Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

24 Para kay Mama


Hindi umalis sa Bataan si Mike kinabukasan hanggang dumating ang weekend.

Ang nangyari, lalong umuukilkil sa utak ko ang sinabi n'ya nang huling komprontasyon kay William.



"It may be our last option."

"Us... getting married."



Pinigilan ko ang sarili na lingunin s'ya habang pumaparada sa tapat ng bahay namin.

Sinundo n'ya ako sa bahay ng classmate ko. Ginabi kami ng groupmates ko dahil sa thesis.

Lalong naghigpit si Mike sa pagbabantay sa akin, kahit andyan naman si Kuya Gerry. Ayaw na ayaw nitong magkakausap kami ni William sakaling biglang sumulpot uli ang dating kasintahan ni Ate.

Baka mapilit daw akong mapaamin tungkol kay Gelo.

Si Gelo.

Maayos naman ito kina Tita Dolly. Bagaman alam kong nagtataka s'ya, madali n'yang tinanggap na kailangan n'yang lumipat ng paaralan.

Ang totoo, excited nga ito. Sa Lunes pa ito papasok sa bagong paaralang pribado na nahanap ng mga magulang ni Mike. Abala ang anak ko at ang mag-asawang Montecillo sa pamimili ng bagong uniporme at gamit sa school.

Tumikhim si Mike, "Mamaya, video call tayo kay Gelo para makita mo kung gaano ka-excited yung bata."

Dun ko lang nilingon ang lalaki, "Bakit?"

"In-enroll s'ya ni Mommy ng guitar class. Kaninang tanghali yung unang lesson nila."

Napangiti ako.

Perpekto na sana...kung nasa ordinaryong set-up si Gelo ng pamilya.

May tinuturing na lolo at lola na sumusuporta para malinang ang talent n'ya.

At si Mike... na tila ama na handing prumotekta kahit ano ang mangyari.

Nanay na lang ang kulang.

Ikaw ang ina, hindi ba, Roqueña?

Bulong ng utak ko.

Pinigil ko ang paghugot nang malalim na hininga.

Oo, pero... hindi ko alam kung paano makikitungo kung may kasamang ama. Nasanay na akong kami lang ng anak ko.

Kami ang pamilya ni Gelo kahit iba ang tunay n'yang magulang. Tunay na ama na pilit naming inilalayo sa bata.

Tama ba ang ginagawa namin?

Pero ang bilin ni Ate Racquel, amin si Gelo. Hindi sa mga Garcia.

"Sige. Mamaya, bago matulog," pagpayag ko.

Natigilan ako dahil di ko maitulak pabukas ang pinto ng kotse.

"Kennie..."

Nilingon ko si Mike, "Oh?"

"Pag-isipan mo ha?" malumanay n'yang tanong.

Nawala na naman sa tamang bilis ang tibok ng puso ko. Alam ko ang ibig n'yang ipahiwatig.

"Kung maari...ihanda mo na ang sarili mo. Because..." mataman n'yang inikot ang mata sa mukha ko. "I...I'm preparing myself, too."

Ang tanong na ilang gabing naglalaro sa utak ko, naglakas-loob na akong tanungin s'ya.

Baka sakaling maging mabilis ang maging desisyon ko, depende sa sagot n'ya.

"B-bakit, Mike?" di ko napigilang mautal.

Kinakabahan kasi ako. Ayokong makahalata ang lalaki.

"Bakit ano?"

"Uhm..." lalo akong kinabahan. Nasamahan na ng hiya. "Bakit mo ito g-ginagawa? At hanggang saan hahantong ang plano mo?"

Hindi yata inaasahan ni Mike ang tanong ko. Saglit s'yang di nakapagsalita. Umiwas ng tingin na dumako sa kamay n'ya sa manibela.

May tagong lungkot akong naramdaman. Ayokong aminin kahit sa sarili ko kung bakit, lalo na nung magbuntung-hininga s'ya tapos tumingin nang diretso sa hood ng sasakyan.

"Hindi ako sigurado kung hanggang saan tayo aabot, Kennie. It would depend how we will work things out. Pero kulang pa ito para sa ginawa mo para sa akin."

Utang na loob. Yun lang talaga ang lahat.

Mali nga siguro ako sa pag-aakala na merong kakaiba. Gaya nang mali akong isipin na may kakaiba ring pagbabago sa nararamdaman ko.

Naliligaw lang ang damdamin ko dahil sa pinagdaanan naming mag-ina. Na nakaraang mga taon na kami lang halos, heto bigla si Mike. Parang nakakita ako ng salbabida na makakapitan sa panahong malulunod kami ni Gelo.

Wala akong karapatang mag-isip nang kung anu-ano dahil walang akong alam sa larangan ng pag-ibig. Iba ang klase ng pagmamahal na tumimo sa isip mo mula pagkabata.

Pagmamahal sa pamilya, kapwa at paglilingkod sa Diyos.

Kinagat ko ang dila ko. Ayokong bumakas sa mukha ko ang nararamdaman ko ngayon. Pero mas masakit pa rin ang nararamdaman ng puso ko.

Sanay na ako sa ganitong pakiramdam.

Ang umasa. Dati kasi, umasa ako na pagbalik ko sa Bataan, dadamayan ako ng mga kababayan namin.

Masakit pala ang maniwala sa maling akala.

Ang pagkakaiba lang ngayon, narito si Mike. Handang dumamay, sukdulang matali s'ya sa akin at ako sa kanya. Na iiwan n'ya ang pagkabinata para sa min ni Gelo.

At ang isa pang pagkakaiba, may naiiwang tanong sa akin. Bakit parang mas masakit ang maling akala ko ngayon sa kanya, kaysa sa maling akala ko sa mga kababayan namin?

"Let me know as soon as you've decided. Mom and Dad are also waiting."

"A-alam nila? Sinabi mo?"

Nagkibit-balikat si Mike, "No. But they will be expecting the possibility that we will marry since they agreed Gelo will carry our name."

Nabubulabog na naman ako lalo't...

"Next week, pipirmahan ko na ang paternal acknowledgment ni Gelo sa law firm ni Ralph. Before you graduate, Montecillo na ang gamit na apelyido n'ya."

Marahan na lang akong tumango.

Wala na naman ako magagawa. Pinaubaya ko na kay Mike ang bagay na iyun. Ang sa akin, mas palagay ang loob ko sa pamilya nila kaysa kina William. Walang kasiguraduhan ang kaligtasan sa poder nila.

Kabaligtaran sa mga Montecillo. Hindi pa nila ilalayo sa akin ang bata. Ako pa rin ang itinuturing nilang ina ni Gelo.

Ayan nga't kahit sa puntong ...

Napapikit ako.

Huwag kang mag-isip ng mga bagay na ikasasama ng loob mo, Roqueña.

Paalala ko sa sarili.

"Let's go," ang sabi ni Mike tapos narinig ko ang pag-click sa pinto ko.

Nabawasan ang negatibo kong iniisip at pakiramdam nang makausap ko sa video call si Gelo.

Nakakatuwa kasi sobrang saya n'ya habang nagkukuwento. At dahil yung computer na binili Mike ang ginamit namin, nakausap din n'ya ang mga kuya-kuya at tito-tito n'ya sa mga staff ng MonKhAr.

"Nakaka-miss kadaldalan ni Gelo. Wala nang nangungulit sa atin kapag gabi," sabi ni Kulot.

"Oo nga eh. Wala na tayong pinapasalubungan ng donut."

"Wala nang nakikipagtalo sa atin kapag iba turo natin sa assignment n'ya, tapos iba daw sabi nung titser."

Mahinang nagtatawanan ang mga ito. Narinig ko pang usapan nila nung matapos ang video call. Papasok na ako sa kuwarto ko.

Miss na rin s'ya ng mga tao sa amin kahit kulang isang linggo pa lang umalis si Gelo. Wala na ang bunso sa bahay.

Nahiga akong yakap ang larawan ng anak ko. Tapos salitan kong tinitingnan ang kina Papa, Mama at Ate Racquel sa lamesitang katabi ng kama.

"Ate... tama ba ang ginagawa ko para sa anak mo?" kausap ko sa larawan n'ya.

"Pa... Ma... oo ba o hindi? Naguguluhan ako. Kahit kaunting pahiwatig lang... bigyan n'yo ako. Kailangan ko nang tamang gabay."

May luhang tumulo sa gilid ng mata ko. Ganun na ako nakatulog.

Nagising ako sa katok sa pinto. Napabalikwas ako sabay tingin sa orasan.

Sabay sapo sa noo.

"Kennie, baka ma-late ka," si Mike.

Mabigat ang ulo ko. Di ko alam kung gaano katagal akong nag-iisip at kausap na parang baliw sina Papa.

Tumayo ako at kaunti lang na binuksan ang pinto para silipin s'ya.

Nakabihis na ito.

"Sorry, nakalimutan ko mag-alarm."

"You cried?"

Napahawak ako sa mukha, "Uhm, hindi. Ano, medyo masakit kasi ang ulo ko kagabi. Ano, hindi agad ako nakatulog."

Nagdududa ang mata n'ya. Nung parang magtatangka s'yang sumilip mula sa maliit na siwang ng pinto, nailang ako, kaya psimple ko na s'yang tinaboy.

Di ako sanay na may lalaking titingin sa loob tapos naroroon ako. Maliban kina Estrel at Nanay Mila, si Kulot pa lang ang nakapasok dito nang mag-away si Mike at Sir Mar para kunin ang inhaler ko.

Mabilis lang akong naligo at sa banyo na rin nagbihis.

"You're not skipping breakfast, Kennie," utos sa akin nung lampasan ko dining table papalabas, bitbit ang gamit ko sa school. "Bring these sandwiches I prepared for you, and grab a bottled juice from the fridge. Sa kotse ka kumain."

Gusto kong mapanguso. Istrikto pa s'ya kay Papa.

At sinigurado n'yang kakain talaga ako at mauubos yung dalawang sandwiches na gawa n'ya.

Pinigil ko ang mapangiti.

Yung maliit na effort na gawaan ako ng agahan, nakakatuwa. Ang tagal na panahon na mula nang may maghanda sa akin ng agahan. At hindi ito simpleng sandwich lang.

Yung clubhouse yata ang tawag dito. Maraming laman at may letsugas pa.

Nabusog nga ako pagkaubos sa pangalawang sandwich. Mahinang tumawa si Mike nung di ko mapigilan ang mapadighay.

"I-text mo ako kung tuloy uli kayo ng groupmates mo," bilin n'ya bago ko bumaba.

"Sige."

Pero napalingon ako sa kotse nung marinig kong bumukas uli ang pinto nun.

Bumaba rin si Mike.

"Bakit?" tanong ko.

"Ihahatid na kita sa loob."

Kinuha na n'ya ang bag ko at inalok ang braso sa akin. Nag-alangan ako.

"Kumapit ka sa akin," pabulong n'yang sabi. "Huwag ka na lumingon. Sa akin ka lang titingin o diretso lang. Hindi ko gusto ang tingin sa 'yo nang ilang dumaang estudyante."

Medyo alumpihit akong sumunod sa kanya. Ito ang pangalawang pagkakataon na kumapit ko sa braso n'ya.

Yung una ay inauguration ng MonKhAr. Mas madali sa akin yun dahil pormal na okasyon at si Mike ang tumayong host/escort ko. Pero ngayon kasi...

Nahihiya akong ewan. At Ayan na naman s'ya. Ang iregular na pintig ng puso ko.

"Huwag na huwag kang magkokomento o magkukwento kahit kaninong magtatanong tungkol sa akin at kay Garcia. Less talk, less mistake, okay?"

Heto na naman kami. Para n'ya na yung pang-umagang orasyon mula nang pagpunta ni William. Kinaumagahan kasi nang sumunod na araw, kumalat na ang balita sa pagpunta doon ng doktor at sinabing gustong makita ang anak n'ya. Si Gelo nga.

Sabi ni Estrel, sa mga kapitbahay nila nagsimula. May ilan pa nga raw na nagtatanong na sa kanila kung si Mike o si William daw ba ang tatay ni Gelo.

Nagkaroon na nang iba-ibang bersyon.

Na kesyo malandi ako para pumatol sa magkaibang lalaki kaya dalawa ang umaangkin sa anak ko. At mahilig ako sa malayo ang agwat ng edad sa akin.

Sa mas naniniwalang anak ni William si Gelo,sa akin isinisi kung bakit nakunan noon ang asawa nito ay dahil nalaman ang tungkol sa akin at kay Gelo. Malaking dahilan kaya biglaan na akong pinaluwas sa Maynila at itinago talaga sa puntong di ako makarating sa libing ni Ate Racquel.

At may naniniwala ring si Mike dahil magkapareho sila ng pangalan ng bata. Na sa Maynila kami nagtagpo. Maaring lasing kami o kung anu-ano pang kwento. Tapos dito kami nagkita uli. Na kaya ko raw pinilit sagipin ang lalaki kahit muntik kong ikamatay.

Alam ko, galit na galit ang lalaki sa klase nang pagtrato sa amin dito. Sa kabila nun nagtimpi s'ya para hindi lalong umingay sa kampo ng mga Garcia at Abellana. Ayaw n'ya rin namang madamay ang mga kamag-anak n'yang nasa pulitika dahil nagpahiwatig na ang mga ito na tutulong kung gagamit ng impluwensya ang kabilang panig.

Si Mike ang naging sandalan ko at nag-alok nang maiiyakang balikat kapag nahuhuli n'ya akong nagpipigil umiyak.

"May nagtatanong pa rin ba sa mga kaklase mo?" untag n'ya.

Nagkibit-balikat ako, "Hindi ko naman sinasagot gaya nang ibinibilin mo."

"Good."

"Ano, sige na," taboy ko nung tanaw ko na ang classroom namin.

"Hatid kita hanggang sa pinto."

Hinayaan ko na. Alam ko ang nais palabasin ni Mike.

Gusto n'yang isipin nang mga makakakita na nagkakamabutihan kami. Paraan para mas mapatibay ang paniniwala na s'ya talaga ang ama ni Gelo.

"Mamayang gabi, sasabay na tayo sa mga staff ko paluwas sa Maynila, okay?"

Tumango ako sabay kuha sa bag ko na inabot n'ya.

Saglit kaming nag-alangan kung paano magpapaalaman sa tapat ng classroom namin. Naroon na ang karamihan sa mga kaklase ko. Nanonood sa amin.

Di ako nakapagsalita nang kunin n'ya ang kamay ko at halikan ang likod nun.

Nanlalaki ang mata ko sa ginawa ni Mike.

Ang init ng mukha ko.

At parang...namula rin ba ang lalaki sa ginawi n'ya?

May mga nag-anasan galing sa loob ng classroom. May ilang impit na napatili.

"Uhm," tumikhim s'ya pagbitaw sa kamay ko. "S-sige, pumasok ka na sa loob. I-text mo ako mamaya ha?"

Wala sa sarili na napatango na lang ako, sabay pasok ng kamay kong hinalikan n'ya sa bulsa ng uniform slacks ko.

Napangisi si Mike. Siguro sa reaksyon ko.

At medyo namumula nga s'ya!

Pinisil n'ya nang magaan ang ilong ko bago tumalikod.

Kinagat ko ang labi para pigilan ang mapangiti nang malapad habang tanaw s'ya papalayo. Pero di yun nakatulong.

Napalumagat ako, kasi biglang s'yang lumingon.

Huling-huli n'ya ang ngiti ko!

Maawaing madre de kakaw! Nakakahiya!

Bigla akong napatalikod at pumasok sa loob.

Nagkaroon lalo ng dahilan ang ilan kong kaklase para mag-usisa. Nanatiling tikom ang bibig ko.

Hindi tuloy ako makakonsenta sa leksyon namin. Kahit nung meeting uli namin para sa thesis.

"Ano ba yan, Kennie! Di ka naman nakikinig eh," reklamo ng lider naming si Ivy. Sa bahay nila kami madalas mag-meet up. "Tigilan mo nga muna kakaisip sa mga tatay ng anak mo!"

Napahiya ako. Maliban sa di ko agad nailista ang mga karagdagang itatanong ko bukas kina Mrs. Andromeda Schulz at Madam Alice Schulz, mas malamang sa ibig n'yang ipahiwatig tungkol kay Mike at William.

Yumuko ako na kagat ang labi para itago ang pag-iinit ng mata ko.

Sinaway s'ya ng mga kagrupo namin.

"Eh totoo naman! S'ya ang graduating sa atin, pero s'ya pa ang di agad makakuha nito. Back subject lang naman n'ya ito. Hindi na nga matalino, dapat makinig man lang. Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. Kung bakit kasi sa atin pa na-grupo."

"P-pasensya na," bulong ko.

Di ko s'ya masisi. Grade conscious ang lider namin at suplada. Naghahabol ng Latin honor.

"Kapag 'yang interview mo eh pumalpak, naku ka! Tigilan mo muna ang pagharot. Di ka pa nadala na nagkaanak ka kung kanino!"

"Huy, Ivy, tama na 'yan," awat nung isang may pagkabinabae sa amin.

"Ay ewan! Labas muna ako. Kailangan ko ng hangin!"

Inalo ako nang mga naiwan sa bahay nina Ivy.

"A-ayos lang ako. Tama naman si Ivy. Pasensya na rin. Ano kasi..." kinagat ko ang dila ko.

Naalala ko ang bilin ni Mike. Baka may masabi ako dala nang bugso ng damdamin.

Nauna akong nagpaalam na uuwi. Wala naman akong masyadong partisipasyon sa hinihimay nilang topic. Yung interview lang talaga ang nakatoka sa akin. Hindi ako pinansin ni Ivy nang magsabi ako na aalis na.

"H-hayaan mo, aayusin ko y-yung interview this weekend."

Inirapan ako nito tapos bumalik sa sala nila kung saan naghihintay ang mga ka-grupo namin.

Di agad ako nag-text kay Mike. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko sa papalabas ng gate nina Ivy. Kaya lang nilapitan ako ni Kuya Gerry na galing sa tindahan sa tapat.

"Oh, ano'ng nangyari? Bakit di pa umuwi mga kasama mo? Teka... umiyak ka ba?"

Yung luha na kanina ko pa pinipigilan, tumulo na.

"Tsk!" inakbayan ako ni Kuya Gerry. "Magagalit na naman nito si Mike eh."

"K-kuya, huwag mo na banggitin, pakiusap."

Nagbuntung-hininga na lang ito, "Halika. Mag-softdrinks ka muna sa tindahan. Tatawagan ko na--"

"Ano, maya-maya na lang. Ite-text ko s'ya."

Bumili na rin ako ng bottled water para panghilamos.

Lihim akong nagpasalamat na di nga nakahalata si Mike pagkasundo sa akin.

Naghihintay sa akin ang mga taga-MonKhAr para sa hapunan. At hindi na nila ako hinayaang makigulo sa paglilinis ng pinagkainan para makapaghanda na ako ng mga dadalhin pa-Maynila.

Minsan, mas gusto kong manatili na lang dito sa loob ng bahay o kaya ay umuwi agad. Dahil kina Mike at mga tauhan n'ya, binigyang kahulugan nila uli ang bahay namin para maging kanlungan ko bilang ligtas na tahanan, puno ng pagtanggap at pang-unawa. Gayong hindi sila taga-rito at kailan ko lang sila nakilala.

Sabay-sabay kaming umalis. Nakasunod kami sa dalawang service vans ng kumpanya nina Mike.

Pasado alas-diyes na kami nakarating sa bahay nina Tita Dolly. Akala ko ay tulog na si Gelo pero, naghintay pala ito.

Naluluha akong sinalubong s'ya ng yakap pagbukas pa lang ng kotse ni Mike sa loob ng malaking bakuran ng mga Montecillo.

"Miss na miss kita, anak," bulong ko.

"Miss-miss din kita po, Mama ko," ang sagot na may kasama panghalik.

Saglit kaming nagkuwentuhan nina Tito Pab at Tita Dolly bago magpahinga.

Si Mike ang nagdala ng maliit kong bag at ilang damit at laruan ni Gelo na dinala namin mula sa Bataan.

Nakakalungkot isipin. Magkahiwalay na kami ng bahay ng anak ko.

Kaya lang para ito sa mas makakabuti at kaligtasan n'ya.

Gaya sa Bataan, tabi kaming natulog ni Gelo. Ang higpit ng yakap namin sa isa't-isa kahit nung magising na ako kinaumagahan.

"Kayo munang mag-ina ang mag-bonding ngayong weekend," si Tita Dolly habang nag-aagahan kami.

"We're going to Tita Alice's house, 'My. Then kay Andie" si Mike.

"Why?"

Pinaliwanag nito ang interview para sa thesis ko.

"You little brat! Pwede naman akong magpa-interview," sabi ni Tita Dolly kay Mike. "Magkasama kami ni Alicia sa ilang charity events."

"You're not that active unlike her and Andie," katwiran ng lalaki. "Tatawagan ko rin si Aris kung pwede si Madel dahil direct beneficiary s'ya ni Tita Alice."

Nagdesisyong sumama si Tita Dolly. Maggo-golf kasi si Tito Pab kasama ang mga kaibigan at ilang kliyente.

"Gamitin mo ito, then I'll help you edit the video," sabi ni Mike habang inilalagay ang tripod sa likod ng kotse.

Kaya pala may dala s'yang maliit na leather bag. Lalagyan pala ng handy cam.

Mabait ang nanay ni Mr. Freidrich Schulz. Bihira lang magsalita yung foreigner na tatay. Hindi aakalaing galing sila sa mayamang pamilya. Istigma na kasi na matapobre ang mga nasa alta sosyedad. Isa itong patunay na maraming mali sa paniniwala ng mga taong hindi nabibilang sa antas nila.

Isinama na rin namin sa interview si Tita Dolly. Si Mike ang nag-set up ng camera. Tapos tahimik lang sila ni Gelo na nakikinig sa amin.

Di naman kami nagtagal pero nagpaiwan na doon si Tita Dolly para makipagkuwentuhan pa sa kaibigan.

"Ang lalaki at ang gaganda ng mga bahay dito," sabi ko nung palabas na kami.

Ayala Alabang daw yun.

"Wait til you see Reid's villa," sagot ni Mike.

Tama ang sinabi n'ya. Parang palasyo ang villa ni Freidrich Schulz.

Dun na kami nagpananghalian. Kalagitnaan ng pagkain namin, may dumating na babae. May kasamang dalawang batang lalaki na halos magkaedad lang. Nakasimangot ito pero maganda pa rin. Hawig ni Ms. Andie pero mas maliit at maputi.

Nginitian naman kami ni Gelo nang ipakilala sa kanya.

"Ah, kayo pala yung kinukwento nina Kuya Aris at Kuya Jeff na taga-Bataan."

"Uhm..." nahihiya akong napangiti.

"Ate, dito muna kami. Nabubwisit ako sa tinamaan na magaling na tatay ng mga ito," ang sabi kay Ms. Andie. "Pakain."

Tapos inupo agad ang mga kasamang bata sa katapat naming mag-ina. May isang katulong agad na kumuha ng mga pinggan para sa kanilang tatlo.

"Si Juno. Asawa ni Rob," bulong ni Mike. "May toyo na naman."

"Binubulung-bulong mo d'yan, Kuya Mike? Lakasan mo, yung naririnig ko," pagsusungit nito na ikinabigla ko.

At napamata ako sa kanya nang balingan ako na, "Naku, Kennie! Huwag kang nagpapaniwala d'yan sa katabi mo. Para lang 'yang si Agoncillo. Matulis!"

"M-matulis? Ano yun?" gulat kong tanong.

"Juno!" saway ni Ms. Andie. "May mga bata!"

"Ito talagang kapatid mo, Andie," reklamo ni Mike.

Si Mr. Freidrich Schulz, tatawa-tawa lang.

Nakangusong umirap sa hangin ang babae. Bagaman mainit ang ulo nito, mukhang magiliw sa bata.

Kambal na anak siguro nila ni Rob yung batang kasama n'ya. Thunder at Robin ang pangalan.

At mabait naman si Juno. Talagang may kasupladahan lang kasi nang malaman n'ya ang dahilan nang pagpunta ko sa villa,

"Nakow! Ako na lang ang tutulong sa iyong mag-edit ng video interview mo," ang presinta n'ya. "Walang talent yan si Kuya Mike sa ganyan. Sekretarya n'yang pabebe ang gumagawa ng presentation n'yan. Isa rin namang bobing!"

Natawa ako nang mahina sa sinabi n'ya. Kanina kasi, pasimple na akong sinabihan ni Mike na ganun daw talaga ito magsalita kaya huwag akong magugulat. At asahan na raw na mababanggit ang sekretarya n'ya dahil mainit daw ang dugo ng asawa ni Rob doon. Nalaman ko rin na sa MonKhAr nagtatrabaho ang babae.

Magsisimula kami sa interview nang dumating si Aris at pamilya n'ya.

Masaya ako na mukhang nagkaayos na sila dangan at halatang nagpapa-goodboy pa ang lalaki kay Madel.

Si Mike ang nagkuwento sa akin ng istorya nang dalawa at kaugnayan nang mag-asawang Schulz sa mga ito.

Natutuwa ako na may ganoong samahan sina Mike at mga kaibigan n'ya.

Matapos ang interview kina Madel at Ms. Andie, si Juno ang kasama ko sa malaking den ng villa para mag-edit.

"Ang ganda!" bulalas ko matapos mapanood ang edited na video.

"Buti nag-input si Ate. Medyo hawig kayo ng kurso. HRM ang kanya. Nito lang rin s'ya nag-graduate."

"Ha?"

Nagkibit-balikat lang ito, "Maaga n'ya kasing pinagbuntis si Hope. Nagkaproblema. Tas ayan, pinanganak yung kambal. Di ko nga alam na tinuloy ni Ate pag-aaral n'ya. Na-comatose kasi ako, halos dalawang taon. May gago kasing--"

"Love...?"

Napalingon kami sa pumasok sa den. Si Rob.

Naningkit agad ang mata ni Juno, "Bakit ka sumunod ditong halimaw ka ha?! Dun ka sa babae mo!"

Hala s'ya! Mag-aaway pa yata silang mag-asawa.

"Uhm...ano, labas na muna ako," alumpihit kong paalam.

"Ay sorry!" biglang sabi ng babae. "Sige."

Lumakad na ako palabas bitbit ang gamit ko. Pahapyaw na humingi rin ng paumanhin si Rob pagdaan ko sa tapat n'ya. Narinig ko pa silang nagtatalo bago ko maisara ang pinto ng den.

"Love... di naman ako ang nag-text. Nagtataka nga ako kung bakit Sabado n'ya ipa-follow up yung--"

"Humanda sa akin yang harot na sekretarya ni Kuya Mike sa Lunes! Isasalaksak kita sa ngalangala n'yang kiri s'ya!"

Gusto kong mapahagikhik.

Ang cute nilang mag-LQ.

Kung ano ang kina-ingay sa den, s'ya namang kinatahimik sa sala.

"Ah, Ms. Kennie, nasa likod po sila. Sa may poolside," sabi nung isang katulong. "'Lika, sunod kayo sa akin."

Palabas pa lang kami sa pinto, tanaw ko na may bisita pa palang dumating. Yung Jeff at ang pamilya ng kapatid ni Mr. Schulz.

Nakatingin silang lahat sa iisang direksyon.

Si Gelo, may hawak na gitarang malaki para sa kanya. Kaya nakapagitan s'ya sa hita nang nakaupong si Mike.

Pinakikinggan nilang tumugtog ang anak ko.

Tugtog na ilang ulit kong narinig na ineensayo nila sa Bataan na hindi mabuu-buo.

Kahit ngayon nga ay inaalalayan pa ni Mike sa pagtipa si Gelo at ginagabayan sa liriko ng awitin.

Hindi agad ako lumapit. Baka maistorbo ko ang pakikinig nila. Isa pa, gusto kong busugin ang tenga ko sa magandang timbre ng kombinasyon ng boses nilang dalawa.

Hindi ko akalain na ganun kabilis matututo si Gelo. At kahit may ilang mali sa pagbigkas n'ya sa ilang lirikong Inggles, hindi maikakaila na maganda ang boses n'ya, katulad ng tagapagturo.




You raise me up, so I can stand on mountains
You raise me up to walk on stormy seas
I am strong when I am on your shoulders
You raise me up to more than I can be




Namasa ang mata ko. Naalala ko ang di sinasadyang marinig na usapan nila dati sa Bataan.




"Tito Mike, turuan mo ako po yung pepede ko itutugtog para kay Mama ko po."




Pinahid ko ang nangingilid kong luha. Saka ko tiningnan ang mga kaibigan nina Mike na tutuk na tutok sa dalawa. Puno nang pagkamangha ang mga mukha.

Matapos ang huling parte na may ilang pagkakamali, mayabang pa ring nag-angat ng mukha si Mike sa mga nanonood, "Ang galing ni Gelo ko, ano?"

"'Tol," sabat nung Erol, "Sigurado ka bang hindi sa iyo ang bata?"

Siniko ito nang buntis na si Ms. Sarah, sabay nguso sa anak ko.

Walang natawa o ibang nakapagkomento pa.

Kitang-kita sa mukha nang mga naroroon na pare-pareho ang iniisip nila.

At kahit ako na kilala ko ang tatay ni Gelo ay parang gusto na ring makisali sa pagdududa nila.

===================

Don't forget to comment and vote!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #b5yhsmd