Kabanata 32: Bulag na Katotohanan
---•••---•••---•••---•••----•••
NANG makarating si Xavier sa bahay-pagamutan ay agad na binuksan niya ng bahagya ang isang bintana upang kahit papaano ay magkaroon ng liwanag sa loob. Ilang araw na rin na hindi nabuksan ang pagamutan dahil na rin sa sekretong tinatago nila ng kaniyang ate.
Natigilan na lamang si Xavier nang mapadako ang kaniyang paningin kay Araceli.
"Ara?" Gulat na sambit ni Xavier.
Ngunit napansin niyang hindi naman tumutugon si Araceli at nanatiling dilat ang mga mata nito. Inilapit ni Xavier ang sarili kay Araceli at pinakiramdaman ito, inilapit niya rin ang kaniyang tenga sa dibdib nito at pinapakinggan kung may tibok ang puso.
Biglang napangiti si Xavier nang marinig ang bawat tibok sa puso ni Araceli. Ngunit napawi lamang nang napagtanto niyang hindi gumagalaw si Araceli o tumutugon man lang.
Kumuha ng matulis na kutsilyo si Xavier at sinugatan ang sariling palad, nang umagos na ang dugo ay agad na itinapat niya iyon sa labi ni Araceli. Pursigido na siyang mabuhay muli si Ara, tila ba nagkakaroon na ng pag-asa.
Isa lamang ang kaniyang iniisip sa ngayon, may kakaibang kakayahan ang kaniyang dugo. Hindi niya lamang ito naisip noon sa kaniyang ina dahil wala pa siyang gaanong alam, sinubukan niya lamang ang kaniyang dugo dahil wala na siyang ibang maisip na paraan.
"Xavier!"
Natigilan si Xavier nang makita ang kaniyang ate na hapong-hapo na.
"Bakit, ate?"
"Pinapatawag ka at si ama sa hukuman ng San Fernando!" Sabi ni Xienna na tila ba natatakot sa kakahantungan ng kapatid.
"Ika'y kumalma." Pakli ni Xavier at pinunasan ang palad na kanina ay nagdarugo, nilagyan niya iyon ng anong likido upang mawala agad ang sugat. "Haharapin ko sila."
"Sige, a-ako na ang bahala rito." Tugon ni Xienna. "Basta, ipapangako mo na maipagtatanggol mo ang iyong sarili. Magkaiba ang sistema ng karunungan natin sa kanila, k-kaya ka nilang baliktarin!" Dagdag pa niya at niyakap ang kapatid.
"Sige, ate." Mahinahong tugon ni Xavier at tuluyan na siyang lumabas sa pagamutan.
"NAKAKASIGURO ba kayo na ngayon dadating ang mag-amang Sarmiento?" Tanong ni Arturo sa kanila.
Kasalukuyang nasa loob ng hukuman si Alcalde Juan, Don Felipe, at ang isang hukom na siyang magtatanggol kay Arturo na si Hukom Hermogenes Pueblo.
"Napadalhan ko na ng sulat ang kanilang nasasakupan." Tugon ni Alcalde Juan.
Magiging sekreto sa madla ang paglilitis dahil na rin sa pribadong pagkakakilanlan ng barrio Querencia.
"Bakit hindi natin naaninag mula dito ang baryo?" Tanong pa ni Arturo. Kagabi pa siya nag-iisip sa mga pangyayari na hindi niya inakala. Una ay ang pagkakaroon ng diplomatikong usapan sa pagitan ng taong-lobo at ng mga opisyal ng San Fernando. Ikalawa ay ang totoong katauhan ni Xavier, hindi nga siya namamalik-mata sa mga nakita noong minsan ay nadatnan niya ito sa loob ng tahanan nila, tumagos na ang balisong sa palad ni Xavier noon ngunit hindi niya nakikitaan ng anong emosyon, pati na rin ang kaibigan nitong nag-iba ang balintataw. At ang ikatlo ay nag-iisip siya na baka ay naroroon si Araceli kay Xavier.
"Malalago ang mga puno sa kagubatan, at isa pa, tahanan nila ang kagubatan. Kung sino man ang maglalakas loob na lusubin iyon ay tiyak na hindi na makakabalik ng buhay." Tugon ni Alcalde Juan.
Tumango-tango naman si Don Felipe. Wala sa gana na mag salita ang don dahil nangangamba na siya na hindi pa rin nakikita ang katawan ni Araceli. Hindi rin pumipermi sa mansion si Don Felipe dahil abala siya sa pagaasikaso kung nakita na ba si Araceli.
Ngunit isa lamang ang naisip ng don na pwede si Xavier na makatulong sa paghahanap, kaya lang, nadawit ito sa gulo sa pagitan ng mga Torres. Kung kaya ay ipapasa-Diyos na lang din niya ang lahat kahit na malapit na siya mawalan ng pag-asa.
"Bakit ba kayo pumayag na makipag-areglo sa mga taong-lobo? Hindi naman natin tansya kung ano talaga ang totoong ugali nila." Ani Arturo sa kanila.
"Kapag si Don Lorenzo na ng kongregasyon ang nag pasya at nagsabi, may kabuluhan iyon." Tugon ng alcalde.
"Ano? Hindi ko maarok, Alcalde. Kung sino man ang taong 'yan ay walang kabuluhan ang kaniyang disesyon, nagkaroon ba ng kaayusan ang bayan na 'to nang magkaroon ng diplomatikong usapan sa pagitan ninyo at ng mga taong-lobo? Tingnan ninyo ang nangyari, talamak pa rin ang patayan at pagkawala ng mga guwardiya-sibil!" Giit pa ni Arturo.
Nagkatinginan naman ang hukom at ang alcalde, samantalang si Don Felipe naman ay nakasandal lamang sa upuan at nakatingin sa labas ng bintana at malayo ang iniisip.
"May punto ka, dapat kasi ay hindi na ako nagpadala sa mga matatamis na salita ng Lorenzo na 'yan!"
Napangisi si Arturo at nagsalita "Huli na, Alcalde. Mamamatay tayo sa mga kamay ng mga taong-lobo at mauubos ang tao dito sa San Fernando."
"NAGTATAKA na si ina kung bakit palagi mo akong sinusundo sa aming tahanan." Saad ni Ariana na ngayon ay naglalakad kasama si Crisologo. Pupunta sila ulit sa mansion ng kaniyang ate.
"Sabihan mo lang na namamasyal tayo."
"Namamasyal? Baka pagalitan ako, mas pagtutuunan ba naman ang pamamasyal kaysa sa pagdarasal na mahanap na ang ate."
Natawa si Crisologo sa sinabi ni Ariana. "Sige, sabihan mo na naghahanap din tayo kay Ate Ara. May tiwala naman ang iyong ina sa akin." Saad pa ni Crisologo at akmang aakbayan si Ariana ngunit napaiwas ang dalaga.
"Huwag ka ngang mapusok! Alam ko naman na tayo na ay magkasintahan ngunit hindi pa rin pwede na magdikit tayo, alam mo naman na madaling kumalat ang mga balita." Giit pa ni Ariana at dumistansya ng isang dipa kay Crisologo.
Umiling nalang si Crisologo at napangiti. "O siya sige, hawakan mo nalang ng maigi ang dala mong sisidlan baka saan mo pa 'yan matapon."
Tumango-tango naman si Ariana.
Nang marating na nila ang mansion ay napatago pa ang dalawa sa gilid malapit sa daanang pintuan. Sinisilip ni Crislogo kung may tao ba sa mansion.
"Walang tao, halika na." Pakli ni Crisologo at tuluyan na silang pumasok.
Nang makapasok sila sa mansion ay agad na tumungo si Ariana sa silid ng tahanan. Napatabon siya ng ilong dahil sa masangsang na amoy.
"Tangina, napakabaho!" Mura pa ni Ariana.
"Bibig nito, malamang babaho, kasi wala ng nag-aalaga sa silid. " Saad ni Crisologo at napatingin sa paligid.
"Agad? Eh mag ta-tatlong araw pa mula noong nawala si Ate Ara, ganito agad ang amoy ng silid?" Tugon pa ni Ariana ngunit napagtanto niyang may mali. "Baka naman..." Naghihinala na si Ariana na baka may koneksyon ito sa patayan.
"Ano? Huwag kang mag-isip ng negatibo." Saad ni Crisologo, sinisilip na niya ngayon ang mga sulok na may kagamitan na may nakatabon na mga puting tela
Sinubukan naman na buksan ni Ariana ang tukador ng mga damit. Ngunit naka-kandado ito. Sa palagay niya dito nagmumula ang baho.
"Sa pakiwari ko ay may nakakubling sekreto rito sa tukador na ito... maghanap ka ng palakol!" Suhestiyon pa ni Ariana agad naman na sumunod si Crisologo sa utos ng dalaga.
Habang naghihintay si Ariana ay hindi niya mapigilan na maghalungkat sa iba pang tukador na naroroon. Hanggang sa napansin niya ang isang punit na papel na nakaipit sa isang paso ng bulaklak.
Si Crisologo naman ay panay ang paghahanap ng palakol, nakaabot na siya sa likuran ng mansion ay wala siyang mahagilap na palakol. Napakamot na siya ng kaniyang batok.
"Pwede kaya kutsilyo?" Ani Crisologo sa sarili. "Pwede na 'yon."
"Anong ginagawa niyo po diyaan?"
Natigilan si Crisologo nang makita ang isang binatilyo na nakapasan ng mga kahoy.
"Ah---naghahanap ng palakol."
"Mayroon ho ako, saan niyo gagamitin?"
"M-may gagawin lang ako sa loob ng mansion, maghahanap ng ebidensya laban kay Binibining Araceli De La Vega."
"Ano? Talaga? Pwede akong makatulong!"
"A-ano ang iyong ngalan?"
"Himala."
"Himala?"
"Opo, ipapahiram ko ho itong palakol sa inyo." Ani Himala at agad na nilagay sa lupa ang pasan na mga panggatong na kahoy. Tinulungan naman siya ni Crisologo na makasuong sa alambreng bakod.
Pinaliwanag lahat ni Crisologo kay Himala ang lahat.
"Ako na po ang gigiba ng kandado."
Napatango nalang ang dalawa habang tinitingnan si Himala na pinapalakol ang kandado ng tukador.
Nang magiba ay umalingasaw ang masangsang na amoy.
"Tama nga ang aking hinala na dito nagmula ang amoy." Saad pa ni Ariana at napatabon pa ng ilong.
"May kamiso at karsones na may bahid ng dugo at putik." Pakli ni Himala at maingat na iniangat ang mga ito.
"M-mukhang may pagpaslang na naganap." Ani Crisologo.
"May natagpuan din akong punit na papel. M-mukhang galing sa liham..." Saad pa ni Ariana sa kanila.
"...naalala ko na! Galing ito sa liham na binigay ni Kuya Arturo sa amin noong araw na nawawala na si Ate Ara. Mukhang pinunit niya ito. Magkaparehas ang papel, pati ang sulat kamay!"
Si Himala naman ay natulala habang pinagtagpi-tagpi nila Ariana at Crisologo ang bawat eksena.
"A-ako rin, m-may nalalaman!" Hindi na mapigilan ni Himala ang makisawsaw sa pag-uusap ng dalawa.
Napatingin naman si Ariana at Crisologo kay Himala.
"PAGKATAPOS nito, Xavier ay huwag mo na ako bigyan ng sakit sa ulo!" Pikon na saad ni Don Quasimodo sa anak.
Nakasakay sila ngayon ng kalesa patungo sa bayan kasama si Don Romualdez na siyang magtatanggol kay Xavier sa hukuman.
"Imbes na ang panggagamot ang iyong pagtuunan ng pansin at ang paghahanap ng ibang binibini na iyong papakasalan, ngunit heto ka, nasasangkot sa gulo! Hindi mo ba iwawaksi ang pag-ibig mo kay Araceli?"
Hindi makasagot si Xavier, nakatingin lamang siya sa labas at tamad na nakasandal malapit sa bintana habang nakasalong-baba.
"Ikaw ay magtino na sa buhay, Xavier!"
"Narito na ho tayo." Saad ng kutsero.
Naunang bumaba si Xavier at kaswal na naglakad patungo sa nasabing hukuman.
"Narito na pala sila." Bungad ni Alcalde Juan kay Xavier, sumunod din sila Don Quasimodo at Don Romualdez.
Tumayo at inilahad ni Arturo ang kamay niya kay Xavier upang makipag kamustahan ngunit tiningnan lamang iyon ni Xavier at umupo malapit sa silya ni Don Felipe.
"Magandang Araw, sa inyo Don Felipe." Mahinang bati ni Xavier sa Don, tumango lang ang don sa kaniya.
"Yaman din lamang na narito na kayo ay hindi na natin papatagalin pa ang unang paglilitis." Panimula ni Alcalde Juan.
Sa magkibilang dulo ng mesa ay magkaharap ang dalawang hukom. Nasa kanan ni hukom Pueblo si Arturo, sa kabila naman ay nasa kaliwa si Xavier ni Don Romualdez.
Sa gilid ng mahabang mesa ay nasa kaliwa si Don Felipe at si Don Quasimodo at sa kanan naman ay si Alcalde Juan.
Napahinga ng malalim si Hukom Pueblo at nagsalita. "Hindi na tayo magpaligoy-ligoy pa..."
"...maari mo ng sabihin ang mga nangyari noong gabing napaslang ang iyong ama, Arturo."
Napaayos muna ng kwelyo si Arturo bago magsalita "Nakasakay kami sa kalesa upang pumunta sa dulo ng bayan dahil na rin sa hinahanap namin ang aking esposa na si Araceli De La Vega, nagbabakasali kami na may mahahanap kami roon..."
"...ngunit hindi namin namalayan na kabilugan pala ng buwan, uuwi na lang sana kami ni ama ngunit inabangan kami ni Xavier sa daan. Nakakatakot ang kaniyang anyo!" Wika pa ni Arturo.
Humalakhak na lamang bigla si Don Romualdez sa sinabi ni Arturo.
"B-bakit kayo tumatawa? Totoo naman!" Giit pa ni Arturo.
"Mukhang nag kwe-kwento ka lamang ng pambatang storya sa amin," saad pa ni Don Romualdez at tumatawa pa rin siya. "Pala-biro naman pala itong manugang mo, Don Felipe!"
"Bakit mo nasabi na mukhang gumagawa lamang ng kwentong pambata si Arturo?" Tanong ni Hukom Pueblo.
"Malamang sa malamang, bakit niya agad masasabi na si Xavier ang humarang sa kanila sa daan? Eh kapag nagbago na ang anyo ng mga taong-lobo ay halos magkakaparehas lamang sila ng tindig at kulay ng balahibo! May kulay puti ba sa amin na taong-lobo? Wala! Uulitin ko, kapag nagbago kami ng anyo ay hindi nagkakalayo ang aming hitsura!" Giit pa ni Don Romualdez.
Napatingin naman si Alcalde Juan kay Arturo na ngayon ay nasupalpal sa mga litanya ni Don Romualdez. Si Don Felipe naman ay taimtim lang na nakikinig sa kanilang diskurso.
"Nakita ko po siyang nagpalit ng anyo." Ani Arturo na pilit dinidepensahan ang sarili.
"Nakita naman pala ni Arturo na nagbago ng anyo si Xavier." Ani Hukom Pueblo.
"Mismo! Habang nagtatago ako upang hindi mapaslang ay nakita ko siyang nagpalit ng anyo at nakumpirma kong siya nga, may kasama pa siyang ibang taong-lobo at isang binatilyo na sa palagay ko ay kaniya rin dinagit." Dagdag pa ni Arturo.
Tagbo na ang kilay ni Don Quasimodo sa anak dahil sa nalaman na impormasyon kay Arturo.
"Kung sa gayon nga ay gusto kong marinig ang panig ni Xavier." Ani Hukom Pueblo.
"Xavier, magsalita ka." Saad pa ni Don Romualdez.
Napahinga muna ng malalim si Xavier bago nagsalita. "Ang kasama kong binatilyo ay hindi ko bihag. Kaibigan ko siya."
"Nagsisinungaling lamang si Xavier! Bihag niya ang binatilyo!" Giit pa ni Arturo.
Napapikit sa inis si Xavier at gustong suntukin sa mukha si Arturo, ngayon ay nagsisisi na siya kung bakit hindi niya ito pinaslang agad.
"Maging mahinahon ka, Arturo." Suway pa ni Alcalde Juan.
"Ipagpatuloy mo, Xavier." Saad ni Don Romualdez.
"Nagsasabi ako ng totoo, kahit na hanapin ninyo dito sa bayan ang kaibigan ko, ay mahahanap ninyo! Ang ngalan niya'y Himala. Hindi rin totoo na inabangan ko sila sa daan, ang ama niya at ang iilang gwardiya-sibil ang nagpadakip sa amin para dalhin sa abandonadong mansion..."
"...hanga lang talaga ako sa'yo Arturo dahil magaling ka magbaliktad ng kwento, magaling ka sa kung paano makuha ang loob ng tao para kaawaan ka. Palagi mong hinahanap sa akin ang iyong esposa, bakit hindi mo alam ang ginagawa ni Ara? Bakit bigla na lamang siyang nagpaalam?"
Napatingin si Don Felipe sa gawi ni Xavier nang marinig ang pangalan ng anak.
"Binihag niyo kami. Don Felipe at Alcalde Juan, nakakasiguro ba kayong totoong kaibigan ang ama ni Arturo? Nakakasiguro ba kayo na si Arturo ay mabuting tao?" Tanong ni Xavier sa kanila.
"Kailangan natin ng pruweba, kulang tayo sa pruweba. Ano ang magiging laman ng ating talastasan kung walang ebidensya?" Balik na tanong ni Hukom Pueblo.
"Basta't ako'y may pruweba, ang pruweba na si Xavier ang pumatay sa aking ama, ikaw Xavier? May patunay ka?"
Napatingin si Don Romualdez kay Xavier at naghihintay ng tugon.
"Kung walang ebidensya ay maaring makukulong muna si Xavier at ikaw Don Romualdez ang maghahanap ng ebidensya para kay Xavier..."
"...tapos na ang unang paglilitis." Ani Hukom Pueblo.
Walang naging anong salita ang lumabas sa bibig ni Don Romualdez at napailing na lamang.
"Hahanapin ko si Himala, huwag kang mag-alala, Xavier." Saad ni Don Romualdez.
Samantalang si Don Quasimodo naman ay naunang lumbas at dumiretso sa kalesa.
Nararamdaman na ni Xavier na may gumagapos na sa kaniyang kamay sa likuran.
"Ihatid niyo na siya sa kulungan." Pakli ni Alcalde Juan sa isang gwardiya-sibil na agad napatango.
Pakiramdam ni Xavier ngayon ay may halong pagsisisi ang pagtingin sa kaniya ni Don Felipe at Alcalde Juan. Lalo na ang kaniyang ama na ni isang salita ay walang iniwan.
"Sayang ka." Nakakalokong sambit ni Arturo kay Xavier bago lumabas ng hukuman.
Sumunod naman si Don Felipe na walang emosyon ang mukha pero may katagang hinabilin ito na hindi makakalimutan ni Xavier.
"ANONG kinalaman ng abandonadong mansion na ito sa inyo ni Ginoong Xavier?" Tanong ni Ariana kay Himala.
Napatigil naman si Himala sa paghihila ng mga kadena. Pumasok silang tatlo sa abandonadong mansion ng mga Ocampo.
"Dito sa mansion na ito, dito kami binihag ni Arturo at ng ama niya. Bukambibig ng Arturo na 'yon si Binibining Araceli, hinahanap niya ito kay Ginoong Xavier. Pinagbibintangan ba naman si Ginoong Xavier na siyang kumuha sa ate mo, totoong naroroon sa tahanan ni Ginoong Xavier ang iyong ate---" Natigilan si Himala sa kaniyang nasabi.
"A-ano? Naroroon si Ate Ara sa tahanan nila Ginoong Xavier?" Nagtatakang tanong ni Ariana kay Himala.
"Sabihin mo na sa amin ang totoo, may nalalaman ka pa ba?"
Patay, magagalit si Ginoong Xavier sa akin!
Saad ni Himala sa kaniyang sarili.
"Ah--"
"Maawa ka, Himala. Buhay ba si Ate Ara?" Tanong ni Ariana.
Napabuntong-hininga na lamang si Himala. "Wala ng buhay na natagpuan ni Ginoong Xavier si Binibining Araceli na palutang-lutang sa ilog."
Halos mawalan ng balanse si Ariana sa narinig, mabuti na lamang at agad siyang naalalayan ni Crisologo. Napahawak siya sa ng kaniyang sintido.
"Tama nga ang aking hinala! Si Ginoong Arturo ang may gawa niyan!" Galit na sambit ni Crisologo. "Minsan na rin niyang binantaan ang buhay ko nang mahuli ko siyang may kausap na ibang babae sa likod ng bahay!"
Habang si Ariana naman ay napakapit ng mahigpit sa bisig ni Crisologo, nagsimula ng pumatak ang kaniyang mga luha. "G-gusto kong makita si A-ate..."
"Kailangan natin ito ipagbigay alam sa awtoridad!" Ani Crisologo.
"Paano?" Tanong pa ni Himala.
"Isang punong hukom ang aking ama. Maari siyang makatulong! May narinig din akong usapan ni Ama at Ina kagabi na ipadadakip daw ang may sala sa pagkamatay ni Don Renato." Saad ni pa ni Crisologo sa kanila. "Bukas ay magkikita tayo sa harapan ng simbahan."
"Sige, ayaw kong mapatawan ng kasalanan si Ginoong Xavier, nararapat lang din sa ama ni Arturo na mamatay, bayad na lang din yun sa pagpaslang niya sa kaniyang sariling asawa, halang ang kaluluwa!" Wika pa ni Himala.
"Ikaw Aring ay magpahinga ka ha, ihahatid kita sa inyo. Kami nalang bukas ni Himala ang mag-aasikaso." Sambit ni Crisologo kay Ariana na ngayon ay tulala na habang may umaagos na luha sa kaniyang mga mata.
"PUNYETA naman talaga!" Mura pa ni Don Quasimodo sa loob ng kalesa.
"Ako na ang maghahanap ng ebidensya para sa iyong anak. Magpapaiwan ako dito sa bayan upang hanapin si Himala." Saad ni Don Romualdez sa kaibigan. "Mabait si Xavier, siya ang aking nakikita na susunod na mamumuno sa ating nasasakupan kung kaya ay dapat natin na tulungan siya upang makalaya."
"May pagkukulang ba ako bilang ama, Tiago?" Biglang tanong ni Don Quasimodo.
"Wala, maayos ang pagpapalaki mo sa kanila. Huwag mong sisihin ang sarili."
"Mukhang nagiging pabaya na akong ama."
Napangisi naman si Don Romualdez sa kaibigan. "Hunghang, ngayon ka pa ba tatangis diyaan na halos hindi na mabilang sa kamay ang napaslang ng iyong anak?"
"Hindi sa ganoon, Tiago. Mag-iiba ang pagtingin ng Alcalde sa atin. Ngayon pa talaga nangyari ang ganiyang eksena? Napapalapit na ang loob nila sa atin!"
"Kung sabagay, pero kailangan pa rin natin na ipagtanggol si Xavier at ilahad sa kanila na totoo ang sinasabi ng iyong anak..."
"...lahat ng nangyayari sa ating buhay ay may dahilan. Paano kung ang pangyayari ngayon ay siyang susi upang mas maging matatag pa ang ating samahan sa pagitan ng mga taong-lobo at mga tao?" Saad pa ni Don Romualdez at tinapik ang likod ng kaibigan.
Sandaling natahimik si Don Quasimodo.
"Kinakailangan din natin na tingnan ang solusyon at ikakabuti ng lahat sa kabila ng kaguluhan." Malalim na sambit ni Don Romualdez at isinuot na ang sombrero at bumaba sa kalesa. "Adios, amigo! Pupuntahan kita mamaya sa inyong tahanan, bigyan mo ako ng limang tobacco!"
Napatango na lamang si Don Quasimodo. Sa pagkakataong iyon ay may kung anong pagsisisi siyang naramdaman dahil sa nagawa niya sa kaniyang anak kanina.
---•••---•••---•••---
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro