Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

1 Pakiusap


Kennie's POV

Hindi ko maintindihan kung bakit naririto ako ngayon sa loob nang malaking bakuran ng simbahan sa lugar namin.

At di ko maintindihan kung bakit walang tao dito, maging sa labas.

Oo, nung bata pa ako, hindi karamihan ang dumadaang sasakyan sa kalye na ilang metro lang ang layo sa akin. Pero kasabay sa paglipas ng panahon , dumami na ang tao sa lugar namin. Dahilan para maging mas abala ang kalye dito kaysa dati.

Isa lang ang sigurado ako. Pamilyar sa akin ang dilaw na bestida na isa sa paborito kong suotin kapag magsisimba kami nang panahong nasa elementarya ako. Pati ang puting sapatos ko na tsarol at may raffles na medyas.

Kaya inangat ko ang kamay para makasigurado. Maliit yun.

Gusto kong matakot dahil merong mali. Bumalik ako sa panahon na bata pa ako. Takot na mabilis na nawaglit sa akin nang kumalembang ang kampana na noon ay paborito kong marinig. Marinig habang nangangarap nang gising para sa kinabukasan ko. Kalembang na nagdulot naman sa akin nang labis na panghihinayang pagdating ko sa edad na kinse.

Ang panghihinayang na hindi ko maramdaman ngayon. Kunsabagay, limang taon na mula nang tanggapin ko ang katotohanan na malabo na yung mangyari. Dangan lang at bumalik sa akin ang malalim na kagustuhan na laman dati nang bata ko pang puso. Lalo at may mga kamay na humawak sa magkabila kong palad.

Tiningala ko sila.

Ang maaliwalas na mukha nina Papa at Mama ang nakita ko. Parehong nakangiti sa akin.

Nagsimula kaming lumakad papasok sa simbahan habang nag-uusap silang dalawa. Pag-uusap na tila silang dalawa lang ang nakakarinig. Basta ang alam ko, bumubuka ang bibig nila, nakangiti pati ang mata habang pasaglit-saglit na tumitingin sa isa't-isa. At minsan sa akin.

Nagtataka man ako na parang kami lang yata ang tao ngayon sa buong paligid na magsisimba, ramdam ko ang kagaanan ng loob.

"Pa? Ma?" tinagtag ko ang kamay nila para pansinin ako.

"Oh?" malambing na baling ni Mama sa akin.

"Gusto ko pong mag-madre. Tulad nina Sister Linda. Ta's po, maraming batang natutulungan," nakangiti kong sabi na nakatingala sa kanila.

Hinaplos ni Papa ang ulo ko, "Walang problema, Roqueña. "

Ngumiti ako lalo nang matamis. Napuno ng saya ang puso ko.

"Hindi lang madre, bunso. Kahit anghel pa," dugtong pa ni Papa.

"Halika na sa loob," turo ni Mama sa simbahan na ngayon ay may mga tao

Napakunot ang noo ko. Tila naghihintay ang mga taong puro nakaputi. 

Kami ba ang inaabangan nila? Kasi sa amin sila nakatingin.

May hindi maipaliwanag na kaba akong naramdaman.

Saka ko naalala si Ate. Nasaan ba s'ya? Bakit di namin kasama?

"Kennie..."

Galing ang pagtawag na yun mula sa likod kaya lumingon ako.

Nagtaka ako na makita doon si Ate Racquel.

Bakit... bakit ganoon ang suot n'ya? Nakapang-opisina.

Di ba dapat ay naka-uniporme s'ya na pang-highschool dahil pitong taon lang naman ang agwat namin? Hindi pala. Dapat ay nakasuot s'ya na pangsimba gaya namin.

Merong mali sa sitwasyon, sigurado ako. Lalo at kita ko ang matinding lungkot at pagsusumamo sa mata n'ya.

"Kennie," tawag n'ya uli.

Tinagtag ko uli ang kamay ni Papa at Mama.

"Pa... Ma ... si Ate."

Huminto kami sa paglakad. Nagtaka ako kung bakit sabay nilang binitawan ang kamay ko at humakbang nang tatlo palayo bago humarap sa akin.

Hindi ko na naman maintindihan ang malaking pagtatalo sa loob ko. Yung pakiramdam na nasa pagitan ako nang nag-uumpugang bato.

Inangat ni Ate ang kamay n'ya sa direksyon ko. Tila pinalalapit ako sa kanya.

Heto na naman at nalilito ako. May pakiramdam ako na tuluyang mahihiwalay kina Papa kung hahakbang ako palapit kay Ate para sa kanya magpaakay papunta sa simbahan.

Napalingon ako kina Mama.

May nabanaag akong lungkot sa mata nila, pero may kasamang matipid na ngiti at pang-unawa.

Ano ba ang nangyayari?

"Kennie... pakiusap."

"Ha? Ano yun, Ate?"

"Huwag muna."

"A-ang ano?" napahakbang na ako papalapit sa kanya.

"Si Gelo..."

Si Gelo? Sinong...?

Si Gelo!

Napatili ako dahil may puwersang humigop sa akin papalayo sa kanilang tatlo. Umiiyak ako habang papaliit sila nang papaliit sa paningin ko.

At bago sila tuluyang maglaho, hindi ko makakalimutan ang damdaming nakita sa mga mukha nila.

Si Papa at Mama, pang-unawa.

Si Ate, pasasalamat.

Hikbi ko na lang ang naririnig ko sa kalagitnaan ng dilim. Natatakot ako. Hindi ako sanay sa sobrang madilim.

"Mama..."

Natigilan ako. Ang boses na yun...

"Mama ko..."

Gelo...

Ang bulong ko sa isip.

Nakalma ang takot sa akin. May tapang at lakas ng loob na bumangon sa puso ko.

"Huwag ka nang umiyak," boses yun ng babae.

Si Estrel!

"Natutulog lang ang Mama mo, Gelo. Nagpapahinga."

"Nung ... nung isang k-kagahapon pa po s'ya atutulog. Indi atutulog si Mama ko ang mahaba."

Narinig ko pa ang hikbi ng anak ko. Tapos ang maliit n'yang kamay sa pumisil sa palad ko.

Kumirot ang puso ko sa naririnig na pag-aalala n'ya sa akin. Kaya nag-ipon ako ng lakas para malaman n'yang ayos lang ako.

Medyo masakit nang gumanti ako nang pagpisil sa kanya. Parang may nakatusok sa ibabaw ng kamay ko.

Naisip ko, dextrose.

Naalala ko ang nangyaring sunog. May tuwang hatid sa akin sa kaalamang nakaligtas ako.

"N-ninang...?!"

"Bakit?" tanong ni Estrel.

"Si Mama... nipisil n'ya kamay ko!"

"Sigurado ka?"

"Onting-onti pero opo!"

"Sandali! Wag kang aalis sa tabi ni Mama mo."

Narinig ko ang papalayong mga hakbang pagkatapos ay ang pagbukas at pagsara ng pinto.

Saka ko naramdaman ang malamig na hangin galing sa tila mangkok na nakataob sa bibig at ilong ko.

Nilanghap ko ang oksihenang binubuga ng aparato saka unti-unting dumilat at pumikit uli.

Mahapdi ang mata ko.

"G-gelo..."

Pati lalamunan ko, mahapdi. Resulta ang magaspang kong boses.

"M-mama ko..."

Pinilit kong lingunin si Gelo na yumakap sa bewang ko.

Inangat ko ang malayang kamay para haplusin ang ulo n'ya.

Natigilan uli ako. At napabuntung-hininga sabay haplos sa ulo ni Gelo.

"Mama..." lalo s'yang humikbi, dangan at may kasama na yung relief.

"G-gelo... b-baby..." ang sabi ko lang nung humigpit ang yakap n'ya sa bewang ko.

Naalala ko kung bakit may balot ang kamay ko.

Ang hindi ko lang sigurado ay kung gaano kalala ang paso ko roon nang hawakan ko ang doorknob ng pinto sa service room.

Hindi ko nga kasi naramdaman ang sakit marahil dala nang pagkataranta na makaligtas kami ni...

Si Engr. Montecillo!

Bago pa ako makakilos uli, bumukas na ang pinto.

"Kennie!" si Estrel na nauuna sa doktor na pumasok.

Matipid akong ngumiti sa kanya sa ilalim ng oxygen mask.

"Mabuti nagising ka na," ang nakangiti n'yang sabi na may pigil na luha sa mata.

"How are you feeling now?" tanong naman nung babaeng doktor.

"M-masakit ang mata a-at lalamunan ko. At medyo m-mahirap huminga."

"It's expected, Ms. Dayrit. You've been in that building full of black smoke. You almost didn't make it with your severe asthma attack."

"H-ho?"

"Pangatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang sunog, Kennie," si Estrel. "Seventy-two hours lang ang binigay para magising ka."

Nabigla ako sa narinig.

"Or else, you will be declared in deep coma. Worst scenario is with brain and lung complications. Right now, you still have to stay in the hospital for a few more days para masigurong ayos ka. Your respiratory system suffered a lot. You need to take your prescription religiously and rest more for a few days, maybe weeks."

Nataranta agad ang isip ko. Napansin yun ni Estrel.

"Huwag mong alalahanin ang bills. Sasagutin daw ng Enrico at nung kumpanya nung niligtas mo. May-ari pala yun."

Saka lang ako nakalma.

Pinaliwanag na ng doktor ang kundisyon ko. Saglit lang, may dumating na medical staff para kuhanan ako ng dugo. Hinayaan ko na lang sila sa gagawin nila dahil wala pa akong sapat na lakas para matakot sa karayom.

Nailang pa nga ako nang mapansin na private ang kuwarto ko. May tulugan ang bantay, at sariling mini-kitchen at sala. Sabi ni Estrel kanina, may private nurse din ako, pero naka-lunch break.

Naka-rolling bed ako nang dalhin sa x-ray room para i-check uli ang baga ko.

Pagbalik sa kuwarto, naglalaro si Gelo nang paborito n'yang robot na regalo ni Estrel sa kanya noong nakaraang Pasko. Naroon na yung private nurse ko raw at pinakilala sa akin.

"Galing dito kaninang umaga si Aris," kuwento ni Estrel habang inaalalayan n'ya akong kumain ng soup sa medyo paupong posisyon ko sa kama.

"Sino yun?"

"Engr. Aris Kho.Yung co-owner ng MonKho. Partner ni Mike."

"M-Mike? Si Engr. Montecillo?"

"Oo. Huwag ko na raw silang tawagin na engineer," tapos ngumiti.

Kinikilig ito. Sigurado ako. Yun lang, alam ko ring loyal naman s'ya sa nobyong nasa Dubai. Mahilig lang talaga s'ya sa ... ahm... mag-appreciate ng gwapo.

"Uhm... kumusta na s'ya? Ano, si Engr. Montecillo?"

"Bumisita na rin s'ya kagabi. Naka-wheelchair pa at may benda benda pa rin sa ulo. Ayos naman s'ya. Nag-aalala sila na di ka pa nagigising. Pati yung manliligaw mo, si Mario, nagpunta na rin. Actually, araw-araw. Minsan, kasama n'ya yung ilan mong ka-trabaho. Tsaka nga pala si Darcy. Close ba kayo nun?"

Umiling lang ako at saglit na di umimik. May iba akong inaalala.

"Estrel... pakitanong naman kung ano. Yung relo ko kasi naiwan ko sa service room sa fourth floor," pagbabakasakali ko.

"Walang nasagip na gamit sa fourth floor ng apartelle, Kennie."

Bumigat ang loob ko sa nalaman. Malaki ang sentimental value nun sa akin dahil nga kay Ate Racquel.

"Sarado nga sila ngayon. Ipapa-renovate nila yung nasunog na parte. Pinapatapos lang ang imbestigasyon. Pero, yung second floor daw, bubuksan uli this week. Ta's next week yung  sa third, fourth at fifth. Para pabalikin na ang mga kasama mo at makatulong sa paglilinis at pag-aayos dun."

"P-pati sa third at fifth?"

"Sisiguraduhin pa raw na di marupok yung flooring sa fifth, at kisame ng third."

"Paano yung mga guests na naka-book?"

"Balita ko, binayaran ng management n'yo para makalipat muna sa iba."

Napatangu-tango ako matapos uminom ng tubig.

"Yung ibang prutas na pasalubong sa iyo, si Gelo ang kumain. Ang takaw talaga n'yan sa prutas. Parang ikaw."

Napangiti lang ako habang nakalingon sa anak ko na ayun nga at may nilalantakan na ubas.

"Ma'm, kailangan na pong palitan ang catheter n'yo," sabi nung nurse.

Oo nga pala. Isa pa yun sa naiisip ko kanina.

"Ano... pwede bang alisin na lang? Di kasi ako kumportable."

"Kaya n'yo na po bang maglakad kung magbabanyo? Aalalayan ko naman kayo."

"Oo."

Saglit na lumabas yung nurse. Pagbalik, may dala s'yang gamit.

Naiilang man, hinanda ko ang sarili sa pagtanggal ng catheter ko. Wala naman akong choice. Malamang nakita na rin nang kung sinuman ang nagkabit nito sa akin ang parteng 'yun' ng katawan ko. Iniisip ko na lang, nasa field naman sila ng medisina. Natural sa kanila ang makakita ng katawan ng tao.

Pinisil ni Estrel ang palad ko. Alam n'ya ang nararamdaman ko.

"Mama, ano po nigagawin sa 'yo?" may pag-aalalang tanong ni Gelo.

Si Estrel ang sumagot, "May aalisin lang kay Mama mo. Para di na s'ya masyadong mahihirapan. Dun ka muna sa sofa, baby."

Kita na nawala ang pag-aalala sa mukha ni Gelo bago sumunod.

Saktong inangat ng nurse ang kumot paangat sa nakabuka kong hita nang bumukas ang pinto ng kuwarto.

"Hello...Oh! I'm sorry!"

Ni hindi ko nagawang lumingon sa sobrang kahihiyan, kahit narinig ko ang tunog nang pagbangga sa pinto na sa palagay ko ay wheelchair.

Naitakip ko na lang ang mga palad sa mukha.

"Naku, Ma'am, sorry! Hindi ko nai-lock ang pinto," paumanhin agad nung nurse na agad ibinaba ang kumot pantakip sa akin.

Si Estrel, hinawi agad pasara ang curtain divider.

Ang init-init nang pakiramdam sa mukha at leeg ko. Siguradong si Engr. Montecillo yun.

"Ayos lang, Kennie. Di naman nakatapat sa pinto ang--"

"ESTREL!"

"E totoo naman. Patagilid naman ang kama sa direksyon ng pintuan."

"Estrella, nakakainis ka na!" maktol ko.

Narinig ko ang pagtawa n'ya nang mahina.

"Sorry talaga, Ma'm," paumanhin uli nung nurse.

"P-pakitapos na lang agad, please."

"Uhm...sige po."

"Tito Mike, wag ka na po lalabas. Nakasara naman yun po eh," narinig kong sabi ni Gelo.

Isang tikhim ang narinig ko.

"Ah.. eh..." nag-aalangan yung lalaki.

"Ayos lang naman siguro, sir," may isa pang babaeng nagsalita.

Nurse n'ya siguro.

Lalong nag-init ang mukha ko lalo pa at may isa pa uling nagsalitang babae.

"It's alright, son. It was not intentional."

Naku, ang mommy malamang ni Engineer!

"Tita Mommy, masarap po yung drapes."

Natawa pa yung babae, "It's grapes, Gelo. I'll bring more later."

"Talaga po?!"

Diyos ko! Nakakahiya naman. Si Gelo talaga!

"Estrel, pakisaway nga si --"

"Ma'm Kennie, hinga ka nang malalim," sabi ng nurse ko.

Santisima! Hindi ko malaman kung alin ang uunahin kong maramdaman. Kung yung hiya dahil sa biglang pagpasok nina Engr. Montecillo, yung sinabi ni Gelo o itong pag-aalis sa akin ng--

"A-aray!"

Ayan na nga ba!

"Hey, be careful!" sabi nang baritonong boses ni Engr. Montecillo.

Akala ko si Gelo ang sinasaway n'ya, yun pala...

"Mike, Wag ka ngang parang sira," saway nung mommy n'ya yata.

"Eh umaray si Kennie."

"It's normal kung papalitan s'ya ng catheter. Wag kang OA. You weren't like that when I was hospitalized."

"Ma'm Kennie, relax ka lang po," sabi nung nurse ko.

Napakagat-labi na lang ako.

"I was abroad for a seminar, Mom."

"Nag-aaway po kayo?" tanong ni Gelo.

"Ah, hindi," salag ni Engineer.

"Huwag kang tutulad sa kanya na palasagot sa Mommy mo ha, Gelo?"

"Si Mommy!"

"Am I wrong? You're still on a wheelchair pero kung makapangatwiran ka."

"Tsk! Alright, I'm shutting up."

"Good!"

Napahagikhik si Estrel. Pero ako, di ko magawang matawa. Kasi naalis na yung catheter ko. Inayos na ng nurse ang kumot ko. 

Nakakailang. Wala akong suot na kahit anong underwear sa ilalim ng suot kong hospital gown at nakatakip na kumot. Tapos, may mga tao lang sa kabilang panig ng kurtina na hindi ko naman talaga kilala.

"Nakakatawa ang mag-inang yan. Palaging nagtatalo. Pero halata namang mahal na mahal ang isa't-isa. Parang nakikita ko kayo ni Gelo in the future."

Totoo ang sinabi ng bestfriend ko. Sa batang edad, mahilig mangatwiran ang anak ko.

"Yung daddy nga ni Mike, natatawa lang rin sa kanila nung dumalaw dito. Nagtatalo kasi ang mag-ina. Ayaw ni Mike magpa-confine pa sa Maynila. Kanina, nagtalo rin sila dahil ayaw na gumamit ni Mike ng wheelchair. Di lang s'ya nasunod dahil pati doktor, sinabihan s'yang mag-wheelchair pa-- Huy!"

Doon ko lang napansin, hinihigit ko na naman ang paghinga ko. Nate-tense kasi ako lalo't hahawiin na nung nurse ang kurtina. Di naman ako ganun kadaling atakihin ng hika. Kapag napagod lang talaga ako ng husto. O kung may malalang trangkaso.

Ito malamang ang sinabi kanina ng doktor na dahil sa nangyari, madaling mati-trigger ang asthma attack ko sa mga susunod na araw. O maaring linggo. Depende sa resistensya ko. Gayundin sa reaksyon ng katawan ko sa mga nakareseta sa aking gamot. 

"Ma'm Kennie!" napalakas ang boses nung nurse nang lingunin kami dahil sa reaksyon ni Estrel.

"What's going on?!" si Engr. Montecillo.

Kasunod ang pag-ingit ng bakal at gulong tapos ang mabibilis na hakbang sa direksyon ko.

"Michael, dahan-dahan!" awat ng mommy n'ya.

Lalong lumalim ang paghinga ko. Narinig ko na nga ang halos pagpito ng hangin sa bibig ko, gawa ng hika.

"Ma'm Kennie, ito," iniamba ng nurse ang inhaler sa bibig ko.

Saktong paghigop ko run,

"Goddammit! Call the doctor!"

Napapiksi ako sa lakas ng boses na yun na nasa tabi ko lang.

"W-wag na..." nakapikit kong awat sa nurse habang ninanamnam ang ginhawang dala sa akin ng Ventolin. "A-ayos na 'ko."

"Are you sure?" lumambot agad ang boses ni Engineer.

Kaya nagkaroon na ako nang kaunting lakas ng loob para lingunin sya.

Nagsalubong ang mata namin.

Di ko maiwasang tumaas ang dalawang kilay.

Ngayon ko lang nakita nang malinaw na nakadilat si Engr. Montecillo... pero sigurado ako.

Nakita ko na nang ilang beses ang mga matang katitigan ko ngayon!

==================

Don't forget to comment and vote!

===================

It's been almost a year since I published YHSMD Prologue!

Salamat sa pang-unawa, at mga nagtyagang maghintay na matapos ko muna ang books 1-4 nitong series, pati ang mga short stories ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #b5yhsmd