Kabanata 29: Liham at Balisong
---•••---•••---•••---•••---
SININDIHAN ni Araceli ang isang lampara sa kanilang silid. Mag a-alas syete na ng gabi ngunit hindi pa rin umuuwi si Arturo.
Napahinga na lamang siya ng malalim bago lumabas sa silid at nagtungo sa kusina at naghanda ng hapunan. Naiisip niya pa rin ang mga pangyayari kagabi. Maya-maya pa ay nakarinig siya ng tatlong katok, agad siyang nagtungo sa pintuan at binuksan iyon. Nakita niya si Arturo at nilagpasan lamang siya na parang walang nakita, hindi man lang bumati o humalik sa kaniyang pisngi na siyang kinasasanayan na.
"M-may hinanda akong hapunan para sa'yo, kumain ka na, langga." Basag ni Araceli sa katahimikan na pumapagitna sa kanilang dalawa.
"Salamat. Ikaw ba ay kumain na?" Malamig na litanya ni Arturo.
"Hindi pa, hinintay talaga kita upang ikaw ay masabayan." Ani Araceli at umupo sa kabila na kung saan ay kaharap niya si Arturo sa mesa.
"Maari mo ba akong sulatan ng liham pamamaalam?" Tanong ni Arturo, napatigil naman si Araceli sa pagsasandok ng kanin dahil sa tanong.
"P-para saan?"
"Para sa kaibigan lang," malamig na tugon ni Arturo.
"Ano ba ang kailangan kong ipuna sa liham bukod sa pamamaalam?" Tanong pa rin ni Araceli sa esposo.
"Isulat mo lamang na ako'y pupunta sa malayo at malabong makakabalik pa."
"S-sige." Iyan nalang ang naitugon ni Araceli dahil kinakabahan na siya kung magtatanong pa at baka saktan ulit siya.
Pagkatapos kumain ay naghanda na ng papel at panulat si Araceli.
Kaibigan,
Ako'y nalulungkot sapagkat ako'y lalayo na. Nais ko man itong sabihin sa personal ngunit baka ako'y iyong pigilan pa.
Ako'y pupunta sa malayong lugar na kung saan malabo na akong makakabalik pa. Salamat sa mga alaala na tayo'y magkasama na kung saan ramdam natin ang koneksyon sa isa't-isa.
Paalam.
Naguguluhan man siya kay Arturo habang sinusulat ang sinasabi nito, may kung anong kaba siyang nararamdaman dahil baka siya'y pinagtataksilan, kaibigan lamang ang sinasabi ngunit baka iba pala.
"Natapos ko na ang liham." Pakli ni Araceli at binigay ang liham sa esposo.
Agad naman itong tinupi ni Arturo at isinilid sa isang tampipi.
"Salamat, magpahinga ka na. Susunod lamang ako."
Ngunit nanatiling nakatitig si Araceli kay Arturo.
"Bakit? May problema ba?" Tanong ni Arturo kay Araceli, ngunit napabuntong-hininga na lamang si Araceli at napailing.
Pumasok na lamang siya sa silid at hinipan ang apoy sa lampara. Napahiga at taimtim na nanalangin sa Panginoon.
NAKAKAILANG tobacco na si Xavier ngunit hindi pa rin mapakali ang kaniyang sarili, tila parang may hinahanap siya sa kaniyang mga paningin. Napatitig siya sa kalangitan na napupuno na ng mga bituin, maghahating gabi na at hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.
"Isang baso ng serbesa para sa hindi makatulog na diwa." Saad ni Don Quasimodo at inilagay ang baso sa gilid ng bintana.
Nang akmang haharapin na ni Xavier ang ama ay nasagi niya ang baso na siyang dahilan sa pagkabasag nito. Parehas silang natigilan.
"Masamang senyales." Pakli ng kaniyang ama.
Umiling si Xavier at agad na pinulot ang basag na baso, nais man niya pabalikin sa dati ang baso ay ayaw niyang makita ito ng ama. "Hindi 'yan ama. Nagpapaniwala ka."
"Nagdurugo ang iyong kamay, ika'y nasugatan." Ani Don Quasimodo sa anak na nagmamadali na mapulot ang basag na baso.
Doon na napansin ni Xavier na may bumaon na bubog sa kaniyang palad. Tinanggal niya iyon ng walang pag-aalinlangan.
"Ako'y nagbabakasakali na ang pagbasag ng baso ay hindi masamang senyales." Sabi ng kaniyang ama at napalagok ng serbesa sa baso.
"Wala, hindi 'yan ama. Kung ang senyales man ay malas, hindi na ako magtataka pa. Malas na ang buong buhay ko."
Napatawa ng mahina si Don Quasimodo. "Hijo, iyan ba ang iyong iniisip? Na malas ka sa tanang buhay mo? Malas tayong lahat. Ngunit may isipan tayo na nakakaisip kung ano ang pwedeng gawin upang mapalayo sa malas. Kung ano ang iyong ginawa ay magkakaroon ng bunga. Swerte o malas."
"Kanina'y akala mo kung sinong may akda ng pamahiin. Sinabing masamang senyales ang pagkabasag ng baso." Birong tugon ni Xavier tapos napangisi na lang sa ama na ngayon ay pinipigilan rin ang tawa dahil may punto ang anak. Napailing na lamang si Xavier at itinapon sa labas ng kaniyang bintana ang basag na baso.
"Siguro nga'y senyales na ito ama na titigil na ako sa pag-iinom ng alak."
"Puputi na lang itong mata ko ay hindi iyan mangyayari." Saad ni Don Quasimodo.
MALALIM na ang gabi at ang tanging naririnig ay huni ng kuliglig at ang himig ng kuwago. Naalimpungatan si Araceli nang maaninag niya si Arturo sa harapan ng higaan, seryoso itong nakatingin sa kaniya.
"M-malalim na ang gabi bakit gising ka pa rin?" Tanong ni Araceli, ngunit nanatiling nakatayo si Arturo at seryoso pa rin ito at kahit anong bahid ng emosyon ay wala.
Pagkatapos na ibinigay sa kaniya ni Araceli ang liham ay agad na inilagay ni Arturo ang papel sa tampipi. Gusto niyang maunang matulog si Araceli upang hindi siya paghinalaan ng kung ano sa kaniyang kinikilos. Halos kada-minuto ay kaniya itong sinisilip sa silid kung ito ba ay nakatulog na, nang mapansin na mahimbing na itong natutulog ay dumiretso siya sa kusina upang kunin ang balisong na kaniyang hahasain ngayon. Ang balisong na ito ay galing sa puwente sa mansion ni alcalde Juan na kaniyang nakita noong minsan ay naimbitahan sila na doon mag-tanghalian. Namangha siya sa balisong na nakita kahit may kalawang na ito. Agad niya itong kinuha.
Punong-puno na siya sa mga kinikilos ni Araceli. Magmula noong nakita niya si Araceli at Xavier sa likod ng simbahan at marinig kung ano ang sinabi ng asawa kay Xavier, doon niya lamang napagtanto na hindi siya tunay na minahal ni Araceli. Naintindihan niya naman, sapagkat para na rin itong karma sa kaniya dahil sa pananakit niya sa unang nobya. Naging mahinahon siya sa lahat at pilit na magbago ngunit sinusubok siya ng pamahon kung kaya ay nagsimula na naman sumibol ang kasamaan na nalalatay sa kaniyang katauhan.
"L-langga..."
Naririnig niya ang malambing na boses ni Araceli, ito ang gusto niyang marinig kahit noong mga bata pa lamang sila, ngunit tila ba nakakubli ang pagpapanggap sa binibigkas ng kabiyak.
"Minahal mo ba talaga ako?" Malamig na bigkas ng katanungan ni Arturo kay Araceli.
"Oo naman, langga... Mahal kita. Pasensya na at---"
Agad na sinakal ni Arturo si Araceli na ikinagulat nito.
"A-arturo---b-bitawan mo ako! Hi-hindi ako makahinga! H-hindi m-magandang biro ito." Utal na sabi ni Araceli, napapaubo na siya habang hawak niya ang pulsuhan ni Arturo. Ngunit hindi ito natatablan dahil magkaiba ang kanilang lakas.
"Hindi mo ako minahal, Ara! Hindi! Ang gusto ko lamang ay suklian ang aking pag-ibig ngunit hindi mo pa rin ginawa! Mahirap ba 'yon? Sawang-sawa na ako sa iyong pagsisinungaling!" Giit ni Arturo. Nanlilisik na ang kaniyang mga mata dahil sa galit.
"A-arturo...hu-huminahon ka. Gu-gusto kong m-mag pa---liwanag..."
Ibinuhos lahat ni Arturo ang kaniyang lakas sa pagsakal kay Araceli. Ngunit napansin niyang hindi na ito nanlalaban.
"Ara?" Niyugyog niya si Araceli na nawalan na ng ulirat. Napahinga na siya ng malalim at ngumisi. Sa mga oras na ito ay tila nawawalan na siya ng bait.
Binuhat niya si Araceli at idinala niya ito sa likuran ng bahay at inihiga sa lupa. Sa pagkakataon na ito ay kinuha na niya ang balisong sa kaniyang tagiliran. Itinaas niya na ang kaniyang kamay at handa na siyang patayin ang kabiyak.
"Paalam, Ara. Mahal kita. Mahal na mahal." Walang emosyon na bigkas ni Arturo sa mga kataga.
Walang ano-ano'y itinarak niya ang balisong sa dibdib ni Araceli. Bumulwak ang masaganang dugo. Pagkatapos ay bigla na lamang umiyak si Arturo kasabay sa pagkulog ng madilim na kalangitan.
Sa mga oras na iyon ay nawalan na ng buhay si Araceli.
NAPABALIKWAS ng bangon si Xavier dahil parang may tumusok sa kaniyang lalamunan. Nakikita niya sa labas ng kaniyang bintana ang papausbong na araw.
"Ara..." Ang unang bigkas ng kaniyang labi.
Hindi nagdalawang isip si Xavier na umalis sa higaan at binuksan ang bintana, sumalubong sa kaniya ang malamig na simoy ng hangin. Tanging telang pantalon lamang ang kaniyang suot at tumalon na siya sa bintana at tumungo sa kagubatan.
Malakas ang kabog sa dibdib ni Xavier habang tahak niya ang kagubatan, hindi pa man lubusang naghahatid ng liwanag ang araw ay malinaw ang kaniyang paningin.
Nang makarating siya malapit sa tahanan nina Araceli ay nakita niya itong walang anong gasera o lampara ang nakasindi. Sinusubukan niyang gamitin ang pang-amoy, hanggang sa napadpad siya malapit sa likuran ng bahay.
Dugo.
Sinundan pa iyon ni Xavier hanggang umabot siya sa ilog. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Napansin niya ang isang naka-bundok na damo na nakalutang sa ilog, walang pag-alinlangan ay lumusong si Xavier sa tubig. Nang maabutan, ay agad niya hinila ang naka-bundok na damo papunta sa gilid ng ilog.
"P-puta..." Halos hindi na makakurap si Xavier sa nakita. Nanginginig ang kaniyang mga kamay na hinalukay ang damo at umaasang mali ang kaniyang kutob.
Tumambad sa kaniya ang maputla na mukha ni Araceli at punong puno ng dugo ang dibdib nito, nakatarak pa doon ang balisong. Napansin rin ni Xavier ang tampipi niyang naiwan noong naghiwalay na ang landas nila ni Araceli. Biglang bumuhos ang kaniyang luha dahil kahit kailan ay pinapahalagahan pa rin siya ni Araceli.
"ARA!" Bulalas ni Xavier nang makita ang sinisinta na wala ng buhay. Napayakap siya dito.
"Ara, huwag kang mag-alala, ililigtas kita." Sambit ni Xavier, halos mawalan na siya ng bait dahil dito. Natatakot siya na baka hindi niya magawa ang katulad ng nangyari sa kaniyang pinakamamahal na ina.
Binuhat na niya si Araceli at kinuha ang tampipi.
"Bubuhayin kita, Ara. Kapit ka lang. Pangako, hindi pa dito nagtatapos." Wika ni Xavier habang buhat niya si Araceli kahit walang tugon ay patuloy pa rin ang kaniyang pakikipag-usap dito. Ayaw niyang paniwalain ang sarili na patay na ang kaniyang sinisinta.
Narating na ni Xavier ang kaniyang pagamutan at agad na inihiga ang katawan ni Araceli sa isang higaan. Natataranta na siya at hindi alam kung anong gagawin.
Napansin niya ang balisong na nakatarak sa dibdib ni Araceli, napapikit si Xavier nang kaniya itong hugutin. Pagkatapos ay agad siyang napapunta sa tukador ng mga gamot, nagugulo na niya iyon. Hanggang sa napaupo na lang siya sa sahig at puno ng paghihinagpis ang kaniyang damdamin.
Hindi ko na alam anong gagawin, ayaw kong maulit ang nakaraan!
Napahilamos na lamang ng mukha si Xavier at napatayo, hindi siya makapaniwala na wala ng buhay ang kaniyang sinisinta. Agad siyang napatingin sa tampipi at kaniya itong binuksan. Naroroon ang paynetang binigay niya at ang librong itim.
Dali-daling binuksan ni Xavier ang libro at doon tumambad sa kaniya ang isang guhit na nagpapakita ng pagpaslang ng isang babae. Ngunit sa mukha ng pumaslang ay burado na dahil nabasa ito ng tubig. Napayukom si Xavier ng kamao.
"Xavier!"
Agad na napalingon si Xavier nang marinig ang boses ng kaniyang ate.
"Sinundan kita. Nakita kitang may dala-dalang katawan." Ani Xienna.
Hindi nalang tumugon si Xavier. Nagulat naman si Xienna nang makita ang katawan ni Araceli.
"P-paano na ito, Xavier? S-sino ang pumaslang sa kaniya?"
"Hindi ko alam."
"Hindi ba ito alam ng kaniyang esposo?"
Napatingin si Xavier sa kaniyang ate. "Sa aking palagay ay walang kaalam-alam si Arturo dito. Pinagtataksilan nga niya si Araceli!"
Hindi na sumagot si Xienna, tumungo na lang siya sa harapan ng higaan kung saan ngayon nakahimlay si Araceli, hinawakan ang kamay nitong nanlalamig na at kitang-kita sa mga daliri at kuko nito na nagiging lila na.
"Ate, ayaw kong maulit ang nakaraan."
"Hanggang ngayon ba ay iniisip mo pa rin ang nangyari kay ina?"
Napahinga ng malalim si Xavier at hinawakan na rin ngayon ang pulsuhan ni Araceli.
"Gusto kong mabuhay muli si Ara."
"Paano?" Nag-aalalang tanong ni Xienna.
"Sasalinan ko siya ng aking dugo." Tugon ni Xavier.
Natigilan si Xienna sa narinig.
NAKAUPO si Arturo sa isang silya na nakatulala. Kaharap niya ang pader ng kanilang silid.
Kanina lang ay kaniyang pinunit ang liham sa parteng may nakasulat na 'kaibigan', sinadya niyang si Araceli ang magsulat ng liham pamamaalam upang may maipapakita siyang patunay kay Don Felipe na naglayas ang kaniyang anak.
Tumayo na siya at nag disesyon na pumunta sa mansion ng mga De La Vega.
"Diyos ko!" Bulalas ni Doña Viviana nang mabasa ang sulat. Muntikan siyang mawalan ng balanse.
Hapong-hapo si Arturo na pumunta sa tahanan ng De La Vega.
"H-hindi ko mawari, kung bakit ganiyang ang kaniyang sinulat. W-wala naman kaming problema."
Napasuntok naman sa pader si Don Felipe na ikinagulat ni Ariana.
"Wala naman palang problema, bakit naisip iyon ni ate Ara?"
"H-hindi ko na alam!" Balisang tugon ni Arturo. "Pagkagising ko ay wala na ang kaniyang iilang kagamitan at liham na lamang ang kaniyang iniwan."
Napahinga ng malalim si Don Felipe. "Ariana, ako'y bigyan mo ng papel at pluma, may susulatan ako ng liham."
Sinunod naman ito ni Ariana. Samantalang si Doña Viviana naman ay nagsimula ng manginig ang mga kamay kung kaya ay inalalayan siya ni Isidra. Nagtama naman ang paningin nila ni Arturo.
"Totoong sulat kamay ito ni Ara, hindi ako nagkakamali." Halos maiyak-iyak na sabi ng doña habang yakap ang liham.
"Laganap ang pagkawala ng mga gwardya-sibil ngayon, ayaw kong mag-isip ng masama sa aking anak kung saan siya ngayon." Saad ni Don Felipe.
"A-anong ibig niyo pong sabihin?" Tanong ni Arturo.
"Kung saan man napadpad ngayon si Ara ay sana lang nasa mabuting kamay o kalagayan siya..."
"...pero ang nakakapagtaka nga lang bakit umalis si Ara ng ganoon na lamang? Kung sa iyong pinagsasabi ay ayos lamang kayo? May delikadesa si Ara, kilala ko ang anak ko! Bakit ka niya lilisanin?"
Napahinga ng malalim si Arturo. "Basta't nagising na lamang ako na wala na siya sa aking tabi. Marahil ay hindi na niya ako iniibig."
Hindi nakasagot si Don Felipe at nagsulat na lamang ng liham na ipapadala sa kaniyang kapatid at kailangan niya ng tulong sa taga Barrio Querrencia sa paghahanap kay Araceli. Pinapakita niya lamang na matatag siya sa harapan nila ngunit sa katunayan ay gusto na niyang bumagsak at magwala.
"IKAW ba ay sigurado sa gagawin mo, Xavier?" Tanong ni Xienna.
"Oo, sige na sugatan mo na ang aking pulso." Tugon ni Xavier na ngayon ay handa ng magsalin ng dugo sa isang bote.
"Paano kung malaman niya na isa tayong taong-lobo?"
"Alam na niya. Sige na, sugatan mo na."
Agad naman na kinuha ni Xienna ang kutsilyo at sinugatan ng malalim ang pulso ni Xavier, ramdam ni Xavier ang nanunuot na tulis ng kutsilyo.
Agad niyang sinalinan ng dugo ang bote.
"Paanong nalaman?"
"Mahabang kwento."
Napatango na lang si Xienna dahil batid niyang wala sa kalooban na magsalita ang kapatid.
Matapos linisan ni Xienna ang katawan ni Araceli ay agad niya itong kinumutan, samantalang si Xavier naman ay panay halo ng kaniyang dugo sa mga halamang gamot ang natira naman ay puro itong ipapainom niya kay Araceli.
"Huwag mo muna sabihin ito kay ama, ate. Tayo lamang ang nakakaalam nito." Seryosong tugon ni Xavier.
"Kailan natin sasabihin?"
"Kapag tapos na ang tatlong araw, kailangan ko pa na hanapin ang pumaslang kay Ara."
"P-paano kung si Estrella ang pumaslang?" Naisip na tanong ni Xienna.
"Walang sekreto na hindi naibubunyag." Sabi ni Xavier na seryosong nakatingin sa kaniyang malapot na dugo sa loob ng bote.
Nakakaramdam ng poot at galit si Xavier sa mga pangyayari ngayon at nangangamba rin siya sa mga maaring posibleng mangyari.
May araw din ang pumaslang sa'yo, Ara. Huhugutin ko ang kaniyang puso at pupugutan ko ng ulo.
Sabi ni Xavier sa kaniyang isipan.
---•••---•••---•••---
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro