Kabanata 22
Kabanata 22: Nagkukubli sa Dilim
Agad nagpulasan ang mga tao nang madinig ang pag-alingawngaw ng putok ng baril. Kunot-noong binalingan ni Hepe Magallos ang mga kasamang pulis sa pag-aakalang sa kanila nanggaling iyon.
Pilit kong sinalubong ang bugso ng mga tao upang makapunta sa harap kahit halos magkasakitan na ang bawat isa dahil sa pagmamadaling magtungo sa ligtas na lugar. Tanaw ko si Kuya Cesar na buhat-buhat ang duguang si Mamá. Si Papá naman ay inagaw ang baril ng katabing pulis at sinuyod ng tingin ang paligid.
Tinakbo ko ang kinaroroonan nila. "Diinan mo ito!" si Kuya Cesar na ipinaubaya sa akin si Mamá nang nai-deposito niya na ito sa likod ng sasakyan.
Hindi ko na napigilan ang lumuha nang makita ko ang kalagayan ni Mamá. May tama siya ng bala sa kanang gilid ng tiyan na patuloy ang pagdudugo.
Sinusubukan niyang magbigkas ng salita ngunit dahil sa labis na panghihina, nahirapan siya. Nakatingin sa akin ang mga luhaang mata niya habang lumalapit pa ako nang sa ganoon ay madinig siya.
"A-ang... iy—ong P-papá?" bulong nito na halos hindi ko na madinig dahil sa lakas ng kabog ng dibdib ko.
Umiling ako at lalong napahagulgol. "N-naiwan po."
Bigla kong naisip na ganoon siguro kamahal ni Mamá si Papá para isipin niya pa ito sa gitna ng sitwasyong nanganganib ang buhay niya. Kahit ipinagkasundo lamang sila ng kanilang mga magulang, minahal niya ito ng tunay at buo na imposible sigurong mangyari sa akin kung natuloy ang kasal namin ni Aurelius.
Hindi na inayos ni Kuya Cesar ang pagkaparada ng sasakyan at nagmamadaling binuhat muli si Mamá. Kapwa kami tumakbo papasok ng ospital.
Nang makita ang sitwasyon namin ay agad tumalima ang mga nars. Inihiga nila si Mamá at dumating naman ang doktor.
Hindi ko na nasundan ang mga pangyayari dahil sa panlalabo ng paningin na dulot ng mga luha. Natanaw ko na lamang na ipinasok nila sa isang silid si Mamá habang naiwan naman kami ni Kuya Cesar sa pasilyo.
Nakasalampak kami sa sahig at tulala, hindi alintana ang mga nanunuring tingin ng bawat dumadaan. Ilang oras ang hinintay namin bago lumabas ang doktor sa silid na pinagdalhan kay Mamá.
Parang napapaso kaming tumayo ni Kuya Cesar at agad na nilapitan ang doktor. May maliit na ngiti ito sa labi nang sinalubong kami.
"Sa awa ng Diyos ay wala namang naapektuhan sa loob ng kaniyang katawan. Matagumpay na rin naming natanggal ang bala," imporma niya sa amin.
Kapwa kami nakahinga ng maluwag ni Kuya Cesar nang madinig ang balita niya. Inilipat na sa isang pribadong silid si Mamá na kasalukuyang nagpapahinga. Hindi pa rin siya nagigising magmula kanina.
Inaayos ko ang mga pinadalang pagkain ni Kuya Cesar nang tumawag siya kay Elena kanina nang marahas na bumukas ang pinto. Iniluwa niyon si Papá na habol ang hininga at magulo ang buhok.
Lumambot ang bukas ng kaniyang mukha at nanghihinang nilapitan si Mamá. Napaawang ang bibig ko nang napaluhod siya at humagulgol habang hawak ang kamay nito.
Sinulyapan ko si Kuya Cesar na nag-iwas ng tingin sa dalawa. Napabuntong-hininga na lamang ako at ipinagpatuloy ang pagsasalansan ng mga pagkain.
Sa araw ring iyon bumisita si Hepe Magallos sa ospital. Kinumusta niya ang kalagayan ni Mamá at nagdala rin ng mga prutas.
"Gobernador Carlos, nahuli na po ang bumaril kay Senyora Cleofe. Kasalukyan siyang nasa aming istasyon," bulalas nito na may nagmamalaking ngiti.
Umismid si Papá. "Bantayan nang maigi upang hindi makatakas."
Nawala ang ngiti ng hepe at tumango na lamang. Hindi na rin siya nagtagal. Nagmamadaling umalis matapos supalpalin ni Papá.
Napatingin ako kay Kuya Cesar na tumayo, bitbit ang susi ng sasakyan. Sinalubong niya ang mga mata ko.
"Uuwi muna ako. Walang kasama si Elena."
Tumango ako at hinayaan siya. Naiwan kaming dalawa ni Papá na patuloy ang pagbabantay kay Mamá.
Gising kami sa magdamag hanggang sa paggising ni Mamá. Napaluha pa ako nang sa wakas ay nagmulat na ito ng mata.
Hindi pa siya hinayaan ng doktor na makalabas kahit nagkamalay na. Patuloy pa rin daw ang ilang gamot at palagiang bisita ng doktor hanggang sa maging maayos na ang kalagayan niya.
"Hanggang ngayon pa rin ba ay natatakot ka?" ngisi ni Mamá sa asawang nakabantay habang pinapakain ko siya.
Hindi nawala ang pagkakakunot ng noo at halukipkip ni Papá. Magi-isang linggo na rin kami sa ospital at unti-unti nang bumubuti ang lagay ni Mamá.
Bumuntong-hininga si Papá nang hindi siya tinantanan ng nanunuksong tingin ni Mamá. Ako naman ay pinanonood lamang sila, naiilang na.
"May tatawagan lang ako," paalam ni Papá bago lumabas ng silid.
Nagpalipas pa kami roon ng dalawang araw bago tuluyang pinahintulutan ng doktor ang pag-uwi ni Mamá. Sa bahay ay alagang-alaga siya at hindi pinapakilos kahit nagpupumilit.
Hindi rin siya makapuslit palabas ng kwarto niya dahil bantay-sarado ni Papá. Naiiwan naman siya kay Elena kapag wala kami. Tulad ngayon, tutungo kami sa istasyon ng pulis upang tignan ang tinutukoy nilang bumaril kay Mamá.
Naabutan namin si Hepe Magallos na nagbibigay ng sermon sa ilang pulis. Natigil lamang siya nang natanaw kami nina Papá at Kuya Cesar na papalapit.
"Gobernador Carlos! Nabisita po kayo?" bungad nito sa amin, malaki na naman ang ngiti.
Tinaguan siya ni Papá at tinukoy ang pakay namin. Iginiya niya kami sa loob ng istasyon nila at nakita ang lalaking nahuli nila.
Maskulado at may burda sa katawan. Nakasalampak siya sa loob ng selda, nakangising pinagmamasdan kami.
"Mga Veridiano! Buhay pa naman si Senyora Cleofe, bakit sinusugod niyo na agad ako?"
Kumuyom ang mga kamao ko dahil sa sinabi niya. Si Papá naman ay hindi nagpaapekto samantalang sinusubukang pigilan ni Kuya Cesar ang kaniyang galit.
"Sino ka?" tanong ni Papá sa kalmado ngunit puno ng awtoridad na boses.
Lumaki ang ngisi nito. "Umpisa pa lang ito, Veridiano. Kapalit ng lahat ng pagmamatigas mo."
Nanlaki ang mga mata ko nang madinig ang sinabi niya. Maging sina Papá at Kuya Cesar ay natigilan din.
Biglang bumalik sa akin ang mga sulat na nanggaling sa taong iyon, ang hinalang pinuno ng organisasyong naglalayong tapusin ang dinastiya ng mga Veridiano.
Sino ba ang misteryosong taong iyon na nasa likod ng pagkamatay ni Roselia at pagbaril kay Mamá?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro