Kabanata 33: Bagong Maharlika
---•••---•••---•••
"SAAN ka na naman ba nanggaling?" Tanong ni Mang Rodolfo sa anak.
Napakamot si Himala sa kaniyang ulo dahil alam na naman niya na pagsasabihan siya ng kaniyang mga magulang.
"Kahit saan ka nalang napapadpad, alam mo naman na masyadong delikado pa ngayon. Huwag mo na sanang ulitin ang ginawa mo noong bilog ang buwan, halos hindi kami mapanatag ng iyong nanay."
"Huwag mo ng dagdagan ang sakit ng ulo namin, anak. Matanda na kami." Pakli ng kaniyang ina habang nag-aayos ng mga bulaklak.
"Pasensya na ho, 'nay at 'tay. Huwag po kayong mag-alala, kaya ko po ang aking sarili." Ani Himala at kumuha ng pinggan at nilagyan iyon ng kanin at nag-ulam ng asin. Tumabi siya sa kaniyang ina at nagsimula ng kumain.
"Oo na at kaya mo ang iyong sarili, pero paano kung makasalubong ka ng taong-lobo sa daan? Ayaw ko mawalan ng anak." Sambit pa ng kaniyang ina.
"Ayos lang naman po, may kaibigan naman akong taong-lobo," wala sa sariling saad ni Himala.
"Dios mio!" Bulalas ng kaniyang ina na napitigil sa pag-aayos ng panindang bulaklak.
Kahit na ang ama ni Himala ay natigil sa pagsisibak ng kahoy.
Napakunot-noo si Himala at napagtantong nadulas na naman ang kaniyang dila. "Ah--- 'nay, ang ibig ko sabihin ay m-may kaibigan na kaya akong ipagtanggol sa mga taong-lobo."
"Naririnig mo pa ba ang sinasabi mo, anak?" Tanong ng kaniyang ina.
Sasagot na sana si Himala nang dumating ang kanilang kapit-bahay na si Aling Conching.
"Himala, may naghahanap sa'yo. Dinala ko na lang dito sa inyong tahanan dahil hinahanap ka niya."
"Sino po?"
"Magandang Hapon." Bungad ni Don Romualdez at itinapat niya ang kaniyang sombrero sa kaniyang dibdib.
Napatingin na silang lahat ngayon sa don.
"A-ako po ang tatay ni Himala, ano po ang nagawa ng aking anak? Himala, may kasalanan ka bang ginawa?" Tanong ni Mang Rodolfo.
"Nais ko lamang sana na makausap ang iyong anak, patungkol ito sa kinasasadlakan ni Xavier Sarmiento."
"Sarmiento?" Hindi na maiwasan na makisawsaw ang ina ni Himala nang marinig ang apelyidong Sarmiento.
Si Himala naman ay napainom ng tubig dahil nagsimula na siyang gapangan ng kaba. "A-ano po ang nangyari kay Ginoong Xavier, Señor?" Tanong ni Himala.
"Bago ang lahat, magpapakilala ako sa inyo...ako si Tiago Romualdez, ang hukom na magtatanggol kay Xavier Sarmiento." Pakilala pa ni Don Romualdez.
"P-pasok po kayo." Saad ni Mang Rodolfo.
"Maraming salamat."
Nang matapos ilahad ni Don Romualdez ang mga nangyari halos wala ng masabi ang mga magulang ni Himala. Halo-halo ang kanilang emosyon.
"Bukas ay aasahan ko ang inyong pagdating sa hukuman." Saad ni Don Romualdez at isinuot na ang sombrero upang umuwi na at makahatid na ng magandang balita kahit papaano.
"S-sige po, Señor." Tugon ni Himala.
Umalis na ng tuluyan ang don, agad naman na isinara ng kaniyang ama ang kanilang pintuan.
"Isang taong-lobo ang iyong kaibigan at nadamay ka pa?" Dismayadong saad ni Mang Rodolfo sa anak.
"Eh 'tay, mabait ho si Ginoong Xavier."
"Hindi mababait ang mga Sarmiento!" Giit pa ng ina ni Himala.
"Po?"
"Pagkatapos ng paglilitis na iyan ay lilisanin na natin ang bayan na ito! Ayaw kong mauugnay na naman ang ating pamilya sa kanila."
"A-ano po bang ibig sabihin ninyo, 'nay?"
Napapikit na lamang sa inis ang nanay ni Himala at napabuntong-hininga.
"Si Kuya Francisco mo at si Ginoong Xavier Sarmiento ay magkapatid sa ama, may dugong halimaw din ang iyong kuya kung kaya ay winakasan niya ang kaniyang buhay...iyan ang malaking rason kung bakit nagawa niya iyon! Sa palagay ko ay ayaw ng iyong Kuya Francisco na makapatay ng tao tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan!" Ani Mang Rodolfo, siya na ang nagsalita ng katotohanan sa anak dahil bata pa lamang ito nang nagpakamatay si Francisco.
"I-ibig sabihin ay may namagitan kay Tiya Natalia at sa ama ni Ginoong Xavier?" Halos walang kurap na tanong ni Himala.
"Malamang, kung kaya ay pagkatapos ng paglilitis ay mag iimpake na tayo at babalik tayo sa ating probinsya!" Wika ni Mang Rodolfo.
"Pero 'tay..."
"Wala ng pero pero!"
Biglang nalungkot si Himala sa naging disesyon ng mga magulang.
KINABUKASAN, ay naging abala na ang lahat ng mga tao sa mansion ng mga Torres. Dahil mamayang alas dyis na ililibing si Don Renato.
Tulala naman si Daniel na nakatitig sa kabaong na may takip ng kaniyang ama. Ni hindi niya kinakausap ang kaniyang kuya at kung sino pang bisita maliban sa kaniyang ina na ngayon ay naghihinagpis at pinipilit ang sarili na makipag-usap sa mga bisita.
"Ako'y nagbibigay ng simpatya sa iyong ama na sumakabilang-buhay na." Walang emosyon na saad ni Ariana nang makatabi si Daniel.
Napatingin naman si Daniel kay Ariana na ngayon ay mugto ang mata. "P-parehas tayong nawalan. Ang sakit pala." Ani Daniel at bahagyang napayuko.
"Ang lahat ng kasalanan ay may kabayaran...si Ate Ara naman ay naniniwala akong babalik siya..."
"...masakit, oo. Pero kailangan tanggapin. Walang magagawa ang lahat ng mga hinagpis natin sa taong alam nating hindi na babalik." Malalim na litanya ni Ariana. Nababalutan na ng galit ang kaniyang puso lalo na at makikita niya ang mukha ni Arturo ngayon.
"Aring...natatakot ako. Natatakot ako na baka may kinalaman ang aking kuya sa pagkawala ng iyong ate." Pabulong na wika ni Daniel.
Hindi na lang umimik si Ariana.
"Mamaya pagkatapos nitong lahat, ay tutungo kami ni ina sa hukuman upang makita ang paglilitis sa pagitan ni Ginoong Xavier at ng aking kuya."
Sa mga nasabi ni Daniel ay agad na napalingon si Ariana sa likuran kung dumating na ba ang pamilya Santa Mesa, hindi nga siya nagkakamali ay nakita niya si Crisologo, Claridad, at Catalina kasama ang ama na papasok ng mansion.
"M-may problema ba, Aring? Tila balisa ka?"
"Ha? Wala. Kami rin, pupunta kami ni ama sa hukuman upang saksihan ang paglilitis. Sana pagkatapos nito ay wala ng gulo. At sana makita na namin si Ate Ara." Saad ni Ariana at agad na napatayo nang makita si Claridad na papalapit sa kaniya.
Nakita naman ni Ariana na tila ba wala sa kalooban na ngumiti si Catalina, sa palagay niya ay naghihinagpis din siya sa pagkawala ng matalik na kaibigan.
"Ang lungkot...ang lungkot lungkot, Aring. Ang daming dagok na dumating sa ating buhay." Pakli ni Claridad. "Pagpasensyahan mo na at ngayon lang tayo nagkita, mahigpit si ina sa akin. Si Silong nga, tumatakas lang 'yan sa tahanan upang mapuntahan ka. Si ate naman, hindi pwedeng walang kasama kapag lumabas." At niyakap ni Claridad si Ariana.
Napangiti ng tipid si Daniel sa natunghayan. Si Crisologo naman ay tinabihan ang ate.
NAKASANDAL si Xavier sa isang malamig na pader. Kanina pa niya tinititigan ang isang gwardiya-sibil na nakatayo ng tuwid sa labas ng kulungan.
Kaya niya naman na gibain ang rehas ngunit kailangan niyang maging patas at wala rin siyang lakas upang manlaban pa. Sabik na siyang makita si Araceli at kung ano na ang kalagayan nito.
"Por favor, sálvate, eres mi último ay."
(Please, save yourself. You are my last alas.)
Nagpabalik-balik sa isipan ni Xavier ang mga naging litanya ni Don Felipe sa kaniya, hindi niya maarok ang gustong iparating ng don.
"Hindi ka ba napapagod?" Naisipang tanong ni Xavier sa gwardiya-sibil na kanina pa walang kibo.
Napalingon naman ang gwardiya-sibil sa kaniya. "Basta po sa aking posisyon ay kailangan kong mapuna ang tungkulin." Tugon niya pa.
Napangiti ng tipid si Xavier. "Sa palagay mo, magagawa ko pa ba ang aking mga tungkulin?"
"Depende po. Nasa kamay niyo po ang tadhana."
Napatingin si Xavier sa kaniyang mga palad. "Wala naman. Hindi ko makita."
"Hindi naman po literal ang ibig kong sabihin, Ginoo."
Napangisi si Xavier sa naging tugon ng gwardiya-sibil. Sa tingin niya ay nasa dalawang 'put lima ang gulang nito.
Kanina pa nababagot si Xavier sa kaiisip ng mga eksena sa kaniyang utak. Hanggang sa may narinig siyang mga yapak ng sapatos at mga nag-uusap na kalalakihan.
"Opo, dito po." Tugon ng gwardiya sibil sa tanong ni Don Lorenzo.
Agad na napatayo si Xavier nang makita sila Don Romualdez at Don Lorenzo.
"Xavier, ayos ka lang ba dito?" Agad na tanong ni Don Romuladez.
Marahan na napatango si Xavier. "Nahanap niyo po ba si Himala?"
"Oo, nahanap ko."
Napatingin naman si Xavier kay Don Lorenzo na ngayon ay nagmamasid sa kaniyang kulungan.
"Don Lorenzo, mabuti ay pumarito kayo."
"Pumarito ako upang linisin na naman ang inyong reputasyon sa alcalde. Huwag kang mag-alala, hindi ako galit." Ani Don Lorenzo.
"M-maraming salamat po."
"Gusto ko rin na tunghayan ang pangalawang paglilitis."
Napahinga na lamang ng malalim si Xavier at napahawak sa rehas na kaya lang niya naman baliin kung tutuusin.
"AMA, sana ay ayos lamang ang paglilitis ngayon." Nag-aalalang sabi ni Xienna, umuwi na muna siya sa kanilang tahanan upang kumuha ng baro at saya na kaniyang ibibihis kat Araceli.
"Hindi ko alam." Ikling tugon ni Don Quasimodo, naghahanda siya ng malaking tampipi upang doon ilagay ang labing-dalawang libro na ngayon ay kaniya ng isasauli sa mga hukluban.
"Saan po 'yan, ama? Anong mayroon at bakit may dala-dala kang malaking tampipi?"
"Itatapon ko ito. Huwag mo akong subukan na sundan." Seryosong tugon ni Don Quasimodo kay Xienna na ngayon ay napakunot-noo.
Walang salita ang lumabas sa bibig ni Xienna, hinayaan na lamang niya ang ama na umalis.
Nang makalabas si Don Quasimodo ay napahinga siya ng malalim. Magmula noong nawala ang isang libro ay tila ba minamalas na sila. Hindi rin niya maintindihan kung bakit ipanatago ito ng mga hukluban sa kaniya at panatilihing sekreto ito sapagkat may malaking kasalanan ang kaniyang ama sa kapatid ng hukluban.
Nadaanan pa ni Don Quasimodo ang pagamutan ni Xavier na ngayon ay nakasara, hindi na lang niya iyon binalingan. Nakadaan din siya sa batis na kung saan masaya ang mga bata na masayang naliligo, kumaway pa ang mga ito sa kaniya. Nabaling din ang paningin ng don sa dating mansion ng mga Vargas. Nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad patungo sa pinakamasukal na kagubatan patungo sa mga hukluban.
Naabutan ni Don Quasimodo ang dalaga na sa palagay niya ay anak ng hukluban.
"Don Quasimodo..." Sambit ni Marieta.
"Magandang araw, binibini. Ang iyong ina na si Margarita, nandiyaan ba?" Tanong pa ni Don Quasimodo.
"Pasok ho kayo."
Agad na sumunod si Don Quasimodo sa dalaga. Nadatnan naman niya na nakaluhod ang hukluban na si Margarita.
"H-huwag na ho kayong magtataka, ilang araw na rin ganiyan si Inang. Oras-oras ay nakaluhod, minsan nawawalan ng ulirat." Ani Marieta sa Don.
"B-bakit?"
"Mabuti at naparito ka."
Natigilan ang dalawa nang magsalita si Margarita.
Tumayo mula sa pagkakaluhod si Margarita at hinarap si Don Quasimodo na may dala-dalang tampipi.
Magsasalita na sana si Don Quasimodo ngunit naunahan na siya ng hukluban.
"Isasauli mo na ang mga libro? Bakit?" Tanong ni Margarita.
"Nawawala ang isa."
"Kaya pala, noong nakaraan ay pumunta dito ang anak na babae ni Diego at hinahanap sa amin ang nawawalang libro..."
"...ni hindi ko mahagilap sa aking diwa, hindi ba't sinabi ko sa iyo noon na sekreto lamang natin ang pagbigay ko sa'yo ng labing-tatlong libro?"
"Hindi ko alam kung bakit may nakapasok sa aking silid-aklatan na kung tutuusin ay nasa kailaliman iyon ng mansion at kahit na ang aking mga anak ay walang alam diyaan." Tugon ni Don Quasimodo.
Napailing ang huklubang si Margarita sa pagkadismaya. "Sinabi ko na sa'yo noon anong kakayahan ng mga libro, at kapag dumating ang asul na buwan ay magkukubli iyon ng liwanag."
"Paumanhin, ngunit ngayon ay marami pa akong problema lalo na ngayon na ang aking anak na si Xavier ay nakulong pa sa San Fernando."
Napapikit na lamang ang hukluban dahil sa sinabi ni Don Quasimodo. "Hindi pwede na wala ang pinakamalakas sa inyo, malapit na sumapit ang pulang buwan!"
"Magiging pula ang buwan?"
"Oo, at ang pulang buwan na 'yan ang makakapagturo kung sino ang mga bagong maharlika."
Naalala ni Don Quasimodo ang pangyayari noon na naging pula ang buwan, hinirang siya bilang bagong maharlika na siyang ikanasuklam ni Diego sa kaniya, ngunit lumipas lamang iyon at nagpatuloy ang kanilang pagiging kaibigan.
"Maaring si Xavier at si Xienna, ngunit may nahahagilap ako sa aking diwa na may galing sa mga mortal na magiging maharlika. Hindi mo ba nabasa sa iyong orakulo?" Tanong Margarita.
Napakunot-noo si Don Quasimodo sa tinanong ng hukluban sa kaniya.
"Kung isasauli mo itong mga libro ay mas mabuti na maibalik mo na rin ang nawawala. Maaring ang libro na yaon ang maging susi upang mawala ang sumpa..."
"...ngunit ako'y nagbabakasakali noon na hindi mo na ito ibabalik pa, mas nakakasiguro akong mananatili ang kagandahan ng mga libro. Nauubos na ang lahi namin, Quasimodo! Kung kaya ay binilin ko sa'yo ang mga libro dahil sa aking nakikita ay may mabuti kang puso at hindi sakim sa kapangyarihan na kayang pagsamantalahan ang kakayahan ng bawat libro. Ang bawat pahina nila ay mahalaga!"
Halos wala ng masabi si Don Quasimodo dahil ginagapangan na siya ng konsensya. Wala naman siyang interes sa mga libro ngunit ngayon ay napagtanto niyang may halaga iyon. Noon ay hindi niya maarok ang sinasabi sa kaniya ng mga hukluban patungkol sa libro dahil ang tungkulin lamang niya ay itago ito. 'yun lang. At sa orakulo naman ay wala siyang oras para basahin iyon.
"Magiging madugo ang labanan, may mamamatay, may hihirangin... At higit sa lahat may mga darating." Saad ng hukluban.
NAKAKARAMDAM si Araceli ngayon ng kakaibang dagitab sa kaniyang katawan. Tila ba bumabalik ang kaniyang diwa sa nakaraan simula noong pagkabata hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.
Naigagalaw na niya ang bawat daliri ng kaniyang mga kamay hanggang siya'y napabangon. Wala sa sarili at balisa.
Lumabas siya sa hindi niya alam na silid at tanging pangloob na saplot lamang ang kaniyang suot. Nakikita ang kakinisan ng kaniyang katawan at ang magandang hubog nito.
Agad siyang tumungo sa malapit na batis at nagtampisaw. Hindi niya alam ang lugar at tila ba may kakaiba sa kaniyang sarili.
Halos ng lahat ng kalalakihan na naroroon sa batis ay napatingin sa kaniyang kakaibang alindog.
"Binibini, bago ho kayo rito. Sino po kayo?" Tanong ng isang dalaga na naroroon na nagtatampisaw sa batis.
Napatingin naman sa kaniya si Araceli. "Ako si Ara."
Hindi na naghintay si Araceli ng tugon at nagsimula na siyang sumisisid sa kailaliman ng batis. May mga ala-alang pilit na pumapasok sa kaniyang diwa.
Arturo...
Biglang pumaibabaw si Araceli sa pagsisid nang makita ang mukha ni Arturo na sinasakal siya. Umalis siya sa tubig at napaupo sa putol na sanga.
"Tila malalim ang iniisip mo, binibini?" Tanong ng isang estranghero kay Araceli.
Napatingin si Araceli sa kaniya na siyang ikanabighani ng estranghero.
"Hindi nalalayo na kasintahan ka ni Xavier Sarmiento, tama ba?"
"Si Xavier..." Agad na natauhan si Araceli nang marinig ang pangalan ni Xavier. Napatayo siya at napatakbo pabalik sa bahay-pagamutan. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan na siya.
"Ara!" Bulalas na sambit ni Xienna nang makita si Araceli. Agad niya itong tinapisan at niyakap. "Akala ko saan ka na napadpad!"
"Si Xavier..."
"Umupo ka." Ani Xienna at pinakaramdaman si Araceli na tila wala sa sarili at balisa. Halos hindi rin alam ni Xienna ang gagawin ngayon sapagkat nagkaroon na ng malay si Araceli.
"Patay ako kay ama nito, tiyak na malalaman niya ito sapagkat may nakakita sa'yo sa labas." Kinakabahang wika ni Xienna.
"Gusto kong makita si Xavier..."
Hindi na mapalagay si Xienna. Hindi niya pwedeng sabihin agad na nakakulong ngayon si Xavier at may magaganap na paglilitis.
Sa palagay niya ay may malaking pasanin siya sa kaniyang balikat. Isa lamang ang kaniyang nasa isipan ngayon, manghingi ng tulong kay Enrique upang dalhin sila sa hukuman ng San Fernando na walang makakaalam.
---•••---•••---•••---
(Si Araceli habang naliligo sa batis.)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro