Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 22: Confianza Destrozada

---•••---•••---•••---•••---•••---•••---

NAGLILINIS ng silid si Araceli nang bigla niyang nakita ang isang payneta na may disenyong gumamela na nahalo sa mga natupi niyang panyo.

Naalala niya na ito ang unang regalo ni Xavier sa kaniya noon.

Pagkatapos ay inilagay na niya sa kaniyang buhok ang payneta.

Bagong araw na naman para maging mapag-isa sa kanilang tahanan ni Arturo. Kinuha niya na lamang ang regadera at mga gamit pangtanim. Sa labas ng kanilang tahanan ay naroroon ang mga tanim na gumamela. Ngayon ay naisipan niyang magtanim ng mga rosas, santan, kamya, at krisantemo.

"Binibining Araceli!"

Hinanap naman ni Ara ang pamilyar na boses. Nagpalinga-linga siya sa paligid.

"Nandito po ako, binibini."

"Himala?" Sambit ni Araceli nang makita ang binata sa ilalim ng puno ng kalachuchi malapit sa bukana ng kanilang daanan papasok ng mansion. "Halika dito, Himala." Tawag ni Araceli.

Lumapit naman si Himala na may dala-dalang bayong. "Napadaan po ako dito dahil dinalhan po kita ng mga bayabas at singkamas!"

"Naku! Maraming salamat, Himala. Ikaw ba ay nag-agahan na?"

"Opo."

"Halika, pasok ka sa aming tahanan."

Sumunod naman si Himala kay Araceli. "Ikaw po ba ay may esposo na?"

Napangiti naman si Araceli at marahang napatango.

"Talaga po? Saan po siya?"

"Abala sa negosyo." Kinuha naman ni Araceli ang laman ng bayong at inilagay sa isang bandehadong lalagyanan ng mga prutas. "Umupo ka."

Tumango naman si Himala at inilibot ang paningin sa tahanan. "Ang gara po naman ng tahanan niyo."

"Salamat. Siya nga pala, ang iyong tatay?"

"Nasa lungsod po, nagtitinda ng mga kahoy na panggatong."

"Ganoon ba, ang nanay mo? May kapatid ka ba?"

Napangiti naman si Himala dahil matanong pala si Araceli. "Ganoon din po si nanay. Nagtitinda po siya ng mga sari-sari na palamuti. May kandila, may mga sinulid. Ganoon po..."

"...ang kapatid ko naman ay..." Napahinga muna ng malalim si Himala bago nagpatuloy sa litanya. "...winakasan niya po ang sariling buhay dahil sa sama ng loob. Nalaman niya kasi na hindi pala niya totoong magulang si tatay at nanay."

Biglang nalungkot si Araceli sa narinig. "G-ganoon ba...s-sino naman ang totoo niyang mga magulang?"

"Kapatid ni nanay. Ang tatay naman ni Kuya Francisco ay hindi namin alam kung sino...siguro kung nabubuhay lamang si kuya ay tiyak na magiging ka-edad sila ni Ginoong Xavier..."

Natigilan si Araceli.

"...may rason naman ang lahat binibini, hindi ba?"

"Oo n-naman... Maari ko bang matanong kung saan na ang nanay ni Francisco?"

"Namatay na rin... Namatay si Tiya Natalia sa panganganak kay Kuya Francisco..."

"...pasensya na po at naging makwento ako. Sadyang magaan lang po ang aking kalooban sa inyo."

"Wala iyon, Himala. Siya nga pala..."

Napatingin naman sakaniya si Himala dahil ramdam ng binata na may gustong sabihin ang binibini.

"P-paano ba kayo nagkakakilala ni Xavier?"

"Noon po, bumili po siya ng kandila sa akin. Pagkatapos ay nalaman niya agad na hikain ako...pinagaling niya po ako. Kakaiba po si Ginoong Xavier. Ikaw ba binibini? Paano niyo po nakilala si Ginoong Xavier?

"Pinagaling niya rin ako. Hindi ako nakakalakad talaga."

Nabigla si Himala sa narinig. "Ngunit tila ba ay may kakaibang namamagitan sa inyong dalawa? May hiwaga ang inyong tinginan."

"Nais mo ba dalhan ang iyong nanay at tatay ng kakanin? May niluto ako." Pag-iiwas ni Araceli sa mga litanya ni Himala.

Nahalata naman iyon ni Himala kung kaya ay sumabay na rin siya sa agos ng pangyayari. "Sige po, binibining Araceli. Salamat. Hindi rin po ako magtatagal kasi hinihintay na yata ako nila tatay sa lungsod."

"Sige, saglit lamang at ipagkukuha kita."

Pagkatapos ay sinabayan na ni Araceli ang binata palabas ng mansion at nagpaalam na si Himala sa kaniya. "Mag-ingat ka, Himala."

Tumango si Himala at iwinagayway niya ang kaniyang sombrero at nagsimula ng maglakad papalayo.

Papasok na sana si Araceli sa bukana papunta sa kanilang mansion nang mapansin niya ang isang babaeng umiiyak. Nakatalukbong ito ng puting tela.

"Binibini, may problema po ba kayo? Kayo po ba ay nawawala?"

"O-oo..." Hikbi pa ng babae.

"Naku, magtatawag ako ng gwardiya sibil." Tapos nagpalinga-linga si Araceli sa paligid kung mayroong mga gwardiya sibil na nakaronda sa daan.

"H-huwag na po, binibini. K-kaya ko na ang aking sarili."

"G-gusto mo ba ng makakain?" Awang-awa si Araceli sa babae dahil tumatangis ito.

"...saglit lang." Sabi ni Araceli at pumasok sa kanilang tahanan. Biglang lumakas ang kabog ng kaniyang puso at tila ba bumibigat ang kaniyang ulo.

Hindi naman sobrang init ngunit bakit parang nahihilo ako?

Napahinto siya sa paglalakad at napapikit saglit. Ngunit nang maimulat na niya ang kaniyang mga mata ay nasa harapan na niya ang babae. Bigla siyang sinakal ng babae sa leeg.

"Hindi pa ako natatapos sa'yo!" Nangagagalaiting saad ng babae. Nag-iba ang anyo nito.

Hinahabol naman ni Araceli ang kaniyang hininga habang hawak ang kamay na nasa kaniyang mga leeg. Natatandaan niya ang mukha ng babae.

"B-bitawan m-mo a-ako!" Paglalaban ni Araceli.

"Kung ako ay iyong natatandaan, hindi ko na palalagpasin ang pagkakataon na ito!" Sabi ni Estrella. Nanlilisik ang mga mata nito.

"A-ano b-ba!" Tapos napapaubo na si Araceli hanggang sa napahiga na siya sa lupa habang sinasakal pa rin siya ni Estrella na ngayon ay nakadamit itim na.

Nanlalabo na ang mga paningin ni Araceli habang hinahabol ang bawat hinga.

"Mamamatay ka!" Sigaw pa ni Estrella.

Sa pagkakataong iyon ay nawalan na ng malay si Araceli.









TATLONG pung minuto ang nilakad ni Himala bago narating ang lungsod.

"Nariyan ka na pala, anak. Asan na ang bayong?"

"Po? Hala! Nalimutan ko ang bayong itay!" Sabi ni Himala habang napakamot nalang sa ulo.

"Naiwan mo kina binibining Araceli?"

"Opo. Naku! Nagiging ulyanin na ako."

Ngumisi naman ang tatay nito. "Hayaan mo na, daanan nalang natin mamaya. Nawala nga ang iyong hika naging ulyanin ka naman."

Napahimas nalang sa batok ang binata at tinulungan nalang niya na mag bugkos ng mga kahoy ang tatay.

Ngunit sa pagbubugkos ay tila ba nakakaramdam ng pagkabalisa si Himala. Bigla siyang nakaramdam ng pag-aalala sa hindi malamang dahilan. "Tay, ano po ba ang senyales kapag may darating na pangyayaring hindi kaaya-aya?"

"Anong ibig mong sabihin, anak?"

Napahinga ng malalim si Himala at pinagmasdan ang tatay na nagpipili ng mga kahoy na ibubugkos. "Huwag niyo nalang po pansinin 'tay. Dala lang 'to ng pagod sa aking paglalakad."

Napatigil si Mang Rodolfo at napatingin sa anak. "Ikaw ba ay sigurado?"

Napatango naman si Himala at napabuntong-hininga ulit.





NAIMULAT ni Xavier ang kaniyang mga mata. Tumatama sa kaniyang mukha ang sinag ng araw mula sa labas ng kaniyang bintana.

Napabangon siya nang may naalala siya.

Tangina! Bagong kalbaryo na naman!

Agad siyang tumungo at napahilamos ng mukha sa kaniyang sariling palikuran.

Kahapon nang makauwi si Xavier galing sa tahanan ng hukluban ay hindi na siya nilubayan ng pagtataka kung bakit nadawit ang kaniyang ama sa sinabi ng matanda.

Nang makauwi sa tahanan ay naroroon ang kaniyang ama na payapang nagpapakintab ng sariling sapatos habang may tobacco sa bunganga.

"Kumusta ang pakikipag-usap sa hukluban, anak?" Sabi ng kaniyang ama na abala parin sa pagpapakintab ng sapatos.

"Ama, ikaw ba ay may nililihim sa aming dalawa ni Ate?"

Hindi naman sumagot si Don Quasimodo bagkus ay humarap ito sa kaniya at kalmado lamang ang bawat kilos. Lumabas na rin si Xienna mula sa silid nang marinig ang mga tanong ni Xavier.

"Paumanhin..."

"Ama, matatanggap po namin kung sinabi ninyo ito ng maaga." Wika ni Xavier.

"Hindi niyo lamang maintindihan."

Napahawak nalang si Xienna sa mga balikat ng kapatid. "Kung ano man 'yan kapatid ay hayaan natin na magpaliwanag si ama."

Seryoso ang mukha ni Xavier na nakatitig sa ama.

"Bago pa pumasok sa buhay ko ang inyong ina ay may nauna pa..."

Umigting naman ang panga ni Xavier nang marinig ang winika ng kaniyang ama. Samantalang si Xienna naman ay hindi inaalis ang kamay sa balikat ng kapatid upang mananatili itong kalmado.

Napahinga ng malalim ang don. "Alam na alam ko na mayroong sasabihin talaga ang hukluban sa'yo...hindi ko siya masisisi..."

"...Nagngangalang Natalia Cruz ang unang babaeng pumasok sa buhay ko...ngunit..."

"...nang malaman niya na ang totoo kong katauhan ay hindi niya matanggap. Nabalitaan ko na lamang na namatay ito sa panganganak, ang aming supling."

Nagtagbo ang kilay ni Xavier. "Nagkaanak kayo?!" Hindi na napigilan ni Xavier ang damdamin at nasigawan ang ama.

"Kumalma ka lamang." Saad pa ni Xienna.

"Alam kong malaki ang kasalanan ko sa inyong dalawa dahil nilihim ko ito ng mahabang panahon...Alam iyon ng inyong ina pero tinanggap niya kung sino ako at hindi na niya inisip pa ang aking mga nagawa sa nakaraan..."

"...tutol ang inyong lolo sa pag-iibigan namin ng inyong ina dahil kapangalan ito ng babaeng nagpakalat sa sumpa sa ating angkan."

"Ibig sabihin ay Asuncion din ang pangalan ng babaeng may simula ng lahat?" Hindi makapaniwalang sambit ni Xienna.

Kahit na si Xavier ay hindi rin makapaniwala sa mga rebelasyong nagaganap. Ang nais niya lamang gawin ngayon ay ang mga sasabihin ng ama.

"Oo, ngunit pinaglaban naming dalawa ang aming pag-iibigan. Nang mamatay si Ama ay doon na kami nag-isip ng inyong ina na magkaroon ng sariling pamilya..."

"...alam ko kung bakit may mga litanyang binitiwan ang hukluban na iyon sa iyo dahil kapatid ng hukluban si Asuncion na siyang nagpakalat ng sumpa sa atin."

Napahawak sa sintido si Xavier at pilit na iniintindi ang sinasabi ng ama. Gusto niyang sumigaw at magwala ngunit nangyari na ang lahat sa una.

"I-ibig sabihin ay may kapatid tayo sa labas." Wika ni Xienna sa kapatid.

"Kinakailangan kong hanapin siya upang makahingi tayo ng kapatawaran."

"Hindi ba kayo galit sa akin? Hindi ba kayo tinubuan ng hinanakit?" Wika ni Don Quasimodo na ngayon ay may kung anong namumuong luha sa mga mata.

Napahinga ng malalim si Xienna. "Malalaki na kami ama para sa mga ganiyang bagay. Nakakapagod na rin kung galit parati ang pinapairal sa aming puso."

"Ako'y papasok muna sa aking silid." Pakli ni Xavier. Seryoso parin ang mukha nito.

"Ewan ko nalang kay Xavier, ama. Alam mo naman iyon na minsan ay hindi mo rin mababasa kung ano ang tinatakbo sa kaniyang isip."

Napasabunot ng buhok si Xavier nang makaupo ito sa higaan. Hindi na niya mawari ang mga pangyayaring nagaganap sa kaniyang buhay.

Maya-maya pa ay may isang itim na uwak ang pumatong sa bintana niya. May maliit na papel ang nakalagay sa tuka nito.

Agad naman na hinawakan ni Xavier ang leeg ng uwak at kinuha ang maliit na papel at ibinuklat. Agad naman na lumipad ang uwak nang mabitawan ito ni Xavier.

"Ang umaga ay mapupuno ng kadiliman,
Ang iyong tinatangi ay aking wawakasan,
Ang higanti ay siyang mananaig,
Kamataya'y siyang uusig."

Nagtagbo ang kilay ni Xavier sa nabasa. Patago ang mga bawat salita nito kung kaya ay buong gabi niyang ginugol ang oras para maintindihan ang salita na nasa papel.

Pagkatapos mag-ayos ni Xavier sa sarili ay agad na siyang lumabas ng silid, naabutan niya doon ang kaniyang ama na abala sa pagbabasa ng libro patungkol sa mga batas.

"Ako'y aalis na muna, ama." Hindi na niya hinintay ang sagot ng ama at dali-dali na siyang umalis.

Ang bigat ng kaniyang pakiramdam nang maintindihan niya ang bawat nakasulat na salita kagabi. Wala naman siyang ibang sinisinta kundi si Araceli lamang at wala ring ibang may hinanakit kay Araceli kundi si Estrella. Hindi na niya maintindihan ang kinikilos ni Estrella at dinamay niya pa ngayon si Araceli na walang kinalaman sa kanila.

Kumuha siya ng tobacco mula sa kaniyang bulsa at sinindihan niya ito sa isang apoy na nakasulo palabas sa bukana ng kanilang mansion.

"Saan ang iyong tungo, Xavier?"

Napalingon si Xavier nang marinig ang boses.

"Sa tahanan nila Araceli."

"Sino 'yan?"

Hindi na sinagot ni Xavier ang tanong ni Mateo. "Sandali, sasama ako,"

Tapos sinunandan na niya si Xavier.


"SA aking mga kamay, ika'y mamamatay!" Sigaw ni Estrella. Naging kulay pula ang kaniyang balintataw at biglang humaba ang kaniyang mga kuko, ito ay matutulis na kayang bumaon sa kailaliman ng laman.

Ang walang malay na si Araceli ay nakahiga sa lupa, nababahiran na ng dumi ang kaniyang baro at saya. Bakas rin sa kaniyang leeg ang sugat dahil sa pagkakabaon ng kuko ni Estrella dito kanina.

Itinaas na niya ang kamay upang tapusin ang buhay ni Araceli. Ngunit bigla na lamang siyang tumilapon at bumagsak sa malalaking bato.

Napaigik siya sa sakit. Matalim na nakatingin sa kaniya si Xavier ngayon.

"Kailan ka ba titigil?" Nanggagalaiting tanong ni Xavier.

"Hangga't hindi nawawala sa mundo ang babaeng 'yan!"

Sinampal siya bigla ni Xavier. Napahawak siya sa kaniyang pisngi.

"Hindi ako nagbubuhat ng kamay sa isang binibini. Ngunit ang aking pasensya sa'yo ay lagpas na."

Kahit na si Mateo ay nabigla sa nakita. Hindi na niya mawari ang kaniyang nakikita. Napatingin rin siya sa babaeng nakahandusay sa lupa, may sugat-sugat ito sa leeg.

Agad siyang lumapit dito at napapikit upang magtawag ng hangin.

Unti-unting lumutang si Araceli sa hangin sa pamamagitan ng pagkontrol ni Mateo.

Samantala si Estrella naman ay agad na napatakbo ng mabilis at bumalik sa liblib na kagubatan.

"Siya lang ba ang nag-iisa dito?" Tanong ni Mateo nang inihiga nila si Araceli sa isang mataas na bangko sa sala.

Seryoso ang mga mukha ni Xavier habang pinupulsuhan si Araceli. "Hindi, may esposo siya."

"Ano ba ang kinalaman ng binibining iyan sa buhay mo? O maging kay Estrella na nakikitaan ng galit sa binibining iyan,"

Seryosong napatinigin si Xavier kay Mateo."Sabi ko nga, mamaya nalang ako magtatanong." Tapos inilibot nalang ni Mateo ang kaniyang paningin sa mansion.

Maya-maya pa ay nakarinig sila ng uwang ng pinto.

MAAGANG natapos ni Arturo ang pakikipag-alyansa sa Bayan ng San Vicente. Napatingin siya sa kaniyang gintong relos na kinuha niya sa kaniyang bulsa.

Alas Dyes Dise Sais pa pala.

Huminto ang sinasakyan niyang kalesa sa tapat ng kanilang mansion.

Nagtataka siya kung bakit napakatahimik ng lugar at walang gwardiya sibil ang nakaronda.

Agad na nagbayad siya sa kutsero at bumaba na sa kalesa.

Napakatahimik ng paligid...

Binuksan na ni Arturo ang pinto.

Natigilan siya nang makita si Xavier na hinahawakan ang kamay ni Araceli. Agad niyang naitulak si Xavier at napaupo ito sa sahig. Agad naman na tinulungan ni Mateo si Xavier pero pinigilan lang siya nito.

"Anong kahibangan ito, Xavier?!" Sinamaan niya ng tingin si Xavier at agad na tiningnan si Araceli.

Tumayo naman si Xavier at kalmado lamang na nakatingin sa kaniya.

"Ano ang ginawa mo sa aking asawa?! Bakit wala itong malay?!" Pagalit na tanong ni Arturo at agad na hinawakan ang kwelyo ni Xavier na parang mapupunit ito.

"Huminahon lamang kayo, señor." Pigil ni Mateo kay Arturo. Kahit na siya ay ginapangan ng kaba para kay Xavier dahil kakaiba ito kung magalit.

Napangisi naman si Xavier habang kalmado na nakatingin sa mga mata ni Arturo.

Napikon si Arturo sa ginawa ni Xavier kung kaya ay sinuntok niya ito at tumama ang kamao sa bibig ni Xavier.

"Kailan mo ba lulubayan ang aking asawa?! ASAWA KO NA SIYA AT HUWAG KA NG MAKISAWSAW SA BUHAY NIYA!" Galit na galit na sabi ni Arturo.

"Hayaan mo naman na magpaliwanag ang aking kaibigan!" Hindi nakapagpigil si Mateo at sinabat niya si Arturo na para sa kaniya ay ubod ng kayabangan.

"Huwag kang sumabat kung ayaw mong masapol sa mukha! Mierda!"

"Dahil sa kapabayaan mo sa iyong asawa at sa pagiging abala mo sa mga bagay-bagay ay hindi mo na namamalayan na nasa peligro na ang buhay niya. Negosyo ba talaga ang pinagkakaabalahan mo Arturo, o mayroon pang iba?" Kalmadong tanong ni Xavier. Kahit na may pasa na siya sa mukha at umaagos na ang dugo sa kaniyang ilong dahil nasapul rin ito ngunit hindi niya ito iniinda.

"Sino ka para magsabi ng ganiyan?! Hindi mo ako kilala, Xavier!"

Ngumisi si Xavier at pinunsan niya ang dugo na kaniyang nalalasahan sa gilid ng bibig niya gamit ang hintuturo. Gamit rin ang likod ng kaniyang palad ay pinunasan niya ang ilong na nagdurugo.

Mas lalong nag-init ang ulo ni Arturo nang makita na nakangisi ng nakakaloko si Xavier. Ang punyal na nasa kaniyang tagiliran ay kinuha niya ito at itatarak kay Xavier.

Ngunit mabilis pa sa kidlat na napigilan ni Xavier ang paparating na matulis na punyal sa kaniyang dibdib.

Tumagos ang punyal sa kaniyang palad. Umagos doon ang masaganang dugo. Tumutulo na ang dugo niya. Bawat patak ng dugo sa sahig ay siyang pinagtataka ni Arturo dahil seryoso pa rin ang mukha ni Xavier.

"Putangina!" Mura ni Mateo at akma na niyang sugurin si Arturo ngunit nagsalita si Xavier.

"Hindi mo rin ako kilala, Arturo." Sabi ni Xavier at ngumiti ulit ng nakakaloko habang binubunot ang punyal na tumagos sa kaniyang palad.

Nagimbal si Arturo sa nakita nang inihagis ni Xavier ang punyal sa sahig.

"Umuwi na tayo, Mateo. Wala tayong mapapala dito sa taong 'to..."

"...isa lang ang aking masasabi, sa oras na nalaman kong pinabayaan mo si Ara, ako na ang papatay sa'yo." Saad ni Xavier at tumalikod na.

Naiwan naman si Arturo na nakatulala. Si Mateo naman ay lumingon at ngumiti ng nakakaloko, iniba niya rin ang kulay ng balintataw , naging kulay mapusyaw na dilaw ito.

Agad na napahawak sa ulo si Arturo at napapikit. Nang maimulat ang mata ay wala na sila.


INIMULAT ni Araceli ang kaniyang mata. Nakahiga na siya sa higaan ng silid. Napabangon siya agad dahil may lampara na nakasindi sa mesa.

Gabi na pala? Anong nangyari sa akin?!
Naguguluhang tanong ni Araceli.

Agad na lumabas siya sa silid at naabutan niya doon si Arturo na nag-iinom ng serbesa habang seryosong nakatingin sa kawalan.

"Pagpasensyahan mo na at nakatulog pala ako." Wika ni Araceli.

Seryoso lamang na nakatingin sa kaniya si Arturo. "Hindi ka nakatulog. Naabutan nalang kita sa labas na walang malay." Pagsisinungaling ni Arturo.

"Ano?" nagtatakang tanong ni Araceli at napatabi sa esposo.

Tinitigan naman ni Arturo si Araceli sa mga mata.

"W-wala akong maalala... Ang naalala ko lang ay---"

Nahinto si Araceli nang bigla siyang siniil ng halik ni Arturo. Panay naman ang tulak ni Araceli sa esposo.

"L-lasing kana...huwag ngayon..."

Ngunit hindi natinag si Arturo at pilit na winawaksi ang damit ni Araceli.

"Arturo!" Sigaw ni Araceli. Napahinga siya ng malalim at inaayos ang damit na malapit na mahubad.

"Punyeta! Ano ba ang problema sa ganitong bagay, Araceli? Mag-asawa na tayo!" Bulyaw ni Arturo sa kaniya.

Hindi makapaniwala si Araceli sa nasabi ni Arturo. Sa unang pagkakataon ay nasigawan siya ng esposo.

"Ikaw ba ay may tinatago, Ara?! Bakit? Mahal mo pa ba si Xavier?"

"A-ano ba ang pinagsasabi mo?!"

"Akala mo hindi ko alam?! Alam na alam ko na nakasunod pa rin sa'yo si Xavier!"

"Ano ang ibig mong sabihin? Walang namamagitan sa amin!"

Ngumisi si Arturo. "Iniinda ko lamang ang bawat araw sa kahangalan! Alam ko naman na napilitan ka lang sa akin, dahil ako ang nandiyan noong pinagkakaisahan ka ng mundo!"

"Ano ba ang problema mo, Arturo?"

"Si Xavier! Lagi na lang ba akong may kahati nito?"

Hindi makasagot si Araceli bagkus ay napahikbi na lamang siya.

"Tiniis ko ang lahat, Ara! Pero, ganoon parin, mahal kita. Mahal na mahal! Kahit na maging sunod-sunuran ako ay kaya kong gawin. Tila ba ako'y nagiging masokista na sa lahat!" Sabi ni Arturo at kinuha ang serbesa at nilagok iyon pagkatapos ay inihagis niya at tumama pader. Nabasag ang bote. "Punyeta!"

"Lasing ka na, A-arturo..."

"Hindi ako lasing!"

Kinuha ni Arturo ang bubog ng bote at inilaslas niya ito sa kaniyang pulso. Agad na inagaw iyon ni Araceli. "Hu-huminahon ka, langga! Parang awa mo na." Sabi ni Araceli.

Napahagulhol si Arturo sa sakit ng nararamdaman sa kaniyang puso. "Kahit ganito man ako, mamahalin pa rin kita hanggang sa aking kamatayan." Wika ni Arturo. Nababahiran na ng dugo ang puting kamiso nito.

Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Araceli. "P-Paumanhin sa aking nagawa sa iyo ngayon at sa aking pagkukulang." May luhang tumulo sa mga mata ni Arturo.
Si Araceli naman ay panay punas ng mga patak ng luha na nilalabas ng kaniyang mga mata.

"K-kahit isang araw suklian mo rin ang pag-mamahal...k-ko sa'yo." Pakiusap ni Arturo.

Agad na inilalayan na tumayo ni Araceli ang esposo. "Gagamutin ko ang iyong mga sugat."

Doon na napagtanto ni Araceli na kahit siya ay may kasalanan. Naaawa siya sa kaniyang esposo.


Walang ano-ano ay kaniyang niyakap si Arturo ng mahigpit.

----•••----•••---•••---•••---•••----•••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro