Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 3

Kabanata 3: Talon

Magaan kong sinusuklay ang aking buhok nang pumasok si Mamá sa aking silid. May dala siyang isang baso ng gatas. Inilapag niya iyon sa aking harap.

"Anak, alam kong may agam-agam ka tungkol sa inyong kasal ni Aurelius," panimula niya.

Natigil ako, kung kaya't ibinaba ko ang suklay at tumitig na lamang sa aking repleksiyon sa salamin. Nagkatinginan kami roon ni Mamá.

Kinuha niya sa akin ang suklay at siya na mismo ang gumamit noon sa akin. "Maaari ko bang malaman ang saloobin mo, anak ko?" Ngumiti siya.

Napakurap-kurap ako, gulat na nais niyang malaman ang aking opinyon. Akala ko ay hindi na mahalaga sa kanila iyon.

Suminghap ako. "Mamá, musmos pa lamang po ako ay alam ko nang sagrado ang kasal. Kaya sa munting pag-iisip, tinatak ko na sa aking dapat ay pahalagahan ko ito." Tumigil ako at saglit siyang sinulyapan.

Nakikinig siya kaya nagpatuloy ako. "Ipinangako ko sa aking sarili at sa Diyos na hindi ako magmamadali at titiyakin kong mahal ko ang aking mapapangasawa. Panghabang-buhay itong desisyon na maaaring magdikta ng aking hinaharap. Kaya ninais ko na ako mismo ang makahahanap ng siyang aking makakasama. Ngunit kung ito ang gusto ni Papá, dalangin ko sa Maykapal na Siya na lamang ang magpasya para sa akin," dagdag ko.

Hinarap niya ako. Nagtagpo ang aming paningin at nakitaan ko siya ng awa para sa akin. Niyakap niya ako at kinintalan ng halik sa noo.

"Kung ganoon, dalangin ko sa Panginoon ang iyong kapayapaan," bulong niya.

Maaga akong nagising kinabukasan dahil sa ilang tawag at katok sa labas ng pintuan. Kahit inaantok pa, pinagbuksan ko ang tao roon.

Nadatnan ko si Elena na aligaga at kinakabahan. Nagliwanag lamang ang kaniyang mukha nang masilayang gising na ako.

"Magdali ka, Ceres! Nariyan si Aurelius sa ibaba! Hinihintay ka!" bungad niya.

"A-ano? Kanina pa siya?"

"Oo. Bilisan mo!"

Sinalakay ng munting kaba ang aking dibdib. Nabigla ako kaya dali-dali kong isinara ang pinto kahit naroon pa si Elena.

"Tumatakbo ang oras, Ceres! Hindi mo gugustuhing paghintayin ang iyong mapapangasawa!" sigaw ni Elena sa labas.

Lalong bumilis ang pintig ng aking puso. Sinubukan kong kumalma. Bumuntong-hininga ako at nagsimula nang maligo.

Minabuti kong bilisan para hindi ako mapagalitan ni Papá. Suot ang bulaklaking bistida, nagmamadali akong bumaba.

Nang matanaw ko sina Papá at Aurelius na may pinag-uusapan sa aming tanggapan, bumagal at naging mabini ang aking mga hakbang.

Nasulyapan ako ni Aurelius kaya matikas siyang tumayo. "Magandang umaga, Ceres," bati niya.

Tumayo rin si Papá nang lapitan ko siya. Humalik ako sa kaniyang pisngi. "Magandang umaga. Paumanhin at natagalan ako." Nakayuko ako at pinaglalaruan ang mga daliri.

"Kayo'y mag-agahan na, Ceres. Inihanda na ni Elena ang lamesa. Pagkatapos ay ipasyal mo si Aurelius sa ating lupain," utos ni Papá.

Inayos niya ang pomada ng buhok, naghahandang pumasok sa opisina. Tumango ako sa kaniyang sinabi.

Bumaling siya kay Aurelius na nasa akin ang tingin. "Maiwan ko na kayo, Aurelius. Ipauubaya ko na sa iyo ang aking anak. Kailangan na ako ng mga taong-bayan." Bumuntong-hininga ako.

Yumuko si Aurelius. "Ako na po ang bahala kay Ceres, Gobernador Carlos. Mag-ingat po kayo sa daan," tugon niya.

Nakangiting tinapik siya ni Papá sa balikat, natutuwa sa kaniyang sinabi. Lumisan na si Papá kaya naiwan kaming dalawa. Walang kumikibo sa amin. Nakaramdam ako ng pagkailang dahil hindi naalis ang tingin niya sa akin.

"Mangangalay kayo kung maghapon kayong tatayo riyan," si Elena na may nanunuyang ngiti sa labi.

Umawang ang aking bibig at pinamulahan ng pisngi. Hindi ko magawang mag-angat ng tingin kay Aurelius dahil natatakot akong makita ang reaksiyon niya.

Iginiya na kami ni Elena sa komedor. Nang makaupo na si Aurelius ay hinatak ako ni Elena palayo. "Kausapin mo siya, Ceres. Walang mangyayari kung ganito lamang kayo," mariing bulong niya.

Umiling ako at sumulyap kay Aurelius na naghihintay doon. Nang bumaling akong muli kay Elena ay napabuntong-hininga na lamang ako.

"Susubukan ko..."

Nakangiti siyang tumango at sumenyas na daluhan ko na si Aurelius. Mabagal ang bawat hakbang ko pero nang nilingon niya ako ay halos takbuhin ko ang lamesa.

Sumilay ang multo ng ngisi sa kaniyang labi kaya tumikhim ako. Isa na namang napakalaking kahihiyan, Ceres.

"P-paumanhin kung pinaghintay kita. Kumain na tayo," turan ko.

Magkatapat kami ng upuan ni Aurelius. Maliliit ang aking mga subo dahil hindi ko pa rin nakalilimutan ang nangyari kanina. Nakakahiyang naabutan pa niya akong nag-aalinlangan kung lalapit sa kaniya.

Doon ko lamang siya napagmasdang mabuti. Katamtaman lamang ang kaniyang kulay, nasa gitna ng pagiging mestizo at moreno. Prominente ang kaniyang panga. Matangos ang ilong at maliit ang labi. Matikas ang kaniyang pangangatawan na tingin ko'y dahil sa pagsasanay. Matangkad ng kaunti sa kaniya si Kuya Cesar kaya hindi ako nagmumukhang nakababata niyang kapatid kahit pa nakaupo.

Nauna akong matapos na kumain sa kaniya. Pinanood ko ang napaka-pormal niyang pagkain. Kitang-kita sa kaniya ang pagiging sundalo. Mahigpit siguro ang naging pagsasanay nila kaya nahubog silang maging pormal at kagalang-galang.

Pinunasan niya ang labi pagkatapos. Nagtagpo ang tingin namin kaya madali akong nag-iwas ng tingin.

"Nalaman ko kay Papá na may malapit na talon dito sa inyo. Kung gusto mo ay maaari tayong mamasyal doon upang palipasin ang oras."

Naisip kong maganda nga iyon upang may pagkaabalahan kami. Tumango ako at sinulyapan si Elena na kararating lamang. Dumaan ito sa aking likod at bumulong.

"Siya na ang nag-aya. Sumama ka."

Tipid akong ngumiti at iminuwestra kay Aurelius ang daan palabas. "T-tama ka. Halina't ipapasyal kita roon," sabi ko, sumang-ayon sa plano ni Elena para magkaroon ng pag-usad ang samahan namin.

Darating kaya ang panahong magugustuhan ko rin siya? Hindi madaling diktahan ang puso. Ito mismo ang pumipili kung kanino ito titibok. Kaya masyado pang maaga para masabi kung matututunan ko nga siyang mahalin lalo na't... kahit pumayag, hindi ko pa rin matanggap ito.

Ang talon ay matatagpuan pagkatapos ng tubuhan. Dulong bahagi iyon ng aming lupain kaya napagpasyahan naming sumakay sa kabayo para mapabilis ang aming pagdating doon.

Natakot ako nang tumapat na sa akin ang isang itim na kabayo. Hindi ako marunong dahil hindi ako hinahayaan nina Mamá at Kuya Cesar na sumakay rito.

Bumaling sa akin si Aurelius nang mapansing nagdadalawang-isip ako. "Tutulungan kitang makasampa," sabi niya.

Hinawakan niya ang aking baywang. Bumaba ang tingin ko roon ngunit hindi niya naman iyon napansin. Itinaas niya ako hanggang sa makasakay na.

Patagilid akong umupo. Sunod siyang umakyat. Kinabig niya ang tali at ekspertong pinatakbo ang kabayo.

Hindi mawala ang pangamba kong baka mahulog pero dahil nakapalupot ang braso niya sa akin, napanatag ako nang kaunti.

Abala ang nga trabahador sa palayan. Natanaw kong nasira ang patubig kaya inaayos iyon. Kapag natatanaw kami ng iba ay kumakaway kaya nginingitian ko sila at kinakawayan pabalik.

Bumaba sa akin ang tingin ni Aurelius kaya nagtagpo ang paningin namin. Umawang ang bibig niya at napalunok. Ibinalik niya na rin naman agad ang mata sa dinaraanan.

Katulad ng inaasahan, mabilis kaming nakarating sa talon. Kakaiba iyon dahil pula ang tubig, mistulang dugo. Pinaliligiran iyon ng mga puno. Malamig ang tubig na patok tuwing tag-araw. 

Nauna siyang bumaba bago naglahad ng kamay sa akin. Tinanggap ko iyon at tumalon. Mataas ang pagitan kaya muntik na akong matumba. Inalalayan lamang ako ni Aurelius kaya napaayos ng tindig.

"Mag-ingat ka," aniya.

Tumango ako. Magkatabi kaming umupo sa isang malaking tuyong bato. May ilang palitan din kami ng salita kaya hindi ganoong naging patay ang atmospera.

"Hindi niyo ba narating ito ni Felipe nang mag-ikot kayo noong aking kaarawan?" tanong ko.

Umiling siya habang pinagmamasdan ang pagbagsak ng tubig. "Madilim na noon kaya hindi na kami tumuloy."

Natigil kami nang may madinig na kaluskos. Sabay naming nilingon iyon at nadatnan si Mang Ruben na isa sa mga tagapangasiwa ng tubuhan. Malaki ang ngiti nito habang papalapit. Dala niya sa kaniyang magkabilang braso ang mga prutas na inani.

"Senyorita Ceres, mabuti at nakadalaw kayo," bungad niya.

"Ipinasyal ko po si Aurelius, Mang Ruben."

Nakangiti siyang tumango at inabutan kami ng hilaw na mangga. "Kayganda talaga nitong talon."

"May alamat pa nga ito. Noong una ay simple lamang itong batis. Minsang nanirahan dito ang isang diwata. Nahulog ang loob niya sa isang tao ngunit ipinagbabawal ang kahit anong relasyon ng mga engkantada sa mundong ito. Ganunpaman, ipinaglaban nila ang kanilang pagmamahalan ngunit isinumpa ng pinuno ang mortal kaya ito ay nasawi. Pumunta ang diwata sa itaas ng bundok at ginilitan ang kaniyang sarili dahil hindi niya kinaya ang sakit ng pagkawala ng minamahal. Umagos ang kaniyang dugo mula sa tuktok kaya sumibol ang talon."  kwento niya.

Naaliw naman kami dahil sa mga kinukwento niya. Ilang sandali pa ay nagpaalam na siya.

"O, siya. Mauna na ako at madami pang aanihin."

Ngumiti ako at tumango. Ganoon din si Aurelius. Naiwan kaming dalawa roon. Maya-maya pa ay hinubad niya ang suot na pang-itaas. Nanlaki ang mga mata ko at nahihiyang napayuko.

Naramdaman ko ang pag-iinit ng aking pisngi hanggang sa madinig ko ang pagbagsak niya sa tubig. Hindi ako makatingin sa kaniya ng diretso kahit batid kong nakapako sa akin ang kaniyang mga mata dahil kitang-kita ang kaniyang katawan sa malinaw na tubig.

Pinaglalaruan ko ang aking mga daliri habang lumalangoy siya. Niyakap ko ang aking tuhod nang bahagya siyang lumapit sa akin.

"Gusto mo na bang umuwi?' tanong niya.

Umiling ako. "N-naliligo ka pa..."

"Pwede naman na akong umawat. Ayokong mainip ka. Baka mamaya ay... maisip mong pababayaan lamang kita kapag naging mag-asawa na tayo."

Ngumisi ako at ipinatong ang baba sa mga palad. "Iyon nga ba ang gagawin mo?" balik ko sa kaniya, nanghuhuli at nanunuya.

"Maiiwan ka minsan sa bahay dahil sa trabaho ko pero dadating naman ako kapag tinawag mo. Ayos lang ba iyon sa iyo?'

Bahagyang umangat ang magkabilang balikat ko kasabay nang hindi siguradong iling. "Hindi mo ba naiisip na baka magsawa ako kung ganoon nga ang mangyayari?"

"Hindi ka magsasawa at ganoon din ako sa iyo. Makikita mo, pananatagin kita, Ceres."

Nawala ang ngisi ko. Pumungay ang mga mata ko habang pinagmamasdan siyang masikap na sinasagot ang mga tanong ko. "Paano naman ako makasisigurong tutuparin mo ang mga iyan?"

"Pakasalan mo ako."

Naumid ang dila ko. Sinuklay niya ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri at bumalik sa pagsisid. Natulala lamang ako roon hanggang sa umahon siya.

Kumuha siya ng lakas sa kaniyang mga braso at inangat ang sarili. Tumutulo pa ang tubig mula sa kaniyang buhok. Napaiwas ako ng tingin.

Nilingon ko lamang muli nang tumikhim siya. Naabutan ko siyang bihis na at mataman akong tinitignan.

Halos ilang dangkal lamang ang pagitan namin kaya naduduling ako. Bumaba ang mga mata niya sa aking labi. Napalunok ako at mariing napapikit.

Naulinigan ko ang mahina niyang pagtawa. Naestatwa ako nang maramdaman ang paglapat ng labi niya sa tuktok ng aking ulo. "Saka na lamang, misis ko," bulong niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro