Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 21: Kubli ng Hiwaga

---•••---•••---•••---•••---•••---•••

ABALA ang lahat ng mga tauhan ni Don Juan sa kanilang mansion dahil ngayon ang kaarawan ng kaniyang anak. Maging si Señora Rossana ay hindi na magkamayaw sa dumadating na bisita.

Naroroon din sina Don Felipe, Doña Viviana, at Ariana.

"Ina, napakatagal naman makarating nila ate Amanda at ate Ara. Nababagot na ako dito, wala akong kausap. Gustuhin ko man tumulong pero pinipigilan ako ni Tiyo, ang mga kasambahay nalang daw ang bahala." Sabi ni Ariana at napapaypay nalang sa sarili.

"Kumalma ka nga, Aring. Ayusin mo ang pagpapay-pay ng sarili, hindi kaaya-ayang tingnan." Suway ng kaniyang ina.

"Tulog pa rin naman kasi si Juancho. Kaarawan pa naman."

"Gisingin mo nalang." Suhestiyon ng kaniyang ina.

Napabagsak ng balikat si Ariana at napahinga ng malalim. "Sige, ina. Pupunta muna ako sa kaniyang silid."

Nang makaalis si Ariana ay dumating na rin si Amanda at si Heneral Santiago kasama si Marcelo. Dumating rin si Araceli ngunit hindi niya kasama si Arturo dahil abala na naman ito sa pakikipagtransaksyon sa negosyo.

"Mabuti at nakarating kayo, si Arturo, saan?" Tanong agad ni Doña Viviana sa anak.

"Hindi po siya makakapunta, ina. Abala sa negosyo."

"Naku! May oras pa ba 'yan sa'yo?"

Napangiti na lamang si Araceli at napamano sa ina tsaka tumabi sa pag-upo. "Mayroon naman, ina." Mahinhin na tugon ni Araceli.

"Mukhang mugto ang iyong mata." Biglang sambit ng Doña.

"Po? W-wala ito, ina."

"May problema ba?"

Lumapit na rin si Amanda at agad nag mano sa ina. Bigla siyang hinila kanina ni Rossana at nakipag-chismisan ng kaunti.

"Anong pinag-uusapan ninyo, ina?"

"Ay, itong kapatid mo..."

"Bakit?" Tanong pa ni Amanda. Hanggang sa napansin niya na ang medyo mugtong mata ni Araceli. "Masaya ka pa ba?"

"Oo naman... huwag niya na akong aalahanin pa. Walang problema sa amin ni Arturo."

"Baka naman may dinadala ka ng bata sa sinapupunan mo kung kaya ay pabago-bago na ang iyong kalooban." Litanya pa ni Doña Viviana.

"Po? Wala po, ina."

"Ano? Ibig sabihin hindi mo pa nabibigyan ng kaligayahan ang iyong esposo? Diyos ko! Mahabagin," Wika pa ni Amanda.

Kinurot naman ng doña ang tagiliran ni Amanda. "Aray naman, ina!" Tapos napangisi nalang siya dahil nakasanayan na talaga ng kanilang ina na kurutin sila sa tagiliran kapag may mga hindi magagandang salita ang lumalabas sa kanilang bunganga.

"Ayusin mo ang disesyon mo sa buhay, anak. Huwag kang mag-alala nandito naman kami para makinig sa iyong hinanaing." Wika ng ina nila.

Napahinga nalang ng malalim si Araceli. Matapos ang pagtatagpo nila ni Xavier at pagkatapos niyang umiyak sa palikuran ay pumunta na lamang siya ng silid at natulog upang maibsan ang sakit na nararamdaman. At kaninang umaga ay nag-iwan nalang ng sulat si Arturo sa mesa na maging abala siya sa negosyo at gabi na rin makakauwi.

Hindi pa rin nawawala ang mga halik ni Xavier na dumampi sa mga labi niya. Isang kasalanan ito kung maituturing.

PAGKATAPOS kumain ni Araceli ay lumabas na muna siya upang magpahangin. Napili niyang umupo sa malalaking ugat ng puno ng mangga. Pinagmamasdan niya ang labas-pasok na bisita sa mansion ng kaniyang tiyo.

Minsan ay ngumingiti rin siya pabalik kapag may nakakakilala sa kaniya.

Inilibot niya ang paningin sa paligid. Nakikita niya na maraming bulaklak ng bugambilya (Bougainvillea) may kulay pula, puti, at kalimbahin na nakapalibot sa bawat bakod ng mansion. Magandang tingnan ang nahuhulog na talulot nito sa damuhan. Sa labas naman ng mansion ay may dalawang kerubin sa bawat dulo.  Tapos sa gilid naman ang isang mangga na syang malapit sa bintana ng silid ni Juancho at sa kinauupuan rin ngayon ni Araceli.

Naisipan niyang libutin ang buong paligid ng mansion at samsamin ang mga alaalang kumukubli sa kaniyang isipan. Noong mga panahong bata pa lamang siya at may kalayaang magliwaliw sa malawak na hardin ng kaniyang tiyo. Naging mailap lamang siya sa tao noong hindi na siya nakakalakad.

Tahimik ang likuran ng bahay, may hardin at may puwente (fountain) sa gitna. Walang tubig na lumalabas doon at tuyo na ang loob nang kaniya itong silipin. May bayong ito sa loob.

Ano kaya ito?

tanong ni Araceli sa kaniyang sarili. Kinuha niya iyon at tiningnan ang loob ng bayong. May telang puti na naninilaw na dahil sa katagalan at may tuyong dugo rin ito.

Pamilyar ang tela na ito...may ganito ako sa lalagyanan ng aking mga gamot.

May nakita rin siyang isang punyal na may nakaukit na disenyong buwan sa hawakan nito. Napatagbo ang kaniyang kilay at pilit na inaalala ang nakitang tela na tila ba siya ang nagmamay-ari nitong tela.

May ginamot na ba ako dati? O baka hindi lang ako ang mayroon nitong klaseng tela para sa sugat? Bahala na nga.

"Anong pinagkakaabalahan mo diyan, Ara?"

Nagulat si Araceli sa narinig na boses. Napaharap siya agad. "Tiyo? Ah-nakita ko po kasi itong bayong. B-bakit may puting tela o benda ba ito? Tapos may punyal pa."

Lumabas si Alcalde Juan mula sa loob ng kusina. "Ah, iyan ba ang pinagkakaabalahan mo?"

"Hmmm...h-hindi naman po."

"Matagal na 'yan na nakalagay diyaan.  Limang taon na rin ang lumipas. Kung iyong naalala..."

"...pumunta ako sa bahay ninyo noong panahon na may napaslang na mga tao sa kagubatan. Sumama ako sa mga taga siyasat at nakita ko iyang benda ng sugat. Sa tingin ko ay hindi naman iyan pagmamay-ari ng mga taong napaslang..."

"...kundi ng isang taong-lobo. Kakaiba ang kaniyang dugo noong sariwa pa ito. Malagkit at hindi malapot. Pulang-pula na kung tutuusin ay parang itim na. Ganiyan din ang napansin ko noong sinunog namin ang mga katawan ng mga taong-lobo" mahabang paliwanag ni Alcalde Juan sa kaniyang pamangkin.

Nagtagbo ang kilay ni Araceli sa kakaisip ng mga pangyayari sa nakaraan at sa kasalukuyan.

Ang dugo... tama ang nakita ni Tiyo.

Pumasok sa kaniyang isipan ang pangyayari noong gabi ng piging kung saan nakahawak siya ng dugo ng isang taong-lobo bago siya nawalan ng malay.

"Ang punyal naman na iyong nakita ay pagmamay-ari ng napaslang. Sa tingin ko ay kakaiba ang punyal na iyan dahil lumipas na ang mga panahon ay hindi mo makikitaan ng mga kalawang. Pero hinayaan ko nalang diyaan...halika na dito sa loob, may mga panghimagas na hinanda si Tiya Rossana mo."

Napatango nalang si Araceli. Pasekreto niyang dinampot ang puting tela at isinilid sa bulsa ng kaniyang saya.

NILAGOK ni Arturo ang isang serbesa na siyang laman ng kaniyang mabagasaging baso. Nakaharap siya ngayon sa bintana ng kanilang tahanan kung saan makikita niya sa unahan ang dumadaang mga kalesa. Mag-aalas otso na ng gabi at wala pa rin si Araceli.

Nagtataka siya kagabi kung bakit parang may kausap ang asawa sa likuran ng bahay. Hindi niya pinapairal ang kaniyang duda o guni-guni niya lamang iyon dahil tinatamaan na siya ng antok. At pinagpatuloy ang ginagawa.  Pagkapasok naman niya sa silid kagabi ay naroroon na ang asawa na natutulog na kung kaya ay natulog na rin siya.

Maya-maya pa ay may humintong kalesa sa harap ng daanan ng kanilang mansion. Bumaba doon si Araceli at nagpaalam na sa kutsero ng kalesa.

"Magandang gabi, langga. Bakit ngayon ka lang nakarating?" Kalmadong sabi ni Arturo at niyakap ang asawa.

"Pagpasensyahan mo na langga. Naging abala ako pagkatapos ng piging. Tinulungan pa namin si Tiya Rossana sa pagliligpit." Saad ni Araceli.

Napatitig lamang si Arturo sa kaniya at tila hinuhuli niya ang kilos ni Araceli.

"Bakit?" Tanong ni Araceli.

"W-wala..."

"Naghapunan ka na ba? May dala akong pagkain. Halika."

Napangiti na lamang si Arturo sa esposa at sinabayan na lamang ito patungo sa kusina.

Agad na nagkuha ng pinggan si Araceli at inihanda ang nadalang pagkain galing sa piging. "Naghahanap sa'yo sila ama at ina kanina."

"Pagpasensyahan niyo na, masyadong abala ako sa ating negosyo. Marami ang gusto makipag-alyansa sa akin na taga ibang bayan."

Napahinga naman ng malalim si Araceli at pinagmasdan na lamang niya si Arturo na kumakain.

"Baka gusto mong kumain ulit langga."

Umiling na lang si Araceli. "Busog na busog na ako."

"Ganoon ba. Siya nga pala, mag-iingat ka. Nakita ko kanina na nasira ang haligi ng ating asotea. Mukhang may nagbabalak na pasukin ang ating tahanan."

Natigilan si Araceli sa narinig. Napahinga siya ng malalim. "P-pasensya na. N-nahulog ako doon kagabi, kung kaya ay nasira."

"Ano? Nabalian ka ba? May masakit ba sayo? Bakit hindi mo agad sinabi?" Napatayo na si Arturo at susuriin na niya ang esposa ngunit pinigilan siya nito.

"Wala ito, langga. Hindi naman masakit ang pagkakabagsak sa akin. Makapal ang aking saya kung kaya ay hindi masakit."

"Sigurado ka? Ikaw pala aking nakita sa likuran kagabi, anong ginagawa mo doon?"

"Ah- sinisiguro ko lang na walang nakakita...nakakahiya kasi." Nakayukong sabi ni Araceli. Kinakabahan na siya ngayon.

Napahinga ng malalim si Arturo at bumalik sa pagkakaupo. "Hindi ko na alam ang nangyayari sa'yo, masyado na akong abala sa negosyo."

"W-wala naman 'yon, langga. Hindi naman masakit ang pagkakabagsak ko. Ayaw ko rin abalahin ka, alam kong naguguluhan ka na rin sa dami ng papeles na iyong inaasikaso."

"Babawi ako sa'yo langga. Baka isang araw ay magtampo ka nalang sa akin bigla."

Napatawa naman ng mahinhin si Araceli at napailing. "Hindi mangyayari iyon, naiintindihan ko naman ang iyong trabaho."

"Salamat, langga. Sana ay hindi ka magbago sa akin."

"Hindi, langga. Pinag-isang dibdib na tayo kung kaya ay magsasama tayo." Litanya ni Araceli. Pilit niyang pinapalapit ang loob sa kaniyang esposo.

Napangiti naman si Arturo at inabot ang mga kamay ni Araceli.

NAGLAKAS loob si Xavier na bisitahin ang dating bahay. Kukunin niya lamang ang ibang kagamitan na naiwan niya. Babalik na siya sa tahanan. Tahanan na kasama ang ama at kapatid.

"Bakit ka nandito?"

Natigilan si Xavier sa boses ng isang babae. "Ikaw sana ang aking tatanungin niyan, kung bakit ka nandito." Litanya ni Xavier.

Pumasok na siya ng tuluyan sa dating tahanan. Gulong-gulo na ang mga kagamitan. Halatang kakagaling lang ng pagwawala ni Estrella.

"Ayusin natin 'to, Xavier!"

Napapikit ng mariin si Xavier at napayukom sa kaniyang kamao. "Para saan pa, Estrella? Ginulo mo na ang buhay ko. Gulong-gulo na ako sa lahat!"

Lumapit sa kaniya si Estrella at niyakap siya mula sa likuran. "Bitawan mo na ako, gusto ko lamang kunin ang aking mga kagamitan dito." Wika ni Xavier at pilit na kinalas ang mga kamay ni Estrella na nakapulupot sa kaniyang beywang na parang ayaw siya pakawalan.

"Minsan ba ay sumagi sa iyong isipan na mahalin mo ako?" Biglang tanong ni Estrella.

"Hindi...pumayag lang ako para iwas gulo ngunit parang mas dinadala ko ang aking sarili sa kapahamakan. Ang hirap mabuhay sa kasinungalingan..."

"...ikaw ba? Naging totoo ka ba sa akin?"

Hindi na nakaimik si Estrella.

"Ipagwawalang bisa ko ang ating kasal. Bukas na bukas ay pupunta ako sa mga hukluban na siyang naglagay bisa sa ating kasunduan." Pagkatapos ay pumasok na si Xavier sa silid at kinuha ang mga kagamitan niya. Inilagay niya iyon sa mga tampipi.

"Magdudusa kayong lahat!" Sigaw ni Estrella. Hindi naman umimik si Xavier at nagmamadaling lumabas ng mansion dala-dala ang tampipi. Malalim na ang gabi at tanging huni lamang ng mga kuliglig ang naririnig.

Iniwan niya si Estrella sa loob at napahinga ng malalim.

Hindi pa natatapos ang kalbaryo.

Saad ni Xavier sa kaniyang isipan at mahigpit na hinawakan ang tampipi at sinuong na ang masukal na kagubatan pauwi sa tahanan ng ama.

"Tatalikuran mo na naman ba ako, Xavier!?" Sigaw ni Estrella.

Nakakailang hakbang pa lamang siya nang marinig ulit ang boses ng Estrella. Nagsimula na siyang mainis. Humarap siya.

"Ano pa ba ang gusto mo, Estrella?! Ano pa ba ang dapat kong patunayan na hindi talaga kita minahal?!"

"Dahil mahal kita, Xavier! Hindi mo lang kasi nakikita dahil akala mo napupuno na ng galit itong puso ko! At isa pa, wala ka ng ibang gagawin kundi suklian lamang ang aking pag-ibig. Hibang na kung hibang!"

"Naririnig mo pa ba ang sarili mo, Estrella? Kung minahal mo ako ay sana hindi ka nagsinungaling! Pag-ibig ba kung maituturing kung nagsisinungaling ka lang sa taong walang ibang ginawa kundi ang magpaubaya?" Inis na tugon ni Xavier.

"At isa pa... Hindi mo madidiktahan ang puso. Makakaramdam ito ng kusa." Dagdag pa ni Xavier. Tanging hikbi na lang ang naririnig niya kay Estrella.

"Tama na, Estrella. Ayaw ko na. Pagod na ako sa lahat." Wika ni Xavier at sa pangalawang ulit ay tinalikuran na niya ang  babaeng gumulo sa buhay niya.

KINAUMAGAHAN ay ganoon parin ang madadatnan ni Araceli. May sulat sa ibabaw ng mesa na galing ky Arturo. Hindi na siya ginigising ng esposo dahil alas tres pa lang ng madaling araw ay umaalis na ito para magtungo sa ibang bayan. Minsan sumasakay pa ito ng bangka upang matawid ang ibang bayan kung saan naroroon ang gustong makipag-alyansa.

Lumabas sa likod ng bahay si Araceli. Naroroon ang napakaraming sako na may mais, trigo, at tuyong dahon ng tobacco.

"Binibini! Maari ba akong makabili ng limang piraso ng mais?" Sabi ng isang matanda na galing sa gubat para mangahoy. Kasama niya ang isang binata na pamilyar sa mga mata ni Araceli.

"I-ikaw po ba yung kaharap ni Kuya Xavier sa tindahan ng mga vino hindi ba?" Sinagi naman siya ng kaniyang tatay.

"Pagpasensyahan mo na, binibini. Minsan madaldal rin itong aking anak." Wika ni Mang Rodolfo kay Araceli.

"Ayos lamang po, at oo... Ako iyon, binata."

"Ako po si Himala...siya naman aking tatay, Rodolfo ang kaniyang ngalan."

"Ako'y nagagalak na makilala ko kayo, Mang Rodolfo at Ginoong Himala." Sabay ngiti ni Araceli at inabot ang limang piraso ng mais.

"Magkano po ito, Binibini?" Tanong ni Mang Rodolfo.

"Naku! Huwag na po kayong magbayad. Marami kami niyan. Dagdagan ko pa iyan ng lima... Saglit lang po." Sabi ni Araceli sabay kuha ng lima pa.

"Nakakahiya naman po, binibini." Wika ni Himala.

"Naku, walang problema iyon. Akin na po ang inyong bayong, Mang Rodolfo."

Binigay naman ni Mang Rodofo ang bayong. May bakod na kahoy ang namamagitan sa kanila.

"Ang bait niya tay, kahit nasa mataas siya na antas ay hindi siya madamot."

"Kaya nga, tapos natatangi rin ang kaniyang ganda."

"Sus tay, sa palagay ko nga may gusto si Kuya Xavier diyaan. Nakita ko kung paano magtitigan sila."

"Ibig sabihin ay matagal na silang magkakakilala?"

"Parang ganoon na nga, tay."

Pabulong lamang ang kanilang pag-uusap. Pagkatapos ay inabot na ni Araceli ang bayong. "Narito na po ang inyong bayong."

"Maraming salamat po talaga, may pananghalian na kami nito."

"Iyan lang ang pananghalian ninyo, Mang Rodolfo?"

Napakamot ng batok si Mang Rodolfo at nahihiyang napatango. "Medyo tagilid ang kita namin ngayon sa pangagahoy. Ngayon lang din naman kasi kami nakabalik dito."

Napatango naman si Araceli. "Ganoon po ba...mayroon po ako ditong salapi."

"Naku, binibini! Huwag na. Labis-labis na nga itong ibinigay mong mais." Sabi ni Mang Rodolfo.

"M-may gulay pa ako!" Sabi ni Araceli at napangiti ito. "Saglit lang po."

"Binibini---"

"Naku, tay! Talagang hulog ng langit ang binibini."

Napangiti na lang si Mang Rodolfo at napahinga ng malalim dahil may panghapunan na rin sila.

"Heto po. May talong, kalabasa, at okra po. Ayos na po ba iyan?"

"Maraming salamat, binibini. Talagang napakabait mo talaga. Tiyak na ang swerte ng iyong kabiyak."

"Maraming salamat rin po. Mag-ingat po kayong dalawa sa pag-uwi."

"Ano po ba ang pangalan niyo binibini?" Biglang tanong ni Himala.

"Ako si Araceli."

"Sige po, kami'y nagagalak na makilala ka. Salamat sa mga mais at gulay, binibining Araceli."

Tapos nag paalam na sila. Nakakailang hakbang pa lamang sila ay sumingit si Himala na iwagayway ang kaniyang sumbrero. Napangiti naman si Araceli at napatango.


TINATAHAK ni Xavier ang masukal na daan patungo sa tahanan ng mga hukluban.

Maraming mga uwak na nakatungtong sa mga patay na sanga ng kahoy. Ngunit wala lang iyon para kay Xavier. Kalmado lamang siyang naglalakad habang humihit ng tobacco. Hanggang sa naaninag na niya ang isang tahanan na gawa sa kahoy at nipa. Ang haligi ng tahanan ay nababalot ng itim na tela.

Napahinga ng malalim si Xavier at tumuloy sa patutunguhan. "Visitante del Barrio Querrencia" saad ni Xavier.

Bawal kumatok sa mga bahay ng hukluban, kinakailangan na bigkasin sa wikang espanyol na isa kang bisita galing sa inyong bayan.

Lumabas ang isang dalagang nakasuot ng damit na mataas at kulay itim ito. May palamuti itong ruby sa ulo. "Anong maipaglilingkod namin?"

"Nariyan ba ang tagapamahala ng mga kasal?"

Tiningnan siya ng dalaga mula ulo hanggang paa. "Itapon mo ang iyong tobacco, señor."

"Pasensya na." At itinapon kung saan ni Xavier ang tobacco.

"Pwede ka ng pumasok."

Sa loob ay makikita ni Xavier na maraming bungo ng tao at hayup at mga tunaw na kandila. May mga guhit ng mukha ng lobo na nakapaskil sa bawat dingding ng tahanan. Makikita rin ni Xavier na may malaking guhit ng bilog na buwan na nakalatag sa lupa.

"Ikaw ang anak ni Quasimodo Sarmiento, hindi ba?"

Bahagyang nabigla si Xavier nang may magsalita sa gilid. Isang matandang babae. Nakapikit ito.

Maputla ang balat nito at maitim na maitim ang buhok may ruby rin itong palamuti sa ulo. Nakaupo ito na tila ba gumagawa ng orasyon.

"O-opo. Ako nga po."

Iminulat ng matanda ang kaniyang mga mata.

"Mabuti at natunton mo ang aming lugar."

"Binigyan ako ng mapa ni ama."

"Naparito ka?"

"Nais kung ipagwalang bisa ang kasal namin ni Estrella Vargas. Ang anak ni Diego Vargas."

Napangisi ang matanda. "Kayo talagang mga Sarmiento, ang daling magsawa."

"M-may dahilan po ako..."

Tumayo ang matanda at tumungo sa isang aparador na puno ng nakarolyong papel. "Alam ko naman ang dahilan, Xavier."

Nagulat si Xavier dahil alam ng matanda ang kaniyang pangalan. Nalaman niya lamang sa kaniyang ama na may hukluban na nagpapawalang bisa ng kasal at binigyan pa siya ng mapa ng ama.

"Alam ko ang buhay ninyo. Ako ang kamatayan at ako ang sumpa."

"Ibig sabihin ay ikaw ang nagbibigay ng sumpa sa amin?"

"Ganiyan ka na ba ka walang pakialam sa paligid mo, Xavier?"

Napakunot-noo si Xavier.

"Ang nais ko lang ay mapawalang-bisa ang aming kasal ni Estrella."

"Masusunod."

Hindi niya maintindihan ang hukluban. Hindi niya mabasa ang kilos. Ngayong alam na niya na sila ang pasimuno ng sumpa, pero hindi pa rin niya maintindihan ang ibig ipahiwatig ng hukluban na ito.

Biglang napaigik si Xavier sa sakit. "Puta---" nilaslasan ng hukluban ang kaniyang isang pulso. Ang umagos na dugo ay inilagay sa tipak na bungo.

"Maging kalmado ka lang. Alam ko namang kaya mong galinigin ang iyong sarili. Gagamitin ko ang iyong sariling dugo upang gawing panglagda ng iyong pangalan."

At tinalikuran siya ng matanda at may kung anong sinulat sa nirolyong papel.

"Heto ang tela, ginoo."
Sabi ng dalaga na siyang sumalubong  sa kaniya kanina. Inabutan siya ng itim na tela na siyang pantapal sa sugat. "Maraming salamat."

"Maari mo ng pirmahan ang pagpapawalang bisa."

Hindi na nag-atubili pa si Xavier at agad kinuha ang isang balahibo ng uwak na siyang ginawang pluma at isinawsaw ang dulo ng balahibo sa dugo.

"Nawa'y hindi ka gagaya sa iyong lolo at ama."

Ama? Anong kinalaman ni ama?

"Bakit nadawit ang aking ama? Ang alam ko lamang ay kay Lolo Ignacio."

Napangisi ang matanda at inilagay ang naiwang dugo sa isang maliit na bote. "May mga sikreto talagang naibubunyag sa paglipas ng panahon..    talagang walang usok na malilikom ng kamay." Malalim na tugon ng matanda.

Naguguluhan si Xavier. May mga sekretong hindi pa niya nalalaman.

Napatingin siya sa matandang hukluban na ngayon ay bumalik sa pagkakaupo sa lupa at nakapikit ulit.
-----••••----••••----••••----••••----•••---

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro