Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 26: Ang Salamangka at Espada

Espesyal ang kabanata na ito dahil may bagong karakter tayo galing sa ibang storya na isinulat ni Senyor_Nephesh. Ang pamagat ng kaniyang nobela ay "Edelmira". Basahin niyo iyan, tiyak na mapapamahal kayo sa storya na siyang tunay na kahangahanga at napaka astig din ng main character doon. Salamat nga pala sa'yo, Senyor Neph! Isa kang alamat!
----•••---•••---•••---•••---

NAIMULAT ni Araceli ang kaniyang mata, malabo man ang paningin ay pinipilit niyang ginigising ang kaniyang diwa. Sa kaniyang paningin ay naaaninag niya ang isang lalaki na nakaupo sa isang silya habang nagbubuga ng usok ng tobacco.

"S-saan a-ako?" Tanong ni Araceli habang nakahawak sakaniyang ulo na may puting tela. Nanghihina pa rin siya dahil sa natamo na sugat sa likod ng ulo.

Agad na naitapon ni Arturo ang tobacco at napalapit sa asawa. "Huwag mong pilitin ang iyong sarili, langga." sabay hawak sa mga kamay nito.

"A-anong nangyari sa akin?"

Napatigil si Arturo sa narinig. "Mamaya ko na iyan sasagutin, langga. Magpahinga ka muna." At hinalikan niya ang mga kamay ni Araceli.

Walang ibang maalala si Araceli kung 'di ang mga sandaling napatitig siya sa asul na buwan.

"Ihahanda kita ng makakain, langga." Saad ni Arturo saka lumabas ng silid.

Si Araceli naman ay napapikit nalang ng mariin dahil mukhang napapansin niya na lapitin siya ng mga trahedya.

TULALA lamang si Xavier habang nakatingin sa puntod ng dalawang kaibigan. Nahihimlay ang puntod ni Sebastian at Ramon sa gitna ng dalawang malaking puno ng acacia malapit na ito sa daanan patungo sa lungsod ng San Fernando.

Kagabi matapos ang mga madugong eksena na wala namang napala dahil parehas lamang silang talunan. Hindi sa talo sa labanan kung hindi parehas silang nawalan ng kaibigan, anak, at kapatid. Nang makita na ng kabilang panig na napaslang ang dalawang anak ng kanilang pinuno ay kusa silang umatras, kasama si Don Diego habang buhat si Sebastian at si Aquillino na buhat ang katawan ni Ramon na siya lamang ang pumatay, sinabi niya nalang na wala ng buhay si Ramon nang ito'y kaniyang nakita. Mas lalong nagsiklab ang galit ng pamilya Vargas.

Pasensya na Sebastian at Ramon...Wala akong naging lakas para iligtas kayo. Nawala ako sa aking diwa nang makita ko ang inyong katawan na wala ng buhay.

Kaibigan...nagsisisi ako dahil wala man lang akong nagawa...

Napapikit si Xavier at tumulo ang kaniyang mga luha. Ito ang pangalawang iyak niya. Ang unang paghihinagpis niya ay noong nawala ang kaniyang ina, katulad noon, wala siyang nagawa.

"Hindi natin alam ang agos ng buhay, hijo. Kung nakatakda sa kanila ang kamatayan ay dapat tayong mga buhay ay handa rin sa ganiyang tadhana..."

Natigilan si Xavier sa narinig mula sa kaniyang likuran, hindi niya napansin ang pagdating ng panauhin. Kaniya itong hinarap na may halong pagtataka at nakita kung sino ito. Nakasuot ito ng barong na itim at may sombrero sa ulo, makintab ang itim na sapatos nito at may hawak na tobacco. "Anak ka ni Quasimodo, hindi ba?" Tanong ng panauhin kay Xavier.

"Ako nga ho, a-anong pakay mo sa aking ama?" tanong rin ni Xavier sa panauhin. Hindi siya pamilyar dito at walang binabanggit ang kaniyang ama na may kakilala ito sa labas ng kanilang nasasakupan.

Nakita naman ni Xavier na ngumisi lamang ito. "Mana ka talaga sa iyong, ama. Ang dapat mo ngang ibungad sa akin ay magandang umaga o tatanungin mo muna ang aking ngalan..."

"Pasensya na, senyor. Ako'y nabigla lamang sa inyong presensya." Mahinahon na tugon ni Xavier. Napansin rin niya ang pagdating pa ng isa pang panauhin na may dalang mataas na tampipi na kulay itim.

"Siya na ba ang anak ni Quasimodo?"

"Oo."

Napakunot-noo si Xavier na napatingin sa kanila. "Paumanhin ho sa inyo, ngunit, sino---"

"Ako si Don Lorenzo Villanova, matalik na kaibigan ng iyong ama. At siya naman si Gustavo Asturias, ang aking kanang kamay." Pagpapakilala ng Don at sa kasama nito, hindi niya pinatapos ang tanong ni Xavier dahil iyon din lang naman ang patutunguhan ng tanong nito.

"Ngunit walang nabanggit si Ama---"

"Iimbitahan mo ba kami sa inyong tahanan?" Tanong ng don.

Napatingin naman si Xavier sa dalawa at kinikilatis ang kabuuan ng presensya nila. Hanggang sa napatango nalang si Xavier. "Sundan niyo na lamang ako." Saad niya sa kanila at naunang maglakad.

"Kung hindi mo ako kilala ay malamang na ikaw pa ay sanggol noong huli kong dalaw dito. Ang daming nagbago sa inyong nasasakupan." Biglang sabi ni Don Lorenzo habang nagmamasid sa paligid ng masukal na kagubatan.

"Sila ba ay walang taga-linis dito? May mga bungo akong nakikitang nakakalat sa tabi-tabi." Bulong ni Señor Gustavo kay Don Lorenzo. Ngunit ngisi lamang ang natanggap niya galing sa don.

"Tayo'y narito na sa aming barrio, ito ang barrio Querrencia." Ani Xavier sa kanila.

"May pangalan na ang inyong nasasakupan? Akala ko ba ay habang buhay itong walang ngalan?"

"Nahati na ho ngayon ang nasasakupan." Sabi ni Xavier sabay bukas ng pintuang daan patungo sa kanilang mansion. Naglikha iyon ng nakakarinding tunog dahil sa kalumaan na at may bahid na ng kalawang.

"AMIGO!" Bungad ni Don Lorenzo kay Don Quasimodo. At agad niyang inagbayan ito.

"Lorenzo! Kay tagal mong hindi nakapunta dito, kayo ay tumuloy sa aming tahanan."

Habang si Xavier naman ay nanatiling naguguluhan dahil sa mga panauhin ng kaniyang ama.

"Narito pala si Don Lorenzo."

Napatingin si Xavier sa gilid niya nang may nagsalita. "Bakit? Sino sila?"

"Makapangyarihan na salamangkero na aking nakilala."

"Siya ay may salamangka? Paano?"

"Pinuno siya ng isang Kongregasyon kung saan sila ang may hawak ng La Orden De Las Espadas Sagradas." Paliwanag ni Xienna sa kapatid.

Napakunot-noo si Xavier. Pinitik naman ni Xienna ang noo ng kapatid. "Wala ka pa talagang nalalaman, eh kasi naman noon ay puro lang pag-iinom sa bahay aliwan ang ginawa."

Napismid na lamang si Xavier at umalis para tumungo sa asotea.

"Ako'y nagagalak na ayos pa rin ang iyong kalagayan, Simong." Saad ni Don Lorenzo kay Don Quasimodo nang makaupo ito sa silya. Tumabi rin sa kaniya si Señor Gustavo na kanina pa bitbit ang parihabang tampipi.

"Siya nga pala...ako ay nakabalik muli dito dahil sa mga kaganapan kagabi, hindi ko alintana at para bang may mali sa mga nangyayari..." Wika pa ni Don Lorenzo.

"...nagkagulo sa kongregasyon kagabi dahil sa asul na buwan. Akala ko ay may babangon na naman muli galing sa hukay."

"Ano ba ang mga nangyari?" Tanong ni Don Quasimodo.

Napahinga ng malalim si Don Lorenzo. "Ang mga punyetang aswang, nagkaroon ng pagkakataon para lumusob."

Naguluhan si Don Quasimodo sa litanya ng kaibigan.

"At...napapunta ako dito, dahil nais kung alamin anong nangyayari na dito sa inyong nasasakupan. Nasabi ng iyong unico hijo na nahati na ang inyong nasasakupan. Nais ko lamang sana na makianib sa inyo at labanan ang mga aswang na gumagambala...malaki ang kanilang galit sa mga espanyol."

Lumapit si Xienna dala-dala ang tsaa para sa dalawang panauhin. "Maraming salamat, binibini."

Tumango lamang at napangiti si Xienna bilang tugon.

"Kayo ay makianib sa amin? Iyong nababatid na kinasusuklaman kami ng mga ordinaryong tao dito sa Bayan ng San Fernando." Saad ni Don Quasimodo.

Napasandal si Don Lorenzo sa silya at ngumisi. "Kaya kong linisin ang bahid ng kasalanan sa inyong bagong nasasakupan...siya nga pala, nais kong malaman kung sino ang tumiwalag sa inyo?" Tanong ng Don at sinindihan na ang tobacco na kanina pa nakalagay sa maliit na mesa.

"Si Diego Vargas." Deretsong tugon ni Don Quasimodo na siyang ikinatawa ni Don Lorenzo, parang nanunuya ang halakhak nito kahit na mahina.

"Iyong nagmakaawa sa iyo na makianib sa inyong mga taong lobo? Ano ang naging dahilan?"

"Sakim sa kapangyarihan. Ginagamit ang sariling interes, ginagamit ang anak upang maging angat." Seryosong saad ni Don Quasimodo.

"Kung gayo'y sinasayang niya lamang ang natitirang buhay niya dito sa ating sansinukob." Seryoso na litanya ni Don Lorenzo at napabuga ng usok ng tobacco.

Habang si Xavier naman at si Xienna ay naroroon lamang sa azotea habang pinagmamasdan ang batis.

"Hindi basta-basta iyan si Don Lorenzo. Siya ay may angking talino at may kagalingan sa paggamit ng salamangka." Litanya ni Xienna sa kapatid dahil mukhang kanina pa hindi maintindihan ang nangyayari lalo na at nagdadalamhati pa rin ito sa pagkawala ng kaniyang mga matalik na kaibigan.

"P-paano ba sila nagkakakilala ni ama?"

Napangiti si Xienna at nagsimulang mag kwento.

FILIPINAS, 1826

Labing-limang taong gulang pa lamang si Quasimodo nang makilala niya si Lorenzo na labing-tatlong taong gulang pa lang din.

Nang minsang naligaw si Quasimodo sa isang bayan dahil sa kaguluhan na naganap sa San Fernando. Nang makita niyang nakikipag-away ang ama sa isang mataas na opisyal ay agad siyang lumayo at nasilayan kung paano naging tabla ang laban ng dalawa. Parehas silang humandusay na walang buhay.

"Bakit ka naririto?" Tanong ng isang binata na hindi batid ni Quasimodo kung saan nanggaling dahil ni isang kabahayan sa lugar ay wala.

"Alam mo ba ang pabalik sa bayan ng San Fernando?" Tanong ni Quasimodo.

Nakatingin ngayon si Lorenzo sa kaniya ng seryoso. "Isa ka bang pulubi?" Tanong niya dito.

"Hindi." Tugon ni Quasimodo.

Sa nakikita ngayon ni Lorenzo ay mapagkakamalan niya itong pulubi dahil sa gutay-gutay na kamiso at may mga bahid ng dumi ang braso at mukha nito.

"Sumunod ka sa akin, may madaling daanan dito papunta sa San Fernando, bakit ka nagawi dito? Alam mo ba na masyadong delikado dito? Kahit anong oras ay pwede kang magilitan ng leeg."

Napangisi na lamang si Quasimodo dahil sa litanya ng binata sa kaniya.

"Maraming salamat." Iyan nalang ang nasabi ni Quasimodo.

"Walang anuman, ang ngalan ko ay Lorenzo." Sabay lahad ng kamay niya.

"Quasimodo." At tinanggap niya rin ang kamay ni Lorenzo, at nag kamayan silang dalawa.

Simula noon ay naging matalik na silang magkaibigan. Hanggang sa nalaman nila sa isa't-isa na may natatago silang mga angking kakayahan. Si Lorenzo na may natatanging salamangka na tinatawag na 'mejorar', kung saan nagtataglay ng kakaibang lakas na kayang patumbahin o baliin ang isang malaking bagay sa isang suntok lang. Minsan ay naglilibang rin sila sa pamamagitan ng pag e-eskrima (fencing). Nalaman rin ni Lorenzo na isang taong-lobo si Quasimodo at may pambihirang taglay ito na kung saan kaya nito marinig ang kalaban kahit nasa malayong kilometro.

Ngunit nang dahil sa nabuong kongregasyon sa nasasakupan sa lugar nila Lorenzo ay madalang na rin siyang nakakapagliwaliw sa kagubatan kung saan nakatira ang kaibigan, naging abala siya sa mga misyon na nilalapat sa kaniya.

KASALUKUYAN na nagtipon ang mga opisyales ng Barrio Querrencia. Naroroon si Don Alejandrino at Don Tiago.

"Kami'y nagagalak sa iyong pagdating, Lorenzo at sa iyo rin Gustavo." Saad ni Don Tiago, nalaman na rin ni Don Lorenzo na siya ang kasalukuyang pinuno.

"Maraming salamat..." Tugon ni Don Lorenzo sabay senyas kay Gustavo na ilapag na sa mesa ang itim na parihabang tampipi na naglalaman ng banal na espada.

"Aking nasabihan na si Quasimodo na gusto kong makianib sa inyong nasasakupan. Naikwento niya na rin sa akin ang tungkol sa orakulo at ang nawawalang itim na libro na siyang taga lahad ng propesiya..." Panimula ni Don Lorenzo.

"...maaari kaming makatulong. Kayo ba ay pabor?" Tanong ng don sa kanila.

"Lahat kami ay pabor at isa pa, kung ang solusyon upang maging malinis ang aming pangalan sa mga tao, ay hindi kami tatanggi. Isa itong oportunidad." Ani Don Tiago, at napatango rin si Don Alejandrino bilang sang-ayon.

"Pabor rin sa akin dahil hindi mahihirapan ang mga hukbo ng mga lobo dito sa Querrencia, may punto na ang kanilang misyon at pakikipaglaban." Litanya rin ni Don Alejandrino.

"Salamat sa inyong pagpayag. Aking ibibigay sa inyo ang isang banal na espada..."

"...La Orden De Las Espadas Sagradas." Wika ni Don Lorenzo at binuksan ang tampipi.

Namangha sila sa nakita dahil sa kakaibang disenyo ng banal na espada.

"Ang espadang ito ang magpapatunay na tayo ay kaanib na." Seryosong saad ni Don Lorenzo habang tinititigan ang kabuuan ng banal na espada.

At sa mga oras na iyon ay nagkaroon na ng pag-asa ang tatlong don dahil sa presensya ni Don Lorenzo.

"Kami ay tunay na magtitiwala sa inyo." Saad ni Don Tiago.

Samantalang si Xavier naman ay nakahalukipkip habang nakasandal ang kaliwang braso sa pader at taimtim na nakikinig sa kanilang diskurso, hindi lamang siya nakisali at gusto niya lamang tumahimik dahil nagsimula ng magkaroon ng interes at paghanga si Xavier sa kaibigan ng ama.

"ANO na ang nakasaad sa orakulo, Aquillino?! Nalaman mo na ba sino ang pumatay kay Sebastian at Ramon?" Tanong ni Don Diego, bakas sa kaniyang mukha ang pagkabahala at ang paghihinagpis.

"Paumanhin ngunit hindi ko pa alam, Don Diego." Kalmadong tugon ni Aquillino.

Si Estrella naman ay tulala lamang na nakatingin sa dalawa habang kalong ang anak na si Agustin na kanina pa hinahanap si Ramon. Walang anong sagot ang masasabi ni Estrella sa anak.

Si Doña Estellar naman ay kagabi pa hindi lumalabas sa silid dahil sa matinding paghihinagpis.

Nanatiling misteryo sa kaniya ang libro. Akala niya ay nasa kamay ni Xienna ngunit ganon nalang din ang tanong pabalik sa kaniya ni Xienna.

Walang nakakaalam at maaring ang orakulo lamang ang makakagawa sa nakatakdang panahon.

"Gusto kong burahin ang nasa propesiya kapag nahanap natin ang itim na libro! Gusto kong mabuhay muli ang aking mga anak!" Giit ni Don Diego kay Aquillino na ngayon ay nakayuko lamang.

"Maaring magamit kong muli ang aking hipnotismo at baka may magsalita ng totoo." Suhestiyon ni Estrella na siyang ikinatingin sa kaniya ni Aquillino at ng kaniyang ama.

"Kung sa gayon ay pwede mo iyang magamit laban sa mga hukluban." Saad ni Don Diego at sumisilay na ngiti sa kaniyang labi.

NAISIPAN ni Catalina, Claridad, at Crisologo na bisitahin ngayon si Araceli sa kanilang mansion. Sinulatan kasi ni Ariana si Crisologo at ibinalita na nasa magandang kalagayan na ang ate.

Kasalukuyan silang nasa pamilihan ng tinapay at mantikilya malapit na rin sa tahanan nila Araceli.

"Naku! Nakakabahala ang pangyayari kahapon, lalo na at nalaman natin na may tinatago palang sekreto itong si Padre Sebastian!" Saad ng isang ale sa isang babaeng nasa katandaan na habang bumibili ng tinapay.

Nagtinginan si Claridad at Crisologo habang naghihintay sa kanilang ate na bumibili ng tinapay at mantikilya. Narinig nila ang pag-uusap ng dalawang ale.

"Sa tingin mo, talaga bang masama si Padre Sebastian?" Tanong ni Claridad sa kambal.

"Hindi. Mabait si Padre Sebatian, at kung totoo man na isa siyang taong-lobo, ay ako'y hanga."

Kumunot ang noo ni Claridad sa narinig. "Ano?"

"Oo, ako'y hanga. Biruin mo, nakaya niyang maging alagad ng Diyos."

"Hindi ko maintindihan."

Napakamot nalang ng ulo si Crisologo at kinurot ang ilong ng kambal. "Hayaan mo na."

Pagkatapos ay lumabas na rin si Catalina at agad siyang pinayungan ni Claridad.

Natatanaw ni Araceli sina Catalina, kasalukuyan siyang nasa azotea at nagpapahangin. Naroroon din si Arturo na sinasamahan siya.

"Papunta sila."

"Sino?"

"Sila Catalina."

Napatingin na si Arturo ngayon kung saan nakatingin ang esposa. Nakikita niyang kumakaway sila.

"Araceli? Bakit may benda ang iyong ulo?" Nagtatakang tanong ni Catalina na ngayon ay nakaharap na sa kaibigan. Agad na pinatuloy sila ni Araceli at agad na pinapunta sa sala.

"Ah---"

"Nahilo siya kagabi at nadulas sa aming hagdanan." Si Arturo na ang sumagot.

"O-oo..." Pagsang-ayon nalang ni Araceli sa esposo.

"Naku! Mabuti nalang at hindi iyan grabe. Kagagaling mo lang sa isang trahedya at nadulas ka na naman sa hagdanan." Pag-aalalang tugon ni Catalina.

"H-huwag niyo ng ipaabot ito kay Ama." Wika ni Araceli sa kaibigan.

Habang si Crisologo naman ay napapasulyap kay Arturo at napapansin niya na parang hindi mapakali ang kamay na nakapatong sa mesa. Pati ang paa nitong kanina pa taas-baba na tila ba nababalisa.

"O siya sige-sige. Basta ika'y mag-ingat na lamang. Heto, pinadalhan ko kayo ng masarap na tinapay na may masarap na mantikilya." Saad ni Catalina at napangiti na binuksan ang papel na siyang ibinalot sa tinapay.

"Maraming salamat." Ngiting saad ni Araceli.

Napapangiti rin Arturo ngunit napasulyap siya sa bintana, at mula sa 'di kalayuan ay naaninag niya si Kristina na nakaitim ng talukbong at nakatitig sa kaniya ng walang emosyon.

"Maiwan ko muna kayo, saglit." Biglang singit ni Arturo at agad na napatayo at lumabas. Samantalang si Crisologo naman ay nakakahalata na sa kinikilos ni Arturo.

"Ate Ara, saan ang inyong palikuran dito?"

"Malapit sa aming kusina." Turo ni Araceli.

Napatango bilang tugon si Crisologo.
Ngunit hindi iyon ang totoong pakay niya kundi ang sundan si Arturo. Ayaw niyang manghusga ngunit parang may mali sa mga kinikilos ni Arturo.

"Bakit ka nandito?!"

"Dahil tama akong buhay ang iyong esposa!"

Naririnig ni Crisologo ang pagtatalo ng dalawa. Mariin siyang napapikit at nasusuklam sa pagtataksil ni Arturo kay Araceli.

"Huwag mo ng ipilit ang iyong sarili sa akin, Kristina! Aakuin ko ang obligasyon sa magiging anak natin, puwede ba, huwag ka ng mag pakita!"

Agad na napalabas ng palikuran si Crisologo at kalmado ang mukha na parang walang narinig. Naaawa siya ngayon sa kalagayan ni Ara lalo na at sinabi naman ni Ariana na maayos ang kapatid. Hindi rin siya naniniwala na nadulas si Araceli sa hagdanan. Kanina pa niya natatansiya na hindi naman ganoon ka taas ang hagdanan para mabagok ang ulo ni Araceli.

"May narinig ka ba?" Tanong ni Arturo at inakbayan si Crisologo, natigilan naman siya.

"A-anong ibig mong sabihin na may narinig ako?" Pabalik na tanong ni Crisologo. Napatingin siya ngayon kay Arturo na nakangiti na walang emosyon ang mga mata.

"Huwag na tayong magmaang-maangan dito." Bulong ni Arturo kay Crisologo.

"Kapag ito ay kumalat, ikaw ang aking pagbubuntungan ng lahat. Huwag mong paabutin na makikita na lamang ang iyong katawan na palutang-lutang sa ilog." Banta ni Arturo at biglang ngumisi ng nakakaloko.

"Hindi ako natatakot." Tugon ni Crisologo. "At kung lulutang naman ang aking katawan sa ilog dahil nagsabi ako ng katotohanan, ay may kabuluhan ang aking kamatayan, ang malas nga lang, sa mga kamay mo ako mamamatay." Seryoso ang mukha ni Crisologo, hindi siya dapat papatinag sa mga banta sa kaniya ni Arturo na ngayon ay unti-unti ng lumalabas ang baho.

"Paunahan na lang tayo." Nakakalokong tugon ni Arturo at naunang naglakad papunta sa sala.

Napahinga na lang ng malalim si Crisologo at napayukom ng kaniyang kamao.

May araw rin ang lahat, sa'yo! Hindi nababagay ang katulad ni Ate Araceli sa katulad mo!

Saad ni Crisologo at sumunod ng lumabas. Nakisabayan na lang din siya sa agos ng usapan.
---•••--•••---•••---•••---•••--••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro