Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17: Raíz de Catástrofe

---•••---•••---•••---•••---•••---•••

DALAWANG araw nalang at ikakasal na si Arturo at Araceli. Ngayon pa lang ay abala na sila sa pag de-dekorasyon ng palamuti sa mansion ng mga Torres. Inaayos na ang magiging pwesto sa likod ng mansion kung saan mangyayari ang piging sa gabi. May nag-aayos din ng kalesa at ginawa itong magarbo dahil ito ang maghahatid kay Araceli patungo sa simbahan.

"Ano ba 'yan, hindi ganyan. Ganito..." Reklamo ni Ariana kay Crisologo habang nag eensayo sila ng sayaw na tinikling na kanilang e rerepresenta sa piging.

Kanina pa napapailing at tumatawa si Daniel sa dalawa dahil palaging pinapagalitan ni Ariana si Crisologo. Samantalang si Claridad naman ay panay awat sa dalawa dahil parang mga aso at pusa kung magbangayan.

"Oo na, dahan-dahan muna kayo Claridad. Ang sakit kaya maipit ang paa sa pagitang ng mga kawayan na 'yan." Reklamo rin ni Crisologo.

Napaagik-ik nalang si Claridad dahil parang nakakaramdam na ng pagkatindi ang kambal. "Masakit na rin ang aming mga kamay, sa kawayan kasi dapat nakatitig habang nagsasayaw...hindi kay Aring." Tukso ni Claridad sa dalawa.

"Yieee! Haha!" Tukso rin ni Daniel.

"Ha-ha-ha, akala niyo nakakatuwa?" Sarkastikong tawa ni Crisologo at sinuway ang dalawa.

"Sus! Parang ano..."

"Ano?" Hirit pa ni Ariana kay Claridad.

"Wala, sige na. Simulan niyo na ulit ang mga hakbang sa pagsasayaw ng tinikling. Mahiya naman tayo sa mga nag rorondalla." Sabi pa ni Claridad at pinipigilan ang pagtawa.

Napailing nalang si Crisologo at inilagay na ang mga kamay sa likuran.

Habang si Araceli naman ay nasa silid ni Arturo at tiningnan ang kabuuan ng traje de boda. Magarbo ito na baro at saya. Kulay puti ito at detalyado ang pagkaburda ng disenyong rosas. Naroroon din ang mga palamuti sa kaniyang buhok at ang balabal.

"Maganda ba, langga?" Nakangiting tanong ni Arturo kay Araceli.

"Oo, langga." Napangiti rin pabalik si Araceli kay Arturo. Hindi na siya makapaniwala na dalawang araw nalang ay ikakasal na silang dalawa.

Tanggap na ni Araceli ang nakalaang tadhana para sa kaniya. Talagang hindi sila para sa isa't isa ni Xavier at nakatalaga na ang magiging buong buhay niya kay Arturo.

"Ikaw ang pinakamagandang babae na ikakakasal sa araw na 'yan." Litanya ni Arturo at hinawakan ang kamay ni Araceli sabay halik dito.

"Pinakamagandang regalo rin para sa akin ang araw na 'yan. Kaarawan ko, kasal pa natin, at isa pa...hindi ba't araw ng mga puso rin 'yan?"

"Ay, oo nga pala. Hindi nga talaga malilimutan ang araw na 'yan." Wika ni Arturo at niyakap ang kabiyak.

Naamoy ni Arturo ang halimuyak sa leeg ni Araceli, hinalikan niya 'yon at kumawala na agad. Marahan na napangiti sa kaniya ang kabiyak.

"Sabik na akong makasama ka habang buhay, langga."

"Habang buhay." Pakli ni Araceli.

NAGING abala si Xavier sa paggawa ng gamot sa kaniyang bahay-pagamutan. Isa sa mga ginagawa niya ngayon ay ang gamot ni Nathaniel. Hindi niya tinanggap ang alok na salapi sa kaniya ni Don Tiago. Basta malapit sa kaniya ay hindi na niya inaasam na siya'y magpapabayad.

"Kaibigan!"

Napatingin si Xavier kung sino ang dumating. Sila Enrique at Mateo.

"Kayo pala, buti at naisipan niyo pa na dalawin ako dito." Saad ni Xavier. Napahinto siya sa pagtitingin ng mga halamang gamot dahil sa presensya ng dalawang kaibigan.

"Napansin namin itong nakaraang araw ay abala ka na sa pagiging manggagamot, ganiyan na ba talaga kapag may pamilya? Kailangan kumayod? Mayaman naman kayo." Wika ni Enrique.

"Hunghang, ayaw ko lang talaga ang presensya niya...umupo na muna kayo."

Binigay naman ni Xavier ang mga silya sa dalawa.

"Kaninong presensya? Kay Estrella?" Singit na tanong ni Mateo.

"Sino pa nga ba? Wala namang ibang dahilan kung bakit nagiging seryoso at bugnutin minsan si Xavier eh."

"Anong minsan? Parati." Aniya Mateo.

"Mga hunghang talaga kayo, akala niyo naman wala sa harapan ang pinag-uusapan ninyo."

Napatawa nalang ang dalawang kaibigan.

"Kawawa si Nathaniel...hays ang kaibigan natin na nabulag sa pag-ibig, kaya ayaw ko sumugal sa ganiyan." Biglang sabi ni Enrique nang maalala ang kaibigan.

"Duwag ka lang talaga." Tukso ni Mateo sa nakakatandang kapatid.

"Bahala na, hindi tulad sa'yo palagi lang pinaglalaruan ang puso ng bawat binibining iyong mabibingwit. Wala ka talagang bayag." Ganti ni Enrique.

"Dumito lang pala kayo para magbangayan." Sabay tawa ng mahina ni Xavier at inilapag ang babasaging baso at ang isang bote ng vino sa maliit na mesa. Itinabi na muna niya ang mga halamang gamot.

"May marijuana ka ba dito, Xavier?" Tanong ni Mateo.  Binatukan naman siya ni Enrique.

"Anong marijuana ha? Panggamot lang 'yan, hindi sa gusto mo lang gamitin." Suway ni Enrique.

"Nagtatanong lang naman." Sabay himas ni Mateo sa kaniyang batok.

"Oo, mayroon. Para lamang 'yan sa mga pagod ang utak sa kaiisip at gustong lumutang muna at kumawala sa realidad." Saad ni Xavier.

"Bagay 'yan sa'yo, kuya. Pagod na ang iyong utak, hindi ba?" Pabirong sabi ni Mateo kay Enrique.

"Gago, pwera naman sa'yo na hindi pa nga nakakagamit, lutang na."

"Itigil niyo na 'yan. Balik tayo kay Nathaniel." Sabi ni Xavier.

Sinalinan naman ni Mateo ang baso ng alak at nilagok iyon at handa ng makinig sa sasabihin ni Xavier.

At ikinwento lahat ni Xavier ang naging plano nila ni Don Tiago patungkol sa anak nito sa bilangguan.

"Sang-ayon ako diyaan. Tulungan natin ang ating kaibigan." Wika ni Mateo.

"Tama nga ang iyong suhestiyon kay Don Tiago, napakatalino mo talaga, kahit kailan." Puri ni Enrique.

"Saan pa pala nag mana? Edi sa akin." Sabi pa ni Mateo. Napaismid naman ang kaniyang kuya sa sinabi niya.

"Sana'y matauhan din si Nathaniel at kamuhian ang babaeng 'yon, pati ikaw nadamay." Seryosong litanya ni Enrique.

"Maraming nabago sa aking mga plano, pati ang babae na nililigawan ko ay lumayo sa akin."

"Ano? Wala kang naikwento na may nililigawan ka." Takang sabi ni Mateo. Kahit na si Enrique ay napakunot-noo.

"Sino ba 'yan? Matagal na ba?"

"Matagal na ang nakalipas magmula noong pinagtabuyan niya ako dahil kay Estrella." Sabi ni Xavier sa dalawa.

"Sino ba? Kaparehas lang din ba natin siya?" Tanong ni Mateo.

"Hindi, siya ay mortal na tao."

"Haha! Gusto mong maulit ang kasaysayan?" Aniya Enrique.

Nabaling na ngayon ang sarili ni Xavier kay Enrique at parang naguguluhan sa sinabi ng kaibigan.

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Hindi ba't isang mortal na tao rin ang naibigan ng iyong ama?"

Napangisi si Mateo at nagsalita. "Ano ka ba? Mana mana lang 'yan."

"Ano na ang nangyari sa binibining iyong niligawan noon?" Tanong pa ni Enrique.

"Wala. Ikakasal na siya sa kaniyang kababata." Saad ni Xavier at napasandal sa upuan at napa de-kwatro ang paa.

Sandaling natahimik silang tatlo hanggang sa tumikhim nalang si Mateo.  "Iinom na lang natin 'yan! Kapag may problema, inom lang ng serbesa ang katapat niyan!"

Tumawa nalang sila at sa kanilang wari'y napaka-normal na lang ng kanilang problemang pinagdadaanan.

NASA tahanan ngayon ng ama si Estrella at gustong pag-usapan ang mga plano na kaniyang nabuo laban sa kahina-hinalang kilos ng mag-amang Sarmiento.

"Ama, sa tingin ko ay pinagkakaisahan kayo ni Don Quasimodo." Sabi ni Estrella na ngayon ay nakaupo sa loob ng opisina ng ama.

"Bakit mo naman 'yan nasabi?"

"Noong nakaraang araw lamang ay palaging wala si Xavier sa tahanan. Hindi ko siya mahagilap. Matapos ang pag-uusap ng mag-ama ay nag-iba na ang pakikitungo sa akin ni Xavier." Sabi ni Estrella.

Noong pumunta si Don Quasimodo sa kanilang tahanan upang kausapin si Xavier ay taimtim siyang nakinig sa pag-uusap ng dalawa kahit malayo at nasa loob siya ng silid. May mga kataga siyang narinig tulad ng

"Gamutin mo"

"Tulungan mo ang iyong kaibigan."

Ginamit niya ang kakayahan kahit medyo malabo ang naririnig. Matagal na siyang hindi nakakakain ng laman ng tao kung kaya ay nawawala na rin ang kaniyang kakayahan para mang hipnotismo.

Sinunod niya ang mga kondisyon ni Xavier noon na kapag kakain siya ng laman ng tao ay hindi ito papayag magpapakasal kahit ano man ang mangyari.

Napahinga ng malalim si Don Diego at sinindihan ang tobacco.

"Sa tingin ko po ama ay may plano silang gamitin si Xavier upang gamutin si Nathaniel."

"Hindi 'yan anak. Hindi nila 'yan magagawa. Maghahanap ako ng paraan." Kalmado ang boses ni Don Diego.

"Ayaw kong malagay sa alanganin ang lahat, ama. Ayaw kong lumaki si Agustin na si Nathaniel ang makikilalang ama."

"Alam ko, huminahon ka. Ako rin, ayaw ko na may koneksyon ang ating pamilya sa mga Romualdez dahil hindi ko gusto ang tabas ng dila ni Tiago."

Noon pa man ay naiinggit na si Don Diego sa pamilya Romualdez. Gusto niya mang angkinin ang puwesto ni Don Tiago ay hindi niya basta basta makukuha dahil nahulog ang loob ng mga tao sa kanilang nasasakupan sa don. Akala niya noon na siya ang susunod kay Quasimodo sa pwesto ngunit nagkamali siya nang si Tiago ang naihalal bilang pangulo ng nasasakupan.

Minsan ay palihim niya itong sinisiraan at kung minsan ay ginagamit si Estrella upang akitin ang kanilang anak na si Nathaniel. Ngayon ay nagtagumpay ang plano ni Don Diego, unti unti niyang nakikita ang pagkalugmok ng mag-asawang Romualdez.

"Dadanak ang dugo kapag ginawa at sinunod ni Xavier ang plano ng mga Romualdez." Sabi ni Don Diego na may halong pagbabanta at napangiti ng nakakaloko.

KINAUMAGAHAN ay tumungo na agad si Xavier sa kaniyang bahay-pagamutan. Makulimlim ang kalangitan at sa kaniyang wari'y uulan mamayang tanghali.

Naroroon na sila Enrique at Mateo sa likuran na bahagi ng Bahay-pagamutan na nakasuot ng itim na talukbong. Sila ang magiging mata sa paligid.

"Hihintayin nalang natin si Don Tiago." Saad ni Xavier at binigyan niya ang dalawa ng mga boteng naglalaman ng likido na kapag nainom nila ay mas tatalas ang kanilang paningin at pandinig.

Pagkalaunan ay dumating na rin si Don Tiago. May dala itong sariwang karne ng baboy na nakasilid sa isang tampipi na siyang ibibigay sa anak.

"Magandang Umaga po." Bigay galang ni Xavier sa don.

Inabot niya na rin ang isang maliit na bote na siyang makakapagpagaling kay Nathaniel.

"Pupunta ako ngayon sa tahanan ni Don Diego, dadalhan ko siya ng serbesa na magbibigay ng antok." Wika ni Xavier.

At naghiwalay na sila ng landas.

Tinatahak na agad ni Xavier ang tahanan ng mga Vargas.

"Saan ka pupunta, hijo?"

Nakarinig ng malalim na boses si Xavier sa kalagitnaan ng paglalakad kung kaya ay napalingon siya.

"D-don Diego?"

"Ako nga, saan ka tutungo?"

"Sa inyong tahanan sana."

"Bakit?" Malamig ang boses ni Don Diego.

"Gusto ko regalohan ka ng serbesa."

"Salamat, ginoong Xavier. Halika na sa tahanan. Tiyak na matutuwa din si Ramon."

Nanatiling vigilante si Xavier at pinapakiramdaman ang nasa paligid.

Hindi pwede maudlot ang plano...

Saad ni Xavier sa sarili.

PUMASOK na si Don Tiago sa loob ng bilangguan. Nakakasulasok man ang amoy ay kaniyang tinitiis. Naroroon ang mga taong nawalan ng bait at ang iba ay nilaslas nila ang leeg upang wakasan ang buhay. May sumisigaw at may umiiyak. Mapababae o bata.

"A-anak." Bungad ni Don Tiago sa anak na ngayon ay nakaupo sa sulok at tinatakpan ang tenga.

"Huwag kayong maingay...maririnig nila tayo..." Sabi ni Nathaniel at bigla na lang itong ngumisi at napahiga sa maruming sahig.

"M-may pagkain si ama. Halika..."

"Pagkain? Saan?"

"Nandito sa akin, anak."

Bumangon naman si Nathaniel at suminghot singhot pa sa paligid. Parang tinutusok ng maraming karayom ang puso ni Don Tiago sa kalagayan ng anak.

Ipinasok ni Don Tiago ang kamay sa rehas at inilapag ang karne ng baboy. Agad iyon na nilantakan ni Nathaniel na parang hayok na hayok sa laman. Umiiba rin ang kulay ng balintataw ni Nathaniel, nagiging berde ito. Senyales na wala ito sa sarili.

"Kumain ka lang, anak. Malapit ka na rin gumaling." Wika ni Don Tiago sa anak.

KAKAIBA ang kabog sa dibdib ni Araceli ngayon. Hindi niya wari kung kinakabahan lang ba siya bukas dahil magiging ganap na siya na isang Torres o may iba pang dahilan?

"Ayos ka lang ba, ate Ara?" Tanong ni Ariana sa kaniyang ate na ngayon ay nakahawak sa kaniyang dibdib.

"O-oo, ayos lang ako. Kumusta na ba ang pag-ensayo ninyo ng tinikling?"

"Naging perpekto na din kahit paulit-ulit na."

"Sus, magaling kayo. Kayo pa."

"Saan nga po pala si Kuya Arturo?"

"Sinamahan si Ama at ang kaniyang ama na mamimili ng sapatos sa lungsod."

Napatango naman si Ariana at inilibot ang paningin sa kabuuan ng mansion ng Torres. "Napakaganda talaga ng kanilang mansion, ate. Parang nahahalintulad sa inyong bagong tahanan ni Kuya Arturo."

Napangiti nalang si Araceli dahil napaghandaan talaga ang lahat. May sarili na silang tahanan ni Arturo na pinagawa niya noong nakalipas ang tatlong taon at may negosyo pa ang binata. Talagang handa na sila magkapamilya.

Napahinga ng malalim si Araceli at napasandal sa isang bangko tapos napapaypay pa sa sarili.

"Ate, hindi ba imbitado si Ginoong Xavier?" Pabirong tanong ni Ariana.

"Loko-loko ka talaga, Ariana."

Naalala niya na naman ang naging huling pagtatagpo nila ni Xavier. Kahit masakit ay kailangang tanggapin na malabo talagang makiayon sa kanilanh dalawa ang tadhana.

"Oo nga, paano kung pupunta si Ginoong Xavier?"

"Hindi."

"Paano kung..." Ulit pa ni Ariana.

"Hindi nga." Giit pa ni Araceli.

"Dahil masasaktan siya?"

"Hindi ko alam, Ariana. Hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaksiyon ko kapag nakita ko siya."

Napasalong-baba na lamang su Ariana na pinagmasdan ang ate sa kabilang silya.

"Pero alam mo ate..." Umusog pa ng kaunti si Ariana at bumulong. "Mas gusto ko pa si Ginoong Xavier para sa'yo."

"Sshh...baka may makarinig. Loko ka talaga kahit kailan. Hayaan na natin si Xavier, may sarilinh pamilya na 'yon. Tanggap ko na man. Tanggap na naming dalawa."

Napangisi na lang si Ariana sa kaniyang ate.

"KUYA mukhang walang bakas ni Don Diego..."

"Huwag tayong pakampante. Makinig tayo sa paligid."

Biglang dumagundong ang kalangitan at nagbabadya na ang pagbagsak ng malakas na ulan.

Si Don Tiago naman ay sinisikap na mapainom ang gamot. "Halika anak, inumin mo ito."

"Ito? Inom?"

Napatango naman si Don Tiago sa anak.

"Si Xavier ang nagbigay sa akin niyan. Tinulungan ka ng iyong kaibigan. Halika na, buksan mo na ang iyong bibig, anak."

Samantalang sila Mateo at Enrique naman kahit na umuulan ay sinikap nilang pakiramdaman ang paligid. Nagtatago silang dalawa sa makapal na mga halaman.

"Saglit...may naririnig akong kaluskos...may paparating!" Saad ni Enrique habang nakapikit na pinapakiramdaman ang paligid.

Hinanda ni Mateo ang sarili sa posibleng pag-atake.

"Sa palagay ko ay hindi si Don Diego ang paparating kung' di ang mga alipores niya." Saad ni Enrique sabay sa pagbukas ng kaniyang mga mata.

"Ibig sabihin ba nito ay umepekto ang serbesa na dala ni Xavier? Kung kaya ay mga alipores lamang niya ang nakarating?"

"Posibleng ganoon pero posible ring inutusan niya ito upang magmasid sa paligid."

"Bakit, alam ba nila na papasok si Don Tiago diyaan at dala-dala ang gamot?"

Mariing napapikit si Enrique. "Hindi natin alam, Mateo. Iba si Don Diego."

Dahan-dahang  binuksan ni Don Tiago ang maliit na bote.

"Inumin mo na ito, anak."

Ngunit may biglang sumipa sa kaniyang kamay na siyang ikinabitaw niya sa bote at gumulong ito sa loob ng lungga ni Nathaniel.

"K-kunin mo, anak... Inumin mo--aaak!"

Biglang sinakal si Don Tiago ng isang lalaking nakasuot ng pulang talukbong.

Samantalang ang mga nasa loob ng kulungan ay nagwawala na. Si Nathaniel naman ay pilit ginigiba ang rehas dahil sa gulat. Umuusok ito kapag nahahawakan ni Nathaniel.

Kakalmutin na sana ng lalaking nakapula si Don Tiago ngunit mabilis pa sa mabilis na humarang si Enrique at siya ang nakaramdam ng matinding kirot ng kalmot. Nanunuot sa kaniyang laman ang kuko ng lalaking naka pula.

"Enrique?!" Bulalas ni Don Tiago.

Kahit na nahihirapan si Enrique ay humarap siya sa kalaban at buong pwersa niya itong binalian ng leeg.

Si Mateo naman ay dinambahan ang ibang alepores ni Don Diego kahit na ang tagabantay ng bilangguan ay walang takas sa kamatayan na naroroon sa mga kamay ni Mateo.

Bali-bali ang buto ng mga alipores.

HINDI pa man naisasalin ni Don Diego ang alak ay biglang bumukas ang pintuan ng mansion.

"Don Diego, nagkakagulo sa bilangguan!"

"Ano?"

Si Xavier naman ay hindi na nag dalawang isip na lumundag sa bintana ng mansion.

Napalingon sila agad sa bintana.

"PUNYETA! SUNDAN NINYO SI XAVIER!"

Nag-aalburuto na ngayon ang ulo ni Don Diego dahil sa kagagawan ng mga Romualdez.

Mabilis na tumakbo si Xavier patungo sa bilangguan at doon ay nakita si Enrique na namumutla na habang akay-akay siya ni Mateo at Don Tiago.

"Dalhin ninyo si Enrique sa pagamutan."

"Paumanhin, hindi ko napainom ang g-gamot sa aking anak." Nanghihina na sabi ni Don Tiago.

Napasabunot ng buhok si Xavier at tumakbo sa loob.

"Sa pagamutan nalang tayo magkikita. Pumunta na kayo doon, bilis!"

"Delikado, Xavier!" Sigaw ni Mateo sa kaibigan. May galos sa gilid ng labi si Mateo at may sugat ang kaniyang mga kamao pati ang mga tuhod. May kalmot din siya sa braso.

Pumasok si Xavier sa loob.

Mula sa itaas ng bubungan ay bumulaga doon ang iba pang alipores ni Don Diego.

"¡No puedes vencernos!" (You can't defeat us!)  Sigaw ng kalaban.

Wala ng magawa si Xavier kundi ilabas ang kaniyang matatalas na kuko at naging kulay pula ang kaniyang balintataw dahil sa galit.

May mga gusto siyang patayin ngunit bigo sila na makalapit kay Xavier dahil tunay na malakas ang binata.

Umiilaw rin ang nakaguhit sa kaniyang pulso ang salitang 'maharlika'.

Dadambahan na sana siya ngunit mabilis siyang nakailag at agad na kinuha ang puso ng kalaban. Ginamit rin niya ang kaniyang kakayahan na pagalawin ang mga bagay na siyang kinagulat ng mga kalaban.

Pinagalaw ni Xavier ang mga palakol na nakasabit sa pader na pinapagitnaan ng sulo na apoy. Gamit ang isipan ay itinarak ni Xavier ang palakol sa ulo ng isa sa mga kalaban.

Biglang umatras ang mga kalaban dahil hindi nila makakaya kapag may ganitong kakayahan.

Natatangi si Xavier sa lahat.

Nang mawala ang kalaban ay buong pwersa niyang giniba ang rehas. Hindi niya ramdam ang pagkakapaso.

Agad niyang nakita ang maliit na bote at dinampot 'yon.


SAMANTALA si Don Quasimodo at Xienna ay nag-alala na kay Xavier dahil sa maaring mangyayari ngayon.

"Ayos lang kaya si Xavier, ama?" Saad ni Xienna na tila nababalisa na.

"DON QUASIMODO! NAGKAKAGULO NA!"

Natigilan si Don Quasimodo at agad na napalabas ng mansion. Sumunod naman sa kaniya si Xienna.

"Maraming alipores ni Don Diego ang namatay sa kagagawan ni Mateo at Enrique. Maging si Xavier!" Sabi ng lalaki na tagahatid ng balita sa kanila.

"Galit na galit si don Diego ngayon!"

Napakapit si Xienna sa bisig ng ama.

"Pupunta ako sa bahay pagamutan ngayon."

"Sasama ako, ama."

Agad na silang tumungo sa bahay-pagamutan ni Xavier.

Abot hanggang lalamunan ang kaba ni Xienna sa mga oras na ito. Maging si Don Quasimodo ay nababahala na at baka maudlot ang mga plano.

---•••---•••---•••---•••---•••---•••---•••

Featured Song:
Celtic Music

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro