Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 30

Kabanata 30: Heneral

Marahas akong hinigit ni Aurelius patungo sa loob ng selda. Napalingon sa amin ang mga sundalong bantay pero nang pinaningkitan ng mata ni Aurelius ay agad nag-iwas ng tingin at inabala ang mga sarili sa ibang bagay.

Sa tantiya ko ay higit dalawampu ang nakakulong doon, kabilang ang mag-amang Cendaña. Madami ang nalagas sa panig ng mga rebelde at sila lamang ang mga natira. Ngunit hindi ba maituturing na kamatayan na rin ang pagpapahirap sa kanilang ito?

Lalo lamang ako naluha nang matanaw ang mga tao roong halos bumagsak na sa sobrang panghihina. Bagsak na ang kanilang mga ulo at paos na sa kakahiyaw. May natanaw pa akong halos sumayad na ang tuhod sa sahig sa tuwing hinahampas.

"Itigil ninyo 'yan!" sigaw ko, galit at umiiyak.

Nagtawanan ang mga sundalo at ipinagpatuloy lamang ang pagpapahirap sa mga rebelde. Ngumisi si Aurelius at itinapat ako kay Pacifico na halos hindi na makatingin sa akin.

Habol niya ang kaniyang hininga at mariing napapapikit sa tuwing nalalatayan. Nag-iwas ako ng tingin.

Mahigpit akong hinawakan ni Aurelius at pilit pinapaharap kay Pacifico. Hindi ko kayang manood kaya nanatili akong nakapikit.

"P-pakiusap, Aurelius. Itigil mo na to."

Humalakhak siya at bumulong. "Nagsisimula pa lang tayo, Ceres."

Umiling ako at nagpumiglas ngunit nasaktan lamang ako dahil sa pagbaon ng kaniyang mga kuko sa aking balat.

"Matigas ang ulo ni Ceres. Dagdagan ninyo ang parusa ng isang iyan," tukoy nito kay Pacifico.

Sumigaw ako nang may dumalong isa pang sundalo at nilatigo rin si Pacifico. Hinang-hina na siya, ang mga mata ay tuluyang nakapikit at nakakuyom ang mga nakataling kamay.

Gusto kong tumakbo palapit sa kaniya at siya ay yakapin ngunit hindi ako pinapakawalan ni Aurelius na tuwang-tuwa sa nangyayari.

Salitan ang paghataw ng dalawang sundalo kay Pacifico. Halos magwala ako sa tuwing nakikita ko ang pagtalsik ng dugo mula sa kaniyang likod.

"Nagmamakaawa ako, Aurelius..."

Sumenyas siya nang madinig ako. Tumigil ang dalawang sundalong iyon, nag-aabang sa sasabihin ng amo.

Inangat nito ang aking mukha at hinaplos. Ngumisi ito, kinuha ang latigo mula sa isa. Agad akong napailing nang mapagtanto ang nais niyang mangyari.

"Ikaw ang magparusa sa kaniya, Ceres," utos nito.

Inilahad niya sa akin ang latigong may bakas ng dugo ni Pacifico. Nagtagis ang ngipin ko at kinuyom ang mga palad.

"Ayoko! Hinding-hindi ko iyan gagawin!"

Pinilig niya ang ulo at matalim akong tinignan. "Ayaw mo?

Hindi ako sumagot at pinantayan ang titig niya. Nanlaki ang mga mata ko nang siya mismo ang naghataw ng latigo!

Sinubukan ko siyang pigilan ngunit dinaluhan ako ng dalawang sundalo at hinawakan sa magkabilang braso. Mas malakas ang kaniyang paghagupit kaya nagsimulang manginig ang katawan ni Pacifico.

"Tumigil ka na! Pakiusap!"

Marahas itong bumuga ng hangin at binitiwan ang latigo. Nilapitan niya ako kaya awtomatiko akong pinakawalan ng dalawa sa aking gilid.

"Hindi ako makapapayag na sa iba ka mapupunta, Ceres. Kung hindi sa akin, wala nang iba," ngisi nito.

Tumalikod ito at pinatigil na ang iba pang sundalo. Kinalagan na rin nila ang mga rebelde. Agad na bumagsak ang mga ito nang matanggal na sa pagkakatali. Namilipit sa sahig ang iba samantalang, may ilan ding nawalan ng malay.

Kinalong ko si Pacifico at pinagmasdan siyang pilit na minumulat ang mga mata. Umiling ako, mapait na ngumiti.

"M-matulog ka muna," mungkahi ko rito.

Nanghihina pa rin, sinubukan niyang umiling. "N-nanga-ko... a-ako na... m-makikita...ka sa susu-nod m-mong... p-pagbisita..."

Bumagsak ang balikat ko at niyakap siya. Nanlalabo ang aking paningin ngunit nakita ko pa ang pagsilay ng munting ngiti sa kaniyang labi bago tuluyang pumikit.

Nag-angat ako ng tingin nang may lumapit sa aking sundalo. Malungkot itong ngumiti nang maharap ko.

"P-patawad, Senyorita Ceres. Sinubukan kong itakas siya nang madinig ang planong ito ngunit nahuli kami."

Nakilala ko siya nang nagkuwento. Siya ang sundalong pinsan ni Elena na pinakiusapan naming magbantay kay Pacifico.

"Tomas! Akala mo ba'y makaliligtas ka? Isang daang hataw ng latigo bilang parusa!" sigaw ni Aurelius na nakamasid pala sa amin mula sa labas.

Nanlaki ang mga mata ko at sinundan ng tingin ang pagkaladkad palabas sa pinsang iyon ni Elena. Sinunod nila akong pinalabas kahit nagpupumiglas ako.

Binitawan nila ako nang maharap kay Aurelius. Inangat ko ang kanang kamay at hindi napigilan ang pagsampal sa kaniya.

Nanatiling nakaharap sa gilid ang kaniyang mukha. Nagtagis ang bagang ko. Ngumisi siya bago muli akong hinarap.

"Umuwi ka na. Nakita mo na ang hinahanap mo," aniya.

Wala ako sa sarili habang naglalakad pabalik sa ospital. Napapatingin sa akin ang mga kasabay dahil tuloy-tuloy lamang ang lakad ko kahit may nabubunggo na.

"Ceres? Anong nangyari? B-bakit may dugo ka?" si Elena na nakasalubong ako.

Inakay niya ako at pinaupo. Walang emosyon ang aking mukha ngunit patuloy ang pagbagsak ng aking luha.

"N-nakita ko siya... h-halos ikamatay ko, Elena."

Inalo niya ako nang humagulgol sa kaniyang balikat. Tahimik lamang siya hanggang tumigil na ako.

"Kumusta si Kuya Cesar?" tanong ko.

Bumuntong-hininga siya. "Nakatulugan ang paghihintay sa iyo."

Ito na ba ang bayan ko? Hindi ko ito kilala at tila isa akong bagong-dating na banyaga, estranghero at hindi pamilyar sa karahasang namamayani.

"Pinarurusahan nila ang mga rebelde sa pamamagitan ng latigo. A-ang iyong pinsan... sinubukan niyang itakas si Pacifico kaya pinarurusahan din siya."

Nanlaki ang mata ni Elena. "A-ano?"

Napayuko at mariing napapikit. "P-patawarin mo ako, Elena. Sana'y hindi na ako nandamay pa ng iba rito," bulalas ko.

Hindi siya nakakibo. Wala siya sa wisyo kahit nang mag-tanghalian ngunit kahit ganoon, inasikaso niya pa rin ako at binigyan ng makakain. Nagpalit muna ako ng damit bago dumalo sa pagkain. Sumalo sa amin si Tiya Fatima at Mamá.

Maging sila ay nagtataka sa pagiging tahimik nito pero dahil napansin ang hindi magandang sitwasyon, hindi na lamang nagsalita.

"Hindi ba sasabay sa ating kumain si Papá?" pag-uusisa ko nang napagtantong hindi siya kasama.

Kapwa natigilan sina Mamá at Tiya Fatima. Nagkatitigan sila kaya kumunot ang noo ko, nagtataka sa kanilang ikinikilos.

Tumikhim si Tiya Fatima at nag-iwas sa akin ng tingin. "Pagkatapos basahin ang libro ni Cesar, bigla na lamang siyang umalis. Tutungo raw kay Heneral Arnulfo."

Naibaba ko ang mga hawak na kubyertos at napatayo. Nakalayo agad ako kaya kahit dinig ang pagtawag sa akin, hindi na ako bumalik. Malalaki ang aking mga hakbang patungo sa tahanan ng tusong heneral.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro