Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 19: Sangre de Lobo

---•••---•••---•••---•••---•••---•••----

"PUNYETA KAYO!" Galit na sigaw ni Arturo.

At kitang kita ni Araceli kung paano pinalipad si Arturo ng isa pang lobo at bumulagta nalang ito sa lupa.

Nagulat naman si Araceli nang may makitang umaagos na malapot na dugo sa kaniyang kamay. Nang makita iyon ay agad na nahimatay siya.

Tumakbo ka na, Xavier! Bago pa mahuli ang lahat!

Sabi ni Xienna kay Xavier.

Ramdam na ramdam ni Xavier ang init ng bala ng baril na bumaon sa kaniyang tiyan.

Inihiga niya na lang si Araceli sa lupa ng dahan-dahan at tumakbo pabalik sa gubat.

Inilabas ni Xienna ang pinakamalakas na ungal na siyang ikinatakot pa ng mga taong naroroon.

Nasaan na din ang punyetang Estrella na 'yon!

Nandito ako. Bakit Xienna?

Walang ano-ano ay dinambahan agad ni Xienna si Estrella.

Putangina mo! Ikaw ang dahilan ng lahat!

Napahiga na sa lupa si Estrella at nakapa-ibabaw sa kaniya si Xienna. Kitang-kita niya ang galit sa mga mata ni Xienna.

Sinisikap na paganahin ni Estrella ang hipnotismo niya ngunit parang walang nangyayari.

Hindi gumagana ang iyong hipnotismo ano? Haha! Hangal! Higit na makapangyarihan ako sa'yo, putangina mo!

At saka kinalmot ni Xienna ang dibdib ni Estrella. Napasigaw siya sa sakit.

Natunghayan naman nila Santiago at Pablo ang pag-aaway ng dalawang taong-lobo, nahihirapan sila kung sino ang patatamaan nila sa dalawa. Marami na rin silang napatay.

"Ako na ang kukuha kay Ara." Biglang sabi ni Santiago.

"Sige, ako na rin bahala kay Arturo. Naku! Malayo-layo rin ang kaniyang naabot sa pag waksi sa kaniya ng taong-lobo." Wika pa ni Pablo.

Nanatili silang vigilante sa magulong paligid.

Samantalang si Estrella naman ay buong lakas na naitulak si Xienna kung kaya ay nakawala ito at tumakbo kasabay ng ibang taong-lobo na pabalik sa gubat.

Hinabol din siya ni Xienna ngunit nakalayo na ito.

Hindi pa ako tapos sa'yo, Estrella!

Nadatnan naman niya si Xavier nang makarating siya sa gitna ng kagubatan. Nanghihina ito.

Unti-unti ring bumabalik sa kaanyuan si Xavier kahit na hindi pa nagtatago ang kabilugan ng buwan.

"M-may n-nakahalong lason sa bala n-nila." Utal na sabi ni Xavier.

Nakikita ni Xienna ang pagpigil ni Xavier sa sakit na nararamdaman ngayon.

Walang ano-ano ay binuhat niya ang kapatid. Dumating na rin sina Don Quasimodo, Don Tiago, Mateo at Enrique.

Dalhin natin siya sa pagamutan!

Sabi ni Xienna sa kanila.

HINDI maawat ang mga luha ni Ariana at Amanda nang makita si Araceli na walang malay at may dugo pa ang kaniyang traje de boda.

"M-maari mo bang tingnan kung may sugat si Ara?" Kinakabahang tanong ni Doña Viviana sa kaniyang kapatid na si Ernesto.

Samantalang si Arturo ay nasa higaan at wala ring malay.

Sina Don Felipe, Don Renato at Alcalde Juan naman ay hindi na alam kung ano ang magiging reaksyon sa mga pangyayari ngayon gabi.

"Bukas na bukas ay ipahehelera ko ang lahat ng taong-lobo na napaslang..."

"...susunugin ang kanilang mga katawan sa harapan ng munisipyo." Wika ni Alcalde Juan.

Nang matapos na tingnan ng kapatid ni Doña Viviana si Araceli ay napahinga ito ng malalim.

"Walang sugat si, Ara. Ligtas siya. " Pakli ni Doktor Ernesto.

"S-si Arturo?" Tanong ni Don Renato.

"Kinakailangan ko na palibutan ng benda na may gamot ang kaniyang braso dahil nagka lasog-lasog ito. Wala naman siyang bali. May awa talaga ang Diyos." Litanya pa ng manggagamot.

Napapikit na lang sa inis si Don Renato dahil sa mga taong-lobo na lumusob. Tila ba sinadya ng mga ito na lumusob sa piging.

PANAY lingon si Estrella sa paligid dahil baka sinusundan pa siya ni Xienna.

Unti-unti na siyang nanunumbalik sa dating anyo. Iniinda na rin niya ngayon ang sugat sa kaniyang dibdib.

"Muli tayong nagkita."

Nagimbal at hindi na maawat ang pagkabog ng puso ni Estrella nang makita kung sino ang nasa kaniyang harapan.

"N-Nathaniel?"

"Oo, ako nga."

Namanhid ang kaniyang buong katawan dahil mukhang nasa katinuan na si Nathaniel. Hindi na siya makasagot at ramdam na ramdam na niya ang hapdi sa kaniyang dibdib.

"Akala ko ba totoo ka sa akin?" Seryosong tanong ni Nathaniel.

"Alam kong nagbunga ang nangyari sa atin..."

"...nais kong makita man lang ang aking anak."  At may anong luha ang umagos sa mga mata ni Nathaniel.

Kahit na si Estrella ay nadadala ngunit kinakailangan niyang panindigan ang kaniyang mga nagawa.

"Wala tayong anak, Nathaniel. Si Xavier ang totoong ama ng aking dinadala noon." Seryosong saad ni Estrella.

"Puta..." Napamura si Nathaniel kay Estrella dahil napakasinungaling nito.

"...tama na ang katangahang aking nagawa noon, nais ko ng katotohanan. Kung hindi mo masabi, si Xavier ang aking kakausapin."

Natigilan si Estrella at hindi na makagalaw sa kinatatayuan niya. Tila ba nanghihina siya at hindi mapigilan ang paglayo ni Nathaniel. Naiwan siya sa gitna ng kagubatan hanggang sa natumba nalang siya at nawalan ng malay.

MARAMING tao na ngayon ang nasa harapan ng munisipyo upang tunghayan ang mga taong-lobo na napaslang kagabi. Ang iba ay hindi na naabutan ng pagiging tao kung kaya ay nakakagimbal sila kung tingnan dahil makikita pa rin ang mga matutulis na mga kuko at mga pangil. Ang mga mabalahibo nilang katawan nilang may mga tuyong dugo ay pinapatungan na ngayon ng mga bangaw at langaw.

"Sila ang gumulo sa piging kagabi! Nakakagalit isipin na lumusob na naman sila kagabi at sa handaan pa ng pinakamamahal kong pamangkin!"  Litanya ni Alcalde Juan.

Naroroon din si Hukom Santa Mesa, Don Renato at Don Felipe. Maging si Padre Sebastian kasama pa ang ibang pari.

Walang emosyon na nakatitig si Padre Sebastian sa nakabundok na ngayon na mga patay na katawan ng mga taong-lobo.

"Ngayon ay makikita ninyo ang pagkasunog ng mga katawan ng mga hampas lupang nilalang na ito!" Sigaw pa ni Alcalde Juan.

Dumating rin ang magkapatid na Villacorte sakay ng kanilang mga kabayo.

Sumenyas na agad si Alcalde Juan sa mga guwardya-sibil na sabuyan na ng krudo ang mga katawan ng mga namatay.  Nagbulongan na ang mga tao sa paligid. Ang iba ay hindi direktang makatingin sa napaslang dahil nakakasuka ang kanilang katawan.

"Quid meruere obtinent!" (They get what they deserve!) sabi sa wikang latin ng isang pari kay padre Sebastian.

"Recte dicis." (Yes, you are right.) Sabat pa ng isang pari na nakasuot ng itim na sutana at may dala siyang bibliya.

Hindi naman umimik si Padre Sebastian at nanatiling nakatitig sa mga patay na katawan habang sinasabuyan ng krudo.

"¡QUÉMALOS A TODOS!" (BURN THEM ALL!) Sigaw ni Alcalde Juan.

Agad na ginatungan ng isang sulo ng apoy ang mga katawan. Parang isang nakakahilanang tanawin para sa alcalde ang unting pagsunog ng mga katawan ng mga taong-lobo. Kahit na sina Don Felipe at Don Renato ay napaagbay sabay tawa.

"KUNG SINO MAN ANG NANDITO NA NAGTATAGO SA KANIYANG KAANYUAN BILANG TAONG-LOBO AY MAG-ISIP ISIP KA NA! GAGAMBALA KAYO O MASUSUNOG?!" Giit na sabi ni Alcalde Juan. Ang kaniyang galit ay lubos-lubos na. Napakaraming nangyari ng pagsalakay sa kaniyang termino kung kaya ngayon ay masaya siya na unti-unting natutupok ng apoy ang katawan ng mga halimaw ng San Fernando.

NAPAMULAT ng mata si Xavier. Ngayon lamang siya nagkaroon ng malay mula kagabi nang mailapat sa kaniya ang pinakamahapding gamot na dumampi sa kaniyang tiyan.

"Lumaban ka, Xavier!" saad ni Enrique sa kaibigan.

Bumalik na sila sa pagiging tao at si Xienna naman ay umuwi na muna upang makasuot siya ng damit at maikuha niya na rin si Xavier ng kagamitan.

Nang marating ang bahay-gamutan ay agad nilang inihiga si Xavier. Kahit na nahihilo at butil-butil na ang pawis sa noo ay pilit na dinidiktahan ni Xavier sila Mateo at Enrique kung ano ang dapat na halamang gamot ang pwede. Nang makompleto ay siya na mismo ang naglapat sa halamang gamot sa kaniyang tiyan. Maraming dugo ang nawala sa kaniya at tila ba katapusan na niya.

Napaigik at napasigaw siya sa sakit. Lumabas sa kaniyang tiyan ang isang itim na likido, hudyat na lumabas na ang lason sa kaniyang katawan. Nanghihihina siya at dahan-dahang pumikit ang kaniyang mga mata.

Pinakiramdaman niya ang paligid. Nakasuot na siya ngayon ng kamiso de tsino at may puting tela ang nakapulupot sa kaniyang tiyan.

"Kumusta ka, Xavier?" Agad na tanong ni Xienna nang makita ang kapatid na nakatitig ito sa kawalan. Galing siya sa likuran ng pagamutan dahil tinutunghayan niya ang maitim na usok na nanggagaling sa bayan.

Iginalaw ni Xavier ang kaniyang ulo at napatingin sa kaniyang ate. "Si ama, saan?"

Napangiti si Xienna dahil ang ama parin ang unang hinanap ng kapatid.

"Nandoon sa ating tahanan, huwag kang mag-alala, ayos lang si ama. Ikaw, magpahinga ka at magpagaling."

"S-salamat ate." Tugon ni Xavier. Pinipilit niyang umupo upang makakain na rin.

"Saglit at ipagkukuha kita ng pagkain."

Tumango lang si Xavier. Napahinga siya nang malalim dahil sa mga pangyayari kagabi. Naalala niya ang presensya ni Araceli sa kaniyang mga bisig. Masakit man sa kaniya na isipin na pagmamay-ari na siya ng iba ay talagang tatanggapin niyang naging mailap sa kanilang dalawa ang tadhana.

Basta't alam niyang ligtas si Araceli ay wala na siyang dapat iindahin pa.

NAGISING na lamang si Araceli dahil sa naririnig na mga usapan sa labas ng silid.

Napatingin siya sa paligid. Nasa silid siya ng bago nilang bahay.  Napatingin siya sa kaniyang kasuotan ngayon na nabago na. Nakasuot siya ng pantulog.

Pilit niyang inaalala ang mga pangyayari kagabi.

May nagligtas sa akin... iwinaksi niya ang kapareha niyang taong-lobo...

saad ni Araceli sa kaniyang isipan. Agad siyang napabangon at hinanap ang itim na libro na kaniyang inilagay sa kaniyang sariling tampipi.

Nang makita ay agad niya iyong binuklat. Napadpad siya sa pahinang may nakaguhit na isang taong-lobo na binubuhat ang isang babae na tila walang malay.

'La primera visión de la profecía.'
(THE FIRST VISION OF THE PROPHECY)

Kumunot ang noo ni Araceli nang mabasa ang nakasulat sa ibaba ng guhit. Hinanap niya ang pangalawang propesiya sa mga pahina at nang matagpuan ay wala itong guhit. Blanko.

Kinakabahan na siya. Hanggang napadpad siya sa may akda ng libro ngunit punit ito. Napahilamos siya sa kaniyang mukha.

Mukhang may kinalaman ito sa mga taong-lobo dito sa San Fernando. Hindi lang ito basta-basta libro. Bakit kaya interesado dito si Xavier dati pero pinaubaya niya nalang sa akin? Nais niya rin ba malaman ang nakakubling sumpa sa mga taong-lobo?

Naguguluhan na siya sa mga nakikita at nalalaman ngayon.

"Langga?"

Bahagyang nagulat si Araceli at agad na isinilid ang libro sa kaniyang tampipi. Humarap siya sa kaniyang esposo.

"Kumusta ka, langga?" Tanong ni Arturo at napatabi kay Araceli.

Pinagmasdan naman ni Araceli si Arturo na may puting tela ang nakapulupot sa kaniyang braso. 

"Ayos lang ako, ikaw ba? Ang iyong braso?"

Napangiti si Arturo at hinawi ang mga buhok ni Araceli. "Huwag ka ng mag-alala dito, langga. Maayo ko, baskog ko." (Ayos ako, malakas ako.)

Napangiti nalang din ng marahan si Araceli. "Ang akin lang ay naging magulo ang ating piging kagabi..."

"...talagang tatatak na sa ating isipan ang mga pangyayari kagabi habang buhay."

Napahinga ng malalim si Arturo at naalala ang isang taong-lobo na siyang nag buhat kay Araceli kagabi na tila ba kukunin na niya ito. "Galit na galit ako sa mga halimaw na iyon. May isa pang taong-lobo na balak kang kunin."

Napakunot-noo naman si Araceli sa narinig. "B-balak akong kunin?"

"Oo, binuhat ka niya. Kung kaya ay agad ko siyang binaril sa tiyan. Pero...natagpuan ko nalang ang aking sarili na bumulagta sa lupa. Kaya heto, nagkalasog-lasog ang aking braso."

"G-gising ang aking diwa habang nangyayari ang kaguluhan. Hindi niya ako balak kunin... Pinagtanggol pa nga niya ako."

"Ano?"

"Oo, langga. Totoo ang aking sinasabi. Sa aking palagay ay mabait siya."

"Walang mabait kapag halimaw." Seryosong tugon ni Arturo.

Napakagat na lang ng labi si Araceli at napayuko.

Hindi lahat ng halimaw ay ginustong maging halimaw.

Sa isip-isip pa ni Araceli.

"Nasa labas sila ama. Halika na." Saad ni Arturo na kanina'y malambing ang boses ngayon ay naging seryoso na.

Nauna ng lumabas si Arturo at sumunod na lamang sa kaniya si Araceli.


"UMPISA pa lang ang lahat! Sisiguraduhin kong mauubos ang angkan ng Cabrera, Romualdez, at lalong lalo na ang mga Sarmiento!" Galit na sabi ni Don Diego. Nagiging kulay abo ang kaniyang mga balintataw ngayon habang nakaharap sa kaniyang mga alepores.

Habang ang ina naman ni Estrella ay panay ang gamot nito sa anak. Naaawa na siya sa anak dahil ginagamit lamang siya ng kaniyang ama sa pansariling interest. Iba kung magalit ang kaniyang esposo kung kaya ay hindi niya mapigilan ito.

Samantalang si Ramon ay nilalaro si Agustin. "Gusto mo ba pumunta sa iyong ama?" Tanong niya sa pamangkin.

"Opo, pero baka magalit si lolo." Tugon ni Agustin.

"Hindi 'yan. Ako bahala."

"Pero kuya..."

"Ssssh. Saglit lang tayo doon. Pupunta tayo sa kaniyang bahay-pagamutan."

Napatango nalang si Agustin. Napaka-inosente ito at walang kaalam-alam sa mga kaganapan.

"Isa... dalawa... tatlo..."

Agad na iginalaw ni Ramon ang kaniyang kamay na parang naglalaro ng mahika sa harapan ni Agustin kung kaya ay nawalan ng malay ang bata at agad niya itong sinalo at inakay papalabas ng bintana sa kaniyang sariling silid.

Mabilis siyang tumakbo na parang isang segundo lang ay isang kilometro na ang kaniyang inabot.

Nang marating ang pagamutan ay naroroon ang tatlong don na nag k-kwentohan sa loob. Naroroon din si Mateo at Enrique.

"Ramon!" Tawag ni Mateo.

Natigilan sila nang may dalang bata si Ramon.

"Pumasok ka." Saad ni Mateo. Agad naman na nagbigay galang ang binata sa kanila kahit na nakakailang ay naglakas loob siya. Alam niyang may alitan ang pamilya nila.

Naabutan ni Ramon si Xavier at Nathaniel sa isang silid na walang kurtina kung kaya ay kitang-kita parin mula sa pwesto nila Mateo ang mga kaibigan kasama si Xienna.

Nanlaki ang mata ni Xienna.

"Alam kong malaki ang galit ninyo sa aking pamilya. Ngunit ako'y inyong kakampi. Alam ninyo 'yan." Saad ni Ramon at ibinalik na ang diwa ni Agustin.

"S-saan ako?"

"Nandito na tayo."

Natigilan si Nathaniel sa nakita.

"Ama!" Agad na lumapit si Agustin kay Xavier. "Ano po ang nangyari sa inyo?"

Napapikit ng mariin si Xavier at tsaka napatingin kay Nathaniel na ngayon ay parang may namumuong luha sa mga mata.

"Maayos ang pakiramdam ko, anak. Huwag kang mag-alala. Malakas si ama." Sabi ni Xavier at ginulo ang buhok ni Agustin.

"A-ama, sino po siya? Kaibigan niyo po? Bakit po siya umiiyak?" Tanong ni Agustin nang makita ang isang lalaki katabi ng kaniyang tiya Xienna na napatalikod sa kanila na humihikbi.

Napahinga ng malalim si Xavier at hinawakan ang magkabilang-balikat ni Agustin. Lumapit na rin sa kanila si Don Romualdez.

"Alam kong hindi mo pa gaanong maintindihan ang sasabihin ko sa'yo, Agustin..." Napatingin muna si Xavier sa kanilang lahat. At tsaka napatitig sa mga mata ni Agustin.

"Hindi ako ang tunay mong ama, anak. Sinabayan ko lang ang iyong ina na palikihin ka."

Halos hindi makagalaw si Agustin sa nalaman. "S-sino po?" Tanong ng bata na halos maiyak na rin.

Napakagat na lang ng labi si Xienna at napatingin sa bata. Awang-awa siya sa bata dahil sa kababuyang ginawa ni Estrella sa dalawang magkaibigan.

"Siya." saad ni Xavier na ngayon ay nakatingin kay Nathaniel na nagpupunas ng luha.

Agad na niyakap ni Nathaniel ang bata. May kung anong lukso ng dugo ang naramdaman ni Agustin. "Ikaw ang aking ama?"

"Oo, ako."

"Saan ka po nanggaling? Saan ka po noong panahon na magulo ang lahat?" Tanong ni Agustin. May mga luhang umaagos sa kaniyang mga mata.

"Mahabang kwento, anak. Ang importante ay nandito ako sa iyong harapan at nagkita tayo." Saad ni Nathaniel.

Inabot ni Agustin ang kamay ni Xavier at hinawakan niya rin ang kamay ni Nathaniel. "Dalawa pala ang aking ama." Sabay ngiti nito kahit maluha-luha pa.

Napatawa nalang ng mahina ang ama ni Nathaniel. "Maraming salamat sa pagdala mo dito, Ramon." Litanya ni Don Tiago kay Ramon.

"Wala po iyong problema, Don Tiago. Ako po ay inyong kakampi."

"Tunay ka na kaibigan, Ramon." Puri pa ni Enrique.

"Hindi ba't ang saya kapag dalawa ang ama? May dalawang magtatanggol sa'kin!" Sabi ni Agustin. Binuhat naman siya ni Nathaniel at hinalikan sa pisngi.

Sa mga oras na 'yon ay nakahinga ng maluwag si Xavier. Ang tanging problema niya lamang kung papaano puksain ang pagiging masama at sakim ni Don Diego.



TAHIMIK na kumakain ng hapunan sina Araceli at Arturo. Sila lamang dalawa ngayon sa bagong bahay.

Patuloy lang ang pagkain ni Araceli kahit na walang umiimik sa kanilang dalawa.

Kanina lang ay ipinahayag ni Araceli sa kaniyang ama at kay Don Renato na hindi lahat ng taong-lobo ay masama ngunit tawa lamang ang kaniyang narinig. Katulad sa sinabi ni Arturo na lahat ng halimaw ay masama ay ganoon rin ang sinabi ng kaniyang ama.

Alam niyang may galit ang ama sa mga taong-lobo dahil sa kanila ay napaslang ang kaniyang lolo.

"Paumanhin kanina kung naging seryoso ang aking pakikitungo." Basag ni Arturo sa katahimikan na pumapagitna sa kanilang dalawa.

"Walang problema." Tugon ni Araceli at napainom ng tubig.

Tapos na rin kumain si Arturo at napainom na rin ng tubig. Tumayo si Araceli upang ligpitin ang mga baso at plato.

Pagkatapos ng lahat ay agad na pumasok si Araceli sa silid. Naiwan naman si Arturo sa labas.

Nakaupo siya sa higaan at nakikita niya parin ang anyo ng halimaw na siyang nagligtas sa kaniya.

Kung sino ka man ay malaki ang pasasalamat ko sa'yo. Sana'y makilala mo ako kapag naglandas ang ating tadhana.

Narinig naman ni Araceli na umuwang ang pinto. Napatingin siya kay Arturo na ngayon ay nakasuot na rin ng pantulog.

Napatabi sa kaniya ang esposo. Hinalikan siya sa pisngi. "Mahal kita. Sana ay bukas ayos na ang lahat."

Nakatitig lamang si Araceli sa kaniya. Napangiti siya at hinawakan ang kamay ng esposa. Malamig ito.

Lumapit pa siya ng kaunti kay Araceli. Unti unti niyang inilapit ang mukha dito at diniinan ng halik. Ngunit pagkatapos ay umiwas si Araceli.

"Bakit?"

"H-hindi pa ako handa sa ngayon."

Napahinga si Arturo ng malalim at napangiti. "Sige, walang problema iyon langga. Halika na, matulog na tayo."

Napahiga na rin si Araceli at niyakap siya ni Arturo mula sa likuran. Hinawakan niya nalang ang kamay ng esposo upang hindi sumama ang loob. Hindi niya batid kung bakit iniiwasan niya ang ganitong pagtatagpo.

Nagpapasalamat parin siya na nirespeto ni Arturo ang kaniyang disesyon.



TANGING huni ng mga kuliglig na lamang ang naririnig at nakabalik na si Xavier sa kaniyang silid. Hindi pa siya dinadalaw ng antok.

Kahit papaano ay masaya siya na nakita na ni Agustin ang totoong ama. Kahit na sekreto ang pagkikita nila ngunit alam niyang masaya si Nathaniel. May kabuluhan na ang kaniyang buhay.

Napatitig na lamang si Xavier sa larawan ni Araceli at ang panyo na ngayon ay kaniyang hawak-hawak.

Naisipan ni Xavier na magsulat ng saloobin sa isang papel. Kumuha siya ng pluma at papel na nakasilid sa ilalim ng kaniyang higaan.

Naroroon ang guhit ng gumamela at ang guhit na mukha ni Araceli.

Sa bakanteng papel ay nagsimula na siyang magsulat.

II-XV-MDLV

Sa mundong aking kinagagalawan ay ako'y nakakulong. Hindi ko man gusto ang mga pangyayari ngunit tila may bumubulong na kailangan kong harapin at panindigan ang lahat ng hamon na dadating.

Hindi man ako sinuwerte sa kapalaran ay mananatili akong mahinahon sa landas na akin pang susuungin. Hindi ako naniniwala na may Diyos na siyang sinasabi ng aking kaibigang pari. Ngunit pinapakita niya pa rin ang kabutihan sa lahat kahit na kami ay makasalanan.

Para sa aking unang pag-ibig, kung dumating man sa punto na mababasa mo ito kahit ay impusible...huwag mong kalimutan na nakaukit ka na sa aking puso at magiging bahagi ka ng aking diwa at buhay magpakailanman. Masaya ako na nakita kang masaya na sa mga bisig ng ginoong magpapatunay ng pagmamahal sa'yo.

At sa'yo ina... malayo na ang aking nilakbay, magaling na po akong mangagamot. Sana ay masaya ka ngayon kung saan ka naroroon. Bantayan mo kami palagi ni ama at ni ate. Mahal na mahal kita, ina.

Sa bandang huli ay dapat na naririyan pa rin ang tapang at ang aking lakas ng loob sa bawat hamon ng buhay.

                        X. Sarmiento.

----•••----•••----•••----•••---•••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro