Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 33

Kabanata 33: Lihim na Pagtangis ng Kasalukuyan

[Ika-17 ng Pebrero, taong 1986]

"Sister Margarette, nariyan na po ba ang mga bata?" tanong ko.

Tumango siya at iginiya ako sa loob. "Kanina ka pa nila hinihintay, Sister Ceres."

Nang natanaw ako ay nagsitakbuhan ang mga bata at nag-uunahang makapag-mano sa akin. Mahina kaming natawa ni Sister Margarette dahil sa nasaksihan.

"Sister! Bakit ang tagal mo po?" si Lorraine na matagal na rito sa bahay-ampunan.

Musmos pa lamang siya noong iniwan dito ng kaniyang mag magulang. Maraming may gustong kumuha sa kaniya pero siya mismo ang may ayaw. Nais niya raw hintayin ang mga tunay niyang magulang dahil naniniwala siyang babalikan siya ng mga ito. Naantig ako sa istorya niya kaya nakipag-ugnayan ako kay Sister Margarette upang dito makapagturo.

"May inasikaso lamang ako, Lorraine. Magsisimula na tayo."

Marami akong natutunan sa ilang taong nagdesisyon akong tahakin ang bokasyong ito. Nang mawala si Pacifico, Diyos ang kinapitan ko at kailanman ay hindi niya ako iniwan.

Kaya nang bumalik si Tiya Fatima sa Maynila, sumama ako at pumasok sa kumbento. Hindi gaanong naging madali pero dahil kasama ko ang Diyos, napagtagumpayan ko at ngayon ay isa nang ganap na madre.

Madaming bagay ang iniwan ko upang maging isang madre. Isa na roon ang pagkalayo ko sa aking pamilyang labis na nag-alala nang malaman ang balak ko ngunit dahil kasama ko naman si Tiya Fatima, pumayag na rin sila. Hindi naman ako nabigo dahil sinuportahan nila ako.

Naranasan kong makarating sa iba't ibang lugar sa loob ng bansa at maging sa ibang panig ng mundo upang magturo. Iyon ang misyon ko dahil kasapi ako sa tradisyunal na pamayanang apostoliko.

"Muli tayong magkikita, hindi ba? Pupunta ulit ako rito," sabi ko dahil nag-iyakan sila nang natapos na ang klase namin sa araw na iyon.

Nagdaos kami ng maliit na seremonya para sa pagtatapos dahil ito na rin ang huling araw ko rito. Naatasan akong bumalik ng Maynila at doon muling magturo. 

"Dito na lang po kayo, Sister! Huwag ka na pong umalis!"

Ngumiti ako at lumuhod upang magpantay kami ni Lorraine. "Babalik ako. Pangako," sagot ko.

Lalo siyang umiyak. "Nadinig ko na rin iyan mula kina Itay at Inay pero hanggang ngayon, hindi pa rin sila bumabalik!"

Umawang ang bibig ko at naalalang may isang taong nangako ring babalik pero hanggang ngayon, wala pa. Ayoko siyang makalimutan kaya kahit masakit, araw-araw kong inaalala ang mga pangako niya. Nagbabaka-sakali ako na sa pamamagitan niyon, malaman niyang hinihintay ko pa rin siya ngunit ngayon... hindi na para sa aming dalawa.

Niyakap ko si Lorraine at tinahan. "Mahalaga sa akin ang mga pangako, Lorraine. Babalik ako."

Nilapitan ako ni Sister Margarette at kinuha na si Lorraine. "Maraming salamat, Sister Ceres. Laging bukas ang tahanang ito para sa iyo. Hihintayin namin ang muli mong pagbisita," aniya, may tipid na ngiti.

Tumango ako at sinulyapan si Lorraine na umiiyak pa rin. "Sister, kayo na po ang bahala sa kaniya. Kapag hindi bumalik ang mga magulang niya sa pang-pitong kaarawan niya, tawagan ninyo po ako. Handa po akong tumulong upang mahanap ang kaniyang mga magulang."

"Makakaasa ka, Sister Ceres."

Bitbit ko ang aking mga gamit habang pumapanhik sa bus na sasakyan ko pabalik ng Maynila. Inaasahan na ni Tiya Fatima ang aking pagdating kaya tiyak akong susunduin niya ako sa terminal.

Si Tiya Fatima ang naging gabay ko sa pagpasok sa kumbento. Siya ang naging mentor ko at sa tuwing pinanghihinaan ng loob, ikinukwento niya sa akin ang kaniyang mga karanasan noong nagsisimula pa lamang siya. Lubos ko siyang nakilala at itinuturing na ring sarili kong ina.

"Maligayang pagbabalik! Natutuwa akong makita kang muli," salubong sa akin ni Tiya Fatima.

Tinulungan niya ako sa pagdala ng aking mga gamit. Nagtaka nga lamang ako nang mapansing may kasama siya. Kadalasan kasi ay mag-isa lamang siyang nag-aabang sa akin sa tuwing uuwi ako.

Napansin niya naman iyon kaya ipinakilala sa akin. "Hindi ko pa pala siya naipakikilala sa iyo. Siya si Idris Abrazar, isa sa mga sponsor sa pagpapagawa ng dormitoryo."

Agad akong naglahad sa kaniya ng kamay na tinanggap naman niya. "Nagagalak akong makilala ka. Ako si Sister Ceres Veridiano."

Bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata nang binanggit ko ang aking pangalan. "Icarus..."

Paanong kilala niya si Senyor Icarus? Matagal nang patay iyon at malayo ang Maynila sa aming lalawigan upang makarating pa sa kaniya ang pagkakakilanlan nito.

Kahit naguguluhan, sumagot pa rin ako. "Siya ay aking ninuno. Maaari ko bang malaman kung paanong kilala mo siya?"

Tipid itong ngumiti pero bakas pa rin ang pagkabigla sa kaniyang mukha. "N-nagkataon lamang siguro, Sister Ceres."

Hindi na niya ako kinausap pang muli kaya tinigilan ko na rin ang pag-uusisa. Marahil nagkataon nga lamang ang lahat pero bakit may iba akong nararamdaman?

"Nakauwi ka na pala," si Sister Salome na naging matalik kong kaibigan sa loob ng kumbento.

"Oo. Nakakapanibago nga dahil ngayon lamang ulit ako nakauwi pagkalipas ng ilang buwan."

Ibinalik ko ang aking mga gamit sa loob ng silid naming dalawa rito sa dormitoryo. Mas nauna sa aking maging madre si Sister Salome kaya binibigyan niya rin ako ng mga payo maliban kay Tiya Fatima.

Habang tinulungan ako ni Sister Salome sa pag-aayos ng aking mga gamit ay pumasok sa aming silid si Tiya Fatima.

"Nakapagtataka. Bigla na lamang nawalan ng kibo si Idris pagkatapos kausapin ka. Anong nangyari?"

Nagkibit-balikat ako. Maging ako ay hindi rin alam ang dahilan pero may kutob akong may kinalaman iyon kay Senyor Icarus.

"Hindi ko rin mawari kung bakit nagkagano'n siya," sagot ko na lamang.

Nakipagkwentuhan sa amin si Tiya at nabanggit ko rin sa kanila ang tungkol kay Lorraine at sa mga magulang nito.

"Minsan na rin akong napunta sa isang bahay-ampunan upang magturo at nakausap ko ang mga bata. Labis silang nangungulila sa kanilang mga tunay na magulang kaya naiintindihan ko ang saloobin mo, Sister Ceres," ani Sister Salome.

"Sana nga ay matulungan mo siya. Siya nga pala, may ipinabibigay na sulat ang iyong Mamá."

Bumaling ako kay Tiya Fatima nang may inabot siya sa aking papel. Binuklat ko ito at binasa. Doon ko nalaman ang kasalukuyang sitwasyon nila.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro