Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 27: Ang Kasunduan

---•••----•••----•••----•••---•••---

ISANG linggo na ang nakaraan magmula noong mga pangyayaring hindi kaaya-aya sa buhay ng mga tao sa San Fernando. Abala ang lahat kapag umaga at kapag sumapit naman ang gabi ay wala ng anong kaganapan ang nangyayari sa bayan lalo na kung sumisilay ang bilog na buwan.

Nakaupo ngayon si Alcalde Juan sa kaniyang silya habang binabasa ang papeles na siyang inilahad ngayon ni Don Lorenzo Villanova. Tahimik lamang ang nasa pagitan nilang dalawa.

"Ang papeles na ito ay hindi ko masikmura." Saad ni Alcalde Juan nang matapos basahin ang nakasaad sa papel at ibinalik sa Don.

"Bakit? May nailagay ba sa papel na hindi kaaya-aya?"

"Ang pinupunto ng papel na iyan ay ang pakikipagsundo sa mga taong-lobo na nasa barrio ng Querrencia na hindi ko man lang alam na may ganiyan palang lugar dito sa bayan."

Napangisi si Don Lorenzo at inilukot ang papel. "Bibigyan muna kita ng limang minuto para mag-isip, Juan..." Sabay sandal niya sa upuan.

"...hindi ako pumunta rito para mabasura ang aking gusto. Para ito sa lahat." Dagdag pa ni Don Lorenzo.

Napahinga ng malalim ang alcalde at napatingin sa gawi kung saan nakasabit ang larawan ng ama.

Magsasalita na sana si Alcalde Juan ngunit bumukas ang pintuan, bumungad si Don Felipe at si Heneral Santiago. Napatingin din si Don Lorenzo sa kanila.

"Don Lorenzo?" Agad na inilahad ni Don Felipe ang kaniyang palad upang makipag-kamayan. Tinanggap naman ito ni Don Lorenzo, nagbigay galang rin ang heneral na bahagyang nagulat dahil ngayon pa lang niya nasilayan muli ang Don. Kilala ang Don na ito sa isang bayan kung saan nagpupuksa ang kanilang nasasakupan ng mga aswang.

"Tila ba may nararamdaman akong hindi pagkakaintindihan dito, anong mayroon, Juan?" Tanong agad ni Don Felipe nang makaupo ito sa isang silya malapit sa bintana.

Hindi nakasagot ang alcalde at nanatili itong tahimik na seryosong nakatingin sa papel na nilukot ni Don Lorenzo.

"Ako na ang sasagot, nais kong magkasundo kayo sa panig ng mga taong lobo sa barrio ng Querrencia..."

"...Kung hindi ninyo nababatid na nahahati ang nasasakupan ng mga taong-lobo. Sa ngayon ay ang kabilang panig ang kumakain at pumapatay ng tao. Sa panig naman kung saan naroroon ang aking matalik na kaibigan ay hindi sila ganoon. Iba ang kanilang paninindigan." Litanya ni Don Lorenzo.

"Hindi iyon ganoon kadali!" Giit pa ng alcalde.

"Hindi mo nararamdaman kung ano ang pakiramdam ng nawalan...mga taong-lobo rin ang pumatay sa aming ama!" Dagdag pa ng alcalde.

"Alcalde, nais ninyong makuha ang hustisya hindi ba? Pagkakataon niyo na, na malaman kung sino ang pumatay sa inyong ama nang sa gayon ay maging matiwasay ang inyong isipan." Ani Don Lorenzo.

"Namatay rin ang pumatay ng aming ama. Naging patas ang kanilang laban." Singit ni Don Felipe.

"Ngunit ang ganoong pangyayari ay gumuhit sa aming puso at isipan, kung kaya ay naroroon pa rin ang aming pagka-poot sa mga nilalang na iyan. Akala namin noon na mga aswang ang gumagambala ngunit hindi naglaon ay nalaman na namin na mga taong-lobo pala, akala lang namin noon ay mga ordinaryong aso lamang ang umaalulong kapag bilog ang buwan." Saad pa ni Don Felipe sa kanila.

"Kung sa gayon ay wala na palang dapat sisihin dahil namatay na rin pala ang pumaslang ng inyong ama. Ang punto kung kaya ay pumarito ako dahil nais ko rin na mawala na ang gumagambala sa inyo dito--- 'yong mga masasama ang intensyon..."

"...ang mga taong-lobo na ito na nais kung maging kaanib na rin ninyo ay may kakayahan na ipagtanggol ang bayan laban sa mga kalaban na paparating pa lamang." Mataas na paliwanag ni Don Lorenzo sa kanila.

Biglang kumunot ang noo ni Alcalde Juan. "Paparating na kalaban?"

"Marahil na hindi malabo iyan, sapagkat talamak ang mga may itim na mahika ngayon." Pakli ni Don Felipe.

"Ang limang minutong pag-iisip, Juan, ay tapos na. Lalagdaan mo o ika'y magsisisi?" Seryosong tanong ni Don Lorenzo at ibinuklat muli ang papel.

"Kung ako sa iyo ay lagdaan mo na. Heto na ang kasagutan upang hindi ka na mahirapan pa. Alam mo naman na wala kang kanang kamay, dahil ayaw magbuwis ng buhay sa bayang ito." Saad pa ni Don Felipe.

"Minsan, isip rin ang pinaipairal hindi ang puso na kung saan nanggagaling ang maling emosyon." Litanya pa ni Don Lorenzo.

"Siyang tunay, maganda iyan sapagkat magkakaisa na ang mga mabuting taong-lobo sa atin, hindi na rin mahihirapan ang mga guwardiya-sibil." Wika ni Henaral Santiago na sumasang-ayon sa alok ni Don Lorenzo.

Walang ibang nagawa ang alcalde at kinuha ang balahibong pluma at isinawsaw ito sa itim na tinta bago nilagdaan ang papel.

"Maari ko ba itanong kung sino ang mga taong-lobo na nasa barrio Querrencia?" Seryosong tanong ni Alcalde Juan nang matapos lumagda sa kasunduan.

"Sa ngayon ay magiging sekreto muna iyan. Hayaan nalang natin na sila ang magpakilala sa inyo." Sagot ni Don Lorenzo at nagsimula ng mag ayos ng kaniyang sombrero sa kaniyang ulo.

"Ikaw ay aalis na? Mananghalian na muna tayo." Ani Don Felipe kay Don Lorenzo.

"Maraming salamat ngunit sa ngayon ay may dapat pa akong aasikasuhin sa aming kongregasyon. Sa susunod na balik ko dito ay dapat may piging na." Biro ni Don Lorenzo.

Napatawa na lamang si Don Felipe. "Sige, kung iyong hinihiling ay aking tutuparin."

Ngumisi na lamang si Don Lorenzo sabay tayo sa kinauupuan. "Ako'y aalis na, adios mi amigos!" Paalam niya sa kanila.

Tumango na lamang bilang tugon si Alcalde Juan sa kaniya. Si Don Felipe at Heneral Santiago naman ay sinamahan papalabas si Don Lorenzo.

"ANO Xavier, habang buhay ka nalang ba dito sa iyong silid? Ang iyong pagamutan doon." Bungad sa kaniya ni Xienna nang makita si Xavier na nakahiga pa lamang sa sarili nitong higaan. "Naku! Paano nalang kung ikaw ay may esposa na?"

"Hindi naman iyon mangyayari." Walng emosyon na tugon ni Xavier habang nakapikit pa at sinasamsam ang higaan.

Natigilan si Xienna habang nakapamewang na nakatingin sa kapatid. "Ano? Akala ko ba ay ikaw ang magpapatuloy ng ating lahi? Naku! Iyong pakatandaan na ikaw ay unico hijo! Hindi pwede sa akin dahil mapapalitan ang aking apelyido."

Tinakpan ni Xavier ng unan ang kaniyang mukha. "Mag-asawa ka na kasi! Ikaw na manligaw kay Enrique." Tamad na saad ni Xavier dahil antok na antok pa siya.

Napalaki ang mga mata ni Xienna dahil sa sinabi ni Xavier. "Anong ako? Ano ang wari mo sa akin, isang babaeng walang puri? Ako pa talaga ang manligaw! Kahit maging matandang dalaga ako, hindi ko papairalin ang ganiyang isipan!" Talak pa ni Xienna at umalis sa silid ng kapatid dahil sa inis, pero sa totoo lang ay matagal na siyang may pagtingin kay Enrique.

Napangisi na lamang si Xavier at tinanggal ang pagkakatabon ng unan sa mukha. Napabangon siya at nagsuot ng kamiso. Humikab muna siya bago tuluyang lumabas ng silid.

"May mga bisita ka!" Inis pa rin na tugon ni Xienna sa kaniya.

"Sino?"

"Sino pa? Kundi ang mga kaibigan mo sa habang buhay!" Litanya ni Xienna.

Agad na nagtungo si Xavier sa sala. Naroroon si Mateo at Nathaniel.

"O? Naparito kayo? May problema?" Tanong kaagad ni Xavier sa kanila.

"Gandang bungad ah, sabihin mo muna magandang tanghali! Kasi tanghali na, hayup 'to gusto yatang mag ensayo mamatay!" Biro ni Mateo sa kaibigan na kinatawa ni Nathaniel.

"Gago! Walang maganda sa araw kung kayo ang unang bungad." Litanya ni Xavier sabay bagsak ng sarili sa upuan. "Bakit ba kayo naparito?"

"Hindi mo alam? Ulyanin ka na ba?" Tanong pa ni Nathaniel

Napalapit si Xienna sa kanila at napahalukipkip. "Kaarawan mo." Singit niya sa pag-uusap ng mga kaibigan.

Napaismid si Xavier sa sinabi ng ate. "Anong petsa na ba?"

"Abril bente-dos!" Sagot ni Mateo.

Napangisi na lamang si Xavier dahil napakabilis ng mga araw kung saan nakakaligtaan na niya ang sariling kaarawan.

"Sige, dahil kaarawan ko ngayon ay magpapainom ako."

"Ayan ka na naman, Xavier!" Suway ni Xienna.

"Bakit?"

"Hindi mo ba kami sasamahan ni ama dito?"

"Hindi naniniwala si ama sa mga ganiyan, itong mga kaibigan ko, oo."

"Hay naku!" Ani Xienna sabay irap.

"Minsanan lang ito, Xienna. Gusto rin namin maging masaya kahit minsan, kami ay nagluluksa noong nakaraang araw dahil sa pagkawala ng aming dalawang kaibigan." Litanya ni Mateo.

"Bente-nuwebe na iyan si Xavier." Pakli ni Nathaniel.

"O siya siya! Sige, basta padalhan mo ako ng nilagang baka, Xavier!" Wika ni Xienna.

"Sino ba talaga ang may kaarawan?" Tanong ni Mateo.

"Isa ka pa, umalis na nga kayo." Birong sabi ni Xienna tapos lihim siyang napapatawa.

"Saglit lamang at ako'y mag-aayos." Ani Xavier sabay tayo upang bumalik sa kaniyang silid.


"MALIGAYANG pagdating muli dito sa bahay-aliwan, mga senior!" Bati ng isang tagabantay ng bahay-aliwan.

"Libre ang pulutan dito kapag may kaarawan hindi ba?" Tanong ni Mateo at agad siya tinabig ni Xavier.

"Ah-oo! Pasok kayo, pasok!" Aya sa kanila ng tagabantay.

Nang makapasok sa loob ay halos lahat sa kanila ay napatingin. Kahit na mga babaeng bayaran ay nanlaki ang mga mata dahil bumalik ulit ang mga makikisig.

"Huwag lang tayo lalapit kay Ginoong Xavier dahil napaka-suplado!" Bulong ng isang babaeng bayaran sa kaibigan na parehas din sa kaniya.  Narinig naman iyon ni Xavier pero hindi niya nalang binalingan bagkus ay dumiretso siya sa may silya malapit sa taga-bigay ng serbesa. Sumunod na rin sa kaniya si Mateo at Nathaniel.

"Tatlong serbesa, tapos libre ang pulutan kapag may kaarawan, hindi ba?" Tanong ni Xavier sa taga-bigay ng serbesa.

"Opo, señor! Sino ang may kaarawan?"

"Ako." Pakli ni Xavier at bahagyang napaayos pa siya ng kaniyang sombrero.

"Naku! Maligayang Kaarawan ho, Señor!" Bati nito sa kaniya. Sabay bigay ng tatlong serbesa sa kanila.

"Maraming salamat."

"Sige po, saglit lamang at ihahanda ko ho ang masarap na pulutan." Tapos tumalikod na ito.

"Sadyang kaaya-aya ang mga binibini dito!" Ani Mateo habang kumikindat sa mga babaeng bayaran na dumadaan sa kanilang harapan.

Napailing na lamang si Nathaniel sa asal ng kaibigan.

Lalagok na sana si Xavier ng serbesa ngunit may narinig siyang pamilyar na boses.

"Pangako, babalik ako dito. Lahat lahat ay ibibigay ko..."

"Totoo ba iyan?"

"Oo, pangako."

"Balikan mo ako dito, Arturo ha."

Nang marinig ni Xavier kung sino ay agad siyang napasulyap sa hagdanan kung saan naroroon si Arturo. Nakayapos ang isang babaeng bayaran sa kaniya. Kahit na magsuot siya ng sombrero at itim na hugis bilog na salamin sa mata ay naamoy, nakikilala at naririnig siya ni Xavier kahit na medyo malayo ang hagdanan papunta sa mga silid sa itaas. Napahigpit ang hawak ni Xavier sa serbesa na sumilay ang mala-ugat na guhit sa bote na palatandaan na malapit na itong mabasag.

"Xavier, ikaw ba ay ayos lang?" Tanong ni Nathaniel dahil napapansin niya na ang ibang kinikilos ni Xavier.

"Lalabas muna ako saglit. Inom lang kayo ni Mateo dito." Tugon ni Xavier at walang ano-ano ay dumaan siya sa likuran ng bahay-aliwan kung saan doon din dumaan si Arturo.

Sinundan niya ito, napapalingon naman si Arturo kung may nakasunod sa kaniya pero sa kaniyang pakiwari ay wala naman.

Si Xavier ay patuloy pa rin ang pagsunod hanggang sa nakita niya itong papasakay ng kalesa ngunit mas mabilis pa sa kidlat na hinatak niya ang bahaging likuran ng tsaleko ni Arturo. Hindi na nag dalawang-isip si Xavier na suntukin si Arturo sa mukha.

"PUNYETA! ANO BA ANG PROBLEMA MO?!" Sigaw ni Arturo nang makaupo ito sa maalikabok na lupa dahil sa malakas na pagkakasuntok sa kaniya ni Xavier. Napapunas pa siya ng ilong dahil nagdurugo na ito.

Ngumisi lamang si Xavier at kinuha ang tobacco sa bulsa sabay sindi nito at napabuga siya ng usok. Gustuhin man bumangon ni Arturo ay agad na inapakan ni Xavier ang dibdib nito, napaigik si Arturo sa bigat ng sapatos ni Xavier.

Nagsimula ng makiusyuso ang mga tao sa paligid.

"Ano ba ang kaguluhan dito?!" Tanong ng isang guwardiya-sibil, agad naman na nagsitabihan sa gilid ang mga tao.

"Pakisabi sa ama nito na napakagaling ng kaniyang anak na manghuli ng ligaw na ibon." Malalim na wika ni Xavier sa guwardiya-sibil, sabay alis ng kaniyang paa na nakaapak sa dibdib ni Arturo.

Namukhaan naman ng guwardiya-sibil si Arturo at tinulungan niya ito upang makatayo.

"May araw ka rin sa akin, Xavier!" Ani Arturo at pinulot ang basag na salamin sa lupa, agad siyang sumakay ng kalesa sapagkat ayaw na niyang humarap pa sa maraming tao. At umandar na agad ang kalesa papalayo.

"Ikaw rin, hijo! Ano ba ang kasalanan sa inyo ni Señor Torres? Hindi mo ba alam na makapangyarihan ang pamilya nito?" Tanong ng guwardiya- sibil.

Humithit muna ng tobacco si Xavier saka itinapon ang upos nito sa lupa tsaka tinapakan. "Wala akong pakialam kung sino pa siya, hindi siya ginto para inyong sambahin." Seryosong saad ni Xavier sa kaniya, at inayos niya na rin ang kaniyang sombrero. Narinig naman niya ang pag bulongan ng mga tao sa paligid.

"Pasalamat ka at kilala kita. Papalipasin ko ito, pero hijo, dayo ka lang dito... tandaan mo 'yan." Banta ng guwardiya-sibil kay Xavier.

Napalabas rin si Mateo at Nathaniel dahil sa narinig na may kaguluhan sa labas.

KANINA pa nakakaramdam ng pagkabalisa si Araceli at tila ba kumakabog ng mabilis ang kaniyang puso. Pauwi na sana silang tatlo ni Amanda at Catalina galing sa bilihan ng mga pangangailangan sa tahanan nang mayroon silang nakitang nagkukumpulan na mga tao malapit sa tindahan ng mga palamuti katabi ng bahay-aliwan.

"Ano kaya ang mayroon?" Tanong ni Catalina na agad nakiusyuso sa mga nagkukumpulang tao.

"Catalina---" Huli na si Araceli sa pagtawag sa kaibigan dahil nakihalo na ito sa mga tao.

"Halika, baka may pinaslang na naman! Naku, hindi pa tayo nakaka-usad sa mga namatay sa teatro noong nakaraang linggo, mayroon naman ngayon?" Pakli ni Amanda at hinila ang isang kamay ni Araceli papunta sa kinaroroonan ngayon ni Catalina.

Papasok na sana sila ni Xavier pabalik sa bahay-aliwan nang mahagip ng kaniyang paningin si Araceli.

Naroroon si Araceli na sabik na sabik mahawakan ang mga kamay ni Xavier ngunit gustuhin man niyang lumapit ay parang nakapako ang kaniyang paa sa kinaroroonan.

"Si Xavier..." Pakli ni Amanda.

"Saan si Xavier diyaan?" Tanong ni Catalina.

"Naka sombrero." Tugon ni Amanda, bigla siyang napatingin sa kapatid na nakatingin lang kay Xavier. Samantalang si Xavier ay napatingin rin kay Araceli ngunit saglit lamang at tumalikod agad.

"Tunay ngang makisig---" Wika ni Catalina ngunit biglang napasingkit ang kaniyang mga mata nang makita rin ang pamilyar na mukha na kasama ni Xavier. "Mateo? Ginoong Mateo!" Wala sa sarili niyang tawag sa binata, agad na napalingon si Mateo sa kaniya, ngunit nakita ng binata na maraming tao ang nasa paligid, tinanguan niya na lamang si Catalina sabay talikod. Napabagsak na lang ng balikat si Catalina at hinila si Amanda at Araceli papalabas sa mga taong nagkukumpulan.

Samantalang si Araceli naman ay dismayado dahil hindi man lang siya nginitian ni Xavier o nilapitan. Napahinga na lamang siya ng malalim  at nagmadaling naglakad.

"Uuwi na tayo, bayaran mo nalang doon Nathan." Walang ganang sabi ni Xavier. Sabay abot ng salapi sa kaibigan.

"Ikaw ba ay ayos lang? Ano ba ang iyong ginawa kanina?" Tanong agad ni Mateo at minsan ay napapalingon siya sa gawi ng binibining tumawag sa kaniya kanina.

"Wala." Ikling tugon ni Xavier.

"Anong wala? Eh halos barilin kana kanina ng gwardiya-sibil na nababakas sa pananalita pa lamang."

"Wala akong pakialam. Puta, hindi sila diyos para katakutan."

"Naniniwala ka na sa diyos?"

Walang itinugon si Xavier sa tanong ni Mateo, nauna na lamang siyang maglakad.

NANG makauwi si Arturo ay agad na napasuntok siya sa pader at binasag ang mga babasaging paso sa sala. Para siyang masisiraan ng bait dahil sa hiya kanina. Lahat ng kaniyang inis at galit ay naibuhos niya sa mga kagamitan na ngayon ay hindi mahitsura dahil sa gulo.

Samantalang si Araceli naman ay naisipan na lamang niya na umuwi dahil bigla siyang nakaramdam ng panghihina. Ngunit nang binuksan niya ang pintuan ng tahanan ay tumambad doon si Arturo na nakaupo sa sahig at nakasandal ang likod nito sa pader. Nagulat rin si Araceli dahil sa kalat.

"Langga! Anong nangyari? May mga magnanakaw ba na lumusob sa ating tahanan?" Nag-aalalang tanong ni Araceli at agad na napayakap sa esposo. Ngunit nabigla na lamang siya nang pwersahang itulak siya ni Arturo papalayo. Labis na nasaktan si Araceli nang tumama ang kaniyang likod sa matigas na haligi ng hagdanan. "B-bakit?" Nagtatakang tanong ni Araceli kay Arturo na ngayon ay matalim ang tingin sa kaniya.

"Kailan ba titigil ang Xavier na 'yan na huwag na guluhin ang ating buhay?!"

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Alam ko na may pagtingin si Xavier sa iyo! Ngunit, bakit hindi niya magawa ang lumayo kahit na alam niya na may nagmamay-ari na sa'yo?!" Puno ng galit ang puso ni Arturo habang binibigkas ang kaniyang mga litanya.

"Hindi ko maintindihan, Arturo! Ano ang iyong pinupunto?"

"Nakikita mo ito?" Turo ni Arturo na ngayon ay may bakas ng dugo ang ilog at labi.

"Sinuntok niya ako sa mukha sa hindi ko alam na kadahilanan! Marahil ay nasisiraan na iyan ng bait si Xavier!"

Hindi na ngayon maka-imik si Araceli sa naririnig at nakikita. Unti siyang napatayo at napapagpag sa sarili. "Kung sa gayon, kailangan mo pa ba akong itulak papalayo?" Tanong ni Araceli dahil sa pagkadismaya.

"Iyong pinupunto na mas kakampihan mo si Xavier?"

"Wala akong sinabi! Ngunit sa aking palagay ay may malaking rason pa."

"Ano ang iyong pinagsasabi? Ako pa ang may kasalanan kahit na ako 'yong nabulyaso?"

Napahinga si Araceli ng malalim. "Wala akong kinakampihan! Ngunit ikaw ang nakakalamang, sapagkat narito ako upang samahan ka sa iyong problema at mahanapan natin ng sulosyon! Agad akong napayakap sa'yo kanina dahil akala ko ay inulit mo na naman ang paglalaslas, ngunit nakakadismaya lamang na itinulak mo ako papalayo! Noong nakaraang araw ay abala ka sa lahat! May mga oras na kailangan ko muna ng kasama, ngunit asan ka? Wala! Minsan na nga lang tayo mag-usap tapos ganito pa? Oo na! Galit ako kay Xavier dahil sa ginawa niya sa'yo, ngunit hindi ko matanggap na tila ba pinagtatabuyan mo na ako!" Hindi na ngayon maawat ang mga luha ni Araceli habang binibigkas ang bawat salita.

"Alam mo kung bakit ako nagbago? Dahil sa'yo! Hindi mo nagagampanan ang responsibilidad mo bilang asawa sa akin!" Tugon ni Arturo.

"Ano? Nahihibang ka na ba? Ano pa ba ang kulang, Arturo? Iyong pinupunto na hindi ko pa naibibigay ang puri ko sa'yo? Kung iyan lamang ang habol mo sa akin kung bakit mo ako pinakasalan ay hindi ko iyan masisikmura!"

Biglang napatayo si Arturo at napalapit kay Araceli, bigla na naman niya itong itinulak sa pader malapit sa hagdanan, nakakulong na ngayon si Araceli sa magkabilang bisig ni Arturo na nakatukod sa pader. "Bakit nga ba? Mag-asawa na tayo,hindi ba?" Seryosong tugon ni Arturo. Agad niyang siniil ang halik kay Araceli, nagpupumiglas naman si Araceli dahil alam niyang wala sa direksyon ngayon ang isip ni Arturo. Nalalasahan niya ang dugo sa mga labi ng esposo.

"Arturo!" Pigil pa ni Araceli, matindi ang paghawak ni Arturo sa pulsuhan ni Araceli na ngayon ay nagpupumiglas na kumawala.

Walang ano ano ay biglang sinuntok ni Arturo ang tiyan ng esposa na siyang nakapag-wala ng ulirat nito.
---•••---•••---•••---•••----•••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro