kapag naka-duty ako. Sinasadya n'yang magkasabay o magpapang-abot kami ng schedule.
Alam ko, maliban sa pag-akyat ng ligaw, nagpapalakas s'ya kay Gelo.
Tinapik ni Sir Mar sa ulo bago tumalikod ang anak ko pabalik sa inuupuan nila ni Mike.
Saktong pumasok si Aris. Nakasimangot.
"Oh, ano'ng nangyari? Sino yung tumawag?" si Rob.
Umiling lang ang tinanong, "Si Andz."
Girlfriend siguro o kaya asawa. Baka LQ.
"E bakit ka nakasimangot? May problema ba sa villa?" si Mike.
"Wala. Parang ... tsk! Parang kinukunsinti pa kasi si Madel na huwag ako kausapin."
Baka anak yung Madel.
"Tss. Buti nga sa'yo!"
Nakita ko ang patagong pag-dirty finger ni Aris kay Mike. Mabuti at hindi nakatingin si Gelo.
Pasimple kong tiningnan si Aris. Mukhang aburido habang nagte-text. Napapailing ito habang kunut na kunot ang noo.
Nakakatuwang isipin na ang isang ito ay responsableng family man sa kabila ng aura n'yang suplado.
"Tsk! Mike, kapag di ko pa s'ya nakausap, uuwi ako bukas ng gabi."
"E di dun ka na manggagaling papuntang Zambo?"
Tumango ito, "Kaya mo na ba maiwan dito?"
"Hinihintay ko na lang yung discharge papers ko. Dito ko na nga pinapadala. Nasa kotse na yung gamit ko."
"Where will you stay for the night? Sa hotel suite ni Tita? Sa kabilang bayan pa yun."
"Yeah, maybe."
"Tito Mike, gusto mo? Peyborit mo po din ito, di ba?"
Sa gilid ng mata ko, nakita kong natigilan si Sir Mar na nakatingin sa kanila, tapos sa akin.
Patay-malisya akong tumikhim at iniwas ang atensyon n'ya.
"Uhm, Sir Mar, kumusta na sa apartelle?"
Matipid s'yang nakangiti pagbaling sa akin. "Ayos naman. Tulung-tulong kami sa paglilinis para di na umupa ang management nang iba. Ano, para may aasahan pa ring sweldo ang mga empleyado."
"Ah, di mabuti."
"Tsaka, ilang beses ko nang sinabi sa 'yo, Kennie. Kung sa trabaho, okay na sa akin na Sir Mar. Wala tayo sa apartelle ngayon."
Napaiwas ako ng tingin. Nilaru-laro ko na lang ang benda sa kamay ko. Kinuha n'ya naman ang palad kong yun at marahang pisil habang tinitingnan yun. Muntik akong mapapiksi sa pagiging mapangahas n'ya ngayon.
"Hindi ka puwedeng magtrabaho hangga't di magaling ang kamay mo. Yan pang hika mo. Sabi ng doktor, baka pagpahingahin ka muna nang isang buwan o mahigit," sabi pa. "Pinatingnan ko ang record mo sa HR para sa SSS sickness benefit. Kaya lang baka kulangin pa yun para sa gamot mo habang nagpapagaling. Kung kailangan mo ng tulong..."
Pasimple kong binawi ang kamay ko.
"May tago naman ako pera."
Tumikhim si Rob. Mabuti at napigilan kong irapan ito.
"Dapat sagutin pa rin ng management ng apartelle ang home medication ng empleyado dahil higit pa sa trabaho ni Kennie ang ginawa n'ya kaya s'ya naospital," sabi ni Aris.
Napakagat ako sa labi. Gusto kong unawain ang management dahil malaking pera ang nawala at mawawala pa sa kanila dahil sa nangyari.
"And I think, the management should also give something more to Kennie. She saved a guest's life," dugtong ni Mrs. Montecillo.
"Di naman papabayaan ng management si Kennie at ang kaso. Uhm, medyo struggling lang ngayon financially dahil nga sa nangyari," sagot ni Sir Mar.
"Di ba dapat habulin n'yo yan sa building insurance?" tanong ni Mike.
"Did you not tell them yet, Kho?" si Rob.
Napakamot sa batok ang singkit na lalaki, "I forgot."
"Ang alin?" sabay pa kami Mike.
Napailing si Rob, "Ayaw sagutin ng insurance company ang damages. On the grounds that it was a security negligence on the management's part kaya may nakapasok na masamang tao sa apartelle. The CCTVs were not even working. Display lang. Also, may issues ang building sa fire alarms , smoke detectors, sprinklers and the fire extinguishers. I don't know how they even got to get a permit to renew operations this year."
Naalangan si Sir Mar, "H-hindi ko alam ang tungkol dun."
"How's that possible? You're the assistant manager there...and you are a relative of the owner," panunukol ni Rob.
Nakadama ako ng awa kay Sir Mar nang mahalata kong di s'ya handa sa mga sinabi nang mga bisita ko. Kaya lang, may punto talaga sila.
"Hey, Mike," tawag ni Aris sa atensyon nito.
Ngumunguya kasi ang lalaki ng doughnut at na-distract sa pagkausap sa kanya ni Gelo. O sa tamang salita, pasimple s'yang kinukulit ng anak ko na turuang maggitara ngayon. Pinanunuhol pa nga yung doughnut.
Maryosep na bata ito! Lagi n'ya yang style sa akin. Ang manuhol at maglambing.
Kahit si Estrel nga ay nagtataka sa ugaling yun dahil wala namang nagtuturo sa kanya. Maliban kung naimpluwensyahan sa daycare nang kung sino.
"Oh?" maikling sagot na nagpunas ng bibig gamit ang likod ng palad.
"Why don't you call Ralph so you can sue the management of the apartelle, too?" tapos bumaling sa akin. "Ikaw rin, Kennie. Wag mo na isipin ang bayad. Kami na ang bahala dun. Ralph's law office is an ally."
"Ah ... eh... teka lang, " nagulat ako sa suhestyon nila. "H-hindi ko magagawa yun."
"Ah, Gelo, iho," si Mrs. Montecillol. "Baba muna tayo. Samahan mo akong magmeryenda."
Nakahinga ako nang maluwag sa pagiging sensitibo ng babae dahil ang usapan namin ay hindi dapat sa harap ng bata.
"Mama?"
"Sige lang, baby," pagpayag ko. "Huwag malikot, ha?"
"Opo," ang sagot tapos excited na humawak sa nakalahad na kamay ni Mrs. Montecillo.
Halos panabay kaming lahat na tumango sa nakatatandang babae bilang tahimik na pasasalamat sa kanya nang magpaalam silang lalabas na.
"Why not?" si Aris, na bumaling sa akin paglapat ng pinto.
"Kahit papaano ay may utang na loob ako sa management ng Enrico. Pinagbibigyna nila ako kapag kailangan ko ng oras sa university. At kay Gelo."
"We can help you get a better job suitable as your OJT. More lenient and higher pay."
"K-kennie...?" nakabakas ang pangamba sa boses ni Sir Mar.
Hindi ako sigurado kung dahil ba iyon sa demanda, o ang amba na lilipat ako ng trabaho.
"Ayoko nang may kaaway at kumplikasyon," at makahulugan akong tumingin sa pintong nilabasan ng anak ko. "Hindi pwede."
Tila nakuha nila ang ibig kong iparating.
Kumalma si Sir Mar. Pero ang tatlong lalaki, tahimik man ay naroroon ang pagtutol. Hanggang magsalita si Mike.
"Then how about your finances? Who will protect you while the investigation is on-going, Kennie? Mukhang napipilitan lang kasi ang management n'yo na makipagkoopera sa amin. But we will pursue it."
"H-hindi naman siguro--"
Bumukas ang pinto.
Lahat kami napatingin doon. Si Nanay Mila at Estrel, naghahabol ng hininga.
Kinabahan ako sa reaksyon nila nang tingnan nila kami isa-isa.
"B-bakit?"
"Ano'ng nangyari?"
"What happened?"
Halos sabay-sabay pa naming tanong sa kanila.
"Kennie," si Estrel. "Pupunta sana kami sa bahay n'yo para kumuha nang extra mong damit."
"Oh?"
Si Nanay Mila ang nagtuloy, "May nakita kaming tao sa bakuran. Sumampa sa bakod sa likod, paalis. Narinig siguro ang gate pagbukas namin. Di na kami pumasok. Dito na kami tumuloy."
Napahugot ako nang malalim na hininga. Lumapit agad ang nurse para iabot ang oxygen mask ko na bihira ko nang gamitin mula pa kanina. Ayoko kasing masanay.
Inabot ko yun para humigop ng hangin.
Natetensyon ako.
"It's settled then," biglang sabi ni Mike. "We will stay and rent your place!"
"Ano?!" nagulat na sabi i Sir Mar.
"Why? You have a problem with that?" maangas na sagot ni Engr. Mike Montecillo.
================
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro