Entry 04 : April's a Fool
THE GIRL WHO COULDN'T SLEEP
written by Endee (loveisnotrude)
HINDI AKO makatulog.
Huling check ko sa oras kanina ay 2:14 a.m. na at nang muli ko itong tingnan sa phone, napabuga na lang ako sa hangin sabay bulong ng, "Alas tres na naman."
Sa hindi malamang dahilan, ganitong oras talaga gising na gising ang diwa ko. Para bang naka-set na ang body clock ko na active pagsapit ng alas tres ng madaling araw. Gusto ko nang matulog pero hindi na naman ako makatulog.
Hindi tuloy mapigilan ng aking isipan na maglakbay sa kung saan. Kung ano-ano na ang mga naiisip ko---iba't ibang what ifs. At may isa na namang nangibabaw sa lahat.
What if I made a different choice that time, hindi kaya ako nahihirapan ng ganito sa buhay?
Napailing na lang ako at inalis sa isipan ang what if na iyon. Kung patuloy ko lang kasing babalikan ang nakaraan, hindi na talaga ako makakausad. Kung patuloy kong sisisihin ang sarili sa nangyari, baka tuluyan na akong hindi makaahon.
Binuksan ko na lang ulit ang phone at dumiretso sa Facebook. Nakailang share pa ako ng memes bago ako tuluyang ma-bored at lumipat sa Instagram. Nagtingin lang ako ng mga IG Stories pagkatapos ay sa Twitter naman ako nagpunta. Tamang scroll lang---tapos kapag may nakitang interesting tweet, automatic like or retweet. Ganoon lang ang routine ko kapag hindi ako makatulog . . . katulad nga ngayon.
Do you believe in parallel universe?
Napatigil ako sa pag-scroll dahil sa tweet na iyon. Agad kong binuksan at binasá ang thread. Sa sobrang hooked ko sa mga nabasáng detalye, napaupo na ako sa aking kama.
Sa totoo lang, hindi ako naniniwala na may nag-e-exist na gano'n. Pero kapag may ganito akong mga nababasá, hindi ko mapigilang hindi ma-amaze at mapisip na . . . What if parallel universe do exist?
Napailing na lang ako at muling ipinagpatuloy ang pagbabasá hanggang sa namalayan ko na lang na nasa dulo na ako ng thread. At napakunot na lang ako ng noo sa huling tweet.
Today's April 1. Do you want to change your life with your parallel universe self in a day? Click this link.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko at pinindot ko talaga ang link. It directed me sa isang website na hindi pamilyar sa akin. I-e-exit ko na sana ito agad nang may pumukaw ng atensyon ko---iyong mga tanong.
Do you have any regrets in life?
Do you still regret that decision?
Do you want to go back in the past and change it?
Hindi ko maintindihan pero may iisang desisyon lang ang pumasok sa isip ko pagkabasá ng mga tanong---the decision I made three years ago. Ang deisisyong pinakanire-regret ko talaga hanggang ngayon.
If yes, then click the accept button below.
Sa pangalawang pagkakataon, hindi ko na naman alam ang pumasok sa isip ko at basta-basta ko na lang na pinindot iyong accept button. At nabigla ako sa mga letrang lumitaw sa screen.
Welcome to your Parallel Universe, Rei!
Agad na nanlaki ang aking mga mata pagkakita ng pangalan ko. Dahil hindi na maganda ang kutob ko ay mabilis ko na lang na pinindot iyong exit. Pero imbes na makaalis ay may kung anong iba't ibang images ang lumitaw sa screen hanggang sa lumabas ang . . .
Sorry. Correct reality was not found.
"What the hell?"
Literal na nagsitaasan na ang balahibo ko sa katawan kaya pinatay ko na lang ang aking phone. Nagpunta na rin muna akong kusina para uminom ng tubig. Mukhang mas lalo lang tuloy akong hindi makatulog dahil doon.
Pagbalik ko sa kuwarto, agad namang sumalubong sa akin ang pamilyar na napakalakas na tunog ng aking alarm sa phone. Nagtataka akong nilapitan ito dahil sa pagkakatanda ko, hindi naman ako nag-set ng alarm sa ganitong oras.
D-DAY!!! NMAT!!! NOW!!!
"Ha?" At mas lalo lang akong naguluhan nang mapansin ang date at time sa screen. "April 1, 2018? 6 a.m.? Ano nangyayari?"
Hindi pa tuluyang na-a-absorb ng utak ko kung ano ba ang nangyayari nang may marinig naman akong sunod-sunod na katok sa pinto ng kuwarto ko, na siyang mas lalo kong ipinagtataka dahil ako lang naman mag-isa dito sa apartment ko.
"Rei, gising ka na ba?! Ngayong araw ang admission exam mo sa med school, 'di ba? Aba, bumangon ka na diyan!"
"Ma?" bulong ko nang marinig ang boses na iyon. Halo-halong emosyon na ang nararamdaman ko kaya mabilis ko na itong binuksan at nang bumungad nga sa akin ang taong tatlong taón ko nang hindi nakikita, napaiyak na lang ako sa sobrang tuwa. "Mama!"
"O, Rei . . . Bakit ka umiiyak? May masakit ba sa iyo?"
Hindi ako makapaniwala na muli ko na siyang nayayakap ngayon. Three years. It's been three years since the last time I saw . . . and hugged her like this.
Tandang-tanda ko pa ang nangyari noon.
April 1, 2018. Araw ng National Medical Admission Test ko. Parehong araw ng kaniyang operasyon sa kidney---operasyon na wala man lang akong kamalay-malay.
Hindi ko talaga gustong tumuloy sa med school. Hindi ko naman kasi pangarap maging doktor. Si mama ang may pangarap n'on para sa akin. Pero dahil bukambibig niyang gusto niya akong makitang nakasuot ng white coat balang araw, sumusunod na lang ako sa gusto niya. Ngunit noong araw na iyon, sinuway ko siya. I didn't take the NMAT. I went somewhere else. At sa pag-uwi ko, masamang balita ang bumungad sa akin.
Naging successful ang operation ni mama sa kidney pero after she learned what I did, inatake na lang siya sa puso that became the cause of her death.
Dahil sa akin . . . Dahil sa maling desisyon ko, I lost her.
Which I regretted the most.
At ngayong nasa harap ko na siya ulit sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, gusto ko na lang umiyak nang umiyak.
"Rei, ano ba nangyayari sa iyo? Bakit ka umiiyak?" tanong niyang muli sa akin. "May masakit ba sa iyo? Ngayon pa naman ang exam mo---"
"I'll take the exam, Ma," pagputol ko sa sinasabi niya. "Itutuloy ko ang pagme-med school. Magiging doktor po ako. That's a promise."
I hugged her again.
Isa rin kasi ito sa pinagsisisihan ko noon. Iyong hindi ko man lang siya nayakap nang mahigpit bago siya mawala sa buhay ko.
Wala akong ideya sa kung ano ang nagyayari sa mga oras na 'to. Hindi ko alam kung paano ako nakabalik dito. Hindi ko alam kung may kinalaman ba 'to doon sa website na napuntahan ko. Hindi ko talaga alam.
At hindi ako sigurado kung nasa parallel universe na nga ba ako---kung ito na ba iyon.
Basta one thing's for sure, I'm not going to lose this chance. Hindi ko na ulit hahayaang mawala sa akin ang pinaka-importanteng tao sa buhay ko.
"Ikaw talagang bata ka . . ." Dahan-dahang siyang kumawala sa pagkakayakap ko at mabilis na pinunasan ang luhang dumaloy sa aking magkabilang pisngi. "Teka nga . . . Ikaw bang bata ka ay nakatulog nang maayos?"
When I heard what she said, a realization hits me.
Hindi pa ako nakakatulog kasi nga hindi ako makatulog. Pero paano kung nakatulog na pala ako nang hindi ko man lang namamalayan?
Ibig sabihin . . .
Napailing na lang ako at mabilis itong inalis sa isipan.
Kung nananaginip man nga ako . . .
. . . e 'di, ayaw ko nang magising pa.
THE END
***
A/N: Henlo! The winners for "April's a Fool" contest was already out, and I'm happy to announce that my entry won again!
Gusto ko lang pasalamatan ang buong AmbassadorsPH especially the team behind it (mabuhay, Engagement peeps!) sa patuloy na pag-host ng monthly writing contest na ito! Pati na rin sa gumagawa ng napakagandang certificate~ I really love it kaya maraming salamat po!
Sa lahat din ng sumali at sa mga kapwa ko nanalo, congrats sa ating lahat! See you again for next month's theme!
Again, thank you!
XO,
Endee
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro