Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Wakas

Wakas

Noong bata pa ako, lagi kong tanaw ang buwan dahil sa pagkamanghang sa mundo lamang natin ito umiikot. Paano ito nananatili kung madami pa namang planeta sa kalawakan? Paano nito nalamang sa dito lamang siya nararapat?

"Iko, uuwi ka sa probinsya ninyo? Tumawag sa akin si Ate Ising kahapon."

Tumango ako kay Tiyo Tiburcio at inilibot ang tingin sa Plaza Miranda. "Pinauuwi na ako ni Ama, Tiyo," tugon ko

Espesyal ang araw na iyon para sa mga taga-suporta ng Partido Liberal dahil ngayon gaganapin ang proklamasyon ng kanilang mga kandidato sa pagka-senador at alkalde ng Maynila.

Isa si Tiyo sa mga loyalista ng samahan kaya hindi niya pinalagpas ang pagkakataong masaksihan ang mangyayari.

"Hindi ka talaga kayang pabayaan ng iyong—"

Hindi na naituloy ni Tiyo ang kaniyang sasabihin nang nakadinig kami ng malakas na pagsabog.

Nakaramdam ako ng pagkahilo ngunit inuna ko munang daluhan si Tiyo na sugatan. Agad ko siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital kasabay ng iba pang napuruhan sa pagsabog.

"Tiyak na ang pangulo ang may pakana nito," galit na sabi ni Tiyo.

"Huwag muna tayong magbintang, Tiyo. Ang mahalaga ay ligtas ka."

Marahas siyang umiling at itinuro ang binabasang diyaryo. Naroon ang balita sa insidente. Siyam ang nasawi at higit isang daan ang sugatan. Kabilang doon ang isang senador na naapektuhan ang mata at tainga.

"Kahit ang Liberal, iyon ang sinasabi. Tinanggi ng pangulo at itinuro ang mga Komunista."

Sa mga sumunod na araw, sinuspinde ng pangulo ang Writ of Habeas Corpus. Ginawang dahilan ang pambobomba sa Plaza Miranda upang maisakatuparan iyon.

Inihahanda ko na ang aking mga bagahe ng lapitan ni Tiyo Tiburcio na handa na para sa nakatakda nilang kilos-protesta.

"Pasensya na at hindi kita maihahatid. Magpapaka-bayani pa ang iyong tiyuhin."

Napailing ako at ngumisi. "Maibabalik pa ba ang dati sa paraang ito, Tiyo?" tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. "Walang kasiguraduhan pero wala namang mawawala kung susubukan, hindi ba?"

Matapos ang araw na iyon, wala na akong nadinig pa mula kay Tiyo. Kahit ilang buwan na akong nanatili sa probinsya, hindi man lang ako nakatanggap ng tawag o liham mula sa kaniya.

"May lakad ka, Pacifico?"

Si Lorena iyon, anak ni Mang Nestor na galing Maynila. Maganda at sinusubukang makipagkaibigan sa akin pero hindi ko magawang patulan. At kapag ipinagkakanulo ni Ama, tumatahimik na lamang ako.

Hindi rin naman ako mahilig sa mga ganoon. Dati ay napapalapit na rin naman sa mga babae pero hindi na nagpapatuloy. Mas matimbang sa akin ang pag-aaral at kung papasok sa isang relasyon, hindi ko mapagtutuunan ng pansin dahil abala sa pangarap na maging sundalo. Malayo-layo pa nga lamang sa ngayon dahil nag-iipon pa ako ng pantustos sa aking pag-aaral.

Tumango ako at binuhat na ang mga inaning pulot. "Oo. Sa mansion ng mga Veridiano," tugon ko.

"Matatagalan ka? Magpapasama sana ako sa 'yong maligo sa talon."

Ngumisi ako. "Hindi ka marunong lumangoy?"

"Uh. Oo. Kaya nga gusto kong naroon ka," hagikgik niya.

"Matagal 'to. Sigurado," sabi ko na kahit ang totoo ay ibibigay lamang at pagkatapos ay babalik na.

Iniwan ko na siya at tumuloy sa mga Veridiano. Natanaw ako ni Elena kaya sinalubong agad. Kinuha niya mula sa akin ang pulot at inaya akong mag-kape kahit sandali.

Tumanggi ako at aalis na sana nang nasulyapan ang babaeng papalapit. Nakasimangot at nakakunot ang noo pero mahinhin ang paglalakad.

Manipis ang natural na mapupulang labi, singkit, at kulot ang mahabang buhok. Hindi ko na namalayang nasa harap ko na siya kaya nang napatingin sa akin, napalunok ako.

Malakas ang loob, pinasadahan ako ng tingin kahit kaharap ko lang siya. Pinigilan kong mapangisi nang nagtagal ang titig niya. 'Di ko alam pero kakaiba ito. Para akong lalagnatin habang sinusuri niya.

"Wala akong kasama kung ganoon?" tanong niya kay Elena.

Malumanay ang boses niya. Naiisip ko pa lamang na ganoon din sa tuwing nagagalit, nangingiti na ako. Tumikhim ako nang sumulyap siya sa akin kaya bumaling na rin pati si Elena.

"Sa kaniya ka na lang magpasama. Mapagkakatiwalaan naman iyan."

"Saan ba?" tanong ko sa kaniya.

Matagal bago sumagot, parang nag-aalinlangan. "Sa talon. Ayos lang kaya?" Binulong niya kay Elena ang huli.

"Ayos lang naman. Wala naman akong gagawin na."

Binalik niya sa akin ang tingin at tumango. Hindi ako mapalagay habang hinihintay siya. May kinuha lang at nang bumalik, may dala nang kwaderno at panulat.

Wala siyang kibo hanggang sa makarating kami sa talon. Umupo ako sa malaking bato at nilingon siya. Nag-iwas siya ng tingin. Pumwesto nang malayo sa akin, naging abala sa mga dalang gamit.

Ngumuso ako at pinagmasdan siya. Pababalik-balik ang tingin niya sa likod ko kung nasaan ang talon. Ilang minutong ganoon lamang kami.

Nakuryoso ako nang hindi na siya muling nag-angat ng tingin. Tahimik akong lumapit at nang nasa likod na niya, sumilip sa ginagawa.

Iginuhit niya ang talon at kahit hindi pa tapos, batid kong ako ang iginuguhit niya sa ibaba niyon. Nagitla siya nang nalingunan ako.

"Hmm. Galing."

Isinara niya ang kwaderno at umusog palayo sa akin. Kita ko ang pamumula niya kaya hindi ko na napigilan ang pag-ngisi.

Napatingin siya sa akin, nakataas ang kilay. Naglahad ako nang kamay at itinuro ang kwaderno niya.

Ngumuso siya at nag-aalinlangang ibinigay sa akin iyon. "Akin na lang ito," tukoy ko sa iginuhit niya. Tumango siya kaya pinilas ko mula sa kwaderno ang pahinang iyon.

Inihatid ko na rin nang nag-aya na siyang umuwi. Tahimik pa rin pero hindi kagaya kanina na halos isang metro ang pagitan namin.

Tipid siyang ngumiti at bahagyang yumuko. "Salamat sa pagsama sa akin."

"Walang anuman," tango ko.

"Ceres? Nandiyan ka na pala."

Lumapit si Elena samantalang pumasok na sa mansyon si Ceres. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tumikhim si Elena.

"Naku! Alam mo namang... imposible, hindi ba?"

Alam ko naman iyon. Masyado siyang mataas para maabot ko. Batid ko namang hindi siya nababagay sa isang tulad ko pero hindi ko maiwasang makaramdam ng inis lalo na ngayong pati si Elena, alam na imposible.

Simula noon ay hindi na ako bumalik pang muli sa mansyon. Itinabi ko ang iginuhit niya pero hindi na muling binuklat. Nagtaka si Ama sa hindi ko pagpunta sa mga Veridiano pero dahil abala naman sa tubuhan, hinayaan na ako. Nabalitaan ko ring lumuwas siya papuntang Maynila at pansamantalang maninirahan doon upang mag-aral.

Ilang taon ang itinagal niya roon. Lagi kong nadidinig ang kuwento ng kaibigan kong si Edgar na matagal nang may gusto sa kaniya. At sa tuwing nangyayari iyon, naiinis na lang ako. Hindi ko lang maamin sa sarili ko pero batid ko sa aking sarili na kahit may kaunti pang tampo, naghihintay pa rin ako sa kaniya.

"Umuwi na. Nakita ko kanina," si Mang Pilo na naghahatid ng mga gulay sa mga Veridiano.

Pinagpatuloy ko ang paglalagari ng kahoy para sa kubo kahit nakuha niyon ang aking atensiyon. Nakabalik na pala siya. Madaming nagbago roon pero hindi pa rin magbabago ang katotohanang bawal siya para sa akin at ganoon din ako sa kaniya.

"Mas gumanda, tiyak na nililigawan na iyon."

Nag-angat ako ng tingin kay Edgar at matalim siyang tinignan. Naliligawan na nga iyon at hindi ka pupwede.

Napansin niya ang pagbaling ko sa kaniya kaya ngumisi. "Bakit, Pacifico? Tipo mo, ano?"

Umiling ako at nag-igting ang bagang. "Hindi. Masyadong... mayaman para sa akin," sagot ko.

Naabutan ko siya sa kubo, sugatan at may kasamang lalaki. Ginamot ko ang sugat niya pero malamig ang pakikitungo ko. Sa isip-isip ko, hindi rin naman ako magugustuhan nito.

Doon pa lang, alam ko na. Hindi niya ako naalala. Taon din kasi ang lumipas buhat noong huli kaming nagkita at hindi niya rin naman alam ang pangalan ko.

Sa mga sumunod na araw, lagi ko siyang naaabutan sa kubo at pinagmamasdan ako. Kinakausap ako pero madalas na hindi ko kibuin.

Hindi ko nga lang natagalan dahil dumalas ang pagbisita niya. At namalayan ko na lang na sabik akong naghihintay sa kaniya.

Nalaman ko rin mula kay Ama na lumipas na ang kaarawan niya at hindi ko man lang nabati. Kaya tumungo ako sa Sentro at namili ng mga palamuti at tansi para gawan siya ng pulseras.

"Sa iyo iyan..." sambit ko ng hubarin niya ang pulseras na ibinigay ko nang minsang magawi siya ulit sa tubuhan.

Hindi niya inaasahan iyon kaya bahagyang nagulat. Isinuot niyang muli at talagang bagay sa kaniya.

"Salamat. Napakaganda nito."

Inihatid ko siya at nang pabalik, nadatnan si Lorena na hinihintay ako. Pinagmamasdan niya ang mga palamuti na binili ko.

"Pacifico, maaari mo ba akong gawan ng pulseras. Nais ko ang disenyong ibinigay mo kay Ceres, "sabi niya.

Marahil tinanong niya si Ama kung anong sinadya ko sa Sentro at nabanggit nitong balak kong bigyan ng regalo si Ceres. Tumanggi ako at inalok siya ng iba pang disenyo dahil ginawa ko talaga iyon para lamang kay Ceres. Pumayag naman siya kahit may kaunting pagpoprotesta. Hindi ko nga lamang batid kung paanong naging magkaparehas ang kanila ni Ceres.

Pumunta siya sa kaarawan ko pero may kasamang iba. Gusto ko siyang puntahan, kaya lamang ay napipigilan dahil sa kasama niya at dahil na rin sa mga kaibigan kong ipinagtutulakan ako kay Lorena.

Nang bigyan ako ni Lorena ng regalo, nakita kong umalis siya. Kaya nang naging abala ang aking mga kaibigan sa pagtatanong, sinundan ko na.

"Totoo ba iyan?" tanong ko nang umamin siyang mayroon ngang nararamdaman para sa akin.

"Totoong-totoo."

"Huwag kang mag-alala dahil kasama mo ako sa katotohanan."

Inimbitahan niya akong dumalo sa kaarawan ng kaniyang kapatid. Nag-alinlangan ako pero dahil naroon naman siya, pumunta na ako.

"Magdala ka ng prutas doon, Iko," si Ama na inabot sa akin ang isang sako ng mga prutas.

Nasabik ako dahil may dala akong regalo kahit papaano. Nawala nga lamang iyon nang makita ang magagarang dala ng iba. Kaya sa huli, hindi ko na lamang ipinasok.

Nakapanliliit ang agwat ng mga buhay namin dahil kahit itanggi, malaking batayan sa katulad nila ang yaman at ari-arian ng isang tao.

Inisip ko na lang na hindi rin magtatagal at makakayanan kong humarap sa pamilya niyang mayroong maipagmamalaki kahit alam kong dehado ako kung ihaharap siya sa isang ipinanganak nang katulad niya.

Ipinakilala niya ako kay Cesar bilang kaniyang kaibigan. Batid kong nag-alala siya sa aking mararamdaman ngunit naiintindihan ko naman siya. Para mapatunayang malinis ang aking intensyon, inamin ko ang totoo sa kaniyang kapatid na ako ay manliligaw ni Ceres.

Bumisita siyang muli sa tubuhan at nagkainitan sila ni Lorena. Nasa labas ako noon nang nabanggit ni Lorena ang tungkol sa pagkakasundo ni Ceres sa iba.

Natigilan ako. Sa sandaling iyon, naisip kong dapat ko na sigurong isuko ito. Mula umpisa, hindi naman talaga ako maaari sa kaniya. Marahil hindi patas iyon para sa akin dahil kahit hindi niya hilingin, sa kaniya ang... mundo ko. Buong-buo.

Natauhan ako at pumasok na nang madinig ang kaguluhan. Nadatnan kong tinulak ni Ceres si Lorena na nagsimulang umiyak nang makita ako.

"Kumusta siya? K-kailangan ba siyang dalhin sa pagamutan?" balisa niyang tanong pagkatapos kong gamutin si Lorena.

"Ayos na siya. Hindi na kailangan."

Nangako ako sa kaniya sa ilalim ng ulan. Ayokong bitawan ang mga kamay niya pero para sa isang tulad kong walang puwang sa kaniyang buhay, sapat na sa aking minsang nagtagpo kami.

"Hihintayin ko ang mga susunod na pagpalit ng buwan sa araw hanggang sa mahanap ko na ang mundo kung saan mangyayari ang tayo," bulong ko.

Dumating si Aurelius at pinayungan siya. Batid kong iyon na ang oras upang siya ay palayain na. Naglakad ako palayo kahit ang tanging pangarap ko lamang ay mapalapit sa kaniya.

Ang kaso lang, hindi ko pala talaga kayang bitawan siya. Hindi ko pala kayang ipaubaya siya sa iba. Balewala na ang lahat ng pagdududa at takot. Ngayon pa ba ako aatras kung naihakbang ko na ang aking mga paa sa hukay na ako mismo ang gumawa?

Sa gabi ring iyon, sinagot na niya ako. Kung maaari lang, sana ay hindi na matapos ang buong magdamag. At kung pagbibigyan, sana'y hindi matapos ang pakiramdam na maaaring maging tama ang lahat para sa amin.

Lalo akong nahulog sa kaniya dahil sa kaalamang handa siyang lumaban kasama ako. Iyon naman talaga ang gusto ko, hindi ba? Ang malamang handa siyang sumugal dahil nais niyang manatili ang namamagitan sa amin.

"Bukas. Aamin na ako kina Papá. Sasabihin ko ang tungkol sa atin."

"Sinasagot mo na ako..."

Nalunod ang pagkatao ko sa saya na sa wakas, abot-kamay ko na siya. Tapos na ang mga panahon ng pagsisising hindi ako nagpakilala sa kaniya noon... Ang mga panahong imposible pa ang lahat ng pantasya ko para sa aming dalawa.

Lumakas ang loob ko. Sa una pa lang naman, batid ko nang hindi siya nanghahamak ng tao base sa katayuan nito sa buhay ngunit ngayon ko lamang napatunayang posible pala talagang mabigyan kami ng pagkakataon.

Ilang taon kong hinintay ito. Minsan ay naiisip ko nga noong kasintahan ko siya. Ang pakiramdam ng malambot niyang kamay sa magaspang kong palad, ang maliit niyang katawang nakakulong sa aking mga bisig at ang tunog ng pangalan kong mula sa kaniyang labi. Sinong hindi masisiyahan kung matupad ang ganoong pangarap?

Balak niya akong ipakilala sa mga magulang niya pero bago pa ako makapunta, inunahan na ako ng masamang balita.

"Iko! Si Ising! Binaril sa tapat ng mansyon ng mga Arsenio!" balita sa akin ni Mang Nestor.

Kaagad akong tumungo roon at naabutan nga si Ina na wala nang buhay. Pinagbintangan siyang magnanakaw at kaanib ng mga rebelde. Alam kong kasinungalingan lamang iyon dahil kahit hirap kami, hindi niya kailanman nagawang gumawa ng masama sa kapwa.

"Walang kalaban-labang pinatay ang iyong ina, Aurelius! Kailangan kong mabigyan siya ng hustisya!" pagdadahilan ni Ama nang subukan ko siyang pigilan sa balak niyang pagsali sa mga tulisan.

"Ngunit hindi ito ang tamang paraan sa pagkamit ng hustisya."

Hindi siya nagpapigil at ginawa ang nais niya. Maging sa libing ni Ina ay wala si Ama kaya gumawa na lamang ako ng dahilan sa tuwing may nagtatanong tungkol sa pagkawala niya.

"As of 21st of this month, I sign Proclamation No. 1081, placing the entire Philippines under Martial Law."

Pinatay ko ang radyo nang madinig ang balita. Dinalaw ako ni Ama matapos ang ilang araw ng pananatili sa kabundukan.

"Baka hindi ako muling makabisita pa sa mga susunod na araw dahil balak naming pasukin ang kampo ng mga militar at ang mansyon ni Heneral Arnulfo," pagbubunyag niya.

"Hindi kailanman naging hustisya ang paghihiganti."

"Para ito kay Ising, Aurelius."

Nagmatyag ako sa araw ng pag-aaklas nina Ama. Nag-aabang lamang sila at humahanap ng tamang oras. Hindi ako lumabas mula sa aking pinagtataguan ngunit nang natanaw kong pumasok sa mansyon sina Ceres, sumunod ako.

Nahirapan akong makapasok dahil sa nakaabang na militar ngunit nang magpaputok na ang mga kasama ni Ama, tumumba agad ang bantay. Pinulot ko ang kaniyang baril para maproteksiyunan ang sarili kung kinakailangan at tumuloy na.

"P-pakiusap, hayaan mo na kami! Nais pa naming mabuhay!" si Ceres nang makasalubong ko silang palabas.

Tumabi agad ako at pinadaan sila. "Masusunod, Senyorita."

Napalingon siyang muli sa akin at doon, wala na ang takip sa mukha ko. Malaya niya na akong nakilala.

Nakaramdam ako ng kaunting takot dahil hindi imposibleng maghinala siya na katulad ng aking ama, umanib din ako sa kumakalaban sa pamahalaan. Gobernador ang kaniyang Papá, tiyak akong hindi ito magiging maganda para sa akin pero hinayaan kong makilala niya ako.

Sinubukan kong hanapin si Ama sa loob ngunit nahuli lamang ako ng mga sundalo. Marami sila kaya hindi na ako nanlaban. Isinama nila ako sa mga nadakip nilang rebelde at ikinulong sa loob ng kampo.

"Ikaw si Pacifico, hindi ba?" tanong sa akin ng isang sundalo.

"Ako nga. Bakit?"

Sinulyapan niya muna ang dalawang bantay na abala sa pagkain. "Ako si Tomas. Itatakas kita mamayang gabi. Kilala ako ni Senyorita Ceres."

Dumating nga siya kinagabihan at sinubukan akong ipuslit palabas ngunit alerto ang mga bantay kaya nahuli rin kami kalaunan.

Kinabukasan ay dumagsa ang mag sundalo sa aming selda. May mga hawak silang latigo at tali. Hinampas ako ng ilang beses at natanaw ko si Ceres na papalapit.

Nakita niya rin ako at nagmakaawa kay Aurelius na itigil na iyon. Halos hindi ko na maimulat ang aking mga mata sa paghapdi ng mga sugat ko sa likod.

Natapos din naman iyon kalaunan. Kinalong ako ni Ceres matapos bumagsak nang hindi ko na kayanin ang sakit dahil sa paulit-ulit na latay.

"M-matulog ka muna," pakiusap sa akin ni Ceres.

Luhaan ang kaniyang mga mata. Ito ba ang mukhang nais kong lagi niyang dalhin sa tuwing kasama ako? Ito ba ang isusukli ko sa katapangan niyang piliin ako nang paulit-ulit?

"N-nanga-ko... a-ako na... m-makikita...ka sa susu-nod m-mong... p-pagbisita..."

Pagkagising ko ay ipinatawag ako sa opisina ng heneral. Nanghihina ang katawan ko kaya inalalayan ng isa sa mga bantay.

"Maaari ka nang makalaya dahil batid ko namang hindi ka kabilang sa mga rebelde. Kailangan mo lamang umalis at magpakalayo-layo pansamantala hanggang sa humupa ang mga kaguluhan," sambit ni Aurelius.

"Ngunit paano ang aking ama?"

Ngumisi siya at umiling. "Ikaw lamang ang pahihintulutan kong makalaya, Pacifico. May tao ako roong naghihintay sa iyo upang igiya ka sa sasakyan mong barko."

Pagkalabas ko sa kaniyang opisina, nadatnan kong inililibing na nang buhay ang mga rebelde at kasama roon si Ama!

"Ama! Itigil ninyo 'yan! Pakiusap!"

Tumakbo ako at sinubukan silang pigilan ngunit kinaladkad ako palabas ng mga sundalo at hindi na hinayaang makapasok pang muli.

Noong nawala si Ina, akala ko iyon an ang sukdulan ngunit hindi ko inakalang ito pala ang tuluyang wawasak sa akin. 

Pumunta ako sa mansyon ng mga Veridiano kahit nanghihina at nakita naman ako ni Elena. "Diyos ko! Aurelius!"

Inabot ko sa kaniya ang sulat ko para kay Ceres at pinakiusapan siyang ibigay iyon. Hindi na ako nagtagal pa at tumungo na sa daungan. May sumalubong sa aking lalaki at inakay ako sa bilihan ng bilyete. May ibinulong ang lalaki sa tauhan doon at tumango naman ito.

Nilapitan ko si Ceres nang natanaw siyang pumunta nga. Umiiyak siya habang sinusuri ang kalagayan ko. Sinubukan kong hawakan siya ngunit umiling lamang siya.

"I-iwan mo ako?" tanong ni Ceres.

"Ang bawat daang aking tatahakin ay patungo lamang sa iyo, Ceres. Ang daang binabagtas ko ngayon at sa mga susunod pang panahon, ikaw lamang ang hantungan. Pangako."

Nang nasa barko na ako at malayo na sa daungan, napagtanto kong kahit marami akong pinagdaanan sa iiwang lugar, babalik pa rin ako para sa kaniya. Dahil balewala ang sakit kung kasama siya... Kung hawak ko ang kamay niya, ipinauubaya ang masaklap kong buhay.

"Babalik ako! Pakiusap! Nais kong bumalik!"

Nilapitan na ako ng mga tao sa barko dahil natatakot na ang ibang pasahero sa akin. Sinubukan nila akong pakalmahin ngunit bigo sila.

"Ano pong problema?" tanong sa akin ng kapitan ng barko.

"Idaong mong muli ang barko. Babalik ako."

Pagak siyang natawa at umiling. "Pasensya na ngunit hindi kita mapagbibigyan—"

Tinulak ko siya sa dagat at ginamit ang pagkakataong iyon upang tumalon. Hindi pa ako nakalalayo nang sumabog ang barko.

Dahil sa lakas niyon, sandali akong nawalan ng pandinig. Pinilit ko pa ring lumangoy kahit nararamdaman ang bigat ng katawan. Ngunit sa gitna ng lahat ng iyon, unti-unting nandilim ang paningin ko.

Nagising ako na nakahiga sa komportableng kama at puting silid. Nilapitan ako ng isang matandang lalaki.

"Mabuti at gising ka na, hijo," bungad niya.

Nalaman kong natagpuan niya ako sa dalampasigan at walang malay. Dinala niya ako sa ospital nang may maramdaman pa siyang pulso mula sa akin.

"Maraming salamat po, Cardinal Mijares."

Tinapik niya ako sa balikat at iginiya sa magsisilbi kong silid habang nagpapagaling at nasa puder niya. Lumipas ang taon ngunit nanatili pa rin ako roon. Kinupkop niya ako at itinuring na tunay niyang pamilya.

Dahil sa kaniya, napalapit ako sa Diyos. Itinuro niya sa akin ang kahalagahan ng pananampalataya at paglilingkod. Makalipas ang ilang taon, natagpuan ko ang aking sarili na tinatawag ng Panginoon upang lubusan Siyang kilalanin at mapaglingkuran kaya pumasok ako sa seminaryo.

Sumasagi pa rin naman sa isipan ko si Ceres ngunit napagtanto kong kahit ngayong may kinapupuntahan na ang buhay ko, hindi pa rin at hindi na talaga puwede.

Nag-aaral ako noon nang lapitan ni Cardinal Mijares at aluking makibahagi sa rebolusyon. Batid kong ang pag-aaklas ay para sa bayan ng Diyos kaya hindi ako nagdalawang-isip na pumayag.

"Itigil mo iyan kundi babarilin kita!"

Nadinig ko iyon mula sa sa gilid ng Palasyo nang madaan ako upang daluhan ang aming mga kasama. Bumalik ako upang silipin ang nangyayari. Nanlaki ang mga mata ko nang matanaw si Cesar na tinututukan ng baril ng isang lalaki. Kaya nang nagpaputok ito patungo kay Cesar, tumakbo ako at dinamba siya.

Ramdam ko ang sakit sa aking balikat ngunit hindi ko iyon ininda. Ang inaalala ko ay ang lalaking nanatili pa rin doon. Mabuti na lamang at nakita kami ng ibang sundalo kaya natulungan.

"Maraming salamat sa pagligtas sa akin, Pacifico," sabi ni Cesar.

Tumango ako. "Walang anuman, Cesar."

"S-si Ceres... matagal ka na niyang hinahanap."

Tipid akong ngumiti. "Malapit na akong maging pari," sagot ko.

Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at 'di kalaunan ay bumuntong-hininga. "Hindi man kayo ang kinahantungan ng isa't isa, kapwa naman kayo naglilingkod sa Diyos."

Lumayo ako nang matanaw ang Tiya niyang papasok. Tumalikod ako kaagad kaya hindi na nakita ang mga kasama niya. Naroon si PO2 Fernan Agoncillo na matagal ko nang kakilala dahil sa kapatid niyang pari. Nilapitan ako nito at pinasalamatan. 

Nagawi ang tingin ko sa kay Cesar at sa hindi inaasahang pagkakataon, nasilayan kong muli si Ceres... ang mukha ng bigong pag-ibig. Lumapit siya sa akin matapos ang ilang saglit. 

"Maiwan ko na muna kayo," paalam ni Fernan.

"Pacifico..."

Lumunok ako at natulos sa kinatatayuan. Ilang taon na ba ang lumipas at kay sakit ng pagbigkas niya ng aking pangalan? Pamilyar ang pakiramdam na iyon nang madinig kong muli niyang bigkasin ang pangalan ko. Bumalik sa akin ang mga alaala ng pangako at ang pagsubok kong lumaban para sa pag-ibig at pangarap na parehong siya ang dahilan.

Nangilid ang luha ni Ceres at kahit noon, iyon ang hindi ko kayang masaksihan dahil alam kong para sa akin iyon... para sa amin. "H-hinintay kita... Hinintay kita..."

Tunay ngang ang pagpapalaya ang pinakadakilang aspekto ng pagmamahal. Batid kong kahit hindi ang isa't isa ang naging dulo ng plano ng Diyos para sa amin, malaking bahagi ng aming mga pagkatao ang maiiwan sa buhay na ito.

Kung kami'y magtatagpong muli, hindi man ngayon at sa susunod na panahon, hindi na ako mangangarap pang maging akin siya kung sa huli, hindi pa rin kami maaari. Walang katapusan ang pagmamahal... parang pag-ikot ng mundo. Ngunit minsan, kailangan ding makuntento sa kaisipang buhay pa at umiikot ito.

Napagtanto kong nagkamali ako. Nagkamali akong daigdig si Ceres dahil mas mapalalapit siya sa akin sa ganoong paraan, sa Buwan. Ang totoo'y siya ang Araw, nakapapaso kung susubukang lapitan... Ang sentro ng liwanag at ng kalawakan. 

Ang tunay na mundo ay ang pagsubok, sakripisyo, pagpapalaya, pag-ibig at kalayaan. Darating ang panahong mababawasan ang ating pagkatao tulad ng Buwan ngunit ang pagtitiwala sa buhay at oras ang bubuo sa atin.

"Nagagalak akong makita kang muli."... sa pagkakataon kung saan hindi na tayo muling susubok pa na angkinin ang bawat mundong humahadlang sa ating dalawa.

Sa kabila ng masakit na katapusan, habang-buhay kong dadalhin ang katotohanang minsan siyang naging bahagi ng aking alaala at ng aking pangakong maghihintay sa bawat bukas. Habang-buhay...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro