Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 31: Maldecir La Sangre

---•••---•••---•••---•••---•••

NAGISING si Daniel nang marinig ang bulahaw ng kaniyang ina sa labas. Agad siyang napabangon at lumabas ng silid.

Nang makalabas ay naabutan niya ang kaniyang ina na inaalalayan ng mga gwardiya-sibil dahil nakaupo na ito sa sahig at naglulupasay sa iyak. Narooroon din ang kaniyang kuya Arturo na nakayuko at may bahid ng dugo at putik ang damit.

Sa mga oras na iyon ay ginapangan na ng kaba si Daniel.

"A-anong nangyayari dito? Si Ama?" Hindi mapigilang magtanong ni Daniel sa kanila. "Kuya! Anong nangyayari?" Napalapit na rin siya sa kaniyang kuya na ngayon ay may paghikbi siyang naririnig.

"W-wala na atoang amahan." (Wala na si ama.)

"Unsa?! Unsa ang nahitabo? Ngano?" (Ano? Anong nangyari? Bakit?) Hindi na mapakali si Daniel dahil nararamdaman niyang masamang balita ito.

"Pinatay siya ng taong-lobo." Ani Arturo na makikita sa kaniyang mukha na siya ay galit na galit.

Natigilan naman si Daniel at hindi niya maarok ang sinasabi ng kaniyang kuya. Tila ba bumagal ang bawat galaw sa kaniyang paligid.

Madaling araw na nang magkaroon ng malay si Arturo, nawalan siya ng ulirat dahil sa pagod at paghihinagpis. Namalayan na lamang niya na siya'y nakahiga sa putikan at may nagtataasang damo sa kaniyang paligid.

Papausbong na ang araw nang lumabas siya sa talahiban at agad na napatakbo sa gawi kung saan naroroon ang patay na katawan ng kaniyang ama na walang ulo. Nasumpungan niya rin ang ulo ng kaniyang ama na malapit sa isang patay na kahoy.

Nagpalinga-linga sa paligid si Arturo kung may masusumpungan siyang dadaan na kalesa.

"Punyeta!" Sigaw niya. Naiinis din siya sa mga gwardiya sibil na iniwan siya.

Habang hawak-hawak ni Arturo ang pugot na ulo ng kaniyang ama ay naaaninag niya mula sa hindi kalayuan ang paparating na kalesa.
Agad na pumagitna siya sa daan at lumuhod habang tinataas ang pugot na ulo ng kaniyang ama.

"Bakit po tumigil tayo?" Nagtatakang tanong ni Hukom Santa Mesa sa kaniyang kutsero.

Papunta sana sila ngayon sa karatig bayan para sa isang paglilitis.

"S-senyor..." Hindi na makasalita ng maayos ang kutsero dahil sa gimbal.

Naramdaman ng hukom na tila balisa ang kutsero kung kaya ay binuksan niya ang bintana ng kalesa.

"M-mierda!" Gulat na napamura si Hukom Santa Mesa nang makita kung sino ang nasa gitna ng daan at agad na bumaba siya sa kalesa. "Manong, tulungan natin si Arturo!" Agad na sabi ng hukom.

Kahit na masusuka ang kutsero ay agad niyang hinila ang bangkay ni Don Renato.

"Anong nangyari, Arturo?" Tanong ng hukom kay Arturo na tila wala sa sarili.

"Si ama, pinatay ng taong-lobo!" Nanginginig na tugon ni Arturo habang napapayakap sa pugot na ulo ng ama.

Hindi na nag-atubili pa ang hukom na alalayan si Arturo at ang ulo naman ay itinabi sa bangkay. Mabuti nalang at may mahabang telang nakatago sa ilalim ng upuan ng kalesa, iyon ang naging pambalot sa bangkay.

"Manong, bumalik tayo sa lungsod." Utos ni Hukom Santa Mesa.

Sa mga oras na 'yun ay marami ng katanungan ang bumabagabag sa isipan ng hukom.

"ANO? Tangina! Sabihin mong ikaw ay nagsisinungaling lamang hukom!" Saad ni Alcalde Juan kay Hukom Santa Mesa nang makarating ito sa tahanan niya, hindi siya makapaniwala sa hinatid na balita ng hukom.

Ang bangkay ni Don Renato ay hinatid na ng mga gwardya sibil sa morgue. At napagdisesyonan ng hukom na kailangan niya itong sabihin kay Alcalde Juan lalo na kay Don Felipe na matalik na kaibigan ni Don Renato.

"Hindi ako nagsisinungaling!" Giit pa ni Hukom Santa Mesa.

"Punyeta naman o!" Naiinis na tugon ni Alcalde Juan, napabagsak na lamang ang kaniyang kamay sa mesa na siyang ikinagulat ng kutsero.

"Nasa morgue na ang katawan ni Don Renato at mamayang tanghali ay ibuburol na siya."

"Padalhan mo ng sulat ang aking kuya!" Utos ng alcalde sa katabing guwardiya.

"Masusunod po." Tugon ng guwardiya-sibil.

"Nakakalbo na ako sa dami ng problema! Ang aking pamangkin ay nawawala! Ang mga gwardiya sibil ay nawawala! Tapos, si Don Renato? Putangina!" Reklamo ni Alcalde Juan at napahilot pa siya ng kaniyang sintido.

"Hindi ba't kaanib na ang bayan na ito sa barrio Querencia?"

Napatingin si Alcalde Juan kay Hukom Santa Mesa. Biglang napaisip ang Alcalde "Tama, susulatan ko si Lorenzo." Agad siyang kumuha ng pluma at papel.

"May mga tanong na bumabagabag sa aking isipan...una ay, ano ang ginagawa ng mag-amang Torres malapit sa abandonadong mansion ng mga Ocampo? Hindi ba't wala ng nakatira doon dahil hindi na umuuwi sa mansion na iyon ang madre? Pangalawa, naisip ko rin na baka may pupuntahan sana ang mag-ama ngunit naabutan lamang sila ng taong-lobo, pero nakita ko na bukas ang abandonadong mansion, marahil ay galing doon ang mag-ama? May ginagawa kaya sila na taliwas sa mga nalalaman natin?" Litanya ni Hukom Santa Mesa na napahimas pa sa mataas nitong bigote.

Napakunot-noo si Alcalde Juan. "Mabuting tao si Don Renato at si Arturo!" Giit pa niya at nag patuloy sa pagsusulat.

"Hindi ko naman sinabi na hindi sila mabuti. Nakakapagtaka lamang kung bakit sila pupunta sa pinakadulo ng bayan? Hinahanap ang iyong pamangkin?"

"Marahil ay ganoon na nga."

Napahinga na lamang ng malalim ang hukom at tila ba binabagabag pa rin siya, sa kaloob-looban niya ay may iba pa na nangyayari.

"Kung ganoon nga ay, nakakaawa ang sinapit ng Don sa kamay ng taong-lobo. Marahil ay taong-lobo sa kabilang panig ang may gawa." Ani Hukom.

Hindi na sumagot si Alcalde Juan dahil kahit siya ay naguguluhan na rin.




"AMA, nagpadala ho ng sulat si Tiyo." Saad ni Ariana nang matanggap ang liham mula sa isang gwardiya-sibil.

Agad na napalingon si Don Felipe sa anak at kinuha ang liham na binigay ni Ariana.

"Baka nakita na po nila si ate, ama." Saad ni Ariana at nagbabakasali na magandang balita ito, ngunit sa kaniyang nakikita na ekspresyon sa mukha ng kaniyang ama ay tagbo ang kilay nito.

"Ama? B-bakit?"

"S-si Renato..." Halos hindi makapaniwala sa nabasa si Don Felipe at agad na napatayo at kinuha ang sombrero sa silid.

Naiwan naman si Ariana na nagtataka. "Ama, bakit po? Anong nangyari kay Don Renato?"

"Wala na siya." Ikling tugon ni Don Felipe at lumabas agad sa mansion.

Sinundan pa ni Ariana ang ama ngunit agad na nakasakay ito ng kalesa.

Nagtataka ngayon si Crisologo nang makaabot sa mansion ng mga De La Vega, dahil naabutan niya si Don Felipe na balisang balisa at ni hindi nga siya napansin nang makasakay ito ng kalesa. Napatingin din siya kay Ariana na may bahid ng pag-aalala ang mukha.

"Binibining Ariana!" Tawag ni Crisologo at itinaas pa niya ang kaniyang sombrero.

"Ginoong Crisologo?"

"Ano na ang balita sa iyong ate?" Tanong ni Crisologo nang makalapit ito kay Ariana.

Napahinga ng malalim si Ariana bago mag salita. "Wala. Akala ko nga'y magandang balita na ang ipinadala sa amin na liham, ngunit hindi pala."

"Ako'y nalulungkot sa mga nangyayari ngayon. Pinaglalaruan lamang ang bawat isipan ng mga tao dito sa bayan."

"Hindi ko na nga maintindihan. Gusto ko ng makita ang aking ate, ngunit kahit na ako ay hindi alam ang gagawin kung saan ako magsisimula." Litanya ni Ariana. "Pasok ka."

"Salamat." Tugon ni Crisologo at sumunod na lamang siya kay Ariana.

"Ikaw ay napadalaw dito? Si Ate Catalina, alam niya ba?"

"Napadalaw ako dito dahil gusto kong tulungan ka para magsiyasat at ipaintindi sa iyo ang mga sekreto na aking nalalaman. Si ate Catalina naman ay naroroon sa simbahan, pabalik-balik siya doon dahil nanghihingi siya sa Diyos ng pag-asa na makita ulit si ate Ara."

Napasulyap si Ariana kay Crisologo dahil sa sinabi nito. "A-anong sekreto ang iyong nalalaman?"

"Hindi ba sumagi sa isip mo na may nalalaman din si Ginoong Arturo sa pagkawala ng iyong ate? O sabihin nalang natin na naglayas talaga ang iyong ate..."

"...kung totoong naglayas ang iyong ate ay may malaking rason. Pero bago natin pagtagpi-tagpiin ang mga kwento, pwede mo ba akong samahan sa tahanan nila?"

"B-bakit?"

"Baka may makalap tayong ebedensya."

"Paano kung wala?"

Napatitig na lamang si Crisologo sa mga mata ni Ariana na siyang ikinaiwas ng dalaga.

"Kung wala ay may sasabihin na lamang ako sa'yo. Importante. Pero kung mayroon ay pwede kong pagtagpiin ang aking sasabihin sa makikitang ebedensya." Saad ni Crisologo na may halong kaba na sa kaniyang dibdib, naiisip niya rin ang kaligtasan ni Ariana ngayon kung sakaling may masamang mangyari.

"Sige ako'y magbibihis muna at magpapaalam kay ina." Saad ni Ariana. Ngunit bago pa man siya tumalikod ay nagsalita si Crisologo.

"Kahit anong mangyari, Aring....kung sakaling may nakaabang na mga hindi inaasahan..."

"...huwag na huwag mong bitawan ang aking kamay." Ani Crisologo habang nakatitig sa mga mata ni Ariana.

Marahan na napatango si Ariana at matipid na ngumiti bago pumasok sa silid.

"NAKATANGGAP ng liham si ama, Xavier. Saan ka ba nagtungo kagabi? Alam mo ba na halos mamatay na ako sa sobrang pag-alala sa'yo? Binantayan ko na lamang magdamag ang pagamutan kung sakaling may gustong lusubin iyon!" Wika ni Xienna na may halong inis sa kapatid.

"Paumanhin, ate. Ngunit kahit na ako ay nasadlak din sa kapahamakan, nadamay pa ang aking kaibigan." Litanya ni Xavier habang naghahanda ng mga kagamitan para sa pagamutan. "Pero maari ko ba na malaman kung ano ang isinaad ng liham?"

"Nanghihingi ng tulong ang alcalde sa atin na hanapin si Ara, ayon pa sa liham na nanggaling kay Don Lorenzo..."

"...pero teka nga, ano ang sinasabi mong nasadlak ka sa isang kapahamakan?" Pag-iiba ni Xienna.

"Napatay ko ang ama ni Arturo." Diretsong tugon ni Xavier at napaayos pa ng kwelyo habang nakatingin sa salamin.

Napatabon ng bibig si Xienna sa gulat. "P-paano?"

Ikinuwento ni Xavier ang lahat at halos hindi na maipinta ang mukha ni Xienna.

"May balak ka pa ba na sabihin kay ama ang patungkol kay Ara, na sa ngayon ay nanghihingi ng tulong ang alcalde sa atin?"

"Marahil ay hindi na muna, hihintayin nalang natin na mabubuhay muli si Ara..."

"...sana ay pagkalooban ako ng kagalingan sa larangan ng panggagamot, alam ko naman na impusible para sa inyo na muli kong bubuhayin ang patay na." Litanya ni Xavier at napa-buntong hininga na lamang. "Pero gagawin ko, kahit ilang taon pa ang lumipas."

"Mahal mo talaga si Ara, kahit ikakasira ng iyong reputasyon o masadlak sa kapahamakan ang iyong sarili ay gagawin mo ang lahat." Ani Xienna at niyakap ang kapatid.

"Kahit ikakamatay ko man, handa akong magsakripisyo sa mga taong nandiyan sa akin na minamahal ko ng tunay." Ani Xavier at kumalas na sa pagkakayakap sa kaniyang nakatatandang kapatid. "Salamat, ate."

Tuluyan ng lumabas si Xavier sa mansion.

"HUWAG niyo lang subukan na tatakas dito sa aming balwarte, hindi niyo na makikita ang bukas!" Litanya ni Don Diego sa mga bagong dakip ba gwardya-sibil.

Ang mga dating nadakip nila na gwardiya-sibil ay tuluyan nang nasakop ng sumpa na maging taong-lobo, nag-iba rin ang mga ugali nila dahil napapasailalim sila sa kapangyarihang hipnotismo ni Estrella.

"Parang awa niyo na po! Pangako ko po na magiging sekreto ito!" Pagmamakaawa ng isang gwardiya-sibil.

"Ano pakiwari mo sa amin? Hunghang?" Ani Don Diego at hinawakan ang kwelyo ng naturang gwardya at sinampal ng malakas.

Sa isang sulok naman ay nakayuko lamang ang isang binatilyo habang nakaluhod. Walang damit pang-itaas at nakagapos ng kadena ang kamay.

"Ikaw ang pinakabatang guwardiya-sibil, ano ang iyong pangalan, hijo?" Kalmadong tanong ni Don Diego sa binatilyo.

Hindi naman sumagot ang binatilyo at nanatili itong nakayuko.

"SAGOT!" bulyaw ni Don Diego.

Bahagyang nagulat ang binatilyo pero hindi niya pinapakita na siya'y natatakot.

"L-liberato Fortalejo." Sagot ng binatilyo na nanatiling nakayuko.

"Sasagot din naman pala." Ani Don Diego at hinawakan ang baba ni Liberato upang makita niya pa ang kabuuan ng mukha ng binatilyo.

"Ilang taon ka na?"

"Labing-walo." Ikling tugon ni Liberato.

Makikitaan ng kakisigan si Liberato dahil siya ay may dugong tsino na nahahaluan ng dugong espanyol (sangley), hindi man ganoon ka yaman ang kanilang pamilya ay naitataguyod pa rin ng kaniyang ama na buhayin sila. Ngunit sa ngayon ay hindi na niya alam kung makakalabas siya ng buhay sa balwarte ng mga taong-lobo o kakalat sa kaniyang katauhan ang pagiging halimaw.

Magsasalita pa sana si Don Diego nang dumating si Aquilino at may binulong ito sa kaniya. Tumango naman ang don at umalis sa silid kung saan naroroon ang mga bagong dakip na guwardiya-sibil.

Nang makalabas ay dumiretso sila sa opisina kung saan naroroon si Estrella na minamasdan ang orakulo.

"Aking nababasa sa orakulo na nasa malapitan lamang ang itim na libro..."

"...at dala-dala ito ng isang babae na may dugong maharlika." Sabi ni Aquilino sa kanila.

"Naroroon nga kay Xienna, pero noong nagtuos kami ay wala naman sa kaniya." Nagtatakang tanong ni Estrella.

"Marahil ay may isa pa." Ikling tugon ni Aquilino. "Ngunit kagabi nang magawi ako sa kabila ay may naaamoy akong kakaiba, tila ba dugo ng tao. Hindi ko nga lamang alam saan galing."

"Sana siniyasat mo!" Saad ni Estrella na may halong pagkairita.

"Ngunit biglang nawala! Iyan nga dapat ang aking gagawin." Tugon ni Aquilino.

"Para kayong mga bata, nagbabangayan! Ang ating intindihin ngayon ay makarami ng mga madadakip at kapag sapat na ang nadakip, maari na tayong lumusob sa kabila at kunin ang itim na libro..."

"...papaslangin ko rin ang mga hukluban." Wika ni Don Diego, tapos napahalakhak pa. "Mata sa mata, ngipin sa ngipin!"

"HUWAG kang gagawa ng anong ingay." Pabulong na saad ni Crisologo kay Ariana.

Nakarating na sila sa mansion at sobrang tahimik na tila ba nagdadalamhati ang buong paligid. Sa likod sila ng bahay dumaan upang hindi sila makita.

"Teka, m-mukhang may babae sa azotea." Pakli ni Ariana habang tinatabunan niya ang kaniyang mukha ng talukbong.

Napatingin naman si Crisologo sa azotea.

"Si Ate Ara yata." Ani Ariana at napatakbo paakyat ng hagdan.

"Ariana---" napapikit na lamang sa inis si Crisologo at sinundan na lamang ang dalaga.

"Ate Ara---" kakalibitin na sana ni Ariana ang babae ngunit humarap ito sa kaniya.

"Sino ka? Sino kayo?" Tanong ni Kristina.

"I-ikaw, sino ka?" Pabalik na tanong ni Ariana.

"Asawa ni Arturo." Sagot ni Kristina sa kanila.

Agad na napayukom ng kamao si Ariana ngunit hinawakan iyon ni Crisologo at nagkatinginan silang dalawa.

"Kayo? Sino ba kayo?"

"Ah---"

"Pasensya na, naligaw lamang kami ng mansion, akala namin dito na 'yun." Agad na sapaw ni Crisologo kay Ariana na ngayon ay nanginginig na ang kamay. "Halika na, Aring. Paumanhin, binibini." Saad ni Crisologo at agad na hinila si Ariana pababa ng azotea.

Sinundan naman sila ng tingin ni Kristina.

"A-ano 'yon? Tangina, Crisologo! May nalalaman ka ba?!" Tanong ni Ariana nang makalabas sa likod ng mansion.

Hinila ulit ni Crisologo si Ariana at napatago sila sa likuran ng malaking puno.

"Ikaw ay kumalma, Aring!" Saad pa ni Crisologo habang hinahawakan ang magkabilang-balikat ng dalaga.

Napahikbi si Ariana at puno ng pagkainis at galit ang kaniyang kalooban.

"May nalalaman ka ba, Crisologo?! Sabihin mo sa akin? Sino ang babaeng iyon na sinasabi na siya'y esposa ni Kuya Arturo?! At buntis pa!"

"Sasabihin ko ang lahat, ikaw ay kumalma muna." Agad na niyakap ni Crisologo si Ariana.

"Nakakaawa pala ang aking ate sa mga kamay ni Kuya Arturo." Sabi ni Ariana habang humihikbi na nakayakap kay Crisologo.

"Sige, sasabihin ko sa'yo. Hawakan mo lamang ang aking kamay. Baka sakaling ikaw ay manghina, narito ako para sumalo." Sabi ni Crisologo at kumalas na sa pagkakayakap.

Huminga muna ng malalim si Crisologo at napahawak sa mga kamay ni Ariana. "Si Ginoong Arturo ay may ibang babae at pinagtataksilan lamang niya ang iyong ate. Ngayon ay marahil na iyan ang kasagutan kung bakit naglayas ang iyong ate."

"K-kung naglayas siya ay dapat sa amin siya unang pupunta."

"'yon din ang tanong ko sa aking sarili kung kaya ay maghahanap ako ng ibang ebedensya." Tugon ni Crisologo at napatingin sa mansion.

"Halika, uuwi na tayo." Walang ganang sabi Ariana.

Napatango na lamang si Crisologo.

Ngunit sa kanilang paglalakad sa likuran ng mansion ay may nakitang panyo si Ariana at agad niya itong dinampot.

"K-kay ate Ara 'to ah!"

Nababahiran iyon ng putik at mantsa ng dugo.

"Pwede 'yan."

"Anong pwede?" Takang tanong ni Ariana kay Crisologo.

"Halika na bago pa tayo maabutan ni Ginoong Arturo." Ani Crisologo at hinawakan ang kamay ni Ariana at tumakbo sila patungo sa mga nagtataasang talahiban na kanina'y kanilang dinaanan.

NAABUTAN ni Don Felipe na nag-uusap si Hukom Santa Mesa at Si Arturo na kakarating lang din.

"Ama..." Sambit ni Arturo at nagmano kay Don Felipe.

"Ako'y nakikiramay sa pagkawala ng iyong ama." Malungkot na litanya ni Don Felipe at inilagay ang sombrero sa kaniyang dibdib. Napasulyap din siya sa kapatid na naka de-kwatro na nakaupo habang hinihilot nito ang sintido.

"Ano na ang inyong pinag-uusapan?" Tanong agad ni Don Felipe.

"Tumungo ho ako dito upang malaman ninyo ang totoong nangyari." Panimula ni Arturo.

Napatingin si Hukom Santa Mesa kay Arturo.

"Si Xavier Sarmiento ang pumatay kay ama!" Walang patumpik-tumpik na saad ni Arturo.

Napaayos ng salamin sa mata si Hukom Santa Mesa sa narinig.

"Isa siyang taong-lobo." Dagdag pa ni Arturo.

"Punyeta! Akala ko ba ay mabubuti sila?" Tanong ni Alcalde Juan kay Don Felipe.

"B-bakit?" Naguguluhang tanong ni Arturo. "Kayo ba ay may koneksyon sa mga taong-lobo?"

"Oo, hijo. At sa aking palagay ay may malaking rason kung bakit niya pinaslang ang iyong ama."

Natigilan si Arturo at hindi maarok ang sinasabi nh hukom.
"May pinapanigan ka ba, hukom?" Tanong pa ni Arturo sa kaniya.

"Wala, ngunit parehas may mali. Paano nalaman ni Xavier na nasa dulo kayo ng bayan?"

Napatingin na rin ngayon ang lahat sa hukom.

"Dahil taong-lobo siya! Pagala-gala sila kapag kabilugan ang buwan, hindi ba?!" Depensa ni Arturo sa sarili.

"Bakit bukas ang abandonadong mansion? Mukhang magulo pa sa loob?"

Halos hindi na makapagsalita sa Arturo.

"Kumalma ka lamang, hukom. Huwag mo muna bigyan ng mga mabibigat na katanungan si Arturo." Saad ni Don Felipe.

"Paumanhin, sige. Ako'y aalis na sapagkat may paglilitis pa na magaganap sa kabilang bayan. Ako'y mahuhuli nito ng dating kung magtatagal pa ako, tayo na po manong." Sabi ng hukom at napasuot na lamang ng sombrero bago tuluyang umalis.

Napailing na lamang si Arturo at napatingin sa gawi ni Alcalde Juan na seryosong nakatingin sa kaniya.


SA madilim na silid ng pagamutan ni Xavier ay naroroon ang katawan ni Araceli na nakahiga.

Dumadaloy na sa kaniyang sistema ang dugo ni Xavier na siyang nagpapabalik ng dating kinis ng kaniyang kutis at sa pagbabalik normal ng kaniyang kulay sa kaniyang mga kuko. Ang dating maputla na labi ni Araceli ay nanunumbalik sa pagiging pula.

Hanggang sa naimulat na niya ang kaniyang mga mata. Naririnig na niya ang kakaibang huni ng mga ibon sa paligid at naaamoy niya na may paparating. Ngunit pilitin niya man na igalaw ang katawan ay hindi niya magawa, tila ba hindi sumusunod ang kaniyang utak sa gusto niyang kilos. Tila ba isa siyang istatwa habang nakadilat ang mga mata.
----•••---•••---•••----•••---•••


A/N: Si Liberato Fortalejo ay isa sa mga karakter ng kwentong Edelmira ni Senyor_Nephesh . I highly recommend his novel na Edelmira. Hindi kayo magsisisi, promise! Magaling talaga ang may akda.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro