19 Deklarasyon
Kennie's POV
Pinagpasalamat ko na nakabalik na kami at lahat sa Bataan, hindi na uli inungkat ni Mike ang nangyari nang gabing papunta kami sa Maynila. Baka maiyak uli ako. Hindi ko kasi alam kung ano ang tamang reaksyon sa ginawa n'ya. Magkakahalo na kasi at di ko kayang ... Hindi pala. Ayokong unawain ang mas akmang itawag.
Kaya lang may napansin ako. Kaswal pa rin s'ya kapag kailangan naming mag-usap, lalo na tungkol sa amin ni Gelo. Una, ilang beses kong nahuhuli si Mike na tila nag-iisip kapag akala n'ya ay walang nakatingin. Pangalawa, parang nagiging istrikto n'ya sa aming mag-ina. Ibig ko bang sabihin, may dalawa pa uli na nagbabantay sa amin ni Gelo. Pinakilala sa amin. Yun lang, si Kuya Gerry pa rin ang pangunahing kasama namin. Yung iba, salitan sa pagmanman sa amin mula sa malayo. Tapos, nadagdagan ang mga tawag o text messages ni Mike kung nasaan na kami kapag nasa Maynila s'ya. Yun, medyo naiintindihan ko kahit papaano, medyo nakakailang lang. Pero, pati oras ng pagkain namin, parang mino-monitor n'ya. Ang paggawa namin ng homework ni Gelo.
Hinayaan ko na. Tutal, malaking tulong yun para sa katiwasayan ng isip ko mula nang magpakita si William.
Lamang, nag-iwan sa akin ng pag-aalala ang paghalik na yun ni Mike.
May pinukaw yun sa akin na hindi ko maintindihan. Aminado ako na palagi kong iniisip ang lalaki noon sa kadahilanang nagpapasalamat ako sa mga tulong n'ya pati kumpanya at pamilya n'ya. Isa pa, kasama doon ang pag-aalala sa kaligtasan kundi sa mga makakating-dila dito sa amin. Lalo na nung palabasin n'ya kay William na may relasyon kami at anak n'ya si Gelo, sa harap pa man din ng mga bisita noong birthday ng bata. Pero nung papunta kami sa Maynila...
Di ko mapigilang mapasapo sa mukha ko. Ramdam ko ang init nun. Naiiyak na naman ako. Hindi ako nakatulog nang maayos nang gabing yun, kahit napakakumportable at ang lamig ng kuwartong gamit namin sa bahay ng mga Montecillo.
Naalala ko ang reaksyon ni Tita Dolly, parang lalong nangapal ang mukha ko. Halatang di s'ya naniniwala sa palusot ni Mike. Kahit nung kinabukasan na umalis si Mike para makipagkita sa mga kaibigan, tinanong ako ng mommy n'ya.
"Ano ba talaga ang nangyari kagabi at umiyak ka?" diretso n'yang tanong.
Nag-init ang mukha ko. Mabuti at nauna na si Gelo sa SUV dahil excited sa pag-alis nila. ALam ng babae na di ako sasama para mag-review.
"W-wala naman po. Ano lang, kung ano yung sinabi ni M-mike," kaila ko.
"Tsk! Sabihan mo ako, ha? Malilintikan sa akon ang batang yun. Naku, huwag ikaw! Kapag...naku talaga! Ipapakasal ko talaga kayo.Kung hindi, itatakwil ko s'ya!"
Hindi pwede! Hindi pwede ang gusto ni Tita Dolly!
Hirap na naman tuloy akong makatulog. Napatingin ako sa cellphone ko na nag-vibrate sa lamesitang katabi ng kama naming mag-ina.
Tapos na ba homework n'yo ni Gelo? May pasok bukas, don't stay up late. Goodnight.
Napabuntung-hininga ako. Galing kay Mike. Kabaligtaran nang mga nakaraang gabi, pinili kong hindi mag-reply.
"Magma-madre ang bunso ko," buong pagmamalaki na sabi ni Papa sa mga ka-alyado n'ya sa pulitika.
"Aba, nag-iisang anak mo, bakit ka pumayag na mag-madre?" tanong nung isa.
Nakita ko ang paglamlam ng mata ni Ate Racquel.
Tumikhim si Papa, "Dalawa ang anak ko. Ayan si Racquel."
"Yun ang gusto ni Roqueña. Susuportahan naming mag-asawa. Isa pa, maliban sa magiging alagad s'ya ng simbahan, kawanggawa ang isa sa mga maibibigay n'ya," sambot ni Mama.
"Bakit hindi na lang ang panganay?" susog ng isa. "Sayang naman kung mapuputol ang --"
"Nais ni Racquel ang magkapamilya," si Papa. "Isa pa, pinangarap ng mga magulang ko na magpari ako noon, lamang eh nung malapit na akong mag-isip na mag-aral ng katesismo, mas nahilig ako sa pag-aaral ng batas. Tapos ayan nga, nakilala ko si Rosalia. Di na talaga pwede!"
Nagtawanan sila at nagkatuksuhan.
Totoo yun. Isa sa kadahilanang sinabi ko kina Papa at Mama na gusto kong mag-madre. Kinukwento ni Papa sa amin ang love story nila ni Mama. Marami ang humadlang. Hindi lang ang Lolo at Lola ko na umaasang magpapari ang anak kung magsasawa na ito sa propesyong abogasya. Maging ang mga kamag-anak at ilang kakilala ng pamilya Dayrit, ayaw. Paano, may unang asawa nga si Mama. Si Papa nga ang nag-asikaso ng annulment na yun dahil napupusuan na n'ya si Mama. Tapos malaki ang tanda ni Papa kay Mama. Pera lang daw ang habol.
Kaya nga naging malapit ako kay Sister Linda noong bata pa ako. Natutuwa ako sa mga kabaitan n'ya at kawanggawa. Ang matandang madre ang tumulong para tumibay ang kagustuhan kong magsilbi sa simbahan at sa Diyos.
Gusto ko sana na ako na ang sumalo sa pangarap nina Lolo kahit hindi ko na sila kinagisnan. Ramdam ko, sa kasuluksulukang parte ng puso ni Papa, malungkot s'ya na hindi napagbigyan ang mga magulang. Mas malakas ang puwersa ng kaway ng pag-ibig n'ya kay Mama.
Kaso, gaya ni Papa, may mga pangyayaring kailangang mag-adjust.
Pangyayari gaya nang pagdating ni Gelo sa buhay namin.
Napaisip ako.
Oo, maraming kaganapan at magaganap pa na di inaasahan. Mga bagay na maaring magpabago pa rin sa landas na tinutungo ng kinabukasan ko at ni Gelo.
Maari pa sigurong matupad ko ang--
Napabalikwas ako ng bangon. Biglang nag-ring nang malakas ang phone ko. Di ko ito nai-silent kanina. Baka magisng si Gelo ganyang kakatulog pa lang.
Natigilan ako. Si Mike ang tumatawag!
"H-hello?" Halos pabulong Kong sagot.
"Hindi ka nag-reply?" May bahid panunumbat yun.
"Uhm, ano kasi..." Di ko malaman ang isasagot.
"Wala bang problema?"
"Wala. Ayos lang kami. Ano, kakapatulog ko pa lang kay Gelo."
"I see."
Ilang segundong patlang.
"Kennie--"
"Mike--"
Nagkasabay pa kami. Ang awkward.
"Sige, i-ikaw muna," sabi ko.
"Uhm... Yung mga kaibigan ni Darcy, binigay na ba sa 'yo ang pinag-usapan n'yo?"
"Oo. Kahapon pa. Yun ang exam namon kanina, tsaka para bukas. Ano, magre-review pa nga ako."
Napapalatak ito, "Dapat natutulog ka na ngayon. It's almost eleven."
Napasimangot ako. Hindi ba naging estudyante ang lalaking ito? Aba eh, graduating ako. Maliban pa sa may Gelo akong inaasikaso pagkagaling sa school, hindi ako katalinuhan. I mean, maraming topics na na-discuss sa mga nakaraang semesters na konektado sa mga subjects ko ngayon, pero ngayon ko lang din naiintindihan nang husto. Kasi mas marami akong oras mag-aral at magpahinga.
"Ano, kailangan ko kasing bumawi," sabi ko na lang.
"Matulog ka kaagad pagkatapos ha?"
Di ko malaman kung mangingiti o maiinis ako sa pag-aalala ng taong ito, kaya, "Oo. Sige na. Para makapag-aral na ako."
"Alright. Ahm, Kennie?"
"Oh?"
"Sa isang araw na ang inauguration ng MonKhAr."
"Oo, Alam ko."
"You need a formal dress or a gown. I'll pick you up from school on Friday. Bilhan ko kayo ni Gel--"
"H-huwag na--"
"What?! You said you'll attend!" tumaas agad ang boses nito. "My family and friends are expecting you!"
"T-teka lang. Di yun ang ibig kong sabihin."
"Eh ano?"
"Ako na'ng bahala sa isusuot namin ni Gelo. Ano, busy ka na sa Friday. Para di ka na pumunta dito."
"Susunduin ko rin naman kayo."
"Alam ko. Sabado mo naman kami susunduin."
"Are you sure?"
"Oo."
Kaya kinabukasan, maaga akong bumangon para bumaba sa basement. Doon ko kasi inilagak ang mga gamit nina Mama, Papa at Ate Racquel nang pumayag akong dito mangupahan ang MonKho.
Nakita ko ang hinahanap ko.
Ang itim na tube gown ni Ate at ang Filipiniana bolero ni Mama na gawa sa piña.
Nadismaya lang ako na may mga crack na ang leather ng mga sapatos nilang de takong.
Dala ko ang mga iyon pagkahatid kay Gelo sa school hanggang sa university. Yung oras na mahaba ang free time, imbes na mag-lunch, dumaan ako sa mall para ipa-dry clean ang mga damit. Nakuha ko rin kinagabihan matapos ang group meeting namin para sa thesis draft na ipapasa sa susunod na linggo for consultation sa prof namin.
Kinabukasan, pinili kong umuwi na agad kaysa ang sumama sa iba kong classmates para sa group study raw. Group study na alam ko namang sinasama lang nila ako para makasagap ng kuwento tungkol sa nangyari noong nakaraang linggo sa CR, pati ang nababalitang pagkakamabutihan namin ni Mike.
Naroon ang kagustuhan kong makipagkaibigan sa kanila, ganitong mas marami na akong oras dahil di ko na kailangang magtrabaho. Ang kaso, sila rin ang gumagawa ng paraan para umiwas ako.
Minsan, sumabay ako sa ilan sa kanila mananghalian, may hindi nakapagpigil magtanong.
"Kennie, sino ba talaga ang tatay ng anak mo?"
Hindi ako nakasalita. Tila mitsa yun para magtanong na rin ang iba.
"Balita kasi na yung engineer na nakatira sa inyo ang tatay kasi pati mga magulang nung engineer dumating nung birthday yata ng anak mo. Pero may iba raw na lalaking dumating."
"Ah..eh..."
"Ikaw naman. Tayu-tayo lang naman," sundot pa nung isa.
Biglang nalaglag ang puso ko. Akala ko pa naman, ito na ang simula. Simula na magkaroon ako ng mga kaibigan.
Tipid akong ngumiti sa kanila.
"Hayaan n'yo. Sasabihin ko naman kapag handa na ako. Excuse me."
"Hala... kayo kasi," narinig kong bulungan nila pagtayo ko.
Umalis ako kahit kalahati pa lang ang nakakain ko sa inorder kong tanghalian. Kaya naging maingat na rin sila magtanong o makipag-usap sa akin.
"Hayaan n'yo na lang kasi. Buhay naman n'ya yan. Di naman kayo inaano."
"Tahimik nga lang. Mabait naman si Kennie. S'ya pa raw ang nakiusap na huwag i-suspend yung mga babaeng nang-away sa kanya sa CR."
Gayun pa man, ako na rin ang umiwas. Sumasama na lang ako kung may kinalaman sa pag-aaral namin. Pero kung kaya ko namang gawin mag-isa gaya nang pagre-review, umuuwi na lang ako o naglalagi sa library.
Gaya ngayon.
Nagmamadali akong sumakay papunta kina Nanay Mila para sunduin si Gelo. Sumabit na nga lang si Kuya Gerry sa dyip. Punuan kasi.
Inabutan ko si Nanay Mila na tinatahi ang gown at bolero. In-adjust n'ya yun para sa sukat ko.
"Sama ka na sa amin, Nay," lambing ko. "Tulungan mo akong pumili ng damit ni Gelo at sapatos namin."
"Ay, hindi ko pa tapos ito."
"Mamaya na lang po pagbalik. Dito kami maghahapunan. Tutulungan ko kayo magluto. Nami-miss ko na rin si Estrel eh. Di na kami nakakapaghuntahan."
Kaya kasama na namin si Nanay Mila.
Nag-text na rin ako sa assistant engineer at foreman ni Mike na di kami sa bahay maghahapunan mag-ina para alam nilang di ako makakapagsaing, gaya nang mga araw na late ako makakauwi dahil sa mga gagawin ko since graduating na ako.
Napangiti ako nang pagka-send ko nun.
Masaya sa pakiramdam na may pinagpapaalaman akong ibang tao na kasama sa bahay.
Nakaka-miss talaga. At mami-miss naming tiyak ni Gelo kapag wala na ang mga taga-MonKho sa amin.
Hindi bale. Madagdagan ang mga buwan na narito sila.
Gagawin nila yung pwesto ni Mang Donald at mayroon pa raw sa kabilang bayan. Sabi ni Mike, dito pa rin sila mananatili kahit aabutin nang isang oras ang byahe papunta doon. May service vehicles naman sila.
Nung una, medyo naiilang si Nanay Mila nang makita si Kuya Gerry na nakasunod sa amin. Pero saglit lang, nasanay na rin.
Bumulong pa nga, "Di ko nakikita yung bantay ni Gelo."
"Andyan lang po. Kasama natin sa dyip ngayon," mahina kong sagot.
"Sino ba d'yan?"
"Yung pong naupo sa tabi ng tsuper."
"Ah, mabuti. Mas kampante tayo kapag ano," ang pabulong pa ring sabi.
Alam ko ang ibig n'yang sabihin.
Lamang, hindi pa rin pala ganun kadali ang lahat.
"Nakita mo ba si 'Nay Mila, Gelo?" tanong ko matapos kong kunin ang box nang napili kong sapatos mula sa sales lady.
Nagpaalam kasi ang matanda na titingin din ng sandals n'ya matapos naming makabili ng simpleng barong at slacks ni Gelo kanina.
"Indi po, Mama."
Nagpalingun-lingon ako.
Napakunot-noo.
Si Kuya Gerry at si Kuya Orlan, na bantay ni Gelo, ang papalapit sa amin.
Kumabog agad ang dibdib ko. Inikot ko na ang mata ko sa paligid dahil hindi sila basta lalapit sa amin maliban kung...
Nabitawan ko ang kahon ng sapatos at ang mga damit ng anak ko.
Si Nanay Mila, pabalik na sa amin. Namumutla ito.
Kahit naka-jacket at nakasaklob ang hood, kilala ko ang sumusunod sa kanya.
Si William!
Kinapitan ko agad si Gelo at itinago sa likod ko.
"Ma'm, ako na," sabi ni Kuya Orlan.
Di na ako tumanggi nang kargahin n'ya ang anak ko at lumakad palayo.
Humarang agad si Kuya Gerry sa harapan ko paglapit ni Nanay Mila.
"Hanggang d'yan ka na lang," kalmado pero matatag na sabi ni Kuya Gerry kay William.
"Roqueña."
"Ma'm, sige na. Mauna na kayo. Ako na'ng bahala sa bibilhin n'yo," instruksyon ni Kuya Gerry.
"Magkakagulo rito kapag hindi mo ako kinausap, Roqueña!" mahina pero madiing sabi ni William.
Napatulos ako sa kinatatayuan.
Hindi ko malaman ang gagawin. Pati si Nanay Mila, ninenerbyos na.
Napaigtad ako nang mag-vibrate ang phone sa bulsa ko.
"Roqueña!" lumakas na nang bahagya ang boses ni William.
Hindi ko s'ya pinansin. Mas pinili kong sagutin ang tawag dahil di yun tumitigil. Ni hindi ko na magawang tingnan kung sino yun. Nanginginig na ako. Pilit kong kinakalma ang sarili ko dahil baka hikain ako.
"H-hello?"
"Get out of there now!"
Yun agad ang narinig ko.
Si Mike!
Bigla akong nakaramdam na kahit papaano ay ligtas ako kahit nang itanong ko na,
"N-nasaan ka?"
"Sa Maynila. Itinawag ni Orlan. Get out of there now!"
Parang yun lang ang hinihintay ng sistema ko. Kinapitan ko na si Nanay Mila sa braso. Lumakad na kami palayo.
"Roqueña!" sigaw na ni William na humabol sa amin.
Napabilis na ang lakad namin.
"Panginoon ko!" takot na bulong ni 'Nay Mila.
Nilingon ko kung aabutan kami ng lalaki. Nakahinga ako na huminto ito sa paglakad dahil hinarangan na s'ya ni Kuya Gerry. Pagliko namin sa escalator, nakita ko na may kausap na ang lalaki sa phone n'ya.
Galit ang mukha nito. Hindi ko alam kung sa kausap o sa amin, dahil habol n'ya kami ng tanaw.
Dumiretso kami papalabas.
Nag-vibrate uli ang phone ko. Si Kuya Orlan.
"Ma'm, nasa Jollibee kami ni Gelo sa ground floor. Magta-taxi na lang tayo pauwi. Bilin ni Sir Mike."
"S-sige."
"Ma'm Kennie," si Kuya Gerry na sumunod na sa amin wala pang labinlimang minuto. "Halika na."
"S-si William?"
"Hindi na yun basta makakasunod. Kausap ni Sir Mike sa phone. Heto oh."
Walang kibo kong kinuha ang inabot n'yang shopping bag. Ang sapatos ko at damit ni Gelo.
"Ano, bayaran kita sa--"
"'Wag na, Ma'm," inangat nito ang hindi pa naibubulsang credit card. "Covered kayo nito kasama sa allowance naming mga bantay."
Nawalan na naman ako nang masabi.
Ngayon, halu-halo na ang nararamdaman ko.
Tuwa, relief , kaba, takot...kasi... ano ang pinag-uusapan nila? Ano ang plano ni Mike?
Yun ang laman ng isip ko habang nasa taxi kami. Taxi na sa ER nang pinakamalapit na ospital dumiretso. Dahil dumaing si Nanay Mila nang pagsakit ng batok at ulo. Tumaas ang blood pressure n'ya.
Hiyang-hiya ako lalo na't doon dumiretso si Estrel mula sa trabaho.
"Ano ba kasi'ng nangyari, 'Nay? Kennie?"
Wala akong ibang masabi. Nagpakayuku-yuko ako.
Nagkausap na kami kanina ni 'Nay Mila bago pa dumating ang bestfriend ko.
Pag-uusap na dinaan ko sa pananahimik pa rin ang mga tanong n'ya tungkol sa mga sinabi sa kanya ni William.
"Hindi ko na alam ang iisipin ko, anak," ang sagot lang ng matanda.
Nagkaroon nang pagkalito sa mukha ni Estrel na nakaupo sa silya sa gilid ng kama ni 'Nay Mila sa ER.
"Saan?"
"Sinundan kami at kinausap ako kanina ni William..."
Hindi ko na naawat ang matanda sa pagkuwento sa mahinang pagsasalita.
"Kennie... totoo ba?" halos pabulong na tanong ni Estrel. "Bakit?"
Yumuko lang ako. Alam ko, ang pananahimik kong iyun ang kinuha nilang kumpirmasyon sa sinabi ni William.
"Roqueña..." nahaluan na naman ng habag ang boses ni Estrel. "Hindi mo kailangang magsakripisyo. May karapatan si Gelo--"
"Tama na, Estrel," nahahapo kong awat sa sasabihin n'ya pa.
"Dapat n'yang malaman kung--"
"Alam n'ya, Estrel," mahina kong sabi. "Hindi ko nilihim yun sa bata. Si William lang ang hindi n'ya kilala dahil hindi pa tama ang panahon."
Niyakap ako ng kaibigan ko. Naiyak na ako.
Kasi nakakagaan din pala sa kalooban ang may mapagsabihan. At kasama noon ang pangamba para sa kanila ni 'Nay Mila.
Pangamba dahil may alam na sila.
At gaya ko, sila lang ang magkasama sa bahay. Wala ang kuya at nobyo ni Estrel sa Pilipinas.
Inabot pa kami nang halos dalawang oras doon.
Hindi ko inaasahan na darating si Mike.
Ayun na naman ang paglihis sa ritmo ng tibok ng puso ko pagkakita sa kanya.
Kasabay ng pakiramdam na ligtas ako. Kaso, dagli yung napalitan nang pangamba at takot.
Sobrang seryoso ang mukha ni Mike at hindi ako kinikibo maliban kung kailangan.
Hinatid namin sina Estrel pauwi.
Nagkasya naman kami sa kotse n'ya. Sila ni Kuya Gerry sa harap, kaming tatlo sa likod. Pinauna ko na kasing umuwi sina Gelo at Kuya Orlan. Hindi ko na sila pinababa sa taxi kanina.
"Galing na ako sa bahay. Tinapos na namin ang homework ni Gelo. Nagbilin ako na matulog na s'ya nang maaga," umpisa ni Mike nung papasok na kami sa bahay. "Kaya huwag kang magmadali at umiwas sa akin."
"Ha?"
Hinawakan n'ya ako nang mahigpit sa braso para pigilan sa paghakbang sa patio. Tila nakaramdam agad si Kuya Gerry kaya nauna nang pumasok sa bahay.
Nakaramdam ako nang bahagyang takot kay Mike lalo at inilapit n'ya ang mukha sa akin.
Iniharang ko agad ang palad ko sa dibdib n'ya. Akala ko ang hahalikan na naman ako.
Hindi ko na alam kung ano pa ang halu-halo at nakakalitong pakiramdam ang idadagdag ng lalaking ito sa akin kapag naulit pa yun.
"Don't worry, I won't kiss you," mahina man ay may diin n'yang sabi.
Ewan ko pero gusto kong kwestiyunin ang sarili ko kung bakit parang may pagkadismaya akong naramdaman sa sinabi n'ya.
Huwag, Roqueña! Hindi dapat!
Hiyaw nang maliit na parte ng utak ko.
"...because of what I've learned today, I'm too pissed off right now to do that."
"Ha?"
"Mag-uusap tayo!" gigil-pabulong n'yang sabi.
Hindi n'ya ako binitawan pagpasok sa sala.
Napamata na lang sa amin ang ilang tao ng MonKho sa sala na nanonood nang panggabing teleserye. At walang nakapagsalita nang ipasok ako ni Mike sa kuwarto n'ya.
Kahit ako, biglang-bigla!
Pagkabigla na nasundan nang pangangalog ng tuhod nang bigla n'ya akong bitawan pagkasara nang pinto.
Madiin n'yang naihilamos ang dalawang palad sa mukha na tila toreng kunsumidung-kunsumido sa harap ko.
Marahas s'yang nagbuntung-hininga at ilang segundo akong tinitigan.
Napayuko na lang ako pero pabigla uling napatingin sa kanya dahil sa deklarasyon n'ya na tila isang hari.
"Paninindigan natin na ikaw ang nanay ni Gelo at ako ang ama, Roqueña. Tayo ang magulang n'ya! Hindi ang Ate Racquel mo at si William! Naiintindihan mo?!"
======================
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro