Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5

Kabanata 5: Mata

"Sa tingin mo, may pag-asa ba?"

Idinikit ko ang mga palad sa aking pisngi at bumuntong-hininga. Ang aliwalas ng pakiramdam ko kanina dulot ng mga pagkaing inihanda ni Elena pero dahil sa itinanong niya, bumigat ang dibdib ko.

"Hindi ko alam... Siguro?" sagot ko.

Dismayado siyang napailing. "Ang akala ko ba ay nagkakamabutihan na kayo?"

Kinagatan ko ang turong hawak. "Hindi mahirap maibigan si Aurelius."

"O, iyon naman pala! Anong pumipigil sa iyo?"

Ano nga bang pumipigil sa akin? 

"Nagtatampo ka pa rin ba kay Gobernador Carlos dahil hindi niya muna inalam ang nais mo?" Humalukipkip siya.

"Nang... hihinayang lang ako, Elena. Marami pang pagakataon para sa pagpapakasal. Marami pa akong plano para sa sarili ko."

"Hindi mo iyan maiisip kung mahal mo ang taong ipakakasal sa iyo," diretsong komento niya.

Natahimik ako. Siguro nga ay tama siya. Hindi pa ako lubusang nagtitiiwalang gagana ang pagsasama namin kung ang umpisa ay hindi kaaya-aya para sa kahit sinong pinangarap na pakasalan ang taong mahal nila.

Pagkatapos ng pag-uusap namin ay tumungo ako sa balkonahe at nagbasa ng libro. Nawawala kasi ang mga bumabagabag sa akin sa tuwing may binabasa. Tila ba wala akong dapat na alalahanin maliban sa intindihin ang mga salita.

Nahinto lamang ako nang naramdamang may nagmamasid sa akin. Nag-angat ako ng tingin at nadatnan si Aurelius na nakasandal sa hamba.

Tipid akong ngumiti. "Aurelius..."

Naglahad siya ng kamay na tinanggap ko naman. "Saan tayo pupunta?" tanong ko habang binabaybay namin ang labas ng mansyon.

Ipinagsiklop niya ang aming mga daliri at ngumisi. "Sa inyong tubuhan."

Basa ang lupa patungo roon kaya bahagya akong nahirapan sa paglalakad lalo na't sandalyas ang sapin ko sa paa. Kung alam ko lamang na dito kami tutungo ay nagsuot ako ng bota.

Napatingin ako kay Aurelius nang payungan niya ako. Pinagpapawisan na rin siya dahil sa init pero ako lang ang pinasukob niya.

"Sumilong ka rin," utos ko.

Ngumiti lamang siya at umangat ang kaniyang kamay na may hawak na panyo. "Maaari ba?' 

Kumunot ang noo ko dahil hindi alam ang itinutukoy niya pero tumango na rin kalaunan. Napakurap-kurap ako nang punasan niya ang pawis ko sa noo. Seryoso lamang siya habang ginagawa iyon.

"Punasan mo rin ang iyo."

Umiiling siya. "Magagamit mo pa ito mamaya."

"Maaari mo rin namang gamitin iyan!"

"Hahawa ang pawis ko rito at kailangan mo ng panyo para mamaya kaya..."

Umawang ang bibig ko at pinigilan ang kaniyang paglalakad. Kinuha ko mula sa kaniya ang panyo. Ako na mismo ang nagdampi niyon sa kaniya. "Ayos lang, Aurelius." Nakitaan ko ng multo ng ngiti ang kaniyang labi.

Hindi ko alam pero tila may gumuhit na sakit sa aking puso. Bakit hindi ko mapagbigyan gayong mabuti naman siyang tao?

Sinalubong kami ni Mang Ruben na may pinapakaing baka. "Magandang tanghali, Senyorita Ceres... Senyorito Aurelius..."

Binati rin naman siya. Sinabi namin ang aming pakay at agad niya naman iyong tinugunan. Inilibot niya kami sa mga taniman at sa kamalig. Inaya niya rin kami sa kubong nagsisilbing pahingahan nila.

Mas basa ang lupa papunta roon kaya nahirapan ako sa paglalakad. Dumagdag pa ang mga putik na naipon na sa aking sandalyas.

"Kaya niyo po ba, Senyorita?" tanong ni Mang Ruben nang nakalayo na siya at napag-iwanan na ako.

Nag-angat ako ng tingin at tumango. Makapal na ang putik sa aking paa kaya huminto ako saglit. Inilibot ko ang tingin at nakitang may piraso ng patpat doong maaari kong gamitin pantanggal ng putik para maayos akong makalakad. Mahirap nga lamang abutin iyon dahil may kalayuan at kailangan ko pang yumuko.

Humakbang ako ngunit imbes na makaayos ng tayo ay bumulusok ako pababa! Naramdaman ko ang hapdi sa aking tuhod at sa palad. Nabahidan na rin ng putik ang aking suot na bistida.

"Senyorita Ceres!" narinig kong tawag sa akin ni Mang Ruben.

Napapikit ako nang sumigid ang hapdi. Tinignan ko iyon at nakitang nagdudugo nga.

Dinaluhan ako ni Aurelius at ni Mang Ruben. Nang makita ni Aurelius ang kalagayan ko, binuhat niya ako sa kaniyang mga bisig. Nakita kong nahawahan na ng putik ang suot niya.

"Nadumihan ka na," bulong ko.

Umiling siya. "Mahihirapan ka."

"Dalhin na natin siya sa kubo. Mayroong katre roon," turan ni Mang Ruben.

Nakakahiya at naging pabigat pa ako sa kanila. Nakayuko ako at sinandal ang noo sa balikat ni Aurelius.

Nakarating na kami sa kubo. May bakante ngang katre roon. Inilapag ako ni Aurelius at sinuri ang mga sugat ko.

Tumayo siya nang tuwid nang pumasok na si Mang Ruben na may kasamang lalaki na tila pamilyar sa akin. Pilit kong inalala kung nagkita na kami noon ngunit kahit anong gawin ko, hindi ko talaga siya matandaan.

Mas matipuno ang pangangatawan noon at mas matangkad kay Aurelius. May kahabaan ang tabas ng kaniyang buhok.Makakapal ang mga magkasalubong niyang kilay na tila lahat ng bagay ay nagpapairita sa kaniya. Moreno at prominenteng naka-igting ang panga. Tawag-pansin din ang maliit na bitak sa kaniyang baba.

"Tatawag ako ng manggagamot," si Aurelius na sinulyapan akong awang ang mga labi.

Natauhan ako at iniwas ang tingin sa bagong dating. "K-kaya ko, Aurelius. Ako na lang ang gagamot dahil may alam naman ako sa mga ganitong bagay, hindi ba?"

Akala ko ay pagbibigyan niya ako ngunit naging matigas ang ekspresiyon niya. "Magpapatawag ako ng manggagamot."

Hindi ko napigilan ang pagtawa dahil maliit na sugat lang ito kung tutuusin at para sa iisang tulad kong nag-aaral ng medisina, simpleng bagay na lamang ang pagdalo rito. 

"Sige na, Aurelius."

Hindi niya ako pinansin at bumaling kay Mang Ruben. Naroon pa rin ang binata kanina, malamig kaming pinanonood at pinaglalaruan ang labi gamit ang likod ng kaniyang kamay.

Umiling si Mang Ruben sa pakiusap ni Aurelius. "Hindi na kailangan. Maalam itong si Iko sa panggagamot."

Madilim akong sinulyapan niyon. Napalunok ako at nagbaba ng tingin. Dinaluhan ako ni Aurelius na bakas na ang pag-aalala sa mukha.

"Ayos lang ba sa iyong siya na lamang ang tumingin sa iyong sugat?" tanong niya.

Sa gilid ng aking mata ay natanaw kong papalapit na sa aming puwesto si Iko. Tipid akong ngumiti at tumango.

Walang nagawa si Aurelius kundi tumabi at bigyang daan ang binata. Umayos ako ng upo. Lumuhod siya sa aking harap.

Hindi niya ako tinitignan. Nilihis niya nang kaunti ang laylayan ng aking bistida para makitang mabuti ang sugat. Inangat niya ang aking binti at ipinatong iyon sa kaniyang hita.

Nanigas ako bigla. Nakabibingi ang pintig ng puso kong banyaga sa akin. Nakaliliyo ang pakiramdam na iyong ilang taon ko ring hinanap.

Suminghap ako nang mag-angat siya sa akin ng tingin, tila napansin ang pagkatigil ko.

"Ibababa ko. Sabihin mo kung hindi ka komportable," bulong niya.

Umawang ang aking bibig at dahan-dahan akong umiling. Dumulas ang tingin niya sa akin at bumalik iyon sa aking tuhod.

Umigting ang panga niya. "Ito lamang?" mahinang tanong niya.

Umiling ako at nanghihinang ipinatong sa aking hita ang likod ng kanang kamay para makita niya ang gasgas sa aking palad.

Nanatili ang matalim na tingin niya roon. Inabot niya ang palangganang may lamang tubig sa kaniyang gilid. May tela roong nakababad at ilang halaman.

Dinampian niya ng basang tela ang aking palad. Nakaramdam ako ng hapdi kaya nahila ko nang kaunti ang kamay kong hawak niya.

Umangat ang tingin niya sa akin kaya nagtagpo ang mga mata namin. Inilapit niya ang aking kamay sa kaniyang labi at hinipan ang sugat. Nanghina ako lalo at kung walang sinasandalan, baka tuluyan na akong bumulusok pababa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro