
Kabanata 6
Kabanata 6: Pulseras
"Bago ka lang dito, Iko?"
Hindi siya kumibo. Tinapunan niya lamang ako ng tingin. Tumikhim ako. "Ngayon lang kasi kita nakita kaya—"
"Pacifico..." Suminghap siya habang pinagmamasdan akong tulala sa kaniya. "Iyon ang ngalan ko."
Pamilyar talaga siya sa akin lalo na ang mga mata niya. Ilang taon ba akong nawala at bakit halos malimutan ko na ang lahat dito?
Bumuntong-hininga ako. Marahil iniisip ko lang ang lahat at hindi ko naman talaga kami nagkita noon dahil imposibleng hindi ko siya makilala kung sakali.
"Nauna nang umuwi ang... nobyo mo. Hindi ka pa ba susunod sa kaniya? Marahil ay hinahanap ka na sa inyo."
Manghang nag-angat ako ng tingin nang magsalita siya. Umiling ako. "Hindi ko siya nobyo," pagtanggi ko.
Nakita ko ang pag-iisang linya ng kaniyang labi. "Ang mayamang iyon?"
"H-hindi naman ako tumitingin sa yaman ng isang tao."
Natahimik siya saglit pero nanatili sa akin ang tingin, tinitimbang ang ekspresyon ko. "Kung ganoon... maaari ba sa iyo ang isang tulad ko?"
Napakurap-kurap ako. Dumilim ang kaniyang mukha at umiling. "Hindi mo naman iyon kailangan sagutin. Nagbigay lamang ako ng halimbawa."
Tumayo ako nang ambang aalis na siya. "Puwede naman... ang tulad mo, Pacifico..."
Dahan-dahan siyang tumango, may paglalaro sa mga mata. Ngumiso siya, pinipigilan ang ngiti. Napangiti ako.
'Delikado, Ceres.' sabi ng munting tinig sa aking isipan na maya-maya ko nang nadidinig magmula noong... nakita ko siya.
"Oh? Maayos na ba ang iyong lagay, Senyorita Ceres?" bungad ni Mang Ruben na may paghihinalang sumulyap kay Pacifico.
Pinigil ko ang ngiti nang nag-iwas ito ng tingin. "Mabuti na po. Nais ko na po sanang umuwi... kung—" Tinanaw ko si Pacifico na lumabas na ng kubo. "—ayos lang po. Nag-aalala na po si Elena."
"Oo naman, Senyorita. Ihahatid ka ni Iko."
Inakay ako ni Mang Ruben palabas. Nadatnan namin doon si Pacifico na hila ang isang batang kabayo. Naglahad siya sa akin ng kamay. Malamig ang kaniyang palad at napansin niya iyon dahil nagtagal ang tingin ko.
"B-bitawan mo na."
Nagkatinginan kami kaya nag-iwas ako ng tingin at sinubukang sumampa. Dapat ay kaya ko na iyon nang mag-isa dahil mababa lang naman ngunit nahirapan pa rin ako dahil na rin siguro sa sugat.
Kinabig niya ang aking baywang at itinaas ako. Sumakay siya sa likod. "Ayos lang ba ito? Pasensya na," bulong niya.
"Ayos lang naman, Pacifico. Bakit naman hindi?"
"Amoy-pawis ako, Senyorita. Kagagaling lamang sa trabaho."
Ngumuso ako at binalewala ang paghuhuramentado. "Hindi naman, Pacifico at... gusto ko nang umuwi."
Nasundan pang muli ang pagbisita ko sa tubuhan. Lagi kong naabutan doon si Pacifico, abala siya sa mga alagang baka. Tanaw ko lamang siya mula sa kubo at kung minsan naman ay kinakausap ko.
Hindi ko nga alam kung alam niyang nandoon ako. Tahimik lamang kasi siya at hindi palakibo. Ngunit may mga pagkakataon namang dinadaluhan niya ako at binibisita sa kubo.
At mula sa araw-araw kong pagbisita roon, hindi ko na namalayang nag-ugat na sa aking puso ang kaniyang presensiya at pagiging misteryoso.
"Mamá, may... mga bago ba tayong... trabahador?"
Kumunot ang noo ni Mamá sa aking tanong. Tumigil muna siya saglit sa paggagantsilyo at binalingan ako.
"Wala naman, anak. Bakit mo naitanong?" tugon niya.
Tumikhim ako at ngumiti. "Hindi po ba bago iyong kasama ni Mang Ruben Cendaña?"
Lumiwanag ang mukha niya at mahinang natawa. "Si Pacifico ba kamo? Matagal na iyon dito."
Tipid akong tumango at natulala sa librong binabasa. Kung ganoon ngang dati pa siya rito, bakit ngayon ko lamang siya nakita? O hindi lamang ako ganoong nagbibigay ng atensyon sa ibang bagay kaya hindi siya napapansin tuwing bumibisita sa tubuhan?
Nag-angat ako ng tingin kay Mamã nang balisang nilapag niya ang ginagawa at nagtataka akong tinignan.
"Ceres... 'Wag mo sabihing..." iling niya.
Batid ko ang nais niyang iparating at maging ako ay nabahala. Unti-unti nang dumudulas ang aking pagkakapit sa pangakong hindi naman ako ang bumigkas.
Ngumisi ako at isinara na ang librong hawak. "Hindi, Mamá. Wala akong gusto sa kaniya... Tanging gusto ko lamang ay magpasalamat dahil tinulungan niya ako noong nakaraang bumisita kami ni Aurelius sa ating tubuhan," paliwanag ko, sinusubukang alisin ang isiping iyon kay Mamá.
"Akin lamang ipinapaalala sa iyo, Ceres. Ayaw ko lamang na magkaroon ng dahilan ang iyong Papá na kamuhian ka."
Yumuko ako at nilisan na ang tanggapan. Ako ay dumiretso sa komedor. Naabutan ko roon si Elena na nagluluto ng bibingka. Sumabog ang nakatatakam na amoy niyon nang dumating ako.
"Sana'y nabiyayaan din ako ng galing sa kusina katulad mo, Elena," naiinggit kong bungad.
Nilingon niya ako at tipid na ngumiti. Lumapit ako sa kaniya. Nakasandal sa marmol na lutuan, pinanood ko ang napakahusay niyang pagluluto.
"At ano naman ang maaaring maging dahilan niyon, Ceres? Ang pagkahulog nang tuluyan sa iyo ni Aurelius?"
Humagikgik siya nang masilayan ang simangot ko. "Hindi kami ang nagpasya ng aming magiging kapalaran, Elena. Kaya't wala kaming nararamdaman para sa isa't isa." Nagkibit-balikat lamang siya, hindi tinanggap ang paliwanag ko.
Hindi maalis ang tingin ko sa kaniyang ginagawa kaya mahina siyang natawa. "Halika at tuturuan kita," turan niya.
Naging mahirap para sa akin iyon. Ilang ulit na nasunog ang bibingka kaya ilang ulit ko ring nadinig ang nang-iinsultong tawa ni Elena. Imbes na mainis dahil sa paulit-ulit na pagtuturo, labis niyang ikinatutuwa kapag nagkakamali ako.
"Makukuha mo rin iyan, Ceres. Tiyaga lamang ang iyong kailangan," pagsuporta sa akin ni Elena.
Nahihiya akong ngumiti at kinagat ang pang-ibabang labi nang nakita niyang may mga paso ako sa kamay. Sana ay hindi maputol ang pasensya niya sa akin dahil gusto ko talagang matutong magluto.
Nagpatuloy ako kahit nahihirapan na. Ang mga sunog na bibingka ay itinapon na lamang dahil wala namang kakain ng mga iyon. Sa huling salang ay naging mas maayos kaysa sa mga nauna.
Kinagatan ni Elena ang isa. Kinakabahan kong hinintay ang kaniyang reaksiyon at nang tumango siya at sumenyas na ayos na, malaki ang ngiti ko at mahigpit ko siyang niyakap.
"Salamat, Elena! Patawad din kung lubha akong mahirap turuan," sabi ko.
Nakangiti siyang umiling. "Natutuwa akong turuan ka, Ceres. Hayaan mo't sa ibang araw ay tuturuan ulit kita." Masaya akong tumango at hiniling na dumating na ang araw na iyon.
Magkatulong naming ibinalot ang mga bibingka sa isang magarang sisidlan. Nilagyan pa namin iyon ng pulang lasong nagsilbing palamuti.
Nagpasalamat pang muli ako kay Elena bago umakyat sa aking silid. Gumayak ako at nagbihis. Plano kong pumunta sa tubuhan kaya sinuot ko ang asul na collared, ribbed top at itim na bell-bottom jeans. Pinaresan ko iyon ng puting sinturon at leather ankle boots. Itinali ko rin ang paborito kong panyo sa aking buhok para masinop niyon ang mahabang alon-alon kong buhok na umabot na hanggang sa aking baywang.
Dala-dala ang ginawang bibingka, pumunta ako sa kuwadra. Nadatnan ko roon si Pitoy na tagapangalaga ng aming mga kabayo.
"Magandang umaga, Senyorita Ceres. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?" magalang nitong bungad nang makita ako.
"Magandang umaga rin sa iyo, Pitoy. Maaari bang makahiram ako ng isang kabayo? Ako ay bibisita sa tubuhan."
Naging mailap ang kaniyang mga mata at alam ko nang hindi niya ako papayagan. "P-patawad, Senyorita. Ngunit mahigpit na bilin ni Senyorito Cesar na huwag kayong pagagamitin ng kabayo," paliwanag nito.
Bumuntong-hininga ako at naalala ang istriktong kapatid. "Kailangan ko talaga ng kabayo, Pitoy. Ngunit kung ang pagpayag sa aking kagustuhan ay siyang magiging dahilan ng pagkagalit sa iyo ng aking kapatid, hindi ko na ito ipipilit pa."
Napansin kong bumagsak ang balikat niya, marahil dismayadong hindi ako napagbigyan. Wala namang problema sa akin iyon. Sa susunod ay magpapaalam na lamang ako kay Kuya Cesar para pahintulutan na.
Ngumiti ako nang tipid at nilisan na ang kuwadra. Napagpasyahan ko na lamang na maglakad. Maayos na naman ang aking kasuotan kaya tiyak na makararating na ako roon nang matiwasay.
Nangingiti ako tuwing nasusulyapan ang ginawang bibingka. Kaaya-aya iyong tignan sa simple ngunit magarang lalagyan. Sana ay sapat na itong pasasalamat para sa kaniya.
Nang makarating na sa tubuhan, dumiretso ako sa kubo at sumilip roon. Walang tao kaya inilibot ko ang tingin sa paligid. Natanaw ko si Mang Ruben na papunta sa aking kinaroroonan.
"Senyorita Ceres! Nabisita po ulit kayo?" bungad nito sa akin.
Nahihiya akong tumango. "Akin po sanang pasasalamatan si Pacifico sa panggagamot sa akin noong nakaraan."
"Naku, Senyorita! Nasa bayan ngayon si Iko at may binibili."
Alinlangan akong ngumiti at sumulyap sa loob ng kubo. Nakita ko roon ang bakanteng katre.
"Maghihintay na lamang po ako rito sa loob... kung maaari," tugon ko.
"Sige po, Senyorita. Kung may kailangan po kayo ay nasa labas lamang ako."
Tumango ako at bahagyang yumuko. Nang makaalis na si Mang Ruben ay pumasok na ako sa kubo.
Umupo ako sa katre at inilapag sa aking tabi ang bibingka. Walang problema kung maghihintay ako dahil ako naman itong may sadya at utang na loob. Kapag dumating na rin naman siya ay iaabot ko lamang itong dala at lilisan na pagkatapos magpasalamat.
Pwede rin namang magtagal ako kapag naibigay na para sa munting kumustahan o kahit anong maisipan naming pag-usapan. Marapat lamang na makilala ko siya nang lubusan, hindi ba? Dahil mahalaga sa aming mga Veridiano ang saloobin ng aming mga kinasasakupan tungkol sa aming pamamalakad.
Maaaring tanungin ko siya kung mayroon bang dapat na baguhin dito sa tubuhan. Napansin ko kasing kulang sa tamang materyales ang mga itinayong tahanan ng aming mga manggagawa. Maipaparating ko iyon sa aking mga magulang para mabigyan ng kaukulang aksiyon.
Nag-angat ako ng tingin nang maramdamang may pumasok. Magkasalubong ang kilay na nakatayo sa entrada ng kubo si Pacifico, dala ang kaniyang mga pinamili.
Sinalakay kaagad ng kaba ang aking dibdib kahit iaabot ko lang naman ang inihanda.
Kinakabahan akong umayos ng tayo. Lumapit ako nang kaunti pero sapat lang ang distansya sa pagitan namin.
Inilapag niya ang mga dala sa lamesang naroon. Nagsalin siya ng tubig sa kaniyang baso at uminom.
Tumikhim ako. "M-magandang umaga..."
Sumulyap siya as aking banda. Tipid niya akong tinanguan at inilapag na ang baso. "Magandang umaga," tugon niya.
Umawang ang bibig ko at napakurap-kurap nang madinig na naman ang baritono niyang boses. Kapwa naman buo ang tinig nila ni Aurelius pero hindi ko mawari kung bakit naghuhuramentado ako sa tuwing nadidinig siyang nagsasalita.
Marahil siguro ay palagi siyang tahimik kapag nariyan ako. Lagi ko siyang naaabutang nakangiti sa tuwing nakikipag-usap sa iba ngunit pagdating sa akin ay malamig siya. Sinusubukan ko namang kuhanin ang kaniyang loob ngunit tila ayaw niya sa aking siyang ipinagtataka ko.
Napansin kong bumaba ang tingin niya sa aking dala kaya dahan-dahan ko iyong inangat at inilahad sa kaniya.
"T-tanggapin mo ito, pasasalamat ko para sa naging tulong mo sa akin."
Nagtagal ang tingin niya roon bago sinalubong ang tingin ko. "Nag-abala ka pa. Hindi naman ako mahilig sa mga ganito," turan niya, hindi pa rin tinatanggap ang aking pasasalamat.
Bigla akong nahiya at masyado pa ngang nag-abala para lamang rito. Sapat na naman ang simpleng pasasalamat lamang. Ngunit naisip ko kasing ayos lamang na maghanda dahil hindi naman siya humingi ng kapalit at nais ko ring maglaan ng oras para rito.
Nagdadalawang-isip kung ibibigay ko pa ba ito, umatras ako at nahihiyang yumuko. "A-ayos lang... kung hindi mo tatanggapin. Nais ko lamang magpasalamat."
Humakbang siya palapit kaya umatras ulit ako. Ngunit kinain ng malalaking hakbang niya ang distansya namin.
Inabot niya ang sisidlan mula sa akin. "Kukunin ko..." sabi niya.
Napangiti ako nang kaunti at pinaglaruan ang mga daliri. Bumaba ang tingin niya roon
Lumunok siya at tumalikod sa akin. "Umupo ka sa katre," utos niya. Kaagad ko iyong sinunod kahit nagtataka.
Nalaman ko lamang ang kaniyang pakay nang lumapit siya sa akin na may dalang panggamot.
Kinuha niya ang kamay ko at sinuri iyon. Nag-igting ang panga niya. Dinampian niya iyon ng bulak na may malamig na likido.
Suminghap ako kaya napatingin siya sa akin. Nahihiyang nagbaba ako ng tingin, hindi makayanan ang mga mata niya.
Binitawan niya na ang aking kamay kalaunan. Nanatili ang tingin niya roon.
"Ikaw ang gumawa?" tukoy niya sa bibingkang ibinigay ko sa kaniya.
Tumango ako. "N-nagpatulong ako."
Tumayo na siya at iniligpit ang mga gamit. Hindi pa rin ako gumagalaw roon, napako ang tingin ko sa kaniya.
Umupo siya sa lamesa at inilabas mula sa bayong ang kaniyang mga pinamili. Naging interesado ako nang makitang mga palamuti iyong kadalasan ay inilalagay sa pulseras.
Batid niyang nakuha niya ang aking atensyon kaya sinulyapan niya ang upuang nasa kaniyang harap. Naintindihan ko naman ang kaniyang nais mangyari kaya lumapit ako roon at umupo.
Maayos niyang isinalansan ang bawat palamuti at ang tansi. Pinagbukod-bukod niya ang magkakapares ng disenyo.
Umangat ang gilid ng aking labi nang simulan niya nang gumawa ng isa. Ang mga kulay na ginto at puti ang salitan niyang inilusot sa tansi. Nakaukit sa lahat ng iyon ang tila dalawang hugis-suklay na buwan. Ang isa sa dalawang iyon ay nasa ibaba ng isa pa at nakaharap sa kaliwa. Tahimik ko lamang siyang pinagmasdan habang seryosong nagpapatuloy.
Ibinuhol niya na iyon nang matapos. Napangiti ako sa kinalabasan. Nakahahalina ang kombinasyon ng kulay at disenyo.
Umangat ang tingin ko sa kaniya nang maglahad siya sa akin ng kamay. Kumunot ang noo ko.
"Ang iyong kamay..." turan niya.
Tipid akong tumango at inabot sa kaniya ang aking kamay. Nabigla ako nang isuot niya sa akin ang ginawang pulseras. Bumagay iyon sa maputi kong balat.
"Napakaganda..." bulong ko.
Dinama ko sa aking mga daliri ang bawat pirasong naroon. Nang magtagal na ay hinubad ko na rin iyon.
Inabot ko sa kaniya iyon pero umawang lamang ang bibig niya at bahagyang napalunok. Bumaba ang tingin niya sa ginawang pulseras na nasa mga kamay ko pa rin.
"Sa iyo iyan..." tukoy niya sa pulseras.
Nanlaki ang mga mata ko at mahinang natawa. Nahihiya ko siyang tinignan. Seryoso lamang siya habang pinagmamasdan akong isuot muli iyon.
Nginitian ko siya. "S-salamat. Napakaganda nito."
Tipid siyang tumango at binasa ang labi. Itinabi niya na ang mga palamuti. Hindi matanggal ang tingin ko sa pulseras na ibinigay niya. Simple lamang iyon ngunit naguumapaw ang tuwa sa puso ko.
Tumayo na ako kalaunan. Dapat na akong bumalik dahil tiyak na hinahanap na ako ni Mamá.
Napansin niyang handa na akong umalis. Sinamahan niya ako sa paglalakad. Tahimik kami at ang tunog lamang ng aming mga yabag ang madidinig.
Hindi ko na namalayang nakabalik na kami. Natanaw ko si Elena, nakadungaw mula sa bintana at nagtatakang pinagmasdan ako.
Ngumiti ako kay Pacifico. "Salamat ulit dito," saad ko at iniangat ang kamay para makita niya ang gawang pulseras.
Tumango lamang siya kaya kinagat ko ang pang-ibabang labi at itinuro ang daan papasok.
"M-mauna na ako. Mag-ingat ka."
"Bibisita ka ulit?" tanong niya.
Hindi ko inaasahan iyon kaya natigilan ako. Hindi ako nakasagot agad kaya mahina siyang tumango.
Doon ako natauhan. Mabilis akong umiling at ibinalik ang ngiti. "B-bibisita ako, Pacifico." Tinitigan ko siya.
"Maghihintay ako, kung ganoon."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro