Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Entry 03 : Be Brave, March

THE SUPERHERO I LOOKED UP TO
written by Endee (loveisnotrude)


GALIT AKO SA nanay ko.

Kung hindi dahil sa kaniya, hindi sana kami---ako---naghihirap ngayon. Hindi sana ganito ang klase ng pamumuhay namin. Hindi ko sana kailangan pagtiyagaan ang trabahong hindi ko naman gusto pero wala akong choice dahil kailangan kong kumita para mabuhay.

Ang hirap maging alipin ng salapi.

Hindi katulad dati noong bago pa naghiwalay ang mga magulang ko.

Bakit ba kasi hindi niya na lang pinatawad si papa nang mahuli niya itong may babae? Bakit ba kasi pinairal niya pa iyong pride niya?

Kung alam ko lang talaga noon na ganito ang kahahantungan ng buhay ko kasama siya, sana kay papa na lang ako sumama. Baka hindi ganito ang buhay ko kung nagkataon. Kung maibabalik ko lang ang oras . . .

"Teacher Holy, tapos na po ako!"

Pagkarinig ng pamilyar na boses ng isa sa mga estudyante ko, muli kong inayos ang sarili at pilit na ngumiti sa kanila.

Ito ang buhay ko. Mula Lunes hanggang Biyernes ay kailangan kong peke-in ang aking mga ngiti para sa mga Grade 1 students na tinuturuan ko. Hindi ko kasi puwedeng ipakita na hindi ko gusto ang trabaho kong 'to dahil kapag nangyari iyon, hindi ko na alam kung paano pa kami mabubuhay. Lalo na ako.

"Puwede ka nang maupo," sabi ko sa kaniya at binalingan ang iba kong estudyante. "O, sino pa ang hindi nakakapag-present ng assignment dito sa harapan?"

Wala nang nagtataas ng kamay kaya tiningnan ko na ang record ko pagkatapos ay binalingan ang nag-iisang estudyanteng wala pang marka. "Trinity?" pagtawag ko sa kaniya. "Nasaan ang assignment mo? May gawa ka ba?"

Nang dahan-dahan siyang tumango bilang tugon, napabuntonghininga na lang ako at pinakalma ang sarili. Pinapunta ko na lang siya sa harapan para ma-present niya na iyong pinapa-present ko at matapos na ito. Gusto ko nang makapagpahinga at ilang klase na rin ang tinuruan ko sa araw na ito.

Habang hinihintay siya, bumalik na ako sa upuan ko at sandaling napapikit. Wala talagang oras na hindi sumasakit ang ulo ko sa pagtuturo.

"Um . . . Wala po kasi akong masyadong kilalang superhero dahil wala po kaming TV kaya hindi rin po ako pamilyar sa kanila."

Muli akong napadilat nang marinig ang sinabi niya. Ang assignment ko kasi sa kanila ay mag-print ng picture ng paborito o iniidolo nilang superhero at ipaliwanag ito kung bakit. At sa narinig kong iyon, nag-init na naman ang ulo ko. Isa talaga sa ayaw ko ay iyong hindi marunong sumunod sa instruction, e. Ang simple na nga lang ng pinapagawa ko, hindi pa magawa-gawa ng tama. Isa pa naman siya sa magagaling sa klase.

"Wala rin po kaming pampa-print ng picture kaya nag-drawing na lang po ako."

Nang ipakita niya sa klase iyong ginawa niya, agad na napuno ng tawanan ang silid. Pagsilip ko, drawing ito ng isang babae na nasa stick. Muli akong napahawak sa sintido at bahagyang hinilit ito bago tumayo ay sinabing, "Class, quiet. Tumigil kayo sa pagtawa."

Agad naman nila akong sinunod. Pauupuin ko na sana si Trinity dahil hindi niya naman nagawa ang pinapagawa ko nang mapatigil ako sa sunod niyang mga sinabi.

"Pero siya po iyong nag-iisang superhero na kilala at hinahangaan ko. Si Nanay." Kita ko ang paghinga niya nang malalim bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Ang nanay ko po ang tinuturing kong superhero dahil ang lakas niya po at kinakaya niya ang lahat ng pagsubok na dumadaan sa buhay namin. Alam ko po ang lahat ng sakripisyo niya para sa amin---mula sa pagtatrabaho ng kung ano-ano para lang may mapakain sa aming magkakapatid at makapag-aral kami hanggang sa walang sawang pag-aalaga sa amin. Lahat ng iyon ay siya lang po ang may gawa. Ilang pagsubok na po ang kinaharap niya pero hanggang ngayon ay nananatili pa rin po siyang matatag.

Maaga kasing kinuha sa amin ang Itay kaya si Nanay na ang tumayong mama at papa namin. Siya na po ang nagsilbing pundasyon ng pamilya namin. At katulad po ng mga superhero na may super powers, meron din po siya ng gano'n. Pagiging responsable. Dahil kahit may ilang daang rason po siya para pabayaan na lang kami, pinili niya pa rin po na alagaan at itaguyod kami. Kahit gaano kahirap. Mas pinili niya pong mahalin kami kaysa sa sarili niya. At sa tingin ko po, walang ibang superhero ang may kaya ng mga ginagawa niya. Siya lang po. Ang nanay ko lang."

Hindi ko na napigilang maging emosyonal matapos marinig ang mga sinabi niya. Nagmistulang bumalik sa akin ang alaala ng mga sakripisyo ng sarili kong ina nang nagdesisyon siyang palakihin ako mag-isa. Kung hindi pa dahil kay Trinity, hindi masasagi sa isip ko ang mga bagay na iyon.

Ngayon, tatlo lang ang gusto kong gawin: Ang umuwi, yakapin ang nanay ko, at pasalamatan siya sa lahat ng ginawa niya para sa akin.

THE END

***

A/N: Henlo! The winners for "Be Brave, March" contest was already out, and guess what? I'm one of them!

Thank you, AmbassadorsPH and to everyone behind the Write-A-Thon Challenge 2.0 project! And special shout out to the one who made the beautiful certificate for the winners! I really love it <3

Sa lahat din ng sumali at sa mga kapwa ko nanalo, congrats sa inyong lahat! You guys did an amazing job. I read some of the entries and it's all good and well written as well. I hope to see you again for next month's theme!

Again, thank you!

XO,
Endee

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro