Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 15: Ang Masilayan Ka

Filipinas, 1855
---•••---•••---•••----•••---•••---

INAABANGAN na ngayon nila Don Felipe, Doña Viviana, Amanda at Ariana ang isang bapor-tabo sa daungan na galing sa Sugbo.

Marami ang mga nangyari sa kanilang buhay sa lumipas na limang taon. Nagkaroon na ng kabiyak si Amanda na isang heneral ng hukbo ng San Fernando na si Santiago Villacorte. Nagkaroon sila ng isang supling na lalaki na nagngangalang Marcelo. Samantalang si Ariana naman ay nanatiling abala sa pagtuturo sa mga bata na hindi kayang paaralin ng magulang sa isang prestihiyusong paaralan.

Samantalang si Araceli naman ay pumunta ng Sugbo dahil pinasama siya ng pamilya Torres doon upang ipasyal sa kanilang lugar. Nanliligaw na sa kaniya si Arturo at ngayon na lumipas na ang limang taon ay nagbabalak na silang magpakasal. Limang taon na rin na hindi sila ginagambala ng taong lobo at parang wala nalang sa kanila ang mga alulong nito kapag sasapit na ang kabilugan ng buwan, basta't hindi na sila ginagambala at hindi na rin nila papakialaman ang buhay ng mga taong lobo.

"Ayan na ang bapor-tabo! Tiyak na lulan na diyaan sina Araceli!" Tuwang-tuwa na sabi ni Amanda. Tatlong buwan din na namalagi doon si Araceli sa Sugbo.

Maraming tao rin ngayon ang nag-aabang sa daungan at may mga disenyong banderitas na nakakalat ngayon sa San Fernando dahil ngayon ang piyesta sa lugar. Enero Trenta.

Tumunog na ang bapor-tabo hudyat na malapit na ito sa daungan.

"Marcelo, makikita mo ulit si ate Araceli!" Sabi ni Ariana sa pamangkin habang inaliw-aliw ito ng isang laruan na gawa sa kahoy.

Lumipas ang ilang minuto ay bumaba na rin sa wakas ang mga pasahero sa bapor-tabo, isa na doon sina Araceli.

"Anak! Ako'y nagagalak na makita ka. Nangulila ako ng tatlong buwan sa iyo." Bungad ni Doña Viviana at napayakap sa anak. Nagkamayan rin ang dalawang mag kumpare at nagbigay galang rin si Arturo at Daniel sa kanila pati ang ina nito.

"Sa aming tahanan na kayo mananghalian, nagpahanda ako doon ng marami dahil pyesta ngayon." Aya sa kanila ni Don Felipe. Pagkatapos ay niyakap niya rin ang anak, hindi pa rin siya makapaniwala na sa huli ay ikakasal na si Araceli sa kaniyang kababata.

"Silong! Kumusta ka, munting ginoo?" bati ni Araceli sa pamangkin at agad niya ito kinuha kay Amanda at pinaghahalikan sa pisngi. Dalawang taong gulang na si Marcelo at makikita mo sa bata na may natatangi itong kagwapuhan na namana sa ama nitong si Santiago. Lumapit rin si Arturo sa dalawa at hinawi ang buhok ni Marcelo at hinalikan ang kamay ng bata.

"Sus, magkakaroon din kayo ng ganiyan." Tukso ni Amanda sa dalawa. Nagtawanan ang lahat bagay na ikinamula ng pisngi ni Araceli at pasimpleng napangiti.

NAKASAKAY ngayon ng kalesa si Xavier at tutungo siya sa San Fernando dahil may kinakailangang bilhin para sa handaan ng kanilang anak ni Estrella. Apat na taon na ang gulang ng kanilang anak na si Agustin.

Bago makarating sa pamilihan ng mga karne at isda ay dadaan na muna sa daungan. Nakasandal lamang si Xavier at sinasamsam ang bawat memorya na mayroon siya dito sa San Fernando.  Sa loob ng limang taon ay natutunan niyang tanggapin ang lahat ng binibigay sa kaniya ng tadhana.

Sa limang taon na pagsasama nila ni Estrella ay karamihan doon ang kanilang pagtatalo at hindi niya mawari kung bakit hindi niya parin kayang suklian ang pagmamahal sa kaniya ni Estrella. Samantalang si Nathaniel naman ay tuluyan na nawalan ng bait, gusto niyang tulungan ang kaibigan ngunit si Don Diego Vargas na ang pumipigil sa kaniya na huwag gawin iyon. Nakakulong ang kaibigan sa isang malaking bilangguan nila doon na kung saan may rehas na nakakapaso kapag sinusubukan nilang tumakas.

At limang taon na rin ang nakalipas na hindi na niya nasilayan pa si Araceli. Kahit saan siya pumunta ay bantay sirado siya ni Estrella. Ngayon lamang siya nakalabas ng mag-isa dahil abala ang lahat sa kaarawan ni Agustin.

"Señor, piyesta pala ngayon dito sa San Fernando." Wika ng kutsero ni Xavier.

"Oo, tiyak na may mga handaan na naman ngayon." Pakli ni Xavier.

Nadaanan na nila ang daungan at may kung anong kirot ang naramdaman nang makita ang babaeng naging parte ng kaniyang buhay.

Masaya ito habang kasama si Arturo at may buhat-buhat na isang batang lalaki na kanilang pinaghahalikan. Kahit limang taon na ang nakaraan ay hindi parin nawawala ang nararamdaman ni Xavier kay Araceli at hindi mapapalitan ninuman. Masaya na rin siya sa nakita dahil kahit papaano ay nakita ni Araceli ang totoong iniibig niya at ngayon sa wari niya ay anak nilang dalawa iyon.

Napahinga nalang siya ng malalim at pinipigilan ang mga luhang gustong kumawala.

"¡FELIZ FIESTA!" (Happy Fiesta!) bati ng mga kasambahay at mga bisita ng mga De La Vega nang makarating sa tahanan. Naroroon si Alcalde Juan kasama ang esposa at anak na ngayon ay walong taong gulang na.  Naroroon din ang pamilya Santa Mesa at ang pamilya Villacorte.

Agad naman na napayakap si Catalina kay Araceli.

"Ara, ang tagal nating hindi nagkita!"

Napangiti at napayakap pabalik sa kaibigan si Araceli.  Samantalang si Ariana naman at Claridad ay hindi na maiwasan ang makipagdaladalan. Sinusulyapan lamang ni Ariana si Crisologo. Nagtama naman ang kanilang paniningin. Nitong mga nakaraang buwan lang ay panay ang pagpapadala ni Crisologo ng sulat sa kaniya dahil nanliligaw ito.

Samantalang si Amanda naman ay napahalik sa pisngi ng kabiyak na kakarating lamang galing sa himpilan ng mga gwardiya-sibil.

"Bagay na bagay kayo ni Arturo! Hindi ko akalain na magkababata pala kayong dalawa." Saad ni Catalina sa kaibigan.

"Hindi ko nga rin akalain na ikakasal na rin kami. Ikaw ba? Kailan kayo ikakasal ng iyong kabiyak?" Usisa ni Araceli.

"Ano ka ba, hiwalay na kami ni Julio. Napaka-swapang! Hindi ko na nagustuhan ang ugali." Reklamo pa ni Catalina.

Tumawa nalang ng mahina si Araceli at hinaplos ang likuran ng kaibigan. "Ayos lang 'yan, huwag na pilitin kung hindi kana komportable."

"Kaya nga, o sya, ipasok mo muna ang inyong mga tampipi sa silid mo."

"Sige, saglit lang. Mamaya ay babalik ako."

Tumango sabay ngumiti si Catalina sa kaibigan.

Nang makapasok si Araceli sa silid ay agad niyang inilagay ang mga tampipi sa isang sulok. Nakita niya rin ang dating silyang de gulong. Limang taon na ang nakalipas ngunit sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang mga pangyayari kung saan napagaling siya ni Xavier.

Hindi na rin niya mahagilap si Xavier at ni anong pagpaparamdam ay wala na, tila ba huli na nilang pagkikita noon at buhay na buhay parin ang liham niyang nakaipit sa libro, ang libro na kung saan naroroon ang mga sandaling pagkikita nila at paglalapit sa kanila ng tadhana.

Maging si Don Felipe ay nagtataka kung bakit bigla nalang nawala ang magkapatid na kung tutuusin ay pabor sa kaniya na may koneksiyon ang pamilya niya at pamilya nila.

Kinuha niya ang libro na nasa maliit niyang mesa at binuklat, naroroon ang liham ni Xavier. Hindi niya wari kung bakit may anong kirot ang nararamdaman niya. Itiniklop niya ulit at napailing.

"May Arturo kana, Ara. Sa palagay mo naman, masaya na rin si Xavier ngayon sa piling ng kaniyang kabiyak." Kinakausap niya ngayon ang sarili.

Noong minsan ay nagkasalubong silang dalawa ni Xienna ay kusa nalang siyang umiwas sa dating maestra at umiba siya ng daan, narinig pa niyang tinawag siya nito ngunit nag kunwari nalang siyang walang narinig. Gusto man niyang kausapin si Xienna ay naisip niyang ayaw niyang maging hadlang sa kapatid niya at sa kabiyak nito.

"Langga?" Sambit ni Arturo mula sa labas ng silid ng kabiyak.
Agad naman na inayos ni Araceli ang sarili at tumungo sa pintuan upang buksan iyon.

"Bakit?" Binuksan ng malaki ni Araceli ang pintuan at pumasok si Arturo. Napaupo ang binata sa higaan niya.

"Wala lang, ayos ka lang ba?"

"Oo naman, medyo napagod lang ako sa biyahe." Tapos tumabi na rin si Araceli sa kaniya. May pagitan pa rin sa kanilang dalawa dahil sila'y magkasintahan pa lamang. Pero kahit ganoon ay inabot pa rin ni Arturo ang mga kamay nito at hinalikan.

Napangiti nalang si Araceli sa ginawa ni Arturo.

"Magpahinga ka na muna, langga."

"Sulitin ko nalang mamaya, kailangan kong makipaghalubilo ngayon." Wika ni Araceli sabay gulo sa buhok ng kabiyak.

"Ang hilig mo talaga manggulo ng buhok. Haha!" Sabay hila ni Arturo kay Araceli at nagyakapan na silang dalawa.

Agad na humiwalay si Araceli. "Ikaw ha, hindi pa ngayon ang oras para yakapin mo ako, hindi pa nga tayo nakakasal." Biro ni Araceli kay Arturo.

Napangisi nalang si Arturo at napatayo, inilahad niya ang kaniyang mga palad upang tumayo na rin si Araceli para makipaghalubilo na sa mga bisita sa labas. Tinanggap naman iyon ni Araceli at sabay silang lumabas sa silid.

NAKAUWI na si Xavier galing sa bayan at sinalubong agad siya ni Agustin.

"Ama!" Sambit ni Agustin at niyakap agad si Xavier. Napangiti si Xavier at binuhat ang bata.

"Ama, si ina pinagalitan ako kanina." Sumbong ni Agustin.

"Baka naging pilyo ka kung kaya ay napagalitan ka... hayaan mo na ang iyon ina, may regalo ako sa'yo."

"Talaga po?"

"Oo anak, saglit lamang." hinugot ni Xavier ang isang laruan na hugis aso na gawa sa kahoy.

"Ang ganda naman po!" Tuwa na sabi ni Agustin.

Makikita ni Xavier sa mga mukha ng bata na may pagkakahawig ito kay Nathaniel. Simula noong nawalan ng bait si Nathaniel ay nagkalabuan na ang pamilya Vargas at Romualdez. Naging hinanakit nila ang pagiging ganoon ni Nathaniel na kaisa-isa nilang anak. Nalaman nila na si Estrella ang dahilan kung bakit nagkaganoon ang anak dahil noong minsan ay biglang sumigaw at nagwawala si Nathaniel at binibigkas ang pangalan ni Estrella.

Pero wala pa ring nagbago sa pakikitungo ng mga Romualdez sa ama ni Xavier. Minsan ay nag-uusap sila pero kung minsan ay hindi dahil sa presensya ni Don Diego Vargas.

"Xavier, halika na." Mahinhin na sabi ni Estrella at kinuha si Agustin kay Xavier ngunit ayaw lumapit ng bata.

"Ako nalang muna kakarga kay Agustin." Tugon ni Xavier kay Estrella.  Dahil parang takot na takot lumapit ang bata sa ina nito.

Hindi nalang umimik si Estrella at tumungo na sila sa malaking sala ng kanilang mansion na kung saan makikita sa pader malapit sa hagdanan ang larawan nila ni Xavier at Estrella noong bagong kasal silang dalawa.

Naroroon ang maraming bisita. Agad na kinawayan ni Don Diego ang apo kung kaya ay lumapit si Xavier at kinuha ni Doña Estellar ang bata. Maraming handa ngayon, ang naibiling karne ni Xavier ay alay mamayang gabi dahil mamaya na rin sasakupin ng sumpa ang katawan ni Agustin.

"Ngayon ang kaarawan ng aming pinakamamahal na anak namin ni Xavier. At ako'y nagagalak na narito kayo ngayon at pagsaluhan natin ang ikalimang kaarawan ni Agustin." Wika ni Estrella. Agad naman na nagpalakpakan ang mga tao sa paligid.

Kakadating rin nila Mateo, Enrique, at Ramon na galing pa sa kanilang mga trabaho. Naki-palakpak na rin sila kahit hindi nila alam ang naging mensahe ni Estrella. Samantalang si Xavier naman ay seryoso lamang ang mukha nito at sinasabayan ang daloy ng piging.

NAG-AABANG na ang lahat sa kabilugan ng buwan. Nagsulo ng apoy ang mga trabahador ni Don Diego at nakasuot sila ngayon ng isang mahabang talukbong na kulay puti.

Habang karga ni Xavier ang bata ay dumating ang mag-asawang Romualdez at agad na nakiusap si Doña Fatima na hagkan si Agustin. May kung anong lukso ng dugo nang makita nilang dalawa ang bata.

"I-ikaw ba si Agustin? Gusto mo pasyal tayo sa aming tahanan sa susunod?" Tanong ni Doña Fatima sa bata at hinagkan ang pisngi nito.
Napangiti naman si Agustin at napatango kay Doña Fatima. Samantalang si Don Tiago naman ay naghihinala na anak ito ni Nathaniel at hindi kay Xavier.

Ngunit sa kalagitnaan ng pag-lalaro ni Doña Fatima sa bata ay biglaang hinablot ni Estrella iyon sa kaniya. Nabigla ang bata at umiyak. Pinalo niya ito sa binti. Agad na inagaw ni Xavier ang bata at pumunta na sa harapan upang hindi na makalikha ng gulo sa ginawa ni Estrella.

"Takot p-po ako kay ina..." Mangiyak-ngiyak na sabi ni Agustin.

"Ssshh... nandito naman ako, anak." Pagpapatahan ni Xavier sa bata at dumating na rin ang mga babaeng may dalang isang malaking banig na kulay pula. Doon ay inilatag ang mga hilaw na karne.

"Paupuin mo na si Agustin." Saad ni Don Diego.

Samantalang si Xienna na nakatunghay ng pangyayari sa pag-kuha ng pabigla-bigla ni Estrella sa bata ay nakaramdam siya ng pagkainis. Hindi niya akalain na magiging kaugnay na ng lubusan ang kanilang pamilya.

Sumilay na ang buwan at isa-isa na silang nagpalit ng anyo, samantalang si Agustin na walang alam kung ano ang nangyari ay panay ang iyak.

"A-ama?" Nakatingala siya ngayon kay Xavier na nagpalit ng nakakatakot na anyo. Ginamitan rin ni Estrella ng hipnotismo si Agustin upang mawalan ng malay.

Doon ay ginawa na nila ang ritwal. Tuluyan nang kinain ng sumpa ang katawan ng bata. Nabalot ng alulong ang lugar na nakakakilabot kapag narinig.

Pagkatapos ng mga panyayari ay nasa loob na ng mansion si Xavier at Araceli. Wala paring malay si Agustin na nakahiga sa kanilang higaan.

"Hindi ba't sabi ko na sa'yo dati pa, ay huwag na huwag mong palapitin ang ating anak sa mag-asawang Romualdez!" Galit na sabi ni Estrella.

Nakasandal lang si Xavier sa upuan at bumbuga ng usok ng tobacco. Naaawa siya sa bata dahil sa oras na malaman ni Agustin na hindi siya ang tunay na ama nito ay tiyak mabubuo ang hinanakit sa bata.

"Napakatigas ng iyong kokote, Xavier!"

Hindi na nakapag-pigil si Xavier at bigla siyang nagsalita.
"Bakit ba? Anong masama kung gusto lamang hagkan ni Doña Fatima ang bata? Pinapakita mo lang sa kanila na may tinatago ka!"

"Anong tinatago? Wala akong tinatago!"

"Bakit ganiyan ang iyong kilos? Para kang nababalisa?"

Hindi na makasagot si Estrella sa mga katanungan ni Xavier.

"Matagal na akong nagtitimpi sa'yo, Estrella. Sinunod ko ang gusto mong mangyari upang walang gulo, naging hadlang ka sa aking mga plano..."

"...at naawa ako sa bata. Alam ko naman na hindi ko iyan anak si Agustin, pinipilit mo pa." Wika ni Xavier at napatayo upang lisanin si Estrella. Sa asotea siya matutulog kahit malamig ay kaniyang titiisin, hindi lang makatabi si Estrella.

"Anak natin si Agustin, Xavier! Tatalikuran mo na naman ba ako?"

"Wala namang punto ang pakikipag-usap ko sa'yo." Pakli ni Xavier. Tuluyan ng umakyat sa hagdanan si Xavier patungo sa asotea.

Napayukom nalang ng kamao si Estrella at may luhang dumaloy sa kaniyang mga mata.

NAKAHIGA na ngayon si Araceli sa kaniyang silid, sa wakas ay makakapagpahinga na siya. Natigil lamang ang kasiyahan nila dahil sa mga alulong ng maraming aso. At kanina lang ay napag disesyunan na ng buong angkan na sa pebrero katorse ikakasal si Arturo at Araceli. Ito ang araw na ipagdidiwang din ni Araceli ang kaniyang kaarawan. Hindi siya makapaniwala na ikakasal siya sa kaniyang kababata.

Noong plano ng pamilya Torres na ikasal si Arturo kay Prescila ay sa kalaunan, nagdisesyon na si Arturo na hindi niya gustong ikasal sa dalaga ata hindi niya kayang saktan ito kapag umabot sa punto na magsasawa siya. Walang nagawa ang pamilya ni Prescila at tinanggap ang naging disesyon ng binata. Hindi naman 'yon matanggap ni Prescila at naging mapusok sa mga kalalakihan, kahit sinong lalaki na ang kaniyang pinaglaruan at hanggang sa dumating ang araw na nabuntis siya ng isang governor-heneral ng espanya. Doon sa Espanya ay namuhay sila.

May mga oras din na napapaisip si Araceli na, paano kung naging sila ni Xavier? Paano kung binigyan niya ng panahon na makapagpaliwanag si Xavier? Paano kung sila nalang ang ikakasal? Pero winawaksi niya agad iyon sa kaniyang isipan dahil nakokonsensya siya at parang mahuhulog na ginagamit lang niya si Arturo. Halos limang taon rin na nagsumikap na ligawan siya ni Arturo.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata ngunit lumilitaw ang maamong mukha ni Xavier. Pilit niyang iwasan ito. Mariin siyang pumikit at sa huli ay napabangon nalang.

Binuksan niya ang bintana at bumungad sa kaniya ang malamig na simoy ng hangin, napayakap siya sa kaniyang sarili. Napatingala siya sa kalangitan at pinagmasdan ang buwan na tinatabunan ng makakapal na ulap.

Marami na ang nangyari sa loob ng limang taon sa kaniyang buhay, pero sa bawat araw ay sumasagi parin sa kaniya ang alaala ni Xavier.

"M-maari mo bang gamutin ang sugat na matagal ng nakaukit sa aking puso?"

Nagulat si Araceli kung sino ang nagsasalita sa labas ng kaniyang bintana. Halos hindi siya makapaniwala sa nakita. Na istatwa siya ng ilang segundo.

"Akala mo ay hindi na ako babalik? Akala mo ay kinalimutan na kita? Hindi ko 'yon magagawa, Ara."

Naaninag na ni Araceli ang mukha ni Xavier. Walang nagbago sa mukha ng binata, maamo parin.

"X-xavier..." Sambit ni Araceli sa pangalan ng binata. Nangingilid ang kaniyang luha.

"P-patawarin mo ako..." napatabon ng mukha si Araceli gamit ang mga palad nito at napahagulhol sa iyak.

"...paumanhin kung n-nadala ako sa aking galit...mahal kita, Xavier. Napagtanto ko na sa iyo ko lamang makikita ang tunay na kahulugan ng pag-ibig."

Niyakap siya agad ni Xavier kahit na napapagitnaan sila ng bintana.

"Magsisimula tayo." Sabi ni Xavier sabay hawak sa magkabilang pisngi ni Araceli at pinunasan niya ang luha ng dalaga gamit ang kaniyang hinlalaki.

"MGA TRAIDOR!"

Nagulat silang dalawa nang makilala kung sino ang sumigaw.

Agad na dinambahan ni Estrella si Araceli. Napahiga siya sa sahig at nakapaibabaw sa kaniya si Estrella. Hindi na siya nagdalawang isip at kinalmot niya ng kaniyang mahabang kuko ang mukha ni Araceli. Napasigaw si Araceli sa sakit na nararamadaman. Agad na iwinaksi ni Xavier si Estrella at agad niyang niyakap si Araceli.

"HUWAG NA HUWAG MONG SAKTAN SI ARACELI KUNDI AKO ANG TATAPOS SA'YO!" Sigaw ni Xavier.

NAPABALIKWAS ng bangon si Araceli. Butil-butil ang kaniyang pawis habang nakahawak siya sa kaniyang pisngi. Bumangon siya at humarap sa malaking salamin.

"Akala ko totoo na." Wika niya sa sarili. Isang masamang panaginip lang pala ang kaniyang natunghayan.

Napahinga siya ng malalim nang maisip niya ang pagtatagpo nila ni Xavier sa panaginip. Sa panaginip lang pala siya may lakas ng loob na sabihin kay Xavier ang lahat ng nararamdaman. 

Lumabas na lamang siya ng silid.

"Magandang Umaga, langga." bungad sa kaniya ni Arturo.

"K-kanina ka pa ba dito?"

"Oo, pero ayos lang. Nakakapaghintay naman ako."

Napangiti nalang si Araceli kay Arturo.  "Halika na, mag-agahan nalang tayo, sabayan mo ako. Si Ariana? Sila ama, saan?"

"Pumunta sila sa simbahan, susunod tayo roon."

"Ganoon ba, sige. Kakain muna tayo."

Hinawakan ni Arturo ang kaniyang kamay at hinalikan ito bago sila tumungo sa kusina.

Nang matapos ang paghahanda ni Araceli ay pumunta na agad sila sa simbahan. Pagkarating doon ay nakita nila agad si Padre Sebastian na kausap ang ama at ina nito pati si Ariana.

"Nandiyan na pala ang ikakasal. Magandang Araw!" Bungad sa kanila ni Padre Sebastian.

May kaunting pinagbago si Padre Sebastian, may kakaunting puti ng buhok na ang lumilitaw pero gwapo pa rin ito.

"Magandang araw rin po, padre" sabay pa na sabi ni Araceli ar Arturo. Nagkangitian nalang silang dalawa.

"Tinadhana talaga tayo." Bulong ni Arturo sa dalaga.

"Sira ka talaga. Haha!" Bulong pabalik ni Araceli.

"Anak, pumayag na si Padre Sebastian na dito kayo ikakasal ni Arturo." Sambit ni Doña Viviana.

"Gusto ko, maraming palamuti ng mga bulaklak ang bungad bago makapasok sa simbahan." Suhestiyon ni Don Felipe. Ngumiti naman si Sebastian at tumango-tango sa pag sang-ayon.

Habang si Araceli naman ay inilibot ang paningin sa simbahan. Hanggang sa may nahagip siya sa kaniyang paningin.

Isang lalaking nakasuot ng itim na tsaleko. Ibinalik niya doon ang kaniyang paningin.

Si Xavier. Nakatayo at nakapamulsa sa ilalim ng puno ng akasya. Walang anong emosyon ang makikita sa mata ng binata.

"X-xavier..."

"M-may sinasabi ka ba, langga?"

Natauhan si Araceli. "Ha? W-wala naman." Nabaling ang kaniyang paningin kay Arturo. Tapos binalik niya ang tingin sa ilalim ng akasya, wala na roon si Xavier.

Sumisikip ang kaniyang dibdib, pero pinapakalma niya ang kaniyang sarilu at kumapit nalang sa bisig ni Arturo.

Hindi niya mawari kung bakit nagpakita si Xavier o isa lamang iyong guni-guni na siyang gumugulo sa kaniyang diwa.

---•••---•••---•••---•••---•••--

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro