Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter One

Chapter One

Hinawi ko ang kurtina sa bintana ng aking kuwarto. Halos kakasikat pa lamang ng araw at gising na ako. Matapos itali ang mahabang buhok ay lumabas na ako ng aking silid. Sinimulan ko ang mga gawaing bahay. Tulad ng inaasahan ko ay nagkalat na naman ang mga bote ng alak sa aming sala. Nag-ingat na lamang ako sa mga bubog galing sa nabasag na bote. Mabuti at mas maaga akong nagising ngayon kumpara sa madalas kong gising at ang daming lilinisin. May kalakihan ang bahay. Noong unang dating ko rito ay may naabutan pa akong kasambahay at driver pero ngayon ay wala na. Wala na kasing maipansasahod sa kanila.

Nang naglalapag na ako ng mga niluto sa mesa ay siyang pagbukas ng pinto ng kuwarto ni Uncle. Gulong gulo ang kanyang buhok at halatang hindi pa nakakapagbihis mula kahapon. Suot parin nito ang madalas niyang longsleeve sa pinipuntahang magsasara na niyang law firm. Umupo ito sa hapag at tahimik kaming kumain ng almusal.

Nang maulila ako sa aking magulang dulot ng isang car accident ay napunta na ako sa custody ni Uncle. Siya ang pinakamalapit kong kamag-anak. Halos kamamatay lang din noon ng kanyang asawa noong dumating ako rito. Walang anak na naiwan sa kanya at ang alam ko'y baog siya ayon sa mga katulong rito dati. Lulong rin siya sa bisyo at sugal.

Lumaki akong tanging si Mama at Papa ang kasama. Tanging anak si Papa at hindi ko naman nakilala ang kahit sino sa pamilya ni Mama. Malayong pinsan naman ni Papa si Uncle at noong nawala sila ay siyang unang beses ko ring pagkakakilala sa aking tiyuhin.

"Maghanda ka at may pupuntahan tayo mamaya." Malamig na turan nito.

Nag-angat ako ng tingin s kanya at nanatili ang atensyon nito sa pagkain. Hindi naman talaga kami nag-uusap ni Uncle. Magsasalita lamang siya kapag may ibibilin o ipag-uutos sa akin.

Iyon nga ang ginawa ko. Suot ang isang kulay dilaw na dress at isang pares ng sapatos ay bumaba ako tungo sa naghihintay na sasakyan ni Uncle sa garahe.

Tahimik ang nagging biyahe. May kalayuan din pala iyong pupuntahan namin. Tumigil ang sasakyan sa harap ng isang malaking bahay. Lumabas si Uncle ng kotse at nagmadali rin akong kinalas ang aking seatbelt at sumunod sa kanya.

Sinalubong kami ng mga naka-unipormeng lalaki. Iginiya kami nito paloob ng bahay na iyon. Hindi ko naiwasang punahin ang magarbo nitong interior. Ang malaking chandelier ay nagsusumigaw ng karangyaan kasabay ng mga mamahaling muwebles na naroon. Isa pang lalaking nakasalamin at isang babae ang sumalubong sa amin. Hindi tulad ng mga naunang lalaking sumalubong sa amin kanina ay pareho nila akong binigyan ng isang ngiti. Bahagyang napaawang ang labi ko sa hiyang naramdaman. Tipid na lamang akong napangiti. Napaka-pormal yata ng mga ayos nila samantalang isang simple't luma na itong suot ko.

"Narito na siya." anunsyo noong babae matapos naming marinig ang makina ng kararating lamang na sasakyan sa labas.

Panibagong grupo ng mga naka-unipormeng lalaki ang dumating. Dumapo ang tingin ko sa huli. Nanlaki ang aking mga mata kasabay ng mabilis na pagkabog ng puso ko. Bagamat may nagbago mula sa huli ko siyang nakita ay hindi ako maaring magkamali. Ang lalaking ito ngayon sa aking harapan...

"Alexander Fajardo." Narinig kong bati ni Uncle sa dumating. Hindi maalis ang hindi ko makapaniwalang tingin sa lalaki.

Halos tumigil sa pagtibok ang aking puso at huminto ang mundo ko nang bumaling siya sa akin. Purong lamig ang una kong nakita sa kanyang mga mata bago ito nagpakawala ng isang ngisi. Napalunok ako't halos magsitindigan ang mga balahibo.

"Mabuti at tumupad ka sa usapan." baling nito sa aking tiyuhin.

"Hindi naman ako tanga para isiping matatakasan kita."

Muling gumuhit ang nakakapanindig balahibong ngisi sa kanyang mga labi. Kumunot ang noo ko at napabaling kay Uncle. Halos hindi ito makatingin sa akin.

"Uncle," tawag ko.

Lumapit ang dalawa sa mga naka-unipormeng lalaking naroon. Hinawakan ako ng mga ito sa magkabila kong braso. Pagkalito at kaba ang bumalot sa akin.

"Uncle, A-Ano pong ibig sabihin nito..."

Umiling lamang ang aking tiyuhin bago ako tinalikuran.

"Uncle!" pasigaw kong tawag nang palabas na ito ng bahay kasama iyong ibang tauhan.

Nilingon ko si Alexander at nakita ang seryoso niyang mga mata. Nagsimula akong magpumiglas mula sa pagkakahawak nila sa akin. "Bitiwan niyo ko!"

Naramdaman ko nalang ang paglapat ng isang tela sa ilong ko't bibig na siyang nagpawala sa aking malay.

Sapo ko ang ulo nang magising sa isang hindi pamilyar na silid. Bumangon ako't napaupo sa kama, inikot ang panigin sa kabuuan ng kuwartong iyon. Tumigil ito sa babaeng nakaupo sa paanan ng aking kama.

"Gising ka na pala." isang ngiti ang bati nito sa 'kin.

"Nasa'n ako..."

Hindi ako nito sinagot. Sa halip, "Maligo ka na muna ng mabawasan ang bigat ng pakiramdam mo. Pagkatapos ay isuot mo ang mga ito," turo niya sa paperbag bag at mukhang kahon ng sapatos na nakapatong sa coffee table na naroon. "Babalik ako para tulungan ka sa pag-aayos."

Isang magaang ngiti ang muling iginawad nito sa akin bago tuluyang nilisan ang silid.

Wala mang gaanong naiintindihan sa mga nangyayari ay sinunod ko iyong sinabi niya. Kahit papano'y guminhawa ang pakiramdam ko matapos maligo. Isang putting bathrobe ang naroon na siyang itinakip ko sa aking katawan. Lumabas ako ng bathroom at tinungo iyong ibinilin sa akin kanina. Una kong binuksan iyong kahon at tamang isang pares ng ng magandang gladiators ang nasa loob nito. Kinuha ko naman ngayon ang laman noong paperbag. Isang simple at mahabang white dress...

Agad kong nilingon ang pinto nang bumukas ito. Ang nakangiting mukha noong babae ang muling bumungad sa akin. "Kailangan na nating magmadali."

Pinaupo niya ako sa harap ng tukador na naroon at sinimulang lagyan ng light make-up ang aking mukha. Gusto kong magtanong at maliwanagan ngunit wala yatang lumalabas sa bibig ko.

"Ikaw si Celine, hindi ba?" salita nito habang nilalagyan ako ng eye shadow. Tumigil siya't iminulat ko ang aking mga mata.

"Oo..." mahina kong sagot.

Ngumiti ito at nagpatuloy. "Ako nga pala si Grace. Isa ako sa mga assistant ni Sir Alexander."

Napaangat ako ng tingin nang muling marinig ang pangalan ng taong iyon. "Si Alexander..." halos walang boses na lumabas sa bibig ko.

Inalalayan niya ako sa pagtayo at pagharap sa isang full length mirror na naroon din. Kita ko ang aking buong repleksyon sa salamin. Pinatingkad lalo ng make-up ang aking mukha. Ang mahabang dress ay tamang tama sa aking katawan. Hinayaan lamang nakalugay ang aking buhok na bahagyang kinulot ang mga dulo.

"You're perfect!" puri sa akin ni Grace.

Ang buhangin, papalubog na araw at ang tunog ng mga alon sa 'di kalayuang dagat ang sumalubong sa akin. Inihipan ng panghapong hangin ang aking mahabang buhok.

"A-Anong..."

"Magsisimula na tayo." si Grace na pinapuwesto ako sa dulo ng boardwalk.

Naguguluhan akong nag-angat ng tingin sa iilang taong naroon. Dumapo ang mga mata ko kay Alexander na seryoso lamang nakatayo sa kabilang dulo nito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro