☠ 69
"Welcome to Camp Liwayway"
Marahas na napalunok si Steven nang matanaw ang karatulang tila ba nagni-ningning sa kawalan. Binilisan niya ang pagmamaneho, hindi alintana ang maaring kapahamakang naghihintay para sa kanya.
Hininto ni Steven ang sasakyan sa tapat ng napakalaking arkong nagsisilbing entrance ng camping grounds. Dali-dali niyang binuksan ang glove compartment at kinuha ang isang flashlight.
"Nasaan ang mga tao rito?" pabulong na tanong ni Richard habang pinapasadahan ng tingin ang mga cabin sa iba't ibang direksyon. Umaandar ang lahat ng ilaw at may musika pang nagmumula sa mga speaker sa paligid, ngunit sa kabila nito ay wala silang nakikitang kahit na sino.
"Dito lang kayo, ako na ang papasok sa loob para kunin si Katkat. Hintayin n'yo rito ang mga pulis na tinawagan natin," walang emosyong sambit ni Steven, nangangatog ang nanlalamig na mga kamay.
"Okay!" Walang pag-aalinlangang sambit ni Ben mula sa backseat, bakas ang takot sa mukha.
"Sasama ako sa'yo," giit naman ni Richard, seryoso at walang pagda-dalawang isip. Dahil dito ay napatango si Steven, may tingin ng pagpapasalamat.
"Teka, maiiwan ako rito nang mag-isa?!" bulalas ni Ben, lalong mas bumakas ang takot sa mukha.
Mabilis na lumabas sina Steven at Richard mula sasakyan, bagay na ikinamura ni Ben nang paulit-ulit. Sa tulin at lutong ng kanyang pamumura, daig pa niya ang rapper na si Gloc9.
Palipat-lipat ang tingin ni Ben. Nalilito siya kung susunod o mananatiling mag-isa. Ngunit sa bilis na rin ng paglalakad ng mga kaibigan, wala na siyang mapagpipilian pa.
"Wag kayo mamamatay please!" Iyak na lamang ni Ben at huli ay dali-dali na lamang na ini-lock ang ang sasakyan at lumubog sa kinauupuan.
Pilit na nilabanan ni Ben ang kanyang takot sa pamamagitan ng paglalaro ng paboritong mobile game. Sa simula ay patingala-tingala pa siya sa mga bintana, ngunit kalaunan ay tuluyang nalunod ang kanyang atensyon sa nilalaro.
Tila ba nawala sa isipan ni Ben ang tumatakbong oras at mga pangyayari sa paligid. Gigil na gigil siya sa nilalaro, minsan ay may kasama pang mura.
Sa isang iglap ay nagsimula siyang makarinig ng mga kaluskos. Nag-angat siya ng tingin sa bintana at laking gulat niya nang biglang humampas dito ang isang palad.
"Mama!" Tili ni Ben nang biglang sumulpot ang pawisan at namumutlang mukha ng isang babaeng may mahabang buhok. Sa sobrang gulat at takot niya ay mabilis siyang napatakip sa kanyang mukha, ngunit dahil sa kanyang ginawa ay aksidente niyang nahampas ang cellphone sa sarili.
Namimiipit man sa sakit, patuloy pa rin sa pagtili si Ben. Humahangos na siya kaya naman para na ring nagpatay-sindi ang kanyang bawat tili, pataas nang pataas ang bawat nota.
"Ben! Ben! Ako 'to, Ben!" paulit-ulit na giit ng babae. "Si Celestine 'to!"
Lalo lamang lumakas ang tili ni Ben, at sa pagkakataong ito ay hindi na patay-sindi ang kanyang tili. Tuloy-tuloy na ito, birit kung birit, nganga kung nganga at halos tumirik pa ang mga mata. Nahinto lamang siya nang mabilaukan sa sariling laway, ubo tuloy siya nang ubo.
"Ben! Sabing ako 'to!" giit muli ni Celestine at patuloy na kinalampag ang bintana.
Pulang-pula na ang mukha at mga mata ni Ben. Ubo man ng ubo, nagawa niya pa ring duruin si Celestine at samaan ng tingin. "Hindi ka si Celestine! Hindi mo ako maloloko! Hindi mo ako mapapatay!"
Kunot-noo, lalo namang naging desperado si Celestine. "Ben, ano ba! Ako 'to! Bakit ka nag-iisa?! Nasaan si Steven?! Is he okay?! Did he find his sister?!"
"Kung ikaw nga si Celestine, sabihin mo ano ang favorite pancit canton flavor ko!" giit ni Ben gamit ang garagal at maangas na boses.
Namilog naman ang mga mata ni Celestine. "How should I know?! Hindi tayo close!"
Agad lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Ben. Hindi niya napigilang matawa nang bahagya. "Ay, oo nga pala."
****
"Maghiwa-hiwalay tayo para mas mabilis nating mahanap si Katkat," giit ni Richard na sinang-ayunan naman agad ni Steven.
"Sa isang boathouse nagtatago si Katkat. Tiyak malapit lang 'yon sa lawa. Sa left side ka, sa right side naman ako maghahanap. 'Wag na nating tawagan o ite-text si Katkat, baka mahanap lang siya ng kakambal ni Celestine," tugon naman ni Steven bagay na ikinatango niya.
"Salamat, Richard. Tatanawin ko 'tong malaking utang na loob," sabi pa ni Steven.
Bahagyang natawa si Richard at tumango, paatras na naglalakad sa direksyong tinuro ni Steven. "Mamaya ka na magpasalamat kapag maayos na ang lahat."
Parehong tumalikod ang magkaibigan sa isa't isa at tumungo sa magkaibang direksyon.
Habang mabilis ang lakad sa madilim na parte ng kakahuyan, inilabas ni Richard ang cellphone mula sa bulsa at pinaandar ang flashlight nito. Panay ang libot niya ng paningin sa paligid, pilit na nananatiling alisto.
Namamayani sa pandinig ni Richard ang huni ng mga kuliglig at ibon, kasama na ang malutong na tunog ng mga dahon at patay na sangang naapakan. Habang tumatagal ay lalo siyang kinakabahan. Pakiramdam niya'y ano mang oras ay may mukhang lilitaw sa kanyang harapan o hindi kaya ay may aatake sa kanya mula sa kanyang likuran.
Marahas na bumuntong-hininga si Richard, pilit na winawakli ang matinding takot at agam-agam. Imbes na magpatalo sa takot, mas binilisan niya ang paglalakad at hinigpitan ang hawak sa flashlight.
Kalaunan ay natanaw ni Richard ang lawa. Kumaripas siya ng takbo sa direksyon nito, nakataas ang hawak na cellphone na ginagamit bilang flashlight.
Nahinto si Richard sa pagtakbo nang makita ang tila ba maliit na kubo sa gilid ng lawa. Hindi man sigurado, mabilis niya itong tinungo.
"Kapag nag-iisa't kasama ang gitara, basta't dumarating na ang kantaaa... Awiting maari ring kung may kasama, tambol mo ay butas na lataaa..."
Napako si Richard sa kinatatayuan nang makarinig ng isang boses na kumakanta. Sa sobrang nipis ng boses nito, para lang itong bumubulong ng kanta sa hangin.
"Sabayan ng sipol ang bawat pasada, huminga ka nang malalim at sabay ang buga... Kapag buo na't handa na ang lahat, sabay-sabay ang pasok sa bagsak ng paa..."
Dahan-dahang naglakad si Richard palapit sa kubo hanggang sa matanaw niya ang isang bangkang tila ba nababalot ng makapal na fish net.
"Heto na..."
Napalunok si Richard at huminga nang malalim.
"Heto na..."
Tila ba naririnig na niya ang pintig ng sariling puso sa bawat hakbang.
"Heto na..."
Itinutok ni Richard ang liwanag ng flashlight sa loob ng bangka at laking gulat niya nang makita ang isang babae na nakahandusay, nakabigkis ang mga kamay sa ibabaw ng dibdib at nakapikit ang mga mata.
Tila ba nadurog ang kanyang puso nang makita ang bahid ng dugo sa damit nito. Napapatungan man ng fishnet, sigurado pa rin si Richard kung ano ang kanyang nakikita - Ang bangkay ni Katkat.
Sa isang iglap, bigla lamang dumilat si Katkat at sumigaw nang pagkalakas-lakas. Sing bilis ng kidlat ang patalon nitong pagbangon at pagtakbo palayo, hindi alintana kahit nabitbit nito ang fishnet ng bangka.
Kahit si Richard ay napasigaw din nang pagkalakas-lakas, hindi siya nakakilos dala ng labis na gulat at takot. Sigaw lang siya nang sigaw habang nakapako sa kinatatayuan.
****
Laking gulat ni Steven nang marinig ang naglalakasang mga sigawan. Malakas ang kutob niyang sina Katkat at Richard ito kaya naman mabilis siyang kumaripas ng takbo patungo sa daang tinahak ni Richard.
Takbo nang takbo si Steven, dumadagundong ang puso sa kaba. Napako siya sa kinatatayuan nang biglang matanaw si Katkat na tumatakbo sa gitna ng kakahuyan, sigaw nang sigaw habang bitbit pa ang makapal na fishnet.
"Katkat!" tawag niya sa pansin ng kapatid at mabilis itong hinabol, ngunit tila ba hindi siya napansin nito dahil sa matinding takot.
"Katkat!" paulit-ulit na sigaw ni Steven hanggang sa tuluyang mahinto sa pagtakbo ang nakababatang kapatid.
Humahangos itong napalingon sa kanya.
"Kuya!" Kaagad na lumubog ang gilid ng mga labi ni Katkat at kaagad itong napaiyak nang pagkalakas-lakas, tila ba isang batang takot na takot.
Maluha-luhang tinakbo ni Steven ang puwang sa kanilang magkapatid at mabilis itong niyakap nang mahigpit. "Tahan na! Nandito na si Kuya! Uuwi na tayo! Tahan na!"
Lalo lamang umiyak si Katkat at yumakap sa kanya nang mahigpit. "P-Patay na si Kuya Dan! L-Laslas leeg! S-Si Kuya Dan!"
"Shhh... Shhh... Hanapin natin si Richard tapos umuwi na--"
"Kuya, ano 'yon?"
Parehong napabitiw sa isa't isa ang magkapatid. Mabilis na napalingon si Steven at napaawang ang kanyang bibig nang makita ang isang babaeng nakaputi na tumatakbo patungo sa kanila.
"W-What?" Singhap ni Katkat, tila ba hindi makapaniwala sa nakikita.
Lalong bumilis ang takbo ng babae patungo sa kanila. Nakataas ang kamay nitong tila ba may hawak na kumikinang.
Nanlaki ang mga mata ni Steven nang makitang kamukhang-kamukha ni Celestine ang babae, maliban lamang sa buhok nitong maikli. Pero mas lalo pa niyang ikinagulat nang mapagtanto kung ano ang hawak nito - Isang palakol.
"Takbo!" Mabilis niyang hinila sa kamay ang kapatid at kumaripas muli ng takbo.
Umaalingawngaw ang sigawan ng magkapatid habang tumatakbo sa gitna ng kakahuyan, sa ilalim ng bilugang buwang saksi sa lahat ng kalagimang nangyayari.
Sa isang iglap, bigla na lamang umalingawngaw ang isang malakas na kalabog.
Humahangos na napalingon si Steven at nakita niyang tumilapon pababa sa madilim na lawa ang dalawang pigura, isa na rito si Debbie na kanina ay humahabol sa kanila.
"Celestine!" Umalingawngaw ang napakalakas na sigaw ni Ben.
Kaagad nanlaki ang mga mata ni Steven, kasabay ng pagtakas ng kanyang luha.
****
"Ano 'yon?!" Parehong nahinto sa pagtakbo sina Ben at Celestine nang marinig ang mga sigawan. Nagkatinginan sila at muling kumaripas ng takbo papasok sa masukal na kakahuyan, armado lamang ng flashlight.
Sa isang iglap, bigla na namang huminto si Ben sa pagtakbo. Hinila nito si Celestine sa braso kaya kahit ang dalaga ay nahinto rin muli sa pagtakbo.
Laking gulat ng dalawa nang makita sina Steven at Katkat, hawak-kamay habang tumatakbo at nagsisigawan. Lalo pa silang nagulat nang makita ang babaeng humahabol sa kanila, higit sa lahat may bitbit pa itong palakol.
Tila ba bumalik sa isipan ni Celestine ang lahat ng sakit sa nagdaang mga panahon. Naalala niya ang gabing nagising siya sa sigawan ng ama't ina, kung paano niya nakita ang kakambal na walang-awang pinagsasaksak ang kanilang mga magulang sa tulong ng kasintahan, kung paano niya pilit na pinrotektahan ang nakababatang kapatid mula sa kakambal, at kung paano siya nagpatay-patayan para lang lubayan na siya nito ng saksak.
"Debbie, pamilya tayo! Paano mo nagawa 'yon sa amin?!"
"Paano naman kayo?! Bakit ninyo hinadlangan pagmamahalan namin?! Pamilya ko kayo! Dapat kayo 'yung umintindi at tumanggap sa amin! Ayaw n'yo kaming tigilan?! Pwes kami na mismo ang gumawa ng paraan para lubayan n'yo kami habambuhay! Besides, we were doing you a favor! You were supposed to die together as a family! Why did you fucking survive?! Because of you, he killed himself! You're going to regret this, Danielle! You're going to regret you survived that night! I'm going to take everything from you and mom, the way you took everything that's mine!"
"Debbie, tama na!" sigaw ni Celestine at walang pagdadalawang-isip na tumakbo at sumugod sa kapatid.
****
"Celestine!" sigaw ni Steven matapos magpadausdos pababa ng maliit na burol, makalapit lamang sa lawa na pinabagsakan ng kambal.
Susuongin sana ni Steven ang madilim at malalim na tubig kung hindi lamang dumating sina Richard, Ben, at Katkat na mabilis humila at pumigil sa kanya.
"Celestine!" Lalong nagsisigaw at nagpumiglas si Steven, pilit niyang hinahanap ang kasintahan ngunit dahil sa dilim at hamog sa paligid ay wala siyang ibang nakikita kung hindi anino ng lawa at nagtataasang mga puno.
"Hayun sila!" biglang sigaw ni Richard. Sinundan nila ng tingin ang tinuro nito at nakita ang isang aninong gumagapang sa baybayin ng lawa, malapit sa naglalakihang mga bato. May kinakaladkad itong isa pang anino, pareho ang mga itong nagpupumiglas at nagpapambuno.
Nagtakbuhan muli ang apat patungo sa baybayin hanggang sa tuluyan nilang makita ang nangyayari.
Nakahandusay ang babaeng may maikling buhok sa mga bato, lupaypay at duguan. Nakapaibabaw sa kanya ang kakambal na may mahabang buhok, punong-puno ito ng galit habang sinasakal siya.
"S-Saan si Celestine?!" bulalas ni Richard.
"T-Tulong! Ako si Celestine!" Hinang-hinang sambit ng babaeng may maikling buhok. Pilit nitong winawakli ang kamay ng kakambal na nakapulupot sa kanyang leeg.
"Bitch, we know you're not Celestine! The jig is already up! Magkaiba kayo ng hairstyle!" Padyak naman ni Katkat sabay hagis palayo ng bitbit na fishnet.
Pagak na humalakhak si Debbie at napatitig sa mga mata ng kakambal. "P-Papatayin mo talaga ako? Kaya mo?"
Garagal na napasigaw si Celestine, punong-puno ng galit. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakasal nito kay Debbie, ang mga mata'y hindi umaalis sa mukha nito.
Panay ang pagluha ni Celestine. Labis ang panginginig ng kanyang mga kamay at labi. Walang tigil sa pagragasa ang mga masasakit na alaalang bitbit niya sa loob ng napakaraming taon.
"Celestine, huwag!" giit ni Steven, luhaan na rin. "Celestine, you're not like her! Don't be like her!"
Kumurba ang ngisi sa mukha ni Debbie at tumitig sa kakambal. Hirap man sa paghinga, pilit itong nagsalita. "Do it. You're my other half after all."
Lalong naluha si Celestine nang maalala ang epekto ng mga ginawa ni Debbie sa kanyang pagkatao.
"I heard Danielle's twin sister murdered their dad and younger brother. Sila lang daw ng mom niya ang naka-survive... I bet she has it in her too. You know, the drive to kill."
"Her twin sister's a murderer, I bet magkasabwat sila at nagka-trayduran lang."
"Imposibleng hindi niya alam ang balak ng kakambal niya. Birds of a feather, bro!"
"Stay away from her. She might kill you too."
"Delayed lang siguro ang psychotic tendencies. Baka nga mas malala pa siya kay Debbie."
Humigpit nang humigpit ang pagkakasakal ni Celestine sa kakambal hanggang sa hindi na ito halos makagalaw at makahinga. Lalong lumupaypay ang katawan nito at ang mga mata ay unti-unting sumasara.
"Mabuti kang tao, Danielle! Hinding-hindi ka magiging katulad ni Debbie! Naniniwala akong mabuti kang tao!" giit muli ni Steven.
//
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro