Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 12: Silakbo

----•••---•••----•••----•••----

ARAW ng linggo at huling araw na ng oktubre. Nagsimba ang buong pamilya De La Vega ngayon sa pinakamalaking simbahan ng San Fernando na pinagpa-parian ni Sebastian Vargas. Naroroon din ang pamilya Torres.

Magkatabi ngayon si Araceli at Arturo. Sinusulyapan ng binata minsan ang dalaga habang taimtim na nakikinig ng misa.

Pagkatapos ay ginawa na nila ang "Ama namin" kung saan magdadampi ang bawat kamay ng mga tao sa loob ng simbahan.  Napatingin si Arturo sa dalaga na nakapikit habang kinakanta ang ama namin. 

Habang hinahawakan ni Arturo ang kamay ni Araceli ay sa kaniyang kalooban ay parang ayaw na niya itong bitawan pa.

"Tingnan mo si kuya Arturo, ate." Bulong ni Ariana sa kaniyang ate Amanda.

Napatingin naman si Amanda sa dalawa mula sa likuran.

"Parang ayaw ng bitawan ni kuya Arturo ang mga kamay ni Ate Ara." Bulong ulit ni Ariana.

"Ssshh. 'wag ka ng magulo. Baka marinig tayo na pinag-uusapan natin silang dalawa." Suway ni Amanda sa kapatid.

Tinikom nalang ni Ariana ang kaniyang bibig habang pinipigilan ang pag ngiti. Hanggang sa napadpad ang kaniyang paningin sa isang sakristan na nakatayo sa likod ni Padre Sebastian.

Nagtama naman ang kanilang paninigin ni Crisologo. Agad napayuko si Ariana at napapikit nalang.

Pagkatapos ng "Ama namin" ay hindi parin binibitawan ni Arturo ang mga kamay ni Araceli.

"Ginoong Arturo? Pwede mo ng bitawan ang aking kamay." Mahinang sabi ni Araceli.

Natauhan si Arturo at napangiti ng pilit sa dalaga.

"Oo nga pala."

Napahinga siya ng malalim. Magmula noong nakita niya si Xavier at Araceli sa azotea ay may kung anong paninibugho ang kaniyang naramdaman kung kaya ay hindi na magpapahuli si Arturo na ligawan ang kababata.



"NAHIHIMALAAN na ako sa'yo, Xavier." Sambit ni Xienna sa kapatid.

Kasalukuyang ginugupitan ni Xavier ang patay na sanga na nakakapit parin sa halaman ng gumamela. Naisip niya na alagaan iyon para may maidadala siyang bulaklak para kay Araceli kapag nakapag bisita siya ulit doon sa tahanan ng De La Vega.

"Masama bang mag-alaga ng halaman?" tanong ni Xavier na nagdidilig na ngayon ng halaman ng gumamela.

"Hindi naman. Pero hindi ka naman ganiyan dati." Hirit pa ng kaniyang ate.

Napangisi nalang si Xavier.

"Sus, napapansin ko pa na madalas ka na ring ngumingiti. Dahil ba 'yan kay Araceli. Ano kapatid, nililigawan mo na?" Sabi ni Xienna na sinagi-sagi pa ang binata.

"Hindi pa naman." Sagot ni Xavier.

"Sus! Maniwala ako. Ganiyang linyahan Xavier, alam ko na."

Napakunot-noo naman si Xavier na nakatingin sa kaniyang ate.

"Pinagsasabi mo diyan, ate?"

"Hmmmm. Sige. Wala akong nahahalata. Yiee!" Tukso ni Xienna sabay alis at pumasok sa kanilang mansion.

Napailing na lang si Xavier at napangiti.

Samantalang si Estrella ay pinagmasdan si Xavier sa hindi kalayuan. Nakita niyang naghubad ng pang-itaas ang binata at lumantad ang magandang pangangatawan nito.

Hindi namalayan ni Estrella na humakbang ang kaniyang mga paa papunta kay Xavier.

"Xavier..."

Napalingon naman si Xavier kung sino ang dumating.

"Kumusta ka na?" Tanong pa ni Estrella.

"Ayos lang naman ako. Ikaw?" Kaswal na litanya ni Xavier.

"Napapansin ko na medyo nag-iiba na ang iyong ugali. Noong nakaraang araw parang pasan mo ang mundo, ngayon parang may nagpapaikot na sa iyong mundo." Sabi ni Estrella.

Seryoso lamang ang mukha ni Xavier habang nililigpit ang regadera na kanina'y ginagamit niya sa pangdidilig.

"Ano ba ang gusto mong punto, Estrella?" Tanong ni Xavier.

"Masaya lang ako para sa'yo." Sagot ng dalaga.

Naguguluhan si Xavier sa naging sagot ni Estrella.

"Kung sakaling ikaw man ay maging kabiyak ng iyong nagugustuhan, sana ay magtagal kayo at mamuhay ng payapa." Mahinahong litanya ni Estrella kay Xavier.

Tumalikod si Estrella at umalis nalang. Hindi na niya hinintay ang mga kasagutan kay Xavier.

May anong sumilay na mga ngiti sa  labi ni Estrella.


PAGKATAPOS magsimba ay napag-isipan ng buong pamilya De La Vega na pumunta at kumain sa isang panciteria.

"Mga amigo, saan kayo patungo ngayon?" Tanong ni Don Renato kay Don Felipe at Don Juan.

"Sa isang panciteria, amigo. Nais ninyong sumama? Sumama na kayo." Aya sa kanila ni Don Felipe.

Samantalang si Ariana, Araceli at Amanda naman ay nasa likuran lamang ng kanilang ama at ina.

Si Ariana ay panay sulyap sa paligid at baka makita siya ni Crisologo.

Hindi nga siya nagkamali dahil nakita niya ang binata na napahalukipkip mula sa hindi kalayuan habang pinagmamasdan siya.

Bigla ring lumapit si Claridad sa kambal. Tiningnan naman ni Claridad kung saan nakatingin ngayon si Crisologo. Nakasuot ang binata ng isang itim na sutana.

"Ariiiing!" Tawag ni Claridad.

Napalingon naman si Amanda at Araceli sa narinig na boses.

"C-claring..." Sambit ni Ariana at niyakap siya ni Claridad ng mahigpit na halos nasasakal na siya.

"Nagagalak ako na nakita kita!" Masayang sabi ni Claridad.

Lumapit din sa kanila si Crisologo.

"A-ako rin, nasasakal ako Claridad!" Sabi ni Ariana. Bumitaw naman si Claridad at napatawa ng mahina.

"Ipapakilala ko sa iyo ang aking mga ate. Si Ate Amanda ang panganay at si Ate Ara ang pangalawa." Pagpapakilala ni Ariana sa mga kapatid.

"Magandang Araw, mga binibini." Bati ni Claridad at nagbigay galang.
Samantalang si Crisologo naman ay nanatiling nakatayo.

Napangiti naman si Araceli dahil kahit papaano ay may kaibigan ang kapatid. Samantalang siya ay kailangan niya pang matutunan paano ang makipaghalubilo sa iba.

Kakalabas lang din ni Arturo at Daniel mula sa likod ng simbahan dahil gumamit muna sila ng palikuran.

"Tayo'y humayo na at nagugutom na ako." Sambit ni Don Juan.

Nagtawanan naman sila.

Bigla rin dumating ang hukom na si Hukom Precupio Santa Mesa at ang esposa nitong si Luzviminda Santa Mesa kasama ang panganay nilang anak na si Catalina Santa Mesa.

"Nandito lang pala kayo." Saad ni Catalina sa dalawang kapatid.

Si Catalina Santa Mesa ay nasa dalawang'put dalawa ang taon at base sa panlabas na anyo ay may natataglay itong kagandahan, medyo kulot ang buhok at may mga matang akala mo ay suplada pero kabaliktaran iyon sa ugali niya. Mabait at mahinhin si Catalina.

Napansin naman ni Don Felipe ang pagdating ng pamilya Santa Mesa.

"Precupio? Amigo, Kumusta?" Bati Don Felipe sa hukom.

Nakapansin na rin ang alcalde at si Don Renato.

"Don Felipe at Don Juan? Ayos lamang kami, kayo? Kumusta na ang buhay natin diyan? Lumalago na ang inyong negosyo." Puri ni Hukom Precupio.

Hanggang sa nag usap na sila at naimbitahan ni Don Felipe na pumunta sa isang malaking panceteria ng bayan.

Habang nasa kalesa ay hindi maiwasang mapatingin si Catalina kay Araceli. Lima silang nakasakay ngayon sa isang kalesa, lulan doon si Claridad, Ariana, Amanda, Araceli at si Catalina.

Samantalang si Arturo, Crisologo, at Daniel ay sumakay sa kalesa ni Don Juan. Samantalang si Don Renato at ang esposa nito, kasama ang mag-asawang Santa Mesa ay nasa kalesa ni Don Felipe. 

"A-ako pala si Catalina." Mahinang sabi ni Catalina kay Araceli na ngayon ay katabi niya lang.

Napatingin naman si Araceli sa kamay ni Catalina na nakalahad.

"Ang ganda pala ng pangalan mo, nababagay sa'yo. Ako si Araceli." sagot ng dalaga at tinanggap ang isang kamay ni Catalina na nakalahad, nagkamayan silang dalawa.

"Tingnan mo ang aking kapatid na si Claridad, malapit sila ng iyong kapatid na si Ariana. Puro sila daldalan."

Napatawa naman ng mahina si Araceli at pinagmasdan na ngayon si Claridad at Ariana na tumatawa ng palihim, minsan ay nagbabatukan pa.

"Kaya nga, 'yong kapatid ko, grabe! Ang gaslaw kung kumilos, minsan nga napagsasabihan ng aking ate o ni ina." Kwento ni Araceli kay Catalina.

Magaan ang pakiramdam niya kay Catalina kung kaya ay sa tingin niya ay magiging matalik niya itong kaibigan.

Si Amanda naman ay nakapikit lamang na nakasandal sa upuan.

NANG makarating sa isang malaking panciteria ay masyadong nasiyahan ang may-ari sapagkat mga malalaking tao ang kakain at bibisita sa kanilang panciteria.

Napaka-elegante ng nasabing panciteria. May malaking aranya sa loob at may mga nag-gagandahang disenyo ng bulaklak.

Dinala naman sila ng isa sa mga serbidor patungo sa isang mahabang mesa kung saan doon umuupo ang mga malalaking pamilya o mga mayayaman.

Sa isang mataas na mesa ay sa kaliwang dulo napaupo si Don Juan katabi ang esposa na kalong ang anak at sa kanang dulo ng mesa ay si Don Felipe at katabi si Doña Viviana.  Magkaharap rin ngayon si Don Renato at Don Precupio. Magkatabi rin si Araceli at Catalina ang katabi naman ni Catalina ay si Claridad. Samantalang sa may gawi naman ni Araceli ay si Ariana at ang katabi niya ay ang kaniyang ate Amanda. Sa kabila naman ay katabi ni Daniel ang ama at ang kasunod niya sa kaliwa ay ang kaniyang kuya Arturo. Ang katabi naman ni Don Precupio ay si Crisologo at ang ina nito. Iyon din kay Don Renato.

Lumapit sa kanila ang isang lalaki na taga lathala ng mga makakain na mayroon sila.  Bukod sa mga espesyal na pansit ay marami pa silang pagpipilian.

Napunta naman ang paningin ni Araceli sa isang larawang pinta. Isa itong lobo na parang pinapaamo ng isang babae.

"Interesado ka ba sa mga lobo?" Biglang bulong ni Catalina kay Araceli dahil napansin niya na kanina pa tinititigan ng bagong kaibigan ang pinta.

"Ha? Ah---nahihiwagaan lang kasi ako." Sabi ni Araceli at napaupo ng tuwid.

"Nahihiwagaan ka sa ganiyan? Naniniwala ka ba sa kanila?" Tanong pa ni Catalina.

"Oo, sa palagay ko sila yung umaatake dito kapag kabilugan ng buwan." Sagot ni Araceli.

"Ano? Hindi mo pa alam? Nagpasalin-salin na dito sa ating bayan na mga taong lobo talaga ang nangangambala. Sinabi iyon mismo ng mga nakaligtas..."

"...at nakakapagtataka lang ano? Bakit ang bayang ito lang ang kanilang ginagambala at hindi sa ibang nayon? Ganoon nalang ba ang galit nila sa mga naninirahan dito? O may punterya talaga sila kaya damay-damay lahat?"

Hindi makaimik si Araceli sa nasabi ni Catalina. May punto ang dalaga. Sino kaya ang naging tunay na kalaban ng mga taong lobo?



NAISIPAN ni Xavier na bisitahin si Araceli muna. Alam niyang mamayang gabi ay lalamunin na naman sila ng sumpa.

Habang naglalakad si Xavier ay napansin niyang masyadong abala ang mga tao sa pagtitinda ng mga bulaklak at kandila.

"Ginoo, bilhan niyo na po ako ng mga kandila o? Para makauwi na po ako. May nagsabi kasi sa akin kanina na kabilugan po daw ng buwan ngayon. Nakakatakot po kasi baka maghahasik  ulit ng lagim ang mga taong lobo." Paliwanag ng isang batang lalaki  na sa tingin ni Xavier ay nasa sampung taong gulang.

Nagtaka naman si Xavier sa mga nakikita sa paligid ngayon.

"Ano bang mayroon, bata?"

"Hindi niyo po alam?"

"Hindi."

"Araw ng mga patay po bukas. Nobyembre uno na po bukas at undas." Sabi ng bata.

"Ganoon ba, magkano lahat ng kandila mo?" Tanong ni Xavier.

Nagtataka naman ang bata na napatingin kay Xavier dahil parang hindi alam kung ano ang araw ng mga patay. Pero hindi nalang niya pinansin at ibinaling ang pagbibilang sa mga kandila.

"limang sintabos lang po lahat." Sabi ng bata.

Kinuha naman ni Xavier ang sampung sintabos na nasa lalagyanan niya ng salapi.

"Sa'yo na 'yan lahat. Umuwi ka na, bata. Mag-iingat ka." Sabi ni Xavier at tinapik niya ng mahina ang bata sa likod. Doon niya lang nalaman na may hika ang bata.

Malapad na ngumiti ang bata at nagpasalamat.

"Napakalaki na po nito, Ginoo. Tiyak matutuwa si nanay."

"Teka lang..."

"Po?"

"Hikain ka."

Natawa naman ang bata sa sinabi ni Xavier.

"Bakit niyo po nalaman? Opo, hinihika po ako. Sa katunayan po ay kanina sinumpong ako. Bawal rin ako mapagod o tumakbo ng mabilis." Paliwanag ng bata.

"Ano ang iyong pangalan?"

"Ako po si Himala."

Napangiti si Xavier sa pangalan ng bata.

"Himala, pwede kang lumapit sa akin."

Lumapit naman ang bata kay Xavier. Niluhod ni Xavier ang isang tuhod nito upang magkasing-taas na sila ng bata.

"Ipikit mo ang iyong mga mata."

Pinikit naman ng bata ang kaniyang mga mata. Idinampi ni Xavier ang kaniyang kamay sa dibdib ng bata at sa may likuran nito.

Nakapansin naman ang bata ng kaginhawaan.

Tumayo si Xavier.

"Pwede ka ng makatakbo kahit ilang milya ang iyong tatakbuhin. Hindi ka na maghahabol ng iyong hininga."

"Talaga po?"

"Maari mong subukan." Sabi ni Xavier at napangiti.

"Sige po. Maraming salamat, Ginoo."

Tumakbo naman ang bata.
Pinagmasdan lang siya ni Xavier na tumatakbo palayo. Kahit sa malayo ay kitang-kita pa rin ni Xavier ng malinaw ang bata. Kumaway ito at mukhang masaya. Kumaway din si Xavier pabalik.

Bitbit ang mga kandila ay pumunta na si Xavier sa tahanan ng mga De La Vega.


NAKAHIGA ngayon si Araceli sa silid ni Ariana. Napagod sila sa mga ganap kanina sa panciteria.

"Ate, bukas ay pupunta daw tayo sa puntod nila lolo at lola."

Napatango naman si Araceli at humarap sa kaniyang kapatid na ngayon ay nakahiga rin habang nakatingin sa kisame.

"Alam mo ate, naaawa ako sa sinapit ni lolo Pedro sa tuwing kinikwento ni ama o ni Tiyo Juan sa akin ang nangyari." Sabi ni Ariana.

"Matagal na 'yon. Pero hindi pa nakukuha ang hustisya." Sagot ni Araceli.

"Sa mundo ng mga halimaw, may hutisya ba sa kanila?" Tanong ni Ariana at napalingon sa kaniyang ate.

"Mayroon naman, siguro?" Hindi tiyak na sagot ni Araceli.

"Umiibig rin ba sila, ate? Paano kung isang araw ay may manliligaw sa akin na halimaw pala?"

Natawa si Araceli kay Ariana dahil umuusbong na naman ang makulit na isipan ng kapatid.

"Ewan ko sa'yo, Ariana. Hahahaha!"

"Grabe ka naman, ate. Makatawa naman 'to."

"O sige, kung malaman mo na 'yung nangliligaw sa'yo ay isang halimaw pala, paano mo tatanggapin 'yon aber?" Tanong ni Araceli.

Napaisip naman si Ariana at napahawak pa sa kaniyang baba na tila malalim talaga ang dapat niyang isipin.

"Hmmm..."

Napangisi naman si Araceli habang naghihintay ng kasagutan sa kapatid.

"Ay! Tatanggapin ko parin siya ate. Alam mo, kapag totoong iniibig mo ang isang tao kahit maging sino man siya sa paningin mo ay dapat mong panindigan ang naihandog mong pag-ibig sa kaniya. Hindi 'yung sa simula lang." Paliwanag ni Ariana.

"Ang ibig mong sabihin, mula sa simula hanggang dulo...magbago man ng anyo ang taong iniibig mo ay tatanggapin mo ng walang pag-aalinlangan?"

"Mismo, ate. Pero parang inulit mo lang din ang gusto kong iparating. Hahaha!"

Napangisi nalang din si Araceli sa kakulitang taglay ng kapatid.

"Kahit na may nagawang malaking kasalanan ang lalaking iniibig mo? Halimbawa, paano kung ang lalaking halimaw na iyon ay pinatay niya ang isa sa mga myembro ng pamilya?" Tanong ni Araceli.

Hindi makasagot si Ariana. 

"Ara?" Bungad ni Amanda sa pintuan ng silid.

"Ay, halimaw!" Sigaw ni Ariana. Nagulat siya sa presensya ng kaniyang ate Amanda.

"Isa pang halimaw, may kukurutin talaga ako dito." Banta pa ni Amanda.

"Ate, bakit?" Tanong ni Araceli.

"Ay, nandiyan ang mga magiging manliligaw mo." Biro ni Amanda.

"Mga?" Singit pa ni Ariana.

"Oo, MGA manliligaw." Diniin pa ni Amanda ang pagkasabi ng 'MGA'.

"Marami pala?" Tanong ulit ni Ariana.

"Dalawa. Kung gusto mong makita, Ara ay bumaba ka na." utos ni Amanda.

Lumabas na si Araceli sa silid at napadungaw siya mula sa hagdanan. Nakita niya si Arturo at Xavier sa sala.

Natawa siya ng kaunti nang makita ang dalawa.

Bakit kaya narito si Arturo? Parang hindi kami nagsama kanina sa simbahan at panciteria. Si Xavier din, bakit kaya napakadaming kandila ang binili?

Tanong ni Araceli sa sarili at bumaba na siya sa hagdan.

"Magandang hapon, binibini." Sabay pa ang pagbati ni Xavier at Arturo sa dalaga.

"Magandang hapon din sa inyo, mga ginoo. Naparito kayo?" Tanong ni Araceli.

"Ah--nais ko pala humiram ng libro sa'yo. Nakalimutan ko na sabihin kanina sa panciteria na nais kung humiram." Sabi agad ni Arturo.

Seryoso lamang si Xavier na nakikinig at napatitig kay Araceli.

Pinaparating niya sa dalaga na nagsama pala sila ni Arturo ngayong araw.

"Ah--Xavier, kanina...naisipan ni Ama na kumain kami sa panciteria pagkatapos magsimba."

Ginagapangan na ng kaba si Araceli ngayon.

"Ariana! Samahan mo muna si Ginoong Arturo na pumunta sa silid ng mga libro." Tawag ni Araceli.

"Opo, ate!" Tapos bumaba na si Ariana.

Doon niya lang napagtanto na parang hindi kaaya-aya sa isang binibini ang pag tawag niya sa kaniyang kapatid na pasigaw.

Pinipigilan lang ni Xavier ang ngumisi dahil ngayon niya pa lang nakita si Araceli na sumigaw na halos ilabas na lahat ng kung anong mayroon sa lalamunan niya.

"P-paumanhin." Hiyang sabi ni Araceli.

"Halika na po, kuya Arturo." Sabi ni Ariana.

Wala ng magawa si Arturo kundi sundan ang dalaga.

Umupo naman si Araceli sa bakanteng silya.

"Naparito ka, Xavier? Ang dami namang kandila?"

Napangiti si Xavier.

"Binili ko lang sa isang bata. Ibibigay ko sa'yo ang iba. May bibisitahin ba kayong puntod, bukas?" Mahinahon na tanong ni Xavier.

Napatango naman si Araceli at tiningnan isa-isa ang kandila. May hugis kerubin, may kandila sa baso, may kandila na may mabangong amoy at may kandilang ordinaryo lang.

inamoy ni Araceli ang isang kandilang may mabangong amoy.

"Gusto mo ba 'yan?"

Napatingin naman si Araceli sa binata.

"Hmmm. Sa'yo nalang 'to, Xavier. Ilagay mo nalang ito sa puntod ng iyong ina. Mamimili nalang ako dito ng iba. Gusto ko itong kerubin." Sabi ni Araceli sabay kuha sa kandilang kerubin.

Ibinigay ng dalaga ang mabangong kandila kay Xavier.

Aksidente ring nahawakan ni Araceli ang kamay ni Xavier at may kung anong kuryenteng dumadaloy sa kaniyang katawan at hindi na rin maawat ang kabog ng puso niya. Nagkatitigan silang dalawa, agad na napaiwas ng tingin si Araceli.

"Siya nga pala, Ara..." pagbasag ni Arturo sa pagitan ni Xavier at Araceli.

Kanina niya pa napapansin na parang may kahulugan ang lahat ng tinginan ng dalawa.

"Ginoong A-Arturo, ano iyon?"

"Saan pala sila Don Felipe?"

"Nagpapahinga si ama at ina sa silid nila."

Inilagay naman ni Arturo ang isang libro patungkol sa iba't-ibang uri ng halaman.

"Heto ang aking hihiramin, Ara. Salamat." Sabi ni Arturo.

"Marami akong libro... gusto mo dalhan kita?" Tanong ni Xavier.

"Kay Ara nalang ako manghihiram." Sagot ni Arturo.

"Si Araceli ang aking tinutukoy at tinatanong." Seryosong tugon ni
Xavier.

"Sana kompletuhin mo." Sagot ni Arturo.

"Hala! Kayo ba ay nagugutom? Gusto niyo ba ng nilupak?" Basag ni Amanda sa pagitan ni Xavier at Arturo dahil mukhang may umuusbong na tension sa dalawa.

Napahinga naman ng malalim si Araceli. Nahahalata niya na parang may kompetensya sa kanilang dalawa.

Ano ba ang gustong iparating ni Arturo? Ikakasal na siya kay Prescila.

Sa isip-isip ni Araceli.

"Hindi na po, binibini. Pumarito lang po ako para manghiram ng libro." Kalmadong tugon ni Arturo.

Napangiti ng marahan ang binata at isinuot na ang sombrero.

"Ako na po ay uuwi na. Adios." Tapos tumalikod na si Arturo.

"Mag-iingat ka, ginoo." Bilin ni Araceli.

"Gagawin ko, binibini." Tugon ni Arturo.

At lumisan na siya sa tahanan ng De La Vega.

Hindi rin maipinta ang mukha ni Amanda na ngayon ay nahahalata na ang paninibugho ni Arturo kay Araceli at Xavier.

Habang si Xavier naman ay nakapamulsa lamang at lihim na ngumisi dahil dapat walang ibang binata ang makakaporma sa kaniyang babaeng unang minahal.

Samantalang si Arturo naman ay may kung anong paninibugho at silakbo ang naramdaman.

Wala siya sa sariling napasuntok sa isang malaking kahoy na kaniyang nadaanan mula sa tahanan ng mga De La Vega.
----••••----•••-----••••-----••••-----•••••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro