Kabanata 34: Ang Nasasakdal
---•••---•••---•••---
"SUSUNOD kami ng iyong ama sa hukuman, mauna ka na sa simbahan kung saan kayo magkikita ng iyong kaibigan. Mag-ingat ka, anak." Saad ng ina ni Himala sa kaniya.
"Opo, 'nay. Huwag po kayong mag-alala. Ako na po ay aalis na."
Napayakap bigla ang ama ni Himala sa kaniya. "Bakit, tay?"
"W-wala, mag-ingat ka ha."
"Opo."
Lumabas na si Himala at kinayawan na sila ng kamay.
"Ang aga namulat sa ganiyang eksena ni Himala." Ani Aling Teresa sa esposo.
"Kaya kung matapos na ito, babalik tayo sa probinsya. Ibenta na lamang natin ang ating lupa dito ng limang real. May magkakainteres dito." Tugon ni Mang Rodolfo.
"O siya sige, ako'y mag iimpake na rito upang makapunta na tayo sa hukuman."
Napatango naman si Mang Rodolfo at nag-ayos ng kaniyang kwelyo sa harap ng basag na salamin.
"Alam mo, Dolfo... Kinakabahan ako ngayon hindi ko alam kung bakit?"
Napahinga ng malalim si Mang Rodolfo at napangiti sa asawa. "Marami ka lang iniisip. Ngunit huwag kang papatinag, kailangan natin mag-isip ng positibo."
"Napaisip ako bigla sa sinabi ng ating anak kagabi sa akin,"
"Ano ba ang sinabi sa'yo?"
"Kung napapansin natin ay hindi na siya sinusumpong ng hika, dahil pinagaling siya ni Xavier." Ani Aling Teresa.
"Nagiging maliit ang mundo natin sa pagitan ng mga taong-lobo. Sa aking palagay ay hindi tatagal ay masasakop na ng mga taong-lobo ang bayan na ito. Hanggang sa ang mga pangkaraniwang tao ay mapapalitan na ng pagiging halimaw." Saad pa ni Mang Rodolfo sa asawa.
"Pero, sa aking palagay ay mabait naman si Xavier."
"Binabawi mo na ba ang iyong sinabi kahapon na mga masasama ang Sarmiento?" Natatawang tanong ni Mang Rodolfo.
Napangisi na lang ang kaniyang asawa habang nagtutupi ng mga damit na sinisilid niya sa tampipi.
Maya-maya pa ay biglang kumalabog ang kanilang pinto na tila magigiba ito.
"Sandali! Punyeta, magigiba ang aming pintuan!" Inis na sabi ni Mang Rodolfo at binuksan ang pintuan.
Nagulat na lamang si Mang Rodolfo nang may biglang nagtutok sa kaniyang noo ng revolver.
"P-puta..." Iyan na lamang ang nasabi ni Mang Rodolfo sa nakita.
NANG makarating si Himala sa tapat ng simbahan ay nagpalinga-linga siya sa paligid at nagbabasakaling masusumpungan niya si Crisologo.
Pinagpapawisan na siya at tila ba kinakabahan siya na parang hinihingal. Napahawak na lamang si Himala sa kaniyang dibdib at napaupo sa isang semento na pinagpapatungan ng mga halaman.
"Himala!" Tawag ni Crisologo habang may dala-dalang bayong.
"Crisologo! Mabuti at nakarating ka."
"Oo, halika na. Baka makita ako ni ama kapag nalaman niyang hindi pala ako sumama sa paghahatid ng patay."
Napatango naman si Himala na parang nag-aalinlangan siya na pumunta sa hukuman.
"Bakit?"
"W-wala, kaibigan."
Inagbayan na lamang ni Crisologo at dumaan sa likod ng simbahan patungo sa hukuman.
"Nasumpungan mo ba si Ginoong Arturo? Baka pinapasundan tayo ng kaniyang tauhan." Nag-aalalang wika ni Himala kay Crisologo habang tahak nila ang talahiban patungo sa likuran ng hukuman.
"Huwag kang mag-alala, hindi 'yan." Tugon ni Crisologo.
Narating na nila ang likuran ng hukuman at dumiretso sa harapan na kung saan may nakabantay na gwardiya-sibil.
"¡Buenas tardes señor! Soy Crisologo Santa Mesa, hijo del Juez Santa Mesa." (Good afternoon, sir! I am Crisologo Santa Mesa, son of Judge Santa Mesa.)
"¿En serio? ¿Quien está contigo?" (Really? Who's with you?) Tukoy ng gwardiya sibil kay Himala.
"Es el testigo de señor Xavier Sarmiento..." (He is the witness of Xavier Sarmiento.)
Napaisip naman ang gwardiya-sibil. "¿Cuál es su nombre?" (What his name?)
"Ano ang buo mong pangalan, Himala?"
"Ah--Ako si Himala La Del Barrio."
Napatango naman ang gwardiya-sibil.
"Dejarlos entrar." (Let them in.)
Napalingon ang dalawa nang marinig ang boses ni Don Romualdez.
Napatango naman ang Gwardiya-sibil at pinagbuksan sila ng pinto.
"Gracias." Saad ni Don Romualdez sa gwardya at pumasok sa loob.
Pagpasok sa loob ay ang hukom na si Hukom Pueblo pa lamang ang naroroon. Nagkamayan naman ang dalawa.
"Ang magiging punong hukom ngayon ay si Hukom Santa Mesa...darating na rin sila mamaya kapag nailibing na si Renato." Saad ni Hukom Pueblo.
"Bakit hindi ka sumama sa paghatid?"
"Wala lang, paghandaan ko na lamang ang magiging kaganapan ngayon."
Napatango si Don Romualdez. "Sabagay, ikaw ay tagausig sa hukumang ito."
"Ikaw ba? Binayaran ka ba ng mga Sarmiento?"
Ngumisi si Don Romualdez sa naging katanungan ng hukom sa kaniya. "Matagal na kaming magkaibigan ng ama ni Xavier, nang dahil sa angkan nila ay naging ganito ako, isang makapangyarihan. Hindi ko na kailangan ng salapi, ang nais ko ay maipagtanggol si Xavier."
"Hindi ko lubos akalain na kausap ko ngayon ay isang hindi pangkaraniwang tao." Ani Hukom Pueblo.
"Huwag kang matakot sa amin." Tugon ni Don Romualdez at napaupo na lamang siya sa tabi ng hukom.
"Hindi ba't normal lamang sa inyo ang pumatay ng mga tao?"
"Noon, pero ngayon ay gusto namin na malinis ang aming reputasyon. Nahahati sa dalawa ang aming lahi."
"Kung sa gayon ay hindi pala talaga kayo malinis." Saad pa ng hukom.
"Lahat tayo ay hindi malinis, kahit na santo ay may tinatagong kamalian." Wika ni Don Romualdez.
Biglang bumukas ang malaking pintuan ng hukuman, tumambad doon sina Alcalde Juan at Don Felipe kasama si Amanda at Santiago.
Nagkamayan sila at nagbatian. Matapos ang ganoong eksena ay dumating na rin si Arturo kasama ang kapatid nitong si Daniel at ang kanilang ina. Sumunod na rin na dumating si Hukom Santa Mesa kasama sina Claridad at Catalina.
"Crisologo..." Pabulong na senyas ni Claridad kay Crisologo na naroroon nakaupo sa may dulo malapit sa pintuan.
Nailagay naman ni Crisologo ang kaniyang hintuturo sa labi na pinapahiwatig na huwag maingay.
Napatango na lamang si Claridad at napatabi sa kaniyang ate Catalina.
Dumating na rin si Don Lorenzo na kasama si Don Quasimodo, sinundo niya ang kaibigan sa mansion at nag-usap sa iilang mga bagay habang nasa kalesa.
Napag-usapan nilang dalawa na kapag matatapos na ang lahat ay papakiusapan na ang mga hukluban na tanggalin ang sumpa, at makianib na lamang sa kongregasyon. Napag-usapan din nila ang patungkol sa nagpakalat-kalat na usapan kanina lang patungkol sa babaeng nagtatatakbo patungo sa batis.
Pagkapasok nila sa loob ay agad na nagkamayan sila.
"Nakikita mo ba 'yun? Siya ang ama ni binibining Ara." Saad ni Crisologo kay Himala na kanina pa pinagpapawisan ng malamig.
"Ah ganoon ba, sige." Wala sa sariling tugon ni Himala.
Napahinga ng malalim si Crisologo at pinagmasdan ang kaibigan na parang may malalim na iniisip habang nakatingin sa entablado kung saan nakatayo na roon ama. "M-may problema ba? Huwag kang mag-alala maipagtatanggol natin si ginoong Xavier."
"S-sigurado naman ako na mananalo si ginoong Xavier...pero, nagtataka ako kung bakit wala pa ang aking mga magulang." Balisang tugon ni Himala.
"Darating din sila, huwag kang mag-alala." Pagpapagaan ni Crisologo sa kalooban ni Himala.
TULALA na nakatingin si Enrique kay Araceli nang dalhin ito ni Xienna sa mansion ng mga Cabrera. Mabuti nalang at wala ang ama nito dahil nasa kwartel ng mga taong-lobo na pinag-eensayo sa parating na mga labanan. Ang ina naman nila ay nasa silid at nagpapahinga.
"Siya ang babaeng iniibig ni Xavier." Bulong ni Xienna kay Enrique.
Natauhan naman si Enrique sa binulong ni Xienna. "Ganoon ba? T-teka, bakit siya narito?"
"Kapag nalaman mo ay parang sinabi ko na rin sa'yo ano ang kaibahan ng apoy at tubig!"
"Mahabang kwento?"
"Oo."
Napakamot na lamang si Enrique sa kaniyang batok. "O siya, sige. Ano ba ang inyong pakay at naparito kayo?" Tanong pa niya kay Xienna.
"Ihatid mo kami sa San Fernando, sa hukuman, doon gaganapin ang paglilitis kay Xavier!"
"Ano?" Gulat na sabi ni Enrique sa narinig. "Kaya pala hindi ko nakikita si Xavier mag mula pa noong nakaraang araw! Mabuti pa ay tayo na!"
Natigilan naman si Xienna. "Anong tayo na? Wala pang tayo!"
"Anong pinagsasabi mo?" Takang tanong ni Enrique.
"W-wala." Ani Xienna at inirapan si Enrique.
Samantala si Araceli naman ay panay ang pagmamasid sa paligid. Hindi niya akalain na mapapadpad siya sa lugar ng mga taong-lobo.
"Halika na, Ara---" Pagkabukas ni Enrique sa malaking pintuan ng mansion ay tumambad si Mateo at Nathaniel.
"O? Mga binibini? A-anong ginagawa niyo rito?" Gulat na tanong ni Mateo.
Si Nathaniel naman ay napakunot-noo sa pinagsasabi ni Mateo.
"Ano ba! Puro gulatan na lang ba tayo rito? Ang mabuti pa ay sumama na kayo nang maintindihan ninyo ang mga pangyayari!" Iritang sabi ni Xienna at hinawakan agad ang kamay ni Araceli at naunang lumabas sa mansion.
Napailing na lang si Enrique na sinundan ang dalawa. "Hayaan mo na, suplada talaga 'yan." Ani Enrique sa kapatid at Nathaniel na ikinatawa na lamang nila.
Agad naman na ginamit ni Enrique ang kakayahan na hindi sila maamoy ng iba habang tinatahak nila ang masukal na kagubatan. Agad naman siyang nakakita ng kalesa at agad na sinakyan nila iyon patungo sa hukuman.
NAPASIGAW na lamang si Aling Conching nang makita si Teresa at Rodolfo na duguan at wala ng buhay.
"Mga kapitbahay! Tulong! Tulong!"
Tagos ang bala sa ulo ni Mang Rodolfo na nakahandusay sa sahig. Samantala, si Aling Teresa naman ay laslas ang leeg at wala pang saplot sa ibaba, tila ba ginahasa ito bago pinatay.
"Si Himala?" Tanong pa ng isang lalaki na kapitbahay lamang nila Mang Rodolfo.
Nang matapos ang unang paglilitis ay binayaran ni Arturo si Hukom Pueblo dahil na rin sa pagpapakulong nito kay Xavier. Pagkatapos ay binayaran din niya ng limang daang reales ang tatlong gwardiya-sibil na maghahanap sa tahanan ng kaibigan ni Xavier na si Himala. Nakasuot lamang sila ng kamiso de tsino at nagdala ng rebolber. Ang nais na mangyari ni Arturo ay ang patayin si Himala at ang mga magulang nito.
"Sapat na ang limang daang reales! Kailangan ko na makita ang pugot na ulo ng binatang iyon! Isilid ninyo sa sako, naintindihan? Bukas ng gabi ay dapat makita ko."
"Opo, Señor."
At agad na napasakay si Arturo sa kalesa.
"Baka dinagit nila si Himala at ginawang bihag!" Taranta na sabi ni Aling Conching na halos naiiyak na sa pangyayari. "Hindi ko na maintindihan ang mga pangyayari sa bayan na ito! Laganap na ang mga halang ang kaluluwa!"
"Dalhin nalang ho natin sa morgue ang bangkay ng mag-asawa, kawawa naman ang sinapit nila." Saad pa ng isa pang babae.
Mula sa kalayuan ay natatanaw pa rin ng dalawang gwardiya-sibil ang mga kaganapan sa bahay ng mag-asawa.
"Gago! Ano na lang kaya ang ating maipapakita kay Señor Arturo? Wala ang binatilyo sa kanilang tahanan! Tiyak na tayo ang papatayin!" Sabi ng isang gwardiya-sibil.
"Huwag tayong matakot! Hanapin natin ang binatilyo, huwag tayong papadala sa paninindak ng Arturo na 'yon! Kung madumi siyang malaro ay dapat tayo ay marunong maglaro!" Tugon pa ng kasama nito.
"Tangina mo, may pamilya pa ako."
"Ako rin naman! Tayo na at hanapin natin ang binatilyo."
NAGSIMULA na ang paglilitis sa hukuman. Nakaupo sa harapan si Arturo at pinagmasdan ang lahat ng tao na naroroon.
Nagtama naman ang mga paniningin ni Himala at Arturo, palihim na napangisi ito nang makita na kasama ng binatilyo si Crisologo.
"Atin ng simulan ang paglilitis, maari niyo ng ilabas si Xavier Sarmiento." Ani Hukom Santa Mesa.
Agad na sinunod ng mga gwardiya-sibil ang utos ng hukom, agad na dinala nila si Xavier sa harapan.
Napatingin si Xavier sa ama na ngayon ay nakatingin lang din sa kaniya. Katabi nito si Don Lorenzo.
Nakatayo na rin si Don Romualdez at handa ng ipagtanggol si Xavier.
"Sa inyong harapan ang nasasakdal na si Xavier Sarmiento at ang nagsasakdal na si Arturo Torres... Ang tagapagtanggol naman ni Xavier Sarmiento ay si Don Romualdez..."
"...gusto namin na marinig ang pulido at detalyadong pangyayari, Arturo. Ilahad mo sa kanila ang totoong nangyari." Saad ni Hukom Santa Mesa kay Arturo.
"Ako si Arturo Torres, ang nagsasakdal. Ang aking sasabihin ay pawang katotohanan lamang..."
"...alam naman natin na likas na pumapatay ng tao ang mga uri nila. At hindi pinalampas ni Xavier na patayin ang aking pinakamamahal na ama. Mabait ang aking ama at magkaibigan nga sila noon pa man ng Alcalde at ni Don Felipe. Kami ay kaniyang inabangan sa daan habang naghahanap kay Araceli. Bakit nga ba kami ay kaniyang inabangan? Natatakot ba siya na mahanap namin si Ara na nasa kaniyang mga puder?"
"Paano mo nasabi na nasa puder ni Xavier ang iyong esposa?" Biglang napatanong si Don Romualdez kay Arturo.
"Dahil noon pa man ay may namamagitan na sa kanilang dalawa! Akala mo hindi ko alam, Xavier? 'yan ang dahilan kung bakit lumalayo ang loob sa akin ni Ara."
Nanlaki naman ang mga mata ni Amanda sa narinig. Kinakabahan na siya sa mga mangyayari.
Walang reaksyon naman si Xavier at nanatiling seryoso ang mukha.
"Kung kaya ay isang araw, nagising na lamang ako sa na wala na sa aking puder si Araceli, nag-iwan na lamang siya ng kaniyang liham na siya'y magpakalayo-layo na. Kinuha mo sa akin ang lahat, Xavier! Pati ang buhay ng aking ama!"
"Totoo ba ito, Xavier?" Tanong ng Hukom sa kaniya.
"Ang aking sasabihin ay purong katotohanan, hindi binaliktad at hindi gawa-gawa..." Panimula ni Xavier.
Nakita niya ang mga reaksiyon sa harapan na tila ba sabik na sabik na malaman ang katotohanan.
"Totoo na naroroon si Araceli sa aming lugar---"
Nagulat si Arturo sa sinabi ni Xavier na tila nahilo siya nang malaman iyon. Pero hindi siya nagpatinag. "Hindi nga ako nagkakamali sa aking hinala! Kinuha mo si Araceli sa akin at gusto mo rin na patayin ako upang wala ng hadlang sa inyo, ang masaklap ay ang ama ko pa talaga ang iyong pinaslang!"
"Huminahon ka muna, Arturo. Pakinggan muna natin ang panig ni Xavier." Pigil sa kaniya ni Hukom Santa Mesa.
Si Don Quasimodo naman ay napapikit nalang sa narinig.
"Totoo nga na naroroon siya sa aming lugar dahil pilit ko siyang binubuhay. Bilang isang manggagamot sa aming nasasakupan ay may karapatan ako na tulungan ang buhay ng mga tao na nasa bingit ng kamatayan. Hindi totoo na kinuha ko ng sadya si Araceli, nakita ko na lamang siya sa ilog na palutang-lutang at wala ng buhay. Kasama ang kaniyang tampipi na naglalaman ng kaniyang kagamitan."
Parang na istatwa si Don Felipe sa narinig. Napahawak naman si Amanda sa mga bisig ng ama.
Si Arturo naman ay napayukom ng kamao dahil hindi pwedeng matalo siya sa paglilitis na ito.
"Sa kaganapan naman na napaslang ko ang kaniyang ama, totoo ang aking galit. Payapa kaming nakaupo ng aking kaibigan na si Himala at bigla na lamang niya kaming pinadakip at dinala sa abandonadong mansion sa dulo ng bayan. Sa mansion na iyon ay naabutan namin si Arturo, siya ang may pakana ng lahat. Ginapos niya kami, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay sisilay ang kabilugan ng buwan na siyang daan upang maging taong-lobo ako."
"Kung sa gayon ay may mga katibayan ka ba? Narito ba si Himala?" Tanong ni Hukom Santa Mesa.
Bigla naman na napatayo si Himala at hinila ang bayong, tinulungan pa siya ni Crisologo, bakas ang pagkabigla ng hukom nang makita ang anak na kasama ni Himala.
"Aking hinanap si Himala La Del Barrio, upang maglabas ng katibayan para maipagtanggol namin si Xavier. Maari mong ipakita sa lahat." Saad ni Don Romualdez.
Marahang napatango si Himala. "A-ako po si Himala La del Barrio, ako po ang sinasabing kaibigan ni Ginoong Xavier Sarmiento...narito ho ako sa inyong harapan upang maglabas ng katibayan na si Ginoong Arturo Torres ay nagsisinungaling lamang." Saad ni Himala, kinakabahan man ay inilabas niya ang mga kadena, panyo na may putik, mga kamiso na may bahid ng dugo at ang papel na punit.
"Sa tulong po ni Crisologo Santa Mesa at Ariana De La Vega, ay napagtanto po namin na pinaslang po ni Ginoong Arturo si Araceli De La Vega, ang mga kamiso na may bahid ng dugo a-ay natagpuan p-po namin sa tukador na de susi. Giniba namin iyon at tumambad ang mga ito."
Halos hindi na makapaniwala si Arturo sa nakita at halos mababaliw na siya.
Napatayo si Don Felipe sa narinig. "PUNYETA KA, ARTURO! PINAGKAKATIWALAAN KITA! PUTANGINA MO!" Bakas sa mata ng don ang galit.
Si Amanda naman ay naiyak habang pinipigilan ang ama na lusubin si Arturo.
"At heto pa po, p-panyo na may putik na pagmamay-ari ni Binibining Araceli. Natagpuan po namin ito sa likuran ng kanilang tahanan."
"Hindi totoo 'yan! Putangina! Akala ninyo matatalo ako? Putangina, hindi!" Sigaw ni Arturo.
Napapukpok ng maso si Hukom Santa Mesa upang patahimikin ang lahat. "Silencio!" (Silent!)
"Ang liham ang magpapatunay na gumagawa lamang sila ng kwento! Ano ang palagay niyo sa akin, hunghang? Don Felipe, alam kung naririyan ang liham ni Araceli!"
Si Amanda na ang kumuha sa liham na kanina pa nalulukot dahil sa higpit ng pagkakahawak dito ng ama.
"Ano? Katibayan ko iyan na si Araceli ang umalis, hindi ko siya pinaslang!"
Napapikit na lamang si Hukom Santa Mesa sa mga pangyayari, napahilot din siya ng kaniyang sintido.
Si Don Romualdez naman ay napangisi na lamang dahil mukhang mawawalan na ng bait si Arturo. Kinuha niya ang punit na papel kay Himala. "Akin na ang liham, binibini."
Agad naman na binigay ni Amanda ang liham.
"Nakikita niyo ba 'to?" Tanong ni Don Romualdez habang tinataas ang punit na liham. Nagbabasakali siya na maging tugma ang punit na papel. Nang kaniya itong idinikit ay hindi siya makapaniwala.
"Maaring pinunit ni Arturo ang liham upang magmukhang kay Araceli ang liham. Ngunit may katagang kaibigan ang liham, maaring si Araceli ang sumulat pero ikaw ang nag-utos."
Napamura si Arturo at balisa na nakatingin sa lahat. Ngunit mabilis pa sa kidlat nang kunin niya ang mataas na baril at akmang barilin si Don Felipe ngunit parang biglang may nagkontrol sa kaniyang mga kamay at tila mababali na.
"Tayo ay nagkita ulit, aking esposo." Sarkastikong sabi ni Araceli na naroroon sa bungad ng pintuan.
Nahimatay na lamang bigla si Catalina nang makita ang kaibigan, buti nalang at agad na inalalayan ni Claridad.
"Ara?!" Bulalas na sabi ni Don Felipe.
Si Xavier naman ay nabuhayan ng pag-asa. Na nakikita sa harapan ngayon ang bagong katauhan ni Araceli.
Sari-sari ang emosyon na naroroon sa loob ng hukuman.
----•••----•••----•••----•••----
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro