Kabanata 1: Bayan ng San Fernando
LAS ISLAS FILIPINAS, 1850
--------
NAGKAKAGULO ngayon sa harapan ng daungan nang may nakita silang isang lalaki na wakwak ang dibdib at naliligo ito sa sariling dugo. Gutay gutay rin ang mga laman nito sa katawan.
"Dios ko! Ano ba ang nangyayari ngayon sa ating bayan?" Bulalas ng isang ale na ngayon ay nagimbal sa nakita.
Nakilala nila ang lalaking napaslang na isang mangagaso sa kanilang bayan.
"Hindi pangkaraniwang tao ang gumawa nito." Sabi ng isang lalaki na ngayon lamang nakarating sa daungan. Nakasuot ito ng sutana at nasa kwarenta anyos ang gulang nito.
"Padre Sebastian, may mga aswang nga bang gumagambala sa ating bayan?"
Napatingin naman si Padre Sebastian sa isang ginang na nakatabon ng panyo upang maiwasan na malanghap ang lansa at maiwasan na maduwal.
"Hindi ko po batid. Ang mabuti pa ay magsiuwi na muna kayo sa inyong tahanan at kami na bahala sa katawan nito." Ani Padre Sebastian habang nakatingin ng seryoso sa kawawang katawan ng mangangaso.
Napatango naman sila at ang iba ay nagkibit-balikat na lamang.
Hanggang paunti nang paunti na ang mga taong nakikiusyuso sa pangyayari.
"Dalhin niyo na ang katawan sa morgue." Utos ni Padre Sebastian sa tatlong guwardiya-sibil at pagkatapos ay bumalik na siya sa loob ng kalesa.
Sa kabilang dako, napatabon naman ng ilong ang dalagang si Araceli nang dumaan ang kalesa nila sa daungan. Galing pa sila ng kaniyang mga kapatid at magulang sa karatig bayan upang maghanap ng mga telang silk.
"Napakabaho naman, ano kaya ang mayroon? Nakakasulasok ang amoy" Reklamo ng kaniyang pangatlong kapatid na si Ariana.
"Baka ito na naman yung biktima ng mga aswang," Sabi ng kanilang Ama na si Don Felipe.
Napaismid naman si Amanda sa sinabi ng ama. "Si ama, puro paniwala sa mga ganiyan"
Sinagi naman siya ng kaniyang ina na si Doña Viviana.
"Eh kasi, baka naman lulong yan sa opyo ang gumagawa sa mga patayan na iyan" Sabi pa ni Amanda.
Sila ang pamilya De La Vega. Si Don Felipe De La Vega ang dating alcalde ng San Fernando ngunit napalitan agad siya ng kaniyang kapatid na si Don Juan De La Vega. Mabait si don Felipe at may malasakit sa kahit kanino. Malaki ang tiyan nito at may bigote at medyo panot na ang buhok nito sa ulo.
Ang kaniyang esposa naman ay si Doña Viviana Velasco-De La Vega. Isa itong anak ng isang mayaman na manggagamot na si Ernesto Velasco. Maganda ang doña at kulot ang buhok nito at may iilang hibla na rin ng puting buhok dahil may edad na.
May tatlo silang mga babaeng anak.
Si Amanda ang panganay. Maputi, matangos ang ilong, at may mga magagandang mata. Madaldal ito pero matalino. Magaling rin ito tumugtog ng piano. Nasa Dalawang put'anim na ang gulang ng dalaga ngunit hindi pa rin niya hanap ang nagugustuhan niyang Ginoo.
Si Araceli naman ang pangalawa. Tahimik at mahinhin ito. Maganda, kulot ang buhok na namana niya sa kaniyang ina. May mga mata itong parang inaantok dahil makapal ang pilik-mata ng dalaga. Maliit ang mukha, matangos ang ilong at may mapupulang labi tapos maputi pa. Hindi maipagkakailang siya ang pinakamaganda sa magkakapatid ngunit hindi siya nakakalakad at kasalukuyang ginagamot ng kapatid ng kaniyang Ina na si Señor Victor. Nakahiligan na lamang ni Araceli ang magbasa ng libro at mag gansilyo. Matalino rin ito. Nasa dalawamput' tatlo ang gulang ng dalaga.
Si Ariana naman ang panghuli. Ganoon din, maganda at matalino. Medyo suplada nga lang lalo na kung may tumutukso sa kaniyang ate Araceli. Hindi niya papalagpasin at gagantihan niya ang mga ito. Nasa dalawangput'isa na ang gulang ng dalaga.
"Nawala lang tayo ng isang linggo dito, ganito na agad ang nangyayari?" Pag-alalang sambit ni Doña Viviana. Napahawak na lamang siya sa bisig ng esposo.
"Ina, ganito na dati hindi ba? May mga nawawalang bata o mga mangagaso," Singit pa ni Amanda sabay iling.
Napapikit na lamang si Araceli na kinakabahan sa mga nangyayari.
TANAW ni Xavier ngayon ang kabuuan ng bayan ng San Fernando. Kasalukuyan siyang nakaupo sa pinakataas na parte ng kanilang mansyon at umiinom ng isang bote ng serbesa.
Nag-iisa ang kanilang mansiyon sa loob ng kagubatan at niisa ay wala pang nakapunta na ibang tao maliban sa mga kaparehas nila.
Inihagis niya naman ang boteng walang laman at narinig pa niya ang pagkabasag nito sa ibaba.
"Xavier! Ano na naman ba ang pumasok sa utak mo at nanghahagis ka na lang diyan bigla?!"
napangisi na lamang siya nang marinig ang naiinis na boses ng kaniyang ate na si Xienna sa baba habang abala sa pag-aayos mg mga halamang rosas.
Siya si Xavier Sarmiento. Dalawangput'tatlong taong gulang. Maganda ang pangangatawan, katamtaman ang balat, matangos ang ilong, may makakapal na kilay at maayos ang hubog ng mukha. Mapupula rin ang labi nito at may nakakahalinang mga mata na sa unang tingin niya lamang sa mga binibini ay nabibighani na agad sila sa kagwapuhang taglay niya.
Ngunit may pagkapilyo ito.
Lingid sa kaalaman ng lahat, may mga sekreto silang hindi dapat maisiwalat.
Ang pamilya Sarmiento ay mayaman ngunit hindi sila gaanong kilala ng mga tao. Ilap sila sa mga tao. Hindi lamang sila kundi ang pamilya Vargas, Cabrera, at Romualdez din.
Hindi nalalayo ang kanilang tahanan sa kanila. Mga mayayaman rin ang mga ito.
"Anak, ginulat mo na naman ang iyong ate sa ibaba." Sabi ng kanilang ama na ngayon ay nakatingin lamang sa malaking bintana na ngayon ay ginagapangan na ng mga baging. Humihit ito ng tobacco at minamasdan ang mga sapot ng mga gagamba doon.
Matagal na pumanaw ang ina ni Xavier at Xienna. Napaslang ito ng mga taong bayan kung kaya ay umusbong ang galit ng kanilang ama.
Ngunit makaraan ang sampung taon ay nag bagong buhay na ang kanilang ama dahil sa katandaan na rin.
"Hayaan mo na ama, magugulatin talaga 'yon." Pagkatapos ay lumundag si Xavier galing sa taas at pumasok na sa mansiyon. Dumiretso naman siya sa kaniyang silid at nag hubad ng kaniyang kamiso de tsinong itim. Tumambad naman ang maskulado niyang katawan.
Napaharap siya sa isang mataas na salamin at hinawi niya ang kaniyang magulong buhok. Napakagat pa siya ng kaniyang labi habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin.
Pagkatapos ay humiga siya sa kaniyang malambot na kama at pinagmasdan ang kaniyang naipintang babae.
Nakaupo ito sa isang silya at nagbabasa ng libro at may gumamela sa gilid ng kaniyang tenga.
Pinagmasdan niya lamang ito at naghahangad na makilala niya ang misteryosang dalaga.
Napahinga na lamang si Xavier ng malalim at pinikit ang mga mata.
HALOS hindi na magkamayaw ang opisina ni Don Juan De La Vega dahil sa mga reklamo ng mga tao sa mga pangyayari sa kanilang bayan.
Napasinghap na lamang siya sa kawalan at taimtim na nagdasal na sana ay mawala na ang mga gumagambala sa kanilang bayan.
May mga hukbo na rin siyang inutusan na maging mapagmatyag at kinakailangan na dala nila ang kanilang mga armas parati.
"Juan, hindi ba't nawala na sila? Tila bumabalik na naman upang mag hasik ng lagim." Sabi ng kaniyang asawa na si Doña Rossana habang kalong ang isang tatlong taong gulang nilang anak na mahimbing na natutulog.
Napamulat ng mata si Alcalde Juan at napailing.
"Hindi ko alam kung ano pa ba ang kanilang gusto. O sinasadya lamang nila dahil nahahayok na naman sila sa laman ng tao."
Bago pa man siya naging alcalde ay naranasan na rin ng kaniyang kuya ang mga pagsalakay. Naghihinala na sila kung rebelde ba ito pero para sa kanilang dalawa ni Felipe ay hindi.
Dahil minsan nang nakita nila sa kanilang dalawang mata ang isang halimaw na siyang kumitil sa buhay ng kanilang ama.
Napatayo si Juan at tiningnan ang mga tao sa labas na nagkakagulo pa rin.
Bumaba siya at hinarap ang mga taong nag rereklamo.
"Maging mahinahon po lamang tayo---"
Hindi pa nakakatapos sa pagsasalita si Juan nang may ale na sumigaw habang umiiyak.
"Mahinahon?! Ni hindi ko na alam kung saan ang aking bunsong anak! Laganap na ang patayan at laganap ang pagkawala ng mga bata!"
Napapikit na lamang si Juan at pinipigilan ang mga sigaw ng mga tao. "MAKINIG MUNA KAYO! MAKINIG MUNA KAYO!"
Natigilan ang lahat sa boses ni Juan.
"Oo, alam ko ang nangyayari. Hindi ako bulag o bingi. Ang sa akin lang ay mag tulungan tayo para mapuksa ang kasamaan na ating nararanasan...alam niyo naman na minsan naring nasadlak sa kapahamakan ang aking ama dahil sa kanila," Biglang nalungkot si Juan nang mabanggit ang kaniyang ama.
"Dapat maging mapagmatyag tayo." Saad ng isang lalaki.
"Sige, mag hahanda na kami kung sakaling babalik man sila ay may panlaban na kami."
Napatango naman si Juan.
"Tama, puksain ang mga masasama! Magiging maayos rin ang ating bayan!" Ani Juan at sumang-ayon naman ang iilan na mamayan. Pero sa kaloob-looban niya ay nariyan pa rin ang pangamba.
NASA isang bahay aliwan ng San Fernando ngayon si Xavier. Mag a-alas dyis na ng gabi nang maisipan niyang pumunta sa bahay aliwan.
Hindi siya nakikipag siping sa mga babaeng bayaran kundi umiinom lamang siya ng serbesa at nakikinig ng musika.
Lumaki siyang mapag-isa, may mga kaibigan naman siya ngunit hindi siya gaanong nakikisama.
"Isa pang bote ng alak." Sabi niya.
"Masusunod po, ginoo."
Nilalaro niya na lang ang babasaging baso sa kaniyang mga kamay.
"Ikaw si Ginoong Xavier, hindi ba?" Tanong ng isang babaeng bayaran na ngayon ay inaakit ang binata.
Suki na si Xavier sa bahay aliwan pero ni minsan ay hindi niya nasubukan ang mga kahalayan na nangyayari sa bahay aliwan. "Oo, ako nga. Bakit?"
Hinaplos naman ng babae ang dibdib ni Xavier. "Baka, gusto mo nang subukan." Sabay napakagat pa ng labi.
Tamang tama, gutom na rin ako.
Saad ni Xavier sa sarili.
Napatitig siya sa kabuuan ng babae. May hubog ang katawan nito at maputi.
Natatakam na si Xavier dahil gusto niyang kunin ang puso ng babae.
"Ginoo, ito na po ang iyong serbesa."
Natauhan si Xavier at ibinaling sa alak ang sarili.
Hindi pwede! Xavier! Mag isip ka nga nang tuwid!
Nakikipag talo na ang kaniyang isipan at sa mismong konsensya niya.
"Xavier? Ano? Gusto mo ba?"
Napailing si Xavier sa tanong ng babae.
"Edi huwag!" Padabog na umalis doon ang babaeng bayaran. Napatawa na lang ang taga serbisyo ng mga alak.
"Babae nga naman."Hirit pa ng taga serbisyo ng alak.
Ngumisi na lang si Xavier at ininom ang alak.
Habang sinasamsam ng binata ang alak ay biglang kumalabog ang pinto.
Napalingon silang lahat maliban sa binata.
Naamoy naman niya kung sino ang dumating. May kakaibang kakayahan siya dahil malakas ang kaniyang pang-amoy, pandinig, at nakakakita sa madilim.
"Magandang gabi, Ginoong Mateo Cabrera." Bati ng isa sa mga serbedora sa kakarating lamang na binata. Kasing tangkad sila ni Xavier, gwapo rin ito at katamtaman ang katawan. Parehas lang din sila ng gulang ni Xavier. May kakayahan ring mag palit ng anyo ang binata.
Agad na tumungo si Mateo sa kaniyang kaibigan. "Hindi ka nag pasabi na nandito ka, buti na lang naamoy ko na nandito ang iyong presensya." Anas niya at tumabi siya sa kaniyang kaibigan.
Hindi naman umimik si Xavier.
"Iyo bang nauulingan ang nangyari ngayong araw?" Tanong ni Mateo.
"Hindi." Ikling sagot ni Xavier sabay lagok ng alak.
Lumapit naman si Mateo at bumulong kay Xavier tungkol sa nangyari kanina. "Yung babae na iyon, hindi marunong magpigil."
Pagkatapos ay sumenyas siya sa taga serbisyo ng alak na bigyan siya ng maiinom.
Lingid sa kaalaman ng lahat na ang pumatay sa isang mangangaso na inihimlay na lang sa daungan ay si Estrella Vargas. Ang bunsong anak ni Ginoong Diego Vargas at Ginang Estellar Vargas. Ginagamit ni Estrella ang kaniyang alindog upang makapang akit ng bibiktimahin. Gagamitan niya ng hipnotismo ang kaniyang magiging biktima.
"Ang ama na niya ang bahala sa kaniya. Tiyak paparusahan na naman iyon." Biglang sambit ni Xavier. Minsan na ring nag pahayag ng damdamin ang dalaga sa kaniya ngunit wala siyang naitugon at tinalikuran niya lamang ito.
Sa makatuwid, hindi niya lang talaga tipo ang dalaga.
Ngumisi na lang si Mateo at ininom nalang agad ang serbesa.
ISANG linggo na ang nakaraan mula noong may mga karumaldumal na pangyayari sa bayan ng San Fernando, nanumbalik na muli ang sigla ng mga tao pero nandiyan pa rin ang pangamba at paghahanda sa mga posibleng pag atake.
Kasalukuyang pinapasyal ni Ariana ang kaniyang ate Araceli sa kanilang hardin sa kanilang hacienda. Madaming bulaklak ang naroroon, may mga paro-parong masayang naglalaro sa hangin.
Nakaupo si Araceli sa isang silya na may gulong na kahoy. Pinagawa iyon ng kaniyang ama upang hindi parating nakakulong si Araceli sa kaniyang kwarto.
Noong sampung taong gulang pa si Araceli nang biglang nanghina ang kaniyang tuhod at simula noon ay hindi na siya muling nakalakad pa.
"Ate Ara, gusto mo bang sumama sa amin ni ate Amanda? Mamimili kami ng mga abaniko. Nasira na kasi ang sa akin." Sabi ni Ariana habang tinutulak ang silyang de gulong ng kaniyang ate.
"Naku, mahihirapan lamang kayo sa akin." Tugon ni Araceli at napangiti nalang.
"Hindi naman kami sasakay ng kalesa ate. Maglalakad lang kami. At isa pa, pagkakataon mo na para makapagliwaliw ulit sa pamilihan..."
"...huwag kang mag-alala ate, nandito naman ako." At niyakap ni Ariana mula sa likod ang kaniyang ate.
"Sige, baka may mga libro rin akong magustuhan."
"Mayroon yan ate."
Napangiti na lamang si Araceli sa kabaitan ng kaniyang kapatid kahit na minsan ay masyado itong suplada sa iba.
KASALUKUYANG nasa pamilihan ng palamuti ang tatlong magkakapatid.
"Bagay sa'yo ito, Ara." Pakli ni Amanda habang pinagmamasdan ang isang payneta na may disenyong perlas.
"Kayo ba ang may bibilhin sa sarili o ako ang inyong bibilhan?" Sabay tawa nang mahina ni Araceli.
Ngumiti naman si Amanda. "Ano ka ba? Wala iyon kapatid."
Samantalang si Ariana naman ay panay ang tingin sa mga magagandang abaniko na naka helera.
Kinuha naman ni Araceli ang kaniyang panyo sa kaniyang saya dahil pinagpapawisan na siya sa loob ng tindahan.
"Bibilhin po namin itong tatlong abaniko at isang payneta." Sabi ni Amanda sa tindera.
"Maraming salamat po, kayo ba ang anak ni Don De La Vega?"
Napatango naman si Amanda.
"Ay, ang ganda niyo naman pala." Sabay ngiti ng tindera at napadako ang kaniyang tingin kay Araceli. "Gagaling ka hija."
Napangiti na lang nang marahan si Araceli sa sinabi ng tindera.
Lumabas na silang tatlo sa tindahan.
"Susunod na naman tayo sa tindahan ng mga balabal." Sabi ni Amanda.
Magkatabi lang naman ang tindahan ng abaniko at ang tindahan ng mga balabal.
"D-dito na lang ako sa labas. Masikip na kung papasok pa ako."
"Sige ate, saglit lang kami ni ate Amanda." Paalam pa ni Ariana at hinawakan na siya ni Amanda sa kamay at pumasok na sila sa loob.
Mula sa hindi kalayuan ay nakita ni Xavier ang isang binibini na laman ng kaniyang mga ipinipinta. Nagulat lang siya ng bahagya nang makita na nakaupo ito sa silyang de gulong.
Napansin niya ring nahulog ang panyo nito at agad na pinulot nang marating ang pwesto.
Araceli
Pinagmasdan niya ang panyong may nakaburdang pangalan.
Naglakas na si Xavier ng loob na lapitan ang dalaga. "Nahulog mo pala ang iyong panyo, binibini." Sabay lahad niya ng panyo kay Araceli.
Napatingin naman si Araceli sa panyo, napaangat rin siya ng kaniyang ulo kung sino ang nasa harapan niya.
Nagtama ang kanilang mga paningin.
Kitang kita ni Xavier ang kagandahan ng dalaga sa malapitan.
Samantalang si Araceli naman ay napaiwas agad ng tingin at napayuko nang bahagya. "S-salamat, ginoo."
"Walang anuman, binibining Araceli."
Hindi naman makaimik agad si Araceli at napagtanto niyang nakaburda pala sa kaniyang panyo ang kaniyang pangalan.
Umalis na rin si Xavier dahil pupunta pa sya sa tindahan ng mga libro.
Pinagmasdan naman ni Araceli ang binata na papalayo.
Ngayon niya pa lang nakita ang binata at sa unang tingin pa lang niya ay kakiba na ito. Nakasuot ito ng kamiso de tsinong itim bagay na pinaniniwalaan nilang nagdadala ng malas ang pagsusuot ng itim.
"Ate Ara?"
Natauhan na agad si Araceli nang kinalabit siya ni Ariana.
"Malalim ang iyong iniisip." Sambit ng kaniyang kapatid.
"Ah-- ano, wala naman. Ano? Nakabili na ba kayo ng inyong mga balabal?"
"Oo ate, nag babayad pa si ate Amanda sa tindera. Nauna lang ako lumabas."
Maya maya pa ay lumabas na rin si Amanda dala ang nabiling mga balabal na iba iba ang kulay.
"Saan na naman tayo?"Tanong ni Amanda na abala sa paglagay ng sukli sa kaniyang pitaka.
"Gusto ko sana pumunta sa tindahan ng mga aklat."
Sabi ni Araceli.
"Sige, tayo na. Tiyak na marami kang mapagpipilian doon."
Sabi ni Amanda at ngumiti.
Tinulak na ulit ni Ariana ang silyang de gulong ng kaniyang ate.
Malapit lang naman ang tindahan ng mga libro. Napapagitnaan ito ng mga maliliit na tindahan.
Nang makarating ay agad na nakaramdam ng kasiyahan si Araceli sa mga nakahelerang iba't ibang klase ng libro.
Pumasok sila sa loob at agad na nag bigay galang ang may-ari ng aklatan na si Señor Lucio San Jose.
"Magandang umaga mga binibini. Pasok kayo."
Nag bigay galang din ang tatlo sa may-ari.
"Uupo nalang kami dito ate Ara."
Saad ni Ariana.
"Hihintayin ka namin." Dugtong pa ni Amanda.
Agad namang napatango si Araceli at kinontrol na niya ang sariling silyang de gulong upang maka punta sa mga malalaking estante kung saan nakalagay ang maraming libro.
Tumingin tingin na agad si Araceli sa mga makakapal na libro.
Hanggang sa napadako ang kaniyang mga mata sa isang kulay itim na libro na may nakaukit na buwan.
Naabot niya naman agad iyon at agad na binuksan. Nakasulat ito sa salitang espanyol.
Tiningnan niya ulit ang pamagat ng libro.
Los Secretos Ocultos
Ibinuklat na niya ulit ang libro. Napadako siya sa isang pahina na may nakaguhit na isang lobo (wolf).
Hinaplos niya ang pahina na tila ba may kakaiba sa guhit na iyon.
"Ikaw ulit. Gusto mo ba ang libro na yan?"
Napatingin agad si Araceli sa nagsasalita.
Ngumiti sa kaniya si Xavier.
"B-bakit, gusto mo rin ba? Sayo nalang ito, mamimili nalang ako ng iba." Sabi ni Araceli at marahang nakangiti sabay abot ng libro sa binata.
"Gusto ko ito, ngunit sa'yo na lang iyan. Sapat na sa akin ang makita ka na nasa sa'yo yan."
Naguluhan naman si Araceli sa sinabi ng binata.
"S-salamat, ginoo."
"Tawagin mo na lang akong Xavier. Xavier Sarmiento." Pakilala ng binata sa sarili.
Ngumiti naman si Araceli at nakakaramdam ng hiya dahil kakaiba kung makatingin sa kaniya ang binata.
"Xavier." Bigkas ni Araceli sa pangalan ng binata.
"Mahilig ka rin pala sa libro, parehas tayo, binibini." Sabi ni Xavier at napatingin na sa mga libro.
Samantalang si Araceli naman ay niyakap ang libro at namili na rin ng ibang libro.
"Sana huwag kang matakot sa akin." Biglang anas ni Xavier.
Hindi masyadong marinig ni Araceli ang sinabi ni Xavier dahil para bang kinakausap ng binata ang sarili. "May sinasabi ka ba, ginoo?"
"W-wala binibini. Ah- nagagalak akong makilala ka."
Napatango si Araceli. "Ako rin, nagagalak akong makilala ka ginoong Xavier." Sabay ngiti niya sa binata.
Nagtama muli ang kanilang paningin.
May kakaibang nararamdaman si Araceli sa presensya ng binata. Tila ba may nakatagong hiwaga sa katauhan ni Xavier.
×××
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro